8 : Where is Anna


'We have dreams about a person without a face because of: loneliness, feeling like nobody is listening, being unsatisfied with life, self-perception, avoiding someone and subconsciously repression of memory.'

Tatlo lang kaming naro'n sa bahay dahil umalis si Mama at Tito Franco. Hindi naman ako madapuan ng antok dahil sa mabilis na pag-andar ng isip. Madaling araw na nang sa wakas ay makatulog ako. Para lang maalimpungatan sa amoy ng usok na nanggagaling sa labas.

Nilingon ko ang bukas na bintana bago nagkukusot ang matang tumayo para tunguhin iyon.

May nagsisiga ba ng ganitong oras?

Aktong isasara ko na sana ang bintana ngunit natigilan matapos ko iyong dungawin. Mula sa second floor ay kitang-kita ko kung paanong tinutupok ng apoy ang dingding ng bahay.

Namimilog ang mga mata, humupa ang antok ko at agad naalerto. Halos liparin ko na ang pintuan ng kwarto ko para lang makalabas doon at mapuntahan sina Fritzie. Ngunit saktong pagbukas ko niyon ay tumama agad ang isang tadyak sa binti ko. Nanunuhod, tiningala ko ang taong 'yon para lang makita ang nakabalot nitong mukha.

"Kuya!" Muling namilog ang mga mata ko sa sigaw ni Fritzie.

Tumayo ako at umakma ng paglabas ngunit hinarang at tinapatan ako ng kutsilyo ng kanina ring tao.

"Subukan mong gumalaw ng mali at gigilitan ko 'yang leeg mo." Hindi pamilyar ang boses niya sa akin. Kung ano man ang motibo nila para gawin ito ay hindi ko alam.

"Kuya Regime!"

Hawak ng isa pang lalaki palabas ng kwarto si Fritzie habang tinututukan din ng kutsilyo nang malingunan ko. Walang paglagyan ang takot sa mukha niya habang nakatingin sa akin pero wala akong magawa.

"Anong kailangan n'yo?" I asked in a levelled voice, my jaw tightening in frustration.

"Kuya..." Paiyak na si Fritzie ng humakbang sila palapit sa amin.

Imbes na sagutin ay maigi lang akong pinagmasdan ng isa sa mga ito. "Aba tignan mo nga naman. Nandito rin pala ang anak ni Rio. Mukhang tiba-tiba tayo dito!"

Parehong nakatalikod ang dalawa ng makita ko ang paglabas ni Ian sa pinto ng kwarto niya. Sabay ng pagkakaestatwa ang panlalaki ng mga mata niya nang makita kami ro'n. Aktong malilingunan na siya ng dalawa ng masenyasan ko sya at matadyakan niya kaagad sa likod ang lalaking may hawak kay Fritzie.

"Fritzie, takbo!" sigaw ko.

Dali-dali kong tinuhod ang lalaking kaharap ko at agad nakipag-agawan sa hawak nitong kutsilyo. Rinig ang mabibigat na yabag mula sa pagtakbo ni Fritzie pababa.

Mukhang hindi lang galing sa labas ang apoy dahil unti-unti nang kumakapal ang usok sa loob.

"Tulong! Tulungan n'yo kami! Tu—"

Fritzie!

Hindi man ako praktisadong sumapak ay bumwelo ako ng suntok na siyang tumama sa mukha ng lalaking kaharap ko. Bahagya lang itong napaatras ngunit hindi nagpatalo at umamba ng pagsunggab sa akin. Pagkaiwas ay hinablot ko ito mula sa damit at ibinalibag palayo.

Sinulyapan ko si Ian na ngayon ay nakikipagbunuan sa isa pang lalaki. Wala na akong sinayang na sandali nang tinahak ko ang hallway kahit bahagyang umiika. Pababa na sana ako para puntahan si Fritzie ng may sumalubong sa akin. Hawak nito ang kapatid ko habang tinututukan ng kutsilyo sa leeg. Hingal, natigilan ako kaagad sa paggalaw.

"Kuya..."

"D'yan ka lang!" sigaw nito.

Marahan kong itinaas ang magkabila kong kamay habang maiging tuon ang tingin dito.

"Gago!"

Hanggang sa may talampakang tumama sa likod ko dahilan para matumba at mapasubsob ako sa sahig. Hindi pa man ako nakakabangon ng may humablot pataas sa buhok ko at nagtapat ng kutsilyo sa leeg ko.

"'Wag n'yo po siyang saktan!" Pumalag si Fritzie kasabay ng narinig kong isa pang paglagabag sa sahig na paniguradong galing kina Ian.

"Manahimik ka! Kayong dalawa, subukan n'yong lumaban at bubutasan ko ang lalamunan ng babaeng 'to!"

"Fritzie!" Sinundan ng isa na namang pagbagsak ang sigaw ni Ian.

"Kakasabi lang na 'wag mangulit!"

"Ano ba kasing kailangan n'yo?" sigaw ni Ian.

Napangiwi ako nang hinila ng isang lalaki ang buhok ko patayo. Ang kutsilyo nitong nakatutok sa leeg ko ay nanatili habang tumatayo ako.

"Bakit? Tinatanong mo ako?" Sinipa nito sa tagiliran ni Ian. Nakita ko ang pamimilipit ng huli.

"Ian! Tama na po!" sigaw ni Fritzie'ng pinatahimik lang ng isa pang lalaki.

Nang umakma ako ng panlalaban ay mas idiniin ng lalaki ang kutsilyo sa leeg ko. Tinapunan ako nito nang may pagbabantang tingin matapos.

"Tarantado 'yang Franco Fontanilia na 'yan eh! Gago 'yong tatay mo!" Tinignan ito ni Ian ng masama. "Nakiusap ako sa kaniyang kahit ilang buwang grace period bago maremata ang flower shop ng asawa ko pero hindi niya ako pinagbigyan! 'Yon lang ang kinabubuhay ng pamilya ko pero wala siyang awa! Namatay ang asawa ko dahil hindi namin nakayang tustusan ang pagpapagamot niya!"

"Bakit ibang tao ang sinisisi mo? Kung tutuusin wala namang ibang dapat sisihin do'n kundi ikaw dahil wala kang ginawang paraan!" Muling sinipa ng lalaki si Ian.

Fritzie started sobbing then.

"Kung magpapadala ka sa awa walang mararating ang business mo," mahinahon kong kumento.

Sarkastiko itong tumawa bago sumigaw. "Wala kayong alam kaya manahimik kayong dalawa!"

Kasunod niyon ang pagsabog ng linya ng kuryente. Napayuko kaming lahat kasabay nang pagdilim ng buong paligid. Ilang yabag ang naulinigan kong patungo sa puwesto kung nasaan sina Fritzie. Sinundan ng ilang daing ang pagbagsak ng katawan matapos.

Pagkahablot sa kamay ng lalaking may hawak ng kutsilyo ay agad ko itong siniko sa dibdib. Kinuha ko agad ang pagkakataon para agawin rito ang kutsilyo matapos akong mabitiwan.

"Fritzie, takbo na!" Malapit lang ang sigaw ni Ian.

Ang unti-unting pag-init dala ng kumakalat nang apoy ay ramdam ko na mula sa namumuong mga pawis.

"Kuya, halika na!" Lumayo nang kaunti ang boses ni Ian at mukhang naro'n na siya sa hagdan.

Pagkahagis ng kutsilyo ay pasunod na rin sana ako sa kanila ng may walang habas na sumipa sa sakong ko. Panandaliang naubusan ng hangin ang baga ko nang sumalampak ang likod ko sa sahig. Ang pagbugso sa akin nang makapal na usok ay hindi nakatulong sa pangangapos ko ng paghinga.

Paalis na mga yabag ang umalingawngaw sabay nang pagkakahilam ko sa usok na muling bumuga. Ang paghinga ko ay nauwi lang sa sunod-sunod na pag-ubo. Ramdam ang unti-unting pagkawala ng kamalayan, sinubukan kong makatayo ngunit tila tinatakasan ako ng lakas.

"Regime!"

Anna?

"Regime, get up! You can't die here!"

Nag-aalalang mukha ni Anna ang sumalubong sa akin pagkadilat. Himalang hindi ako nahilam sa nagkalat na makapal na usok sa paligid nang magtuon ako ng tingin sa kaniya.

"Regime, please..." Teary-eyed, she squeezed my hand tightly as if telling me to hold on to dear life.

Pagkapikit ay unti-unti ko muling naramdaman ang nakapapasong init ng paligid. I tried to crawl and breathe in the air on the ground while wheezing and coughing consecutively. Pagkatayo ay napaso ako pagkahawak sa nag-iinit na pader.

Takip ang palad sa ilong at bibig, tinahak ko ang daan pababa sa pinakamabilis na kaya ko. Nanlalabo ang paningin, bawat singhap ko ay tila mas kinakapos ako ng hangin.

Nagliliyab na ang kahoy na handrail nang maabutan ko ang hagdan. Dali-dali kong hinakbang ang mga baiting pababa. Nagkanda-dulas-dulas ako dahil sa halong hilo at init, ngunit nagawa ko namang makababa. Kalat na kalat na ang apoy sa ground floor pagkatapak ko ro'n. Maging ang pinto ay nag-aapoy na rin nang malingunan ko.

Bintana ang sunod kong hinanap ngunit nagliliyab na ang matataas niyong kurtina. Pagkalapit ay sinubukan kong hawiin iyon. Ngunit tanging sa pagdaing ako nahantong matapos mapaso sa metal niyong bukasan. Muli kong nilinga ang paligid para maghanap ng malalabasan.

Ngunit kasabay ng paulit-ulit kong pag-ubo ang tuluyang pagbigay ng mga tuhod ko. Ramdam ang pamumuo at pagtulo ng pawis sa buong katawan, sinubukan kong tumayo ulit para lang muling manuhod. Naninikip ang dibdib, halos lamunin ako ng panghihina at panlalabo ng paningin.

I kept gasping for air but only ended up suffocating.

Bumagsak ako nang tuluyan sa sahig habang unti-unting tinatakasan ng kamalayan. The last thing I remembered was a burning sensation on one of my feet before I completely lose consciousness.

"Anna!" Habol ko ang hininga nang sunod akong dumilat. Agad rumehistro sa akin ang sakit sa dibdib kaakibat nang maayos ko nang paghinga.

"Kuya?"

Binalewala ko ang tumawag na si Ian para umahon paupo sa kama hanggang sa makatayo ako ro'n.

"Kuya, anong ginagawa mo?!" histerya niya nang walang habas kong tinanggal ang nakakonektang IV sa kanan kong kamay.

I knew she wasn't real. Pero alam ko ring may dahilan kung bakit naro'n si Ian at Fritzie kasama siya sa panaginip ko.

"Nasaan si Anna?" Bahagya akong napangiwi sa pag-atake ng sakit sa katawan at hapdi sa kaliwang paa ko pagkahakbang.

"Ano?"

"Ian, nasaan si Anna?"

Namimilog ang mga mata, natigilan siya at napatulala sa akin. His reaction told me that he knew something I didn't.

"Ian, sagutin mo ako! Nasaan si Ana?" Bahagya nang lumakas ang boses ko sa pananahimik niya.

"Kuya, ano bang sinasabi mo?"

Matapos muling humakbang ay hinablot ko ang kwelyo ng suot niyang hospital gown dala ng frustration. Gaano kahirap sagutin ang tanong ko?

"Sabihin mo sa akin... si Anna... nasaan siya?" Mahina ngunit malinaw at mariin kong bigkas.

"Kuya..." Tuon sa akin ang tingin, hindi nagbago ang gulat sa ekspresyon niya.

Mula sa pagkakahablot ko ay pabalya ko siyang naitulak nang hindi niya magawang sagutin ang simple kong tanong.

"Ian, Tinatanong kita! Nasaan si Anna?!"

"Kuya, tama na. Itigil mo na 'yan." Igting ang panga, nabaling ang seryoso niyang tingin sa lapag ng sabihin 'yon.

Kunot-noo ko siyang pinagtuunan hanggang sa hakbangin niya ang pinto. Ang paghinga ko ay unti-unti nang bumibigat.

"Ano bang problema mo? Napakasimple ng tanong ko, Ian! Nasaan si Ana?!"

"Sinabi nang tumigal ka na!" Pagkabawi ng mga hakbang ay naro'n na siya agad sa harap ko, higit-higit ako mula sa kwelyo ng damit habang nagpupuyos sa galit.

"'Wag ka na ngang magpanggap na parang okay ka at nakalimutan mo ang lahat! Itigil mo na ang pagpapanggap mong parang walang nangyari! Sobra rin akong nasasaktan pero hinaharap ko! Tama na ang pagpapanggap, Kuya! Gumising ka na! Tama na ang panloloko! 'Wag kang magpakaduwag at harapin mo ang totoo!"

Wala akong naintindihan sa mga sinabi niya. Ano ang totoong dapat kong harapin? Anong ibig niyang sabihin sa ginagawa kong pagpapanggap? Did he know why I'd been seeing Anna in my dreams?

Iniluwa nang nagbukas na pinto si Fritzie.

"Ian!" Nabitawan nito agad ang mga dalang brown bag para dali-dali kaming lapitan. Sinubukan nitong higitin paalis ang pagkakahablot ni Ian sa damit ko matapos. "Ano bang ginagawa n'yo?! Muntik na nga tayong mamatay nag-aaway pa kayo! Ano? Gusto n'yo na bang matuluyan? Gusto n'yo bang magpatayan na ha?! O sige! Magpatayan na kayong dalawa! Bahala na kayo!"

Pagkatulak sa amin palapit sa isa't isa ay napahagulgol ito ng iyak. Kapwa kami natigilan ni Ian. Hanggang sa tunguhin kong pabalik ang higaan para maupo ro'n dala ng hapdi sa isa kong paa.

Seryoso namang napako ang tingin ni Ian sa lapag na mukhang may malalim na iniisip. Nasulyapan ko na lang ang patuloy sa pag-iyak na si Fritzie na ngayon ay nanatiling nakatayo, sapo ng isang palad ang labi. Halos ilang minuto kaming ganoon ng may biglang nagbukas ng pinto.

"Regime?!" Namilog ang mga mata ko sa pagbulaga ni Nellie ro'n. Halos gulo-gulo pa ang buhok nito at tanging sweater at shorts lang ang duot. Dire-diretso itong pumasok at lumapit sa akin. "Ayos ka lang ba?" Puno nang pag-aalala niya akong pinasadahan ng tingin.

Sa halong gulat at kalituhan ay wala akong ibang nagawa kundi ang matulala sa kaniya ro'n. Paano niya nalaman ang tungkol sa nangyari?

"Excuse me, miss..." Sabay kaming napalingon nito sa nagsalita at humawak sa braso nitong si Ian.

Laglag ang panga, animong nakakita ng multo ang huli matapos matunghayan ang mukha ni Nellie.

"Hindi..." Pagkabitiw ay napaatras si Ian habang patuloy na pinagmamasdan ito.

Kunot na ang noo ko nang si Fritzie naman ang lumapit para ibaling paharap sa kaniya si Nellie. Tulad ng kay Ian ang naging reaksyon nito. Nanginginig ang mga kamay, nabitawan nito si Nellie para lang sapuhin ang awang na mga labi.

"Oh my, gosh." Nanliit ang boses ni Fritzie.

Bakas ang kalituhan sa ekspresyon, nagpalipat-lipat ang tingin ni Nellie sa aming tatlong magkakapatid.

"Regime, anong nangyayari?"

Tanging iling ang nagawa kong isagot sa kaniya dala ng kalituhan. Ngunit mas nagpalito sa akin ang iminutawi ni Ian. "Anna?"


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top