Chapter 6
"DESIREE?" PANAY KATOK pa rin sa 'kin ni Mama rito sa kwarto. "Hindi ka pa ba tapos d'yan?"
"Opo, lalabas na po, Ma." Minadali ko na ang pagtitirintas nitong buhok ko. Tapos inabot ko na ang itim kong sling bag at mabilis na lumabas.
"Ano ba 'yan." Nakapamaywang pa si Mama sa 'kin. "Kanina pa naghihintay ang Kuya Baron mo."
"Opo, sorry po. Ito na po."
"Ba't ba kasi ang tagal-tagal mong mag-ayos? Sa palengke lang naman ang punta niyo."
Hindi na lang ako umimik. Ni-lock ko na pinto ng kwarto ko at tumuloy na sa labas.
Pinabibili kasi ako ngayon ni Mama ng mga gulay sa palengke. Hindi niya mautusan si Ate Hanna dahil marami itong customers na inaasikaso. Sabado kasi ngayon, puno ang mga kwarto ng resort namin. Hindi rin nga makaalis si Mama.
Laking tuwa ko na lang dahil nagprisinta si Baron na samahan ako sa palengke bago siya pumunta sa FRANCO. Hindi ako makapaniwalang ginawa niya 'yon. Actually, hindi ko nga alam ba't niya ginawa 'yon.
Ang bilis namang pumayag nina Mama at Papa. Mas okay raw dahil may kasama ako, hindi ako mababastos sa palengke. Pinagamit pa nga ni Papa kay Baron ang motor namin.
Tuwang-tuwa talaga ako. Makakasama ko na naman siya, at aangkas pa ako sa motor na siya ang nagda-drive. Parang kagabi lang binigyan niya ulit ako ng chocolate, tapos ngayon magkasama naman kaming mamamalengke.
'Yon nga ang dahilan kung bakit ako natagalan sa pag-aayos sa kwarto. Hinanap ko pa kasi ang maayos kong maong shorts. Ito ang suot ko ngayon pati ang pang-itaas na ibinigay sa 'kin dati ni Ate Gwen. T-shirt lang naman 'to na parang maluwag. Style raw 'to sabi ni Ate.
Pagkalabas ko ng bahay namin, nakita ko na agad si Baron na nakatayo malapit sa motor ni Papa.
Naninigarilyo na naman siya. At wala pa siyang suot na t-shirt. Nakalantad lahat ng mga tattoo niya sa katawan, pati muscles at abs niya.
Hindi nga ako makatingin sa kanya nang deretso, e. Pa'no ba naman kasi, masyadong low waist ang suot niyang maong shorts. Kita ko tuloy ang garter ng briefs niya. Kulay itim. Si Baron ang laswa, hindi man lang nag-belt.
Pero sa totoo lang, sa bawat araw na nakikita ko siya, parang mas lalo siyang nagiging pogi at cool sa paningin ko.
Tulad ngayon. Weirdo pakinggan, pero ang pogi niya talagang mag-smoke. Naniningkit pa ang mga mata niya sa tuwing nag-i-inhale siya ng usok. Ang ganda rin ng suot niyang cap ngayon. Camouflage ang design. Ilang caps kaya ang mayro'n siya sa bahay?
Hinawi ko na lang 'tong bangs ko at naglakad na papunta sa kanya. Medyo magulo 'tong pagkakatirintas ko sa buhok ko gawa ng minadali ako ni Mama. May mga hibla tuloy na nahuhulog at humaharang sa mga pisngi ko.
Nang mapansin ni Baron na palapit na ako, bigla niya akong sinenyasan na huminto sa paglalakad.
Hindi ko alam kung bakit. 'Yon pala, uubusin kasi muna niya ang stick niya ng sigarilyo. Minamadali niya talaga. Pagkatapos, tinapon niya na agad 'yon sa buhanginan at saka ako sinenyasan na tumuloy nang maglakad. Ang angas pa ng mukha niya habang pinapalapit ako gamit kamay ang niya.
Natuwa naman ako. Concerned talaga siya sa 'kin. Alam na kasi niyang nababahuan ako sa usok ng sigarilyo, e.
Tumuloy na rin ako sa paglalakad. Habang palapit ako sa kanya ay sinusuot niya naman ang itim niyang t-shirt na nakasabit lang sa motor. Ang gwapo niyang magbihis. Tapos biglang nalipat ang atensyon niya sa buhok ko.
Napaisip tuloy ako at baka pangit 'tong tirintas ko kaya niya tinitingnan. Pasimple ko na lang inayos.
Siya naman biglang napangisi. "Marunong ka pala ng mga gan'yang buhok."
"Uhm, opo. Pangit ba?"
"Maganda. Bagay sa 'yo."
Kinilig ako! Akala ko manglalait siya. Ito kasing si Baron minsan ang lakas mang-asar.
Pagkatapos n'on, sumakay na siya rito sa motor. "Turo mo kung saan ang palengke," sabi niya. "Hindi ko alam."
Tumango naman ako. "Medyo malapit lang po 'yon."
First time niya palang makakapunta sa palengke. Akala ko naisama na siya dati nina Mama. Ang lakas niya kasing magprisinta na samahan ako, e, tapos hindi niya pala alam.
Umangkas na ako sa motor. Patagilid ang pagkakaupo ko. Sa 'kin niya pinasuot 'tong helmet tapos nailang na ako kasi hindi ko na alam kung saan ako hahawak. Nahihiya akong yumakap sa baywang niya kaya sa balikat niya na lang ako kumapit.
Nagulat na lang ako kasi bigla niyang inabot ang mga kamay ko para iyakap sa kanya. Medyo nataranta ako, napabawi ako ng mga kamay, pero hinila niya pa rin ang mga 'yon.
"Yumakap ka na," sabi niya. "Mamaya malaglag ka pa r'yan." Tapos ini-start na niya ang motor.
Hala, feeling ko biglang namula ang mga pisngi ko ngayon! Bumilis din ang tibok ng puso ko at nanigas mga kamay ko. Nakakailang. Hindi ako makapaniwalang nakayakap ako sa crush ko.
Mas lalo pa akong napayakap nang mahigpit no'ng pinaandar na niya na ang motor. Nagulat kasi ako. Nakakapa ko na tuloy ang matigas niyang tiyan sa ilalim ng t-shirt niyang manipis. Wala man lang siyang taba, puro siya muscles. At ang bango niya rin. Bagong ligo siya.
Napansin kong bigla siyang nagbaba ng tingin sa mga kamay kong nakayakap sa baywang niya.
Inayos niya ang mga 'yon. "D'yan lang, a. H'wag mong ibababa. Baka kung ano mahawakan mo." Natatawa-tawa pa siya.
Napayuko na lang ako sa hiya ko. Ano ba 'yan si Baron.
WALA PANG THIRTY minutes, nakarating na kami sa palengke.
Pagkaparadang-pagkaparada nga namin malapit dito sa entrance, bumaba na ako kaagad sabay hubad sa helmet at binalik sa kanya. Diyos ko, para akong hihimatayin!
Ang bilis niya palang magpatakbo ng motor. Racer ba siya dati? Kapit na kapit tuloy ako sa kanya. Nananadya yata siya kasi nararamdaman niyang natatakot ako. Next time, hindi na ako aangkas sa kanya. Ikamamatay ko siya, e.
"Saan tayo?" tanong niya naman na sa 'kin.
Sinilip ko lang muna 'tong dala kong listahan ng mga pinabili ni Mama, tapos pinasunod ko na siya.
"Dito tayo, sama ka lang sa 'kin."
Mauuna na dapat akong maglakad kaso tinawag niya pa ako.
"Teka," sabi niya. "Halika nga muna rito."
Sumunod naman ako. Tumapat ako sa kanya. "Bakit po?"
"Ano, ni-reply-an mo ba ang Grant na 'yon?"
Hindi ko alam kung matatawa ako o ano. Naaalala niya pa rin 'yon? Nagpigil na lang ako ng ngiti.
"Opo, ni-reply-an ko. Sabi ko 'hello'."
"Tanginang 'yan." Kitang-kita ko ang pag-angas ng mukha niya. "Talagang ni-reply-an mo pa rin?"
"Opo. Sabi mo wala ka namang pakialam kung reply-an ko?"
"Tsk, bahala ka!"
Iiwanan niya na dapat ako pero inunahan ko siyang tumalikod. "Joke lang po. Hindi ko talaga ni-reply-an." Tapos naglakad na ako.
Natatawa ako sa loob-loob ko. Ang sarap niya palang biruin. Parang ang cute niya kasi 'pag naaasar siya.
Maya-maya lang naman ay humabol na siya sa 'kin. Halos unahan niya na ako maglakad papasok sa palengke.
"Buti naman hindi mo ni-reply-an," sabi niya pa. "Pinakaayoko ang may karibal ako, e."
Natigilan ako. "A-ano po?"
"Wala. Sabi ko bilisan mo. Ayoko ng kasamang babagal-bagal."
Hindi ko na inintindi ang kaninang sinabi niya. Basta tumakbo na lang ako para makahabol, kasi naman, ang laki ng mga hakbang niya. 'Yong lakad niya, jogging ko na, e.
Takang-taka naman siya sa ginawa ko. Kumunot ang noo niya. "Tangina, ba't ka tumatakbo?"
"Ang bilis mo kasing maglakad, e. Bagalan mo po, napapagod ako."
"Para ka talagang bata." Napailing na lang siya. "Dito ka nga sa tabi ko, baka bigla kang mawala r'yan."
Nagpigil ako ng ngiti. Ako pa raw ang mawawala, e mas kabisado ko kaya 'tong palengke kaysa sa kanya. Dapat nga siya ang sumunod sa 'kin kasi hindi niya naman alam dito.
Habang naglalakad kami ngayon papunta sa palaging pinagbibilhan ni Mama, napapansin ko siya na panay ang sulyap sa 'kin.
No'ng una, hindi ko pinapansin. Ano na naman kayang iniisip ng lalaking 'to? Minsan, naguguluhan na ako sa mga kinikilos niya, e. Hindi ko kasi mabasa ang ibig sabihin ng mga tingin niya sa 'kin. Nako-conscious na naman tuloy ako. Baka mamaya, oily na mukha ko.
Hindi na ako nakatiis, tiningnan ko na rin siya. Kaso ang bilis niyang nag-iwas ng mukha no'ng magtama mga mata namin.
"Bakit po?" Nagtanong na ako.
"Anong bakit?"
"Ba't ka po tumitingin sa 'kin?"
Ngumisi siya. "May dumaang seksi. Doon ako nakatingin, hindi sa 'yo."
Ngumuso ako. Akala ko pa naman. Grabe siya, ang bilis ng mga mata niya 'pag may seksing babae. Humahaba ang leeg. At kanina ko pa rin nga napapansin na may mga babaeng tumitingin sa kanya. Kapansin-pansin naman kasi talaga siya, e, dagdagan pa ng mga tattoo niya. Kita pa rin kahit na naka-t-shirt siya, lalo na ang sa leeg at mga braso niya.
Nag-focus na lang ako sa paglakakad. Pero maya-maya lang, naramdaman ko na naman siyang tumingin sa 'kin. This time, sigurado na akong sa 'kin talaga siya nakatingin. Hindi ko naman pinansin. Hinayaan ko lang.
Hanggang sa nagsalita siya. "Hoy, kuting."
Sabi ko na nga, e, nakatingin siya sa 'kin. Lumingon na ako. "Po?"
Kaso nainis naman itsura niya. "Anak ng pating ang puta. Tumigil ka na nga sa kaka-'po' mo. Ayoko nang marinig 'yan."
Muntik ako matawa. Kasi naman, dinamay na niya pati pating.
"Sinasabi mo rin kasi palagi na bata ako, e," dahilan ko. "Kaya nagpo-po ako. Ba't mo ba ako tinawag?"
"May papakita ako sa 'yo." Bigla niyang nilabas ang phone niya. "Bago na wallpaper ko. Tingnan mo." Inabot niya ang phone niya sa 'kin.
Tinanggap ko naman nang nakakunot ang noo ko. Iba na? Hindi na ang magandang babae?
Pinailaw ko ang screen ng phone niya para makita ang sinasabi niyang wallpaper. Tapos napangiti na lang ako nang malapad. Isang kulay white na kuting na ang bago niyang wallpaper! Kinilig ako! Ako ang kuting, a.
Binalik ko na sa kanya ang phone niya pagkatapos. Nakangiti ako. "Ba't mo pinalitan ng kuting?"
"Wala. Trip ko lang." Pinasok niya na ulit ang phone sa bulsa niya.
"Pinalitan mo na ang magandang babae. Ayaw mo na sa babaeng 'yon?"
Tumahimik siya. Parang bigla siyang napaisip kung anong sasabihin niya sa 'kin. Tapos ilang sandali lang, dinukot niya ulit ang phone niya mula sa bulsa.
Tinitigan niya ang sarili niyang wallpaper. "Ang cute ng kuting ko, 'no?"
Pinigilan kong mapangiti nang malapad. Ang cute niya rin. Hindi niya sinagot nang deretso ang tanong ko, pero pinatalon niya pa rin ang puso ko. Kinikilig ako sa mga asta niya. Umaamo na yata ang tigre.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top