Chapter 4
NGAYONG ARAW DAPAT 'yong date namin ni Desa. Pero syempre, hindi ko siya sinipot.
Wala naman talaga akong balak na totohanin 'yong date na 'yon. Inuto ko lang 'yong bata para manahimik. Akala ko nga hindi siya kakagat, pero mukhang nauto ko nga talaga siya.
Kaninang hapon kasi habang nakatambay ako sa isa sa mga cottage, nakita ko siyang umuwi galing sa labas. Nakadamit pang-alis siya. Bihis na bihis. Siguro nagpunta talaga siya ro'n sa kapehan kung sa'n kami dapat magde-date. Tangina, natatawa na lang ako. Bahala siya. Masyado siyang makulit tsaka uto-uto.
Ngayong gabi, nakatambay lang ako rito sa pwesto ng lifeguard sa tabing-dagat. Nagyoyosi lang tsaka umiinom mag-isa.
Hanggang ngayon kasi naiisip ko pa rin 'yong pagpunta ni Leila sa Switzerland. Ang labo ko. Dapat nga matuwa ako kasi literal na siyang malayo sa 'kin. Mas magiging madali na para sa 'kin na kalimutan agad siya. Pero ewan ko ba, parang mas nalungkot lang ako.
Humithit ako rito sa yosi ko. Tsk, ilang sigarilyo at alak ba ang kailangan kong ubusin para makalimot na ako?
"Pwesto ko 'yan." Bigla namang may nagsalita sa ibaba.
Sinilip ko agad. Si bulinggit na naman pala.
Humithit na lang ulit ako sa yosi. "May pangalan mo ba? Wala akong nakita."
Hindi naman siya sumagot. Tiningnan ko ulit. Naglakad na pala siya paalis. Tingnan mo 'yon, magmumukmok na naman 'yon. Kinuha ko na lang 'tong bote ko ng alak tapos tumalon na ako sa buhanginan galing dito sa pwesto ng lifeguard.
"O bata, ikaw na," sabi ko. "Baka umiyak ka na naman d'yan."
Uuwi na ako. Medyo tinamaan na rin naman ako ng alak. Dinaanan ko lang siya.
"Naghintay ako sa 'yo kanina," biglang sabi niya naman bago ako makalayo.
Nilingon ko siya. "Naghintay?"
Umikot siya paharap sa 'kin. May yakap-yakap siyang laptop. "Hinintay kita kanina sa coffee shop. Sabi mo 2pm pero hindi ka dumating. Hindi mo ako sinipot sa date nating dalawa."
Tangina, natatawa ako. Kumagat pala talaga siya pang-uuto ko. "Ah. Ngayon ba 'yon?" pang-aasar ko pa lalo.
Mukhang nainis na siya. "Ikaw nagplano no'n, tapos nakalimutan mo?"
"Ba't naghintay ka pa rin? Hindi mo ba naisip na wala naman talaga akong planong siputin ka ro'n?"
"Umasa po kasi akong darating ka. Ikaw nag-set no'n eh, ikaw nagsabi na magde-date tayong dalawa. Hindi naman ako pupunta ro'n sa coffee shop kung hindi ka nagplano."
Nakakatawa talaga 'tong batang 'to. "Wag kang umaasa sa 'kin."
"Ibig sabihin inalok mo lang talaga ako ng date para hindi kita isumbong?"
"Sana naisip mo agad 'yan. Para hindi ka na naghintay kanina."
"Alam mo Baron Medel, ang insensitive mo. Hindi mo man lang talaga inisip feelings ko."
"Tangina, ano'ng pake ko d'yan sa feelings mo." Humithit lang ulit ako rito sa yosi ko tapos initsa ko na sa buhanginan. "Oy ikaw bata, tigil-tigilan mo na 'yang panonood mo ng T.V., ha. Tingnan mo, nahahawa ka sa mga kadramahang pinalalabas do'n."
Bigla siyang yumuko. "Ba't ba ang sama mo sa 'kin. Porket alam mong mahal kita, ginaganyan mo ako."
"Mahal?" Napangisi ako. "Ang bilis naman. Akala ko ba crush lang."
"Bakit? Hindi ka naniniwala?"
"Hindi. Hindi mo ako mahal. Baka natutuwa ka lang sa 'kin. Marami akong kakilalang ganyan."
"Ba't ba mas marunong ka pa sa 'kin?"
"Alam mo ang kulit mo. Ayoko ng babaeng makulit."
"Eh, bakit nga mas marunong ka pa sa nararamdaman ko?"
"Kasi mas matanda ako sa 'yo. Puppy love lang 'yang nararamdaman mo." Tinawanan ko siya. Tangina, hindi ko alam ba't ang sarap asarin ng babaeng 'to. Ang cute niyang mainis.
Nagulat na lang naman ako, umiiyak na pala siya!
"Tinatawanan mo pa ako. Seryoso nga ako, eh," sabi niya.
Medyo nahimasmasan tuloy ako. Hindi ko na pinatulan. "'Langya, makauwi na nga lang. Hindi ko masabayan 'yang trip mo." Tinalikuran ko na siya para tumuloy na sa pag-uwi. Nilamon na siya ng kadramahan niya.
"Sige, bahala ka na," biglang sigaw niya naman. "Hindi na kita crush simula ngayon!"
Inunahan niya ako sa paglalakad. Binunggo niya pa ako sa braso ko pero siya rin 'tong natumba. Pagkalingon ko, nakaupo na siya sa buhanginan. Halata kong nasaktan siya pero hindi ko talaga siya tinulungang tumayo. Tiningnan ko lang siya. Kasalanan niya naman. Kung hindi ba naman kasi siya makulit.
Ang bilis niya rin namang tumayo tapos kinuha ang laptop niya. "Hindi na talaga kita gusto!" Sabay takbo niya paalis.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top