Chapter 2
BARON MEDEL
"A-ARAY, BARON!" REKLAMO nitong si Desa. "H'wag mo na 'kong hilain, natatapilok ako."
Binitiwan ko siya pagkalabas na pagkalabas namin sa club, tapos tumingin mula ulo niya hanggang paa.
Dapat talaga galit ako, pero tangina, dahil sa ganda ng itsura niya ngayon, parang nawawala bigla ang sama ng loob ko.
"Hindi ko in-expect na magkikita tayo ngayon. Pero sobrang masaya ako," sabi niya pa sabay hinaplos bigla ang mukha ko. "Ano'ng nangyari sa 'yo? Bakit ang dami mong galos sa mukha?"
Umiwas lang ako. "Wala. Ikaw, ba't nandito ka? Hindi ka pa pala bumabalik ng Cebu."
"Hindi na ako babalik do'n. Dito na ako nakatira at dito na rin ako nagtatrabaho."
"Kailan pa? Saka kailan ka pa natutong magpunta sa ganitong klase ng lugar?"
Napayuko siya sabay kagat sa ibaba niyang labi. "First time ko nga, e. Sinama lang ako ng kaibigan ko."
"Sinong kaibigan?"
Bigla na lang may babaeng lumabas galing sa loob ng Third Base. Tinawag pa siya pero natigilan din agad no'ng nakita akong nandito. Nagpalipat-lipat ito ng tingin sa aming dalawa.
"Tsk." Hinila ko na lang ulit 'tong si Desa at dinala sa medyo malayo. Ayoko ng may asungot 'pag may kinakausap ako.
Pagkalayo namin, hindi ko maiwasang hindi ulit mapatingin sa suot niya.
"Ba't gan'yan itsura mo?" Nakasalubong ang mga kilay ko. Tangina kasi, ang iksi ng shorts!
Para naman siyang nahiya. Pasimple niya pang tinakpan ang tiyan niya na kita rin sa suot niyang pantaas. "Pinagamit lang din 'to sa 'kin n'ong kaibigan ko."
"Pinapayagan ka ng bago mong boyfriend na manamit ng gan'yan?"
Bigla siyang umiwas ng tingin. "Bakit po hindi mo 'ko tinext? Naghintay ako."
"Tangina, h'wag mo ngang ibahin ang usapan."
"Hindi sa iniiba." Binalik niya ang tingin niya sa akin. "Gusto ko lang malaman kung bakit hindi mo ako tinext. Binigay ko sa 'yo ang number ko."
"Ba't naman kita ite-text pa? Wala naman na 'kong kailangan sa 'yo."
"Baron!" Pinalo niya 'ko sa dibdib. "Bakit ka gan'yan?"
"Pinagpalit mo 'ko tapos itatanong mo kung bakit ako ganito?"
Napaatras siya sa gulat.
Ako naman, napaiwas na lang din ng tingin. Tsk, hindi ko sinasadya. Nadala ako ng init ng ulo.
Narinig ko na lang siyang bumuntonghininga pagkatapos. "Kaya gusto ko sana na ako mismo ang magsasabi sa 'yo, e. Kasi kapag galing sa ibang tao, ang makakarating talaga sa 'yo ay 'yong hindi totoo."
Doon ako napabalik agad ng tingin sa kanya. "Ano?"
Malungkot ang mukha niya. "Bakit kasi hindi mo ako binigyan ng pagkakataon na magpaliwanag? Kaya ko nga binigay sa 'yo ang number ko . . .
. . . Hindi ko po talaga boyfriend si Evo. Bakla siya. May ka-long distance relationship nga siyang lalaki sa Japan, e. Pinagdududahan na siya ng parents niya at natatakot siyang mabuko dahil siguradong itatakwil siya, kaya sinabi niya na lang na girlfriend niya ako para matigil na ang pagdududa sa kanya. Nagalit ako sa kanya no'ng una dahil nagsinungaling siya. Pero nangako siya sa akin na bilang kapalit, tutulungan niya akong makabalik sa 'yo."
Humawak siya sa akin. "Baron, handa akong gawin kahit na ano makita ka lang ulit. Kaya kahit na ang pangit tingnan at alam kong magagalit ka, tinanggap ko pa rin ang alok niya. Miss na miss na kasi kita at gusto na kitang makasama ulit."
Parang iiyak na siya sa tono ng boses niya habang ako, nakatingin lang sa kanya.
Wala akong masabi. Lahat naman na ng dahilan kung ba't niya 'ko pinagpalit, naisip ko na, pero 'tong isang 'to, hindi sumagi sa isip ko.
"Mabait si Evo, tinutulungan niya tayo," dagdag niya pa. "Nito ko lang nga nalaman na siya pala ang humiling kay Lola na pagbakasyunin kami sa resort dahil nagbabaka-sakali siyang matitiyempuhan ka namin doon. Tapos ngayon, siya rin ang gumawa ng paraan para payagan ako nina Mama na dito na magtrabaho para mas mapalapit na ako sa 'yo."
Binitiwan na niya ang kamay ko. 'Yong itsura niya, mas lalong lumungkot. "No'ng unang araw ng pagtira ko rito, ikaw agad ang pinuntahan ko. Nagpasama ulit ako kay Evo para balikan ka. Nagkandaligaw-ligaw na nga kami pero hindi na naman kita naabutan sa shop mo. Sabi sa akin ng nagbabantay ro'n, kaaalis mo lang daw na may kasamang ibang babae."
Kumunot ang noo ko. Sinong kasamang ibang babae? Wala akong gano'n.
"Napaisip tuloy ako kung may kinikita ka na bang iba dahil sa nalaman mo ang tungkol sa 'kin," tuloy niya, "pero hindi ako nagalit o nagtampo sa 'yo. Hinintay ko pa rin na tawagan mo ako o kahit i-text man lang para magkita na tayo at makapagpaliwanag na ako, kaso wala."
Bumuntonghininga ako. "Hindi ko alam kung sinong babae ang tinutukoy mo. Wala akong kinikitang iba."
Bigla siyang ngumiti nang mapait. "Naniniwala naman ako sa 'yo, e. Ikaw, naniniwala ka ba sa 'kin?"
Nanghina ako sa tanong niya. Tangina, para akong biglang nahiya dahil nagalit ako pero ang totoo, ginawa niya lang pala lahat ng 'yon para pa rin sa amin.
Lumapit na lang agad ako para yakapin na siya sa leeg.
"Naniniwala ako." Sabay halik ko nang madiin sa tuktok ng ulo niya. "Ayos na. Naiintindihan ko na. Pasensya na kung nagalit ako at hindi kita binigyan ng pagkakataon na magpaliwanag muna sa akin. Ako ang mali ro'n." Hinigpitan ko ang yakap ko tapos sinubsob ang mukha ko sa gilid ng ulo niya. "Sobrang miss kita."
Humigpit din ang yakap niya. "Ako rin po. Miss na miss kita. Araw-araw kitang iniisip. Buti na lang sinama ako ng kaibigan ko rito. Nakita kita." Tapos kumalas na siya ng yakap.
Tumingala siya sa akin sabay ngiti, pero ang bilis ding napakunot ng noo. "Ano ba talagang nangyari d'yan sa mukha mo? Bakit ka puro sugat?" Pati 'yong nasa siko ko, napansin niya. "Nakipag-away ka na naman?"
Natawa na lang ako. "Hindi ako nakipag-away. Wala lang 'yan, h'wag mong pansinin."
"Pa'no hindi mapapansin e, ang dami."
"Pagaling na ang mga 'yan." Inipit ko ang ilang hibla ng buhok niya sa likod ng tainga niya. Sobrang haba na ng buhok niya ngayon. Bagay nga, mukha siyang prinsesa.
"Ikaw naman," tuloy ko, "magaling na ba talaga 'yang mga paa mo o minsan sumasakit pa?"
"Magaling na. Si Evo pala, siya 'yong physical therapist ko sa Cebu. Tinulungan niya akong makalakad na kaagad."
"Ah." Sabay iwas ko ng tingin, pero binalik niya rin agad ang mukha ko.
"Bakit 'ah' lang ang sagot mo? H'wag ka nang magalit. Mabait naman 'yong si Evo. Alam niya nga ang lahat tungkol sa atin."
"Ayoko sa kanya." Dineretso ko. "Nagseselos ako ro'n. Kwento ni Arkhe, masyado raw 'yong sweet sa 'yo. Inaakbayan ka pa. Tangina, sino'ng nagsabing pwede kang magpaakbay sa iba? Pinayagan ba kita?"
Napatakip siya ng bibig para magpigil ng tawa.
Tsk, tingnan mo 'tong babaeng 'to. Seryoso ako tapos tatawanan ako.
"Tigre ka pa rin talaga," asar niya pa. "Gano'n lang talaga 'yong si Evo. Sweet siya sa kahit na sinong babae. Saka h'wag kang mag-alala, wala naman siyang gusto sa akin, e. Naging sobrang close lang talaga kami. Love niya kaya 'yong boyfriend niya sa Japan."
"Kahit na. Ayoko pa rin sa kanya."
Sinuklay niya ang gilid ng buhok ko. "Hmm, sige na nga. Hindi na kita pipilitin kung ayaw mo sa kanya. Pero promise mo sa akin na hindi mo siya sasaktan kung sakaling makita mo ulit siya, ah?"
"Ba't ko naman siya sasaktan?"
"E kilala kita, e. Kapag may pinagseselosan ka, binubugbog mo."
"Wala akong pinaplanong gan'yan ngayon."
"T-talaga?"
"Oo." Kunyari ko lang, pero ang totoo, ilang beses ko na talagang napatay sa isip ko 'yong tanginang Evo na 'yon.
"Wow. Mukhang good boy ka na ngayon, ah." Naniwala naman siya.
Napangisi na lang ako. "Hanggang kailan ba kayo magpapanggap?"
"Hmm...kakausapin ko pa muna siya. H'wag kang mag-alala, gagawan ako ng paraan."
"Ayoko ng masyadong matagal. Baka mamaya mas madalas pa kayong magkasama n'on kaysa sa atin. Saan ka ba nagtatrabaho? Ako ang susundo sa 'yo."
"Sa bangko sa Makati."
"Alin doon? Maraming bangko ro'n."
"Uhm, hindi ko memorize ang address, medyo bago pa lang kasi ako. Tawagan mo kasi ako para malaman ko ang number mo tapos ite-text ko na lang sa 'yo. Na-save mo ba ang number ko na binigay sa 'yo?"
"Oo."
Bigla siyang ngumuso sabay nagsama ng tingin. "Na-save niya naman pala tapos isang pindot lang para matawagan ako, hindi niya pa ginawa."
Tangina, natawa 'ko sa sobrang cute niyang magtampo. Hinila ko na lang siya para yakapin ulit. "Sorry na."
Nanakawan ko pa dapat siya ng halik sa pisngi kaso bigla siyang nataranta ng iwas. "T-teka..."
"Bakit?"
"Kanina pa pala tayo pinanonood ni Koko." Tinuro niya.
Tiningnan ko naman. 'Yong kaibigan niya pala 'yon. Hanggang ngayon, naghihintay pa rin sa kanya sa tapat ng Third Base, hindi na lang pumasok.
"Tsk." Umatras na lang ulit ako. "Sa'n mo ba nakilala 'yan? Tinuturuan ka pang pumunta sa gan'tong lugar."
"Uy, hindi. Best friend ko 'yan. Same school kami no'ng college. Sa bahay niya ako nakatira ngayon. Mabait 'yan. First time nga namin pareho na magpunta sa gan'to, e. Tinry lang namin para daw hindi na ako malungkot." Bigla siyang tumitig sa akin na parang nagpapaawa. "Uhm, pwede na ba akong bumalik sa kanya? Naghihintay pala kasi siya, e."
"Ayoko. H'wag ka nang bumalik do'n. Maraming gago sa loob, mababastos ka. Sumama ka na lang sa 'kin. Alis tayo."
Napangiti siya, pero napabalik din agad ng tingin doon sa best friend niya.
Ang tagal niyang hindi umimik pagkatapos. Parang pinapahirapan ko yata siya. Halatang-halata ko kasi sa mga mata niya'ng hindi siya makapagdesisyon kung sasama ba siya sa akin o doon sa Koko na 'yon.
Kinurot ko na lang siya sa ilong tapos hinarap ang mukha niya pabalik sa akin.
"Sige na, h'wag mo nang pag-isipan. Puntahan mo na siya. Ayoko namang sirain kung ano mang plano niyong magkaibigan."
"P-promise? Okay lang sa 'yo? Sorry, ah, nangako kasi kaming hindi iiwan ang isa't isa doon sa loob ng club."
Ngumiti ako. "Oo, ayos lang. Pero babalik din ako ro'n. Babantayan kita."
"Sige, gusto ko 'yon" Ang sarap na ulit ng ngiti niya. "Tara na." Niyakap niya 'ko sa braso tapos hinila na agad paalis.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top