The Secret

A/N: "And above all, watch with glittering eyes the whole world around you because the greatest secrets are always hidden in the most unlikely places. Those who don't believe in magic will never find it."

― Roald Dahl

***

I remembered an incident when I was eight years old na hanggang ngayon ay hindi ko pa din makalimutan.

Tita Ada had a favorite necklace, a choker made of pearls, na pamana sa kanya ng mama nila.

Hindi ko mapigilang humanga kapag sinusuot niya yun.

One time, she got invited to attend a wedding to one of her friend's daughter.

Excited na hinanda niya ang kanyang damit na susuotin sa kasal.

Siyempre pa, alam ko na ang isusuot niyang accessory ay ang kanyang necklace.

Nasa kuwarto niya ako noon at nakadapa sa kama.

Naaaliw ako na tingnan si Tita kasi para itong teenager who was about to go out on a date dahil sa excitement sa mukha niya.

After niya ilapat ang cream-colored dress na susuotin niya, lumapit ito sa aparador para kunin ang necklace.

Pagbukas pa lang ng pinto, biglang nawala ang saya sa mukha nito.

Tinanong ko siya kung anong nangyari at nang tumingin ito sa akin, nakita ko na nakakunot ang noo nito at parang galit.

"Saan mo nilagay ang kuwintas ko?" baling nito sa akin.

Napaupo ako ng diretso at tatayo sana mula sa pwesto ko nang lumapit si Tita sa akin at hawakan ako ng mahigpit sa braso.

"Nakita kita na suot mo ang choker nung isang araw," bintang nito.

"Bakit wala na siya jewelry box ko?"

Sumagot ako na binalik ko naman sa lalagyan.

"Sinungaling kang bata ka!" hinila niya ako palabas ng kuwarto at kinaladkad papunta sa sala.

Nagbabasa si Papa ng diyaryo at nagulat ito ng makita ang ginagawa ng kapatid niya.

Bigla itong tumayo at pilit akong kinuha kay Tita.

Humahagulhol ako at nagtago ako sa likod ni Papa.

"Hinanap mo ba ng mabuti bago mo pinagbintangan si Althea?" galit na tanong ni Papa sa kapatid niya.

"Tingnan mo nga ang ginawa mo sa bata?"

"Halos magpasa ang braso dahil sa higpit ng kapit mo!"

Sinilip ako ni Tita pero lalo akong nagtago sa likuran ni Papa.

"Pakialamera kasi ang anak mo na yan eh," katwiran nito.

"Ilang beses ko ng sinabi na huwag papasok sa kuwarto ko at huwag makikialam ng gamit pero ayaw magpasaway,"

Lumapit ito sa akin pero hinarang siya ni Papa.

"Kung mawala ang choker na yun, hindi kita mapapatawad na bata ka!" banta nito.

Tumalikod ito at bumalik na sa kanyang kuwarto habang pinapatahan ako ni Papa.

***

Tulad ng pagiging protective ni Papa sa akin noon, ganun din ang instinct ko with Jade.

Hinarangan ko siya habang papalapit si Tita.

Nanliliit ang mata nito at sinisipat si Jade.

"Totoo pala talaga ang balita sa TV," sabi nito habang nakatingin sa akin.

"Pinagpalit mo ang career mo para sa babaeng yan!"

Nilingon ako ni Jade at kahit nabanggit ko na sa kanya si Tita noon, nakita ko na hindi ito makapaniwala na totoo ang mga babala ko sa kanya.

"Kung naniwala ka sa akin noon pa, na salot ang babae sa buhay mo, eh di sana hindi nacancel ang concert mo at sikat na sikat ka pa rin!"

Magsasalita na sana ako pero hindi pa tapos ang kanyang litanya.

"Noon pa man kasi, sutil ka na talaga!"

"Sarili mo lang ang sinusunod mo,"

"Kasalanan ito ng ama mo dahil ini-spoiled ka niya ng sobra lalo na nung yumao ang mama mo."

"Para bang lagi siyang merong laging gustong punan sa buhay mo,"

"Kung ano ang hilingin mo, walang pagdadalawang-isip na ibibigay sa'yo."

"Ano ngayon, Althea?"

"Nasaan ka na?"

"Bigla kang nalaos dahil sa kagustuhan mo na ipakita sa madla na mahal mo siya," tinuro nito si Jade.

Hinawakan ako ni Jade ng mahigpit sa kamay.

Napatingin ako sa kanya at nakita ko na nagtatanong ang mga mata nito.

"Tita, huwag tayong mag-usap dito dahil nagpapahinga si Papa."

Alam ko kung gaano ito ka-exhausted sa treatment niya at ayokong magising siya dahil sa pagbabangayan namin ng kapatid niya.

"Hayaan mong marinig niya ang sinasabi ko," ayaw magpapigil ni Tita.

"Hindi ka na nahiya, isinama mo pa talaga dito ang babae mo."

"Wala kang delikadesa!" Umismid ito.

Bumilis ang tibok ng puso ko at pinigilan ko ang sarili ko na huwag sumagot.

Hindi dahil sa natatakot ako sa kanya kundi dahil iniisip ko si Papa at si Jade.

"Althea?" tinawag ako ni Jade.

Nilingon ko siya at nakita ko na meron itong tinuturo.

Sinundan ko ng tingin ang kamay niya at nakita ko na dahan-dahang bumababa si Papa sa hagdan.

Dali-dali kong pinuntahan ito para alalayan.

Sumunod sa akin si Jade.

Nang makababa na si Papa, hinarap nito ang kapatid.

"Ada, hindi mo na ginalang ang girlfriend ni Althea, nambulabog ka pa ng natutulog." Sabi nito sa kapatid nang makababa ito at makalapit sa kanyang kapatid.

Inismiran siya ni Tita sabay nagtanong kung bakit pumapayag ito na nagdadala ako ng babae sa bahay.

"Nagkakalat na nga si Althea, pumapayag ka pa na binababoy niya ang pamamahay mo?"

Nagulat na lang ako ng biglang umangat ang kamay ni Papa at isang malakas na sampal ang bumagsak sa mukha ng kapatid niya.

"Pa!" sumigaw ako.

Natulala din si Jade sa nangyari.

Magsasalita pa sana ako ng biglang hinawakan ni Papa ang dibdib niya.

"Al......thea.....," utal na sabi nito.

Namumutla ito at ng hawakan ko ang isang kamay ay todo ang panlalamig.

"Pa?" hindi ko alam kung ano ang gagawin lalo na ng makita ko na unti-unti itong bumabagsak sa kinatatayuan niya.

"Tatawagin ko ang driver,"narinig ko na lang na sinabi ni Jade.

Hindi na ito nagdalawang isip pa na tumakbo sa labas.

Sa sobrang taranta ko, hindi ko napansin na nasa tabi ko na si Tita Ada at inaalalayan ang kapatid niya.

***

Hindi ko matandaan kung paano kami napunta sa ospital.

Nakita ko na lang na nasa kuwarto ako ni Papa at pinagmamasdan ito habang natutulog.

Nasa tabi ko din si Jade na tahimik na nakikinig sa usapan namin ng doctor.

"Nastress lang ang Papa mo, Althea." Napatingin ako sa nagsasalita at si Dr. Martinez pala.

"Po?" tanong ko sa kanya.

Malamang bakas ang pagkabalisa ko dahil sa takot na naramdaman.

Akala ko kasi, inatake sa puso si Papa.

"Mahirap talaga kapag maysakit," mahinahon ang boses ni doc.

"Kasi bukod sa meron silang dinaramdan, hindi maiaalis na mag-alala pa din lalo na kung may problema sa pamilya."

"Kahit pa itago natin sa kanila ang katotohanan, mahahalata din naman nila."

"Mas madalas pa nga na iniisip nila na baka sila ang dahilan ng mga alitan."

Naguilty ako lalo dahil sa nangyari sa amin ni Tita.

Kahit pa hindi ko pinatulan si Tita, mas mabuti sana kung niyaya ko ito sa garden para doon niya ako sermonan.

Pero huli na dahil nangyari na ang lahat.

"Althea, kung kailangan mo ng counseling, meron namang resources ang hospital."

Suggest ni Dr. Martinez.

"Hindi lang ito para sa pasyente kundi lalo na sa mga family members."

"Mahirap mag-alaga ng maysakit."
"Malaking tulong ang support system outside of the immediate family."

Tiningnan ni doc si Jade na parang nagpapa-alala sa kanya kung gaano kahalaga ang presence niya lalo na sa ganitong sitwasyo.

Tumango ako at nagpasalamat sa offer niya.

"Kung kailangan mo ang phone number at information sa counseling center, sabihin mo lang sa akin."

Nagpaalam na ito sa amin.

Lumakad ito palapit sa pinto at nagpasalamat ako sa kanya.

"Lablab, nagugutom ka ba?" nag-aalalang tanong sa akin ni Jade.

Umiling ako.

"Ikaw? Baka gutom ka na," tanong ko sa kanya.

Ngumiti ito.

"Medyo gutom na nga ako," pag-amin niya.

"Okay lang ba sa'yo kung iwan muna kita dito?"

"Punta lang ako sa cafeteria?"

Tumango ako at bago ito umalis, niyakap ako ng mahigpit.

"Huwag ka mag-alala, Althea."
"Nandito ako sa tabi mo,"

"I know," sagot ko.

"Salamat Jade sa suporta mo,"

Nagpaalam na ito sa akin.

Nang makalabas na si Jade, hinaplos ko ang buhok ni Papa.

Mahimbing ang tulod nito dahil sa binigay na tranquilizer.

"I'm sorry sa nangyari, Pa." bulong ko dito.

Narinig ko na bumukas ang pinto.

Nang pumasok si Tita, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.

Naalala ko ang mga masasakit na salitang sinabi niya sa akin at kahit gusto ko siyang sisihin sa nangyari sa ama ko, hindi na lang ako kumibo.

"Pwede ba tayong mag-usap, Althea?" tanong niya sa akin.

Tinuro nito ang sofa at umalis ako sa tabi ni Papa.

Pagkaupo ko, tumabi sa akin si Tita Ada.

Nakita ko na parang nagsisisi ito sa nangyari.

"Naalala mo ba yung picture na nakita mo sa dresser ko dati?" biglang tanong nito.

Kumunot ang noo ko at bigla akong nag-isip.

Nang matandaan ko kung ano ang tinutukoy niya, tumango lang ako.

High school ako nun.

May pinakuha siya sa room niya at ng di ko makita, I opened the dresser drawer.

I found a black and white picture of a guy who resembled a younger Cesar Montano.

"Ex-boyfriend ko si Ernesto," paliwanag nito.

"Akala ko, kami na ang magkakatuluyan dahil sa bukod sa limang taon na kaming magkasintahan, mahal na mahal namin ang isa't-isa."

May lungkot sa mata ni Tita habang nagkikwento.

Napansin ko din na hindi ito makatingin ng diretso sa akin.

"Boto ang magulang namin sa relasyon ko sa kanya."

"Magbarkada din sila ng Papa mo."

"Sa totoo lang, wala na akong hihilingin pa dahil bukod sa mabait ito at responsable, ako lang talaga ang alam kong mahal niya."

Kahit gusto kong magtanong kung ano bang kinalaman nito sa nangyari kay Papa, pinigilan ko ang sarili ko.

Curious din kasi akong malaman kung bakit ngayon lang nito nabanggit ang kanyang ex-boyfriend.

"Pagkagraduate namin ng college, naisipan niya mag-abroad."

"Dahil engineering ang natapos niya at in-demand ito noon, gusto niyang makapag-ipon agad ng pera."
"Katwiran niya, strike while the iron is hot daw."

"Bata pa siya noon at may ambisyon."

"Tutol man ako dahil sa hindi ko kayang mawalay sa kanya, sinabi niya na para sa kinabukasan namin ang kanyang gagawin."

"Nung lumipad ito papunta sa Saudi, hindi ko maipaliwanag pero pakiramdam ko ay yun na ang huling pagkikita namin."

"Madalas magpadala ng sulat si Ernesto nung unang dalawang taon niya sa Saudi."

"Bukod pa dun, lagi itong may padala lalo na kapag may mga kasama siyang umuuwi sa Pilipinas."

"Nang ikatlong taon nito, medyo dumalang na ang mga sulat nito."

"May trabaho na din ako noon bilang accountant sa isang maliit na kompanya."

"Kahit nagtataka kung bakit biglang dumalang ang mga sulat ni Ernesto, hindi ako nagsawang sumulat sa kanya."

"Dahil kaibigan ko ang mga kapatid nito, naisipan kong itanong kung ayos lang ba ang kapatid nila sa Saudi."

"Nung una, pinagtakpan pa ng mga ito ang kapatid nila."
"Kalaunan, nalaman ko din na may kinakasama na pala ito doon."

Tumigil si Tita sa pagsasalita.

Huminga ito ng malalim at biglang tumitig sa akin.

Nakita ko sa mga mata niya ang magkahalong galit at lungkot dala ng maraming taong pagtatago ng isang lihim.

"May dumating sa bahay na isa nitong katrabaho, babae."

"Dala nito ang isang sulat at ng panahon na yun, para na din akong mababaliw sa kaiisip kong ano na ang nangyayari sa aking nobyo."

"Hindi ko hinayaang makaalis ang babae hangga't hindi ko nalalalaman ang katotohanan."

"Umiyak ako dito at nagmakaawa."

"Nakumbinsi naman ang babae at sinabi na may kinakasama ni Ernesto na isang tomboy."

Napalunok ako sa sinabi ni Tita.

"Naging magkasundo ang dalawa at nung una, parang barkada lang ang turing nila."

"Pero di nagtagal, napansin daw nila na parang nagi-iba na ang samahan ni Ernesto at ng tomboy na yun."

"Malimit daw lumabas na silang dalawa lang ang magkasama."

"At dahil tomboy ang isa, hindi naman nila pinaghinalaan."

"Nagulat na lang daw sila ng malaman na buntis ito."

Bumuntong hininga si Tita at bigla itong suminghot.

Pinunasan nito ang gilid ng mata niya dahil umiiyak na pala.

"Nang malaman ko ang totoo, galit na galit ako kay Ernesto at sa pamilya niya."
"Gusto kong sumugod sa bahay nila dahil hindi ako makapaniwala na tinago nila sa akin ang totoo."

"Pinigilan ako ng magulang ko lalo na ng Papa mo,"

"Kahit daw galit na galit ako, bigyan ko daw ng respeto ang sarili ko at huwag mag-eskandalo."

"Sulatan ko daw si Ernesto at diretsong tanungin kung ano ang nangyari."

"Althea, ito yung era ng snail mail."

"Bago pa makarating ang sulat, baka puti na lahat ng buhok ko sa kahihintay."

Hindi ko napigilang tumawa sa sinabi niya.

Kahit si Tita eh natawa din.

"Imbes na sumulat at maghintay ng ilang buwan sa sagot niya, pinadalhan ko siya ng telegrama."

"Akala ko, sasagot agad ito."

"Nagkamali ako dahil hindi nito pinansin ang telegrama."

"Anim na buwan ang lumipas bago ko makuha ang paliwanag galing sa kanya."

"Natatandaan ko na galing ako noon sa simbahan dahil Linggo."

"Mula ng malaman ko ang nangyari, para akong mababaliw sa lungkot, galit at hinagpis."

"Dinaan ko na lang sa dasal ang problema ko dahil hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko."

"Nagulat ako ng pagdating ko sa bahay eh nakita ko si Ernesto na nakaupo sa sala kausap ang magulang ko at ang ama mo,"

"Para akong nakakita ng multo,"

"Hindi ko alam kung iiyak ba ako o magagalit."

"Isang malakas na sampal ang sinalubong ko sa kanya at kailangan pigilan ako ng papa para di ko lalong saktan si Ernesto."

"Abot-abot ang paghingi nito ng patawad pero kahit ilang beses ko na ding sinabi sa sarili ko na kaya ko yun ibigay sa kanya kung hihingin niya, nagkamali ako."
"Nanaig sa akin ang galit at ang pride."

"Sinabi ko sa kanya na mapapatawad ko lang siya kung iiwan niya ang tomboy na yun,"

"Nakita ko sa mata niya na mahal niya yung babae at nasaktan siya sa sinabi ko."

"Hanggang ngayon, tandang-tanda ko pa din ang sinabi niya sa akin."

Tumigil na naman ito sa pagsasalita at naghintay lang ako na magpatuloy siya.

"Sorry daw pero mahal niya yung tomboy."

"Maiintindihan niya kung hindi ko siya mapapatawad pero hindi na siya makikipagbalikan sa akin."

Tinitigan ako ulit ni tita at tuloy-tuloy na ang pagdaloy ng luha niya.

"Mula ng araw na yun, nagsimula ang galit ko sa mga........." hindi nito tinapos ang kanyang sasabihin.

"Sa mga katulad kong lesbian, tita?" tanong ko sa kanya.

Hindi ito sumagot.

"Kinausap ako ng Papa mo nung magtapat ka sa kanya na babae ang gusto mo,"

"Ang una kong reaksiyon ay pagkadismaya,"

"Tapos nagalit ako."

"Binalaan ako ng ama mo na huwag kang idamay sa galit ko dahil wala kang kinalaman sa pagkamiserable ng buhay ko."

"Pero hindi ko mapigilan ang sarili ko."

"Kapag nakikita kita, kahit pa babaeng-babae ang itsura mo, nasusuka ako pag naaalala ko na babae din ang gusto mo."

"Gustong-gusto kitang baguhin,"

"Ayokong maging ganyan ka dahil ikaw ang living reminder kung bakit iniwan ako ni Ernesto,"

"Pero Tita, wala naman akong kinalaman sa nangyari sa inyo ng ex-bf ninyo eh,"

"Bakit ako ang pinagdiskitahan ninyo?" tanong ko sa kanya.

"Dahil para sa naranasan ko, naniniwala ako na pwedeng pagbaguhin ng isang lalake ang isang tomboy."

"Yun ang isang bagay na lagi kong pinanghahawakan dahil sa nangyari sa buhay ko."

"Tita," ginagap ko ang kamay niya at hindi tulad ng dati na lagi itong umiiwas sa mga lambing ko sa kanya, hinayaan niya ako.

"Iba ho ako at iba din ang naging karelasyon ng dati niyong kasintahan."

"Ang pareho lang sa amin ay nagmahal kami,"

"Siya, lalake ang minahal niya."
"Ako po, babae."

Napansin nito ang suot kong singsing at napailing ito.

"Althea, malaki ang kasalanan ko sa'yo." Sumeryoso ang mukha nito.

"Noon pa man, alam ko na mali ang ginagawa ko sa'yo pero laging nangingibabaw ang galit at prejudice ko sa mga taong kagaya mo."

"Marami akong dapat baguhin sa sarili ko," pag-amin ni Tita.

"Unang-una, dapat kong patawarin ang sarili ko dahil sa naging bitter ako at ginugol ko ang buhay ko na umaasang babalikan pa ni Ernesto kahit balita ko eh masaya pa din ito sa piling ng babaeng yun,"

"Pangalawa, humihingi ako ng sorry sa'yo dahil imbes na ako ang unang umintindi sa sitwasyon mo, ako pa ang number one na kontrabida sa buhay mo dahil sa kagustuhan kong maging matuwid ka,"

"Pangatlo...." Nilingon ni Tita si Papa na mahimbing pa din ang tulog.

"Maswerte ako sa kapatid ko dahil hindi niya ako pinabayaan ng mga panahon na yun."

"Hindi naging madali sa akin ang nangyari."

"Alam kong pinagtatawanan ako at kinakaawaan ng mga kapitbahay at kakilala namin pero laging sinasabi sa akin ng papa mo na wala akong ginawang mali."
"Na hindi ko kasalanan ang nangyari."

"Kung wala siya sa tabi ko, hindi ko alam kung nandito pa ako ngayon at kausap mo."

Tumahimik ito saglit.

"Maswerte si Jade sa'yo, Althea at ganun ka din sa kanya."

"Nakikita ko na mahal ka niya talaga,"

Ngumiti si Tita and for the first time, I felt validated.

In all the years na lagi ako nitong kinukutya, ngayon ko lang naintindihan na malalim ang dahilan kung bakit ganun ang trato niya sa akin.

Masakit mang isipin na kailangan pang umabot sa ganitong sitwasyon bago niya sabihin sa akin ang katotohanan, pero hindi pa huli ang lahat.

Mahaba pa ang panahon para magpatawad.

Ang mahalaga ay willing si tita na simulan ito.

Ano nga pala ang nangyari sa choker na naging dahilan para magalit siya sa akin ng todo-todo?

Nalaglag ito sa gilid ng mga damit at natabunan.

Nakita niya ng alisin niya ang mga damit sa aparador.

Nagsorry ba siya sa akin ng makita niya ang choker?

Well, pagkagaling niya sa kasal, may dala itong bagong damit at fake na choker na binili niya para sa akin.

Hindi man niya diretsahang sinabi na nagsosorry siya, sa mura kong edad, alam ko na yun ang paraan niya ng paghingi ng patawad.

Kahit naman noong bata pa ko, hindi ako nagtatanim ng galit.

Wala itong pinag-iba sa ngayon na direkta siyang humingi ng sorry.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top