Chapter 13

NAGKALABUAN NA TALAGA kami ni Desa.

Ilang araw na kaming walang pansinan. Kasalanan ko naman kasi. Hindi ako nakapagpigil sa paghalik sa kanya no'ng Sabado ng gabi sa tabing-dagat. Akala ko nga magtutuloy-tuloy ako tangina buti na lang pinigilan niya ako at natauhan din ako.

Ilang beses niyang nilayo ang mukha niya sa 'kin pero humahabol pa rin talaga ako para mahalikan siya. Nasipsip ko 'yong balat niya sa leeg at do'n siya parang nataranta. Hinarangan niya ako agad sa dibdib tapos sinabihan akong tumigil.

Tangina, bigla ko na namang naalala si Leila no'ng mga sandaling 'yon. Naalala ko 'yong takot niya no'ng pinilit ko siyang may mangyari sa 'min sa dati kong unit. Hindi ko matanggap na muntik ko ring magawa 'yon kay Desa. Sising-sisi ako. Natakot ako na baka matulad siya kay Leila kaya no'ng gabi ring 'yon, sinabihan ko na siyang lumayo na sa 'kin para hindi siya mapahamak.

"Kayo na ba ni Desa?" biglang tanong nitong si Arkhe para makuha na naman ang atensyon ko.

Dito ako nakatambay sa bahay nila. Kinailangan ko na kasi ng kausap kahit alam kong wala namang maitutulong sa 'kin 'tong gagong 'to. Tingnan mo nga ngayon, walang kwenta na naman ang pinagtatatanong sa 'kin.

Tumungga na lang ako sa bote ko ng beer. "Mukha bang kami na?"

"Oo. Masyado kang problemado d'yan. Bigla-bigla ka pang matutulala. Ano, LQ na naman kayo?"

"LQ ba 'yon."

"Malay ko sa inyo. Hindi mo naman kinikwento sa 'kin nang diretso kung anong nangyari sa inyong dalawa. Puro ka 'basta'. Pa'no ko malalaman."

Ngumisi ako. Hindi naman kasi ako gano'n kagago para ikwento sa kanya na hinalikan ko si Desa at muntik ko pang matuloy-tuloy. Hindi ako katulad niya na pinagkakalat ang mga ginagawa niya sa mga babae niya.

"Tingnan mo, natutulala ka na naman d'yan. Oh, Happy." Initsahan niya ako ng isa pang balot ng kinakain naming mani. "Ngumata ka na lang. Masyado kang seryoso. Red Horse? Gusto mo pa ng isang Red Horse?"
"Mayro'n pa ako." Pinakita ko sa kanya 'tong hawak kong bote.

"Kulang 'yan. Umisa ka pa."

"Hindi na." 'Langya, kaya ako nakakaperwisyo, eh. Inom din kasi ako nang inom.

Binuksan ko na lang 'tong binigay niyang mani. Tangina, ang sakit na ng panga ko. Ang dami ko nang nakakaing Happy pero hindi naman ako nagiging happy.

"Akala ko ba brad, ikaw ang may gustong umiwas siya?" dugtong nitong si Arkhe. "Ba't hanggang ngayon namomroblema ka eh ginusto mo naman 'yon. Ilang araw na ba kayong walang pansinan?"

"Mag-iisang linggo na yata. Hindi pa naman gano'n katagal pero ang hirap kasi. Parang may kulang sa araw ako 'pag hindi ko siya nakikita."

Natawa siya sabay hithit sa yosi niya. "Wala na, p're. Tinamaan ka na talaga. Naramdaman ko rin 'yan sa nag-iisang babaeng sineryoso ko dati. Kaso naghiwalay naman kaming dalawa."

"Anong gusto mong palabasin ngayon?"

"Wala naman. Nabanggit ko lang."

"Akala ko may iba kang ibig sabihin, eh." Bumuntong-hininga ako. "Pinagsisisihan ko nga ngayon kung ba't ko pa sinabi kay Desa na layuan na ako. Tangina, nakakabaliw pala na hindi kami nagpapansinan."

"Tapos ngayon magsisisi ka. Sutil ka rin kasi na walang isang salita."

"Akala ko kasi madali."

"Hindi magiging madali 'yan, brad. Alam mo namang sa iisang resort kayo nakatira."

"'Yon na nga. Tangina kagabi nga, papasok ako sa Jupiter, palabas naman siya. Tiniis ko talagang hindi siya tingnan tsaka kibuin."

Natawa siya. "Iiyak 'yon sa ginagawa mo."

"Alam ko. Pero kailangan kong gawin 'yon. Palagi ko na nga siyang nakikitang malungkot ngayon."

"Isa lang ang solusyon d'yan sa problema mo. Pansinin mo na. Kayo na lang. Kung masaktan mo siya, eh hindi masaktan. Gano'n talaga, brad."

Napangisi ako. "Hindi gano'n 'yon. Si Desa 'yong tipo ng babaeng hindi dapat sinasaktan."

"Nice. Ang deep." Makikipag-apir dapat siya, pero hindi ko pinagbigyan.

"Tangina mo, basag trip ka rin, eh," sabi ko.

Natawa lang ulit siya. "Ang seryoso mo kasi. Kung naririnig mo lang sarili mo ngayon, gago ang korni mo kamo. Pansinin mo na lang si Desa para wala ka nang pinoproblema d'yan."

Hindi na ako sumagot. Tumungga na lang ulit ako. Ang daling sabihin, palibhasa hindi siya ang nasa pwesto ko.

Wala na nga akong mukhang maiharap kay Desa ngayon, pa'no ko pa papansinin? Malamang nga galit sa 'kin 'yon. Tsk. Dapat kasi hindi na lang talaga ako pumayag na makasama siya no'ng gabing 'yon.

Nitong mga nakaraang araw, inuubos ko na lang ang oras ko sa FRANCO para hindi ako siya masyadong makita.

Tama na rin siguro 'to. Mas ayos nang wala kaming usap-usap, katulad na lang ulit ng dati. Bumalik na rin ako sa pakikipag-text sa ibang mga babae para makalimutan ko siya. Pati nga si Gwen na kapatid niya, binabalikan ko na naman para may pampalipas ako ng oras.

Oo nga pala, buti naalala ko 'yong babaeng 'yon. Sinabihan ko nga pala siya kanina na ihahatid ko siya sa trabaho. Hindi ko na natingnan kung nag-reply na ba ulit siya sa 'kin.

Kinuha ko ang cellphone ko sa bulsa. At ito na nga, ang dami na nga niyang text sa 'kin. Nagtatanong kung nasa'n na ako.

Inubos ko na lang 'tong Happy ko tapos tumungga saglit ng alak, tsaka tumayo. "Una na ako, Ark."

Nagulat siya. "Agad-agad?"

"Pasensiya na, may gagawin nga pala ako. Nawala sa isip ko."

"Mamaya na, 'to naman. May tatlong bote pa tayo. Ubusin na muna natin."

"Kaya mo na 'yan. Hindi ako pwedeng maglasing, magmamaneho ako."

Hindi na siya umangal. Hinayaan niya na lang din akong makaalis.

• • •

PAGKARATING KO RITO sa bahay nila, napahiling ako na sana wala sila Karina para mas madali kaming maka-alis ni Gwen.

Pinagbigyan naman nga ako. Wala 'yong mag-asawa rito, pero nandito si Desa. Magkasama silang dalawa ni Gwen sa kusina.

Ang bilis napatuwid ng tayo ni Gwen no'ng nakita niya akong pumasok. "Baron. A-andyan ka na pala."

"Hindi ka pa ayos?" Nakatuwalya pa kasi siya. "Tara na."

"Sige, saglit lang. Magbibihis lang ako tsaka magme-makeup. Hintayin mo na lang ako sa labas." Umalis na siya at pumasok sa kwarto.

Nilipat ko naman agad ang tingin ko kay Desa na nakatingin na rin sa 'kin ngayon. Ang lungkot na naman niya. Akala ko magsasalita siya pero umiwas lang siya. Bumalik siya sa paghuhugas do'n sa lababo. Siguro ayaw niyang makita ko na naiiyak na naman siya kahit na halatang-halata ko naman.

Tsk, bakit ba ganito na naman 'to. Wala naman akong naalala na ginawa ko sa kanya ngayong araw.

Hinintay ko siyang matapos sa paghuhugas. Alam ko, dapat iniiwasan ko na siya ngayon, pero hindi ko talaga matiis 'pag nakikita ko siyang malungkot.

No'ng natapos na siya sa ginagawa niya, parang wala naman siyang balak na kibuin ako. Nakayuko lang siya. Padaan nga siya sa 'kin ngayon pero hindi siya tumitingin. Dapat lalagpasan niya pa ako.

Hinawakan ko na lang agad siya sa siko niya. "Desiree."

Bigla naman siyang naluha. Nataranta ako, sinilip ko siya. "Ba't umiiyak ka na naman?"

Umiling lang naman siya tapos bumitiw sa pagkaka-kapit ko.

Tsk, galit 'to eh. Inangat ko ang mukha niya para makita ko na siya nang maayos. "Sinong nagpaiyak sa 'yo."

Tiningnan niya ako. "Ikaw." Tapos umiwas siya. "Paasa ka kasi."

"Ano?"

"Sabi ko, paasa ka!"

Tangina, hindi ko siya maintindihan. Hinila ko siya papunta ro'n sa pintuan nila sa likod. Inilabas ko siya ng bahay para makapag-usap kami nang walang ibang makakakita. Hindi ko alam na ganito na pala katindi ang dinaramdam niya sa 'kin. Wala akong kaalam-alam!

Sinandal ko siya rito sa dingding at tinapatan siya. "Sinong nagsabing pinapaasa kita, ha? Hindi kita pinapaasa."

Pumikit siya. "Eh, ano 'tong ginagawa mo?" Tiningnan niya na ako ulit. "Umasa ako sa mga pinapakita mo sa 'kin, tapos biglang ganito. Bigla mo na lang akong iiwasan at hindi kikibuin. Ba't mo ba ako hinalikan? Wala lang? Trip mo lang? Tapos ngayon kayo naman ni Ate Gwen. Ihahatid mo pa siya sa office. Mayroon bang namamagitan sa inyo ni Ate?"

"Wala."

"Ba't mo siya ihahatid?"

"Wala. Wala lang 'yon."

"Talaga? Pero kinwento mo sa 'kin na ginamit mo siya dati para makalimutan si Leila. Siguro may something sa inyo. At siguro 'yon din ang balak mo sa 'kin. Baka kaya mo lang ginagawa lahat ng 'to sa 'kin kasi gusto mo rin akong gamitin para makalimutan 'yong Leila na 'yon. Kunyari ka pang mapapahamak ako sa 'yo pero hindi naman talaga."

"Tangina, anong pinagsasabi mo."

"'Yong nararamdaman ko." Bigla na ulit siyang umiyak. "Sige na, lalayo na ako sa 'yo. Iiwasan na rin kita. Paasa ka kasi!" Aalis na dapat siya pero hinawakan ko agad siya sa braso.

"Hindi pa tayo tapos mag-usap, ah. Tumingin ka sa 'kin."

Hindi siya sumunod.

"Isa. Tumingin ka."

Tsaka lang niya ginawa. Tiningnan niya ako sa mga mata.

Kung hindi pa ako magagalit, hindi pa siya susunod. Naiinis ako ngayon. Hindi ko kasi gusto 'tong mga pinag-iisip niya. Wala naman akong intensyon na gano'n. Kahit ako naman umasa kahit na alam kong malabo.

Tinitigan ko siya nang malalim. "Wala akong planong gamitin ka," sabi ko. "Tsaka mas lalong hindi kita pinapaasa."

Pinunasan niya 'yong mga luha niya sa pisngi. "Eh, ba't ganito inaasal mo?"

Pumikit ako saglit. "Akala mo ba madali 'tong ginagawa ko? Akala mo masaya ako na iniiwasan kita? Totoo lahat ng mga pinakita ko sa 'yo. May mga bagay lang akong dapat unahin kaya hindi ko matuloy-tuloy 'tong nararamdaman ko."

"N-nararamdaman? Sige po. Ano ba talagang nararamdaman mo? Gusto kong malaman."

Tinungkod ko 'tong isang kong kamay sa pader para ikulong siya. "Gusto kita, Desa. Hindi ko alam kung anong mayro'n sa 'yo pero nababaliw ako."

Ang tagal bago siya nakasagot. "Gusto mo rin ako. Pero ba't mo ako pinalalayo sa 'yo? Ba't ka umiiwas?"

"Ayokong mapahamak ka."

Parang bigla siyang nainis. "Ba't ba parati mong sinasabi 'yan. Na mapapahamak ako sa 'yo."

"Kasi mapapahamak ka talaga. Alam mo na kung anong klaseng tao ako. Sinabi ko na sa 'yo kung anong nagawa kong kasalanan kay Leila dati. Ayokong masaktan din kita nang gano'n. Bata ka pa. Masyado kang mabait tsaka inosente para sa 'kin."

Umiling-iling siya. "Hindi mo ako masasaktan nang gano'n. Wag mo kasi masyadong ibaba 'yang sarili mo dahil lang sa isang kasalanan mo kay Leila. Hindi ka masama. Kung pangit man ang nakaraan mo, wala akong pakialam, tatanggapin ko. Naniniwala ako sa 'yo, eh. Alam kong mabait ka rin kahit hindi mo pinapakita sa iba."

Tangina, natawa ako. "Hindi mo alam sinasabi mo."

"Alam ko. Baron please, wag na natin pahirapan mga sarili natin. Hindi ba pwedeng girlfriend mo na lang ako? Ayaw mo ba no'n?"

"Gusto ko. Tangina, gustong-gusto ko! Pero hindi pwede, Desa. Anghel ka eh, demonyo ako."

"E 'di magpapaka-demonyo rin ako para sa 'yo."

"'Yan nga 'yong ayokong mangyari. Ayokong magbago ka nang dahil lang sa 'kin. Ayokong mahawa ka. Tsaka sa tingin mo ba papayagan tayo ni Rex?"

Do'n siya nanlambot. Parang bigla siyang napaatras. Siguro ngayon maiintindihan na niya. Kung hindi niya kayang tanggapin ang sinasabi ko na mapapahamak lang siya sa 'kin, tanggapin niya na lang na ayaw sa 'kin ng tatay niya. At 'yon ang hindi-hindi ko mababago.

"Ano, naiisip mo na ba ngayon kung anong mangyayari sa 'yo kapag naging tayo?" tanong ko sa kanya.

"T-takot ka kay Papa?"

"Tangina. Desa, negosyo ng tatay mo ang bumubuhay sa 'kin ngayon. Ayoko siyang banggain. Tsaka, triple pambabakod sa 'yo ni Rex. Binalaan na niya ako dati na patulan ko na lahat ng babae dito sa Batangas, wag lang kayong dalawa ni Gwen. Lalo ka na. Alam niya kasi kung gaano ako katarantado."

Napaiyak na naman siya. Tinakpan niya agad ang mukha niya.

Napahilot na lang ako sa noo ko. Parang kahit na anong sabihin ko, hindi niya maiintindihan at hindi niya tatanggapin. Iniiyakan niya lang ako, eh.

"Patunayan mo na lang kay Papa na mali siya," sabi niya pa. "Na hindi mo ako masasaktan."

"Tangina paano ko 'yan gagawin, e kahit nga sa sarili ko hindi ako maipangakong hindi kita masasaktan. Ikaw na nagsabi, tigre ako. Normal sa 'king manakit."

"Hindi ka gano'n."

"Gano'n ako. Ba't ba hindi mo matanggap? Pinoprotektahan lang kita."

Hindi na siya nakasagot sa 'kin kasi narinig naming biglang nag-ring ang cellphone ko.

"Tangina naman." Si Gwen 'to. Dinukot ko agad sa bulsa ko para tingnan. Siya nga.

Sinagot ko na lang. "Gwen."

"Nasaan ka na? Nandito na ako sa labas. Nagmadali pa naman akong mag-ayos tapos wala ka pa pala. Sabi mo ihahatid mo ako sa office?"

"Oo, ihahatid nga kita. Maghintay ka na lang d'yan sa labas ng kotse. Papunta na ako."

"Sure? Okay, hihintayin na lang kita. Bilisan mo, ah. Bye."

Binaba ko na. Binalik ko 'tong cellphone sa bulsa ko habang nakatingin na ulit dito kay Desa. Hindi na talaga siya tumigil sa pag-iyak. Hikbi siya nang hikbi tapos basang-basa na ng luha 'yong mukha niya.

Umiwas na lang ako ng tingin sabay hilot ulit sa noo ko. "Tangina ba't ba ang hirap nito."

Paano ko ba ipaiintindi sa kanya na hindi kami pwede. Wala na akong mahabang oras ngayon para magpaliwanag. Naghihintay na sa 'kin ang kapatid niya, pero ayoko naman siyang hayaan dito na ganito.

Tangina, ngayon ko lang tuloy naisip na hindi lang tawag ng laman o init ng katawan ang nararamdaman ko para sa kanya. Seryoso talaga akong gusto ko siya kasi mas iniisip ko ang kalagayan niya. Para na akong may responsibilidad sa kanya ngayon.

Habang tumatagal na tinitingnan ko siya, mas lalo kong napapatunayan na hindi ko kailangan ang katawan niya para sumaya. Kasi makita ko lang ang mukha niya na inosente, kahit umiiyak pa siya, sapat na para lumigaya ako.

Alam kong gulo 'tong naiisip ko. Mapapatay ako ni Rex kapag nagkataon pero, "ah puta bahala na." Hinila ko siya sa baywang palapit sa 'kin.

Tinitigan ko siya at pinahid ang mga luha niya sa pisngi. "Nanghihina ako kapag nakikita kang umiiyak, alam mo ba 'yon? Pakiramdam ko, trabaho kong patahanin ka."

Hinawakan ko ang mukha niya para iangat paharap sa 'kin. "Ano bang ginawa mo sa 'kin? Gusto mo ba talaga akong mabaliw dahil sa 'yo? Kahit kailan hindi ko naisip na matitipuhan kita. Bata at inosente na walang pakailam sa mundo basta makuha niya lang ang gusto niya. Hindi ko alam kung anong klase ka."

Niyakap ko siya sa leeg pagkatapos at sinubsob ang mukha niya sa dibdib ko. "Tangina sige na," bulong ko sa gilid ng ulo niya. "Wala na rin akong pakialam sa mundo. Wala na akong pakialam sa tatay mo, o kung mapaiyak kita, o kung masaktan din kita kahit hindi ko sinasadya. Sasabak na ako. Akin ka na simula ngayon."

Ang bilis niyang napatingala sa 'kin. Hindi nga siya nakapagsalita. Nakatulala lang siya.

Tangina, ito na ang kahinaan ko. Dinadaan niya na naman ako sa pagtitig niya sa 'kin nang malalim.

Ngumiti na lang ako nang tipid sabay inayos ang buhok niya. "Sige na, tama na 'to. 'Wag ka nang umiyak. Hindi na kita palalayuin sa 'kin. Wala nang iwasan." Pinunasan ko ang gilid ng mata niya. "Tahan ka na."

Kaso parang mas lalo pa siyang naiyak. "T-totoo?"

"Hindi ka naniniwala? Saan sa mga sinabi ko ang hindi naging malinaw sa 'yo? Uulitin ko."

"Lahat." Sinandal niya ang baba niya sa dibdib ko na parang pusang naglalambing.

"Ulitin mo po lahat. Gusto kong marinig ulit lahat."

Hinaplos ko ang buhok niya. "Parang bata naman. Gusto uulitin pa lahat. Ang sabi ko, wala na rin akong pakialam sa mundo. Simula ngayon akin ka na."

Pumikit siya. "Sinungaling ka pala."

"Ano na namang sinungaling?"

Dumilat siya. "Sinungaling ka, kasi sabi mo masasaktan mo ako. Pero hindi naman, eh. Pinasasaya mo nga ako."

Natawa ako. "Sinungaling na pala kapag gano'n."

Tumango-tango siya, tapos tumingin sa 'kin nang matagal bago nagsalita ulit. "'Di ba gusto mo rin ako?"

"'Di ba inamin ko na nga 'yan kanina?"

"Oo nga." Bigla siyang yumakap sa 'kin. Ang higpit palang mangyakap nito.

Niyakap ko na lang din ulit siya sa leeg. "Tumahan ka na." Hinaplos ko ang buhok niya. "Ibang klase ka umiyak. Para kang batang hindi sinama ng magulang sa Star City."

"Paano tatahan e mas lalo mo po akong pinaiiyak." Nag-angat ulit siya ng tingin sa 'kin.

"Ba't ganyan ka na naman makatingin?"

"Hindi kasi ako makapaniwala sa mga sinabi mo sa 'kin ngayon. Parang panaginip na nagkatotoo." Naluha na naman siya. "Ang saya ko. Sobrang masaya na ako."

"Masaya ka pero umiiyak ka pa rin."

Tsaka lang niya pinunasan ang mga pisngi niya. Nakangiti na siya ngayon pero lumuluha pa rin. Hindi ko na maintindihan kung ano ba talagang nararamdaman niya kasi ang bilis niyang magpalit ng emosyon.

Sinandal ko na lang ulit siya sa pader. Tinungkod ko ang mga kamay ko ro'n. Hindi ako papayag na maghihiwalay kami ngayong gabi na hindi ko siya napapatahan nang tuluyan.

"Tambay tayo sa tabing-dagat?" sabi ko.

"N-ngayon po?"

"Oo. Ayaw mo ba?"

"Gusto. Pero hindi ba, ihahatid mo si Ate sa office niya?"

"Hindi ko na siya ihahatid."

Ngumiti siya tapos hinaplos ang buhok ko. Ang lambing. "Okay lang naman po sa 'kin kung ihahatid mo siya ngayon," sabi niya pa. "Pero promise ka sa 'kin na last na 'yon, ha?"

"Hindi ko na nga siya ihahatid. Mas gusto kitang makasama. Ano, tatambay ba tayo sa tabing-dagat ngayon o hindi?"

"Tatambay nga po. Tapos magtatagal tayo ro'n?"

"Pwede. Pero 'pag inantok ka na, uwi na tayo."

"Hindi ako aantukin." Tapos bigla na naman siyang yumakap sa 'kin. Mahilig din pala 'tong mangyakap. Mas lalo akong mababaliw sa kanya nito.

"Tara na?" Tumingala siya sa 'kin, may luha pa rin sa gilid ng mga mata niya.

"Sige," sagot ko. "Kaso mauna kang lumabas. Susunod ako. Ayos lang ba? Para hindi tayo mapansin. Tsaka dadaanan ko lang Ate mo. Sasabihin kong hindi ko na siya mahahatid. Saglit lang 'yon."

"Okay lang. Lalabas na ba ako ngayon?"

"Sige. Tumahan ka, baka may makakita sa 'yo."

Tumango-tango lang siya tapos tumuloy na sa pag-alis.

Sinundan ko siya ng tingin.

Ito na, baliw na naman ako sa babae. Ngayon siguradong-sigurado na talaga ako sa nararamdaman ko para sa kanya. 

Ang hindi ko lang sigurado eh kung mapapasaya ko ba talaga siya. Inaamin kong naduduwag ako ngayon sa takot. Baka kasi mapaiyak ko lang siya o baka hindi siya maging kuntento sa 'kin, pero bahala na. Sabi nga ni Arkhe, kung masaktan e 'di masaktan. Wala na akong paki. Basta mamahalin ko si Desa sa paraang alam ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top