Chapter 21
NARAMDAMAN KO NANG nagising na si Desa. Ang aga pa, inaantok pa ako tsaka ang sakit ng ulo ko.
Nakayakap ako sa kanya mula sa likuran nang bigla na siyang umikot paharap sa 'kin at nag-unat habang humihikab. "Good morning! Gising ka na?"
Nag-unat lang din ako tapos tumihaya sabay takip ng braso ko sa mga mata ko. "Gising na. Kagabi pa."
Natawa siya. Tinanggal niya agad ang pagkakatakip ko para silipin ako. "Kagabi pa? Bakit?"
"Nagtanong ka pa. Hindi mo ako pinatulog nang maayos. Ang likot-likot mong matulog, para kang kiti-kiti. Kulang na lang sipain mo ako paalis dito sa kama. Ganyan ka ba talaga?"
Tinawanan niya lang naman ulit ako, sabay balik ng higa sa braso ko. Siniksik niya pa ang mukha niya sa 'kin.
"Sorry." Humikab ulit siya. "Hindi kasi ako sanay na may katabi. Sorry na po, ah?" Pinatong niya ang baba niya sa gilid ng dibdib ko at tumingin sa 'kin nang malambing.
Ang cute niya. Nakapungay pa ang mga mata. Ganito pala siya ka-cute kapag bagong gising.
"Antok ka pa?" tanong ko.
Pumikit siya at tumango. "Antok pa nga kuting mo, eh." Tapos dumilat ulit. "Ikaw, hindi ka na inaantok?"
Nag-inat ako tapos napahikab na naman. "Antok na antok pa. Hindi nga ako nakatulog. 'Yong katabi ko kasi dito ang likot."
Bumungisngis siya. "Ako 'yon?"
"Ay hindi. 'Yong unan 'yon. 'Yong unan 'yong malikot."
Ang sarap lang ulit ng tawa niya tapos yumakap nang malambing sa tiyan ko.
Nasarapan ako kaya tumagilid ulit ako paharap sa kanya para yakapin din siya nang mahigpit habang nakapikit. Hinalikan ko siya sa gilid ng noo. "Tulog pa tayo kuting, antok pa ako."
Tumingala siya sa akin. "Tulog pa? Eh, malapit na ako mag-ayos para pumasok."
Binalik ko ang mukha niya sa pagkakasubsob sa dibdib ko. "Tulog pa. Five minutes. Hindi mo ako pinatulog kagabi, eh."
Tumingala ulit siya, ang likot talaga nito. "Sorry na kasi. Uhm, sige, babawi na lang ako sa 'yo."
"Pano'ng bawi?"
"Hmm, eh hindi hindi na lang muna kita palalabasin dito sa kwarto ko kahit na malapit na gumising sina Mama. Dito ka muna. Kwentuhan tayo."
"Anong pagkikwentuhan?"
"Hmm, ikaw po? Kahit na ano."
Ngumiti ako. "Sige. Pero payakap muna." Hinigpitan ko ang pagkakalingkis ko sa kanya. Tinagalan ko bago ako nagsalita ulit. "Mahal kita." Hinalikan ko ulit siya sa noo. "Sobrang saya ko na nakatabi kita."
Naramdaman kong kumalma ang katawan niya. "I love you too," sabi niya sa 'kin. "Ako rin masaya."
"Hindi, mas masaya talaga ako." Inamoy ko ang buhok niya, ang bango pa rin.
Wala siyang kaalam-alam sa eksaktong nararamdaman ko ngayon. Lalo pa yatang nadagdagan ang pagmamahal ko para sa kanya.
Akala ko talaga hindi ako makakatulog kagabi. Akala ko hindi ako makakapagpigil, lalo na kapag bigla-bigla na lang siyang gumagalaw at hindi niya nasasadyang matamaan 'tong alaga ko. Mas lalo tuloy nagagalit. Timping-timpi ako tangina pinagpapawisan na nga ako. Hindi man lang talaga ako nakaraos. Kumbaga sa gutom, nalipasan na lang ako.
Pero ang sarap din pala sa pakiramdam na nakapagpigil ako. Aminado akong natutukso ako kay Desa habang magkatabi kami, pero hindi ko siya pinagtangkaan kahit na kayang-kaya ko.
Ito 'yong unang beses na may nakatabi akong babae at walang nangyari sa 'min. Hindi ko 'to makakalimutan. Sa totoo lang, binibiro ko lang talaga siya kanina no'ng sinabi kong hindi niya ako pinatulog. Masarap nga ang tulog ko kahit bitin at antok na antok pa rin ako hanggang ngayon.
Kung gaano kahigpit 'tong yakap ko sa kanya ngayon, gano'n din kahigpit ang yakap ko sa kanya kagabi habang magkatabi kaming dalawa. May mga oras na nagigising pa ako tapos pinagmamasdan ko lang siyang matulog. Sa lahat ng mga babaeng nakatabi ko, siya ang pinaka-cute 'pag tulog. Seryoso.
Bigla na siyang kumuwala sa yakap ko ngayon. Baka nangangalay na.
"Tahimik ka na po?" tanong niya sa 'kin. "Nakatulog ka na yata ulit?"
Ngumiti lang ako sabay dilat. "Hindi. May iniisip lang."
"Ano?"
"Hindi 'ano'. 'Sino'." Inayos ko ang bangs niya na nakatakip sa noo niya. "Ikaw. Iniisip kita."
Ngumiti siya. "Anong iniisip mo tungkol sa 'kin?"
"Marami. Kung maayos ba ang tulog mo kagabi. Maayos ba?"
Nilaparan niya ang ngiti niya at tumango. "Sobra. Yakap-yakap mo kasi ako.Hindi ko na kailangan magkumot. Ang init ng katawan mo. Gano'n ka talaga? Mainit?"
Nagpigil ako ng ngiti. "Mainit ba? Nag-iinit kasi ako sa 'yo kagabi."
Sumimangot siya. Ewan ko kung naintindihan niya ba ang ibig sabihin no'n, natawa na lang ako.
"Biro lang," sabi ko tapos tumihaya na ulit para hindi na siya mahirapan habang nakayakap sa akin.
Humikab ako, inaantok pa talaga ako. "Anong oras ba magigising Mama mo?"
Lumingon pa muna siya sa orasan bago sumagot. "Ay, maaga pa pala. Mamaya pa 'yon magigising. Mga isang oras pa. Matagal pa, wag kang mag-alala. Basta dito ka muna sa akin. Pero mamaya-maya, lalabas ka na rin kasi maliligo na ako."
"Tapos sasabayan kitang maligo?"
"Hindi!" Pinalo niya ako sa dibdib. "Bawal naman 'yon."
"Pwede 'yon. Ikaw nga nakasabay ko nang maligo eh."
"Hala, hindi naman."
"Oo nga. Pero sa isip ko lang. Palagi kitang ini-imagine kapag naliligo ako."
"Uy ang bastos mo."
Tangina, natawa ako sa reaksyon niya. Maka-'bastos', e.
"Biro lang, 'to naman." Inunanan ko ang kanang braso ko. "Ang sarap mo talagang asarin."
Ngumuso lang siya. Tapos bigla niyang napagdiskitahan ang buhok ko. Sinuklay-suklay niya gamit ang mga daliri. "Ang cute ng buhok mo. Nakatayo 'pag bagong gising."
'Langya, may kaberdehan na namang pumasok sa isip ko. Napangisi tuloy ako. "Alam mo bang hindi lang ang buhok ko ang nakatayo 'pag bagong gising ako?"
"Talaga? Ano pa?"
"Secret." Kinurot ko ang ilong niyang maliit habang nagpipigil ako ng tawa. "Bawal mong malaman. Baby ka pa. Patanda ka muna, tsaka ko ipapakita sa 'yo."
"Sige."
Sige naman siya. Ang inosente talaga. Pero buti na lang hindi niya napapansin kung ano 'yong tinutukoy kong nagfa-flag ceremony sa baba ko. Natatakpan kasi ng kumot.
Sinandal niya na lang ang ulo niya sa dibdib ko pagkatapos. Yumakap na naman siya. Sobrang lambing niya ngayon. Kanina pa siya yakap nang yakap tsaka siksik nang siksik sa akin.
Mayamaya lang hinaplos niya naman ang mga tattoo ko sa dibdib. Trip na trip niya talaga laging tingnan ang mga 'to.
"May ibig sabihin ba 'tong mga 'to?" tanong niya. "O, may dahilan ba bakit mo sila pinalagay?"
Binaba ko ang tingin ko sa kanya. "'Yong iba mayro'n, 'yong iba wala."
"Ah. Eh alin sa mga tattoo mo ang may ibig sabihin?"
Napaisip pa muna ako. "'Yong hebrew characters sa likod ko. Paboritong linya 'yon sa bible ng nanay ko."
"T-talaga?" Sumilip siya sa akin. "Yon ang pinaka-favorite ko sa lahat ng mga tattoo mo. Ang galing naman. Pinalagay mo pa 'yon para sa Mama mo?"
"Oo. Para parang kasama ko na rin siya kahit na hindi ako sa kanya tumitira. Gusto ko nga sana, pangalan niya ang ipapa-tattoo ko sa katawan ko, kaso ayaw niya. Ang dami kasing ayaw no'n. Kaya 'yon na lang galing sa bible na gusto niya."
Ngumiti siya at pinatong ang baba niya sa dibdib ko habang nakatingin sa akin. "Love mo talaga Mama mo, 'no?"
"Oo. Dalawang babae lang naman ang mahal ko. Nanay ko, tsaka ikaw."
Mas tumamis ang ngiti niya. "Love ko rin ang Mama ko, kahit madalas, ang sungit at ang higpit niya sa 'kin."
"Ang bait nga ng Mama mo. Mabait turing no'n sa 'kin, kaya ang taas ng respeto ko ro'n."
"Oo nga, pansin ko na ang bait niya sa 'yo. Siguro dahil wala siyang anak na lalaki." Binalik na niya ulit ang tingin niya sa mga tattoo ko. "Sinu-sino pala ang nagta-tattoo sa 'yo? Ang alam ko lang kasi, ang Papa ko. Hindi ba siya 'yong naglagay no'ng hebrew characters mo sa likod?"
Napakunot ako ng noo. "Oo, pa'no mo nalaman?"
"Hmm...napanood ko kayo no'n habang tina-tattoo-an ka niya, eh. Hindi niyo lang ako nakita."
"Ah." Ngumisi ako. "Ikaw ah, pinanonood mo pala ako dati. Pinagnanasaan mo ako?"
"Hala, hindi!" Bigla siyang nagtakip ng mukha niya.
"O, ba't nagtatakip ka? Totoo, 'no? Sagot."
"Hindi ah."
Natawa na lang ako, tapos tinanggal ko na ang pagkakatakip niya. "Sige na, wag ka nang mahiya. Ayos lang naman sa 'kin na pinanonood mo ako nang hindi ko nalalaman."
Ngumuso siya habang nakakunot ang noo. "Hindi naman talaga gano'n 'yon."
Hinila ko ang kamay niya. "Ang cute mo," tapos kinagat ko.
Nataranta siya, binawi niya agad ang kamay niya. "Aray ko, ba't ka nangangagat?"
"Wala. Nanggigigil lang ako sa 'yo." Niyakap ko siya nang mahigpit. Siniksik ko pa siya sa dibdib ko sabay halik ko sa taas ng ulo niya.
Kumuwala naman agad siya. "Teka, teka, mamaya ka na manggigil, hindi pa ako tapos magtanong sa 'yo, eh."
"Sige." Napainat ako. "Ano pa bang gusto mong malaman? Size ng briefs ko? Kaso madalang akong mag-briefs. Boxers ang gusto ko, para hot. Minsan naman wala na, para diretso na."
"Baron!" Pinalo niya ang bibig ko. "Ang aga-aga, puro ka naman kalokohan."
Natawa na lang ako. "Biro lang. Sige na, magtanong ka na. Hindi na ako mangungulit."
"Hmm...sige. Bukod sa pagta-tattoo at pagdo-drawing, sa'n ka pa magaling?"
Tangina, nagpigil na ako ng tawa sa tanong niya. Gusto ko sanang isagot na magaling ako sa kama, kaso baka mapalo na naman niya ang bibig ko.
"Wala na," sinagot ko na lang, para safe.
"Wala ka ng ibang talents? Kunyari pagsayaw, o pagkanta, o kaya pag-arte, gano'n?"
Bigla akong may naalala d'yan sa pag-arte na 'yan. Napapigil tuloy ulit ako ng ngiti.
"Bakit?" tanong niya naman. "Ba't ka napapangiti?"
"Wala. May naalala lang."
"Ano 'yon? Kwento mo sa 'kin."
"Wag na. Baka pagtawanan mo pa ako. Ang tindi mo pa namang tumawa."
Tapos natawa na agad siya. Tingnan mo, sabi ko na, eh. Wala pa nga, tumatawa na.
"Dali na, kwento mo na. Hindi ako tatawa, promise." Tinaas niya pa ang kanang kamay niya.
Kinunutan ko na lang siya ng noo. "Wala 'yon, naalala ko lang 'yong sinabi mong pag-arte."
"Bakit, naging artista ka na rin dati?"
Natawa ako. Ginulo-gulo ko ang buhok niya. "Marunong ka na, ah."
"Eh kasi madami ka ng naging trabaho dati. Pati artista?"
"Oo, naging artista rin ako. Pero saglit lang, mga isang oras."
"Isang oras lang?" Ang sarap ng tawa niya.
Sinamaan ko nga ng tingin. "Akala ko ba hindi ka tatawa?"
Tinakpan niya agad ang bibig niya sabay umiling-iling. Tangina, parang bata talaga. Ang aga-aga, pero ang taas ng energy.
"Matagal na 'yong naging artista ako," tinuloy ko na lang ang pagkikwento. "Highschool pa ako. Loko kasi 'yong teacher ko. Sinali ako sa arte-arte ro'n sa school. Hindi ko alam ang tawag sa gano'n, basta aarte raw kami."
"Parang play?"
"Oo 'yon. Play. Sinali ako. Nakalimutan ko na kung anong play 'yon, basta ang suot ko, tela na sobrang haba. Kurtina pa nga yata ng kaklase ko 'yon. Tapos sa paligid namin sa stage, may mga nakasinding kandila. Nagsasalita ako sa eksena. 'Langya, galing na galing pa ako sa sarili ko no'n kasi na-memorize ko mga linya ko. Tapos 'tong isang gagong nanonood sa 'min, senyas nang senyas sa 'kin, hindi ko naman siya kilala! Badtrip na ako sa kanya pero hindi ko siya pinapansin kasi, syempre, mawawala ako sa concentration ko. Pero ayaw niya talagang tumigil. Senyas pa rin siya nang senyas! Napikon na ako, inalam ko na kung bakit. 'Yon pala tangina 'pag tingin ko sa telang suot ko, nasusunog na pala sa kandila!"
'Tong si Desa humagalpak naman ng tawa! Tipong namula agad ang mukha! Tingnan mo talaga 'tong babaeng 'to. "Sabi mo hindi ka tatawa?"
Hindi na siya makasagot kasi tawa lang talaga siya nang tawa. Tsk, tinulak ko siya palayo sa 'kin. "Do'n ka na nga! Wag mo akong kausapin!" Umikot ako patalikod sa kanya.
Humabol naman agad siya. Yumakap siya sa 'kin mula sa likuran, pero gano'n pa rin, tawa pa rin siya nang tawa.
"S-sorry, hindi ko mapigilan."
"Tsk. Do'n ka. Gisingin mo na lang ako 'pag tapos ka nang tumawa."
Hinigpitan niya ang yakap niya. "Sorry. Hindi na, hindi na. Nakakatawa lang kasi talaga 'yong nasunog yong costume mo." Tumatawa pa rin siya.
"Oo na. Badtrip kaya ako no'n, minsan na nga lang ako mag-memorize, gano'n pa. Kaya ayokong ikwento sa 'yo eh, tatawanan mo ako. Pinilit mo pa kasi ako."
"Sorry na nga po, eh." Sorry daw pero tumatawa pa rin naman siya.
Sabagay, kahit ako hanggang ngayon kapag naaalala ko, natatawa pa rin ako. Tangina hindi ko makakalimutan 'yon. Mukha akong gago!
Humarap na ako sa kanya. Tiningnan ko siya nang masama kasi ayaw niya pa rin talagang pumirmis.
"Pwede bang tumigil ka na sa pagtawa?"
Kinagat niya na lang ang labi niya para magpigil. Pero 'yong mga balikat niya panay pa rin sa pagtaas-baba.
Hinintay ko munang maubos lahat ng tawa niya. No'ng tapos na siya, tsaka niya lang din nagawang magsalita. "Bakit ka ba kasi sinali ro'n sa play na 'yon?"
"Wala, kailangan. Ibabagsak na naman kasi ako ng teacher ko. Hindi na ako nakaalis-alis sa second year. Para makapasa ako, sumali na lang daw ako ro'n sa play nila."
"Ah." Parang matatawa na naman siya. "Parang special project pala? Akala ko naman pangarap mo talagang maging artista kaya ka sinali."
"Tanginang 'yan." Tumihaya na ulit ako. "Hindi, ah."
"Bakit, dati ba anong gusto mong maging paglaki mo? Ako kasi pangarap kong maging nurse."
Tiningnan ko siya. "Nurse? O, ba't hindi ka nag-gano'n?"
"Hmm, kasi no'ng tumanda na ako na-realize kong takot pala ako sa dugo."
"Ah. Pero parang bagay nga sa 'yo maging nurse. Ikaw ang pinakamagandang nurse. Tapos lagi akong magpapa-ospital para makikita kita."
Ngumiti siya. "Kaso hindi naman ako natuloy. Pero ikaw, anong gusto mo dati na maging paglaki mo? Kung ako nurse, ikaw?"
"Pornstar."
Bigla niyang pinalo ang dibdib ko tangina nagulat ako! "Ba't namamalo ka na naman?"
"Eh bastos naman 'yon!"
"Hindi ah. Ayos 'yon. Malaki kaya ang sweldo no'n, tapos enjoy pa."
Kitang-kita ko ang pamumula ng mukha niya. Nagtago pa ulit siya sa gilid ng dibdib ko. Tangina, tawang-tawa na lang ako sa reaksyon niya. "Oy, biro lang. Nahiya ka na agad d'yan."
Sumilip siya sa 'kin, namumula pa rin. "Ikaw kasi. Puro kalokohan ang sinasabi mo sa 'kin, hindi maayos na sagot."
"Maayos naman 'yon ah?"
Sinimangutan niya lang ako.
Ngumisi naman ako sabay kurot sa ilong niya. Hay, ang sarap niya talagang panggigilan. "Kuting ka pa talaga." Tapos niyakap ko ulit siya nang mahigpit sa leeg at hinalikan sa ulo. "Pero gusto mo ba talagang malaman kung anong pangarap ko dati no'ng bata ako?"
Kumalas siya sa pagkakayakap. Tumango siya habang nakangiti. "Opo."
Ngumisi ako tapos inayos ang buhok niya na nagulo. "Gusto ko sanang maging sundalo."
"Sundalo?"
"Oo, kaso ayaw ni Mama. Kaya taga-tattoo ang bagsak ko."
"Bakit ayaw niya?"
"Ayaw niya raw kasi akong mamatay sa giyera. Love ako no'n, eh."
Natawa siya. "Ako rin. Ayaw kitang maging sundalo kasi ayaw ko ring mamatay ka sa giyera. Love din kasi kita, eh."
Tinitingnan ko siya. "Love mo ako? Sige nga, kiss mo ako. Hindi mo pa ako kini-kiss ngayong umaga. Dito gusto ko." Tinuro ko ang labi ko.
Iniangat naman niya ang katawan niya tapos ay idinikit niya lang ang labi niya sa labi ko.
Halik na ang tawag niya ro'n.
Tapos bumalik na siya sa pagkaka-unan sa braso ko. Ang tagal niyang natulala sa kisame bago siya nagsalita ulit. "Baron." Lumingon siya sa akin.
"O?"
"Naisip ko lang, kung sakaling naging nurse ako at ikaw naman, sundalo, posible pa rin pala na magkita tayo, eh. Kasi napapanood ko sa mga movies na nagkaka-inlove-an 'yong sugatan na sundalo tsaka 'yong military nurse na nag-aalaga sa kanya sa ospital. Pwede rin tayong maging gano'n, hindi ba?"
Tangina, natawa na lang ako sa kanya. "'Yan, 'yan, kaka-internet mo 'yan kaya kung anu-ano na na-i-imagine mo."
"Bakit, maganda naman 'yon, hindi ba? Sweet pa. Ikaw nga diyan 'yong kung anu-ano ang na-i-imagine, eh."
Kinunutan ko siya ng noo. "Ano na namang 'kung anu-ano ang na-i-imagine'?"
"'Yong sinabi mo kanina na kasabay mo akong maligo. Oh."
Napaiwas na lang agad ako ng tingin. "Joke nga lang 'yon." Kahit na totoo. Ini-imagine ko talaga siya minsan.
Tumagilid na lang siya paharap sa akin. Hinigpitan niya ang yakap niya sa tiyan ko.
Iniangat ko naman ang baba niya para mahalikan ko siya sa ilong. Tapos dinikit ko ang noo ko sa noo niya. Ako naman ngayon 'tong may naiisip. "Kuting . . ."
"Hmm?"
"Dilat ka. Tingin ka sa 'kin."
Sinunod niya naman.
Nginitian ko siya. "Kahit na hindi ko natupad 'yong pangarap ko dati, ako pa rin ang tatayong sundalo mo ngayon. Poprotektahan kita tsaka babantayan. Makikipagpatayan ako para sa 'yo."
Ngumiti din naman siya sabay haplos sa pisngi ko. "Opo. Ikaw ang sundalo ko, at ako naman ang nurse mo. Aalagaan kita palagi."
Ang korni namin pero tangina, kinikilig ako. Hindi ko tuloy mapigilan ang ngiti ko. Tumihaya na lang ulit ako ng higa.
Dumistansya naman na siya pagkatapos no'n tapos ay tinusok-tusok niya na lang ang labi ko gamit ang daliri niya.
Hinayaan ko siya sa trip niya, kaso mukhang wala na siyang balak tumigil. Tsk, naglalaro na naman 'to. Para huminto, kinagat ko na ang daliri niya gamit ang bibig ko. Ayon, nataranta siya.
"Baron! A-aray, aray, bitiw na." Natatawa-tawa pa siya.
Umiling naman ako sabay turo sa pisngi ko para manghingi ng kiss.
Hinalikan niya naman agad ako ro'n pero hindi ko pa rin pinakawalan 'tong daliri niya. Tinuro ko ulit ang pisngi ko.
"Ang daya mo. Kiniss na nga kita, eh. Bitiw na."
Hindi ko siya pinagbigyan. Tinuro ko lang ulit 'tong pisngi ko. Syempre, para-paraan para makakuha ng maraming halik galing sa kanya. Buti kiniss niya ako ulit, tapos tsaka ko lang binitiwan ang daliri niya.
Nakarami ako ng score, ah.
Napalo niya na naman tuloy ang bibig ko. "Ikaw. Bakit ang hilig-hilig mong mangagat? Tigre ka talaga."
Kinunot ko ang noo ko. "Gusto mo kagatin pa kita sa lahat ng parte ng katawan mo?" Sabay hila ko sa kamay niya para kagatin.
Napatili siya pero ang bilis ding tinakpan ang bibig niya.
Natawa na lang ako. "Sige, sigaw pa. 'Pag nagising ang Mama mo, pareho tayong yari."
"Ikaw kasi!"
Tinawanan ko lang ulit siya, tapos bigla kong tinusok sa baywang.
Napasipa siya sa gulat. "U-uy, wag kasi!"
Ngumisi ako. "Ah. Malakas pala ang kiliti mo, ah." Medyo bumangon ako para tusukin ulit siya sa bewang.
Nataranta na naman siya.
Tangina ganito pala siya kapag kinikiliti. Ayos, lagot 'to sa 'kin ngayon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top