Chapter 6
BARON MEDEL
MAYAMAYA LANG, LUMABAS na rin si Desa galing sa kwarto. Suot niya na 'yong puti kong T-shirt.
Napangiti ako. "Malaki naman 'yan sa 'yo. Meron do'ng maliit, 'yong hindi na kasya sa 'kin."
"Okay lang. Mas gusto ko 'to, mahangin." Umupo siya rito sa tabi ko. "Tigre, gutom na ako."
"Ah, sige, kakain na tayo."
Tumayo na ako at kinuha 'yong pinainit niyang pizza. Napansin ko na naman nga 'yong cake na dinala niya rito. Tangina, ang sarap itapon sa basurahan, e.
"Kakainin mo ba rito 'tong cake mo?" tanong ko sa kanya.
"Hindi po. Iuuwi ko 'yan sa bahay. Ibibigay ko na lang kay Koko."
"Oo, tama. Ipamigay mo na lang. H'wag mong kainin, tangina, baka mamaya nilagyan ni Evo ng gayuma 'yan."
Natawa siya. "Grabe ka talaga."
Bakit? Totoo naman. Malay ko ba kung may nilalagay nga talaga 'yong hayop na 'yon sa mga binibigay niya rito kay Desa.
Nilagay ko na 'tong bagong init na pizza sa plato. Naglabas na rin ako ng beer ko saka ng softdrinks niya galing sa ref.
Pagkabalik ko kay Desa sa may sofa, naabutan ko siyang naglilibot ng tingin dito sa apartment ko.
"Kuting." Nilagay ko muna 'tong plato ng pizza sa tabi niya. "Ba't nagmamasid-masid ka r'yan?"
Ngumiti siya sa akin. "Wala po. Natutuwa lang ako rito sa apartment mo. Parang bahay na rin."
"Medyo mas maliit nga 'to kumpara ro'n sa dati kong tinitirhan no'ng wala pa 'ko sa resort niyo."
"Ah." Bigla siyang lumipat ng upo sa sahig na may tiles. Dinala niya pa ro'n 'yong pagkain. "E, bakit ito ang pinili mo?"
"Mas malapit 'to sa shop." Tinabihan ko na rin siya dito sa sahig. Binigyan ko siya ng isang slice ng pizza.
"O, kain ka na."
Tinanggap niya, pero hindi niya muna kinain. Tinatanggal niya muna isa-isa 'yong olives.
"Baron, ayaw ko nitong gulong," sabi niya. "Iyo na lang."
Oo nga pala. Binanggit niya na sa akin dati na hindi siya kumakain n'ong tinatawag niyang gulong.
"Lipat mo na lang sa akin," sabi ko.
Ginawa niya naman tapos dumikit siya sa akin para isandal ang ulo niya sa balikat ko. Sa gan'tong posisyon niya sinimulang kainin ang pizza niya.
Napapangiti na lang tuloy ako. Sobrang na-miss ko 'tong gan'tong lambing galing sa kanya. Buti na lang talaga kasama ko siya ngayon. Ang saya ko.
Tumungga ako sa bagong bukas kong beer tapos kumain na rin ng pizza.
"Bakit ka may beer?" Pinanonood niya pala ako. "Gan'yan ang iinumin natin?"
Tinago ko agad 'tong bote sa gilid. "Hindi, akin lang 'to. Bawal 'to sa 'yo. Baka mamaya malasing ka, pagsamantalahan mo pa 'ko, e. Ito lang Coke ang pwede sa 'yo." Sinalinan ko siya sa baso niya.
Nginusuan niya naman ako. "Ako pa talaga ang magsasamantala sa 'yo, ah."
Natawa na lang ako.
Siya naman, biglang inamoy 'yong manggas ng suot niyang T-shirt. "Alam mo, ang bango nitong T-shirt mo."
"Sa'ng banda mo ba kinuha 'yan? Baka 'yan 'yong napawisan ko."
Ngumuso na naman siya.
Kinurot ko nga sa pisngi. "Joke lang. Ang cute mo."
Ngumiti na ulit siya. "Ito na ang susuotin ko, ah? Uwi ko sa bahay."
"Sige lang. Gusto mo pati 'yong may-ari niyan, iuwi mo na rin, e."
Natawa siya. "Hindi ka naman pwede ro'n. Kasama ko ro'n si Nikola, e."
"Sino na naman 'yon?"
"Si Koko! 'Yong kaibigan ko na may crush kay Arkhe."
"Ah. Crush ba n'on 'yong gagong 'yon?"
"Opo. Kaya niya pinatatanong kung may girlfriend. Gusto niya ngang ipakilala ko siya kay Arkhe, e. Okay lang kaya kay Arkhe 'yon?"
"Tangina, matutuwa pa nga 'yon. Mahilig sa babae 'yong loko-lokong 'yon."
"Hmm, mukha nga po talaga siyang mahilig sa babae at loko-loko. Kanina kaya inasar niya ako. Ang sama ng ugali." Nakanguso na naman siya, parang batang nagsusumbong.
"Bakit, ano'ng ginawa sa 'yo?" tanong ko. "Kokotongan ko 'yong ungas na 'yon. Ba't niya inaasar ang kuting ko?"
Napangiti naman siya tapos kumagat sa pizza niya bago nagsalita ulit. "E kasi kanina habang hinahatid niya ako papunta rito sa 'yo, naikwento ko 'yong tungkol sa cake. Tapos sabi niya ba naman galit ka raw talaga sa 'kin at hindi mo na ako papansinin. Salbahe!"
"Gano'n talaga 'yon. Malakas mang-asar 'yong tarantadong 'yon. H'wag kang naniniwala sa kanya."
Tumango-tango naman siya. "Pero basta ipakikilala natin si Koko, ha? Stay tayo minsan do'n sa pinagtatrabahuan niyang coffee shop."
"Saang coffee shop?" Kumagat ako sa kinakain ko.
"'Yong malapit lang do'n sa bangko namin. Do'n kaya ako madalas nagpupunta kapag ayoko pang umuwi. Barista kasi ro'n si Koko." Uminom siya sa baso niya ng Coke. "Oo nga pala, buti napag-usapan natin siya. May itatanong ako sa 'yo na palagi kong nakakalimutang itanong, e. Ano bang ibig sabihin ng Third Base?"
Tangina, bigla kong naderetso ng lunok 'tong kakakagat ko lang na pizza! Napainom tuloy agad ako sa baso niya ng Coke.
"Ano'ng sabi mo?" Natatawa ako.
"'Yong Third Base, 'yong pangalan ng club ni Arkhe. Ano ba 'yon? Gawin mo nga sa 'kin."
Napayuko ako para itago ang tawa ko. Tangina, parang magigising na naman 'tong alaga ko. Kumuha na lang agad ako ng maliit na unan galing sa sofa para ipantakip dito sa boxers ko.
"Ba't ka natatawa?" tanong niya naman. Sinisilip pa ang mukha ko. "Comedy ba 'yong Third Base? Gawin mo sa 'kin para malaman ko."
"Gusto mo ba talaga? 'Pag ginawa ko sa 'yo, baka masarapan ka, hanap-hanapin mo."
Pinanlakihan siya ng mga mata. "Hala, ano 'yon! Naku-curious na talaga ako. I-research ko na lang kaya sa internet?"
"Oy, h'wag. Baka kung ano'ng makita mo."
"Anong makikita?"
"Basta. Bawal kang mag-internet."
"E di sabihin mo na lang sa 'kin."
Natawa ulit ako at tumungga sa bote ng beer.
"Masarap 'yong Third Base," sabi ko pagkatapos. "'Pag ginawa 'yon sa lalaki, parang ano . . . parang sumisipsip ng lollipop. 'Pag sa babae, mas masarap . . . parang sumisisid."
"S-sumisisid? Ano'ng sinisisid?"
"Perlas."
Kumunot ang noo niya tapos napaisip siya. "Hindi ko naintindihan. Hindi mo na lang ba gagawin sa 'kin?"
"Ngayon na? Dapat maka-second base muna ako bago 'yon."
"Ah, may second base pa pala?"
"Oo. First base, second base, third base, tapos home run. 'Yong home run ang pinakamasarap. 'Yon ang paborito ko."
Napaisip na naman siya. Tangina, nakakaaliw ang itsura niya 'pag nagtataka siya sa mga kalokohang pinagsasabi ko. Ang sarap niya tuloy lalong asarin.
"Ang dami palang base n'on," sabi niya.
"Hindi, kaunti lang 'yon. Gusto mo gawin ko sa 'yo lahat?"
Bigla na siyang sumimangot sa akin. "Nakangisi ka naman, e. Alam ko kapag ngumingisi ka nang gan'yan."
Tinawanan ko lang siya. Tapos tumungga ulit ako sa beer ko. "Sige na, iba na lang pag-usapan natin. Baka magising na naman 'tong Super Saiyan, sige ka. Kumalma na nga kanina."
Ngumuso lang siya. "Bakit ba Super Saiyan ang tawag mo sa kanya?"
"Wala. Trip ko lang."
"Sinong Super Saiyan ba siya? Si Vegeta?"
Ngumisi ako. "Si Vegeta ba paborito mo? Sige, siya na lang. Simula ngayon, siya na si Vegeta."
Natawa lang naman siya. "Baliw ka talaga, tinatanong ko lang naman." Tapos bigla siyang sumilip sa suot niyang relo. "Hala!" Napatuwid siya ng upo. "Ang bilis ng oras. Lagpas 8 na pala. Kailangan ko nang umuwi." Binilisan niya kain niya.
Kumunot ang noo ko. "Agad? Saka akala ko ba hindi ka pa aalis?"
"Kanina 'yon. Pero ngayon po kailangan ko na talagang umuwi."
"Tsk. At sino namang nagsabing papayagan kita?"
Natigilan siya. "Uy, h'wag kang gan'yan. May trabaho pa 'ko bukas."
"Dito ka na sa 'kin matulog. Ihahatid na lang kita bukas nang umaga."
"Ayoko po, hassle 'yon. Ayokong mataranta sa pagpasok bukas."
"Basta, hindi ka uuwi." Inubos ko 'tong pizza ko tapos tumayo na.
Sumunod naman agad siya.
Niyakap niya 'ko mula sa likuran bago ako makaalis. "Tigre. H'wag kasi ngayon. Next time na lang po ako matutulog dito, kapag ready ako at may dala akong damit."
Hindi ko siya sinagot.
Sumilip siya sa 'kin. "Tigre, please?"
Tss. Dinadaan na naman ako sa pagpapa-cute niya.
Bumuntonghininga na lang ako, saka ko siya sinagot. "Sige na. Sa susunod ka na lang matulog dito."
"Talaga? Thank you!" Inayos na niya ang pinagkainan namin.
Napailing-iling ako. Hanggang ngayon, ang bilis niya pa ring maniwala. Nagkukunyari lang naman ako, wala talaga 'kong balak na pauwiin siya. May naisip na akong gagawin para hindi siya makaalis.
"Mag-ayos ka na," sabi ko. "Ihahatid na kita pauwi maya-maya."
Pumasok na muna ako sa banyo.
Nagtagal ako ng mga limang minuto dito bago ako bumalik sa kanya. Saktong naabutan ko na siyang nag-aayos ng gamit.
"Alis na po tayo?" tanong niya sa akin.
"Mamaya nang kaunti." Hinilot ko kunyari ang noo ko. "Biglang sumama pakiramdam ko."
"Hala?" Tumigil siya sa pagliligpit. Nilapitan niya 'ko. "Bakit, ano'ng nangyari sa 'yo?"
"Ewan ko nga. Parang ang sakit ng ulo ko tapos nahihilo ako. Pahinga muna ako saglit." Sabay lakad ko papasok sa kwarto.
Ang galing ng arte ko pero tangina, sa loob-loob ko, natatawa ako.
Dumapa pa ako rito sa kama para mas kapani-paniwala. Napansin ko nga agad siyang sumunod sa akin.
"Uy, Baron. Nag-aalala ako. Okay ka lang ba? Baka nasobrahan ka sa beer kaya masakit ang ulo mo." Umupo siya dito sa gilid ng kama. Kinapa niya ang noo ko tapos ang leeg. "Hindi ka naman po mainit, ah?"
"Basta masama pakiramdam ko." Hinigit ko siya sa baywang palapit sa akin at inunanan siya sa tiyan. "Pwede bang umidlip muna ako kahit saglit? Ayokong mag-motor nang ganito. No'ng huling ginawa ko 'yon, naaksidente ako, e."
"N-naaksidente ka?" Sinilip niya 'ko. "Kaya ka ba maraming galos sa mukha at may malaking sugat sa siko mo?"
Tumango ako tapos siniksik ang mukha ko sa tiyan niya.
Hinaplos-haplos niya naman agad ang buhok ko. "Kawawa ka naman pala."
"Oo, kawawa talaga 'ko."
"Bakit kasi hindi mo sinabi na gano'n ang nangyari sa 'yo? Akala ko tuloy napaaway ka na naman. Sige, mamaya na tayo uwi. Pahinga ka na muna."
Ayos, ang galing ko talaga. Effective ang plano ko.
"Higa ka rin. Tabihan mo 'ko, nilalamig ako," sabi ko pa. Medyo nilambingan ko para mas lalo siyang maniwala sa akin.
Buti nga at sumunod agad. Tinabihan niya ako rito sa kama. Tumihaya na lang din ako ng higa para makaunan siya sa hubad kong dibdib at mayakap ko siya nang mas maayos.
"Magpahinga ka na, ah?" Tumingala siya sa akin. "Babantayan kita hanggang sa umayos na ang pakiramdam mo."
Tumango lang ako sabay higpit ng yakap sa kanya. Ni-relaks ko ang katawan ko.
Wala naman talaga 'kong balak matulog, pero parang tinatamaan ako ng antok ngayong nararamdaman ko ang paghinga niya. Nilabanan ko na lang.
Pinalipas ko ang ilang saglit na tahimik lang kaming dalawa. Hanggang sa mapansin ko na parang ang lalim na ng paghinga niya tapos bumibigat na rin ang pagkakahiga niya sa dibdib ko.
Hinawi ko ang buhok niya para silipin ang mukha niya. 'Langya, kaya naman pala. Ang sarap na ng tulog!
Tingnan mo talaga 'tong babaeng 'to. Ako dapat 'tong magpapahinga tapos siya 'tong nakatulog.
Pero ayos lang. Mas gusto ko 'to para hindi na 'ko mahirapang pigilan siyang umuwi.
Hinila ko na lang 'yong kumot sa gilid ko tapos tinakip sa katawan niya nang dahan-dahan para hindi siya magising. Hinalikan ko siya sa taas ng ulo bago pumikit ulit.
Ang sarap ng ganito. Ang sarap sa pakiramdam na kasama ko na ulit siya, na yakap-yakap ko siya. Parang 'yong tagal ng tiniis ko dati na wala siya sa tabi ko, nabawi na. Masaya na ulit ako.
Hinigpitan ko ang yakap ko tapos hinalikan ulit siya sa ulo.
"Pasensya na, kuting . . ." bulong ko kahit alam kong hindi niya 'ko naririnig. ". . . Sobrang miss lang talaga kita kaya gusto kitang makatabi ngayon. Tulog ka na. I love you."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top