Chapter 4
LUMIPAS ANG MGA araw nang hindi ko namamalayan. Masyado kasi akong naging busy sa paghahanap ng trabaho. Ngayong umaga nga ay may pupuntahan akong interview, e. Ang hassle nga lang kasi umuulan.
"Desa, hindi ka ba muna mag-aalmusal?" tanong sa 'kin ni Mama habang nire-ready ko 'tong payong ko at paalis na.
"Tapos na po ako," sagot ko. "Kailangan ko pong umalis nang maaga kasi hahanapin ko pa po ang bangko na pag-a-apply-an ko, e."
"Magpahatid ka na lang sa Kuya Baron mo," sabi naman ni Papa.
Natigilan ako sa ginagawa ko sabay gulat na tumingin kay Baron na nakaupo ngayon sa hapag-kainan. Nakatingin din naman siya sa 'kin.
"Baron, ihatid mo nga si Desa. Baka maligaw," dagdag ni Papa. "Saka mukhang lalakas pa 'yang ulan."
Na-tense bigla ang mga kamay ko! "H'wag na po, Pa. Kaya ko naman."
Nagulat na lang ako at matapos uminom ng tubig ni Baron ay mabilis na tumayo ito mula sa pagkakaupo. Para bang expected na niya 'tong mangyayari.
"Tara," alok niya sa 'kin.
Nanigas na lang ako rito sa kinatatayuan ko nang daanan niya ako.
Teka, seryoso ba talaga siya? Ayoko ngang magpahatid! Iniiwasan ko na nga siya. Tumindi tuloy ang kaba ko. Mas kinakabahan ako ngayon sa ideya na ihahatid niya ako kaysa sa fact na may job interview ako, e.
"Sige na, umalis na kayo," sabi pa ng papa ko. "Baka ma-late ka pa."
Nilingon ko si Papa. "Pa, h'wag na po. Kaya ko naman po talaga pumunta ro'n nang ako lang."
Tumapang ang tingin nito sa 'kin. At kilalang-kilala ko ang tingin niyang 'yon. Ayaw niya 'pag hindi ko siya sinusunod.
Wala na akong nagawa, tumango na lang ako. "Opo."
Tapos walang gana na akong sumunod kay Baron.
Nakayuko lang ako habang naglalakad. Bitbit ko 'tong clear folder case ko kung sa'n nakalagay ang resume ko at ibang mga document.
Ano ba 'yan, hindi tuloy ako mapakali!
Kung kailan namang umiiwas na ako sa kanya, saka pa nangyari 'to. Pa'no ako aasta habang magkasama kami sa sasakyan?
Pero nakakapanibago, parang ang bait niya ngayon. Pumayag pa talaga siyang ihatid ako kung sa'n ako magdya-job interview. Ano kayang nakain nitong lalaking 'to bukod sa longganisa at sinangag na luto ni Mama? Bigla tuloy akong na-conscious sa itsura ko. Maganda naman yata ang suot ko, e. Sabi ni Mama kanina, ayos naman daw.
Naka-itim na pencil cut skirt ako at see-through na long-sleeves na kulay pink. May suot lang akong spaghetti-strapped na sando sa loob. Naka-doll shoes din akong itim na pointed ang dulo. Ang buhok ko naman ay naka-half ponytail lang. Halos matakpan ng bangs ang buo kong noo. Sana okay lang 'to.
Paglabas ko ng bahay, naabutan ko si Baron na inaayos ang mga gamit sa loob ng sasakyan niya. Hindi man lang siya nagpapayong. May kalakasan pa naman 'tong ulan.
Maya-maya lang ay biglang nalipat ang atensyon niya sa 'kin. Bumaba ang tingin niya sa mga hita ko. Grabe siya makatingin! Nahiya tuloy ako, tinakpan ko agad ng clear folder case 'tong mga legs ko. Tapos sinimangutan ko siya.
Ngumisi lang naman siya sabay balik na ng atensiyon niya sa ginagawa niya.
Ako naman ay naglakad na papunta sa sasakyan niya. Dito dapat ako uupo sa likod, kaso bigla niyang tinapik ang nakasarang pinto sa harapan.
"Dito ka umupo sa harap. Ayokong magmukhang driver."
Bumuntonghininga na lang ako. Ang aga-aga, nang-iinis na naman siya. Hindi ko talaga maintindihan ang timpla ng lalaking 'to, e. Minsan okay siya, minsan demonyo siya. May kasalanan pa nga siya sa 'kin. Kung maka-asta siya r'yan parang walang nangyari. Nagkapeklat kaya ako sa siko dahil sa sugat na natamo ko ro'n sa tabing-dagat.
Hinayaan ko na lang. Ayoko na munang isipin, may job interview pa naman ako.
Tumuloy na ako ng sakay rito sa kotse niya. Tinupi ko 'tong basa kong payong tapos nagkabit na ako agad ng seatbelt.
Maya-maya lang ay pumasok na rin siya sa loob. Magkasalubong pa ang kilay niya habang pinapahid ang mga patak ng ulan sa balat niya. Lunes pa lang, pero ang mukha niya ay para nang Biyernes Santo.
"Sa'n ka ba mag-a-apply?" bigla niyang tanong sa 'kin.
Hindi ko siya sinagot. Kinuha ko lang 'tong maliit na papel mula sa clear case ko kung sa'n ko isinulat ang address ng bangko, tapos ay iniabot sa kanya.
Sinilip ko siya. Ang sama ng tingin niya habang binabasa ang nakasulat sa papel. Pati sa papel, ang init ng ulo niya.
"Bangko?" Lumingon siya sa 'kin. "Hindi ko 'to alam."
Napabagsak ako ng mga balikat. "Sabi ko na nga, e. Hindi ka naman kasi taga-rito. H'wag mo na lang po kaya akong ihatid, magko-commute na lang ako. Kaya ko naman."
"Ihahatid nga kita." Binuhay niya na agad 'tong makina ng kotse. "Magtatanong-tanong na lang tayo. Anong oras ba ang interview mo?"
"9 AM po."
Tumingin siya sa orasan dito sa loob. "Maaga pa. Hindi ka male-late."
Hindi na uli ako nagsalita. Habang siya naman ay nag-umpisa nang mag-drive. Hindi ko alam kung saan ang daan namin kasi sabi niya hindi niya naman alam ang bangko. Mamaya niyan, ma-late pa talaga ako, e.
"Anong trabaho a-apply-an mo?" bigla niyang tanong.
"Teller po." Hindi ko siya tiningnan.
"Ah, ang taga-abot ng pera. Ba't ano ba natapos mo?"
"Business Ad po."
"Tsk, ba't ka ba 'po' nang 'po'. Kanina ka pa."
Hindi na ako uli sumagot. Ang bilis talagang uminit ng ulo niya. Pero nakakapanibago, nakikipag-usap siya nang matino ngayon.
Hindi na rin naman siya nagtanong pagkatapos. Ang tahimik na tuloy rito sa loob ng sasakyan. Pinanonood ko lang 'tong ulan sa labas saka kinakabisado ko kung sa'n kami pupunta, para mamaya, hindi ako mahihirapan pag-uwi.
Ang totoo, hindi talaga ako masyadong maalam dito sa Batangas. Hindi kasi ako pala-labas ng bahay, e. Saka hindi rin ako rito nag-aral ng college kaya mas lalo kong hindi nakabisado 'tong lugar namin. Doon ako sa tita ko sa Laguna tumira no'ng nag-aaral pa ako. Tuwing summer at Christmas lang ako nandito dati, tapos nagkukulong lang ako sa kwarto ko madalas.
Wala nga rin akong mga kaibigan dito. Halos lahat kasi ng mga kaibigan ko ay nasa Manila. 'Yong close friends ko no'ng college, nando'n silang lahat. Pati ang best friend kong si Nikola, nando'n. Minsan nga, parang mas gusto ko pa na kina Tita tumira para mas malapit ako sa mga kaibigan ko.
Biglang lumakas ang ulan ngayon. Ang lamig tuloy lalo. Napayakap ako sa sarili ko. Parang nakahalata naman si Baron. Bigla niyang hininaan ang aircon dito sa loob. Pero hindi pa rin siya nagsasalita. Nararamdaman ko lang kanina pa na panay ang sulyap niya sa 'kin.
Tapos maya-maya lang, bumuntonghininga siya. "Desa."
Tiningan ko lang siya. Hindi ako sumagot.
Napansin kong may dinudukot siya sa bulsa ng suot niyang shorts. Paglabas, isang chocolate bar.
Inabot niya 'yon sa 'kin nang hindi tumitingin. "O, chocolate."
Takang-taka ako. Nakatitig lang ako sa binibigay niya, hindi ko tinatanggap.
Sumilip na siya sa 'kin. "Sige na, tanggapin mo."
"Para sa'n po?"
"Kunin mo."
Huminga ako nang malalim tapos tinanggap ko na lang din, pero wala na akong sinabi.
Pinatong ko lang 'tong chocolate sa clear folder case na nasa kandungan ko, tapos tumingin na muli ako sa bintana. Kunwari, nanonood ulit ako sa ulan, pero sa loob-loob ko, hindi ako mapakali. Ba't niya ako binigyan ng chocolate? Ang labo niya talaga.
"Sorry," bigla niya pang sabi.
Napabalik agad ako ng tingin sa kanya. "Po?"
"Sorry sa nangyari no'ng Sabado." Hindi pa rin siya tumitingin sa 'kin. "Hindi dapat kita pinabayaang matumba sa buhanginan. Nasugatan ka?"
Hindi ako sumagot. Bigla ko lang naalala ang sugat sa siko ko dahil tumama ako sa basag na seashell no'ng gabing 'yon. Feeling ko ngayon, biglang kumirot.
"Saka sorry din do'n sa date," dagdag niya. "Hindi kita sinipot. Niyaya lang naman talaga kitang mag-gano'n para hindi ka magsumbong kay Rex. Hindi ko naman alam na kakagat ka pala." Sinilip niya ako. "H'wag ka nang magalit."
Hindi pa rin ako umimik. Pinabayaan ko lang siya. Tumingin uli ako sa bintana.
"Oy, Desa."
Wala pa rin akong imik.
"Desiree."
Nanindig ang balahibo ko kasi first time niya akong tinawag sa buo kong pangalan, pero pinili ko pa ring hindi magsalita.
Parang na-badtrip na naman tuloy siya.
"Tangina, nakikipag-ayos na nga ako. Kung ayaw mo, hindi h'wag. Hindi ako namimilit."
Hindi pa rin ako umimik. Nakakainis, siya pa 'tong mainit ang ulo.
"Saka 'langya, nakakapagod kaya 'yang ginagawa mong ang tipid mong magsalita," dagdag niya pa.
Do'n na ako napabalik sa kanya ng tingin.
"Kaya mo naman po palang makipag-usap nang maayos. Ba't hindi mo pa ginawa dati?"
Kinunutan niya ako ng noo. 'Yon lang, tapos hindi na siya muli nagsalita.
Tingnan mo 'yan, ang bilis-bilis talagang mawala sa mood. Ayaw niyang nilalabanan siya.
Nagbaba na lang ako ng tingin dito sa binigay niyang chocolate. Binili niya lang yata 'to sa tindahan sa kabilang resort, e. Parang hindi naman masarap.
"Thank you sa chocolate," sabi ko na lang.
Kaso, hindi na talaga siya nagsalita. Nag-drive na lang siya. Ang higpit nga ng kapit niya sa kambyo, para siyang nanggigigil.
Hinayaan ko na lang. Gan'yan na talaga siya, e. Wala na akong magagawa sa attitude niya. Pero kahit papaano naman ay gumaan na rin ang loob ko ngayon. Ang tindi ng ginawa niya sa 'kin, though at least nag-sorry siya, at binigyan niya pa ako ng chocolate. Okay na sa 'kin ang fact na nag-effort siya. Madali naman akong i-please.
Humugot lang ako ng malalim na hininga sabay angat na ng tingin sa harapan.
"Sige na nga, bati na tayo. Kahit hindi mo ako sinipot sa date natin."
Bigla siyang natawa nang mahina. "Bati na. Tangina, parang kinder."
Napanguso ako. Hindi talaga siya nawawalan ng mura.
"Saka hindi talaga ako nakikipag-date, pasensya ka na," dagdag niya. "Aksaya lang 'yon sa oras. Pati, uso pa ba 'yon?"
"Para sa 'kin, uso pa 'yon."
"Bakit, anong taon ka ba pinanganak? Ang tradisyonal mo naman."
Tiningnan ko siya sabay simangot. Sakto namang napatingin din siya sa 'kin.
Nagtama ang mga mata namin. Ang haba pala talaga ng pilikmata niya. At para siyang may eyeliner kahit wala naman.
Biglang nawala ang ngiti niya sa labi. Nakakunot na muli ang noo niya. At ewan ko kung ako lang ba, pero parang napatitig siya sa mukha ko. Parang minemorize niya ang mga mata ko, lalo na ang mga labi ko.
"Mukha ka palang pusa, 'no?" sabi niya.
"Pusa?"
Sinilip niya ako uli. "Ah, hindi. Kuting ka lang pala kasi bata ka pa."
"Twenty-two na ako."
"Bata pa rin 'yon. Kuting ka lang para sa 'kin."
"Ikaw nga tigre ka, e. Palagi ka kasing galit. Nagmumura ka pa. Sa isang sentence mo, mga limang mura. 'Yang noo mo, laging nakakunot. May kasalanan po ba ang mundo sa 'yo?"
Bigla niya akong tiningnan nang masama.
Umiwas na lang agad ako. Hala, tigre talaga. Nagalit na naman.
Hindi na ulit ako nagsalita. Pero siya naman 'tong parang nagpapapansin.
"Oy, kuting, hindi ka na galit?"
Tiningnan ko siya. "Ba't mo ako tinatawag na kuting?"
"Wala, gusto ko lang. Hindi ka na ba naiinis sa 'kin?"
"Naiinis pa rin." Dineretso ko.
"Sorry na nga. Hindi na mauulit 'yon."
Tapos naramdaman ko na lang na bumabagal na ang andar ng sasakyan namin. Huminto kami sa tapat ng isang bangko.
Napatuwid agad ako ng upo. "D-dito na?"
"Dito na."
Hala, dito na?
Nilipat ko ang tingin ko sa kanya. "Akala ko ba hindi mo alam?"
"Magaling ako, e."
Pinigilan ko ang ngiti ko. Magaling daw siya. Siguro niloloko niya lang ako. Alam niya naman yata talaga kung saan kami pupunta, e. Medyo malapit lang pala. At sakto naman dahil medyo humina na 'tong ulan.
Nagtanggal na ako ng seatbelt at inayos ang payong at mga gamit ko.
Diyos ko po, kinakabahan na naman ako. Kanina no'ng kausap ko si Baron, wala na akong nararamdamang ganito, e. Ngayon, ito na naman. Kahinaan ko talaga mga job interview.
"Anong oras kita babalikan?" tanong ni Baron.
Nagtaka naman ako. "S-sunduin mo rin ako?"
"Ipasusundo ka sa 'kin ni Rex kaya uunahan ko na. Anong oras?"
Sabagay. Ang papa ko pa? Bantay-sarado 'yon sa 'kin.
"Hindi ako sure," sagot ko sa kanya. "Mga 10:30 siguro? Saglit lang naman yata ang interview ko."
Parang natagalan siya sa 10:30 kasi sumama timpla ng mukha niya.
"Okay lang naman kung hindi mo na ako balikan," sabi ko. "Uuwi na lang akong mag-isa. Kaya ko."
"Tsk, oo na, h'wag ka nang mang-gan'yan. Mag-aantay ako. Sige na, baba."
Tipid akong ngumiti. Ang sungit niya, pero alam kong sinusubukan niya akong kausapin nang maayos.
Binitbit ko na ang mga gamit ko pati 'tong bigay niyang chocolate. Bababa na dapat ako kaso bigla siyang nag-'hoy'.
Nilingon ko siya. "Desa po pangalan ko. Hindi hoy."
"Alam ko."
"Ba't mo ako tinawag?"
Tumingin na uli siya sa harapan. "Wala. Sige na, alis na."
Ang labo niya. Tumuloy na lang ako.
"Desa."
Nilingon ko siya ulit. "Bakit ba, Baron Medel?"
Hindi naman na siya tumingin sa 'kin. Nagsalita na lang siya basta. "Galingan mo sa interview mo. H'wag kang iiyak do'n, kuting."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top