Chapter 1

Nasugbu, Batangas

"DESA!"

"O-opo, Mama, palabas na po!"

Minadali ko na 'tong pagsusuklay sa mahaba kong buhok habang nakaharap sa salamin. Kailangan ko na kasing lumabas ng kwarto para mag-almusal. Ayaw nina Mama kapag hindi kami sabay-sabay kumain, e.

Sinuot ko 'tong paborito kong t-shirt at mahaba-habang shorts. Naglagay rin ako ng kaunting pulbos sa mukha saka nag-lip balm. Makakasabay kasi naming kumain si Baron ng almusal ngayon kaya nag-ayos ako. Minsan ko lang nakakasabay kumain ang crush ko kaya sinusulit ko na.

"Desa!"

Nataranta na ako dahil boses na ni Papa ang narinig ko. Baka galit na 'yon. Sobrang istrikto kasi ng papa ko. Actually, parehas sila ni Mama.

Tumingin lang uli ako nang huling beses sa salamin at nagmadali na akong lumabas ng kwarto.


BUNGALOW LANG ITONG bahay namin dito sa Batangas. Kaya paglabas ng kwarto, kita ko na agad lahat. Dumeretso ako sa kusina na hindi kalayuan sa room ko. Sina Mama at Papa pa lang ang nakaupo sa hapag-kainan. Inip ang itsura ni Papa.

"Sorry po," sabi ko na lang.

"Sige na," sagot naman ni Mama sa 'kin. "Tawagin mo nga rin muna ang Kuya Baron mo ro'n sa kabilang bahay. Sabihin mo, kakain na."

Siyempre, na-excite naman ako! Buti na lang at ako ang inutusan nilang tumawag kay Baron. Nag-ready ako, e.

Hinanda ko lang saglit 'tong almusal ko at naglakad na palabas ng bahay.

Humabol naman ng utos si Mama. "Desiree, tawagin mo na nga rin si Gwyneth. Alas-otso na, ba't wala pa siya. Hindi naman 'yon nagsabi na mag-o-overtime."

"Ah, sige po. Titingnan ko rin po sa labas, baka dumating na."

Si Ate Gwen ang tinutukoy ni Mama. Siya ang nag-iisa kong kapatid. Dalawa lang kami at ako ang bunso. Sa call center nagwo-work si Ate at night shift ang schedule niya kaya umaga pa siya nakakauwi.

Dumeretso na ako ngayon sa labas ng bahay.

Sa tabing-dagat dito sa Batangas kami nakatira. Mayro'n kaming maliit na resort—ang Jupiter. Ito ang negosyo ng pamilya ko, at may tattoo shop din si Papa na nakapwesto ilang kanto lang mula sa 'min—ang FRANCO. Tattoo artist kasi ang papa ko, katulad ni Baron. Kaya magkaibigan silang dalawa dati pa.

Simple lang naman 'tong resort namin kung tutuusin. Pero kapag summer, kami ang palaging dinarayo kumpara sa ibang mga kahilera naming beach resorts. May isang swimming pool kasi kami, at itsurang private ang resort namin kahit hindi naman. Mayroon kaming hiwalay na mababang gusali na nakatayo bandang gilid ng bahay namin. May anim na kwarto roon. Tatlo sa taas, tatlo rin sa baba. Occupied lahat ang mga 'yon kapag peak season.

Minsan, tumutulong din ako kay Mama na mag-manage nitong resort. Wala pa kasi akong trabaho sa ngayon, e. Hindi pa ako nakakahanap mula no'ng gr-um-aduate ako. Pero hindi naman ako pinanghihinaan ng loob. Tuloy-tuloy lang ako sa pag-a-apply. Isa pa, bata pa naman ako. 22 pa lang ako.

Saktong pagkalabas ko ng bahay, nakita ko agad si Ate Hanna na naglilinis ng pool. Siya ang assistant ni Mama sa Jupiter.

"Ate." Nilapitan ko siya. "Napansin mo ba kung nakauwi na si Ate Gwen?"

"Ay, hindi, e. Kalalabas ko lang din. Wala ba sa kwarto niya?"

"Wala po yata. Nagtataka kasi sina Mama ba't daw hindi pa umuuwi. E eight o' clock na."

"Ah, siguro hindi lang nakalabas agad sa trabaho. I-text mo na lang."

"Oo nga po, e. Sige, Ate, salamat."

Umalis na ako para puntahan naman si Baron.

Doon siya nakatira ngayon sa maliit na bahay malapit lang sa likod namin. Actually, para sa mga guest nga rin namin 'yon na gustong mag-rent ng mas malaking private room, pero pinagamit na muna namin kay Baron.

Hindi ko alam no'ng una kung ano'ng buong kuwento ba't biglang dito na siya titira sa 'min. Taga-Maynila kasi talaga siya, e. May sarili siyang tattoo shop do'n. Regular naman talagang nagpupunta rito si Baron. Tuwing summer, nandito siya kasi kinukuha siya ng papa ko para mag-henna. Nagtatayo sila ng maliit na pwesto ro'n sa harap.

Matagal ding hindi nagparamdam dito si Baron kaya akala ko talaga no'n hindi na siya babalik. Tapos nagulat na lang ako, isang araw, nakita ko siya bigla ro'n sa FRANCO. Kausap niya si Papa.

Napag-alaman kong dito na pala siya titira sa 'min. Nakisosyo siya kay Papa sa FRANCO. Ang sabi, sinara na raw kasi nito ang tattoo shop niya sa Maynila. Hindi ko alam kung bakit. At dahil close si Baron kina Mama at parang pamilya na ang turing ng parents ko sa kanya dati pa, pinagamit na muna sa kanya ang maliit naming bahay para hindi na raw ito maghanap ng ibang matitirhan.

Siyempre, pabor na pabor naman sa 'kin 'yon!

Hindi ko na kailangang maghintay ng summer. Ngayon, araw-araw ko nang makikita si Baron as long as magkasosyo pa rin sila ni Papa sa shop.

Palapit na ako ngayon sa tinitirhan ni Baron nang marinig ko ang boses niya na parang may kausap sa phone.

Nagmadali akong maglakad. Saktong medyo nakabukas ang pinto kaya nasilip ko siya sa loob. Tama nga ako, may kausap siya sa cellphone.

"Ba't nga kasi hindi mo binalita sa 'kin?" sabi niya sa kausap.

Ang lungkot ng boses niya, mukha na naman siyang problemado. Nakaupo siya sa gilid ng kama habang panay ang hilot sa pagitan ng mga mata niya.

"Sagutin mo na lang ako nang deretso," sabi niya ulit. "Alam mo ba kung ano'ng kinapipikon ko ngayon? 'Yong hindi mo man lang nagawang sabihin sa 'king umalis na pala ng bansa si Leila . . ."

". . . tsk, tangina nama. Kailangan ko pa bang itanong 'yon, Raquel? Akala ko malinaw na usapan natin bago ako umalis diyan sa Maynila? Nangako ka sa 'kin na babalitaan mo ako tungkol sa lahat ng mga nangyayari sa kanya. Ano na ngayon? Puta, kung hindi pa ako tumawag, hindi ko pa malalamang wala na si Leila."

Hinilot na niya noo niya, tapos tumayo. Halatang badtrip na badtrip siya. Napahinga na nga lang siya nang malalim sabay tingala sa kisame. "Saang bansa siya pumunta?"

". . . Switzerland? Sino'ng kasama niya ro'n?"

". . . tanginang 'yan." Parang natawa na lang siya. "Ano 'yon, do'n na siya titira?"

Napatingala uli siya sa kisame. "Hindi man lang uli ako nakapagpaalam. Kung alam ko lang na may balak siyang umalis, hindi na sana muna ako pumunta rito sa Batangas. Nakipagkita pa sana uli ako sa kanya. Tsk. Pwede ba, kung sakaling makausap mo siya, sabihin mong tawagan naman ako?"

". . . Salamat. Sige na, bumalik ka na sa shoot mo. Sa susunod, balitaan mo ako kaagad. H'wag mong kalilimutan." Binaba na niya ang tawag.

Binulsa niya ang phone niya at napamura na lang siya nang malutong sa sarili niya.

Ako, napayuko na lang dito sa tapat ng pinto. Problemado talaga siya. Mula nang dumating siya rito, gan'yan na siya. Palagi siyang malungkot. Madalas nga, nakikita ko pa siyang naglalasing mag-isa sa tabing-dagat.

I'm sure, may nangyaring hindi maganda sa kanya sa Maynila kaya siya gan'yan. At kung bakit bigla siyang tumira dito sa 'min.

Nagulat na lang ako ngayon, biglang lumaki ang pagkakabukas nitong pinto!

Ang bilis lumitaw ni Baron sa harapan ko. Hindi ko napansing palabas na pala siya, hindi tuloy ako nakapagsalita. Napaangat lang ako ng tingin sa kanya. E ang tangkad niya pa naman, hanggang dibdib niya lang ako.

Parang nabigla nga rin siya nang makita akong nandito sa labas. Nakatingin lang siya pababa sa 'kin. Seryoso ang mukha niya. "Ikaw na naman? Ano na namang kailangan mo?"

Napalunok ako. Hala, ba't parang naalibadbaran na agad siya sa 'kin e isang linggo ko na nga siyang hindi nilapitan mula no'ng iabot ko sa kanya ang love letter ko.

"Uhm, sorry po," sabi ko na lang. "Tawag ka na po kasi nina Mama. Kakain na raw."

Hindi na siya nagsalita. Sinarado niya na lang 'tong pinto ng bahay tapos nilagpasan niya na ako.

"Baron."

Napahinto siya. Tinapunan niya ako ng seryosong tingin. "O?"

"Ba't ka may sugat sa mukha?" Napansin ko kasi kanina. "Ano'ng nangyari diyan?"

Umiwas siya ng tingin. "Wala. Ba't pati sugat ko pinakikialaman mo?"

"Ang laki, e. Gusto mo po gamutin ko? Marunong ako. May medicine kit sa bahay."

Napangiwi siya. "H'wag na. Hindi ako interesado." Tumalikod na siya ulit at naglakad.

Humabol naman agad ako. "Baron, wait lang."

Lumingon siya ulit. "Ano ba."

"Sino si Leila?"

Napakunot siya ng noo. Tumingin siya sa bahay na pinanggalingan niya, tapos ay ibinalik muli ang tingin niya sa 'kin. "Pinakinggan mo ang pakikipag-usap ko?"

Yumuko ako. "Hindi ko naman po sinasadya, e. Nagkataon lang na narinig ko."

"Hindi ka dapat nakikinig sa usapan ng iba. Hindi ba 'yan tinuro sa 'yo ng mga magulang mo."

"S-sorry. Gusto ko lang sanang malaman kung sino siya, kasi napansin ko na ang lungkot-lungkot mo mula nang lumipat ka rito sa 'min. Concerned lang naman ako sa 'yo."

Bigla siyang natawa nang mayabang. "Concerned? 'Langya, ba't ka naman magiging concerned sa 'kin. Kaano-ano ba kita? Anak ka lang ng kasosyo ko sa FRANCO."

Bumagsak ang mga balikat ko. "I-ibig sabihin pala hindi mo pa po binabasa?"

"Ang alin?"

"'Yong love letter na ibinigay ko sa 'yo last week sa tabing-dagat? Siguro hindi mo pa binabasa kaya hindi mo alam kung ba't concerned ako sa 'yo."

Hindi na siya sumagot.

Nalungkot ako. Nakakainis, binalewala niya lang pala ang sulat.

Hindi niya ba alam na ilang taon kong pinaghandaan na maibigay 'yon?

Hindi na lang din ako nagsalita ulit. Naglakad na ako pabalik ng bahay namin.

"Sumunod ka na lang po," sabi ko na lang. "Mag-aalmusal na."

"Hoy."

Natigilan naman ako. Nilingon ko siya. Ang tapang pa rin ng itsura niya sa 'kin.

"Nabasa ko ang sulat," sabi niya. "At gusto kong malaman mong wala akong pakialam sa nakalagay ro'n."

Naglakad siya papunta sa 'kin at tinap ako bigla sa ulo. "Bata ka pa. Dapat lumalayo ka sa mga lalaking kagaya ko. Mapapahamak ka lang." 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top