Chapter 33

Manila

"MAGKANO NGA ULIT ang kailangan mo?" tanong sa 'kin ni Arkhe habang nakaupo ako rito sa bar ng bagong bukas niyang night club.

"Trenta mil sana," sagot ko.

"Sige, saglit lang." Pumasok siya ro'n sa maliit niyang opisina sa likod.

Humithit na lang muna ulit ako sa hawak kong yosi.

Nakabalik na ako rito sa Maynila. Halos mag-iisang taon na rin ang nakalipas mula no'ng naaksidente si Desa at nagkahiwalay kami. Hanggang ngayon, wala pa rin akong balita sa kanya. Hindi ko pa siya nakikita ulit.

Mayamaya lang lumabas na ulit si Arkhe, may dala na siyang puting sobre.

Pinatong niya dito sa pahabang mesa. "'Yan. Sakto, nag-withdraw ako ng pera last week. May ipa-aayos kasi sana ako dito sa Third Base. Pero ikaw na muna ang gumamit. Mas kailangan mo."

"Salamat. Ibabalik ko agad 'pag nakaluwag-luwag. Kailangan ko lang talaga ng pandagdag sa uupahan kong pwesto para mabuksan ko na 'yong tattoo studio ko."

"Sige lang, 'tol. Relax lang. Hindi kita sisingilin agad. Asikasuhin mo na muna 'yang mga dapat mong asikasuhin, tsaka mo ako bayaran."

Tumango ako sabay hithit ulit sa yosi. Siya naman, naglakad para sumilip sa bintana.

"O, nasa'n sasakyan mo?" tanong niya.

Nilipat ko ang tingin ko sa kanya. "Wala. Wala na akong sasakyan. Binenta ko."

"Tangina." Napaharap siya sa 'kin. "Ba't mo binenta?"

Ngumisi ako. "Walang-wala na ako, eh. Bumalik ako dito sa Maynila na wala man lang akong kahit na ano. Kupal ni Rex, ayaw pang ibalik sa 'kin kahit katiting man lang no'ng perang inabot ko sa kanya no'ng nakipag-sosyo ako sa FRANCO. Bayad ko na raw 'yon para sa panggagago ko sa pamilya niya. Tangina nga." Umiling-iling ako tapos humithit ulit.

Lumapit naman 'tong si Arkhe. Umupo siya sa katabi kong silya tapos nagsalin ng alak sa baso na kanina pa namin ini-inuman.

"Papaano si Desa?" diretsong tanong niya. "Paano mo siya napupuntahan sa Batangas kung wala ka na palang kotse."

Bumuntong-hininga ako. "Nakikihiram ng sasakyan."

"Tsk, hindi ka ba nahihirapan d'yan sa ginagawa mo?"

"Nahihirapan. Hirap na hirap na nga ako." Tinapon ko na 'tong sigarilyo ko sa ashtray. "Tsaka, wala na si Desa sa Batangas."

"Ha? Nasa'n na?"

"Nasa Cebu. Hanggang ngayon hindi ko alam kung saan do'n. Dinala siya nila Karina no'ng naaksidente siya para mailayo sa 'kin."

Hindi na nakasagot 'tong si Arkhe.

Sinilip ko na lang siya. Ang layo na rin ng tingin niya.

"Nabalitaan ko nga 'yang tungkol sa pagkakabangga kay Desa no'ng huling beses na napadaan ako sa Jupiter," sabi niya. "Pero hindi ko nalaman na wala na pala siya do'n. Kaya pala doble ang hirap mo ngayon."

"Hindi lang doble. Triple pa." Inabot ko 'tong basong may lamang alak at ininom. "Itatakas ko na dapat siya no'ng gabing 'yon, dadalhin ko na dito. Kaso naaksidente siya. Tangina, akala ko talaga mamamatay siya no'n. Ilang beses naman na akong nakikita ng taong nag-aagaw buhay pero iba 'yong kay Desa. Takot na takot ako. Alam ko kasing kung sakaling mawala siya, kasalanan ko. Kung hindi ko ba naman siya binalak na itakas, hindi mangyayari 'yon."

"Wag mo isisi sa 'yo lahat. Hindi mo naman siguro siya pinilit na sumama sa 'yo?"

"Pinlano naman namin pareho." Sinuklay ko pataas 'tong buhok ko na humahaba na. "Nakiusap pa ako kay Karina no'n na wag nang dalhin sa Cebu si Desa. Na kukunin ko na lang siya, ako na ang mag-aalaga. Pero hindi niya ako pinayagan. Ni ayaw nila akong hayaan na makausap si Desa kahit saglit. Pinabalik nila ako dito, tapos si Desa, nilayo nila."

Natawa na lang ako kunyari para maitago 'tong lungkot ko. "Miss na miss ko na siya, 'tol. Para akong dinudurog araw-araw."

"Wala kang balita sa kanya? Kahit na ano?"

Umiling ako. "Mula nang bumalik ako dito, wala na kaming komunikasyon sa isa't isa. Ewan ko kung ayos na ba siya. Kung magaling na ba ang mga paa niya."

"Bakit, anong nangyari sa paa niya?"

"Hindi na siya nakalakad no'n dahil sa pagkakabangga sa kanya."

Bigla na uling natahimik 'tong si Arkhe.

Ako naman, uminom na lang ulit ng alak.

"Halos linggo-linggo, pumupunta ako sa Batangas para lang kulitin sila Karina kung nasaan si Desa sa Cebu," tuloy ko. "Pero lagi rin akong bumabalik dito na bigo tsaka bugbog sarado. Sinusugal ko pa ang buhay ko dahil kada punta ko ro'n, si Rex nagbabantang ipapapatay ako." Pumeke ulit ako ng tawa. "Tangina, halos lumuhod na kaya ako sa harapan nila at magmakaawa, kaso wala talaga. Tsk. Ang tagal na, p're. Mag-iisang taon na, wala pa rin akong napapala."

Kinuha niya mula sa 'kin 'tong baso ng alak. Sinalinan niya ng bago. "Pahinga ka muna, brad. Masyado mo nang dine-depress sarili mo. Pagtuunan mo na lang muna ng pansin 'yang pagbubukas ng bago mong tattoo shop. 'Pag maayos na, tsaka mo ulit hanapin si Desa. Malamang sariwa pa rin kasi kina Rex yong nangyari."

"Alam ko naman." Tinanggap ko 'tong inaabot niyang alak. "May panahon din namang nagpahinga ako sa paghahanap. Ngayon nga, dalawang buwan na yata akong hindi pumupunta sa Batangas. Inayos ko rin naman ang sarili ko. Naghanap ako ng bagong matitirhan pati binenta ko nga ang sasakyan ko para may puhunan ako sa pagbubukas ng shop. Syempre ayoko rin naman na ganito ako 'pag nagkita na kami ni Desa. Gusto ko na sa pagkakataong 'to, hindi na ako tarantado sa paningin ng pamilya niya."

"Susuportahan kita sa lahat ng mga 'yan, 'tol. Pero sinasabi ko lang sa 'yo, bilang kaibigan mo, hindi magiging madali sa 'yo na linisin ang pangalan mo sa mga Franco."

Kinunutan ko siya ng noo.

Bumuntong-hininga naman siya sabay inom sa baso niya ng alak. "No'ng dumalaw ako sa resort, may isa pa akong nabalitaan. Si Gwen. Ba't mo binuntis?"

Umiwas agad ako ng tingin.

Ayoko na sanang pag-usapan ang tungkol do'n. Isa pa 'yon sa nagpapabigat sa pakiramdam ko.

"Wag mong sabihing babae mo rin 'yon?" tuloy niya. "Akala ko ba si Desa lang?"

"Si Desa lang naman talaga. Matagal na 'yong kay Gwen. Nilayuan ko na rin naman siya. Sumakto lang talaga na kami na ni Desa no'ng pinagkalat niyang nabuntis ko siya."

"Sigurado kang ikaw talaga ang nakabuntis?"

Umiling ako. "Hindi. Dudang-duda nga ako. Alam ko kung anong klaseng babae 'yon si Gwen. Ewan ko ba kung ba't siya pilit nang pilit na ako ang tatay no'n."

Napahinga na lang nang malalim 'tong si Arkhe sabay sandal sa upuan niya. "Nakunan si Gwen. Alam mo 'yon?"

Tumango ako, tapos hinilot ang pagitan ng mga mata ko. "Sinabi lang din sa 'kin ni Karina no'ng nasa ospital ako. Hindi ko intensyon 'yon, 'tol. Wala akong balak na idamay 'yong bata sa problema namin. Pero aminado akong may kasalanan din ako kung bakit nangyari 'yon. Nagsisi rin naman ako. Ayoko na nga sanang maalala."

"'Yan na nga ang tinutukoy ko sa 'yo. Kung ba't mahihirapan kang makipag-ayos kina Rex at makuha si Desa. Kahit na hindi ikaw ang totoong nakabuntis kay Gwen, masakit pa rin 'yon para kina Rex kasi nakunan ang panganay nila."

"Alam ko. Pero hindi pa rin ako titigil. Gagawin ko pa rin ang lahat para malaman kung nasa'n sa Cebu si Desa." Inubos ko ang laman ng baso ko tapos binalik na sa pagkakapatong sa mesa. "Ang kinatatakot ko lang, sa sobrang tagal na, baka iniisip ni Desa na wala na akong balak na hanapin at kunin siya. Wala rin kasi akong natatanggap na tawag o kahit na ano galing sa kanya. Araw-araw iniisip ko kung anong ginagawa niya ro'n. Kung hinihintay niya ba ako, kung hinahanap niya rin ba ako. Tsk. Iniisip ko na lang na baka pinaghihigpitan siya ng lola niya kaya hindi niya ako magawang tawagan. O baka naman hindi pa rin siya nakakalakad hanggang ngayon. Ah, tangina nababaliw na ako kaiisip!" Napatayo na ako sabay tingala sa kisame.

Natawa naman 'tong si Arkhe. Tinapik niya ako sa braso. "Relax lang, 'tol. Magagawan mo ng paraan 'yan. Wala bang ibang taga-Jupiter na pwedeng tumulong sa 'yo? Si Hanna?"

"Wala na si Hanna sa resort. Pinaalis siya nila Karina no'ng malamang siya 'yong tumulong kay Desa na tumakas para makaluwas kami rito."

Napahilot na lang siya sa noo niya. "Tsk, ang laking problema nga."

Napangisi na lang ako. "Pasensiya na, brad. Hindi mo na dapat iniisip 'tong mga gusot ko. Masyado nang malaki ang naitulong mo sa 'kin." Kinuha ko 'tong sobre ng pera na nasa mesa. "Salamat dito."

Tumango lang siya tapos nagsalin ulit ng alak sa baso. "May tubo na 'yan 'pag binalik mo, ah."

Natawa na lang ako. "Oo na. Sige, una na rin ako. Alam kong may gagawin ka na." Binulsa ko na 'tong sobre tapos tumalikod.

Bago pa naman ako makalabas dito sa club, tinawag pa ulit ako ni Arkhe.

Nilingon ko.

"Kailan ulit ang balik mo sa Batangas para kulitin sila Rex tungkol kay Desa?" tanong niya.

"Hindi ko pa alam. Baka bukas."

Bigla niya akong initsahan ng susi ng kotse. "Gamitin mo muna sasakyan ko. Ingatan mo ah, mas mahal pa sa buhay mo 'yon."

Napangisi ako. "Ibabangga ko pa para sa 'yo. Salamat." Tinaas ko sa kanya 'tong susi bago ko pinasok sa bulsa ko at tuluyang umalis.

Hindi ko alam kung sa pagbalik ko ba ulit bukas sa Batangas e matatapos na ang problema ko. Pero sana. Kasi sobrang miss ko na talaga si kuting. Parang hindi ko na kaya na dumaan pa ang isang araw na hindi ko pa rin siya nakikita.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top