PROLOGUE

DESA FRANCO'S POINT OF VIEW

Nasugbu, Batangas

"OH, DESA, KUMAIN na muna kayo ni Evo," sabi sa 'kin ni Mama. "Siguradong gutom kayo dahil sa haba ng biyahe galing Cebu."

"Opo, Mama. Aayusin ko lang po ang mga gamit ko." Dumeretso ako sa kwarto bitbit ang malaki kong bag.

Isang linggo lang kaming magbabakasyon dito sa Jupiter. Birthday ko kasi bukas, February 20, kaya sinagot ni Lola ang pagpunta namin dito ni Evo. Pinag-isipan ko pa nga no'ng una, kaso sina Mama kasi, gusto rin nilang makilala ang physical therapist na nag-alaga sa 'kin sa Cebu.

Pagkapasok ko sa kwarto, una kong napansin ang laptop ko na nakapatong sa kama. Buhay pa pala 'to! Hindi 'to pinadala sa 'kin sa Cebu kaya ang saya ko na nandito pa pala siya.

Nilapag ko ang bag ko sa sahig tapos umupo sa kama para buksan 'tong laptop. Naisip ko agad na silipin ang blog ko dahil 'yon ang hindi ko magawa-gawa sa Cebu.

Nagtaka lang ako kasi may notification na nagsasabing may nag-comment daw sa isa sa mga post ko. Papa'no kaya 'yon nangyari e ako lang naman ang nakakaalam ng tungkol sa blog kong 'to. Binasa ko na lang din.

| kuting buti nakita ko tong blog mo. Sobrang miss na kita. Sana maging maayos pa tayo. Mahal na mahal kita. Gagawin ko lahat maibalik lang kita sa 'kin. |

Nanindig ang mga balahibo ko.

Ang tagal ko pang nakatitig sa screen bago tuluyang nag-sink in sa utak ko na totoo 'tong nababasa ko. Si Baron. Alam kong nahanap niya na 'tong blog ko dati pero hindi ko alam na nag-comment pa pala siya!

Dinala ko agad 'tong laptop at tumakbo palabas ng kwarto. Ipakikita ko kay Evo na nag-message sa 'kin si Baron. Kaso wala naman na siya sa sala kung saan ko siya iniwan. Dumeretso na lang ako sa labas ng bahay. Pero wala rin siya rito. Ano ba 'yan, saan ba nagsuot 'yon!

"Desa?"

Napalingon ako sa lalaking biglang tumawag sa akin. Hindi ko siya kilala. Kinunutan ko lang tuloy siya ng noo.

Lumapit siya sa akin. "Nandito ka na pala ulit sa Batangas?"

Niyakap ko ang laptop ko. "Uhm s-sino po sila? Kaibigan ba kayo ng papa ko?"

Lumingon siya sa paligid bago nagsalita nang mahina sa bandang gilid ng mukha ko. "Ako si Arkhe. Kaibigan ako ni Baron."

Pinanlakihan ako ng mga mata! Walang alinlangan, hinila ko agad siya sa kamay at dinala rito sa may gilid ng bahay namin. "K-kilala mo si Baron? Kumusta na siya? Okay lang ba siya?"

"Hindi siya okay. Ang tagal ka na niyang hinahanap."

Napangiti ako nang malapad sa tuwa kasi hinahanap niya rin pala ako. "Alam mo ba kung nasaan siya ngayon? Gusto ko siyang makita."

"Sa Mandaluyong nakapwesto ang studio niya. Pabalik na 'ko ro'n ngayon. Pwede kitang idaan sa kanya kung gusto mo."

"N-ngayon na?"

Tumingin siya sa relos niya. "Oo sana. Para maabutan natin siya."

Na-excite ako! Pero at the same time, kinabahan din. Hindi ko kasi alam kung ano'ng ipapaalam ko kina Mama.

Buti na lang at nakita ko na si Evo! Galing pala siya sa labas ng resort.

Nagpaalam lang ako saglit dito sa kaibigan ni Baron tapos tumakbo ako papunta sa kanya. "Evo! Samahan mo ako, alis tayo!"

"Kararating lang natin tapos aalis na naman?"

Tinawanan ko siya at dapat hahampasin siya sa braso kaso nasalo niya ang kamay ko. Pinisil niya 'yon at matagal na hinawakan. "Saan ba pupunta?"

"Sa Mandaluyong. Nando'n daw si Baron."

Bigla niyang binitiwan ang kamay ko. "Ang layo naman. Saka paano ka nakasisigurong nando'n nga siya?"

"Sabi niya." Tinuro ko si Arkhe na pinanonood kami. "Kaibigan siya ni Baron. Sabi niya sa 'kin, nasa Mandaluyong daw ang studio ni Baron. Pupunta siya ro'n ngayon at idadaan niya ako. Sige na please, samahan mo ako." Niyugyog ko ang braso niya. "Nangako ka sa 'kin na hindi mo 'ko pababayaan, 'di ba?"

Napaayos siya sa kwelyo ng puti niyang polo shirt. "Ano'ng idadahilan natin sa mama't papa mo niyan?"

"Sabihin mo na lang na mamamasyal muna tayo at gagabihin na ng uwi. Basta ikaw nang bahala. May tiwala ako sa 'yo na magagawan mo ng paraan 'yon." Nginitian ko siya nang matamis.

Kinurot niya naman ako sa ilong. "Dinaan mo na naman ako sa paggan'yan-gan'yan mo. Pasalamat ka talaga cute ka. Tara, paalam na muna tayo sa parents mo." Hinawakan na niya ako at naglakad kami pabalik ng bahay.

Sinenyasan ko naman muna si Arkhe na sandali lang at babalik din ako kaagad.

Naiwan si Evo kina Mama para makipag-usap.

Ako naman, pumasok ulit sa kwarto para ibalik ang laptop ko at mag-ayos ng gamit na dadalhin sa pag-alis.

Lumabas ako ng kwarto na iba na ang suot ko. Mula sa pantalon, naka-shorts na ako ngayon at floral sleeveless na pang-itaas. Nilugay ko na rin ang buhok ko na halos umabot na sa baywang ang haba.

"H'wag kayong magpapagabi masyado ni Evo, Desiree," sabi ni Mama.

"Opo." Humalik ako sa pisngi niya tapos tumuloy na ako sa labas.

Nandoon si Evo na naghihintay. Marahan lang akong yumakap sa braso niya bilang pasasalamat sa ginawa niya. Tapos sabay na kaming naglakad papunta sa sasakyan ni Arkhe na nakaparada sa tapat ng resort.

Mukhang mabait 'tong si Arkhe. Ngayon ko lang nga na-realize na parang pamilyar pala ang itsura niya sa akin. Nakita ko na yata siya noon na kainuman nina Baron at Papa.

Pagkarating namin, pinagbuksan niya ako ng pintuan ng kotse niya. "Desa, dito ka na sa harapan. Ayos lang ba?"

Tumingin muna ako kay Evo kung papayag ba siya. Tumango naman siya sa akin at ngumiti. "Sige, diyan ka na umupo. Don't forget to put your seatbelt on. Baka mapa'no ka na naman. Ang hirap mo pa namang pagalingin."

Natawa na lang ako tapos sumakay na.

• • •

BUONG BIYAHE ay hindi ako mapakali.

Ini-imagine ko kasi kung ano'ng magiging reaksyon ni Baron kapag nakita niya ako sa shop niya. Saka kung ano ring mararamdaman ko kapag nakita ko na siya.

Sobrang hindi ko 'to inaasahan. Akala ko talaga imposible nang magkita pa kami dahil ang tagal na rin talaga. Lagpas isang taon na, e. Inaamin ko ngang nawalan na rin ako ng pag-asa. Pero ngayon, nabuhayan ulit ako. Sobrang excited ako, ang dami kong gustong itanong sa kanya! Nagpapakwento nga ako rito kay Arkhe kung kumusta ba si Baron no'ng nagkahiwalay kami, kaso ayaw niya namang magkwento. Sabi niya, kaming dalawa na lang daw ni Baron ang mag-usap 'pag nagkita na kami.

Halos hinapon na kami ng dating sa Mandaluyong.

First time kong nakapunta dito, malayo-layo rin pala. Ang traffic pa kasi sa dinaanan namin. Inabot tuloy kami ng alas-singko.

"Dito na." Pumarada si Arkhe sa tapat ng isang tattoo shop.

Sumilip ako sa bintana na manghang-mangha. Ito na pala ang bagong shop ni Baron. Mas malaki ito kaysa sa FRANCO.

Bumaba na ako agad. Nate-tense ako. Hanggang ngayon, hindi ako makapaniwalang nakarating ako rito.

"Desa," tawag ni Evo. "Hindi na 'ko papasok. Maglalakad-lakad na lang muna 'ko."

"Ha? Bakit? Ipakikilala nga kita kay Baron, e."

"Hindi na. Babalikan na lang kita." Pinaubaya na niya ako kay Arkhe tapos umalis na siya.

Pumasok na lang din kami sa loob nitong studio.

Kaso ang malas! Sabi sa 'min ng isang lalaki na naabutan namin dito, may pinuntahan daw na event si Baron at hindi niya alam kung anong oras babalik.

Nalungkot ako at nanghina. Ayokong masayang ang pagpunta ko rito. Kaya naman nang tanungin ako ni Arkhe kung ayos lang daw ba sa akin na maghintay ay um-oo na agad ako.

• • •

ANG TAGAL NAMING naghintay na dalawa rito sa loob. Panay pa ang labas niya, baka naiinip, kaya ako ang naiiwang mag-isa rito. Ako naman, hindi ako naiinip. Habang mas tumatagal nga, mas nate-tense ako, pero nag-aalala rin.

Maggagabi na kasi, dapat ngayon umuuwi na kami ng Batangas. Commute pa naman kami pabalik dahil hindi na kami maihahatid ni Arkhe. If ever tuloy, saglit ko na lang makakasama si Baron. Baka nga hindi na kami masyadong makapag-usap dahil uuwi na rin kami kaagad pagkakita ko sa kanya. Pero okay lang. Ang importante naman sa akin, makita ko siya kahit sandali.

Maya-maya lang may narinig kaming motor na dumating.

Si Arkhe bigla nang tumayo. "Nand'yan na siya."

Nanlaki ang mga mata ko sabay napatayo rin. "S-siya na 'yon?"

Hinawakan niya ako sa siko tapos inalalayan ako papasok sa CR. "Tago ka muna. Susurpresahin natin siya. Sesenyasan na lang kita 'pag lalabas ka na."

Mas lalo akong na-excite! Tumango ako at sinara na 'tong pinto. Pero nag-iwan ako ng maliit na siwang para marinig ko sila sa labas.

Bumukas na ang pinto ng shop.

"Tangina, p're, ang tagal mo!" rinig kong sabi ni Arkhe. "Inugat na 'ko rito kahihintay!"

"Gago, ba't kasi hindi ka nagsabing pupunta ka? Bigla-bigla kang sumusulpot." Bumilis ang tibok ng puso ko! Si Baron na nga! Marinig ko pa lang ang boses niya, parang maiiyak na ako sa sobrang saya! "Sino'ng nagpapasok sa 'yo rito?"

"'Yong isa mong kasamahan. Lumabas nga e, magyo-yosi lang daw."

"Ah. Ba't pala nandito ka? Bayad na ako sa utang ko sa 'yo, ah."

"Hindi, sumaglit lang talaga ako. Uuwi na rin nga ako sa bahay. Dinaan ko lang 'yong pasalubong ko para sa 'yo."

Humaba na ang leeg ko ro'n. Inabangan ko na ang senyas ni Arkhe sa akin.

"Tangina, ang sweet, ah," sagot pa ni Baron. "Bakit, sa'n ka ba galing?"

"Basta."

"Anong pasalubong ba 'yan? Akin na."

Pinalabas na ako ni Arkhe.

Hindi ko napigilan ang sarili ko, napalakas ang pagkakabukas ko sa pinto nitong CR tapos mabilis akong tumakbo papunta kay Baron na nakatalikod sa akin.

Niyakap ko agad siya nang mahigpit mula sa likuran! "Tigre ko!"

Ramdam na ramdam ko ang pagkagulat niya. Para siyang nanigas sa kinatatayuan niya!

Ang tagal bago siya umikot paharap sa akin. Hinawakan niya pa ako sa magkabilang pisngi at tiningnan nang malalim na para bang sinisiguro niya kung ako ba talaga 'tong nakikita niya.

Nanlalabo ang paningin ko dahil sa nangingilid na luha, pero kitang-kita ko pa rin ang itsura niya at kung gaano siya kagwapo. Tuluyan na akong napaiyak. Niyakap ko ulit siya sa baywang sabay subsob ng mukha ko sa dibdib niya.

Miss na miss ko siya! Para akong nananaginip, pero 'yong lakas ng tibok ng puso niya ang nagsasabi sa akin na totoo 'tong lahat.

Si Arkhe naman, napansin ko sa gilid ko na naglakad na palabas ng shop. Saka ko lang hinigpitan ang yakap ko kay Baron.

Niyakap niya rin naman ako nang mahigpit sa leeg, nasobrahan nga, parang mababali ang buto ko. Ang init pa niya. Na-miss ko 'tong init niya sa tuwing niyayakap niya ako. Humalik siya sa ulonan ko. Doon ako mas lalong napaiyak.

"A-akala ko hindi na tayo magkikita," sabi ko. "Miss na miss po kita."

Bibitiw na sana ako sa pagkakayakap pero mas hinigpitan niya ang yakap niya sa akin para hindi ako makaalis. Tumingala na lang ako sa kanya.

Hindi naman siya nagsasalita. Nakatitig lang siya sa akin na parang hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyayari .

Natawa tuloy ako. "Ba't ka gan'yan makatingin sa 'kin? Na-surprise ba kita masyado?"

Ngumiti siya dahilan para mapansin kong nangingilid na rin pala ang luha sa mga mata niya.

Hinaplos niya ang pisngi ko tapos binalik ako sa pagkakasubsob sa dibdib niya. Ang lakas talaga ng tibok ng puso niya.

"Ginulat mo 'ko." Huminga siya sa leegan ko. "Pero sobra mo 'kong pinasaya. Miss na miss din kita. Ang tagal na kitang hinahanap."

Sasagot na sana agad ako pero biglang bumukas ang pinto nitong shop. Napalingon ako. Si Evo pala.

"I-I'm sorry." Sabay iwas niya ng tingin. "Tumatawag na papa mo. Hinahanap na tayong dalawa."

Tumingin ulit ako kay Baron. Pero wala na sa akin ang atensyon niya.

Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin at pinako ang masama niyang tingin kay Evo. "Sino 'yan?" tanong niya.

Kinabahan ako. "S-si Evo."

Binalik niya sa akin ang tingin niya. "'Yong bago mong boyfriend? 'Yan ba pinalit mo sa 'kin?"

Nabigla ako ro'n!

Bumagsak ang mga balikat ko at bahagyang napanganga. "B-bakit mo po alam ang tungkol diyan?"

"Hindi ko ba dapat malaman?"

Napapikit ako. Mali ang pagkakatanong ko. "A-ang ibig ko pong sabihin, paano mo po nalaman ang tungkol do'n?"

Bigla na siyang umatras mula sa akin. Nanlamig siya, naramdaman ko.

Sakto namang nilapitan na ako ni Evo. "Sorry, Desa. Pero kanina pa talaga ako kinukulit ng papa mo. Naubusan na ako ng idadahilan, mukhang kailangan na nating umuwi." Hinawakan na niya ang kamay ko para hilain, pero bumitiw agad ako.

"T-teka lang." Naglabas ako ng ballpen at papel mula sa sling bag ko. Sinulat ko ang cellphone number ko tapos bumalik kay Baron.

"Sorry po kung kailangan ko na agad umalis," sabi ko. "Gagabihin na rin kasi kami ng dating sa Batangas. Pero promise babalik ako. Pupuntahan ulit kita dito at mag-uusap tayo nang matagal." Inabot ko sa kamay niya 'tong papel na may number ko. "I-text mo po ako. Hihintayin ko."

Hindi niya naman ako sinagot. Ni hindi na nga siya tumitingin sa akin. Sobra akong nalungkot. Tinapangan ko na lang ang loob ko na talikuran na siya dahil ayoko nang mas malungkot pa.

Inalalayan ako ni Evo palabas. Hindi ko na nagawang lingunin pa si Baron. Pakiramdam ko kasi maiiyak na naman ako pero hindi na dahil sa saya.

PAGKALABAS NAMIN NI Evo, umakbay agad siya sa akin tapos marahan akong niyakap. Kinalma niya ako. "Hey, I'm really sorry. Pero kasi mayayari na tayo sa parents mo. Kanina pa sila tawag nang tawag. 'Pag nagdahilan pa 'ko, baka magduda na sila kung nasa'n talaga tayo."

Tumango na lang ako, wala na ako sa sarili

Nalulungkot ako ngayon. Alam na pala ni Baron ang tungkol sa amin ni Evo. Nakakainis dahil nalaman niya 'yon mula sa ibang tao. Gusto ko sana na ako mismo ang magsasabi sa kanya sa oras na magkita na kaming dalawa. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top