Chapter 2

WALA AKO SA sarili buong umaga.

Nainis kasi ako sa sinabi kanina sa 'kin ni Baron, e. Nabasa niya na pala ang love letter ko tapos hindi man lang siya nag-react. At wala rin daw pala siyang pakialam sa kung ano'ng nakasulat do'n. Grabe, pakiramdam ko, na-basted ako.

Maghapon lang tuloy ako ngayong nagmumukmok dito sa kwarto ko. Nagugutom na nga ako kaso tinatamad naman akong lumabas para mag-meryenda.

Maya-maya lang, biglang may kumatok sa 'kin. Baka si Mama. Bumangon agad ako para buksan ang pinto. Si Ate Gwen pala 'tong nandito. Akala ko naman si Mama.

"Sorry," sabi niya sa 'kin. "Nagising ba kita?"

"Hindi. Hindi naman ako tulog." Sabay tingin ko sa itsura niya. Parang ayos na ayos na agad siya. "Papasok ka na ulit sa trabaho? Ang aga pa?"

"May gala ako. Actually, hinahanap ko si Hanna pero hindi ko makita. Kaya sa 'yo na lang ako magtatanong. Tingnan mo nga kung ano rito ang mas bagay sa 'kin. Bibilhin ko kasi online." Tinapat niya sa 'kin ang dala niyang tablet.

Tiningnan ko naman. Sa screen ng tablet, may picture ng kulay pink na dress. Bulaklakin iyon at manipis ang strap.

"Ito ba mas okay," turo niya. "O ito?" Inilipat niya naman sa picture ng parehong dress, pero kulay violet.

Napaisip ako. Tapos nag-angat ako ng tingin sa kanya. Kaunti lang ang tangkad niya sa 'kin.

"Lahat naman bagay sa 'yo, Ate. Kahit alin naman d'yan. Bilhin mo na lang parehas."

Totoo naman kasi. Lahat ng damit na suotin niya, kaya niyang dalhin. Maganda kasi siya, maputi, at seksi. Mas payat nang kaunti ang katawan niya kumpara sa akin.

Kaso, kahit na pinuri ko na siya, parang hindi naman siya natuwa. Bumuntonghininga pa nga siya.

"Isa lang gusto kong bilhin, e. Sige, hahanapin ko na nga lang si Hanna. Thank you." Umalis na siya.

Pinabayaan ko na lang. Sinara ko na lang uli ang pinto at umupo sa paanan ng kama.

Gan'yan 'yang ate ko. Sanay na ako r'yan. Kapag hindi pumabor sa kanya ang sagot mo, madi-disappoint siya. Malay ko ba naman kasi sa mga dress na pinakita niya sa 'kin? Hindi naman ako nagsusuot ng mga gano'n. Para sa 'kin, basta hindi t-shirt at pantalon, maganda.

Hay, nakita ko na naman tuloy ang masungit na itsura ni Ate. Mataray talaga siya. Sobrang moody. Minsan, namamansin siya at kauusapin ka, minsan naman parang hangin ka lang sa paningin niya. Ang hirap niyang kapain. Kaya nga hindi kami naging close, e. Mga bata pa lang kami ni Ate Gwen, hindi na talaga kami close. Hindi naman sa magkaaway kami, sadyang hindi lang talaga kami malapit sa isa't isa.

Pero inaamin ko, nagagandahan ako kay Ate. Iba ang itsura niya sa 'kin. Pwede siyang mag-artista dahil ang ganda ng mukha niya at makinis ang balat niya. Gusto ko rin ang pananamit niya dahil girly at mukhang may class. Napagkakamalan tuloy siyang mayaman kahit na sa totoo lang, hindi naman kami gano'n. Simple lang ang pamilya namin, may kaya lang kami.

Tumayo na muli ako mula sa pagkakaupo rito sa kama. Magmemeryenda na talaga ako sa labas, tutal napabangon na rin naman ako. Biglang nawala ang katamaran ko.

Sumilip lang ako saglit sa tapat ng salamin para ipusod 'tong buhok ko at ayusin ang manipis kong bangs, tapos ay lumabas na rin ako.



WALA YATANG IBANG tao rito sa bahay kasi ang tahimik.

Madalas, kapag ganitong mga alas-tres ng hapon, rinig ko agad ang TV nina Mama sa sala kapag lalabas ako ng kwarto.

Dumeretso na lang ako sa labas ng bahay. Akala ko kasi nando'n sila. Pero kahit si Ate Gwen na kausap ko lang kanina ay nawala. Siguro hinahanap pa rin n'on si Ate Hanna. Madalas kasing mamasyal sa tabing-dagat ang si Ate Hanna kapag walang customers. Si Mama, ewan ko. Nag-grocery siguro. Si Papa, nasa tattoo shop lang naman 'yon. Malamang kasama si Baron.

Bumalik na muli ako sa loob. Naghanap na ako ng makakain sa kusina.

Buti na lang at mayro'n pang tirang pandesal kaninang umaga. Pinalamanan ko ng peanut butter at nilagay ko sa platito.

Lumabas ulit ako ng bahay bitbit ang meryenda ko. Dito ako kakain sa tabi ng pool para makapagpahangin na rin.

Saktong pagkagat ko sa isang pandesal na hawak ko ay may narinig akong parang umuungol.

Mabilis akong napalingon sa maliit na bahay na tinitirhan ni Baron. Do'n kasi nanggagaling ang ingay.

Pinuntahan ko agad habang kagat-kagat 'tong pandesal.

Ba't may maingay rito? Ang alam ko nasa FRANCO si Baron 'pag ganitong oras. Baka mamaya may ibang taong nakapasok dito.

Walang katok-katok, sinipa ko 'tong pinto at pumasok sa loob ng bahay, pero agad din akong natigilan dahil sa naabutan ko. Nabitiwan ko pa ang hawak kong tinapay at gumulong ito sa sahig.

Si Baron, may kahalikan na ibang babae rito sa loob! Tarantang-taranta pa ang babae nang makita ako.

"O-oh my God!" Ang bilis nitong inayos ang blouse niyang nakaangat.

Si Baron naman parang walang pakialam. Umiwas lang ng tingin.

Do'n lang biglang namanhid mga pisngi ko. Hindi ko alam kung pa'no ako aalis dahil gulat pa ako sa nadatnan ko.

Yumuko na lang ako. "S-sorry." Sabay talikod ko at karipas ng takbo pabalik sa bahay namin.

Hindi ko alam kung saan ako nakakuha ng lakas para makatakbo nang gano'n. Hinang-hina ako sa nakita ko. Pagkapasok ko nga sa kwarto, napasandal agad ako sa pintuan nito. Napatulala ako sa sahig.

Iniisip ko kung ano ang nakita ko. Ang tagal mag-sink in sa utak ko. Naghahalikan sila at halos magkiskisan na ang mga katawan nilang dalawa.

Walang gana kong isinandal ang ulo ko sa nakasarang pinto. First time kong makakita ng gano'ng eksena, at si Baron pa. Girlfriend niya ba 'yon? May girlfriend siya rito kaya binalewala niya lang ang pagka-crush ko sa kanya. Nakakaiyak!


Nagulat na lang din ako ngayon nang biglang bumukas nang malakas ang pinto kung saan ako nakasandal. Muntik tuloy akong sumubsob sa sahig! Buti na lang at nakapagbalanse agad ako.

Nilingon ko kung sino'ng pumasok. Si Baron! Pinanlakihan ako ng mga mata at pakiramdam ko, biglang umurong ang mga luha ko. "B-ba't ka nandito? Bawal ka pumasok sa kwarto ko, magagalit sina Papa."

"Bawal? Pero ikaw pwedeng pumasok sa tinitirhan ko?"

Hindi ako nakasagot.

Tumuloy siya nang pasok dito at padabog pang sinara ang pinto. "'Yong kanina. Tangina kasi ba't ka ba litaw nang litaw? Hindi ka marunong kumatok. Nakakakita ka tuloy ng hindi mo dapat makita."

Nahiya ako. Ba't parang ako pa ang pinagagalitan niya. Hindi ko naman kasalanan na makita sila, a. Hindi ko na siya sinagot.

Bumuntonghininga na lang naman siya at lumapit sa 'kin. "May ipakikiusap ako sa 'yo, bata."

Hindi ko siya tiningnan.

"H'wag mong sasabihin kay Rex ang nakita mo kanina," tuloy niya. "H'wag kang magsusumbong na nagdala ako ng babae ro'n sa bahay na pinahiram niyo sa 'kin."

Saka lang ako nag-angat ng tingin sa kanya. So 'yon pala ang dahilan ba't sinundan niya ako rito. Hindi niya inisip ang naramdaman ko dahil sa nakita ko, mas inisip niya ang sarili niya.

"Ayaw mong magsumbong ako kay Papa kasi alam mong mapapalayas ka rito sa resort?" sabi ko.

"Alam mo naman pala. Oo, gano'n. Alam mo naman sigurong wala akong ibang matitirhan. Kaya h'wag kang magsumbong."

"Pero mali ang ginawa mo."

Napangisi siya. "Hindi mali 'yon."

"Mali 'yon! Kaya dapat malaman nina Papa."

"O hindi sige, magsumbong ka. Ayos lang. Kayang-kaya ko namang maghanap ng ibang matitirhan kung sakaling mapaalis ako ng erpat mo rito."

Napaatras ako. Ang tagal bago ako nakasagot. "T-tinatakot mo ako?"

"Hindi kita tinatakot."

"Tinatakot mo ako, e. Alam mo kasing may crush ako sa 'yo at hindi kita kayang ipahamak kay Papa pati mawala sa resort namin."

Ngumisi siya. "Hindi kita tinatakot. Kinakausap nga kita nang matino na h'wag kang magsusumbong para hindi ako mawalan ng tirahan."

"Kasalanan mo naman, e. Alam mo nang pinagbawalan ka ni Papa na magpapasok ng ibang tao ro'n sa bahay, pero ginawa mo pa rin. Kung hindi kita nahuli, baka ulitin mo pa 'yon at magpapasok ka ulit ng kung sino-sino ro'n."

"Kilala ko naman ang babaeng 'yon. Kilala rin ang ng tatay mo."

Napalunok ako. "Sino ba 'yon? G-girlfriend mo?"

"Hindi."

Kumunot noo ko. "Kini-kiss mo po tapos hindi mo girlfriend. Pwede ba 'yon?"

Natawa siya. "Tangina, gan'yan ka ba talaga ka-inosente?"

Napakapit ako sa laylayan ng mahaba kong t-shirt. Nahiya ako.

"Normal sa 'king manghalik," sabi niya pa. "Ginagawa ko 'yon sa kahit na sinong babaeng matipuhan ko. Hindi ko sila kailangang maging girlfriend."

"Hindi naman 'yon gano'n, a?"

"Gano'n 'yon."

"Hindi gano'n 'yon!"

"'Langya, ang hirap namang magpaliwanag sa 'yo!" Napakamot siya sa ulo niya. "Ang dami mong hindi alam, para akong nakikipag-usap sa elementary. Normal ka pa ba?"

Naluha na ako. Nakakainis kasi siya, e! Palaging ang sakit magsalita.

"Tsk, h'wag ka ngang umiyak-iyak nang gan'yan," sabi niya. "'Yong nakita mo kanina, wala lang 'yon. Kalimutan mo na."

"Pa'nong kalilimutan, e crush kita tapos nakita kitang may ibang kini-kiss."

"Puta, bahala ka na nga."

Lalo akong naiyak.

"Baron kasi!"

"Ano ba?"

"Ba't ka ba kasi gan'yan? Pupuntahan mo ako rito, tapos mapipikon ka at aalis ulit. Hindi mo ba kayang maging mabait kahit kaunti lang? Ikaw nga 'tong may kailangan sa 'kin, e, tapos inaaway mo pa ako."

Natigilan siya.

Parang do'n lang siya biglang natauhan.

Ang tagal niyang natahimik bago siya nagsalita ulit. "Sige, gan'to na lang. Date tayo."

Nagulat ako. "H-ha?"

"Gusto mo ako, hindi ba? Ide-date kita. Sa Sabado. Basta mangako ka sa 'king kalilimutan mo ang nakita mo kanina saka walang makakarating sa tatay mo." 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top