Ikatlong Kabanata

[Kabanata 3]

MAINGAT na inaangat ni Celestina ang mga kagamitan sa loob ng silid kung nasaan ang mga instrumentong pang-musika. Nasa ikaapat na palapag siya ngayon ng eskwelahan ni Maestra Villareal at alas-onse na ng gabi ay narito pa rin siya't hindi pa natatapos ang kaniyang trabaho.

Kada Lunes, Miyerkules at Biyernes lang siya nakakapaglinis sa mga silid-alaran at tuwing gabi lang pagkatapos ng klase. Kasalukuyang pinupunasan ngayon ni Celestina ang malaking bintana at ilang saglit lang ay bigla siyang napatigil at napadungaw sa ibaba.

Sa pagkakataong iyon, muli niyang naalala ang mga nakaraang taon kung saan palihim niyang sinisilip at tinatanaw si Martin mula sa bintana ng kaniyang silid sa hacienda Cervantes. Nasa-tuktok ng mansyon ang kwarto noon ni Celestina at walang sinuman ang maaaring pumasok doon maliban kay Don Mateo at Manang Dominga.

Nang iangat ni Celestina ang kaniyang ulo napatitig naman siya sa napakagandang kabilugan ng buwan at kasabay niyon ay naalala niya ang kaniyang buhay noon.

Laguna, 1879 

Isang gabing puno ng kasiyahan habang ipinagdiriwang ng lahat ang kaarawan ng gobernadorcillo ng Laguna na si Don Mateo Cervantes. Sa loob ng mansyon ay nagkakasiyahan ang lahat mula sa nakakaindak na tugtugan mula sa inupahang orkestra ng Don habang nagsasayawan sa gitna ang mga dalaga at binata.

Samo't saring masasarap na pagkain din ang nakahain sa mahabang hapag-kainan kung saan naroon si Don Mateo at ang lahat ng kaniyang mga kaibigang opisyal at mga negosyante. Ang kanilang usapan ay umiikot sa pulitika, prinsipyo sa buhay at sa mga kayamanan na mayroon sila. Samantala, ang ilang mga dalaga naman ay naghihintay na alukin sila ng sayaw ng mga binatang nagkukumpulan din sa kabilang dulo ng mansyon. Mga tinginan, mga nakaw na pag-sulyap at palihim na ngiti ang naghahari sa pagitan nila.

Nagkalat din ang mga serbidora na nakasuot ng puting bestidang uniporme at hindi sila ngayon magkamayaw sa pag-aasikaso sa mga bisita at sa paghahatid ng mga pagkain at alak na mamahalin. Ang ilang mga bata naman ay naghahabulan sa paligid kung kaya't kurot at suway ang inaabot nila sa kanilang mga magulang.

Samantala, habang nagsasaya ang lahat sa unang palapag ng malaking mansyon ni Don Mateo ay may isang dalagita na nag-iisa sa loob ng kaniyang madilim na silid habang nakatitig sa kabilugan ng buwan sa kalangitan. "Celestina, mas mabuting matulog ka na at unawain ang ibig ng iyong ama" saad ni Manang Dominga pagpasok niya sa silid ni Celestina. Inilapag na niya ang dala niyang isang baso ng sariwang gatas.

Hindi naman umimik si Celestina at nanatili lang siyang nakatitig sa maliwanag na buwan. Simula nang magkaisip siya ay hindi niya pa nasisilayan ang mundo sa labas. At ngayong labing-tatlong taong gulang na siya ay tanging ang bintana lamang sa kaniyang kwarto ang nagsisilbing lagusan upang kahit papaano ay makita niya ang mundo sa labas.

Naglakad si Manang Dominga papalapit kay Celestina at hinawakan niya ang magkabilang balikat nito. "Ilang beses na rin nagkaroon ng pagdiriwang dito ang iyong ama at ilang beses na rin niya ipinaliwanag sayo na hindi makakabuti sa iyo ang lumabas mula sa silid na ito" paliwanag ni Manang Dominga. Si Manang Dominga ay itinuturing na rin niyang ina dahil mula nang magkaisip siya ay ito na ang nag-alaga sa kaniya. Nasa edad animnapu na si Manang Dominga at siya rin ang nag-alaga noon kay Don Mateo noong bata pa ito.

Napayuko naman si Celestina dahil kahit anong gawin niya ay hindi talaga siya pinapayagang lumabas ng kaniyang silid. Kahit pa sa loob ng mansyon ay hindi siya pinapayagang maglakad-lakad kung kaya't hindi pa siya nakikita ng iba pang mga kasambahay, hardinero at mga guardia personal.

Naupo si Manang Dominga sa tabi ni Celestina at dahan-dahan niyang hinawakan ang pisngi ng dalaga. "Nawa'y maunawaan mo hija na ito ang nakababuti para sa iyo" patuloy ni Manang Dominga saka siya napalingon sa bintana.

"Magulo ang mundo sa labas, maraming mga matang mapang-husga at bibig na mas matabil pa sa tabak. Wala ka namang ginawang masama sa kanila ngunit sa kanilang mga mata ay tila isinumpa ka na" dagdag pa ni Manang Dominga dahilan para hindi na magpumilit pa si Celestina.

Ilang sandali pa ay dahan-dahan siyang tumingin ng diretso sa mata ni Manang Dominga at sumenyas, 'Dahil po ba ito sa aking kapansanan? Ako po ba ay isinumpa?' 

Agad namang napailing si Manang Dominga saka hinimas ang balikat ng alaga "Hindi. Huwag mong paniwalaan ang sinasabi nila. Hindi ka isinumpa at mas lalong hindi alagad ng demonyo ang iyong ama" saad ni Manang Dominga, hindi rin naman lingid sa kaniyang kaalaman ang mga usaping kumakalat sa buong bayan, maging sa ibang karatig bayan ay kalat na rin ang usap-usapang iyon.

"Ngayon matulog ka na, nangako ang iyong ama na bibilhan ka niya ng pluta bukas na bukas kung kaya't dapat ay maaga kang magising upang makapag-ensayo tayo" ngiti pa ni Manang Dominga sabay yakap sa dalagitang alaga.

Nang makahiga na si Celestina sa kaniyang malaking kama na ubod ng lambot ay pinatay na ni Manang Dominga ang sindi ng lampara at isinara na rin niya ang pinto at kinandado ito. Ipinikit na ni Celestina ang kaniyang mga mata habang pinapakinggan ang hakbang ni Manang Dominga papalayo.

Ilang sandali pa, hindi siya makatulog at pilit na umikot-ikot sa kama upang hanapin ang kaniyang komportableng puwesto. Ngunit bigla siyang napabangon nang may narinig siyang boses ng mga lalaki mula sa labas ng kaniyang pinto.

"Sshh... huwag ka ngang maingay Tonyo, heto na hinahanap ko na ang susi" suway ng isa. Natanaw din ni Celestina ang mga anino mula sa ilalim ng pinto. "Huwag mo ngang banggitin ang aking pangalan! Kapag may nakarinig na iba, malilintikan ka talaga sa akin" giit naman ng isa, agad napatayo si Celestina sa kaniyang kama at agad siyang nagtungo sa aparador at nagtago roon. 

"O'siya tumahimik nga kayong dalawa! Tiyak na malalagot tayo kay Don Mateo kapag nahuli nila tayo kaya bilisan niyo na nang makita na natin ang barakudang anak na tinatago niya rito" wika naman ng isang boses. Ilang saglit lang ay biglang tumunog ang bakal sa kandando at tumahimik ang buong palagid. Dahan-dahang bumukas ang pinto at isa-isang pumasok ang tatlong binatilyo na nasa edad labing-apat hanggang labing-limang taong gulang.

Bihis na bihis din ang mga ito na anak ng mga Don at Doña, imbitado rin sila sa kaarawan ni Don Mateo ngunit mas interesado sila sa tinatagong unica hija nito na sinasabing sinumpa ng demonyo. Napayakap na lang si Celestina sa kaniyang sarili at pilit niyang isiniksik ang kaniyang sarili sa kasulok-sulukan sa loob ng kaniyang aparador dahil sa matinding kaba.

Sumilip siya sa maliit na butas ng aparador at natanaw niyang naglilibot ngayon sa loob ang tatlong binatilyo. "Magaling pala magburda ang anak ng Don" saad ni Tonyo habang tinititigan ang mga gamit ni Celestina sa pananahi. "Ngunit nagdala na rin ako ng balisong ngayon baka mamaya ay atakihin niya tayo" dagdag pa ni Tonyo, agad naman siyang pinatahimik ng dalawa niya pang kasama.

Sabay-sabay silang napatingin sa kama ni Celestina na ngayon ay inakala nilang natutulog doon ang dalagita dahil may unan na nakaumbok sa ilalim ng kumot nito. Nagkatinginan ang magkakaibigan saka dahan-dahang naglakad papalapit sa kama. Maingat nilang hinawakan ang kumot at sabay-sabay nilang hinila ito.

"Nasaan siya? bakit----" hindi na natapos ni Tonyo ang kaniyang sasabihin dahil biglang bumukas ang pinto at gulat silang napalingon doon.

"Sinasabi ko na nga ba! Sinabi ko nang huwag niyo nang ituloy ang balak niyo rito!" seryosong saad ng isang binatilyo na nasa edad labing-apat na taong gulang. Sa unang tingin ay mapapansin agad ang kagwapuhang tinataglay nito. Magandang mga mata, matangos na ilong, manipis na labi, at magandang pangangatawan.

"Muntik na kaming atakihin sa puso, Martin! Kung hindi mo ibig sumali sa balak namin ay tumahimik ka na lang" buwelta ni Tonyo na ngayon ay nagpatuloy sa paglilibot-libot sa loob ng kwarto ni Celestina.

"Sa oras na malaman ito ni Don Mateo ay tiyak mapapahamak ang mga magulang natin. Bukod doon ay hindi tamang pasukin niyo ang silid ng isang babae!" seryosong saad ni Martin saka hinila na niya ang dalawa pang binatilyo na kasama ni Tonyo na sina Timoteo at Diego.

Agad namang pinigilan ni Tonyo sina Timoteo at Diego na ngayon ay nakumbinse na ni Martin. "Sandali! Narito na rin naman tayo huwag na nating sayangin pa ang pagkakataon" giit naman ni Tonyo, hawak-hawak na ngayon ni Martin ang pinto ngunit napatigil sila nang magsalita ulit ang kaibigan.

"Nararamdaman ko na narito lang ang barakudang iyon" saad ni Tonyo sabay turo sa aparador. "Sa tingin ko ay nagtatago siya ngayon doon" dagdag pa niya. Napatingin naman sina Timoteo, Diego at Martin sa malaking aparador na kulay itim kung saan nagtatago nga ngayon doon si Celestina.

"Tumigil ka na Tonyo, marahil ay hindi ito ang silid ng anak ni Don Mateo. At hindi rin tama na barakuda ang itawag mo sa kaniya dahil kahit papaano ay isa siyang babae, hindi tamang tawagin ng ganoon ang sinuman" sermon ni Martin kay Tonyo at hinila niya ang tenga ni Tonyo at Timoteo saka itinulak naman niya si Diego papalabas ng silid ni Celestina.

"Ang hirap pa naman kupitin ng susing ito" reklamo ni Tonyo na ngayon ay mangiyak-ngiyak na habang hawak-hawak ni Martin ang kanilang mga tenga pababa ng hagdan. 

Ilang sandali pa ay tuluyan nang naglaho ang boses at yapak ng apat na binatilyo. Dahan-dahan namang binuksan ni Celestina ang aparador. Ilang minuto pa ang lumipas bago siya lumabas doon dahil sa takot na baka bumalik ngayon ang apat na estranghero.

Nang makalabas na siya sa aparador ay agad siyang tumakbo papunta sa pinto at buong pwersa niyang hinila ang kaniyang mesa saka iniharang sa pintuan. Maging ang ilan sa mga silya at lagayan ng libro ay ipinangharang din niya sa pinto dahil sa takot na muling may manloob sa kaniyang silid.

Hindi na siya ngayon mapakali sa paglalakad paikot-ikot sa kaniyang silid habang hawak-hawak ang kaniyang puso na ngayon ay tila sasabog na dahil sa matinding nerbyos. Ito ang unang beses na may nakapasok na ibang tao sa kaniyang silid bukod sa kaniyang ama at kay Manang Dominga.

Ngunit bigla siyang napatigil sa paglalakad at napalingon sa pinto. Naalala niyang hindi na ito nakandado ngayon dahilan para biglang mapalitan ng galak ang kaniyang puso na kanina ay nababalot ng takot at kaba. 

'Wala naman siguro si Manang Dominga? Wala rin sigurong bantay sa labas?' tanong ni Celestina sa sarili. Dahan-dahang naglakad si Celestina papunta sa pinto at isa-isa niyang inalis ang mesa at mga malalaking bagay na ipinangharang niya roon. 

'Hindi. Dapat ay sumunod ako kay ama. Hindi ko dapat siya suwayin' huminga siya nang malalim. Hinila niya muli ang mesa at iniharang sa pinto. Ngunit napatigil na naman siya at napatitig doon.

'Subalit, ito na ang pagkakataon upang masilayan ko kung anong mayroon sa labas, hindi ko rin dapat ito palagpasin'

Inalis niya ulit ang mesa saka dahan-dahang binuksan ang pinto at sumilip sa labas. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang dalawang guardia personal na bantay sa labas ng kaniyang silid na ngayon ay tulog na tulog ngayon sa sahig dahil sa matinding kalasingan.

Napangiti si Celestina dahil ito na ang pagkakataon na makakalabas siya sa silid kung saan ilang taon siyang nakakulong. Napagtanto rin niya na kaya malayang nakapasok ang mga binatilyo kanina ay dahil nagawa nilang linlangin ang dalawang guardia personal na lasing na lasing na ngayon. Nakahandusay sa sahig ang dalawang guardia personal at nagkalat din ang alak at baso sa sahig.

Dahan-dahang humakbang si Celestina papalabas at maingat niya ring isinara ang pinto. Napatingkayad pa siya upang hindi matapakan ang dalawang guardia personal na humihilik pa ngayon. Wala siyang suot na panyapak kung kaya't walang ingay na naririnig mula sa bawat paghakbang niya.

Dali-dali siyang bumaba ng hagdan, hinawakan niya rin ang kaniyang palda upang iangat ito ng kaunti dahil sumasayad ito sa sahig. Naka-suot siya ngayon ng puting baro't saya na paborito niyang damit pangtulog.

Nang marating niya ang ikatlong palapag, agad siyang nagtago sa likod ng isang malaking lagayan ng mga libro dahil natanaw niya si Manang Dominga na lumabas ng silid nito at ngayon ay bumaba na sa hagdan papunta sa pagdiriwang. Bihis na bihis din si Manang Dominga suot ang kaniyang baro't saya na kulay pula.

Nang makababa si Manang Dominga ay agad sumunod si Celestina. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang napakagandang tanawin ng kasiyahan sa unang palapag ng kanilang tahanan. Kumikislap ang kaniyang mga mata habang nakatingala sa napakalaking aranya (chandelier) sa gitna ng kisame.

Maging ang mga naggagandahang kasuotan ng mga kababaihan at kalalakihan ay nakapukaw sa kaniyang atensyon. Nang makababa siya sa hagdan ay agad siyang tumabi sa gilid ng hagdan at doon ay palihim niyang pinagmasdan ang lahat.

May limang batang naghahabulan ngayon ang napadaan sa kaniyang harapan. Bihis na bihis din ang mga ito na anak ng mayayamang Don at Doña. Umaalingangaw din sa paligid ang nakakaindak na musika dahilan upang magsayawan ang lahat na mas lalong nagpasaya sa buong pagdiriwang.

Nagulat si Celestina nang may nagsalita mula sa kaniyang likuran. "Hindi ka binayaran dito kung ibig mo pailaralin ang iyong katamaran" seryosong saad ng isang babaeng matangkad habang nakapamewang pa ito. Gulat na napalingon sa kaniya si Celestina, "Nasaan ang panaklob sa iyong ulo? Hindi ka pa kompleto sa uniporme" suway pa nito at may kinuha siyang isang tela na kulay puti at inilagay sa ulo ni Celestina.

"Magtungo ka sa kusina at dalhan mo ng panibagong inuming alak si Don Mateo at ang iba pang mga bisita" utos pa nito sabay talikod at umalis na. Napatulala lang sa kaniya si Celestina at napagtanto niya na pinagkamalan siya nitong serbidora. Napatingin siya sa kaniyang kasuotan na katulad din ng suot ng mga serbidora ngayon sa pagdiriwang.

Napangiti si Celestina sa kaniyang sarili dahil ngayon ay hindi na niya kailangang magtago upang maglibot-libot sa sarili nilang tahanan, sigurado siyang walang makakakilala sa kaniya dahil ni isang kasamabahay o guardia personal ay hindi pa siya nakikita. Tanging si Manang Dominga at ang kaniyang ama lang ang kailangan niyang iwasan.

Napatulala siya sa buhay na buhay na paligid. Hindi niya akalaing ganito pala kaganda, kasaya at kakulay ang mundo sa labas ng kaniyang silid. Sinundan niya ang ilang mga babae na kapareho niya ang kasuotan at papunta ang mga ito ngayon sa kusina. Bago makarating ng kusina ay natanaw niya ang hapag-kainan kung nasaan ang kaniyang ama kasama ang iba pang mga opisyal. Agad siyang napayuko at tinakpan niya ang kaniyang mukha saka nagmamadaling nanguna papunta sa kusina.

Pagdating niya sa kusina ay agad ipinasa sa kaniya ng isang serbidora ang isang lagayan na puno ng baso ng alak. "Ilibot mo iyan sa mga bisita" utos nito sa kaniya at ganoon din ang iba. Maingat na naglakad si Celestina papalabas sa kusina. Hindi siya sanay magbalanse ng ganoon kung kaya't nahihirapan siyang maglakad, idagdag pa na wala siyang suot na pang-yapak.

Napadaan siya sa grupo ng orkestra na tumutugtog ngayon at napangiti siyang napatulala sa kanila dahil sa galing nila sa pagtugtog ng mga instrumento. Ilang sandali pa ay tinawag siya ng isang grupo ng mga kababaihan nasa gilid at inabot niya ang mga alak dito. Inutusan siyang kumuha muli ng mga inumin kung kaya't dali-dali siyang bumalik sa kusina at naghatid ng mga alak.

Makalipas lang ang isang oras, nakaramdam na siya ng pagod lalo na't kanina pa siya paikot-ikot upang maghatid ng mga inumin. Idagdag pa ang kaba na nararamdaman niya dahil baka makita siya ng kaniyang ama at ni Manang Dominga kung kaya't mapagmatiyag din siya sa paligid.

Nagtungo siya sa likod ng kusina kung saan may natanaw siyang tatlong baitang ng hagdan papunta sa labas. Napangiti siya nang mapagtanto niya na ilang hakbang na lang ay makakalabas na siya. Nagpalingon-lingon muna siya sa paligid at nang wala siyang makitang guardia personal ay hindi na siya nagdalawang isip na tumakbo papalabas sa likod-pinto.

Pagkababa niya sa tatlong maliit na baitang ay napangiti siya at nagtatalon sa tuwa habang dinadama ang malambot na damo na nararamdaman niya sa kaniyang paa. Naglulundag din sa tuwa ang kaniyang puso habang dinadama ang malamig na simoy ng hangin at ang naggagandahang mga puno at bulaklak sa hardin. Bagama't gabi na kitang-kita niya pa rin ang ganda ng paligid lalo na ang pagtama ng repleksyon ng liwanag ng buwan sa mga rosas na nagkalat sa buong hardin.

Kung dati ay natatanaw niya lang ang hardin nila mula sa itaas ng kaniyang bintana ngayon naman ay hindi siya makapaniwala dahil abot kamay na niya ito. Pulang rosas ang kaniyang paborito kung kaya't araw-araw ay nagpapapitas si Don Mateo ng rosas at inihahatid niya ito sa silid ng kaniyang anak. Nagpatanim din siya ng mga rosas sa buong palibot ng kanilang hacienda upang mapawi ang lungkot ni Celestina habang tinatanaw ang ganda nito mula sa itaas.

Ilang sandali pa ay napatigil si Celestina nang may marinig ulit siyang boses ng mga lalaki mula sa di-kalayuan. "Paano namin ibabalik ngayon ang susi? Tiyak na malalaman ni Don Mateo na naiwang bukas ang silid ng kaniyang anak at nilasing pa natin ang mga bantay" mangiyak-ngiyak na saad ni Tonyo habang nakaupo at nagtatago silang apat sa gitna ng hardin, sa likod ng mga bulaklak na rosas.

"Hindi niyo na kasi dapat itinuloy ang inyong plano. Pinagsabihan ko na kayo, mabuti na lamang dahil sinabi sa akin ni Selia na tinuloy niyo nga ang planong panloloob sa silid ng anak ni Don Mateo" inis na saad ni Martin habang pinapagalitan ang kaniyang tatlong kaibigan. Sa kanilang apat ay siya ang matino sa kanila. Sina Timoteo at Diego naman ay pilyo at si Tonyo naman ang matigas ang ulo sa kanila.

"Saan niyo ba kinuha ang susing ito?" tanong ni Martin habang hawak ang kumpol ng mga susi na pagmamay-ari ni Manang Dominga. Sa mga oras na ito ay mukhang hindi pa nalalaman ni Manang Dominga na nawawala ang susi dahil abala siya sa pakikisaya sa pagdiriwang.

"Sa silid ni Manang Dominga na tagapag-alaga ng anak ni Don Mateo. Natatakot na akong bumalik---" hindi na natapos ni Tonyo ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita na si Martin.

"Ako na ang magbabalik nito at baka bumalik na naman kayo sa silid ng anak ni Don Mateo. Huwag na kayong papasok sa mansyon kung hindi ay isusumbong ko kayo kay Don Perico at Don Manuel" patuloy ni Martin. Ang dalawang Don na binanggit ni Martin ay ang ama nina Tonyo, Timoteo at Diego. Magkapatid sina Timoteo at Diego habang si Tonyo naman ang nakakatandang kapatid ni Selia.

Napatango-tango naman sila at dali-daling umalis. Napatitig na lang si Martin sa kumpol ng susi na hawak niya, pinag-iisipan niya ngayon kung paano niya ito maibabalik kay Manang Dominga nang hindi nito nahahalata.

Pagtayo ni Martin ay nagulat siya nang makitang may isang babae na nakatayo rin sa gitnang hardin mula sa di-kalayuan. Sa pagkakataong iyon, tila bumagal ang pag-ikot ng mundo nilang dalawa at nanatili silang nakatitig sa isa't isa.

Napagtanto ni Celestina na ang binatilyong kaharap niya ngayon ay ang lalaking nagpalabas sa mga kaibigan nito sa silid niya kanina at ngayon ay narinig niyang pinagsabihan niya rin ang mga ito. Halos walang kurap na napatulala si Celestina sa binatilyo na sa unang pagkakataon ay nakaramdam siya ng kakaibang pagpintig ng kaniyang puso habang umiihip ang marahan na hangin sa pagitan nilang dalawa dahilan upang magsayawan ang mga rosas sa paligid ng hardin. Samantala, ang liwanag naman ng buwan ay mas lalong nagpapakinang sa kaniyang mga mata habang pinagmamasdan ang binatilyong ilang hakbang lang ang layo sa kaniya.

"N-narinig mo ba?" kinakabahang tanong ni Martin at nagsimula siyang humakbang papalapit kay Celestina dahilan upang matauhan si Celestina at napahakbang siya papalayo. "Sandali!" habol pa ni Martin.

"Pagnanakaw ang ginawa mong pagpitas sa mga bulaklak dito" saad pa nito dahilan para mapatigil si Celestina at mapalingon sa kaniya. Napatingin din siya sa isang pulang rosas na hawak niya ngayon na kaniyang pinitas kani-kanina lang. 

Napakunot na lang ang noo ni Celestina, hindi niya akalain na pagbibintangan siyang magnanakaw gayong pagmamay-ari nila ang hardin.

"Ganito, hindi ko isusumbong kay Don Mateo na nagnakaw ka ng bulaklak dito basta huwag mong ipagsasabi ang narinig mo kanina at..." saad ni Martin sabay abot sa kaniya ng susi. "At maaari mo bang ibalik ito kay Manang Dominga na inyong mayor doma, sabihin mo na naiwan niya lang kung saan, tiyak na maniniwala naman siya sa iyo" dagdag pa nito, napatingin naman si Celestina sa kaniyang kasuotan at napagtanto niya na walang ideya ang binatilyong kaharap niya ngayon na siya ang anak ni Don Mateo Cervantes. Wala itong ideya na siya ang unica hija nitong sinasabi ng lahat na isinumpa ng demonyo at isang barakuda.

"H-huwag kang mag-alala tinutupad ko ang aking pangako. Hindi kita isusumbong na pumitas ka ng bulaklak dit" patuloy ni Martin. Nagulat si Celestina dahil maayos naman pala ito kausap.

"Siya nga pala, ang aking ngalan ay Martin Buenavista. Maaari rin tayong maging magkaibigan kung iyong nanaisin" patuloy nito sabay ngiti. Sa pagkakataong iyon, tuluyan na ngang huminto ang pag-ikot ng mundo ni Celestina. Wala siyang kaibigan. Ito rin ang unang pagkakataong na may kumausap sa kaniya bukod sa kaniyang ama at kay Manang Dominga.

"Ikaw, ano pala ang iyong pangalan?" tanong ni Martin habang nakangiti at nakatitig ng diretso sa mga mata ni Celestina. Bigla namang natauhan si Celestina, alam niyang walang dapat makaalam na hindi siya nakakapagsalita at siguradong magtataka ang binatilyong nasa harap niya kung bakit hindi siya nagasasalita kung kaya't agad niyang kinuha ang susi sa kamay nito at dali-dali siyang kumaripas ng takbo papasok sa loob ng mansyon.

Pagdating sa loob ay agad siyang umakyat sa kaniyang silid ngunit huli na ang lahat dahil nakita niyang nagmamadali si Manang Dominga pababa ng hagdan nang matuklasan nito na nakahandusay sa sahig ang dalawang guardia personal at bukas na ang pinto ng silid ni Celestina.

"Jusmiyo! Celestina! Hija!" gulat na saad ni Manang Dominga sabay yakap sa dalagita. Agad niya itong hinila pabalik sa silid, "Ipagbibigay alam ko na dapat sa iyong ama na nawawala ka sa iyong silid, mabuti na lang dahil natagpuan agad kita" mangiyak-ngiyak na wika nito sabay yakap muli sa dalaga.

"Bakit ka lumabas? Paanong---" hindi na natapos ni Manang Dominga ang kaniyang sasabihin dahil agad nagpaliwanag si Celestina gamit ang pag-senyas. Nakakaintindi si Manang Dominga nito noong umupa si Don Mateo ng isang Pranses na marunong gumamit ng pag-senyas upang turuan si Celestina, Manang Dominga at siya.

Agad ipinaliwanag ni Celestina ang lahat at sinabi rin niya na niligtas at pinagalitan ng isang binatilyo ang mga kaibigan nito. "Kung gayon, kailangan malaman ni Don Mateo---" hindi na naman natapos ni Manang Dominga ang sasabihin niya dahil agad hinawakan ni Celestina ang kamay ng manang, umiling-iling siya at sumenyas.

'Huwag niyo pong sabihin kay ama lalo na ang pagpasok nila Martin at ng mga kaibigan niya sa aking silid. Hindi ko ibig mapahamak sila lalo na si Martin. Tinulungan naman po niya ako at bukod doon, nakita niya ang aking mukha ngunit ang akala niya ay isa akong serbidora na nagnakaw ng bulaklak sa hardin' pakiusap ni Celestina gamit ang pag-senyas. 

Muli na namang sumenyas si Celestina at ang bawat pag-senyas niya ay binabasa ni Manang Dominga 'Bukod po doon ay siguradong mapapagalitan din kayo ni ama kapag nalaman niyang nakuha po sa inyo ang susi at nakalabas ako' pag-senyas pa ni Celestina sabay ngiti. Napahinga na lang nang malalim si Manang Dominga at napangiti rin.

"Ikaw talagang bata ka, hindi ko akalaing may pagka-tuso ka rin pala" tawa ni Manang Dominga, agad namang yumakap sa kaniya si Celestina at sumenyas muli 'Ipinapangako ko po na hindi ko sasabihin kay ama na nawala niyo po ang susi. Maaari niyo rin po ba akong tulungan alamin kung sino si Martin Buenavista?'

Makalipas ang ilang araw, habang sinusuklay ni Manang Domiga ang buhok ni Celestina ay nabanggit niya ang tungkol sa binatilyong hinahangaan nito. "Si Señorito Martin Buenavista na tinutukoy mo hija, ay anak ni Don Facundo na kaibigan ng iyong ama. Alcalde mayor si Don Facundo at isang kilalang magaling na pulitiko at makata" panimula ni Manang Dominga. Gaya ng dati, mahigpit ang pagbabantay sa loob at labas ng hacienda Cervantes kung kaya't hindi makalabas si Celestina.

Noong nakaraang araw ay nakiusap siya sa kaniyang ama na payagan siya nitong lumabas nang dalawin siya nito upang maghatid ng pulang rosas at kamustahin siya ngunit gaya ng dati ay hindi pa rin siya pinayagan nito. 

Strikto, disiplinaryo at may isang salita si Don Mateo Cervantes ngunit kahit ganoon ay malambing at mapagmahal siya sa kaniyang nag-iisang anak. Batid niya na sa oras na iharap niya sa madla si Celestina ay kukutyain lang ito ng mga tao bagay na ayaw niyang mangyari at maranasan ng kaniyang anak.

"Labing-apat na taong gulang na si Señorito Martin na nag-aaral ngayon sa paaralan ni Maestro Filimon" patuloy pa ni Manang Dominga. Napalingon si Celestina sa bintana at pinagmamasdan niya ngayon ang maganda at malawak nilang hardin sa ibaba.

Agad napalingon si Celestina kay Manang Doming kung kaya't napatigil ito sa pagsuklay sa buhok ng dalagita. 'Hindi po ba nasa kabilang kalye lang ang paaralan ni Maestro Filimon?' nakangiting tanong ni Celestina kay Manang Dominga, napatango naman ang matanda habang nagpapatuloy pa rin sa pagtatahi.

Nalaman ni Celestina na tuwing alas-otso ng umaga hanggang alas-sais ng hapon ang klase ni Martin. Kung kaya't araw-araw tuwing umaga bago mag-alas-otso ay aabangan na niya ng tanaw si Martin mula sa kaniyang bintana. Hinahatid si Martin ng kanilang kalesa papunta sa paaralan. At tuwing hapon naman tuwing sasapit ang alas-sais ay muli siyang sisilip sa bintana upang abangan muli si Martin.

Sa tapat na kalsada ng kanilang mansyon dumadaan si Martin at tuwing hapon ay kasabay nito maglakad pauwi sina Timoteo, Tonyo at Diego. Kung minsan naman ay nakasakay sila sa kalesa bagay na ayaw ni Celestina dahil mabilis lang na dumadaan ang kalesa sa kalsada kumpara kung naglalakad sila Martin at ang mga kaibigan nito.

Tuwing sabado naman ay naglalakad lang si Martin papunta sa tahanan nina Tonyo na kapitbahay lang nila Celestina. Doon ay nag-eensayo sila ng Eskrima (Fencing). Pagkatapos mag-ensayo ni Martin ay nagtutungo ito sa silid-aklatan ni Maestro Filimon sa bayan upang bumili at magbasa ng libro. Napapansin ni Celestina na kada linggo ay iba-iba ang librong dala-dala ni Martin bagay na ikinatuwa niya dahil nakakatapos ng isang makapal na libro si Martin sa loob lang ng pitong araw.

Sa tuwing sasapit naman ang araw ng Linggo ay inaabangan din ni Celestina si Martin kasama ang pamilya nito habang nakasakay sila sa kalesa papunta sa simbahan. Pagkatapos ay tanghali na ito makakabalik at muli na naman niyang tatanawin ang binata mula sa kaniyang bintana.

Sa loob ng halos ilang taon ay naging ganoon ang araw-araw na gawain ni Celestina. Kahit may sakit siya ay nagagawa niya pa ring maghintay sa tapat ng kaniyang bintana upang abangan ang pagdaan ni Martin na kahit kailan ay hindi man lang lumingon pabalik sa kaniya. Ngunit kahit ganoon ay masaya na siyang minamahal niya ang binata kahit hindi nito alam at hindi rin naman siya nito kilala. 


Laguna, 1886

Pagtuntong ni Celestina sa edad na labing-siyam ay nalaman nila na nagkaroon ng sakit sa dugo si Don Mateo. Sa paglipas ng buwan ay nagbawas siya ng mga kasambahay at guardia personal hanggang sa si Celestina at Manang Dominga na lang ang natirang kasama niya sa kanilang napakalaking mansyon.

Nakakalabas na si Celestina sa kaniyang silid at siya na rin ang nagluluto, naglilinis at naglalaba bagay na tanging magagawa niya para sa kaniyang ama. Mabuti na lamang dahil nariyan pa rin si Manang Dominga upang umalalay sa kanila.

Nanganganib na rin na matanggal sa pwesto si Don Mateo dahil hindi na nito kaya pang gampanan ang kaniyang trabaho bilang gobernadorcillo. Nagkakaisa ang partido ni Don Amadeo Espinoza na patalsikin sa pwesto si Don Mateo.

Unti-unting naghirap si Don Mateo dahilan upang ibenta niya ang ilan niyang mga lupain, negosyo at ari-arian sa karatig bayan upang suportahan ang pagpapagamot niya. Mayroon din siyang mga pinagkakautangan noon dahil nahumaling din siya sa pagsusugal noong malakas pa siya at ngayon ay sinisingil na rin siya ng mga ito. Isa sa kaniyang pinagkakautangan ay ang asawa ni Maestra Villareal na nasa Paris.

Naisip ni Don Mateo na kailangan niyang ipakasal si Celestina bago siya mamatay upang makasiguro siya na may mapupuntahan ang dalaga kapag nawala na siya. Wala rin silang kamag-anak at ang asawa naman niya ay purong kastila na namatay noong pinanganak nito si Celestina. Ang mga kamag-anak ng kaniyang asawa ay hindi na rin niya mahagilap lalo na't nasa Espanya ang mga ito at hindi niya rin kilala.

Ang pamilya Buenavista ang nais makumbinse ni Don Mateo lalo na't si Don Facundo ay kaniyang kaibigan at hindi ito nakikisali sa pag-uusig sa kaniya na patalsikin siya bilang gobernadorcillo. Ang anak na panganay ni Don Facundo na si Julian ay nag-aaral sa Europa kung kaya't si Martin at ang kambal na anak nito na si Javier at Joaquin ang naririto sa bansa.

Ngunit si Javier at Joaquin ay anim na taong gulang pa lang, masyadong bata para kay Celestina kung kaya't si Martin na nasa edad dalawapung taon sa panahong iyon ang nalalapit sa edad ni Celestina. Nagpadala ng liham si Don Mateo kay Don Facundo na agad naman nitong tinugunan. Si Don Facundo at Martin na ang pumunta sa kanilang bahay at labis ang saya ni Celestina nang malaman niya na si Martin ang napupusuan ng kaniyang ama na ipakasal sa kaniya.

Ngunit ang lahat ng saya ay nauwi sa sakit at pagdadalamhati nang marinig niya mismo na tumanggi si Martin na magpakasal at ang dahilan ay aalis ito at magtutungo sa Europa upang mag-aral ng kolehiyo. 

Nang makaalis ang mag-amang Buenavista. Hindi na nagtanong pa si Celestina kung anong naging takbo ng usapan. Isang beses nang silipin niya ang kaniyang ama sa kwarto nito ay umiiyak ito habang nakahiga sa kama dahil hindi na ito nakakatayo pa.

Nalaman ni Celestina mula kay Manang Dominga na aalis na si Martin papunta sa Europa. At noong pagkakataong iyon ay nakiusap siya sa kaniyang ama kung maaari ba siyang lumabas, sa huling pagkakataon ay hindi pa rin pumayag si Don Mateo kung kaya't nakiusap siya kay Manang Dominga, dahil sa matinding pagkahabag ni Manang Dominga ay pumayag ito at sinamahan niya si Celestina papunta sa lawa ng Laguna kung saan sasakay sa bapor si Martin papuntang Maynila at doon sasakay ito ng barko papuntang Europa.

Alas-kuwatro pa lang ng madaling araw ay naroon na sila nag-aabang. Nakasuot ng talukbong si Celestina habang nakatayo mula sa di-kalayuan. Ilang sandali pa ay natanaw na niya ang kalesang pagmamay-ari ng pamilya Buenavista. Bumaba ito kasama ang kaniyang buong pamilya at isa-isa siyang niyakap ng mga ito.

Buhay na buhay na ang paligid lalo na ang daungan dahil sa dami ng taong papasakay ngayon sa bapor. Sa huling pagkakataon nang makasakay si Martin sa bapor at habang kumakaway siya at nagpapaalam sa kaniyang pamilya at mga kaibigan, naroon pa rin ang babaeng ilang taong nagtatago sa dilim at lihim na nagmamahal sa kaniya.


Laguna, 1888 

Ipinagtapat na ng doktor na natuloy na sa kanser sa dugo ang sakit ni Don Mateo. Mas lalo silang nalugmok sa hirap at nabaon sa utang. Isinangla na rin ni Don Mateo ang kanilang hacienda at ang pinakamasakit ay noong sinabihan niya si Manang Dominga na maaari na itong umalis dahil wala na siyang ipapasweldo dito. Noong una ay ayaw umalis ni Manang Dominga ngunit kailangan din siya ng kaniyang pamilya sa Norte. Mula nang umalis si Manang Dominga ay tila unti-unti nang gumuho ang mundo ni Celestina.

Noong umpisa ay madalas magpadala ng liham si Manang Dominga at palagi sila nagsusulatan ngunit hindi tumagal ay bigla na lang tumigil ang pagpapalitan nila ng liham. Mas matanda pa si Manang Dominga kay Don Mateo kung kaya't nangangamba si Celestina na baka may masamang nangyari na kay Manang Dominga. Gustuhin man niyang puntahan ito ngunit hindi niya alam kung paano at saan at bukod doon ay wala na silang sapat na salapi.

Namayat at nanghina nang tuluyan si Don Mateo, halos napapailing na lang ang mga doktor na tumitingin sa kaniya hanggang sa sumapit ang araw na pinakakinatatakutan ni Celestina. Isang umaga buwan ng Septyembre, pagkatapos niya magluto ng almusal ay dinalhan niya ng pagkain ang kaniyang ama ngunit kahit ilang beses niya ito tapikin ay hindi na ito gumising pa.

Tila namanhid ang kaniyang buong katawan at umiyak lang siya roon ng umiyak habang yakap-yakap ang kaniyang ama na nag-iisa niyang kapamilya. Wala na ang lahat sa kaniya, wala na si Manang Dominga, wala na ang lalaking kaniyang sinisinta, wala na ang kapangyarihan at posisyon ng kaniyang ama, wala na ang kanilang kayamanan at higit sa lahat wala na ang kaniyang pinakamamahal na ama.

Pagsapit ng hapon, matapos siyang mahimasmasan ay kinuha na niya ang kaniyang talukbong at nagsulat ng isang liham. Sa unang pagkakataon ay nagawa niyang lumabas nang mag-isa habang hawak-hawak ang papel na dadalhin niya sa simbahan.

Pagdating sa simbahan ay inabot niya iyon sa isang madre at doon ay ipinagbigay na ang anunsyo na wala na ang dating gobernadorcillo na si Don Mateo Cervantes. Kasabay ng pagtunog ng kampana para sa mga patay ay ang tuluyang pagguho ng mundo ni Celestina na ngayon ay haharapin na ang buhay nang mag-isa.


NAALIMPUNGATAN si Celestina nang maramdaman niya ang malamig na palad na tumatapik ngayon sa kaniyang pisngi. "Ate! Alas-singko na" saad ni Esteban na ngayon ay namumutla na sa kaba. Agad napabangon si Celestina at napagtanto niya na nakatulog pala siya sa loob ng silid kung saan nakalagay ang mga intstrumento pang-musika.

Naalala niya na naglilinis siya roon kagabi at dahil sa matinding pagod ay doon na rin siya nakatulog sa sahig. Dali-dali siyang napabangon at tumakbo sila ni Esteban papunta sa kusina. Mabuti na lang dahil nakaluto at nakasaing na si Esteban ngunit hindi ito ngayon makalabas ng bahay dahil nang hipuin ni Celestina ang noo ng bata ay sinisinat ito.

Agad niyang kinuha ang kaniyang belo at dali-dali siyang lumabas ng bahay upang magtungo sa panaderia ni Mang Jose upang bumili ng pandesal at mantikilya na paborito ni Maestra Villareal at araw-araw ay gusto nito na nakikita niya iyon sa hapag.

Papasikat na ang araw at karamihan sa mga tao ay gising na. Tumatakbo na si Celestina papunta sa panaderia na dalawang kanto ang layo mula sa eskwelahan ni Maestra Viilareal. Ilang sandali pa ay natanaw na niya ang panaderia at ang usok mula sa malaking pugon na lutuan nito. Nang makarating siya roon ay agad siyang sumenyas kay Mang Jose na siyang may-ari ng panaderia.

"Dalawampung pandesal at isang bote ng mantikilya" saad ni Mang Jose sabay ngiti, halos araw-araw na bumibili roon si Celestina kung kaya't alam na niya kung ilang pirasong pandesal ang bibilhin nito. Napangiti naman si Celestina at hinihingal na napahawak sa gilid ng pader ng panaderia ngunit nagulat siya nang biglang may magsalita sa likuran niya.

"Dalawampung pandesal at isang mantikilya rin po ang sa akin manong" wika ni Martin sabay ngiti. Nanlaki ang mga mata ni Celestina nang mapalingon siya sa kaniyang likuran at muntikan pa siyang mawalan ng balanse dahil sa matinding pagkabigla. Mabuti na lang dahil maagap si Martin at agad nahawakan ang kaniyang likuran, bagay na parehong ikinabigla nilang dalawa.

"P-pasensiya na, i-inalalayan lang kita upang hindi ka matumba, huwag mo sanang masamain" saad ni Martin sabay himas sa kaniyang batok. Maging ang biglaan niyang paghawak sa likuran ni Celestina ay nagpamula sa kaniyang pisngi.

"H-hindi ko inaasahan na makikita rin kita rito" patuloy pa ni Martin at sinubukan niyang ngumiti pero napayuko lang si Celestina. "Naalala mo ba ako? Hindi ko pa pala nababayaran ang mga pinamili mo noon sa pamilihan na nasira ko" saad pa nito, sinusubukan niyang patayin ang nakakailang na hangin sa pagitan nilang dalawa.

Mabuti na lang dahil walang ibang tao sa paligid at abala rin sina Mang Jose sa pagluluto ng tinapay kung kaya't hindi naririnig ng mga ito ang usapan nila. Nakatingin si Celestina sa malaking pugon at pilit niyang binubura sa kaniyang isipan na nasa tabi niya ngayon si Martin at kinakausap siya nito. Pa-simple namang sinulyapan ni Martin ang dalaga at ngayon niya lang napagtanto na maganda pala ang anak ni Don Mateo Cervantes na nakatakda sa kaniyang ipakasal noon.

"B-baka sakaling nakalimutan mo na ang pangalan ko noong nagpakilala ako sa iyo kahapon. Ako nga pala si Martin Buenavista" patuloy ni Martin at nagulat si Celestina nang muli na naman nitong inilahad ang kaniyang palad sa tapat niya.

"Maaari tayong maging magkaibigan kung iyong nanaisin... Celestina" patuloy nito sabay ngiti. Napatulala na lang si Celestina kay Martin at sa pagkakataong iyon, napagtanto ni Celestina na ang pagtibok ng puso niya ngayon ay walang pinagbago noong unang tumibok ang puso niya sa parehong lalaki na nasa harapan niya ngayon.

****************

#ThyLove

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top