Ika-Tatlumpu't Tatlong Kabanata

[Kabanata 33]

MABILIS na tumatakbo ang isang batang babae pababa ng hagdan. Maiiksi pa ang kaniyang binti kung kaya't maliliit na hakbang lang ang kaniyang nagagawa. Para sa kaniya, ang mansion na kanilang tinitirahan ay tulad ng isang malaking palasyo.

Napangiti siya nang makita sa salas ang kaniyang pinakahihintay "Papa!" ngiti ng batang babae at kumaripas ng takbo papalapit sa lalaking nakatayo sa tapat ng bintana habang may hawak itong baso ng alak.

Napangiti si Martin saka inilapag sa mesa ang hawak niyang alak sabay buhat sa batang babae na agad yumakap sa kaniya ng mahigpit. "Ako ay may biniling pasalubong para sa iyo" ngiti ni Martin sabay pisil sa pisngi ng bata na napahalakhak ng matinis.

"Sofia, huwag ka na magpabuhat sa iyong tiyo. Hindi ba't ang sabi mo sa akin ay hindi ka na bata" suway ni Linda, sinubukan niyang kunin si Sofia mula kay Martin ngunit muli itong yumakap ng mahigpit kay Martin.

"Nang dahil lamang sa tsokolate ay tila nakakalimutan mo na ako ang iyong papa" wika ni Timoteo sabay gulo sa buhok ni Sofia. "Palibhasa ginagawa mo siyang lalaki sa tuwing naglalaro kayo kung kaya't hindi niya ibig makipaglaro sayo" wika ni Linda habang nakapamewang pa. Kinuha niya ang hawak na basahan saka ipinunas sa pisngi ng asawa, may naiwan pang maliit na piraso ng tinapay sa pisngi nito.

"Ibig ko po ng manika, papa" wika ni Sofia habang nakayakap pa rin ng mahigpit kay Martin. Natawa na lang si Martin dahil magrereklamo sana si Timoteo kung bakit papa ang tawag ng anak niya kay Martin ngunit mabilis na isinubo ni Linda ang basahan sa bibig ng asawa.

"O'siya, bibilhan kita ng manika sa oras na iyong makabisado ang mga letra sa alpabeto" ngiti ni Martin, napasigaw naman sa tuwa si Sofia. Mapalad siya sapagkat mayroon siyang mapaghamal na mga magulang at higit doon ay mahal na mahal din siya ng kaniyang tiyo Martin na madalas magbigay ng regalo at pasalubong sa kaniya.

"At dahil diyan, kailangan na natin matulog dahil kailangan mo nang pagbutihin ang ating aralin bukas" saad ni Linda sabay kuha kay Sofia. Agad namang humalik si Sofia sa pisngi ng kaniyang tiyo Martin at kumaway.

"Sandali, paano naman ako?" wika ni Timoteo na nagkunwaring umiiyak na tuta. Napangiti naman si Sofia sabay yakap sa kaniyang ama at hinalikan niya rin ito sa pisngi. "Matulog ka ng mabuti aming prinsesa" ngiti ni Timoteo sabay gulo sa buhok ng anak na agad sinuway ni Linda dahil masisira ang koronang bulaklak na nakalagay sa buhok nito.

Nang makaakyat na ang mag-ina sa silid nito ay muling bumalik sa seryosong usapan ang dalawang magkaibigan. "Kumusta na si Diego? Matagal na noong huli ko siyang nakita" wika ni Martin sabay inom ng alak. Napasandal naman si Timoteo sa bintana sabay kuha ng tobacco at sinindihan iyon.

"Ang huli niyang nabanggit sa liham na ipinadala niya sa akin noong nakaraang linggo ay ibig na niyang pagbutihin ang kaniyang propesyon. Hindi ko batid kung ano ang nakain ng pilyong iyon na ibig nang magbagong buhay" tawa ni Timoteo, natawa na lang din si Martin dahil kilala niyang tamad sa buhay si Diego at hilig lang nito ang maglustay ng salapi.

"Siya nga pala, ano na ang iyong balak ngayon? Magkakaroon na kayo ng anak ni Loisa" saad ni Timoteo dahilan upang mapabuntong-hininga si Martin sabay inom muli ng alak.

"Ikaw ba ay maniniwala sa akin kung sasabihin ko sa iyo na walang nangyari sa amin ni Loisa?" tanong ni Martin sabay tingin ng derecho sa kaibigan. Napatikhim na lang si Timoteo sabay buga ng usok. "Oo, naniniwala ako sa iyo. Ngunit ang madla at ang buong bayan ay hindi maniniwala sa isang lalaking magtatakwil sa sariling asawa at anak" tugon ni Timoteo dahilan upang matahimik si Martin. Ibinaling na lang niya muli ang kaniyang paningin sa madilim na kalsada sa labas.

"Ikaw ba ay maniniwala rin sa akin kung sasabihin ko sa iyo na nakita ko na muli si Celestina" wika ni Martin na ikinagulat ni Timoteo, nasamid pa ito sa kaniyang sigarilyo. "I-ikaw ba ay nakatitiyak sa iyong sinasabi? Paanong---" hindi na niya natapos ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita si Martin.

"Nang muli ko siyang makita, nahanap ko muli ang aking dating sarili. At ngayon ay mas lalong lumalim ang aking dahilan upang ipaglaban ang aming pagmamahalan" wika ni Martin, napanganga lang si Timoteo sabay hawak sa balikat ng kaibigan.

"A-ang ibig mo bang sabihin ay... itinatago mo si Celestina? A-at ngayon ay may relasyon na kayong dalawa?" gulat na wika ni Timoteo, hindi naman sumagot si Martin ngunit doon pa lang ay alam n ani Timoteo na Oo ang sagot.

"Jusmiyo! Malaking kasalanan ang ginagawa niyong iyan!" wika ni Timoteo sabay hawak sa kaniyang ulo na tila hindi kinaya ang mga rebelesyong ibinahagi ng kaibigan sa kaniya. "Kung kasalanan man ito, handa akong harapin at pagbayaran ang lahat sa kabilang buhay. Hindi mo ako nauunawaan kaibigan, hindi mo nauunawaan ang pakiramdam ng isang taong buong buhay ay hindi nakaranas ng totoong pagmamahal. Na maging ang sariling ama ay magagawang ipagkanulo ako sa impyerno makamtan lang ang kaniyang sariling hangarin" wika ni Martin habang tulalang nakatingin sa kawalan.

"Si Tinang, siya lang ang nag-iisang taong nagpahalaga sa akin ng lubos. Mula pagkabata sa kaniyang puso't isipan ay isa akong mahalagang tao na nakakaranas ng kaniyang pagmamahal kahit pa noong mga panahong iyon ay hindi ko pa siya kilala. Muli kaming pinagtagpo ng tadhana upang ipakilala sa akin na may babaeng hindi binibigyang halaga ang yaman ng aking pamilya at ang impluwensiya ng aking ama. Sa iyong palagay, titingalain at mamahalin baa ko ng lahat kung hindi ako isang Buenavista?" saad ni Martin sabay lingon muli kay Timoteo na ngayon ay hindi nakapagsalita.

"Nakilala niya ako bilang isang binatilyo na tumulong sa kaniya noong nakakulong siya sa apat na sulok ng kaniyang silid. Nakilala ko siya bilang isang dalagita na puno ng kasiyahan sa payak na hardin ng mga rosas. Bago mamatay si ina, minsan niyang nasabi sa akin na kung ako raw ay magmamahal, aking piliin ang babaeng maligaya na sa isang pirasong bulaklak. Dahil walang ibang mamumukadkad kundi ang kaniyang ngiti at pagmamahal para sa akin kahit pa ang lahat ng karangyaan sa mundo ay maglaho sa amin" dagdag ni Martin at agad niyang pinunasan ang kaniyang mga mata upang pigilan ang namumuong luha nito.

"Marahil ay iyon ang huling napagtanto ni ina bago siya bawian ng buhay. Kung nagmahal lang din siya ng isang payak na lalaki. Kung naghangad lamang siya ng totoong pagmamahal na walang halong karangyaan at kapangyarihan. Sa aking palagay ay hindi niya pinagsisihan ang matali sa pag-ibig na batid niyang kailanman ay hindi siya masusuklian" wika ni Martin sabay inom muli ng alak. Sa pagkakataong iyon ay humakbang si Timoteo papalapit sa kaniya sabay tapik sa balikat ng kaibigan.

"Ako'y nagagalak dahil bumalik na muli ang dating Martin na aking nakilala mula pagkabata" ngiti ni Timoteo sabay tapik ng malakas sa kaibigan. Magsasalita pa sana si Martin ngunit napatigil sila nang matanaw ang kumakaripas na kalesa sa kalsada. Agad tumakbo palabas si Martin sa takot na ang sugatang lulan ng kalesang iyon ay isa sa mga miyembro ng rebeldeng grupo nina Adolfo.

"Tinong!" tawag ni Timoteo na agad sumunod sa kaibigan. Nanlaki ang mga mata ni Martin nang makita ang kasambahay na kasama ni Celestina sa hacienda Cervantes. At ang mas lalong ikinagulat niya ay ang makita ang duguan at walang malay na si Celestina na nakahiga sa hita ng babae.


MALALIM na ang gabi nang marating ni Martin ang paggamutan kasama si Timoteo. "Tinong, sandali" pagpigil ni Timoteo bago makababa si Martin sa kalesang kanilang sinasakyan. "Iyong alalahanin na hindi ka dapat maugnay kay Celestina dahil tiyak na gagamitin iyon ni Loisa laban sa iyo. Ako na lang ang papasok sa loob, hindi sila magtataka sapagkat ako'y doktor din sa paggamutang ito" wika ni Timoteo, hindi naman nakagalaw si Martin dahil tama naman ang lahat ng sinabi ni Timoteo. Siguradong magtataka ang mga tao sa paggamutan kung bakit naroroon ang isang Buenavista.

Kinuha na ni Timoteo ang kaniyang maleta kung saan nakalagay ang mga gamit niya sa panggagamot at isnuot na rin niya ng maayos ang kaniyang sumbrerong itim saka tinapik si Martin sa balikat at nagtungo na sa loob ng paggamutan.

Hindi mapakali si Martin sa labas, pilit niyang pinapakalma ang sarili hanggang sa minabuti niyang maupo sa isang gilid. May dalawang palapag ang paggamutan, mula sa labas ay naririnig niya ang kaliwa't kanang yapak ng mga manggagamot at ang mga boses nagmamadaling boses ng mga ito.

Ilang sandali pa, napansin ni Martin ang isang lalaking naka-itim na nakatayo sa likod ng isang puno. Sa pagkakataong iyon ay hindi na nag-atubili si Martin na tumayo at naglakad ng mabilis papalapit sa lalaking iyon na tila hinihintay siyang makalapit.

Madilim ang buong paligid, tanging ang liwanag ng buwan lamang at ang iilang gasera sa labas ang nagbibigay-liwanag sa kanila. Ngunit hindi iyon alintana ni Martin habang mabilis na naglalakad papalapit sa lalaking naka-itim at dahan-dahan niyang hinuhugot sa loob ng kaniyang gabardino ang isang maliit na balisong.

Akmang susugurin na niya ang lalaking naka-itim ngunit mabilis itong nakailag sabay hawak sa braso niya at ipinulupot ito patalikod dahilan upang mapasigaw si Martin at mabitiwan niya ang hawak na balisong. "Maghunos dili ka Ginoong Martin" wika ng lalaki, mas lalong nanlaban si Martin nang marinig ang pamilyar na boses nito. Mabilis na inikot ng lalaki ang kamay ni Martin at itinulak ito sa lupa.

"W-walang kasalanan sa inyo si Tinang! B-bakit niyo siya dinadamay sa kasalanan ng kaniyang lolo!" sigaw ni Martin na akmang susugod muli sa lalaki ngunit nakaiwas itong muli at sinipa siya sa binti dahilan upang mapabagsak siyang muli sa lupa. "Hindi mo ako lubos na kilala Ginoong Martin, ngunit hindi ko kailanman magagawang saktan o paslangin ang isang babaeng nagdadalang-tao" tugon nito sabay dampot sa balisong ni Martin at itinago niya iyon sa kaniyang bulsa.

"A-anong ibig mong sabihin?" gulat na wika ni Martin habang nakadapa sa lupa at napaubo rin siya ng dugo. Dahan-dahang naglakad papalapit sa kaniya ang lalaki saka inilahad nito ang kaniyang palad. "Ipinagbubuntis ni Celestina ang inyong anak" saad ng lalaki dahilan upang tumigil ang takbo ng paligid para kay Martin. Ang mga salitang Celestina at anak ay tila malamig na yelong bumalot sa kaniyang buong katawan.

"Hindi ako nagsisinunggaling. Kung ibig mong malaman kung sino ang taong nasa likod ng nangyari kay Celestina. Sumama ka sa akin" patuloy ni Adolfo, at agad niyang inalalayan patayo si Martin na sa mga oras na iyon ay tulala at hindi pa rin makapaniwala sa kaniyang narinig.

Nang gabi ring iyon ay agad silang nagtungo sa gitna ng kagubatan. "Totoong minamanmanan namin si Celestina lalo na si Don Federico ngunit walang dahilan upang saktan namin si Celestina na nagdadalang-tao" saad ni Adolfo habang naglalakad sila ni Martin sa madilim na kagubatan.

"Paano niyo nalaman ang tungkol kay Celestina?" tanong ni Martin na sa mga oras na iyon ay nagdududa pa rin sa mga kilos ni Adolfo. "Iyo atang nakakaligtaan na ang aming samahan ay dating grupo ng mga espiya. Lalaki, babae, matanda at bata ay sanay sa larangang ito" tugon ni Adolfo, hindi naman nakapagsalita si Martin. Sinubukan niyang kalabanin kanina si Adolfo ngunit hindi man lang ito pinagpawisan nang patumabahin siya.

Ilang sandali pa, napatigil si Adolfo sa paglalakad at may hinugot itong itim na tela sa kaniyang tagiliran saka inabot kay Martin. "Itakip mo ito sa iyong mata, hindi mo maaaring malaman ang daan patungo sa aming kampo kung ibig mo pang mabuhay" saad ni Adolfo, kinuha na iyon ni Martin at itinakip sa kaniyang mga mata at nagpatuloy na muli sila sa paglalakad habang nakahawak siya sa balikat ni Adolfo bilang gabay.

"Sa aming pagmamanman ay nahuli namin ang taong nagtangka sa buhay ni Celestina. Matagal ko nang minamanmanan at pinagdududahan ang kilos ng lalaking iyon at ng kaniyang amo. Ngayon ay malinaw na sa akin na sila rin ang nagtangka sa buhay noon ni Celestina" patuloy ni Adolfo sabay lingon kay Martin na noong mga oras na iyon ay ramdam niyang pinagdududahan pa rin siya.

"Marahil ay hindi nabanggit sa iyo noon ni Celestina na nagawa siyang ilibing ng buhay ng mga taong muling nagtangka sa kaniyang buhay ngayon" dagdag ni Adolfo. Magsasalita pa sana si Martin ngunit tumigil na sila sa paglalakad.

Naramdaman ni Martin ang init ng apoy mula sa paligid. Pumasok na sila sa loob ng maliit na kweba. Agad nagbigay-galang ang mga miyembro kay Adolfo. Agad sinenyasan ni Adolfo ang kaniyang tauhan na tanggalin ang piring sa mat ani Martin.

Agad tumagos ang nakasisilaw na liwanag sa mata ni Martin mula sa mga sulo ng apoy sa bawat sulok. Napatigil siya nang makita ang halos tatlumpung kalalakihan at kababaihan na nakapalibot sa kaniya at seryoso itong nakatingin sa kaniya.

"Nakikilala mo ba ang dalawang ito?" tanong ni Adolfo kay Martin at naglakad ito papalapit sa dalawang lalaking nakasuot ng itim at may suot na itim na tela sa mukha na nakaluhod sa lupa. Nakatali rin ang magkabilang kamay nito sa likod. Agad tinanggal ni Adolfo ang takip sa mukha ng dalawa dahilan upang lumaki ang mga mat ani Martin sa gulat.

"Alberto? Luisito?" gulat na wika ni Martin. Agad namang nayuko ang dalawa, nanatiling walang imik si Alberto habang si Luisito naman ay paulit-ulit na dumapa sa lupa at nagmakaawa. "W-wala ho kaming kasalanan Señor, naririto lang kami sa Laguna upang makipagkalakalan" paghihinagpis ni Luisito na isa rin sa mga tauhan ni Don Amadeo. Si Luisito ang mensahero at kolektor ni Don Amadeo ng mga buwis sa mga pagmamay-ari nitong negosyo at lupain.

Sandaling pinagmasdan ni Martin ang dalawa, sa pagkakataong iyon ay naramdaman niya ang pag-akyat ng kaniyang dugo at ang matinding galit nang makita ang mahahabang linya sa braso, leeg at mukha ni Alberto, senyales na nanlaban si Celestina at kinalmot siya nito.

Dahan-dahang humakbang si Martin papalapit sa dalawa, ang mga mata niya ay nababalot na ng matinding galit, tila mata ng isang tigre na anumang oras ay magagawa nitong sunggaban at paslangin ang taong nasa harap. "Hindi ko akalaing aabot si Loisa sa ganito!" sigaw ni Martin sabay agaw ng itak na nakasuksok sa tagiliran ng isang matandang lalaki na nakatayo sa gilid at mabilis niya itong itinutok sa leeg ni Alberto.

Napasigaw si Luisito sa tabi habang si Alberto naman ay derechong nakatingin sa kaniya na animo'y hindi man lang ito natinag. "Paslangin mo na lang kami gaya ng iyong nais" matapang na saad ni Alberto na ikinagulat ng lahat dahil sa halip na umamin ito ay mas pinili nitong maging tapat sa amo.

Sa pagkakataong iyon ay binitiwan ni Martin ang matalim na itak na derechong bumagsak sa lupa. Napasigaw muli si Luisito na tila mahihimatay sa takot. "Hindi man kayo magsalita ngayon ngunit sa hukuman ay titiyakin kong lalabas sa inyong dila ang katotohanan" seryosong wika ni Martin habang matalim na nakatingin sa dalawa.


NANGINGINIG na napayuko ang dalawang babaeng kasambahay nang makita nila si Loisa na naglalakad patungo sa maliit na bahay-kubo kung saan pinatira ni Loisa ang kasambahay na nagdadalang-tao. "Kumusta ang kalagayan niya?" tanong ni Loisa sa isang babae na agad napatingin sa kasama nito.

"M-mabuti naman ho, Señora. Sa katanuyan ay kumakain ho si Rosita nang marami at gaya ho ng sinabi niyo ay tanging masusustansyang pagkain lamang ang inihahanda namin sa kaniya" tugon ng babae.

Napangiti si Loisa sa sarili saka nagpatuloy sa loob. Agad binuksan ng dalawa ang pinto at naabutan nilang magiliw na kumakain si Rosita habang nasa harapan nito ang napakaraming uri ng putahe, prutas at mga gulay. May isang pitsel din ng sariwang gatas ng baka ang kasalukuyan nitong iniinom.

Napatigil si Rosita nang makita si Loisa at agad itong dumapa sa lupa upang magbigay-galang. "M-maraming salamat po sa inyong pagbisita, señora" wika ni Rosita, napangiti si Loisa sa kaniya at dahan-dahan itong lumapit. Marahang isinara ng dalawang kasambahay ang pinto, tanging ang apoy lamang sa gasera ang nagbibigay ng liwanag sa makipot na silid na iyon.

Nagulat ang tatlo lalo na si Rosita nang dahan-dahang pinunasan ni Loisa ang labi ni Rosita gamit ang kaniyang kamay kung saan ay may naiwan pang gatas sa gilid ng labi nito. "Iyong pagbutihin ang iyong pagdadalang-tao. Gaya nga nang ipinangako ko sa iyo, iaahon ko ang iyong pamilya sa kahirapan" saad ni Loisa sabay abot ng tatlong papeles.

Nanlaki ang mga mat ani Rosita nang mabasa na ang papeles na iyon ay titulo ng lupa na nakapangalan na sa kaniyang mga kapatid. "Siya nga pala, ang iyong pangalawang kapatid na lalaki ay kasalukuyan na ngayong nagsasanay sa hukbo" ngiti ni Loisa, maluha-luha namang nagpasalamat si Rosita na animo'y isang diyos si Loisa na nais niyang sambahin.

"Marami pa akong ibig ibigay sa iyo kapalit ng batang nasa iyong sinapupunan. Kung kaya't huwag mong pababayaan ang iyong sarili. Hindi sa akin mahalaga kung babae o lalaki ang bata ngunit iyong siguraduhin na isisilang mo ito ng maayos" patuloy ni Loisa, paulit-ulit na tumango si Rosita at nagpasalamat sa señora.

Maingat ang plano ni Loisa, nagpaalam na rin siya sa ama na magtutungo sa Europa kasama ang mga kasamabahay ng Ilang buwan at sa kaniyang pagbabalik ay kasama na niya ang sanggol.

Ilang sandali pa, nabulabog silang lahat nang marinig ang pagkabog ng pinto. "Señora! May mahalagang bagay po kayong dapat malaman!" sigaw ng lalaki, napapikit na lang si Loisa sa inis saka nagmamadaling buksan ang pinto.

Tumambad sa harap niya ang binatilyong tauhan ng kaniyang ama na kasama nina Alberto at Luisito nang isagawa nito ang plano kay Celestina. Mabilis na sinampal ni Loisa ang binatilyo, "Walang modo!" sigaw nito, agad namang napadapa ang binatilyo sa sahig at humingi ng tawad.

"P-patawad ho señora ngunit hindi na nakabalik sina Alberto at Luisito sa daungan. Ako'y nangangamba na may masamang nangyari sa kanila o kaya'y nahuli sila ng mga guardia!" paghihinagpis nito, tila naistatwa si Loisa sa kaniyang kinatatayuan at mabilis na nagpatawag ng kalesa patungo sa tahanan ng kaniyang ama.

Pagdating niya sa tahanan ni Don Amadeo ay dali-dali siyang pumasok sa loob. Nagulat ang mga kasambahay at mabilis silang humelera upang salubungin ang matapobreng señora. "Nasaan si ama?!" sigaw ni Loisa, nagkatinginan naman ang mga kasambahay, tila nagtuturuan kung sinong sasagot. "Mierda!" sigaw nito sabay sampal sa mukha ng kasambahay na pinakamalapit sa kaniya.

"W-wala pa ho rito ang inyong ama. Hindi pa ho siya umuuwi mula kagabi" saad ng katulong na ngayon ay umiiyak na dahil sa lakas ng tinamo niyang sampal mula sa amo. Napasigaw na lang sa inis si Loisa at pinagmumura niya ang mga tao roon saka dali-daling umakyat sa ikalawang palapag at nagkulong sa opisina ng kaniyang ama.

Makalipas ang ilang oras, dumating ang isang tatlong lalaki kasama ang isang babae na kasambahay ni Celestina sa hacienda Cervantes. "Señora, may mahalagang sasabihin sa inyo ang babaeng ito" panimula ng tauhan. Agad namang napadapa sa sahig ang babae dahil sa matinding takot.

"G-ginawa ko ho ang ibig niyo, nakapasok sa mansyon ang lalaking sinabi niyo. Nakatakas din ho siya ngunit hindi ko na ho alam kung bakit hindi sila nakarating sa daungan. U-ukol naman ho sa pagdala ko kay Celestina sa paggamutan, nagkataon ho na naroon ang hardinero at siyang nag-udyok na dalhin namin si Celestina sa paggamutan" paliwanag ng babae, napamura na lang si Loisa sa inis at hinagis niya sa babae ang bakya na kaniyang suot.

"Bakit ka pumayag na dalhin sa paggamutan si Celestina? Sino ang hardinerong iyon?!" sigaw ni Loisa, napailing naman ang babae at halos humalik na sa sahig habang nagmamakaawa na huwag siyang patayin.

"H-hindi ko na ho nakita ang hardinero matapos ang pangyayaring iyon. N-ngunit ako po ay nagtataka kung bakit nababalot ng dugo ang kaniyang damit bago namin dalhin si Celestina sa paggamutan" saad ng babae, napahawak na lang si Loisa sa kaniyang ulo. Hindi niya lubos maisip kung sino ang hardinerong iyon at kung bakit nito tutulungan si Celestina. Lingid sa kanilang kaalaman, ang hardinerong iyon ay isang espiya na nabibilang sa samahan nina Adolfo. Nagpanggap itong hardinero upang manmanan si Celestina.

"Ano pa ang iyong ibang natuklasan?" tanong muli ni Loisa, muling napayuko ang babae. "N-nakita ko rin hong dumalaw si Don Federico sa hacienda Cervantes. Maka-tatlong ulit ko ho siyang nakita, ngunit tila palihim lang ang kaniyang pagdalaw doon" wika ng babae dahilan upang mapatigil si Loisa sa gulat.


MAKALIPAS ang ilang araw, nagkaroon na ng malay si Celestina. Dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata. Sa pagkakataong iyon ay ramdam niya ang bigat ng paligid at ang panlalabo ng kaniyang mga mata. Ganoon din ang matinding sakit mula sa kaniyang sikmura. Sinubukan niyang bumangon ngunit napatigil siyang nang maramdaman ang mainit na palad na nakahawak sa kaniyang kamay.

Sandali siyang napatigil at hindi niya namalayan ang pagpatak ng kaniyang luha habang pinagmamasdan si Martin na mahimbing na natutulog sa kaniyang tabi. Napagtanto ni Celestina na nasa kasalukuyan na siyang nasa loob ng kaniyang silid sa hacienda Cervantes.

Nagkalat din ang mga gamit sa panggagamot na nakapatong sa mahabang mesa na nasa tabi ng kaniyang kama. Maging ang mga pinggan at basong pinagkainan ay naiwan din doon. Ilang sandali pa, naalimpungatan si Martin nang marinig ang mahihinang hikbi ni Celestina. Nang imulat niya ang kaniyang mga mata ay tila nawasak ang kaniyang puso nang makita ang tuloy-tuloy na pagbagsak ng luha ng sinisinta.

"N-narito lang ako sa iyong tabi. Pakiusap, huwag ka nang tumangis" bulong ni Martin kay Celestina sabay yakap ng mahigpit sa dalaga. "W-wala na ang ating anak... Ni hindi ko man lang siya naramdaman sa aking sinapupunan" paghihinagpis ni Celestina na ngayon ay hindi na maawat sa pagluha.

Mabigat man sa dibdib, masakit man sa loob, ang tanging nagawa na lang ni Martin ay yakapin si Celestina nang mahigpit. At maging ang mga luha niya na nababalot ng matinding kalungkutan ay hindi na rin maawat sa pagbagsak.

Alas-tres na nang hapon nang mapakain ni Martin si Celestina. Pareho lang silang tahimik, hindi alam kung ano ba ang mga salitang dapat mamutawi sa kanilang mga labi gayong nagluluksa sila sa pagkawala ng kanilang munting anghel.

Ilang sandali pa, narinig nila ang tatlong katok mula sa pinto. Dahan-dahang bumukas iyon at tumambad sa kanilang harapan si Don Federico. Agad tumayo si Martin at nagbigay-galang sa matanda habang si Celestina ay tulala pa rin sa kawalan at nakatitig lang sa bintana kung saan maaliwalas ang kalangitan.

Tumango si Martin kay Don Federico nang tumingin ito kay Celestina, senyales na ibig makausap ng matanda ang apo. Binitbit n ani Martin ang mga pinggan at baso na walang laman saka lumabas sa silid na iyon.

Dahan-dahang naglakad si Don Federico papalapit sa apo at umupo sa gilid ng kama nito. Tinanggal nito ang sumbrerong suot saka inilapag sa mesa at muling tumingin sa apo na sa mga oras na iyon ay tulala pa rin sa kawalan.

Huminga siya ng malalim saka hinawakan ang kamay ni Celestina "Todavía podía recordar la pequeña cara de tu madre mientras lloraba en mis brazos la primera corbata que sostenía" (I could still remember your mother's small face as she cried in my arms the first tie I held her) panimula ni Don Federico, sa pagkakataong iyon ay dahan-dahang napatingin sa kaniya ang apo.

"Ella era como un pájaro pequeño llorando. También lloramos por demasiada felicidad que finalmente la tenemos. También podía recordar su sonrisa, risita y reír cada vez que jugamos al escondite en su habitación. Nunca pensé que cuando creciera, se escondería de nosotros sólo para estar con el hombre que nunca podría tener" (She was like a small bird crying. We were also crying because of too much happiness that finally we have her. I could also still remember her smile, giggle and laugh everytime we play hide and seek in her room. I never expected that when she grew up, she'll hide from us just to be with the man she could never have)

Muling napahinga ng malalim si Don Federico saka hinawakan ng mahigpit ang kamay ng kaniyang apo. "A tu madre le encanta pintar y cocinar, una vez me dijo que hará platos con un toque de arte. Ella es tan apasionada con ella como una vez dibujó nuestras caras en panes" (Your mother loves to paint and cook, she once told me that she'll make dishes with a touch of art. She's so passionate with it as she once drew our faces on breads) patuloy ni Don Federico at natawa siya nang maalala niya iyon. Napangiti rin si Celestina habang nakikinig sa kaniyang lolo tungkol sa alaala ng kaniyang ina.

"Debido a su dedicación con la cocina y la pintura. Una duquesa escuchó su talento y pidió hacer un pan con su cara en él. Tu madre lo hizo muy bien y fue muy recompensada. Poco sabemos, el hijo de la duquesa comenzó a admirar Catalina. Tenían la misma edad, y ese joven noble también era un gran pintor. Aparte de eso, estaba destinado a casarse con la princesa" (Because of her dedication with cooking and painting. A duchess heard her talent and asked to make a bread with her face on it. Your mother did great with it and was greatly rewarded. Little did we know, the duchess' son begun to admire Catalina. They were the same age, and that young noble man was also a great painter. Aside from that, he was meant to marry the princess) napayuko si Don Federico saka muling tumingin sa apo.

"Estaba realmente en contra de su amor. No podemos ir en contra del matrimonio real. Ese jovencito ya prometió casarse con la princesa. Todo el mundo lo sabe. Ambos eran conscientes de ello, pero eligieron luchar por su amor. Catalina se escapó con él, alguien me dijo que los vio embarcando en un barco que iba a esta tierra" (I was really against with their love. We can't go against the royal marriage. That young man was already promised to marry the princess. Everyone knows it. They were both aware of it but they chose to fight for their love. Catalina run away with him, someone told me that they saw them boarding on a ship going to this land)

"Dejó una carta, una carta de despedida tal vez. Me contó lo apenada que estaba por dejarnos atrás y lo agradecida que estaba por tener un padre como yo. Ella mencionó que ella trajo el collar y el diario con ella y ella escribiría todo sobre su vida en ella. Así que, cuando nos volvamos a ver, me lo dará" (She left a letter, a farewell letter perhaps. She told me how sorry she was for leaving us behind and how grateful she was for having a father like me. She mentioned that she brought the necklace and the diary with her and she would write everything about her life on it. So that, when we met again, she'll give it back to me)

"Su diario lo encuentra de vuelta a mí, sin embargo, tu madre no lo hizo. Sus recuerdos ahora se encuentran en mi corazón. Me he dado cuenta de que no es su decisión y la persona involucrada en su muerte la mató. Es el amor que la mató. Ese amor prohibido siempre va a encontrar la manera de matar a la persona que está luchando por ello. Cuanto más te esfuerces por tenerlo, más amor te llevará al dolor... y peor, a la muerte" (Her diary finds it way back to me, however, your mother didn't make it. Her memories now lie on my heart. I've realized that it is not her decision and the person involved in her death that killed her. It is the love that killed her. Those forbidden love will always finds it way to kill the person who's fighting for it. The more you strive to have it, the more love will lead you to pain... and worse, to death) wika ng Don habang nakatingin ng derecho sa mga mat ani Celestina.

"Te lo suplico. Por favor, no cometas el mismo error que tu madre. Sé que Martin es un buen hombre. Siempre lo estará. Sin embargo, su amor por él y su amor por usted sólo los colocará a ambos a la muerte. Si realmente lo amas... Debes dejarlo ir" (I- I beg you. Please don't make the same mistake as what your mother did. I know Martin is a good man. He will always be. However, your love for him and his love for you will only place you both to death. If you really love him... You must let him go) patuloy nito, sa pagkakataong iyon ay dahan-dahang napatingin si Celestina sa kamay niyang hawak ng kaniyang lolo. Ramdam niya ang bigat ng nararamdaman nito sa takot na muling mawala ang kaniyang apo.


MAKALIPAS ang talong buwan. Tahimik na nagdadasal si Loisa sa simbahan. Nang matapos ang kaniyang mahabang panalangin ay maingat siyang tumayo habang nakasunod sa kaniyang likuran ang apat na kasambahay. Taas-noo siyang naglakad papalabas ng simbahan habang hawak ang kaniyang tiyan. Maluwag ang kaniyang pananamit at big niyang ipakita sa lahat na siya'y nagdadalang-tao.

Binabati siya ng ilang kababaihan na nakakasalubong at kitang-kita sa kaniyang mga ngiti kung gaano niya ipinagmamalaki sa buong mundo na siya ay nagdadalang-tao na. Ang mga babaeng kumukutiya sa kaniya noon ay buong pagmamalaki niyang pinamumukha sa mga ito na balang-araw ay magsisilang din siya ng supling.

Maraming tao sa labas ng simbahan kung saan abala ang mga tao dahil kakatapos lamang ng misa. Maraming mga tindahan sa labas na nag-aalok ng iba't ibang paninda. Hindi rin maawat ang mga kalesang tumitigil sa harap upang ibaba ang mga pasaherong elitista.

Ilang sandali pa, napatigil si Loisa nang makita ang isang babaeng nakasuot ng itim na baro't saya at itim na balabal. Nakatayo ito sa labas ng simbahan, sa gitna ng napakaraming tao at mga kalesang dumaraan. Nang makalagpas ang isang kalesa ay laking gulat ni Loisa nang makita ang pamilyar na babaeng iyon na seryosong nakatingin sa kaniya mula sa malayo.

Dahan-dahang hinubad ng babae ang suot nitong balabal dahilan upang maging malinaw sa mga mata ni Loisa na ang babaeng iyon ay si Celestina. Bukod doon, ang mas ikiagulat niya ay ang makitang nagdadalang-tao rin si Celestina.

Tila nanghina ang tuhog ni Loisa dahilan upang mawalan siya ng balanse at muntikan nang bumagsak sa sahig. Mabuti na lamang dahil agad siyang nasalo ng mga kasambahay na nasa kaniyang likuran. "H-habulin niyo ang babaeng iyon!" sigaw ni Loisa sabay turo sa kinatatayuan ni Celestina ngunit nang dumaan ang isa pang kalesa ay naglaho na rin si Celestina.

"Habulin niyo siya!" sigaw muli ni Loisa dahilan upang mapalingon sa kaniya ang mga tao. Halos gulat at nagtataka ang lahat dahil hindi nila akalaing magsisisgaw si Loisa nang ganoon sa harap ng simbahan na tila nasisiraan ng ulo.


ALAS-SIYETE na ng gabi. Hindi mapakali si Loisa. Makailang ulit na siyang palakad-lakad sa loob ng kaniyang silid. Nanlalamig ang kaniyan buong katawan ngunit pinagpapawisan din siya, bagay na hindi niya maunawaan.

Ilang sandali pa, narinig niyang may kumatok sa pinto ng kaniyang silid at dali-dali niyang binuksan iyon. Tumambad sa kaniyang harapan ang isang lalaki. "Paumanhin señora ngunit bigo pa rin ho kaming matunton kung nasaan sina Alberto at Luisito" wika nito, napahawak na lang si Loisa sa kaniyang ulo at napaupo sa kaniyang kama. Hindi na niya kinakaya ang sunod-sunod na suliranin na nangyayari sa buhay niya.

"Matagal na rin hong wala sa hacienda Cervantes si Celestina. Hindi ho namin matunton kung saan siya namamalagi ngayon" ulit ng lalaki dahilan upang mas lalong uminit ang dugo ni Loisa. Kinuha niya ang babasaging baso na nakapatong sa maliit na mesa saka ibinato sa tauhan na hindi man lang gumalaw sa kinatatayuan nito kahit pa tumama ang baso sa kaniyang balikat.

"Lumayas kayo sa aking harapan! Mga walang kwenta!" sigaw ni Loisa, tumango ang lalaki saka bumaba ng hagdan. Agad namang tumakbo ang mga kasambahay at nagtago sa kusina nang marinig ang sigaw ni Loisa na hindi nila malaman kung bakit napapadalas na.

"Ano na naman ang nagpapasakit sa iyong ulo?" wika ng isang lalaki na nakatayo sa tapat ng pintuan. Akmang babatuhin ito muli ni Loisa ng babasaging baso ngunit napatigil siya nang makitang ang kaniyang ama pala iyon.

Agad niyang itinago sa kaniyang likuran ang baso saka tumayo at nagbigay-galang kay Don Amadeo. Napangisi na lang si Don Amadeo dahil alam niyang mas makapangyarihan pa rin siya kaysa sa kaniyang anak. "Iyo nang ipagsawalang-bahala ang lahat ng iyan. Makakasama iyan sa bata na iyong dinadala. O mas dapat ko bang sabihin na makakasama iyan kung sakaling matuklasan ng lahat na hindi ka naman talaga nagdadalang-tao" woka ni Don Amadeo na ikinagulat ni Loisa. Dahan-dahan siyang napahawak sa kaniyang tiyan.

"Walang bagay na malilihim sa akin. Kahit pa anak kita, wala kang maililihim sa akin. Batid kong ginagawa mo iyan upang iligtas mo ang iyong sarili sa kahihiyan bilang isang babae ngunit tila nakakaligtaan mo na may mas mahalagang bagay ka pang dapat pagtuunan ng pansin. Hindi mo ba napapansin na tila nanahimik ngayon si Martin? Sa tuwing hindi gumagawa ng gulo ang lalaking iyon, nangangamba ako" patuloy ni Don Amadeo, hindi naman nakapagsalita si Loisa, sa halip ay uminom na lang ito ng isang basong tubig saka pilit na pinakalma ang sarili.

"Bukod doon, kahit pa batid kong kapanalig natin si hukom Desiderio, ako'y nangangamba pa rin dahil sa hindi malamang dahilan. Pakiramdam ko ay may mali sa mga nangyayari. Batid ng lahat na si Martin ang matunog sa matataas na opisyal na maging susunod na punonghukom ngunit bakit hindi nangyari? Idagdag mo pa ang katusuhan nitong si Facundo. Hindi ko mabasa ang kaniyang ginagawa nitong mga huling araw" patuloy ni Don Amadeo sabay sindi ng tobacco.

Napatigil naman si Loisa at napalingon sa kaniyang ama "Ano pong ibig niyong sabihin?" kumpara kanina ay mas kalmado na siya. "Nakarating sa akin ang balita mula sa ating mga espiya na pinapahanap din ni Facundo si Celestina. May ilan na nakarating pa sa Norte, malaki ang hinala ko na kaanib ni Facundo si Hugo" tugon ni Don Amadeo sabay buga ng usok.

"Ama, hindi kaya batid na ni Don Federico na hindi ako ang tunay niyang apo" saad ni Loisa, napatigil naman si Don Amadeo at napalingon sa anak. "Masyadong maliit ang utak ng matandang iyon upang maghinala na hindi ikaw ang nawawala niyang apo" saad ng Don sabay tayo sa tapat ng bintana.

"Aking napansin lamang na hindi na niya ako dinadalaw. Bukod doon, ilang buwan na rin siyang namamalagi rito sa bansa bagay na nakapagtataka dahil hindi naman siya nagtatagal dito sa atin noon" wika ni Loisa, napahalakhak lang si Don Amadeo.

"Hindi mo nauunawaan ang matinding hangarin ng mga taong nakaluklok sa mataas na posisyon. Sinasamantala lang ng matandang iyon ang kaniyang posisyon habang nasa kaniya pa ito. Sa oras na mawala na sa kaniya ang posisyong iyon, hindi na niya magagawang magpayaman at paunlarin ang kaniyang mga negosyo" tawa ni Don Amadeo sabay buga muli ng usok.

"Bukod doon, ano pa bang ibang katibayan na hawak niya sa kaniyang nawawalang anak at apo? Ang kuwintas ay natagpuan niya sayo---" hindi na natapos ni Don Amadeo ang sasabihin niya dahil nagsalita si Loisa.

"Ngunit hindi na niya ibinalik sa akin, ama" mariing wika ni Loisa dahilan upang gulat na mapalingon sa kaniya si Don Amadeo. "A-ano? Bakit hindi na niya ibinalik sa iyo? Bakit ngayon mol ang sinabi sa akin?!"

Napahawak muli si Loisa sa kaniyang ulo at napaupo sa kama "Hindi ko ho alam, ama. Ngunit ako'y nangangamba na baka nahanap niya ang talaarawan" saad ni Loisa, agad naglakad si Don Amadeo papalapit sa anak at naupo rin ito sa gilid ng kama.

"Hindi ba't natupok na iyon ng apoy nang sunugin mo ang bahay-aliwan ni Costellanos?" pag-kumpirma ni Amadeo. Napailing naman si Loisa at napasabunot sa kaniyang sarili. "Hindi, hindi, hindi, ama. Hindi ako nakatitiyak kung naroon ba ang talaarawan noong panahong iyon" sigaw ni Loisa, agad namang hinawakan ni Don Amadeo ang magkabilang balikat ng anak at pilit na pinapakalma ito ngunit hindi maawat si Loisa sa pagsisisigaw at pag-iyak.


MALALIM na ang gabi ngunit gising na gising pa rin ang diwa ni Esteban habang pinagmamasdan ang kumikinang na mga bituin sa kalangitan. Kasalukuyan siyang nasa labas ng kanilang maliit na bahay kubo. Mahimbing nang natutulog si madam Costellanos sa loob at tuluyan na ring naupos ang kandila sa tabi nito.

Muling napatingala si Esteban habang inaalala ang kaniyang ate Tinang. Gustuhin man niyang sumunod sa Maynila ngunit nangako siyang aalagaan niya sina madam Costellanos at Doña Teresita. Bukod doon, ibig ni Esteban na muling makarating sa Maynila upang makausap mag-asawang Concepcion at alamin kung nasaan na ang talaarawan ng kaniyang ate Tinang na pinaka-iingatan nito.

Limang taon na ang nakararaan, bago masunog ang bahay-aliwan ni madam Costellanos kung saan namamalagi noon si Celestina ay kasalukuyan namang namamalagi si Esteban sa puder pa rin ni madam Villareal bilang alipin nito. Ngunit kahit papaano ay malaya siyang nakakalabas at nakakadalaw sa tahanan nina Linda at Timoteo.

Kinagigiliwan siya ni Linda na madalas pang magluto ng mga kakanin para sa kaniya. Isang araw, bago mangyari ang trahedya sa bahay-aliwan ni madam Costellanos at ang pag-aakusa kay Celestina sa pagkamatay ni doktor Benjamin, nakita ni Linda ang isang lumang talaarawan sa ilalim ng kaniyang kama.

Kasalukuyang abala noon si Esteban sa pagkain at pag-inom ng mainit na tsokolate na inihanda sa kaniya ni Linda. "Esteban, sa iyong ate Tinang ba ito?" tanong ni Linda sabay lapag ng talaarawan. Napatango naman si Esteban.

"Kung gayon, idaan mo ito sa kaniya mamaya pag-uwi. Lalagyan ko ng pangalan sa likod upang hindi ito mawala" saad ni Linda at sinulatan niya ng pangalan ang likod ng talaarawan. "O'siya, kumain ka lang diyan ng mabuti" wika ni Linda sabay gulo sa buhok ni Esteban at muli itong umakyat upang ipagpatuloy ang paglilinis ng kaniyang silid.

Ilang sandali pa, napalingon si Esteban sa orasan at napagtanto niya na oras na upang magsalok ng tubig para mamayang gabi. Agad siyang tumakbo patungo sa silid ni Linda at nagpaalam sa nanay-nanayan. Matapos iyon ay hinatid siya nito pabalik sa eswkelahan ni madam Villareal. Pareho nilang nakaligtaan ang talaarawan na naiwan sa hapag-kainan.

Dumating na si Timoteo mula sa trabaho. Kasama niya si Don Fernando na siyang nagtayo ng subastahan (auction) sa Laguna. Nagtungo agad sila sa kusina upang kumuha ng maiinom na tubig at alak na kanilang pagsasaluhan.

"May mga gamit din ba mula sa Tsina na iyong ibebenta sa subasta?" tang ni Timoteo, tumango naman si Don Fernando sabay lingon sa labas kung saan nakatigil ang isang malaking kalesa na naglalaman ng mga mamahaling kagamitan na ibebenta niya sa Laguna.

"Oo, matunog nga rin ang mga kagamitan ni Don Mateo Cervantes. Ngunit ako'y nangangamba sa mga bali-balita na ang lahat ng kanilang kagamitan ay nababalot ng sumpa at kamalasan" saad ni Don Fernando, natawa naman si Timoteo.

"Ang mga tao talaga ang hilig sa mga ganoong paniniwala. Ulitmo karamdaman mas pinapaniwalaan nilang kulam o napaglaruan sila ng engkanto" tawa ni Timoteo sabay inom ng alak. "Ah, siya nga pala, may ibig akong ipakita sa iyong palayok na nabili ko sa Europa" saad ni Timoteo sabay lapag ng baso sa mesa at dali-daling umakyat papunta sa kaniyang silid.

Naiwan naman si Don Fernando sa hapag-kainan at napukaw ang kaniyang atensyon ng kakaibang talaarawan na naroroon. Kinuha niya at pinagmasdan iyon ng mabuti, maganda ang detalye at kakaiba ito dahil hindi nabubuksan ang talaarawan.

Napangiti si Don Fernando sa sarili nang mabasa ang pangalang Cervantes sa likod ng talaarawan. Napalingon-lingon siya sa paligid at nang masiguro niyang walang ibang tao roon ay mabilis siyang lumabas at inilagay sa isang aparador ang talaarawan na pagmamay-ari din ng mga Cervantes. Ibinalik ang aparador na iyon dahil sinasabi ng nakabili na minalas daw ang kanilang buhay magmula nang bilhin ang gamit na iyon. Kung kaya't naisip na lang ni Don Fernando na dalhin muli sa Laguna at doon ibenta, kung hindi man niya ito maibenta, itatambak na lang niya sa hacienda Cervantes sa takot na baka siya ay dapuan din ng kamalasan.


KINABUKASAN, madaling araw na. Halos walang tulog si Loisa buong gabi, nakaupo lang siya sa kaniyang kama at tulala sa kawalan habang iniiisp kung ano ba ang mga plano ng mga taong kalaban ng kanilang pamilya. Napatigil siya nang marinig ang pagdating ng kalesa, tumayo siya at lihim na sumilip sa bintana. Natanaw niya si Martin na nagmamadaling sumakay sa kalesa. Agad napatingin si Loisa ang tauhan niyang nagtatago sa likod ng isang bahay at sinenyasan niya itong sundan ang asawa.

Makalipas ang ilang minuto, tumigil ang kalesa sa gitna ng pamilihan na malapit sa daungan. Marami na ang tao roon na sinabayan pa ng mga pasahero ng barko na kakababa pa lang sa daungan. Nagmamadali ang tauhan na sundan si Martin hanggang sa matanaw niya itong pumasok sa isang eskinita. Ngunit laking gulat niya nang makitang wala roon si Martin, sa halip ay grupo ng mga kargador ng mga sako ng bigas.

Nagtungo na lang sa ibang daan ang tauhan, lingid sa kaniyang kaalaman ay naroroon din si Martin sa grupong iyon. Hinubad niya lang ang suot na sumbrero at gabardino. Nang masiguro ni Martin na nailigaw na niya ang lalaking sumusunod sa kaniya, tumayo na siya at naglakad patungo sa kaniyang destinasyon, sa kampo ng grupo nina Adolfo.


"ILANG ulit ko bang sasabihin na tanging alak lamang ang ihanda niyo sa akin!" sigaw ni Don Facundo dahilan upang mataranta ang kanilang mga kasambahay. Agad nilinis ng isa ang natapong pagkain sa sahig at ang nabasag na pinggan at baso.

Napatigil na lang si Julian sa tapat ng pintuan habang pinagmamasdan ang ama na ngayon ay nalulong na sa alak at sigarilyo. Malaki na rin ang pinagbago ng katawan nito, tila nangalahati ang timbang ni Don Facundo at lumalim ang mga nito.

Nang hindi na makatiis si Julian sa pagwawala ng ama ay pumasok na siya. "Julian, anak ko!" sigaw ni Don Facundo sabay ngiti. Kitang-kita ni Julian ang pamumula ng mga mata nito at hindi rin lingid sa kaniyang kaalalaman na gumagamit ng dahon ng marijuana ang ama.

"Aking ginagawa ang lahat upang matagpuan muli si Celestina, kailangan mo siyang pakasalan----" hindi na natapos ni Don Facundo ang sasabihin niya dahil biglang nagsalita si Julian. "Ama, itigil na natin ito. Hindi ko papakasalan si Celestina. Pakiusap, alagaan niyo muli ang inyong kalusugan" saad ni Julian, napatigil naman si Don Facundo at napatulala sa kaniya ngunit natawa rin ito sa huli.

"Ikaw ang aking masunuring anak. Kailanman ay hindi moa ko sinuway. Halika na, kumain na tayo ng agahan" ngiti ni Don Facundo at agad niyang pinatawag ang mga kasambahay upang ipaghanda sila ng pagkain.

Nang matapos silang kumain, nagpaalam na si Julian na magtutungo sa trabaho. Niyakap pa siya ni Don Facundo at muli itong humilata sa kama. Batid ni Julian na kaya nagkakaganoon ang ama ay dahil unti-unti nang nawawala ang kanilang mga negosyo at lupain. Sa loob ng tatlong buwan ay nagawang ipasarado ni hukom Desiderio ang mga ilegal na negosyo, maging ang mga lupang sinamsam ni Don Facundo at ginawan ng titulong ipinangalan niya sa kaniya.

Bukod doon ay nanganganib na rin ang posisyon ni Don Facundo bilang tagapangasiwa ng salapi. May malaki siyang kinamkam sa mga salapi na ngayon ay hindi niya alam kung paano niya papalitan bago matuklasan ng gobernador-heneral o ng hukuman. Kung kaya't ganoon na lamang niya ilulong ang sarili sa alak at marijuana.

Paglabas ni Julian sa kanilang tahanan ay napatigil siya nang makitang nakasandal sa gilid ng pinto si Martin. "Tinong" ngiti ni Julian, ngumiti naman si Martin sabay akbay sa kapatid. "Maligayang kaarawan" bati niya kay Julian na napangiti at nagpasalamat dahil si Martin lang ang nakaalala ng kaniyang kaarawan.

Nagtungo sila sa Panciteria na madalas din nilang gawin mula nang maging maayos ang kanilang ugnayang dalawa. "Kumusta si ama?" tanong ni Martin, napatigil naman si Julian, kakaupo lang nila sa isang bakanteng mesa at upuan.

"Batid mong hindi ako tutol sa ibig mong mangyari ngunit ang tanging hiling ko lamang ay itira mo kay ama ang ating hacienda sa Laguna" saad ni Julian, napahinga naman ng malalim si Martin. "Ngunit ang kalahati ng haciendang iyon ay pagmamay-ari ng mga Cervantes" saad ni Martin, hindi naman nakapagsalita si Julian.

"O'siya, pangako, ititira ko sa kaniya ang hacienda Buenavista" ngiti ni Martin, napangiti rin si Julian ngunit bigla itong napawi nang makita niya si Marisol na ngayon ay naglalakad papalapit sa kanila habang seryoso itong nakatingin sa kaniya.

"Gaya ng dati ang ibig namin" saad ni Martin kay Marisol na noo'y nakatingin pa ring matalim kay Julian. Hindi naman makapagsalita si Julian, agad siyang uminom ng tubig at nasamid pa. Nilagyan muli ni Martin ng tubig ang baso ni Julian ngunit naubos na ito. Mabilis na kinuha ni Marisol ang pitsel saka inilapag sa mesa na animo'y pinalipad niya lang ito sa hangin dahil sa bilis.

Napatulala si Julian nang matunghayan niya iyon. Samantala, wala namang reaksyon si Martin. "M-maraming salamat" wika ni Julian kay Marisol na agad tumalikod at naglakad pabalik sa kusina. Bukod sa trabaho nito sa eskwlehan ni madam Villareal ay namamasukan din siya sa Panciteria bilang serbidora.

Nang makaalis si Marisol ay agad bumulong si Julian kay Martin "Naghihinala na talaga ako sa babaeng iyan, noong isang gabi ay nakita ko siyang lumundag sa mataas na bakuran mula sa tahanan ng punong guardia civil. Noong isang madaling araw, naaktuhan kong inabot niya ang isang baril mula sa isang tindahan ng mga papel"

Sandaling napatahimik si Martin, hindi niya alam ang sasabihin kay Julian. "Huwag mo nang isipin iyon, marahil ay namalik-mata ka lamang" saad ni Martin, ngunit mas lalong napaisip ng malalim si Julian, inayos niya pa ang kaniyang sumbrero.

"Aking nararamdaman na may kakaiba talaga sa kaniyang kilos. Sa aking palagay ay isa siyang espiya o tulisan" saad ni Julian dahilan upang mapalingon si Martin sa paligid dahil baka may makarinig sa kanila. Ang pagbanggit ng mga salitang iyon ay maglalapit sa kanila sa kamatayan.

Si Martin naman ang biglang nasamid sa kaniyang sariling laway. Agad siyang inabutan ni Julian ng tubig at nang mahimasmasan na siya ay lihim siyang napatingin kay Marisol na napatango sa kaniya.

Nang matapos silang kumain sa Panciteria, sabay silang naglakad pauwi. Nadaanan nila ang daungan kung saan ay pansamantala silang tumigil at pinagmasdan nila ang mataong karagatan. "Maraming salamat sa lahat, Julian" panimula ni Martin. Nagtataka namang napatingin si Julian sa kapatid.

"Ako nga ang dapat na magpasalamat sa iyo dahil ikaw ang nagbayad ng ating kinain" ngiti ni Julian sabay hawak sa kaniyang tiyan. Ngumiti na lang din si Martin "Nais lang kitang pasalamatan sa lahat. Aaminin ko na labis kitang kinamumuhian noon dahil ikaw ang kinalulugdan ni ama ngunit naagtanto ko na hindi mo naman ginusto iyon. Walang nagbago sa musmos na Julian na aking kalaro noon sa binatang Julian na dapat nang makahanap ng asawa ngayon" tawa ni Martin sabay tapik sa balikat ng kapatid.

Hindi naman nakaimik si Julian ngunit pinili na lang niyang ngumiti "Hindi na lang siguro ako mag-aasawa" tawa niya, tumango na lang si Martin. "Kumusta kayo ni Corazon?" tanong niya, ngumiti lang si Julain saka napahinga ng malalim. "Mabuti naman ang kalagayan niya" iyon na lang ang naisagot niya, sa lalim ng kaniyang paghinga ay nararamdaman ni Martin na tila may mabigat na dinadala ang kapatid sa kaniyang puso.

"Bakit hindi mo na lang ibaling ang iyong paningin sa iba?" pang-asar ni Martin sabay tabig sa dibdib ng kapatid dahilan upang matawa na rin ito. "Hindi iyon ganoon kadali" wika ni Julian.

"Subukan mong kilalanin si Marisol" saad ni Martin na ikinakunot ng noo ni Julian. "Malakas talaga ang aking pakiramdam na isa siyang espiya. Mapanganib ang babaeng iyon" saad ni Julian, natawa na lang si Martin. Kilala niya ang kaniyang kapatid na desene, tahimik, matalino at tipid magsalita. Tiyak na magugulo ang mundo nito sa oras na makilala niya si Marisol.

"Sa susunod na taon, ikaw muli ang sasagot sa ating kakainin" pag-iiba ni Julian ng usapan. Napahinga naman ng malalim si Martin at ibinaling niya muli ang kaniyang paningin sa karagatan. "Sa susunod, sabay nating ipagsisindi ng kandila ang iyong ina. Ibig ko ring humingi ng tawad sa kaniya sa lahat ng nagawa ng aking ina at ang pamilya nito" saad ni Martin, inakbayan naman ni Julian ang kapatid.

"Hindi mo naman kailangang gawin iyon. Wala kang kasalanan, Tinong. Sapat na naalala mo si ina sa araw na ito ng aking kapanganakan at ng kaniyang kamatayan" saad ni Julian, napangiti naman si Martin at sabay silang naglakad pauwi nang magkaakbay habang patuloy na nagkwekwentuhan tungkol sa kanilang kabataan.


ARAW ng pagsalakay. Naghanda na ang mga rebelde, lihim nilang nilagyan ng publura ang bawat sulok ng mga tahanan ng matataas na opisyal na kanilang pababagsakin. Nangunguna na nga roon si Don Amadeo na halos lahat ng mga ari-arian nitong negosyo, mansion at lupain ay kanilang uubusin.

Magtatakip-silim na, kasalukuyang nakasakay si Loisa sa kalesa pauwi sa kanilang tahanan. Kakagaling lang niya sa tahanan ni Don Federico ngunit wala ito roon kung kaya't umuwi na lang siya. Tulala siyang nakatingin sa paligid habang naglalaro sa kaniyang isipan ang mga ideya at paghihinala kung bakit nagiging malamig na ang trato ni Don Federico sa kaniya.

Ilang sandali pa, nagulat siya nang biglang tumigil ang kalesang sinasakyan. Muntikan pang magwala ang kabayo dahil sa biglaang pagtawid ng isang lalaking nakasuot ng malaking salakot. Nanlaki ang mga mata ni Loisa nang magtama ang kaniyang mata at ng lalaking nakasuot ng salakot.

Nakilala niya na ang lalaking iyon ay si Tonyo. Mabilis na nakalundag sa kabilang bakuran si Tonyo at naglaho ito sa gitna ng maraming tao. Tila nabalot ng matinding takot ang buong katawan ni Loisa at dali-dali niyang inutusan ang kutsero na magtungo sa hukuman kung nasaan ang kaniyang ama.

Pagdating niya sa hukuman, dire-diretsong nagtungo sa loob kung nasaan ang kaniyang ama. Naabutan niyang nakaupo sa pinakaharap na upuan ang ama habang hinihintay ang susunod na paglilitis. Agad siyang tumabi sa ama at bumulong, "Ama, nakita ko ho si Tonyo. Tila nagmaamdali siya at tila sinasadya niyang magpakita sa akin" kinakabahang wika ni Loisa. Napakanot naman ang noo ni Don Amadeo.

"Nitong mga huling araw ay kung sinu-sinong mga yumao na ang iyong nakikita. Tumigil ka nga Loisa!" pabulong na suway ni Don Amadeo sa anak. Magsasalita pa sana si Loisa ngunit napatigil sila nang biglang bumukas ang pinto ng hukuman at pumasok ang mga guardia kasunod ang dalawang taong lilitisin sa korte.

Tila nabuhusan ng napakalamig na tubig sina Loisa at Don Amadeo nang makilala nila kung sino ang dalawang lalaking lilitisin sa hukuman. Bugbog sarado ang mga ito at may ilang dugong namumuo sa kanilang mga mukha. Senyales na ilang beses na itong dumaan sa parusa upang umamin sa kasalanan at mga nalalaman.

Pinaluhod sa harap ang dalawa, nagsalita na si hukom Desiderio "Ipakilala niyo ang inyong sarili" wika nito, agad napaluhod sa sahig ang isa "A-ako ho si Luisito Vergara" wika nito. Napatingin naman si hukom Desiderio sa isa. "A-alberto Vergara"


MALAPIT nang sumapit ang alas-sais ng hapon. Dahan-dahang isinuot ni Martin ang kaniyang itim na sumbrero habang nakatayo siya sa harap ng isang malaking salamin sa kaniyang silid. Kasunod niyon ay dinamot niya ang kaniyang kuwintas na relo saka tiningnan ng mabuti ang oras. Sampung minuto na lang ay sasapit na ang takdang oras.

Akmang ibubulsa na niya ang kaniyang kuwintas na relo nang mapatigil siya nang biglang bumukas ang pinto at sunod-sunod na pumasok ang mga guardia na mabilis na pumalibot sa kaniya. "Ang kautusang ito ay nagmula sa kataas-taasang hukuman. Ikaw, Martin Buenavista ay iniimbitahan ngayon sa hukuman upang ipaliwanag ang iyong panig ukol sa patong-patong na kasalanan ng pamilya Espinoza na siyang nagtaksil sa pamahalaan! Ang inyong pamilya ay mga rebelde!" sigaw ng guardia at inutusan nitong arestuhin si Martin na hindi man lang kumibo o lumaban.

Agad siyang hinila palabas at isinakay sa kalesa. Nagulat ang mga taong nakasaksi sa pagdakip kay Martin. Akmang sasakay na si Martin sa kalesa ng mga guardian ang mapatigil sila dahil tumigil sa tapat nila ang karwaheng pagmamay-ari ni Don Federico. Sarado ang buong karwahe ng Don kung kaya't hindi nila alam kung sino ang nasa loob nito.

Bumaba ang kutsero at binuksan ang pinto. Laking-gulat ng lahat nang makita na isang babae ang lumabas sa karwaheng pagmamay-ari ng visitador-heneral. Maging si Martin ay nagulat at hindi makapaniwala na muli niyang makikita si Celestina.

Nakasuot ito ng magarbong baro't saya na kulang pula at dahan-dahang naglalakad papalapit sa kaniya. Ang mga mat ani Celestina ay napupuno ng mga namumuong luha. Mga luhang ilang dekada nilang tiniis at pinaglaban.

Sinubukan ni Martin na humakbang papalapit kay Celestina ngunit naalarma ang mga guardia at pumagitna ito sa kanila. Halos tatlong buwan din niyang hindi nakita si Celestina magmula nang sumama ito kay Don Federico. At ngayong umanib na siya sa grupo nina Adolfo upang pabagsakin ang pamilya Espinoza ay hindi niya akalaing muli niyang makikita si Celestina.

Sandaling tumigil ang takbo ng paligid sa kanilang dalawa habang nakatingin sila ng derecho sa mga mata ng isa't isa. Kasunod niyon ay ang pagpatak ng oras sa eksaktong alas-sais ng hapon. Sunod-sunod na sumabog at nagliyab ang mga kabahayan at tindahan na pagmamay-ari ng pamilya Espinoza.

Nagsimulang magtakbuhan ang mga tao sa paligid. Nagsisigawan ang mga ito at umalingangaw ang iyak at pagsusumamo ng lahat. Maging ang mga guardia ay hindi nila malaman ang kanilang gagawin. Nagsimulang tumakbo ang mga kabayo sa kalesa dahil sa matinding gulat dahilan upang magbanggaan ang mga ito sa gitna ng mga kalsada at sa bawat sulok.

Hindi natapos ang sunod-sunod na pagsabog hanggang sa mabalot ng makapal na usok ang buong paligid. Mabilis na tumakbo si Celestina papalapit kay Martin at niyakap niya ito ng mahigpit. Nananitli pa ring nakatatli ang magkabilang kamay ni Martin sa likod. Tuluyang nang kumalat ang apoy at sunod-sunod na bumagsak ang matataas na mga bahay at tindahan sa buong paligid.

Naghari ang nagliliyab na apoy, ang hindi matapos na pagsabog, ang sigawan at pagtakbo ng mga tao sa iba't ibang direksyon upang iligtas ang sarili at ang kanilang mga kagamitan, ang pagwawala ng mga kabayo at ang pagbagsak ng mga mararangyang tahanan.

Ngunit sa kabila ng lahat ng iyon ay naroroon sa gitna ang dalawang taong walang hinangad kundi ang makapiling ang isa't isa. Sa dami ng pagsubok at trahedyang kanilang naranasan, hindi na nila naramdaman ang kaguluhang nangyayari sa kanilang paligid. Sa halip ay nanatili lang silang magkayakap sa gitna ng makapal na usok at bumabagsak na mga kabahayan.

Isang mainit na luha ang pumatak sa mga mata ni Martin habang nakayakap si Celestina ng mahigpit sa kaniya. "K-kung dito magwawakas ang lahat... sasama ako sa iyo" bulong ni Celestina kay Martin bago tuluyang gumuho ang buong bayan mula sa kanilang kinatatayuan.


*****************************

#ThyLove

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top