Chapter 3

NAPALINGON AKO SA glass door nitong coffee shop nang muli iyong bumukas.

Akala ko si Baron na ang dumating. Hindi pa rin pala. Sabi niya 2 PM kami magde-date ngayong Sabado, pero alas-kwatro na ngayon, wala pa rin siya. Mukha na akong tanga kahihintay rito sa isang taong hindi ko naman sure kung darating.

Kanina pa nga ako pinagtitinginan ng mga staff dito sa coffee shop kasi ubos ko na ang in-order ko pero hindi pa rin ako umaalis.

Hay. Napangalumbaba na lang ako sa mesa. Inuto lang yata talaga ako ni Baron na ide-date niya ako para hindi ako magsumbong kay Papa, e. Ang salbahe niya. Hindi niya ba alam na sobrang na-excite ako? Nag-ayos pa naman ako ngayon. Sayang lang tuloy 'tong suot ko, hindi niya man lang makikita.

Naka-maong na jumper ako. Mga dalawang inches above the knee ang haba ng palda nito. Ang panloob ko, fitted three-fourths na stripes-stripes at kulay puti at pula. Round neck iyon at medyo may kababaan ang leegan kaya kinailangan kong magsuot ng simpleng kwintas. Partner din 'tong suot ko ng puting flat sandals. Nagplantsa pa ako ng buhok. Sayang effort ko.

Tuluyan ko na lang na sinubsob mukha ko rito sa table.

Maya-maya lang naman naramdaman kong may biglang umupo sa bakanteng silya katapat ng akin. Tiningnan ko agad, akala ko si Baron na!

Pero ibang lalaki pala ang nandito. Though mukha rin itong bad boy.

"Hi, miss." Nginitian niya ako.

Nagtaka lang naman ako sabay lingon sa paligid para hanapin kung saan ba siya nanggaling na table.

"Sorry, I don't usually do this," sabi niya, "pero ang cute mo kasi. Kanina pa kita tinitingnan. Can I have your number?" Nilahad niya phone ang niya.

Nagkunot ako ng noo. Tapos lumingon-lingon uli ako sa paligid. Ako ba talaga ang kinukuhanan niya ng number? Nanti-trip yata 'to. Hindi ko siya pinansin. Binalik ko na lang tingin ko sa labas.

"Sige na, miss. Mabait naman ako, hindi ako nanggu-good time. I just wanna have your number. Gusto kong makipagkaibigan sa 'yo."

Magalang naman ang panghihingi niya at mukha siyang seryoso, pero hindi ako mahilig sa mga ganitong hingian ng number.

"Sorry po," sabi ko na lang. "Hindi po ako nagbibigay ng number, e." Binitbit ko na 'tong itim kong sling bag, sabay tayo.

Hinabol naman niya ako ng tingin. "Po? Ang bait mo naman. Sige, kahit pangalan mo na lang, miss?"

Hindi ko pa rin siya pinansin. Dere-deretso na ako palabas ng coffee shop.

"Suplada naman," bulong niya pa.

Wala na rin naman akong ibang gagawin dito kaya sumakay na ako ng tricycle pabalik ng Jupiter. Lantang-lanta ako rito sa loob ng sinasakyan ko. Nakakalungkot kasi, wala man lang akong napala ngayong araw.


PAGKARATING KO SA resort, dederetso na dapat ako papasok ng bahay kaso natigilan agad ako kasi narinig kong may mga babaeng nagtatawanan sa pwesto ng mga cottages namin. Para silang kinikiliti na hindi ko maintindihan.

Tiningnan ko sila.

Kaya naman pala, e.

Nando'n si Baron. Lalo tuloy akong nalungkot. Kaya pala hindi siya sumipot sa usapan namin, abala pala siyang mag-entertain sa mga babae niya. 'Yan. Gan'yan ang gusto niya.

Bigla siyang napatingin ngayon sa gawi ko.

Kitang-kita ko ang mabilis na pagkawala ng ngiti niya no'ng mapansin niya akong nakatayo rito. Sumimangot siya bigla. Parang siya pa galit samantalang ako nga ang hindi niya sinipot sa date na siya mismo ang nag-set! Inisnab ko siya sabay tuloy ko na ng pasok sa bahay namin. Naiinis ako sa kanya!


HINDI AKO SUMABAY kina Mama mag-dinner.

Sabi ko sa kanila mauuna na akong kumain kasi nagugutom na ako. Pero ang totoo, ayoko lang talagang makita at makasabay si Baron. Hanggang ngayon, naiinis pa rin ako sa ginawa niya.

Bandang 9 PM, lumabas ako ng bahay dala-dala ang laptop ko. Do'n na ako tatambay sa lifeguard tower katulad ng madalas kong ginagawa kapag nagsasawa na ako sa kwarto ko.

Naka-pajama lang ako at maluwag na white shirt. Wala na namang masyadong tao sa dalampasigan ngayon kasi bawal nang lumangoy 'pag ganitong oras. Ang buhok ko, nakalugay lang kasi katatapos ko lang mag-shower. Ramdam na ramdam ko ang lamig ng buhangin habang naglalakad papunta sa pwesto ng lifeguard. Parang kubo lang naman 'yon na mataas.

Paakyat na sana ako ro'n nang mapansin kong may tao na palang nakapwesto.

Napabuntonghininga na lang ako.

Si Baron pala. Namukhaan ko ang suot niyang cap. Hay, inunahan pa ako ng magaling na prinsipe. Ang sarap-sarap pa ng upo niya habang naninigarilyo at may katabing bote ng alak.

"Pwesto ko 'yan," sabi ko sa kanya.

Nagbaba naman siya ng tingin sa 'kin. Ang tapang ng itsura niya. "May pangalan mo ba? Wala akong nakita."

Napayuko na lang ako sabay yakap nang madiin sa dala kong laptop. Sige na, hindi na ako makikipagtalo. Baka lalo lang masira ang araw ko, e. Tinalikuran ko na siya at dapat hahanap na lang ako ng ibang matatambayan, kaso bigla siyang tumalon sa likuran ko mula sa lifeguard tower. Nagulat nga ako sa lakas ng impact kaya napaikot agad ako paharap sa kanya.

"O bata, ikaw na," pang-asar na sabi niya sa 'kin. "Baka umiyak ka na naman d'yan."

Dinaanan niya na ako. Napapikit ako nang maamoy ang singaw ng alak sa katawan niya. Lasing siya. Lulugo-lugo rin kasi siya kung maglakad.

"Naghintay ako sa 'yo kanina," sabi ko bago siya tuluyang makalayo.

"Naghintay?"

Saka lang ako umikot paharap sa kanya. "Hinintay kita kanina sa coffee shop. Sabi mo 2 PM pero hindi ka dumating. Hindi mo ako sinipot sa date nating dalawa."

Parang natawa siya sa 'kin, tapos nanigarilyo siya ulit. Ang yabang pa ng pagkakabuga niya sa usok.

"Ah, ngayon ba 'yon?"

Bumagsak ang mga balikat ko. "Ikaw ang nagplano n'on, tapos nakalimutan mo?"

Hindi siya sumagot agad.

Tumingala lang siya sa langit at namaywang, saka niya inilipat ang tingin niya sa 'kin.

"Ba't naghintay ka pa rin? Hindi mo ba naisip na wala naman talaga akong planong siputin ka ro'n?"

Madiin akong napapikit. Nakakainis siya!

"Umasa po kasi akong darating ka. Ikaw nag-set n'on, e. Ikaw nagsabi na magde-date tayong dalawa. Hindi naman ako pupunta ro'n sa coffee shop kung hindi ka nagplano."

Umiinit na ang sulok ng mga mata ko kasi first time ko magsalita ng mga ganito.

Pero siya natawa pa talaga nang mayabang. "H'wag kang umaasa sa 'kin."

"Ibig sabihin inalok mo lang talaga ako ng date para hindi kita isumbong?"

"Sana naisip mo agad 'yan. Para hindi ka na naghintay kanina."

Tinitigan ko siya nang masama.

"Alam mo, Baron Medel, ang insensitive mo. Hindi mo man lang talaga inisip ang feelings ko."

"Tangina, ano'ng pake ko riyan sa feelings mo?" Humithit ulit siya sa sigarilyo niya bago 'yon initsa sa buhanginan. Tapos ay niyabangan niya ako ng mukha. "Oy ikaw bata, tigil-tigilan mo na 'yang panonood mo ng TV, ha. Tingnan mo, nahahawa ka sa mga kadramahang pinalalabas do'n."

Yumuko agad ako kasi napaluha na ako. "Ba't ba ang sama mo sa 'kin? Porket alam mong mahal kita, ginagan'yan mo ako."

"Mahal? Ang bilis naman. Akala ko ba crush lang."

"Bakit? Hindi ka naniniwala?"

"Hindi. Hindi mo ako mahal. Baka natutuwa ka lang sa 'kin. Marami akong kakilalang gan'yan."

"Ba't ba mas marunong ka pa sa 'kin?"

Bumuntonghininga siya. "Alam mo ang kulit mo. Ayoko ng babaeng makulit."

"E bakit nga mas marunong ka pa sa nararamdaman ko?"

"Kasi mas matanda ako sa 'yo. Puppy love lang 'yang nararamdaman mo." Parang natawa pa siya.

Lalo tuloy akong naiyak! "Tinatawanan mo pa ako. Seryoso nga ako, e."

Natigilan siya. Tapos biglang bumalik sa pagiging masungit ang itsura niya. "'Langya, makauwi na nga lang. Hindi ko masabayan 'yang trip mo."

Tinalikuran niya na ako.

Nainis na ako nang sobra kasi hindi man lang talaga siya nag-sorry sa kasalanan niya kanina sa 'kin. Ako pa ang pinalabas niyang ma-drama, e hindi naman ako magkakaganito kung sumipot lang siya sa usapan namin!

"Sige, bahala ka na," sigaw ko sa kanya. "Hindi na kita crush simula ngayon!"

Inunahan ko siyang maglakad pabalik ng bahay. Binunggo ko pa siya sa braso niya nang madaanan ko siya, pero imbis na mapatabi ko siya, ako 'tong nawalan ng balanse at natumba sa lakas ng pagtama ko sa katawan niya!

Bumagsak ako sa buhanginan. Ang sakit! Tumama pa ang siko ko sa isang basag na seashell. Lalo akong napaiyak! Pati ang laptop ko bumagsak sa buhanginan.

Kahit umiikot pa ang paningin ko ngayon, sinilip ko si Baron. Hindi niya man lang talaga ako tinulungang tumayo. Nakatingin lang siya nang seryoso pababa sa 'kin.

Hiyang-hiya ako! Pero binalewala ko 'yon at agad binuhat ang sarili ko patayo na parang walang nangyari. Kinuha ko ang laptop ko sabay karipas ng takbo habang panay ang pahid sa mga mata ko.

"Hindi na talaga kita gusto!"

PAGKARATING KO SA bahay namin, dumeretso agad ako sa kwarto ko at nagkulong. Binuksan ko 'tong laptop at in-access ang blog na ginawa ko dati dahil lang sa sobrang pagmamahal ko kay Baron Medel. Tinype ko ang second entry ko habang tuloy-tuloy sa pag-iyak.

Blog Entry #02 - September 8, 9:35 PM

I'm Desiree Claud Franco, and I'm a worthless, jobless, hopeless romantic girl who's deadly in love with a badass who doesn't love me back.

. . . Pero hindi ko na siya gusto ngayon.

-D.C Franco

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top