Chapter 1

BARON MEDEL

Nasugbu, Batangas

TINANGHALI NA KAMI ng dating ni Rex dito sa Batangas.

Tangina ang trapik! Tapos ako pa ang pinagmaneho nitong kupal na 'to. Matagal ko na 'tong kaibigan, pero ngayon parang bigla ko nang gustong kalimutan ang lahat ng pinagsamahan naming dalawa dahil sa pagod ko.

Nawalan na tuloy ako ng gana pagkarating dito sa tattoo shop na pagmamay-ari niya. Itong FRANCO. Ang dami pa naman naming aayusin. Pumayag na kasi akong makipag-sosyo sa kanya. Sinara ko na 'yong sarili kong studio sa Ortigas.

"Ano, Baron, sa'n ka titira ngayon?" biglang tanong sa 'kin ni Rex.

"Maghahanap na lang ako. Marami naman d'yan." Umupo ako sabay hubad sa t-shirt ko at sabit nito sa balikat ko.

Ang init!

Nilingon niya 'ko habang nagliligpit siya ng mga gamit. "Kung gusto mo, sa resort ka na namin tumira. Do'n ulit sa bahay sa likod ng amin. Hindi ka naman na bago ro'n. Malapit pa 'yon dito sa FRANCO."

"Magkano 'yan?"

"Libre lang."

Ngumisi ako at naglabas ng yosi. "Libre? Tangina mo, maniwala ako sa 'yo. Anong kapalit niyang alok mo, ah?"

"Walang kapalit, gago. Do'n ka na sa kabilang bahay. Para ka namang hindi tumitira ro'n 'pag nandito ka sa Batangas."

"Iba na ngayon. Dati, ilang linggo lang ako sa resort. Ngayon, magtatagal na 'ko. Wala eh, wala na 'kong babalikan sa Maynila." Nagsindi ako ng yosi.

Tinawanan niya naman ako nang mayabang. "Kung hindi ka ba naman kasi ungas. Ang ganda na ng pwesto ng tattoo studio mo sa Maynila, sinara mo pa. Sikat na sikat ka na ro'n, ah? Ba't ka nga ba ulit pumayag na makipag-sosyo sa 'kin at tumira na rito sa Batangas? May pinaiyak ka na namang babae ro'n kaya nagtatago ka rito, ano?"

Inangatan ko siya ng gitnang daliri. Tangina talaga nito. Kung alam niya lang ang totoong dahilan kung bakit pinili kong iwan ang buhay ko sa Maynila at magpakalayo-layo.

Tsk, ayoko nang maalala. Kaya nga ako nagpunta rito—para subukan kung makakalimutan ko ba si Leila. Tutal, hindi na rin naman kami magkakaayos. Hindi na namin maibabalik 'yong dati.

"Wala kang babayaran 'pag tumira ka sa resort," tuloy pa nitong si Rex. "Libre lahat."

"'Langya kinakabahan talaga 'ko diyan sa libre-libre mo."

"Gago, libre nga. Basta wag mo lang kalilimutan kung ano'ng bawal do'n." Tumingin ulit siya sa 'kin. "Bawal kang dumikit sa mga anak ko. Lalung-lalo na sa bunso ko. Tangina ka, malaman ko lang na nilalandi mo kahit na sino kina Desa at Gwen, gugulpihin talaga kita."

Ngumisi lang ako.

Hindi ko siya sinagot. Wala siyang kaalam-alam na lumalabas kami dati ng panganay niya. Si Gwen.

"Ano? Sa resort ka na titira?" tanong niya ulit.

"Libre na 'yon, sabi mo. Syempre papayag ako, gago ka ba?"

Natawa lang ang mokong. "Eh 'di kung gusto mo, dagdagan mo na lang 'yong perang binigay mo sa 'kin sa pakikipag-sosyo mo rito sa FRANCO. Sigurado naman akong malaki-laki ang ipon mo mula no'ng sinara mo 'yong shop mo sa Maynila."

Tingnan mo talaga 'tong tarantadong 'to. "Inalok mo 'ko ng libreng titirhan, tapos ngayon babawi ka sa bayad dito sa shop. Anak ng pating! Tattoo-an ko kaya 'yang ngala-ngala mo?"

Tumawa na naman siya habang nagliligpit. "Ang init na naman ng ulo mo. Sige na, libre ka nang tumira sa resort."

Tangina, sino ba naman kasing hindi iinit ang ulo. Hanggang ngayon mahangin pa rin ang dating niya sa 'kin. Kung wala lang akong utang na loob sa kanya at wala akong kailangan sa kanya, matagal ko na siyang kinalimutan. Hindi siya nakakatawa.

Nawala lang 'tong inis ko nang mapansin kong may babae palang nakatayo sa pintuan nitong shop. Gulat na gulat pang nakatingin sa 'kin.

Ito yata 'yong bunso ni Rex.

"Oy, Rex. May tao," sabi ko na lang.

Lumingon naman agad si Rex. "Oh, ba't nagpunta ka? Ang Mama mo, nasa'n?"

"Nasa bahay po." Lumapit 'tong babae kay Rex, may inabot na papel. "Sabi ni Mama, ibigay ko raw po sa 'yo."

Ah. Siya nga 'yong bunso ni Rex. Sumimple pa ng tingin sa 'kin.

"Baron." Biglang tawag sa 'kin ni Rex. "Ito na pala ang bunso ko ngayon. Si Desa."

Hindi ako sumagot. Tiningnan ko lang ang mukha nitong si Desa. Ilang taon na ba 'to ngayon? Parang ang bata pa rin ng itsura. Hindi tumanda. Magkaibang-magkaiba sila ng dating ng ate niyang si Gwen.

"Desa, ang Kuya Baron mo 'yan," pagpapakilala naman sa akin ni Rex. "Natatandaan mo? Ang tagal hindi dumalaw ng hayop na 'yan dito, pero siya 'yan. Mas dumami lang ang tattoo sa katawan ngayon. Sa resort na pala natin siya titira. Do'n ulit sa kabilang bahay. Sabihin mo na lang sa Mama mo pagkauwi mo."

Tumingin lang din naman sa 'kin 'tong si Desa. Tapos yumuko.

Saglit lang siyang nagtagal dito sa shop kasi pinaalis na rin siya ni Rex. Sumunod ako ng tingin sa kanya habang naglalakad siya palabas ng pinto. Nakayuko pa rin nga, ang mahiyain.

Ngumisi na lang ako sabay hithit sa yosi ko at buga ng usok pataas. Ang cute niya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top