Prelude


What's the difference between a wish and a dream?

Halos liparin ko na ang paalis ng bus para lang makasakay doon. Kapos man ang hininga'y nagawa ko namang makaabot. Hoo, thank you!

Palad sa dibdib, sumandal ako sa bakal sa harap nang unahang upuan, nagpapahupa ng hingal. Hindi ko napansin na halos ilang minuto na pala akong ganoon nang muling huminto ang bus sa sunod na bus stop. Noon ko lang napagdesisyunang pumasok sa loob para maghanap ng mauupuan. Monday kaya maraming pasahero, pero ang swerte ko dahil may isang bakanteng upuan akong natatanaw.

Bumukas ang pinto ng bus kasabay nang paglakad ko palapit sa bakanteng upuan. Nasa harapan ko na 'yon nang may biglang bumulagang tao at walang pasintabi iyong inokupa. Kumukurap, sandali akong natigilan at natanga sa kinatatayuan.

Wait—that was supposed to be my seat!

Dumapo ang tingin niya sa akin at nginitian ako habang inaayos ang nakapasak na headphone sa tainga niya.

Hindi ko alam kung nang-aasar ba siya sa ngiti niya o ano. Pero inggratong lalaking 'to! Inunahan pa talaga ako?! Napaka-ungentle man! Kainis! Ang sakit pa naman ng mga binti ko kakatakbo!

Dapat pala kanina pa ako pumasok. Kung alam ko lang. Kung alam ko lang talaga! Tss.

Nakasimangot na lang akong sumandal sa katapat na upuan ng upuang dapat ako ang nakaupo. Sinulyapan ko ng irap ang lalaking damuho bago napadapo ang tingin ko sa lumapit sa aking konduktor. Nauna siyang tinanong nito kaya't hinanap ko muna ang wallet ko. Pero kung minamalas nga naman, hindi ko mahanap ang wallet ko at lumalabas na nakalimutan ko 'yon sa pagmamadali.

Ay tanga!

Nakita ko lang ang lalaking ito, minalas na ako. May malaki siguro siyang balat. Naambunan pa ako ng malas! Nakakainis talaga.

"Ikaw, miss?" Nilingon ako ng konduktor. Aktong kakausapin ko na sana ito nang masinsinan kundi lang nakientrada ang lalaking mang-aagaw.

"Dalawa po 'yung binayad ko," simpleng sabi niya habang inaabot ang sobrang isinukli sa kaniya nito.

Pero teka nga, parang wala naman akong nakikitang kasama niya ah?

"Sino 'yung isa?" tanong nito habang nagpipindot para sa ticket.

"Siya." Bahagyang namilog ang mga mata ko sa biglaan niyang pagturo sa akin. Sinulyapan naman ako ng konduktor bago ibinigay sa kaniya ang ticket na para sa akin pero siya ang nagbayad.

Teka... bakit niya binayaran ang ticket ko? At... saan ang baba n'on?

"Uh, excuse me..." Kinalabit ko siya dahil mukhang hindi niya ako maririnig kapag magsasalita lang ako dahil sa suot niyang headphone. Nilingon naman niya ako kaagad matapos niyang hawiin ang isang banda n'on. "Bakit mo..."

"Kanina ka pa naghahalungkat ng bag. Naiwan mo ang wallet mo?" Hindi ako nakapagsalita kaya ngumiti siya. "Maliit na bagay. Pareho naman tayo ng bababaan. Bayad na rin sa seat."

Napatulala ako sa mga mata niyang parang may kung anong nangingislap kahit pa wala namang kung anong namumuong luha ro'n. Muntik na akong masilaw sa makinis niyang mukha. Actually mukha siyang conceited. Pero dahil tinulungan niya ako, pwede ko na rin siyang matawag na mabait.

But wait a minute, sinabi niya bang pareho kami ng bababaan? It means... oh! Ngayon ko lang napansin na pareho ng school na pinapasukan ko ang suot niyang uniform! Meaning schoolmates kami! What a nice coincidence.

Muling huminto ang bus sa sunod na bus stop. Natanaw ko ang isang matandang babae na siyang nag-iisang sumakay. Walang bumaba kaya walang bakanteng upuan. Agad kong inalala ang matanda. Mukhang hindi na ganoon kalakas ang mga binti nito para indahin ang matagalang pagtayo.

"Ayos lang po kayo?" Kinabahan ako sa biglaang pagharurot ng driver kaya't agad napadpad sa lugar na kinatatayuan ko si Lola. Mabuti na lang at naagapan ko ng hawak ang isa nitong braso't hindi natuloy ang pagtumba nito.

Nilingon ako nito't bahagyang nginitian bago nagsalita. "Salamat, hija." Naalala ko bigla ang namayao ko ng lola sa pagngiti niya...

"Dito na po kayo maupo." Sabay pa kaming napalingon ni Lola sa taong nagsalita. Nasilaw na naman ako sa ngiti niya habang tumatayo't ipinapaubaya ang pwesto niya kay Lola.

"Nako, salamat. Kay bait mo namang bata. Aba'y akala kong wala ng kabataang ganiyan ngayon." Ngumingiting naupo si Lola doon habang nagsasalit ang tingin sa aming dalawa ng lalaking nakatayo na ngayon.

Nagkatinginan kami ng huli. Muli niya akong nginitian bago balingan at pagmasdan ang pailigid mula sa labas ng bintana.

Nahiya naman akong bigla sa naihusga ko sa kaniya. Parang na-touch ako kahit hindi naman ako ang pinaubayaan ng seat.

Sinulyapan ko ang seryoso niyang pagtayo sa harapan ko habang nakatanaw sa labas. Ngayon ko lang napansin na matangkad pala siya. Naroon din sa tabi ng patch ng uniform niyang nasa senior high na rin siya katulad ko.

Huminto na naman ang bus at hindi ko alam kung bakit halos manigas ako nang lumapit siya sa akin at doon tumayo sa mismong gilid ko. Nakaharap ako sa loob ng bus samantalang doon pa rin siya nakadungaw sa may bintana. May ilang sumakay at nagsimula ulit sa pag-andar ang bus.

Nasulyapan ko siya nang ibaba niya patungo sa leeg ang suot na headphone. Dumapo ang isang ngiti sa labi niya kasabay nang paglipat ng sunod na kanta sa mga speaker ng bus.

"Iris..." Tuluyan ko na siyang nalingon dahil sa ibinulong niyang nakaabot sa pandinig ko.

"Huh?"

Nawala ang ngisi niya kanina pa bago ako nilingon. Pinagmasdan niya ako nang pareho kaming maghintayan ng sasabihin.

"Paano mo..."

He blinked. "Bakit?"

"Ano... kilala mo ako?" Agad gumuhit ang pagtataka sa ekspresyon niya dahil sa tanong ko. Binanggit niya lang kanina ang pangalan ko...

"No?" alanganing aniya.

Ilang beses akong napakurap bago nagbitiw sa kaniya ng tingin. Weird. Pinagtitripan kaya ako nito?

"Wait..."

Binalingan ko siya ulit.

"Don't tell me your name's... Iris?"

Noon na talaga nanlaki ang mga mata ko. How on earth does he know? Wala naman akong suot na nameplate. First day ko rin ngayon sa bago kong school. At bakit parang hindi pa siya sigurado? 'Wag mong sabihing coincidence na naman 'yon?

Ilang beses akong tumango. "Oo..." Mukhang siya pa itong mas nagulat kahit ako ang dapat. "Paano mo nalaman?"

Dahan-dahan siyang natawa habang nagpapalitan kami ng tingin. Lumutang naman ang ilang question mark sa itaas ng ulo ko. Nakakatawa? Ang alin?

"Title ng kanta," pag-iiwas niya ng tingin.

"Huh?"

"Iris... title ng kanta." Itinuro pa niya ang isa niyang tainga para mai-emphasize na ang tinutukoy niya ay ang kantang nagpi-play.

Ahh...

So ibig sabihin nito, 'yong title ng kanta ang ibinulong niya kanina at hindi ang pangalan ko. Ang assuming ko pala. Nakakahiya naman. Sorry, schoolmate ah. Baka isipin nitong dumidiskarte ako ng pagpapakilala sa kaniya. Awkward!

"Coincidence?" Hilaw akong tumawa para lang makalusot sa kahihiyan.

"Hmn..." Napalingon ako ulit sa kaniya nang mukhang may sasabihin siya. "Naniniwala ka ba sa tadhana?"

Muntik na akong matawa sa tanong niya. Kung 'di lang ako natulala nang ngumiti siya ulit habang pako ang tingin namin sa isa't isa.

Nang mga sandaling 'yon, parang... gusto ko na ngang maniwala sa tadhana.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top