Ikalawang Kabanata

[Kabanata 2]

"ANO ba naman kasing kapilyuhan iyan at naisip mo pang tumakas?" natatawang tanong ni Timoteo sabay hagis ng isang malinis na damit pang-itaas sa mukha ni Martin. Si Timoteo Concepcion ay isa sa mga kababata ni Martin sa Laguna at ang pinakamatalik niyang kaibigan. Nakatapos na ito bilang doktor.

"Halos apat na taon din tayong hindi nagkita. Ako'y nabigla sa iyong hitsura kanina, daig mo pa ang sumabak sa digmaan"hirit pa ni Timoteo sabay hithit ng tobacco.

Napahinga na lang nang malalim si Martin habang pinupunasan niya ang kaniyang buhok. Nang matakasan niya ang taong bayan na humahabol sa kaniya sa palengke ay agad siyang nagtungo sa bahay ng kaniyang kaibigang si Timoteo.

"May gamot ka ba riyan?" tanong ni Martin, wala siyang damit pang-itaas at kitang-kita ngayon ang kakisigan ng kaniyang pangangatawan. Dalawampu't apat na taon na si Martin at hindi maitatanggi na ang ikalawang anak na lalaki ni Don Facundo Buenavista na si Martin ay siyang nagtataglay ng nakakahalinang kagwapuhan, kakisigan at katalinuhan kung kaya't sa apat na lalaking anak ni Don Facundo ay si Martin ang pinakatanyag at hinahangaan ng mga kababaihan.

"Bakit kailangan mo ng gamot?" nagtatakang tanong ni Timoteo habang kalmadong humihithit ng tobacco, kumpara naman kay Martin ay payat at sobrang tangkad ni Timoteo. Kung minsan nga ay napagkakamalan itong higante o kapre noong bata pa sila dahil sa katangkaran nito.

"Ako'y nadapa kanina sa pamilihan" tugon niya sabay higa sa malambot na kama. "Hindi ko rin natulungan ang binibining iyon. Marahil ay nasaktan ang kaniyang braso. Nawa'y makita ko siya muli upang makabawi ako" dagdag pa niya habang nakatitig sa kisame ng silid.

"Tumayo ka nga riyan, magagalit ang aking asawa kapag narumihan ang kobre kama!" suway ni Timoteo sabay hila sa kaniyang kaibigan papaalis sa kama. Natawa na lang si Martin at tumayo na dahil mukhang hihimatayin sa kaba ang kaibigan niyang takot sa asawa.

"Akin nang sinabi sa iyo na ang babaeng papakasalan mo ay siyang tinitibok ng iyong puso. Anong nangyari sa iyong buhay? Ikaw kasi ay sumang-ayon magpakasal sa hindi mo naman kilala" sermon ni Martin sa kaniyang kaibigan sabay tawa. Dali-dali namang inayos ni Timoteo ang sapin ng kama dahil siguradong magagalit ang kaniyang misis na ubod ng tapang kapag magulo ito.

"Kapag narinig ni Linda ang iyong sinabi tiyak na palalayasin ka niya ngayon dito" panakot ni Timoteo, natawa na lang si Martin. "Hindi niya iyon magagawa sa akin, isusumbong ko siya sa kaniyang ama" tawa ni Martin. Si Linda ay kaniyang pinsan. 

"Ano ang aking magagawa? Ako'y hindi kasing swerte mo na hinahabol ng mga binibini" reklamo naman ni Timoteo na may halong pangangantyaw sa kaibigan.

"Hinahabol nga nila ako sapagkat nagbigay ng pabuya si ama sa kung sinuman ang makakahanap sa akin ay siyang makakatanggap niyon" saad ni Martin saka napabuntong-hininga nang malalim. Kilala siyang maginoo ngunit may pagka-pilyo rin minsan.

"Bakit ka ba kasi tumakas sa daungan?" nagtatakang tanong ni Timoteo na ngayon ay bumalik na sa kaniyang kinauupuan kanina.

"Ang sabi ko sa huling liham na pinadala ko kay ama ay sa katapusan pa ng buwan ako makakarating dito sa Maynila ngunit itong si Tonyo nadulas kay ama at sinabing ngayon ako darating" inis na tugon ni Martin. Si Tonyo na tinutukoy niya ay ang isa pa nilang kababata at kaibigan ni Timoteo.

Natawa naman si Timoteo dahil alam niyang likas na madaldal talaga si Tonyo "Ano namang pagkakaiba ng ngayon at sa katapusan ng buwan? May iniiwasan ka ba?"

Napangisi naman si Martin at akmang uupo ulit sa kama ngunit agad sinipa ni Timoteo ang kaniyang pwetan upang pigilan siya kung kaya't natawa na lang siya sa pagiging delikadeso ng kaibigan "Sa isang linggo pa aalis patungong Leyte si Julian at wala sa aking plano na makita siya" saad ni Martin, sa pagkakataong iyon biglang nagbago ang ihip ng hangin lalo na nang banggitin niya ang pangalan ng kaniyang nakatatandang kapatid na si Julian Buenavista.

Si Julian ay dalawampu't walong taong gulang na. Siya ang panganay na anak ni Don Facundo, tulad ni Martin ay nagtataglay din ito ng pambihirang kagwapuhan ngunit iyon nga lang ay hindi siya magiliw sa mga kababaihan dahil kilala siyang seryoso at masungit. Isa nang ganap na doktor si Julian at isa siya sa mga propesor na nagtuturo ng medisina sa isang kilalang Unibersidad.

Sa paglipas ng halos apat na taon ay hindi man lang nagpadala ng liham si Julian sa kaniya at maging siya ay hindi rin nagtangkang sumulat sa kaniyang nakatatandang kapatid. Batid din ni Don Facundo na hindi magkasundo ang kaniyang panganay at pangalawang anak dahil si Julian ay ang anak niya sa una na niyang asawa ngunit nang mamatay ito sa sakit ay nag-asawa muli siya at nagkaroon siya ng tatlong anak sa pangalawa niyang asawa ngunit sumakabilang buhay na rin ito ilang taon na ang lumipas.

"Nakapanghihinayang. Nasasabik pa naman din sina Javier at Joaquin na makita ka" dagdag pa ni Timoteo. Sina Javier at Joaquin ay kambal na lalaki na buong kapatid ni Martin. Anim na taong gulang pa lamang ang dalawa nang umalis si Martin sa Pilipinas at nagtungo sa Europa upang mag-aral.

Ngayon ay sampung taong gulang na ang kambal, marami siyang biniling pasalubong para sa dalawa dahil kinukulit siya ng mga ito sa mga liham na pinapadala nila sa kaniya. "Hinihintay ko lang umalis si Julian sa aming tahanan. Hindi ako uuwi roon hangga't naroon pa siya" saad ni Martin, naglakad siya papunta sa bintana at napadungaw sa ibaba. Napatitig siya sa napakagandang kabilugan ng buwan ngayon sa kalangitan.

"Nais ko ring bisitahin si Loisa" patuloy niya, halos apat na taon na rin silang hindi nagkita ng kaniyang kasintahan.


"HINDI ka maaaring kumain ngayong gabi at hindi ka maaaring umalis diyan hangga't hindi ko sinasabi!" galit na sigaw ni Maestra Villareal sabay sampal sa mukha ni Celestina na ngayon ay nakaluhod sa bilao na puno ng munggo. Nakataas din ang kaniyang dalawang kamay sa ere.

Alas-otso na nang gabi at ilang minuto na siyang nakaluhod doon habang pinapagalitan at paulit-ulit na sinasampal ni Maestra Villareal. Sa kabilang dako naman ng bahay sa hapag-kainan ay naroon ang mga dalagang estudyante ng matapobreng señora. Tahimik silang kumakain ngayon ng hapunan. Dalawang bilaong pansit ang kanilang pinagsasaluhan ngayon na binili nila sa isang panciteria na malapit sa kanila. 

Galit na galit si Maestra Villareal nang maabutan niyang walang naihandang pagkain si Celestina. "Ano? Sa tingin mo ay maniniwala ako sa katwiran mo na nabangga ka ng isang estranghero dahilan para tumalipon at madurog lahat ng pinamili mong sangkap? Ako'y tigilan mo sa mga kasinungalingan mong iyan, Celestina!" sigaw ni Maestra Villareal na umalingangaw sa buong kabahayan. Isang malutong na sampal ang muling natikman ni Celestina at ngayon ay tulala lang siyang nakatingin sa sahig habang pinipigilan niya ang kaniyang sarili na hindi umiyak.

Sa loob ng halos isang taon, kahit anong mangyari at kahit kailan ay hindi siya umiyak sa harapan ng sinuman kahit pa sinasaktan, sinisigawan, pinapahiya at minumura siya ni Maestra Villareal. Hindi siya umiyak sa harapan nito dahil mas lalo siyang mamaliitin nito at sasasabihang nagpapaawa.

Napatingin si Loisa sa paligid at isa-isa niyang tiningnan ang mga kasamahan niyang estudyante na ngayon ay kumakain ng payapa. Tila hindi na bago sa kanila ang ganitong eksena, ang sigawan at saktan si Celestina.

"Kumain ka na lang Loisa" bulong ni Selia na nasa tabi niya. Napansin nito na hindi mapakali si Loisa at panay ang tingin nito sa kinaroroonan nina Maestra Villareal at Celestina. Nakaluhod pa rin sa bilao na puno ng munggo si Celestina. Sa loob ng maruming kusina ay paulit-ulit itong sinasampal ng señora.

Napatitig na lang si Loisa sa kaniyang plato na ngayon ay malinis pa rin at walang laman. Hindi siya makakain at hindi siya mapanatag dahil sa malulutong na mura na naririnig niya sa wikang Espanyol mula kay Maestra Villareal. "Huwag kang mabahala, kailanman ay hindi nanampal at nanakit si Maestra Villareal ng mga estudyante niya. Talagang si Celestina lang ang nararapat na pagbuhatan ng kamay" bulong pa ni Selia, kunot noo namang napatingin sa kaniya si Loisa.

"Nararapat na pagbuhatan ng kamay? Hindi makatarungan ang sinasapit niya" giit ni Loisa, sandali namang hindi nakaimik si Selia. Nagulat siya sa rekasyon ni Loisa na apektado sa nangyayari kay Celestina. Ilang sandali pa, tumayo si Selia at may kinuha itong papel na nakapatong sa gilid ng lampara.

Bumalik na siya sa kaniyang upuan sa hapag at inabot niya kay Loisa ang papel na iyon. "Isinulat iyan ni Celestina kanina pagkagaling niya sa pamilihan. Naghanda na siya ng kaniyang idadahilan kay Maestra Villareal. Napakatuso at sinunggaling talaga ng babaeng iyan kaya hayaan mong disiplinahin ni maestra ang pag-uugali niya" wika ni Selia at nagpatuloy na ito sa pagkain ng pansit.

Napatitig naman si Loisa sa papel na iyon at binasa niya ang nakasulat.

Patawad po Maestra Villareal, may masama pong nangyari kanina sa pamilihan. Hindi po sinasadyang matabig ng isang estranghero ang aking mga pinamili. Huwag na rin po kayo magalit sa estrangherong iyon dahil nangako naman po siya na babayaran niya ako ngunit nagkataon lang na kailangan niyang tumakbo agad papalayo upang hindi maabutan ng mga humahabol sa kaniya. Naubos na rin po ang salaping binigay niyo kaya hindi na ako nakapamili muli. Tanging mga kamatis na lang ang naiuwi ko dahil sa pagmamalasakit ng matandang ale na nagbigay niyon kanina.

Napasandal na lang si Loisa sa kaniyang upuan at maayos niyang tinupi ang papel na iyon saka humarap muli kay Selia. "Bakit hindi niyo na lang siya binigyan ng salapi kanina pag-uwi niya? upang kahit papaano ay nakabalik siya sa pamilihan at nakapamili muli" saad ni Loisa, nagkatinginan naman ang mga kababaihang kasama niya, natawa ang ilan sa kanila.

"Malay ba namin na ganoon na pala ang sinapit ng pobreng 'yan. Ni hindi nga niya magawang magsalita at batiin kami tuwing umaga. Kailanman ay hindi siya humingi ng tulong sa amin. Sabagay, hindi rin naman namin siya mauunawaan at wala kaming oras para intindihin siya" saad ni Marisol, ang matalik na kaibigan ni Selia at kilalang prangka sa lahat.

Nagtawanan muli ang mga dalaga, tanging si Loisa lamang ang hindi natutuwa sa inaasta nila. Magsasalita pa sana siya ngunit dumating na si Maestra Villareal kung kaya't tumahimik na ang lahat.  Agad silang napaupo nang tuwid at maingat na kumain kasabay ng kanilang striktong maestra. 


ALAS-NUWEBE na ng gabi, nakabihis na ng pangtulog ang mga estudyante ni Maestra Villareal at sabay-sabay silang umakyat sa kani-kanilang mga silid. Dalawang estudyante ang magkahati sa isang silid. Malaki ang dormitoryo at eskwelahan ni Maestra Villareal. Halos may apat na palapag ito, ang unang palapag ay binubuo ng maruming kusina, imbakan, kwadra ng kabayo at naroon din ang maliit at maruming kwarto ni Celestina.

Sa ikalawang palapag naman ng bahay ay agaw pansin ang napakalaking pintuan na gawa sa makapal at matibay na kahoy mula pa sa Europa. May hagdan na sementado sa labas ng bahay ang naka-konekta sa pangunahing pintuan. Pagpasok doon ay bubungad agad ang napakagandang salas, puno ng mga bulaklak at mga mamahaling obra ang bawat dingding na mula pa sa Pransya at Inglatera.

Sa tabi ng salas ay naroon ang napakahabang mesa ng hapag-kainan. Makintab ang bawat kagamitan at napapalamutian din ito ng mga bulaklak at mamahaling iskulptura. Sa gitna ng salas at hapag-kainan ay naroon ang malawak na hagdan na gawa sa kahoy. Ang hagdan namang iyon ay patungo sa ikatlong palapag kung saan matatagpuan ang apat na silid-aralan sa loob.

Ang unang pinto sa kaliwa ay ang silid kung saan sila nagbabasa ng mga libro, naroon din ang pisara (blackboard). Sa pangalawang pinto naman sa kaliwa ay naroon ang altar at Belen. Doon sila nagdadasal tuwing alas-sais ng umaga, alas-tres ng hapon at alas-sais ng gabi. Doon din sila nag-rorosaryo.

Sa ikatlong pinto naman sa kanan ay naroon ang silid kung saan nagpipinta at nagbuburda ang mga estudyante. Habang ang ikaapat na pintuan sa kanan, sa pinakadulong silid naman ay matatagpuan ang piyano, biyolin, harp at pluta (flute), doon matatagpuan ang iba't ibang uri ng intstrumento sa musika.

Sa gitna ng apat na silid-aralan ay naroon ang malawak na hagdan na patungo sa ikaapat na palapag kung saan matatagpuan naman ang halos sampung kwarto ng mga estudyante ni Maestra Villareal.

Nag-iisang katulong lang si Celestina sa loob ng bahay at may kasama siyang batang lalaki na nasa edad pitong taong gulang lang, si Esteban. Si Esteban ay anak ng isang estudyante noon ni Maestra Villareal na nabuntis at pinalayas niya. Noong umpisa ay walang gustong kumupkop sa sanggol hanggang sa tinanggap na rin ito ng isang bahay-ampunan. Ngunit nang masunog ang bahay ampunan noong nakaraang taon ay walang nagawa kundi ang ibalik si Esteban at ang ilang mga bata sa nalalapit nitong mga kamag-anak.

Anim na taong gulang noon si Esteban at ayaw pa sana siyang tanggapin ni Maestra Villareal ngunit hindi umaalis ang bata sa tapat ng eskwelahan niya araw-gabi. Nalaman din ni Maestra Villareal na palihim itong binibigyan ni Celestina ng pagkain kaya pinarusahan din niya si Celestina nang malaman niya ito. 

Hindi nagtagal ay naisip ni Maestra Villareal na maaari niyang pakinabangan ang batang paslit at gawing alipin. Kung kaya't magmula noon ay si Esteban ang taga-hakot ng mga panggatong at uling para sa pugon. Si Esteban din ang taga-kuha ng mga damong pagkain ng tatlong kabayo ni Maestra Villareal.

Bawal tumapak si Esteban sa ikalawa at ikatlong palapag ng bahay ni Maestra Villareal dahil tanging si Celestina naman ang alipin niya roon. Alas-kuwatro pa lang ng umaga ay gising na si Celestina upang maghain ng almusal. Pagkatapos ay isa-isa niyang pupunuin ng tubig ang mga paliguan ng mga estudyante para sa pampaligo ng mga ito.

Sa oras na matapos mag-almusal ang mga estudyante ay magtutungo na ito sa kanilang silid-aralan upang mag-aral. May tatlong maestra pang katuwang si Maestra Villareal na sina Maestra Castellanos (nagtuturo ng pagpipinta at pag-buburda). Maestra Asuncion (nagtuturo ng pagtugtog ng mga intsrumento) at ang nag-iisang madre na si Madre Milagros na nagtuturo ng kabutihang asal, pagrorosaryo at pagdadasal. 

Habang si Maestra Villareal naman ang punong-maestra nila at siyang may-ari ng buong eskwelahan. Si Maestra Villareal ang nagtuturo ng academia, literatura, agham (science), sipnayan (math), at wikang Espanyol sa mga estudyante.

Ang tatlong maestra na kasama ni Maestra Villareal ay hindi nakatira sa kaniyang eskwelahan kung kaya't umuuwi rin ang mga ito sa kanilang mga tahanan pagkatapos ng kanilang mga klase.

"Celestina, maghugas ka ng mga pinggan at kubyertos. Tiyakin mong malinis ang hapag at kusina bago ka matulog" utos ni Maestra Villareal bago ito umakyat papunta sa kaniyang silid. Dahan-dahan nang tumayo si Celestina na ngayon ay maluha-luha na dahil nagdurugo na ang kaniyang tuhod. Ilang beses na siyang naparusahan ng ganito at ang malala pa ay minsan sa asin pa siya pinapaluhod ngunit kahit ganoon ay pinipilit pa rin niyang maging matatag.

Napahawak si Celestina sa dinding dahil muntikan na siyang mawalan ng balanse sa kaniyang pagtayo dahil sa tuhod niyang sobrang hapdi at kumikirot. Nagulat siya nang may humawak sa kaniyang balikat at tinulungan siyang tumayo.

"Ihahatid na kita sa iyong silid" saad ni Loisa sabay ngiti, inabutan rin siya nito ng isang basong tubig. Napatitig lang si Celestina sa baso at hindi niya maunawaan kung bakit siya tinulungan ng bagong estudyante ni Maestra Villareal na kakarating lang kahapon.

"Ah. Malarahil ay hindi mo pa ako kilala. Ako nga pala si Loisa... Loisa Espinoza" pakilala niya, may kaunting pag-aalinlangan at kaba si Loisa na banggitin ang kaniyang apelyido dahil siguradong pamilyar kay Celestina ang apelyidong Espinoza.

Ang pamilya Espinoza ang naging mortal na kalaban ng ama ni Celestina sa pulitika at ang isa sa mga dahilan din ng pagkasira ng kaniyang ama at ang pagbasak ng kanilang kabuhayan at pamilya.

"Nais ko sanang malaman mo na hindi ako sang-ayon sa kaguluhang nangyari sa ating mga pamilya noon. Ako na mismo ang humihingi ng tawad sa mga----" hindi na niya natapos pa ang kaniyang sasabihin dahil biglang sumulpot ang batang si Esteban.

"Ate Tinang, nahugasan ko na po ang lahat ng pinggan at kubyertos. Nalinis ko na rin po ang kusina kaya halika na ate bago pa tayo maabutan dito ni bruha" wika ni Esteban at bigla siyang napatakip ng kaniyang bibig dahil nakalimutan niyang hindi niya dapat sinabing bruha si Maestra Villareal sa harap ng estudyante nitong si Loisa.

Napangiti naman si Loisa at hinawakan ang ulo ni Esteban. "Huwag ka mag-alala, wala akong narinig" ngiti niya sabay kindat sa bata. Napangiti naman si Esteban at hinawakan na niya ang kaniyang ate Celestina. 

"Ako na po ang bahala kay ate, maraming salamat po binibini" paalam ng bata kay Loisa habang inaalalayan niya ang kaniyang ate Celestina papunta sa maliit na hagdanan sa likod kung saan patungo iyon sa maruming kusina at sa kanilang silid sa ibaba. Sa pagkakataong iyon, habang pinagmamasdan ni Loisa si Celestina na pababa ng hagdan, maging siya ay inuusig ng konsensiya kahit pa wala naman siyang kasalanan sa paghihirap nito. 


KINABUKASAN, mas maagang gumising si Esteban at siya na ang nagluto ng almusalan. Labin-limang pritong itlog, sinangag na kanin na sinahugan ng gulay ang niluto niya. Nagsaing na rin siya ng panibagong kanin dahil hindi kumakain si Maestra Villareal ng mamantikang pagkain. Siya na rin ang tumakbo at bumili ng mainit na pandesal sa panaderia na malapit sa kanila dahil alam niyang hindi ngayon makakabili sa labas ang kaniyang ate Celestina.

Naalimpungatan si Celestina nang maamoy niya ang bango ng nilulutong pagkain ni Esteban. Napangiti na lang siya nang makitang pursigidong magluto ang bata habang nakatungtong pa ito sa bangko upang maabot ang lutuan.

Kagabi ay si Esteban din ang naglagay ng gamot sa kaniyang mga sugat at kinantahan pa siya nito bago matulog. Sa edad na pitong taong gulang ay marami nang nalalaman na gawain sa bahay si Esteban at kahit kailan ay ayaw niyang maging pabigat sa kaniyang ate Celestina. Si Celestina rin kasi ang dahilan kung bakit pumayag si Maestra Villareal na tumira si Esteban sa kaniyang bahay dahil nakiusap si Celestina at pinaglaban nito ang karapatan ni Esteban na mabuhay sa mundo.

"Huwag ka nang bumangon ate, ako na po ang bahala rito" saad ni Esteban, napangiti lang si Celestina at naghilamos na siya, naghugas ng kamay at nagsipilyo. Sumenyas siya kay Esteban at tinuro niya ang mga pagkaing niluto nito saka tinuro niya ang hagdan paitaas. Naunawaan naman ni Esteban na kailangang si Celestina pa rin ang maghatid ng mga pagkain sa hapag dahil bawal umakyat doon si Esteban.

"Ah! Oo nga pala, hindi pala maaaring malaman ni bruha na ako ang nagluto ngayon dahil tiyak malalagot tayong dalawa at maghahasik na naman siya ng lagim" tawa ni Esteban dahilan para lumitaw ang bungi nitong ipin sa harapan. Ginulo-gulo naman ni Celestina ang buhok ng kaniyang kapatid-kapatiran dahil sa kapilyuhan nito.


ALAS-KUWATRO na ng hapon, matapos ang siyesta ay nagtungo ang mga estudyante sa silid-aralan ni Maestra Villareal dahil oras na ng pagtuturo nito. Sa umaga, paggising nila ng alas-kuwatro ay maliligo sila at mag-aayos. Alas-singko ay sabay-sabay silang mag-aalmusal. Alas-sais naman ay mag-dadasal sila sa harap ng altar at magrorosaryo sa paggabay ni Madre Milagros.

Alas-otso naman ay tuturuan sila ni Maestra Castellanos sa pagpipinta at pagbuburda. Alas-diyes naman ay tuturuan sila ni Maestra Asuncion sa pagtutog ng mga intsrumento, minsan ay tinuturuan din sila nitong sumayaw ng tama. Alas-dose ng tanghali ay sabay-sabay silang mag-tatanghalian kasama ang kanilang apat na maestra.

Pagsapit ng ala-una hanggang alas-tres ay oras ng siyesta kung kaya't kani-kaniya silang pasok sa kanilang mga silid upang umidlip sandali. Pagsapit naman ng alas-kuwatro ay mag-uumpisa naman ang pagtuturo sa kanila ni Maestra Villareal ng iba't ibang aralin. Alas-sais matatapos ang kanilang klase at magdadasal muli sila sa altar.

Bago mag-hapunan ay pinapayagan silang magkwentuhan sa salas at pagsapit ng alas-siyete ay sabay-sabay ulit silang kakain ng hapunan. Si Maestra Villareal na lang ang kasama nila sa hapunan dahil nakauwi na ang tatlo pa nilang maestra. Pagsapit ng alas-nuwebe ay dapat nakaligo na sila at nakabihis ng pang-tulog. Alas-diyes ay naglilibot si Maestra Villareal at isa-isa niyang sisilipin ang kaniyang mga estudyante kung tulog na ba ang mga ito, kapag naabutan niyang gising pa ang isa papaluhurin niya ito sa sahig at papabigkasin ng tula sa wikang Espanyol.

"Celestina, halika rito!" matapang na sigaw ni Maestra Villareal nang matanaw niyang pababa na ng hagdan ang dalaga. Lumabas muna siya sa kanilang silid-aralan dahilan para maantala ang klase niya. "Puntahan mo si Aling Paz at kunin mo ang dalawang bestida na pinatahi ko sa kaniya. Siguraduhin mong maayos mong madadala sa akin ang aking damit, ang tela niyon ay mula pa sa Italya. Entendido?" utos nito sabay kumpas ng kaniyang baston na ginagamit niya sa pangturo sa pisara at pangpalo sa kamay ng pasaway na estudyante.

Bago pa man tumango si Celestina ay tinalikuran na siya ni Maestra Villareal at bumalik na ito sa kaniyang klase. Natanaw ni Celestina na nakatingin sa kaniya si Loisa na ngayon ay sobrang linis at aliwalas tingnan dahil sa suot nitong kulay puti na baro at asul na saya. Maayos ding nakapusod ang kaniyang malambot na buhok na nilagyan pa ng palamuting rosas na pang-ipit.

Napatingin naman si Celestina sa kaniyang sarili, sa tapat ng isang malaking salamin na nakasabit sa dingding ng hagdan. Maayos namang nakapusod ang kaniyang buhok habang ang ilang hibla sa harapan ay tumatama na sa kaniyang mata at pisngi. Marumi ang kaniyang kasuotan, hanggang siko ang manggas ng kaniyang damit na kulay puti ngunit nagmumukhang kulay dilaw na dahil kupas na itong tignan. Hanggang talampakan din ang haba ng kaniyang saya na puro tahi na dahil butas-butas na ito. Maging ang kaniyang nag-iisang pang-yapak na al pombra ay butas at pudpod na. 

Ang hitsura at kasuotan niya ngayon ay malayong-malayo sa buhay na tinatamasa niya noong nabubuhay pa ang kaniyang ama. Agad niyang pinunasan ang luhang namumuo sa kaniyang mga mata. Sa tuwing naaalala niya ang kaniyang ama ay nagiging taksil ang mga luha niya.


"SANDALI lang hija, aking kukunin sa itaas ang tinahi kong damit ng iyong señora" magiliw na saad ni Aling Paz at diretso itong umakyat sa ikalawang palapag ng kaniyang bahay. Si Aling Paz ay kilalang mananahi ng mga damit pang-mayaman at traje de boda (damit pang-kasal). Ang kaniyang tindahan ay matatagpuan malapit sa Binondo.

Pagdating ni Celestina roon ay kakaalis lang ng mga suki ni Aling Paz kung kaya't tahimik na muli sa loob ng kaniyang tindahan. Puno ng mga magaganda at makukulay na baro't saya ang nakasabit sa gilid. Magmula sa kulay asul, pula, dilaw, luntian, lila hanggang sa mga magagandang traje de boda na kulay puti at na may magagandang burda na kulay ginto. Isa-isang pinagmasdan ni Celestina ang naggagandahang mga damit na iyon. Naalala niya na marami rin siyang ganoong kasuotan noon ngunit ni isa ay wala siyang nakuha nang palayasin siya sa sariling mansyon matapos lang ilibing ang kaniyang ama.

Ilang sandali pa ay nagulat siya nang marinig ang yapak ng mga sapatos at boses ng lalaking nagkwekwentuhan. "Heto na, sinabi ko naman sa iyo na tama ang direksyon ko, e" saad ng isang binata na ubod ng tangkad, yumuko pa ito nang pumasok sila sa pintuan ng tindahan ni Aling Paz.

"O'siya, ikaw naman lagi ang tama" wika ng binata na kasama nito, nagulat si Celestina nang makilala niya ang isa sa dalawang binatang iyon na kakapasok pa lang sa loob ng tindahan. Hinubad nila ang kanilang sumbrero upang magbigay-galang at bumati sa may ari ng tindahan ngunit wala silang nakitang tao sa loob. Agad nakapagtago si Celestina sa likod ng mga damit dahil nataranta siya nang makita niya si Martin.

"Aling Paz? Aling Paz... " tawag ni Timoteo habang si Martin naman ay nagsimulang maglibot sa paligid at tumingin-tingin sa mga magagandang damit na nakasabit sa bawat gilid. Halos hindi makahinga sa kaba si Celestina lalo na nang maaninag niyang papalapit si Martin sa pinagtataguan niya.

Napagtanto ni Celestina na sa likod ng isang magandang traje de boda siya nakapagtago at ngayon ay pinagmamasdan na iyon ni Martin. Ilang sandali pa ay bumaba na si Aling Paz at nagulat siya nang makita si Timoteo. Ang asawa ni Timoteo ay suki rin ng tindahan ni Aling Paz.

"Oh, hijo may ipapatahi muli si Linda?" tanong ni Aling Paz sabay lapag sa mesa ng kinuha niyang damit ni Maestra Villareal. "Siya nga pala may nakita ba kayong binibini rito? Iniwan ko lang siya kanina sandali" nagtatakang saad ni Aling Paz. Kinuha niya ulit ang papel na binigay ni Celestina kanina at binasa iyon. Sinulat iyon ni Celestina kanina bago siya umalis at binigay niya kay Aling Paz upang maintindihan agad nito ang kaniyang sadya.

Si Celestina ay hindi nakakapagsalita ngunit siya ay nakakarinig at naiintindihan niya ang sinasabi ng mga taong kumakausap sa kaniya. Pag-senyas at pagsulat ang paraan niya upang maiparating sa ibang tao ang nais niyang sabihin kung kaya't madalas siyang may dalang maliit na kuwaderno at panulat na nakalagay sa kaniyang bulsa.

"Wala po kaming naabutang tao rito kanina" sagot ni Timoteo. "Ang sabi niya rito sa sulat ay kasamabahay siya ni Maestra Villareal" saad naman ni Aling Paz at inilapag na niya ang papel saka hinarap ang dalawang binata.

"Bueno, ano palang maipaglilingkod ko sa inyo mga ginoo?" tanong niya sa dalawa. "Martin! Halika na rito" tawag ni Timoteo sa kaibigan, napalingon naman sa kaniya si Martin at naglakad na papalapit sa kanila.

"Ang aking kaibigan ho kasi ay ikakasal na, kakagaling lang niya mula sa Europa at nais niyang surpresahin ang kaniyang matagal nang kasintahan. Mag-wawalong taon na po ang kanilang relasyon" ngiti ni Timoteo sabay tapik sa balikat ng kaniyang kaibigan. Napakamot naman sa ulo si Martin dahil pinangunahan ni Timoteo ang kaniyang sasabihin.

"Nakakatuwa naman, napakwerte ng binibining iyong napupusuan hijo" magiliw na wika ni Aling Paz na ngayon ay abot tenga na ang ngiti. Nasa edad apatnapung taong gulang lang si Aling Paz at maliit lang siyang babae ngunit mukha pa rin siyang bata dahil siya ay palangiti.

"Magandang hapon po. Nais ko po sanang alukin ng kasal ang aking kasintahan" wika ni Martin sabay ngiti. Kahit pa ang matandang si Aling Paz ay nabighani sa ngiti ng binatang maginoo.

"Pangako, gagawin ko ang lahat upang ang iyong kasintahan ang maging pinakamagandang binibini sa araw mismo ng inyong kasal" ngiti pa ni Aling Paz at nagtawanan silang tatlo. Samantala, sa likod ng mga damit ay naroon si Celestina at ang kaniyang pusong durog at nagdadalamhati. 


ALAS-SAIS na ng hapon, sa mga oras na ito ay dapat nagmamadali na si Celestina umuwi dahil magluluto na siya ng hapunan ngunit sa pagkakataong ito ay tulala lang siya sa kawalan at mabagal na naglalakad sa gitna ng magulong kalsada ng Maynila.

Hindi niya alintana ang mga kalesa at taong papasalubong sa kaniya. Ang ilan ay kusa nang umiiwas dahil halatang wala sa sarili si Celestina habang tulalang naglalakad bitbit ang isang malaking tampipi na naglalaman ng dalawang magarbong damit ni Maestra Villareal.

Hindi mabura sa isipan ni Celestina ang narinig niya kaninang pag-uusap sa tindahan ni Aling Paz. Ang mga ngiti at kislap sa mata ni Martin nang sabihin niyang aalukin niya ng kasal ang kasintahan nito ay labis na nagpadurog sa puso niya ngayon.

Ano pang inaasahan mo Celestina? Apat na taon na ang lumipas mula nang huli mo siyang nakita at hindi ka naman niya kilala. Siguro sa pangalan ay kilala ka niya ngunit hindi ka pa niya nakikita at wala rin naman siyang intensiyon na makita ka dahil sa umpisa pa lang ay tinanggihan niya agad ang inaalok na kasal ng iyong ama noon, hindi ba?

Ang sabi niya noon ay kaya ayaw niyang magpakasal ay dahil mag-aaral siya sa Europa. Ngunit ngayon ay mayroon na pala siyang kasintahan at matagal na pala sila. Totoo pala ang sinabi sa iyo ni Manang Dominga na gumagawa lang ng dahilan si Martin.

Si Manang Dominga ang nag-iisang serbidora at tagapag-silbi noon ni Celestina ngunit hindi na niya alam kung nasaan ito. Labis na dinamdam iyon ni Celestina lalo na't napamahal na ang matanda sa kaniya ngunit ngayon ay hindi niya alam kung saan ito hahanapin. Mas gugustuhin pa niyang tumira kasama si Manang Dominga kaysa sa piling ni Maestra Villareal.

Sa tingin mo ba Celestina, bakit hindi man lang ninais ni Martin na makita at makilala ka bago niya tanggihan ang alok na kasal ng iyong ama? Naalala mo ba ang mga salitang binitiwan niya noong nagpapaliwanag siya sa iyong ama kung bakit niya tinanggihan ang kasal? usig pa ng kaniyang konsensiya.

Sa pagkakataong iyon biglang napatigil sa paglalakad si Celestina at napatulala siya sa kalangitan na ngayon ay nag-aagaw dilim na. Muli niyang naalala ang pangyayaring iyon apat na taon nang nakararaan.


Laguna, 1886

"Hija, nasa salas ngayon si Señor Martin at Don Facundo kausap ang iyong ama tungkol sa kasal na magaganap sa pagitan niyo" nakangiting saad ni Manang Dominga, nabitawan naman ni Celestina ang damit na kaniyang binuburdahan ng rosas at gulat siyang napalingon kay Manang Dominga.

"Ito ang unang pagkakataon na papayagan kitang lumabas ng iyong silid" wika pa ni Manang Dominga sabay ngiti. Agad namang napatayo si Celestina at niyakap nang mahigpit si Manang Dominga na itinuturing na rin niyang pangalawang ina. Dali-dali silang lumabas sa kwarto at sumilip sa hagdan.

Nang marating ni Celestina ang ikalawang-palapag ng bahay bago siya sumilip sa ibaba ng hagdan ay napalingon siya kay Manang Dominga na nakasunod sa kaniyang likuran. Tumango ito sabay ngiti, napangiti rin si Celestina saka dahan-dahang sumilip sa gilid ng hagdan kung saan kitang-kita niya ngayon sa salas ang binatang matagal na niyang hinahangaan.

"Ipinaubaya ko na sa aking anak ang pagpapasiya. Malaki na siya at batid kong kaya na niyang mag-desisyon para sa kaniyang sarili" saad ni Don Facundo, sabay inom ng kape na inihain sa kanila. Dalawampung taon pa lang si Martin ngunit batid ni Don Facundo na matalino ang kaniyang anak.

Si Don Facundo at ang pamilya Buenavista na lamang ang nag-iisang pamilyang pinagkakatiwalaan ni Don Mateo lalo na't hindi sumasali si Don Facundo sa away ng pamilya Cervantes at pamilya Espinoza sa pulitika. Walang pinapanigan si Don Facundo at payapa siyang namumuno bilang alcalde mayor ng isang bayan sa Laguna.

"Kung gayon... Ano ang iyong desisyon hijo?" tanong ni Don Mateo, napaubo pa siya nang malakas at nang mahimasmasan ay inabutan siya ni Don Facundo ng tubig. 

Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Martin bago siya magsalita "Nais ko po sanang humingi ng paumanhin sa inyo Don Mateo sapagkat nais ko pa pong mag-aral sa Europa" sagot ni Martin dahilan upang maghari ang nakabibinging katahimakan sa buong paligid. 

Marami pa po akong pangarap na nais kong makamit at hindi pa po ako handang magpakasal" patuloy pa nito habang nakayuko. Mula nang malaman niya noong nakaraang linggo na nais ipakasal sa kaniya ni Don Mateo ang nag-iisang unica hija nito ay hindi na siya makatulog. Hindi niya alam kung paano ito sasabihin kay Loisa na kaniyang kasintahan ngunit lihim lang ang kanilang relasyon.

Hindi naman agad nakapagsalita si Don Mateo at napasandal na lang siya sa kaniyang upuan. Hindi niya inaasahan na ganoon kadaling tinanggihan ng isang Buenavista ang alok ng isang tulad niyang makapangyarihang gobernadorcillo. 

"M-maaari ka namang mag-aral sa Europa kahit ikaw ay kasal na. Makapaghihintay naman ang aking anak at kung kailan niyo gustuhin magkaroon ng supling ay kayo ang bahala" wika pa ni Don Mateo na ngayon ay dismayado.

Napalingon naman si Martin sa kaniyang ama na ngayon ay tumango lang sa kaniya. "A-ang totoo ho niyan, mawalang-galang na ho Don Mateo at paumanhin sa aking itatanong... totoo ho bang may kapansanan ang inyong anak?" tanong nito na ikinagulat ni Don Mateo, sandali siyang hindi nakapagsalita dahil sa gulat. 

Napapikit na lang siya sa inis at hinawakan niya ang kaniyang kamay na nanginginig na ngayon dahil sa malaking pagkadismaya. Ilang sandali pa ay tumayo na siya ngunit bigla siyang nawalan ng balanse kung kaya't inalalayan siya agad ni Don Facundo at Martin ngunit mabilis na sumenyas ang Don na huwag siyang hawakan.

"Don Mateo!" halos sabay na saad nina Don Facundo at Martin. Totoong nag-aalala sila sa kalagayan ng gobernadorcillo. Sumenyas muli si Don Mateo na huwag siyang hawakan ng mga ito lalo na't hindi niya akalaing parang basurang itinapon ng mga ito ang anak niya at ang kaniyang tiwala.

"M-maaari na kayong umalis at sa oras na lumabas kayo ng pinto mula sa aking pamamahay ay isara niyo na ito at huwag na kayong lilingon pa pabalik. Wala na akong pag-asa at ang natatanging pag-asa na nakikita ko ay sinira niyo na. Sana lamang ay balang araw maalala niyo ang araw na ito, ang araw kung saan isa rin kayo sa nagmasid kung paano gumuho ang mundo ng aking pamilya" wika ni Don Mateo, hindi na siya lumingon pa habang papaakyat siya sa hagdan. Malinaw na sa kaniya na maging ang pamilya Buenavista ay tinalikuran na rin siya.

Ngunit sa kabila niyon ay may nag-iisang tao na kailanman ay hindi siya magagawang talikuran. At ang taong iyon ay madadamay din sa unti-unting pagguho ng kanilang mundo, ang nag-iisa niyang anak, si Celestina. 

Isang mainit na luha ang pumatak sa mga mata ni Celestina habang nakatingala siya sa kalangitan. Mag-iisang taon na mula nang mamatay ang kaniyang ama na siyang naging mundo niya mula nang siya'y isilang. At ngayon wala nang natira sa kanila, wala nang natira sa kaniya. Ang lahat ng ari-arian, negosyo, kapangyarihan maging pangalan ay nawala na sa kaniya.

Mag-isa na lang siya sa buhay. Mag-isa na lang siyang nabubuhay sa mundo kung saan tanging si Esteban lang ang hindi nakakakita ng kapansanan at pangalan niya bilang sumpa. Sa pagkakataong iyon, hindi niya namalayan na papasalubong na pala si Martin at ang kaibigan nitong si Timoteo sa kaniya.

Nag-uusap ang dalawa tungkol sa mga karanasan nila noong bata pa sila nang biglang mapatigil si Martin at mapalingon sa babaeng nakasalubong niya. "Madalas ngang napapagalitan si Tonyo ni Maestro noon, sadyang pilyo talaga ang isang iyon" tawa pa ni Timoteo, napatigil din siya sa paglalakad nang mapansin niyang wala na si Martin sa tabi niya.

Nagtataka siyang napalingon sa kaibigan at hinawakan niya ang balikat nito. "Bakit?" tanong niya, nakatitig pa rin si Martin sa dalagang nakatayo lang ngayon sa gitna ng kalye. Ilang sandali pa ay nakilala niya na ito ang babaeng nabangga niya kahapon sa pamilihan ng Binondo.

"Sandali!" tawag ni Timoteo sa kaniyang kaibigan na ngayon ay tumatakbo na papalapit sa babae.

"Binibini!" tawag ni Martin ngunit hindi siya nililingon ni Celestina, nagpatuloy na ito sa paglalakad nang paika-ika. Mahapdi pa rin ang sugat na tinamo niya mula sa parusa ni Maestra Villareal kagabi. Bitbit din niya sa kaniyang harapan ang isang malaking tampipi na naglalaman ng damit ng kaniyang señora.

Ilang sandali pa ay napatigil siya sa paglalakad at gulat na napatingala sa ginoong biglang humarang sa daraanan niya, hinihingal at nakangiti ito "Mabuti na lang nakita kita muli, pasensiya na sa nangyari kahapon, baka akalain mong isa akong kawatan at tinakasan kita nang ganoon lang" paliwanag ni Martin at napahimas pa ito sa kaniyang batok dahil sa hiya.

Hindi siya sanay makipag-usap sa mga binibini kung kaya't madaling mamula ang kaniyang pisngi. Kahit pa noon kay Loisa ay minsan nakakaramdam siya ng hiya. Agad siyang dumukot ng salapi sa kaniyang pitaka at inabot niya iyon kay Celestina.

"Nawa'y sapat na iyan sa aberyang naidulot ko sa iyo kahapon. Hindi ko talaga sinasadya" patuloy niya pa, nanatili namang gulat at tulala sa kaniya si Celestina. Hindi niya akalaing nasa harapan niya ngayon ulit si Martin at kinakausap na siya nito.

Nakahabol na si Timoteo at napangiti rin siya nang makita si Celestina "Isang napakagandang hapon sa magandang binibini" ngisi nito, agad naman siyang sinagi ni Martin dahil sadyang may pagka-babaero si Timoteo kung minsan.

"Huwag mo intindihin ang kaibigan kong ito may pagka-pilyo lang ito. Ako nga pala si Martin Buenavista at siya naman si Timoteo Concepcion" pakilala ni Martin sabay lahad ng kaniyang palad. Napatitig lang si Celestina sa kamay ng binata at ngayon ay tila nanigas na sa lamig ang kaniyang buong katawan.

Sa mga pagkakataong iyon, hindi niya alam ang kaniyang gagawin. Hindi ganoon kadali magpakilala lalo na sa isang tulad niya na hindi nakakapagsalita. "Kung iyong nanaisin ako na ang magdadala niyan at ihahatid ka na rin namin sa iyong paroroonan" saad pa Martin, napatulala muli si Celestina sa kamay ng binata at napansin din niya na may hawak itong tatlong rosas. Napagtanto niya ang rosas na iyon ay para sa sinisinta nito.

Tila unti-unting nadurog ang kaniyang puso at nanumbalik muli ang alaala nang nakaraan. Ang alaala nang pagkahumaling niya kay Martin. Ang alaala ng pagtanggi nito sa kasal nilang dalawa at ngayon ay handa na itong magpakasal sa babaeng totoong nilalaman ng kaniyang puso. Naglakad na muli si Celestina at nilampasan niya si Martin. Nagtatakang nagkatinginan sina Martin at Timoteo habang tinatanaw si Celestina na paika-ika at nagmamadaling maglakad papalayo sa kanila.


"ISANG oras lang ang pag-uusap" bilin ni Maestra Villareal, nakaupo sila ngayon sa salas habang kabadong naghihintay si Martin hawak ang tatlong rosas na binili niya para kay Loisa. Ilang sandali pa ay natanaw na niyang bumababa sa hagdan ang babaeng sinisinta.

Suot ang napakagandang kulay puti at asul na baro't saya, dahan-dahang bumababa si Loisa sa hagdan habang nakatitig at nakangiti sa binatang apat na taon niyang hinintay. "Magandang gabi" bati ni Martin sabay lahad ng kaniyang palad at hinalikan niya ang kamay ng dalaga.

Napangiti naman si Loisa at namula ang kaniyang pisngi nang iabot ni Martin ang tatlong rosas na paborito nito. Agad niyang inilagay sa isang porselang paso ang rosas, malayo sa salas. Naupo na sila sa mahabang upaun sa salas kung saan nakaupo naman sa di-kalayuan si Maestra Villareal habang nagbabasa ito ng libro. Naroon si Maestra Villareal upang maging bantay nilang dalawa.

Noong umpisa ay nagkahiyaan at puro ngiti lang ang naging takbo ng usapan nila hanggang sa magtanong na si Loisa patungkol sa naging buhay at karanasan ng kaniyang kasintahan sa Europa. Ikinuwento naman ni Martin ang naging buhay niya mula sa tinitirhan niya roon hanggang sa araw kung saan natanggap na niya ang kaniyang diploma.

"Ang totoo niyan, may ibig akong ibigay sa iyo" wika ni Martin, malapit na rin matapos ang isang oras na palugit ni Maestra Villareal upang makapagusap sila kaya naisipan niyang alukin na ang dalaga tungkol sa pagpapakasal. Akmang dudukutin na niya ang singsing na gawa sa ginto na nabili niya pa sa Paris ngunit napatigil siya nang marinig ang sigaw ni Maestra Villareal.

"Celestina! Ang miryenda para sa panauhin! Kanina pa kita sinabihan" sigaw nito, si Loisa na mismo ang nahiya at humingi ng paumanhin sa kasintahan. Ipinaliwanag din niya na strikto talaga ang kanilang maestra kaya dapat masanay na rin siya.

"Sa oras na ikaw ang sigawan at pahirapan ng inyong maestra sabihin mo lang sa akin dahil hindi ko iyon palalagpasin" seryosong saad ni Martin, napangiti naman si Loisa at hindi maitatanggi na natuwa siya sa sinabi ng binata.

Ilang sandali pa ay dumating na ang pamilyar na babae suot ang kaniyang lumang damit at nagmamadaling nagtungo sa salas saka inilapag ang miryendang tinapay na may keso at inumin na tsokolate. Nanlaki ang mga mata ni Celestina nang makita si Martin na nakaupo sa salas katabi si Loisa. Maging si Martin ay nagulat at hindi rin makapaniwala na ang babaeng nabunggo niya kahapon at kinausap naman niya kanina ngunit tinakbuhan siya ay kasambahay pala ni Maestra Villareal.

"I-ikaw..." hindi na natapos ni Martin ang kaniyang sasabihin dahil biglang napaiwas ng tingin si Celestina at nagmamadali siyang umalis sa salas.

"Ayusin mo na ang hapag! Huwag kang babagal-bagal!" sigaw pa ni Maestra Villareal at sinundan pa si Celestina papunta sa hapag-kainan upang sermonan dahil ang bagal ng kilos nito ngayon. Wala siyang pakialam kahit pa masakit ang sugat sa tuhod ng dalaga.

"Ang liit ng mundo, nakita ko na naman siya sa ikatlong pagkakataon" tulalang saad ni Martin, nagtataka namang napalingon sa kaniya si Loisa.

"K-kilala mo siya?" tanong nito, sa pagkakataong iyon hindi maunawaan ni Loisa kung bakit bigla siyang nakaramdam ng kaba na baka magkakilala na noon pa man ang nobyo niya at ang mapapangasawa dapat nito.

"Hindi ko sinasadyang mabangga siya sa pamilihan kahapon at kanina ay nakasalubong ko muli siya roon. Humingi ako ng paumanhin sa kaniya at nagpakilala ngunit tinakbuhan niya kami ni Timoteo" tugon ni Martin, tinikman niya ang tsokolateng inumin na dinala ni Celestina.

"Masarap ang tsokolate na ito" papuri niya, bago sa kaniyang panlasa ang timplang iyon ng tsokolate. Ngumiti siya kay Loisa ngunit nanatili itong nakatitig lang sa kaniya na parang nag-aalala.

"Bakit?" tanong niya, napayuko naman si Loisa saka napahinga nang malalim.

"Hindi mo ba nakikilala ang babaeng iyon?" tanong ni Loisa, napatingin naman si Martin kay Celestina na ngayon ay nakayuko lang habang dinuduro-duro at hinahampas sa braso ni Maestra Villareal. Nasa hapag-kainan lang ito kung kaya't natatanaw sila nina Loisa at Martin.

Napailing si Martin "Ngayon ko pa lang naman siya nakita, bakit?" tanong muli ni Martin. Sa limang hampas sa balikat na tinamo ni Celestina mula kay Maestra Villareal ay nagpakunot iyon sa noo niya. Nais na niyang tumayo at patigilin ang señora sa ginagawa nito. Alam niyang may kapangyarihan at karapatan naman siyang gawin iyon dahil anak siya ni Don Facundo na nirerespeto ni Maestra Villareal ngunit sa oras na pakialaman niya si Maestra Villareal ay hindi na siya papayagan nito na dumalaw kay Loisa.

"Siya ang anak ni Don Mateo Cervantes. Siya si Celestina Cervantes" wika ni Loisa, gulat na napatingin si Martin sa kaniya at nang ibaling niya muli ang kaniyang paningin kay Celestina na pinapaulanan ng mura at hampas ngayon ay tila tumigil ang pag-ikot ng kaniyang mundo.

"Naalala mo ang sinabi mo noon sa akin na may hinala kang totoo nga na may kapansanan ang anak ni Don Mateo dahil nang tinanong mo ito ay nagalit ang Don" patuloy pa ni Loisa at napalingon din siya kay Celestina na pinapahirapan ngayon ni Maestra Villareal.

"Totoong may kapansanan si Celestina... Hindi siya nakakapagsalita" dagdag pa nito. Sa pagkakataong iyon, tila nabalot ng kadiliman mula sa nakaraan si Martin habang pinagmamasdan ngayon ang kalagayan ni Celestina na ngayon pa lang niya nakilala.

Hindi mawala sa isipan ni Martin ang katotohanang isa siya sa may kasalanan sa tinatamasang buhay ngayon ni Celestina, na nailigtas sana niya ngayon kung pumayag lang siyang pakasalan ito noon.


******************
#ThyLove

Note: Credits to the owner of the photos. 


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top