Chapter 19
NAKATITIG LANG AKO rito sa pasa sa kamao ko habang naglalakad pabalik sa resort.
Napaaway na talaga ako kahapon. Ang dami ko ring natamong galos matapos kong gulpihin si Grant. Sa tuwing nakikita ko nga 'tong pasa ko, naaalala ko si Desa. Nalulungkot na naman ako.
Galit kasi siya sa akin ngayon dahil sa ginawa ko sa ka-opisina niya. Hindi nga ako kinikibo simula pa kahapon. Hindi niya raw ako papansinin hangga't hindi ako nangangako sa kanya na hindi na ulit ako makikipag-away.
Badtrip talaga. Pinilit kong pagbigyan kahit na labag sa loob ko. Akala ko rin kasi kaya ko 'yong hindi niya ako papansinin nang ilang araw lang hanggang sa mawala ang tampo niya. Pero hindi pala. Kagabi halos umagahin na ako kaka-text sa kanya. Kahit isa naman wala siyang nireplyan. Tsk, hindi ko alam kung paano niya nagagawang tiisin ako nang gano'n. Kasi ako tangina hindi ko talaga siya matiis. Hindi nga ako nakatulog kagabi kaiisip sa kanya. Pinipilit ko siyang mag-reply kasi ayoko namang matulog na lang siya na may tampo sa 'kin, kaso wala talaga.
Hindi nga siya nagpahatid sa 'kin kanina sa trabaho. Naghanda pa naman ako. Ayaw niya ring magpasundo. Pinagbigyan ko na lang ulit kasi ayoko na talagang magtalo na naman kami katulad ng nangyari sa kotse ko kahapon.
Napapaisip tuloy ako hanggang ngayon kung mali ba talaga 'yong panggugulpi ko. Alam ko naman kasing tama 'yon. Kulang pa nga 'yon para sa lalaking nambastos sa kanya. Pinipilit niya lang talaga na dapat daw hindi ko na pinatulan si Grant. Sana raw hinayaan ko na lang.
Tsk. Pikon na pikon ako kahapon no'ng nag-uusap kami kasi pakiramdam ko hindi niya ako naiintindihan. Aminado naman akong mainitin talaga ang ulo ko. Mabilis akong mapikon tsaka nananapak ako 'pag gusto ko. At 'yong mga pinagsasabi sa 'kin kahapon ni Grant, hindi ko pwedeng palagpasin. Talagang kumulo ang dugo ko. Tangina below the belt, eh.
Mukhang hindi lang kasi naintindihan ni Desa 'yong nangyari. Sa lahat ng mga naging girlfriend ko, siya lang 'tong nagalit nang ganito kasi nanggulpi ako. Ewan ko kung ako ba talaga 'yong may problema, o baka dahil sobrang bait niya lang talaga.
Tsaka ko lang kasi naisip na iba nga pala 'yong kinalakihan niya. Hindi siya sanay na makakita ng mga gano'ng kagaguhan. Pakiramdam niya yata napakalaking kasalanan ng ginawa ko. Eh tangina mas ang lakas pa ngang maka-demonyo no'ng ginawa sa 'kin ng Grant na 'yon!
Mahal na mahal ko lang talaga si Desa kaya kahit na alam kong hindi ako mali, tinanggap ko na lang. Kung gusto niya akong mangako na hindi na ulit manggugulpi, gagawin ko. Susubukan kong wag makipag-away kahit na alam kong mahihirapan ako. Basta pansinin niya lang ulit ako. Wag lang siyang magalit. Ayoko na ng ganito kami na hindi niya ako kinikibo.
"Oy, Medel!" Si Arkhe, bigla akong tinawag mula sa ibang mesa dito sa resort pagkabalik ko.
Doon na ako dumiretso habang bitbit 'tong mga binili kong tsitsirya.
Nagyaya kasi silang uminom nila Rex ngayon pati iba naming mga kasamahan sa shop. Ayoko nga sanang sumali kasi baka mahuli pa ako ni Desa, tsaka inaantok din kasi ako. Baka malasing lang ako kaagad. Kaso napilit na ako. Ayos na rin naman, pampalipas ng oras.
"Ba't ka lumipat ng pwesto?" tanong ko rito kay Arkhe.
"Sabi ni Rex dito na lang daw tayo malapit sa mga kubo. Wag na raw do'n sa tapat ng bahay nila."
"Ah. E nasa'n na 'yong mga kumag na 'yon? Bakit ikaw na lang ang nandito."
"Ando'n, bumili pa ng alak. Kulang daw 'to. Hindi mo ba nakasalubong?"
"Hindi."
"Ah, baka sa iba bumili. Oo nga pala, brad. May lumapit sa 'kin na dalawang babae dito kanina. Tinanong kung ano'ng pangalan mo."
"Sinabi mo naman?"
"Oo. Binigyan nila ako ng Mountain Dew, e."
"Tangina. Dahil lang sa Mountain Dew, binugaw mo ako?"
"Oy gago wag mong nila-lang-lang 'to. Paborito ko 'to," sabay tungga niya ro'n sa bote. "Tsaka pangalan mo lang naman ang binigay ko. Hindi naman number."
"Tsk, tarantado ka talaga. Gusto mo pa yatang mas lalong magalit sa 'kin si Desa. Umurong-urong ka na nga lang do'n." Pinatabi ko siya para makapwesto ako rito sa upuang gawa sa kahoy.
Pagkaupo, dumukot agad ako ng dalawang balot ng kornik galing sa supot na dala ko. Binigay ko sa kanya 'tong isa. "Oh, isabay mo 'yan sa Mountain Dew mo."
"Oy, salamat." Tinanggap niya naman tapos pinatong niya muna sa mesa kasi nagte-text na naman siya.
Ako naman, nilabas ko na rin muna ang cellphone ko galing sa bulsa. Tiningnan ko lang 'yong oras. Lagpas ala-sais na, pero hindi ko pa rin alam kung nando'n na ba si bahay si Desa.
Tinanong ko na lang 'tong si Arkhe na tutok na tutok sa pagte-text. "Napansin mo ba kung dumating na siya?"
"Sino? 'Yong alaga mo? Hindi ko napansin. Bakit?"
Bumuntong-hininga ako. "Uwian na no'n, eh. Dapat nandito na 'yon."
"Ah. Hintayin mo lang, brad. Uuwi din 'yon. O baka naman nandiyan na sa kanila."
Tiningnan ko si Hanna na saktong nandito rin sa paligid. Tinawag ko.
Tumigil siya sa pagwawalis at lumingon sa 'kin. "Bakit?"
"Si Desa ba, dumating na?"
Medyo nagtaka ang itsura niya, pero sumagot din naman agad. "Wala pa po."
Tsk. Tumango na lang ako sa kanya sabay inis na napasabunot sa buhok ko.
Ba't ba hindi pa umuuwi 'yon? Anong oras na. Nag-aalala na ako.
Napansin ko na lang naman si Arkhe na nagpipigil ng tawa dito sa tabi ko.
Kinunutan ko siya ng noo. "Ba't ka tumatawa?"
"Ang obvious mo kasi, tol."
"Anong obvious, tinatanong ko lang naman." Pasimple akong sumilip kay Hanna. Nakatingin pa rin siya sa 'min ni Arkhe.
Siniko ko na lang 'tong kumag na katabi ko. "Tangina mo wag ka na ngang tumawa. Ikaw 'tong dahilan kung ba't nagiging obvious."
"Kasalanan ko pa?"
"Ang gago mo kasi. Nagtatanong lang naman ako kasi hanggang ngayon hindi ko pa nalalaman kung nakauwi na ba siya. Baka kung napa'no na 'yon."
"Napapraning ka na. Wag mo masyadong alalahanin. Ikaw na nga ang nagsabi sa 'kin kanina na ginulpi mo na 'yong Grant na 'yon. Malamang hindi nakapasok 'yon ngayon, kaya wala nang mangyayaring masama sa alaga mo."
"Alam ko. Kaya nga mas lalo akong napapaisip kung ba't wala pa siya."
"Dapat kasi sinundo mo na."
"Ayaw nga. Wag ko raw muna siyang sunduin."
"Tawagan mo na lang."
"Ginawa ko na kanina pa. Hindi naman ako sinasagot."
"I-text mo."
"Tinext ko na rin. Walang reply."
"O magpakamatay ka na lang. Tangina ang dami mong iniisip."
Binato ko siya nitong kapit kong balot ng kornik! "Tangina, kinakausap kita nang maayos!"
Natawa siya. Tapos imbis na sagutin niya 'tong pag-aamok ko, mas napansin niya pa talaga 'yong kornik na binato ko sa kanya. "Oy gago nasa'n 'yong ganito ko?" tanong niya pa talaga.
"Aba malay ko sa 'yo. Akin 'yang binato ko."
Naghanap-hanap agad siya sa paligid ng mga bote ng alak na nakapatong sa mesa. "'Langya dito ko lang pinatong 'yon. Saan na napunta." Tapos bigla siyang naglipat ng tingin sa 'kin. "Kinain mo ba?"
"Tangina! Ayos ka makabintang, ah."
"Kunyari ka pa. Bakit nawala dito sa mesa?"
"Malay ko."
Napakamot siya sa ulo niya. "Wala ka naman sa hulog. Binigay mo tapos kakainin mo rin."
"Gago hindi nga ako! Ba't ko naman kakainin 'yon?"
Hindi pa rin siya napakali. Tumayo pa talaga siya para halughugin sa mesa kung saan napunta 'yong kornik niya. "Nire-reserve ko nga 'yon para mamaya," pabulong-bulong pa siya. "Putangina kasi ni Medel, kinain, eh."
Anak ng pating talaga 'tong kupal na 'to. Naapektuhan na yata ng Mountain Dew ang pag-uutak. Dumukot na lang ulit ako ng isa pang kornik galing sa supot. Marami naman akong biniling gano'n. Tapos initsa ko sa kanya. "Oh! Tangina mo kornik lang 'yan. Para kang ginugutom, ah? Timawa ka ba?"
Natawa na lang siya tapos pumwesto na sa bandang gilid ng mesa. Binuksan niya na agad 'yong balot ng kornik na initsa ko. "Ito ba 'yong binigay mo kanina?"
"Iba. Marami akong binili."
"Eh nasa'n na nga napunta 'yong binigay mo kanina?"
"Putangina, wag mo na ngang hanapin 'yon!" Nilipat ko sa tapat niya 'tong supot na puno ng tsitsirya. "Yan, magsawa ka, tangina mo ka."
Ang sarap lang naman ulit ng tawa niya. "Sa'n na kaya napunta 'yon," tanong niya pa sa sarili.
Parang gago lang. Mas lalong nakakainit ng ulo, eh. Imbis na pag-iisip na lang kay Desa ang inaatupag ko, nadadamay pa ako sa mga katarantaduhan nitong si Arkhe.
Natahimik na rin naman siya. Pero ilang saglit lang, nagsalita na ulit. "'Tol, hindi ko maintindihan 'yang mga ganyang tao na nagsasabon pa talaga sa dagat. Parang, tangina, ba't ka magsasabon sa dagat?"
Nilingon ko na lang kung ano ba 'yong tinutukoy niya habang nakatingin siya sa tabing-dagat. 'Yong mga bata lang pala na naliligo do'n tapos nagsasabon pa.
"Pabayaan mo," sabi ko na lang. "Trip nila 'yan."
"Eh pa'no 'yong mga sabon na galing sa paliligo nila? Hindi mapupunta 'yon sa mga isda?"
"Ayos lang 'yon. Naliligo din naman ang mga isda."
"Tangina."
"Oo nga. Maniwala ka sa 'kin."
"Gago. Inaantok ka na nga yata talaga. Itulog mo na lang 'yan."
"Parang gago rin kasi 'yang pinagsasabi mo. Pati mga isda pinapakialaman mo. Wala ka bang ibang problema?"
Natawa na lang ulit siya habang nginangata 'yong kornik niya. "Napansin ko lang naman."
Napailing-iling ako. Parang mali nga yata talaga na sumama pa ako sa inuman nila. 'Langya, lalo akong sinasaktan ng ulo, eh.
MAYAMAYA LANG, NAPANSIN kong nakabalik na rin sina Rex. Papunta na rito sa pwesto namin.
Naalala ko na naman tuloy si Desa. Nakabalik na 'tong ibang mga kainuman namin, pero siya wala pa rin. Binaling ko na lang ulit ang atensyon ko sa cellphone ko. Isang text lang naman galing sa kanya, mapapanatag na ang loob ko.
Hindi naman nagtagal, nag-umpisa na rin silang mag-inuman. Ang iingay pa nga nila. Ang daming pinag-uusapan pero hindi na ako nakikisali. Sa totoo lang, hindi ko na nga alam kung ano ng pinagkikwentuhan nila. Paisa-isa, tumatagay lang ako, pero lumilipad na talaga ang isip ko. Lalo na nang tumatakbo ang oras pero wala pa rin talagang paramdam si Desa. Mag-a-alas siyete na. Tsk, kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, sana pala sinundo ko na lang talaga siya kanina. Bahala na kung mas lalo siyang magtampo sa 'kin, basta maiuwi ko lang siya nang maayos.
Nabigla na lang ako nang kalabitin ako nitong si Arkhe na nasa gilid ko lang.
Kinunutan ko siya ng noo.
Pasimple niyang tinuro 'yong tapat ng bahay nina Rex.
Tumingin din naman ako ro'n habang abala pa si Rex sa pagmamayabang tungkol sa sarili niya.
Nando'n na pala si Desa, naglalakad na papasok sa bahay. Napatuwid agad ako ng upo. Tangina, para akong biglang nabuhayan ng dugo na hindi ko maintindihan.
Napatigil pa siya sa paglalakad para lumingon sa 'kin. Naramdaman niya sigurong titig na titig ako sa kanya. Hindi niya naman ako nginitian o ano. Yumuko lang siya tapos dumiretso na ng pasok sa bahay.
Bumuntong-hininga ako. Galit pa rin yata talaga. O baka hindi niya pa nagustuhan na nagagawa ko pang uminom kahit na may tampuhan na nga kami. Dumagdag pa tuloy ang kasalanan ko.
Tinext ko na lang agad siya nang palihim.
| Konti lang iinumin ko. Hindi ako maglalasing.|
Hindi pa nga agad nag-send 'tong text ko. Tangina talaga nitong signal sa resort, eh. Kung kailan kailangan, tsaka wala. No'ng napadala ko na, naghintay ako ng reply niya. Alam ko namang malabong sumagot siya pero umasa pa rin ako.
Dumaan ang maraming minuto at wala pa rin siyang reply, tumayo na ako.
Sinuksok ko 'tong cellphone sa bulsa ko. "Banyo lang ako saglit sa bahay." Tapos tinapik ko si Arkhe. Alam niya na 'yon. Kailangan ko ng backup kung sakaling hanapin ako ni Rex.
Tumango siya sa 'kin, tsaka lang ako tumuloy ng alis.
Hindi naman talaga ako magbabanyo. Pupuntahan ko na si Desa sa bahay nila. Ayokong matapos 'tong araw na 'to na hindi pa rin kami nagkakaayos. Hindi na naman ako makakatulog, eh.
Dumaan lang muna ako saglit sa kotse ko para kuhanin 'yong iced gems na binigay ko sa kanya na naiwan niya ro'n kahapon. Tapos pumasok na ako sa bahay nila. Dito ulit ako dumaan sa likod para hindi ako mapansin ni Rex. Alam kong walang ibang tao rito sa loob ngayon kasi nakita kong umalis kanina si Karina, walang makakahuli sa 'kin.
Dire-diretso lang ako papunta sa kwarto ni Desa. Napapaisip ako kung papaano ko sisimulan ang pagso-sorry ko, pero bahala na.
Ang swerte ko na lang kasi hindi naka-lock 'tong pinto niya. Hindi na ako kumatok, pumasok na ako agad.
Naabutan ko siyang nakaupo sa tapat ng laptop. Gulat na gulat pa nga siya no'ng makita ako. Taranta siyang napatayo.
Ako naman, ni-lock ko 'tong pinto tapos lumapit na sa kanya. Hindi kami okay pero kahit papaano, biglang gumanda ang pakiramdam ko no'ng makita ko na nang malapitan ang mukha niya. Malungkot nga lang pa rin siya. Mas lalo ko tuloy hindi malaman kung papaano ako magsisimula.
Nilagay ko na lang muna 'tong supot ng iced gems sa mesa niya. "Naiwan mo sa kotse."
"Thank you." Bumuntong-hininga siya.
"Sige na, labas ka na. Lalabas na rin ako. Baka mahuli pa tayo ni Papa, eh."
Kararating ko nga lang tapos pinalalabas na agad ako. Hindi ko pa nga nauumpisahan ang mga sasabihin ko.
Naglakad pa siya. Parang may balak nga talaga siyang paalisin ako rito sa kwarto. Ayoko. Hinawakan ko agad siya sa magkabilang balikat para pigilan. "Usap muna tayo."
Tapos inalalayan ko siya para maupo kami rito sa tapat ng mesa. Kinandong ko siya sa hita ko. Ayaw niya nga. Gustong umalis pero niyakap ko na lang agad siya nang mahigpit para hindi makatayo.
"Baron."
Ang lungkot ng boses niya. Pero na-miss kong tinatawag niya ang pangalan ko. Na-miss kong manghingi ng lambing sa kanya.
Hinalikan ko siya nang matagal sa balikat, tapos pinatong ko ang baba ko ro'n. "Desa, bati na tayo."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top