Chapter 14
"ANG TAGAL KO ba?" Hinawakan ko si Desa sa balikat pagkarating ko rito sa tabing-dagat kung saan siya naghihintay.
Lumingon agad siya sa 'kin nang nakangiti. "Sakto lang. Nasa'n na si ate?"
"Wala na. Pumasok na sa trabaho."
"Nagalit ba siya sa 'yo?"
"Nainis lang. Nangako raw kasi ako na ihahatid siya tapos hindi ko pala tutuparin. Pero pabayaan mo na. Ayos na 'yon." Inalalayan ko na siya sa likod para maglakad. "Tara."
"Saan tayo tatambay?"
"Do'n ulit sa dulo. Walang ibang makakakita sa 'tin do'n. Ayos lang ba?"
"Okay lang. Bihira nga akong mag-stay ro'n. Malayo na kasi, pagagalitan ako nina Papa. Pero kasama naman ulit kita kaya okay lang. Tsaka wala pa naman sila, eh. Mamaya pa siguro sila uuwi."
Pinagmamasdan ko lang siya habang nagsasalita siya.
Ang ganda niya pa rin kahit namumugto ang mga mata niya sa kaiiyak. Crush ko talaga 'tong babaeng 'to.
Buti na lang nga medyo madilim, hindi niya napapansing tutok na tutok ako sa mukha niya. Parang may naidulot din naman palang maganda 'yong pagkain ko kanina ng Happy. Masaya na ako ngayon.
Bigla naman na siyang lumingon sa 'kin. Umiwas agad ako tapos dumukot na lang sa bulsa ko para makalusot.
"May ibibigay pala ako sa 'yo."
"Ano?"
Nilabas ko 'tong chocolate na binili ko. "Beng-beng. Pinaghintay kasi kita, baka nainip ka."
"Uy, wow!" Tinanggap niya agad. Iba talaga ang tuwa niya 'pag binibigyan ko siya n'yan. "Sa'n mo ba 'to nabibili? Bakit kapag nagpupunta ako sa tindahan, wala na raw silang ganito."
"Special kasi 'yan. Sa akin lang talaga nila 'yan pinagbibili, bawal sa iba."
Nanlaki ang mga mata niya. "T-totoo?"
'Langya, natawa ako. "Joke lang. Ba't ba ang bilis mo laging maniwala?"
Ngumuso siya. "Akala ko totoo. Wala kasi talaga akong mabilhan ng ganito, eh."
"Madali raw talagang maubos 'yang putanginang Beng-beng na 'yan. Malay ko kung bakit. Buti nga naka-tsamba na naman ako ngayon. May natira pang isa do'n sa paborito kong tindahan."
"Sa'n ba 'yong paborito mong tindahan?"
"Secret," sabay kurot ko sa ilong niya. "Hindi ko sasabihin sa 'yo. Ayokong bumili ka. Gusto ko, bibigyan kita."
Ngumiti siya sa 'kin. "Ang bait mo naman."
Aba, syempre! Good boy kaya ako paminsan-minsan.
"Kainin mo na 'yang Beng-Beng," sabi ko sa kanya. "Gusto mo subuan pa kita? Para hindi ka na iiyak."
"Hindi na kaya ako umiiyak. Tumahan na ako kanina pa habang naghihintay sa 'yo." Binuksan na niya 'yong chocolate niya tapos kumagat agad. Ang hinhin pa. "Ano palang dinahilan mo kay Ate kung ba't hindi mo na siya ihahatid?"
"Wala. Sabi ko nag-aalburoto 'tong tiyan ko, hindi ko na siya kayang ihatid."
Natawa siya. "Tapos naniwala agad siya sa 'yo?"
"Hindi nga. Pinilit ko na lang. 'Kala ko nga hindi ako makakalusot. Minsan kasi ang tigas ng ulo niyang Ate mo."
"Gano'n talaga 'yon, hindi 'yon nakikinig. Gusto niya palagi siyang nasusunod. Tsaka alam mo, madaya kaya 'yong si Ate. Mahilig 'yon mag-imbento ng kwento."
Napangisi ako. Ang cute niya. Parang nagsusumbong lang sa 'kin. Nakanguso pa talaga. "Bakit, ano bang kwento ang ginawa ni Gwen"
"Dati kaya no'ng mga bata pa kami, nakipaglaro ako sa kanya ng jackstones. Tapos no'ng turn ko na, biglang sabi niya talo na raw ako kasi bawal daw ang nakangiti 'pag tumitira. No'ng tumanda na ako tsaka ko lang nalaman na wala palang gano'ng rule."
Tangina, hindi ko napigilan ang tawa ko! "Seryoso ka ba?"
Bigla siyang sumimangot. "Grabe siya tumawa, oh."
"Tangina kasi! Sa'n nanggaling 'yang bawal ngumiti 'pag tumitira. Ang bilis mo pala talagang maniwala kahit dati."
Napayuko na lang siya. "Eh ang galing kasing umarte ni Ate Gwen. Akala ko talaga totoo. Syempre excited ako no'n kasi ako na 'yong titira, kaya nakangiti ako. Tapos bawal daw nakangiti. Nalungkot kaya ako no'n."
Tinakpan ko ang bibig ko gamit ang leegan ng T-shirt ko para magpigil na ng tawa. "'Langya, kainin mo na nga lang 'yang Beng-beng mo. Sa lahat ng mga kwentong kaabnormalan na narinig ko, sa 'yo 'yong pinakamalupit. Ang sarap mong panggigilan."
Ngumuso siya. "Niloloko mo ako?"
Inakbayan ko na lang. "Hindi. Hindi na nga, eh. Baka umiyak ka na naman d'yan. Ba't ba kasi ang cute mo? Parang gusto ko tuloy bumalik sa mga panahong 'yon para mapanood kang nakangiti habang naglalaro ng jackstones."
"Wag na. Baka mamaya lalo mo lang akong tawanan." Bigla na siyang tumigil sa paglalakad. "Dito na tayo uupo?"
Tumingin muna ako sa paligid. "Sige, pwede na, para hindi rin masyadong malayo sa resort." Tsaka may liwanag pa kahit papaano.
Umupo na siya sa buhanginan, sa tapat ng dagat.
Tumabi ako. "Hindi ko makalimutan 'yong kwento mo. Seryoso, naniwala ka talaga kay Gwen?"
"Oo nga po. Paulit-ulit naman. Grabe kasi 'yon si Ate. Simula kaya no'n, hindi na agad ako naniniwala sa mga sinasabi niya. Baka kasi hindi na naman totoo."
Tangina, comedy talaga. Parang hanggang ngayon, masama pa rin ang loob niya kasi natalo siya sa jackstones.
Bigla siyang lumingon sa 'kin. "Siguro nag-iisip ka na naman d'yan ng iaasar mo sa 'kin, 'no?"
"Hindi, ah." Inayos ko ang bangs niya na hinahangin. "Ang tagal mong makaubos niyang Beng-beng, 'no?" Iniba ko na lang ang usapan.
Tiningnan niya naman 'yon. "Malapit na nga maubos, eh. Ninanamnam ko kasi. Ang sarap kaya nito."
"Sus, parang bata."
Binalik niya ang tingin niya sa 'kin. "Ayaw mo ng gano'n, hindi ba? Gusto mo 'yong dalagang-dalaga? Parang Ate Gwen ko na mahilig mag-imbento ng kwento?"
"Tss." Tumingin ako sa dagat. "Ayoko na sa dalagang-dalaga. Bata na gusto ko ngayon. 'Yong makulit at iyakin at mukhang kuting. Tsaka Wag mo na ngang banggitin ulit sa 'kin 'yang kapatid mo. Iiwasan ko na ulit 'yon simula ngayon."
"I-iiwasan mo na si ate?"
"Oo. Para sa 'yo. Ayokong magselos ka sa kanya."
Natahimik siya sabay ngumiti. Tinuloy niya na lang ulit ang pagkain sa chocolate niya. Gandang-ganda talaga ako sa kanya 'pag nakangiti siya nang ganyan. Ang sarap niya tuloy lambingin.
"Dito ka nga sa 'kin." Inalalayan ko siya para paupuin sa gitna ng mga hita ko.
Sumunod din naman siya. Pumwesto siya patalikod sa 'kin tapos niyakap ang mga tuhod niya. Ang bango nga niya, lalo na 'tong buhok niya. Sakto pa kasing humangin.
Niyakap ko siya sa leeg mula sa likuran. Tapos hinalikan nang matagal sa ulo. "Kuting?"
Sinilip niya ako nang nakangiti. "Hmm?"
"May lilinawin lang ako tungkol sa 'ting dalawa. Makinig kang mabuti, ayoko nang pauulitin mo na naman ako."
Lumapad ang ngiti niya. "Okay! Ano 'yon?"
Huminga ako nang malalim. Inayos ko ang buhok niya para hindi hanginin tapos niyakap siya nang mas mahigpit. "Hindi tayo legal, ha? 'Tong mayro'n tayo ngayon. Ayaw kasi sa 'kin ng tatay mo. 'Pag nalaman niya 'tong tungkol sa 'ting dalawa, magagalit 'yon. Mawawala ako sa 'yo, mawawala ka rin sa 'kin."
"Secret lang tayo?"
Tangina, natawa ako. Para naman akong nagpapaliwanag sa bata.
"Oo, secret lang tayo."
Ngumiti siya at tumango. "Naiiintindihan ko. Alam ko naman ang sitwasyon nating dalawa, eh. Magagalit talaga sina Papa. Mahigpit sila sa 'kin. Hindi nila ako papayagan kasi gusto nila, kapatid lang ang turing ko sa 'yo. Kaya naiintindihan ko."
"Naiintindihan mo rin na hindi tayo madalas na magkakasama?"
Tumango siya. "Naiintindihan ko."
"Okay lang 'yon sa 'yo?" Inayos ko ulit 'tong buhok niya. Tumutusok kasi sa mukha ko. "Baka kasi mainggit ka sa iba d'yan na araw-araw nagkakasama. Hindi pa tayo magiging gano'n sa ngayon. Bawal."
"Okay lang sa 'kin. Marunong naman akong makuntento, eh." Hinaplos niya ang pisngi ko. "Baron, kahit hindi mo maibigay sa 'kin ang lahat ng oras at atensiyon mo tulad ng ibang lalaki, okay lang. Masaya na ako. Madali po akong i-please. Okay nang totoo 'yong mga sinabi mo sa 'kin kanina. 'Yon lang naman ang wish ko, na sana magustuhan mo rin ako."
Napangiti ako ro'n, pero hindi ko pinahalatang kinilig ako.
Pinasandal ko na lang siya sa 'kin tsaka mas niyakap. "Ang swerte ko naman. Iba ka talaga. Sana hindi ka mauntog para hindi magbago 'yang nararamdaman mo sa 'kin."
Natawa siya. "Kahit naman mauntog ako, hindi magbabago ang nararamdaman ko eh."
"Baka lang. Suotan na lang kaya kita ng helmet? Baka kasi bigla kang matauhan."
Tumingala siya sa 'kin. "Ang cute mo po, tigre. Para kang bata."
"Tangina ako pa pala parang bata, ah." Hinigpitan ko na lang ang yakap ko. Pinanggigilan ko siya. "Wag kang mag-alala. Kahit hindi tayo magkakasama araw-araw, ang importante naman, gwapo ang boyfriend mo."
Nginusuan niya ako.
"'De biro lang." Tumawa ako tapos inamoy ang buhok niya. "Ang ibig kong sabihin, ang importante naman, alam natin ang nararamdaman natin para sa isa't isa."
Umayos siya ng pagkakasandal sa 'kin. Hinakawan niya pa ang mga braso kong nakayakap sa kanya. "Ang importante sa 'kin, napapasaya mo ako. Ang tagal ko kaya 'tong hinintay. Kahit hindi tayo maging katulad ng iba, basta ako lang ang kuting mo, okay na." Tumingala ulit siya sa 'kin. "Masaya ka rin ba?"
"Syempre. Mas masaya na makita kang masaya."
Ang tamis ng ngiti niya, tapos mayamaya lang, pinakita niya na sa 'kin 'yong balat niya ng Beng-beng. "Ubos ko na pala, oh. Itatago ko 'tong balat. Remembrance."
"Wag na. Kalat lang 'yan." Kinuha ko sa kanya. Pinasok ko na muna sa bulsa ko.
Sumimangot naman siya. "Ang daya. Itatago ko nga eh."
"Oh, wag ka nang magtampo." Saktong humangin na naman. Humampas ulit 'tong buhok niya sa 'kin. "Tsk, itatali ko na nga 'tong buhok mo. Kanina pa hinahangin tangina tumutusok sa mukha ko."
Natawa ulit siya sabay tingala sa 'kin. "Sorry. Ang lakas kasi ng hangin eh. Aayusin ko na lang."
"Ako na mag-aayos." Tinanggal ko 'tong gomang nakatali sa buhok niya.
"Ano pong ayos?"
"Tirintas? Tama ba, tirintas ba tawag do'n?"
"M-marunong kang mag-gano'n?
"Oo. Hindi ba 'yon 'yong hinahati sa tatlo?"
"Hala, ba't mo alam?" Manghang-mangha naman siya.
"Ako pa? Dati kaya akong parlorista."
Nanlaki ang mga mata niya. Tangina, natawa na lang ako. "Oh biro lang. 'Yan na naman 'yang tingin mo. Baka maniwala ka na naman d'yan."
"Hindi kaya ako naniwala. Hindi naman bagay sa 'yo maging parlorista. Ang dami mo kayang tattoo sa katawan, tapos ang laki pa ng mga braso mo."
"Biro nga lang! In-imagine mo naman agad."
"Hindi ah." Pangiti-ngiti pa siya. "Sige na po, itirintas mo na buhok ko. Galingan mo, ah."
"Syempre. Relax ka lang d'yan." Pinatalikod ko na siya nang maayos. Sinuklay-suklay ko muna 'tong buhok niya. Ang bango talaga, amoy bulaklak. Pero sa totoo lang, hindi ko na naaalala kung pa'no magtirintas. Basta ang alam ko hinahati 'yon sa tatlo. Tinuruan kasi ako ng barkada kong babae dati kung pa'no mag-gano'n.
Sinimulan ko na lang hatiin sa tatlo 'tong buhok niya. Wala pa nga akong masyadong ginagawa pero tawa na nang tawa 'tong babaeng 'to.
"Marunong ka ba talagang mag-tirintas?" tanong niya pa.
"Kaya ka ba tawa nang tawa d'yan? Kasi hindi ka naniniwala? Marunong nga ako."
"Eh may natira pa oh." Pinakita niya sa 'kin 'yong ibang hibla ng buhok niya na hindi naisama sa kinakapitan ko.
Kinuha ko na lang.
Tapos tumawa na naman siya. "May nalalaglag na naman, oh."
Kinuha ko na lang ulit. Tangina, ba't ba nahuhulog 'tong mga 'to!
"Hindi ka naman yata talaga marunong."
"Marunong nga! Tangina lang kasi nitong hangin, eh."
"Baron! Pati hangin minumura mo."
"Eh para kasing nananadya. Ayos ako nang ayos tapos kung kailan okay na, biglang iihip. Malalaglag na naman 'tong hawak ko. Ba't ba kasi ang dulas din nitong buhok mo?"
Natawa siya. "Madulas po ba? Baka dahil sa bago kong shampoo."
"Anong shampoo?"
"Palmolive. 'Yong color violet. Ikaw, anong shampoo mo?"
Napaisip ako. Tangina, ano nga bang shampoo ko? "Ewan ko. Kailangan ko pa bang alamin 'yon?"
"Hindi mo alam kung anong ginagamit mong shampoo?"
"Hindi. Basta may nakalagay na 'shampoo', 'yon na binibili ko. Pare-parehas lang naman 'yang mga 'yan, hindi ba?"
"Hindi ah! Iba-iba rin. Mayro'ng shampoo para sa dry hair, para sa may dandruff, tapos mayro'n ding pampakintab tsaka pampa-straight, gano'n. Ano bang mas gusto mo sa mga 'yon?"
"Tangina kahit na ano basta bumubula! Ang dami pang kaartehan ang puta."
Ang lakas ng tawa niya. "Baron! Ba't ka ganyan?"
"Bakit? Totoo naman. May paiba-ibang klase ka pang nalalaman d'yan, iisa pa rin naman ang epekto ng mga 'yan sa buhok."
"Hindi ko naman 'yon inimbento. May mga gano'n kaya talagang mga shampoo."
"Oo na, wag ka nang magulo. Ang likot mo, hindi ko matapos-tapos 'tong pag-ipit ko sa buhok mo."
"Eh nakakatawa ka kasi, eh."
"Sige, tawa ka lang d'yan. Kabagin ka, malakas pa naman ang hangin, sige ka."
"Hindi ako kakabagin! Siguro hindi ka talaga nagsha-shampoo kaya hindi mo alam."
"Nagsha-shampoo ako! Tsk wag mo nga akong pagtripan."
Tumahimik na siya pero panay pa rin ang pagtaas-baba ng mga balikat niya. 'Pag tumawa talaga siya, isang buong oras, eh.
Hindi na rin ako nagsalita. Nag-concentrate na ako rito sa pagtirintas ko sa buhok niya. Tangina nahihirapan ako! Mali-mali na yata'tong ginagawa ko. Binuhol-buhol ko na lang. Napasubo ako, hindi na pala ako marunong. Hindi bale, hindi niya naman nakikita kung anong ginagawa ko rito.
"Ang tagal mo namang magtirintas?" sabi niya na.
"Patapos na. Ang hirap, nahuhulog 'tong buhok mo. Madulas kasi."
"'Pag ako ang nagtitirintas ng buhok ko, wala pang one minute."
"Bakit, wala pa rin naman akong one minute ah."
"Mayro'n na kaya. Lagpas-lagpas ka na nga."
"Syempre. Inaayos ko nga nang mabuti" Kunyari lang 'yon. 'Langya, hindi naman talaga maayos 'tong ginawa ko. Tinapos ko na lang at tinalian na sa dulo.
"Oh, tapos na." Sinilip ko siya.
Kinapa-kapa niya naman agad. "Wow. Ang galing ah."
'Yon, nakalusot! "Syempre. Ako pa? Sabi ko sa 'yo dati akong parlorista, eh." Tumawa na naman siya. "Ikaw talaga, ang kulit-kulit mo. Ikaw ang pinakamakulit sa lahat."
Natawa na lang din ako tapos hinaplos ko 'tong buhok niya. "Ayos ba 'yan? Hindi na ako matutusok ng buhok mo 'pag humahangin."
"Ayos po. Ang galing mo nga, eh." Ginilid na niya 'yong tirintas tapos sumandal na ulit siya sa 'kin. Humikab siya.
Inantok na yata. Sinilip ko siya. "Inaantok ka na?"
"Hindi po. Parang na-relax lang ang katawan ko no'ng inaayusan mo ako ng buhok."
"Ah. Pahinga ka na lang d'yan sa dibdib ko. Napagod ka rin n'yan kanina sa kaiiyak mo."
Tumingala siya. "Pa'no 'pag bigla akong nakatulog dito?"
"E hindi iiwan kita. Uwi na ako."
Ngumuso siya sabay palo sa pisngi ko. Umaray ako kahit hindi naman talaga masakit. Gusto ko lang siyang patawanin.
"Salbahe 'yong isa dito," sabi niya.
"Biro lang. Syempre, hindi kita iiwan. Kakargahin kita pauwi." Hinawakan ko ang kamay niya. Ang lambot nga, parang kamay ng seven year old.
Sinandal niya naman bigla ang ulo niya sa dibdib ko. 'Yan, ganyan lang. Ang sarap. Parang nakakalimutan ko ang mga problema ko 'pag ganito kaming dalawa.
"Kuting, may itatanong pala ako sa 'yo." Buti naalala ko.
Tumingala ulit siya sa 'kin. "Hmm?"
"Matagal ko na talagang gustong itanong 'to sa 'yo. Kaso hindi ako makakuha ng tiyempo." Bumwelo muna ako bago tumuloy. "Ano bang number mo?"
Natawa siya. "Ano ba 'yan, akala ko naman kung ano na! May patiyempo-tiyempo ka pang nalalaman. Akin na nga ang cellphone mo."
Nilabas ko galing sa bulsa tapos binigay sa kanya.
"Yes, makaka-text na rin kita." Tinype na niya ang number niya. "Text mo agad ako mamaya, ah? Para ma-save ko rin ang number mo."
"Oo ba. Marami naman yatang nagte-text sa 'yo?"
"Uy, wala ah. 'Yong bestfriend ko lang no'ng college tsaka iba akong mga kaklase dati."
"Eh 'yong ex mo, tine-text ka pa?"
Tumawa siya. "Wala naman akong ex. Hindi pa kaya ako nagkaka-boyfriend dati."
"Alam ko. Binibiro lang kita."
"Pa'no mo alam?"
"Syempre. Wala pa ako e. Ako kaya ang tinadhana na maging unang boyfriend mo."
Bumagsak lang ang mga balikat niya.
Kinagat ko naman ang ibaba kong labi para magpigil ng ngiti. "Ang korni ko ba?"
"Hindi, okay lang. Medyo bumenta naman po 'yong banat mo, eh."
"Tangina salamat, ah?"
Tinawanan niya lang ako. "Joke lang. Pikon ka na naman kaagad." Binalik niya ang tingin niya sa cellphone ko. "Marami ka bang solo pictures mo dito?"
"Solo pictures? Ano, 'yong mga nudes?
"Hindi! Baron naman, eh."
Natawa ako. "Pa'no ba kasing solo pictures? Iba naiisip ko, eh. "
"'Yong mga selfie. Kunyari kapag nakaayos ka o naka-porma, gano'n."
"Putangina ano ako, babae?"
"Ah, hindi pala kayo nagpapagwapo?"
"Minsan lang ako magpagwapo, pero kung gusto mo, dadalasan ko."
Ang sarap ng tawa niya tapos ginulo-gulo ang buhok ko. "Puro ka naman kalokohan. Ito na nga ang phone mo. Ang sinave ko na pangalan ko, 'Desiree Claud Franco' ah."
"Ba't buong-buo naman. Babaguhin ko 'to mamaya." Tiningnan ko lang kung na-save na talaga niya ang number niya bago ko pinasok ulit 'tong cellphone sa bulsa ko.
"Baron?" Nakatitig pala siya sa 'kin.
Tiningnan ko rin siya. "Oh?"
"Ang saya ko ngayon. Wish ko sana palagi tayong ganito. Hindi ba hindi naman maling-mali 'tong mayro'n tayong dalawa?"
Napaisip ako. "Mali pa talaga sa ngayon. Pero wag kang mag-alala, ipaglalaban ko naman hanggang sa maging tama." Nilapit ko ang mukha niya para halikan siya sa pisngi.
Ngumiti naman siya. Tapos bigla siyang nagsimulang gumuhit sa buhangin sa tabi namin.
"Hindi ako marunong mag-ukit sa puno, kaya dito na lang," sabi niya.
May kaunting liwanag kaya nakita kong sumulat siya ng 'kuting', tapos gumuhit ng puso bago sinulat ang pangalan ko. "Ayan! 'Kuting loves Baron forever'!"
Napangiti ako, kahit na tabingi naman 'yong pagkaka-drawing niya sa puso.
Hinawakan ko na lang siya sa magkabilang pisngi tapos hinarap ang mukha niya sa 'kin. Tinitigan ko siya nang diretso sa mga mata. "Ang cute mo. Ganyan ka lang, ah? Wag kang magbabago, kasi gustong-gusto ko kung ano ka sa 'kin ngayon. Ang lakas mong makatama." Sabay halik ko sa noo niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top