Ika-Siyam na Kabanata

[Kabanata 9]

"KUMUSTA na ang iyong pakiramdam?" nag-aalalang tanong ni Timoteo kay Martin habang nakaupo sa malaking bangko na malapit sa bintana. Abala siya ngayon sa pagbabasa ng mga aklat ng medisina. Napahawak si Martin sa kaniyang ulo na animo'y tumitibok ngayon at sobrang kirot. Dahan-dahan siyang bumangon at napasandal sa higaan.

"Iyan ang napapala ng nagsasarili sa pag-inom. Ni hindi mo man lang ako niyaya mag-inuman, balak mo talagang ubusin lahat ng mamahaling serbesang iyon" reklamo pa ni Timoteo sabay tayo at naglakad papalapit sa kaibigang lumulutang ang ulo.

"A-ano bang nangyari?" nagtatakang tanong ni Martin sabay kuha ng baso ng tubig na nasa gilid ng kaniyang higaan. "Inumin mo na rin ang tsaa na ito na makakapag-pawala ng sakit sa ulo. Masyado kang makasarili, nais ko man ding tikman ang serbesa na iyon" patuloy ni Timoteo at napailing pa ito. Pakiramdam niya ay pinagtataksilan na siya ng kaniyang matalik na kaibigan dahil sinolo lang nito ang pag-inom kahapon.

Napatingin si Martin sa isa pang baso na katabi ng tubig. Kulay berde ang tsaa na iyon at pakiramdam niya ay hindi niya magugustuhan ang lasa nito ngunit wala na siyang nagawa, ininom na niya iyon.

"Sa susunod kung magpapakalasing ka lang din naman, sabihan mo naman ako! Marami akong alam na lugar na nagbebenta ng masasarap na serbesa. Bukod pa roon ay may dagdag serbisyo pa mula sa mga magagandang binibini" ngisi pa ni Timoteo sabay hampas sa braso ni Martin. Walang reaksyon ang mukha ni Martin habang nakatingin sa kaibigang umiiral na naman ang pagkalibog.

"Mabuti na lang nakita ka ni Linda sa daungan kahapon na nakahandusay doon matapos siyang mamili sa pamilihan. Nakakahiya ka Señor Martin Buenavista" saad pa ni Timoteo dahilan upang lumaki ang mga mata ni Martin dahil sa gulat.

"N-nakahandusay sa daungan? Hindi ba ako nakauwi rito?" gulat na tanong ni Martin na animo'y nakakita siya ng multo. Hindi na siya magtataka pa kung pagtitinginan siya ng mga tao ngayon dahil hindi kaaya-aya ang paglalasing niya sa publiko.

"Aba'y malay ko, nagulat na lamang ako pag-uwi ni Linda ay buhat-buhat ka na ng aming kutsero at isa pang mangingisda. Hindi rin kaaya-aya ang amoy mo kahapon, nakakasuka talaga" saad pa ni Timoteo. Agad inamoy ni Martin ang kaniyang sarili at naroon pa nga ang bahid ng alak sa kaniyang katawan. Ngunit napatigil siya nang makapa niya sa kaniyang bulsa sa dibdib na wala roon ang kuwintas na orasan na gawa sa ginto na palagi niyang dala-dala at lubos niyang iniingatan.

"S-sandali! Nasaan ang aking relos?" gulat na tanong ni Martin at agad siyang bumangon sabay halughog sa kama at sa kaniyang mga kagamitan. "Aba'y malay ko rin, sa tingin mo pag-iinteresan ko ang iyong relos? Mas maganda naman ata ang akin" pagmamalaki pa ni Timoteo sabay pakita kay Martin ng kaniyang kuwintas na relos.

"Hindi iyon maaaring mawala!" nag-aalalang wika ni Martin na ngayon ay halos binagyo na ang kaniyang silid dahil kinalat na niya ang lahat ng kaniyang gamit. Habang si Timoteo naman ay nakatayo lang sa sulok at nagtatakang pinagmamasdan siya.

"Hindi ba't nakatulog ka sa daungan? Malamang may nagnakaw na niyon" saad pa ni Timoteo dahilan upang mapatigil si Martin sa paghahalughog sa kaniyang kama, aparador at mesa. "Iyan na nga ang sinasabi ko sa iyo, kung isinama mo lang sana ako sa inuman hindi ka sana nanakawan" patuloy ni Timoteo at naglakad na siya papunta sa pintuan dahil baka makiusap pa sa kaniya si Martin na tulungan siya sa pagligpit ng mga gamit nito.

Ngunit bago isara ni Timoteo ang pinto ay napatigil siya sabay lingon sa kaibigan, "Siya nga pala, hindi ba't may pasok ka sa hukuman ngayon?" dagdag pa ni Timoteo bagay na mas lalong ikinagulat ni Martin dahil tanghaling tapat na siya nagising. 


TANGHALI na nang makarating si Martin sa Real Audiencia. Palihim siyang pumasok sa loob ng hukuman kung saan abala ang lahat sa paglilitis na gaganapin para sa isang kawani ng gobyerno na sinasabing namamalakad ng mga ipinagbabawal na gawain.

"Mabuti na lang abala si Hukom Emiliano ngayong araw. Tila hindi niya napansin kanina na wala ka pa" bulong ni Tonyo kay Martin nang maupo ito sa kaniyang tabi sa gilid ng hukuman. Nakapwesto sila ngayon sa hanay ng mga baguhang abogado habang ang mga eksperto ay nakapwesto sa kabila kung saan sila ang mamahala sa pagtatanggol at pagdidiin sa kaso ng isang alcalde mayor na si Don Lorenzo Damian.

Agad inilapag ni Martin ang kaniyang dala saka pinunasan niya rin ang kaniyang pawis sa noo dahil tinakbo niya nang mabilis ang loob ng hukuman para lang makaabot sa paglilitis. "Nagsimula na ba?" tanong niya kay Tonyo na ngayon ay kalmadong nakasandal pa sa kaniyang upuan.

"Hindi naman, nahuli rin ng dating si Hukom Emiliano na palagi namang nangyayari" bulong ni Tonyo sabay tawa at nang tumingin sa kanila ang iba pa nilang kasamahan na abogado ay agad siyang umayos ng upo saka sumandal muli.

Matapos ang halos dalawang oras ng paglilitis ay napagdesisyunan ng hukuman na ipagpatuloy ang susunod na paglilitis sa susunod na Huwebes. Ngunit batid ni Martin na malabo nang manalo sa kaso ang alcalde mayor na si Don Lorenzo sapagkat matibay ang mga ebidensiya laban sa kaniya. Ang pagbebenta ng mga ipinagbabawal na armas at mina mula sa mga kabundukan ay maaaring maging dahilan ng pagpapatalsik sa kaniya sa pwesto.

Sabay-sabay nang tumayo sina Martin at Tonyo kasama ang iba pang mga tao na nasa loob ng hukuman. Kailangan pa nilang gumawa ng mga dokumento mula sa paglilitis na naganap kung kaya't papunta na sila ngayon sa opisina. Habang naglalakad sila sa pasilyo ng malalaking haligi ng Real Audiencia ay nagsalita si Tonyo.

"Kumusta na kayo ni Loisa?" tanong nito na nagpatigil kay Martin sa paglalakad at napalingon siya sa kaibigan. Matagal na niyang alam mula pagkabata na may gusto si Tonyo kay Loisa ngunit nang sagutin siya ni Loisa ay tinanggap naman ito ni Tonyo at hanggang ngayon ay magkaibigan pa rin sila.

"Mabuti naman... Tulad pa rin ng dati" sagot ni Martin at nagpatuloy na muli siya sa paglalakad. Nagpatuloy na rin sa paglalakad si Tonyo at sumabay sa kaniya. Silang dalawa lamang ang naglalakad sa kahabaan ng pasilyo na gawa sa matitibay na bato, muwebles at kahoy.

"Tulad pa rin ng dati, sana nga lang ay ganoon pa rin ang nakikita ko sa mga mata ni Loisa" saad ni Tonyo. Hindinakapagsalita si Martin at nakatingin lang siya ng diretso sa kanilang patutunguhan. 

"Bakit? May nag-iba na ba ngayon sa mga mata ni Loisa?" tanong ni Martin. Batid niyang hanggang ngayon ay may pagtingin pa rin si Tonyo sa kaniyang kasintahan at kahit papaano ay ayaw naman niyang pakialaman ang mga desisyon ni Tonyo sa buhay nito.

"Hindi ako nakatitiyak ngunit dalawang beses na akong dumalaw nitong linggo sa tahanan ni Maestra Villareal upang kamustahin sana si Selia. Nakausap ko rin si Loisa isang beses at napansin kong tila malungkot siya ngayon. Kinamusta ka rin niya sa akin at tinanong niya kung bakit hindi ka na raw dumadalaw o nagapapadala ng liham" saad ni Tonyo, nakarating na sila sa opisina at nang buksan ni Martin ang pinto ay hinawakan iyon ni Tonyo para pigilan ito dahil mukhang walang balak si Martin na sagutin ang kaniyang tanong.

"Huwag mo sanang sayangin ang pagpaparaya ko para sa kaligayahan niyong dalawa. Huwag mo sana sayangin ang pagkakaibigan natin at ang pag-ibig sa iyo ni Loisa" habol pa ni Tonyo habang nakatingin ito ng seryoso sa mga mata ni Martin. Ngumiti si Martin saka inialis ang kamay ni Tonyo sa pinto upang makadaan siya.

"Huwag ka mag-alala kaibigan. Hindi ko sinasayang ang lahat ng mahalaga sa akin lalo na't siya ang aking unang pag-ibig" sagot ni Martin bago ito pumasok sa loob ng opisina. Nanatili si Tonyo sa labas at pilit na umaasang may magagawa siya para kay Loisa.


NANG hapon ding iyon, habang naghihintay ng masasakyang kalesa si Martin pauwi sa tahanan nila Timoteo ay napukaw ang kaniyang atensyon ng isang batang babae na nagbebenta ng mga rosas na pula. Agad siyang tumawid sa kabilang kalsada at lumapit sa batang babae. "Magkano ang mga rosas na ito munting binibini?" nakangiti niyang tanong sa bata na agad tumakbo papalayo dahil sa hiya at tinawag niya ang kaniyang inay na naghahakot ng mga paninda nila mula sa isang kalesa.

Nagmamadaling nagtungo ang isang ale sa kanilang paninda at agad nagbigay-galang kay Martin sabay ngiti "Magandang hapon ho, señor" 

Binili ni Martin ang isang dosenang bulaklak na rosas na kulay pula. "Ang binibining inyong iniibig ay mahilig sa bulaklak na ito?" tanong ng ale, tumango si Martin at ngumiti. 

"Simbolo ng nag-aalab na pag-ibig ang pulang rosas. Iyong masisilayan sa mga mata ng inyong kasintahan kung gaano siya kasaya sa oras na matanggap niya ito" dagdag pa ng ale. Napangiti lang si Martin ngunit napakunot ang kaniyang noo dahil si Celestina ang unang pumasok sa kaniyang isipan sa halip na si Loisa. Ang bagay na iyon ang talagang ikinababahala niya.

Ilang sandali pa, bago siya magpaalam ay napansin niya ang hawak ng batang babae na rosas na gawa sa papel. Nang mapansin ng bata na tinitingnan iyon ni Martin ay agad niya itong tinago at nagtago rin siya sa likod ng kaniyang nanay. "Pasensiya na ho señor sadyang mahiyain lang po ang aking anak" wika ng ale, napangiti muli si Martin, itatanong niya sana kung taga-saan sila dahil pamilyar sa kaniya ang mukha ng batang babae ngunit hindi niya lang ito maalala. Sa huli ay hindi na lang niya itinanong at nagpaalam na siya saka pumara ng kalesa.

Nang makasakay siya sa kalesa ay napalingon siya muli sa batang babae na ngayon ay nakatingin sa kaniya at ilang sandali pa ay may isang batang lalaki naman na dumating at yumakap sa kanilang inay at may hawak itong mga origami ng palaka, ibon at pato. Nagtatakang nakatingin sa kanila si Martin dahil pamilyar din sa kaniya ang mukha ng batang lalaki ngunit natauhan siya nang magsalita ang kutsero. "Saan ho tayo, señor?"

Sandaling napatitig si Martin sa isang dosenang rosas na hawak niya bago nagsalita "Sa Escuela de Las Niñas" 


ALAS-SAIS na nang makarating si Martin sa paaralan at dormitoryo ni Maestra Villareal. Nang makababa siya sa kalesa ay hindi niya namalayang diretso siyang nagtungo sa likod-bahay kung saan matatagpuan ang mataas na bakod na pader dahil naroon din ang kuwadra ng kabayo at mga manok.

Tumingkayad siya upang makasilip sa kabila ng pader at agad siyang napangiti nang makita si Celestina sa bakuran habang pinapaliguan nito ang kabayo. Tatawagin niya sana si Celestina ngunit baka may makarinig sa kaniya kaya kumuha na lang siya ng maliit na bato saka inihagis iyon malapit sa kinaroroonan ni Celestina.

Napatigil si Celestina nang maramdaman niya ang pagbagsak ng isang maliit na bato malapit sa kaniya at nang lumingon siya sa likod ay laking gulat niya nang makita roon si Martin habang nakadungaw at nakangiti sa kaniya. Tila naistatwa siya sa kaniyang kinatatayuan, nabitiwan niya pa ang basang basahan na hawak na pamunas sa katawan ng kabayo.

Agad hinawakan ni Martin ang kaniyang sumbrero at winagayway ito habang nakatingkayad sa pader. Hawak niya sa kaniyang kaliwang kamay ang isang dosenang rosas habang sa kabila naman ay ang kaniyang sumbrero. Ilang sandali pa ay nagulat si Martin nang tumakbo si Celestina papasok sa loob na animo'y nakakita siya ng multo.

Nagulat si Martin sa naging reaksyon ni Celestina nang makita siya at nagtataka siyang napakamot sa kaniyang ulo. Agad siyang nagtungo sa harap ng tahanan ni Maestra Villareal at kumatok doon. Hindi nagtagal ay bumukas na rin ang pinto at tumambad sa kaniyang harapan si Maestra Villareal.

Napataas ang kilay nito nang makita si Martin. Walang nagawa si Martin kung hindi ang magbigay galang na lang kahit pa labag din iyon sa kaniyang kalooban. "Celestina!" tawag ni Maestra Villareal bagay na ikinagulat ni Martin dahil si Celestina ang tinawag nito.

"Celestina! P*ñales!" sigaw nito. Ilang sandali pa ay dumating na si Celestina na ngayon ay nanlaki ang mga mata nang makita si Martin sa labas ng pinto. "Tawagin mo si Loisa!" utos nito, agad umakyat si Celestina patungo sa silid ni Loisa na ngayon ay kakalabas lang ng pinto dahil narinig niya na pinapatawag siya ni Maestra Villareal dahil sa lakas ng boses nito na umaalingangaw sa buong kabahayan.

"Bababa na ako, maraming salamat, Celestina" saad ni Loisa at dali-daling bumaba sa hagdan. Napatigil siya sandali nang matanaw si Martin sa labas ng pinto at may hawak itong mga rosas na alam niyang para sa kaniya.

Nang makababa siya sa hagdan ay dahan-dahan siyang humakbang papalapit sa kanila. Hindi niya maialis ang kaniyang mga mata sa kasintahang kay tagal niyang hinintay na dalawin siya "Kalahating oras na lamang kayo maaaring mag-usap" saad ni Maestra Villareal saka diretsong umakyat sa hagdan ngunit nang makasalubong niya si Celestina pababa sa hagdan ay muli siyang nagsalita.

"Si Celestina ang magiging bantay niyo ngayon" saad ni Maestra Villareal bagay na ikinagulat din mismo nina Celestina, Martin at Loisa. Magmula nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sina Martin at Maestra Villareal ay ibang tao na ang inuutusan nito na maging bantay ng dalawa sa tuwing dumadalaw ang binata. Madalas si Selia ang nagbabantay sa kanila ngunit sa ngayon ay si Celestina ang inutusan niya.

Pumasok na si Martin sa loob ng bahay at iniabot na rin niya ang dala niyang mga rosas kay Loisa bagay na natunghayan mismo ni Celestina ngunit pinilit na lang niya ang sarili niya na kunwari ay hindi niya iyon nakita. "Maraming Salamat at dumating ka na, ilang araw na kitang hinihintay" wika ni Loisa habang naglalakad sila paupo sa mahabang silya ng salas. Dahan-dahan namang naglakad si Celestina papalapit sa kanila at naupo siya sa kabilang silya.

"Siya nga pala, nais mo ba ng tsaa? Kape?..." hindi na natapos pa ni Loisa ang sasabihin niya dahil nagsalita na si Martin. "Hindi na" sagot nito sabay tingin kay Celestina. Batid niyang si Celestina pa rin naman ang uutusan kung sakaling humiling siya ng tsaa o kape kaya hindi na siya humiling para hindi na utusan pa si Celestina.

Ilang segundo silang nanahimik. Tila nababalot ng nakakailang na pakiramdam ang buong paligid dahil hindi komportable si Martin na narito sa paligid niya ang dalawang babaeng nauugnay sa puso niya habang si Loisa ay hindi rin komportable dahil narito si Celestina na alam niyang prinoprotektahan ni Martin. Samantala, si Celestina naman ay hindi rin komportable dahil narito ngayon sa kaniyang harapan ang lalaking kaniyang sinisinta at ang kasintahan nito.

"Siya nga pala, kumusta ang iyong paninilbihan sa hukuman?" panimula ni Loisa at ngumiti siya nang marahan. Napansin ni Martin na mabilis na inilapag ni Loisa sa mesa ang isang dosenang rosas na binigay niya, animo'y wala itong pakialam sa mga rosas. "Hindi mo ba nagustuhan ang mga bulaklak na iyan?" tanong ni Martin bagay na ikinagulat ni Loisa at agad niyang kinuha muli ang mga rosas.

"Nagkakamali ka, naiibigan ko ang mga bulaklak na ito" tugon ni Loisa at sinubukan niyang singhutin ang mga rosas ngunit napabahing siya ng tatlong ulit kung kaya't muli niya itong inilapag sa mesa. 

"Aking napapansin na sa tuwing bibigyan kita ng rosas ay nababahing ka at inilalayo mo ito" wika ni Martin dahilan upang mapaayos ng upo si Loisa at sinubukan niyang ngumiti. Samantala, si Celestina ay nagtatakang nakatingin sa kaniya lalo na sa reaksyon niya.

Napansin ni Celestina na namumula na ang ilong ni Loisa maging ang braso at kamay nito. Kung kaya't tumayo siya at nagtungo sa kusina ngunit bago siya umalis ay nagsalita si Martin. "Saan ka pupunta, Celestina?" napatigil si Celestina saka lumingon sa kanila at sumenyas siya. 'Maghahanda lang ako ng tsaa'

"Hindi ko kailangan ng tsaa, maupo ka rito" wika nito. Batid ni Martin na may kakaiba ngayon sa kinikilos ni Celestina lalo na dahil hindi siya iniimik nito at tinakbuhan pa siya kanina. Muli namang sumenyas si Celestina, 'Para kay señorita Loisa ang ihahanda kong tsaa, tila masama ang kaniyang pakiramdam'

Napatingin si Martin kay Loisa, namumula na ang mukha nito at ilang beses muling bumahing. Tumango na lang si Martin at naglakad na si Celestina papunta sa kusina. "May sakit ka pala, hindi na dapat kita inabala ngayon. Marapat lamang na ikaw ay magpahinga" saad ni Martin at akmang tatayo na ngunit hinawakan ni Loisa ang kamay niya upang pigilan siyang umalis.

"Mabuti naman ang aking pakiramdam, sadyang malamig lang ang panahon ngayon dahil malapit na ang pasko. Nais kong makasama ka pa nang matagal kung kaya't huwag ka muna sanang umalis" pakiusap ni Loisa, napatingin si Martin sa kamay ng dalaga na nakahawak ngayon sa kaniyang kamay. Namumula ito bagay na matagal na rin niyang napapansin sa tuwing binibigyan niya ito ng rosas.

"Sa darating na biyernes ay magtutungo kaming lahat sa Laguna upang maki-pista. Imbitado rin si Maestra Villareal kung kaya't dalawang araw kaming mananatili roon" saad ni Loisa at bumahing muli ito.

"Sa tingin ko ay uuwi rin ako sa Laguna sa biyernes" saad ni Martin, gulat na napatingin sa kaniya si Loisa. "Oo. Batid na ni ama na narito ako sa bansa. Haharapin ko na sila ni Julian" dagdag pa ni Martin. Sandaling natahimik si Loisa. Batid niyang alam na rin ni Don Facundo ang hidwaan sa pagitan nina Martin, doktor Mercado at Maestra Villareal.

Ilang minuto silang natahimik. Parehong walang masabi sa isa't isa. Bagamat may boses man si Loisa ay wala siyang masabing matino na makakapagpagaan sa kalooban ng kasintahan. Ilang sandali pa ay napansin ni Martin ang kuwintas na de susi na suot ni Loisa.

"Maaari ko bang makita muli ang kuwintas na iyong suot?" tanong niya kay Loisa. Napatango ito saka inabot sa kaniya ang kuwintas na iyon. Pinagmasdan niya itong mabuti at hindi niya maitatanggi na kapareho nga ito ng kuwintas na pagmamay-ari rin ni Celestina.

"Nang dahil sa kuwintas na ito ay nahanap kita. Naalala mo ba ang una nating pagkikita sa hardin ng hacienda Cervantes?" wika ni Martin, napatigil si Loisa. "Tanging ang kuwintas na ito at ang mga rosas ang pinaghawakan ko upang mahanap kita" patuloy ni Martin, hindi nakaimik si Loisa. Hindi niya rin magawang tumingin sa mga mata ni Martin.

"Sa tingin mo ba ay nag-iisa lang ang kuwintas na ito? May nakita rin akong ganitong kuwintas na kaparehong-kapareho ng sa iyo" nanlaki ang mga mata ni Loisa. Agad niyang kinuha sa kamay ng binata ang kuwintas.

"K-kanino mo nakita?" gulat na tanong ni Loisa, ang puso niya ay tila sasabog na dahil sa matinding kaba. Napatingin ng diretso si Martin sa kaniya.

"Kanino? Hindi ba't ang nararapat na tanong mo ay Saan ko nakita, hindi ang kung Kanino ko nakita?" seryosong tanong ni Martin dahilan upang mapatulala na lang si Loisa at hindi na nakasagot pa.


NANG makaalis si Martin ay agad nagtungo si Loisa sa kaniyang silid at nagkulong roon. Dinahilan na lang niya kay Maestra Villareal na masama ang kaniyang pakiramdam para hindi na siya bumaba pa at sumalo sa hapunan. Totoo na masama ang kaniyang pakiramdam at ngayon ay bahing na siya ng bahing, nangangati na rin ang kaniyang balat.

Napahinga muna nang malalim si Celestina bago siya kumatok sa pinto ng kwarto ni Loisa. Dala niya ang hapunan ng dalaga. Iniwan niya rin muna sa kaniyang silid ang kuwintas na de susi upang hindi malaman ni Loisa na pareho sila ng kuwintas dahil ngayon ay nais niyang mag-imbestiga.

Nang matapos siyang kumatok ay lumipas pa ang ilang minuto bago bumukas ang pinto. Bakas sa kaniyang mukha na hindi siya masaya na si Celestina ang tumambad ngayon sa kaniyang harapan. Kinuha na niya ang pagkain na dala nito. Akmang isasara na niya ang pinto ngunit hinawakan ni Celestina ang pinto at may inabot siyang isang papel.

Napatingin si Loisa sa papel na iyon. Kinuha na lang niya saka tuluyang isinara na ang pinto. Nang maisara na niya ang pinto ay inihagis lang niya ang pagkain sa sahig saka diretsong humiga sa kama. Masama ang loob niya ngayon dahil sa mga pagdududa at mga tanong ni Martin kanina. Masama rin ang pakiramdam niya dahil sa mga rosas na nagpapakati at nagpapabahing sa kaniya.

Papatayin na lang sana niya ang gasera ngunit naalala niya ang papel na inabot ni Celestina sa kaniya kanina. Dahan-dahan niyang binuklat ang papel at mas lalong sumama ang kalooban at pakiramdam niya nang mabasa kung ano ang nakasulat doon. 'Mabisa ang tsaa na ito para mapawi ang iyong pangangati at pagbahing na sanhi ng mga bulaklak'


ALAS-ONSE na ng gabi. Mahimbing nang natutulog si Esteban habang si Celestina ay nakaupo lang sa kama at pinagmamasdan ang kuwintas na de susi na pagmamay-ari niya. Paupos na rin ang sindi ng kandila na nasa tabi niya at hinihintay na lamang niya itong mamatay ng kusa bago siya matulog.

Kinuha rin niya ang makapal na talaarawan na may kandado na regalo pa sa kaniya ng kaniyang ama at muling binuksan iyon gamit ang susi sa kuwintas na kaniyang suot. Nang mabuksan niya iyon ay muli niyang isinulat ang kaniyang saloobin patungkol sa nararamdaman niya para kay Martin at sa mga bagay na dapat niyang iwasan upang hindi na mapahamak pa si Martin nang dahil sa kaniya.

Napatigil si Celestina sa pagsusulat at nabitiwan niya pa ang pluma na kaniyang hawak dahil labis na nagdudulot ng matinding kaba sa kaniya sa tuwing pumapasok sa kaniyang isipan nang halikan siya ni Martin noong isang araw.

"Sa tingin mo ba awa at konsensiya ang dahilan kung bakit ko ginagawa ito?" seryosong wika ni Martin at nagulat si Celestina nang bigla nitong hawakan ang kaniyang mukha at diretso siyang hinalikan sa labi nang mahigpit.

Tila nanigas ang buong katawan ni Celestina. Hindi niya magawang itulak papalayo si Martin. Tanging ang malakas na kabog ng kaniyang dibdib ang dumadagundong sa buong paligid habang ang kanilang mga labi ay nakakulong sa isa't isa.

Ilang sandali pa ay dahan-dahang bumitiw si Martin at tuluyan siyang bumagsak sa sahig habang si Celestina naman ay naiwang tulala at hindi pa rin makapaniwala sa nangyari. Natauhan na lamang siya nang marinig ang paghilik ni Martin habang nakahandusay sa daungan.

Ang kaniyang kaba ay dumaloy hanggang sa kaniyang lalamunan. Dahan-dahan niyang inilapit ang kaniyang sarili sa binata upang gisingin ito. Nanlalamig man ang kaniyang kamay ay sinubukan niyang tapikin ang mukha ni Martin na ngayon ay mahimbing nang natutulog.

Tatlong ulit niyang tinapik ang mukha ni Martin ngunit nanatili pa rin itong tulog. Sa pagkakataong iyon ay mas naamoy niya ang alak sa katawan ng binata. Unti-unti niyang napagtanto na baka kaya nagawa siyang halikan ni Martin ay dahil lango lang ito sa alak.

Ilang sandali pa ay napalingon siya sa likod at laking gulat niya nang makita ang isang batang lalaki at isang batang babae na tulalang nakatingin sa kanila ni Martin. Naalala niya na ang dalawang batang iyon ay ang binigyan ni Martin ng mga origami.

Agad siyang napatayo at umiling ng ilang ulit sa mga bata upang sabihin na huwag nila intindihin ang eksenang nakita nila ngunit nanatiling tulala lang ang dalawang bata sa kaniya habang hawak ng mga ito ang mga laruang papel.

Wala nang nagawa pa si Celestina, napapikit na lang siya sa matinding kaba. Habang ang pawis mula sa kaniyang noo ay tumatagaktak na ngayon patungo sa kaniyang leeg. Napatingin ang dalawang bata kay Martin na tulog na tulog ngayon sabay tingin din kay Celestina na namumutla naman ngayon. Nang muling tumingin si Celestina sa dalawang bata ay agad niyang inilagay ang kaniyang hintuturo sa tapat ng kaniyang labi bilang senyales na sikreto lang nila kung anumang nakita nila kanina.

Nagkatinginan ang dalawang bata at napatango sila nang dahan-dahan saka dali-dali tumakbo papalayo na animo'y nag-uunahan. Napahawak na lang si Celestina sa kaniyang noo at hindi na siya ngayon mapakali kung anong dapat niyang gawin. Nagpalingon siya sa paligid at nakahinga siya nang maluwag nang mapansing wala namang ibang tao na naroroon bukod sa dalawang bata kanina.

Muling napatingin si Celestina kay Martin na hanggang ngayon ay mahimbing na natutulog. Gustuhin man niyang tumakbo na ngayon papalayo baka sakaling magising ang binata ngunit hindi niya ito ibig iwan sa gitna ng daungan.

Mabuti na lamang dahil namataan ni Celestina mula sa di-kalayuan si Linda kasama ang iba pang mga kababaihan na kakababa lang sa kalesa. Agad siyang nagtago nang aksidenteng mabunggo ng dalawang bata si Linda at maging ang mga kababaihan na kasama nito ay napasigaw pa.

"Sus maryusep! Bakit ba kayo nagmamadali?" inis na saad ng isang babae na kasama ni Linda, napalingon si Linda sa dalawang batang iyon na hindi man lang tumigil at humingi ng tawad sa kanila sa halip ay kumaripas pa ito lalo ng takbo papalyo. 

"Marahil ay nakakita sila ng halimaw sa dagat" wika ni Linda sabay tawa, napalingon siya sa daungan kung saan nanggaling ang dalawang bata. Laking gulat nila nang makita si Martin na nakahandusay doon at dali-dali silang humingi ng tulong.

Noong una ay inakala ni Linda na nalunod na ang kaniyang pinsan ngunit nang maamoy niya ang masangsang na alak sa katawan nito ay agad niyang pinabuhat sa kanilang kutsero at sa isa pang mangingisda na binayaran na lang niya.

Nang maisakay na nila sa kalesa si Martin at makalayo na ito ay lumabas na si Celestina sa likod ng isang sirang kalesa na nasa gilid kung saan siya nagtago. Nakahinga siya nang maluwag dahil panatag siyang makakauwi ng buhay si Martin. Aalis na sana siya roon ngunit napatigil siya nang mapansin niya ang isang bagay na naiwan sa daungan, ang kuwintas na relos na gawa sa ginto.


ARAW ng biyernes, ang lahat ng estudyante ni Maestra Villareal ay isinama niya sa Laguna. Maging sina Celestina at Esteban ay isinama niya rin sapagkat wala siyang mauutusan pagdating doon. Madaling araw pa lang ay nagtungo na sila sa daungan at sumakay sa isang bapor na papunta sa Laguna.

Dalawang araw lang naman sila mananatili roon kung kaya't kaunting bagahe lang ang pinadala ni Maestra Villareal sa kaniyang mga estudyante na aawit sa simbahan sa darating na Pista sa Linggo.

Habang nakasakay sila sa kalesa patungo sa hacienda Espinoza kung saan sila mananatili ay nakadungaw lang si Celestina sa bintana habang pinagmamasdan ang buong kapaligiran. Ang Laguna ang kaniyang naging tahanan, dito siya ipinanganak, lumaki at nagkaisip. Ngunit hindi niya nagawang libutin ang buong lalawigang ito na itinuturing niyang tahanan dahil nakakulong lang siya sa kaniyang silid sa loob ng mahabang panahon.

Mag-iisang taon pa lang niyang kinakaharap ang magulong mundo sa labas ng kaniyang silid at magpahanggang ngayon ay mas gugustuhin na lang niya ang makulong sa kaniyang silid habambuhay kaysa harapin ang araw-araw ang pagpapahirap at pangungutya ni Maestra Villareal at ng karamihan sa mga taong nakakasalamuha niya.

Sa lalawigang ito kilalang-kilala ng lahat na siya ang anak ni Don Mateo na isang abusadong opsiyal ng gobyerno. Sabihin man ng iba na wala namang kasalanan si Celestina sa kasamaang ginawa ng kaniyang ama ay naroon pa rin ang katotohanang dumadaloy sa kaniya ang dugo ng pinunong kinamumuhian nila.

Nagtataasang mga puno ng buko, malalawak na palayan, malilinis na mga ilog at sapa at mataas na bundok ng Maria Makiling ang nakikita sa buong paligid. Ang buong bayan ay masigla rin dahil sa paparating na Pista. Samo't saring mga palamuti ang tulong-tulong na inilalagay ng mga mamamayan sa kalsada.

Nang marating nila ang sentro ay buhay na buhay ang buong paligid habang ang mga tao ay abala sa paglalagay ng mga dekorasyon sa palibot ng simbahan para sa gaganaping prusisyon sa Linggo. Ang ilang mga estudyante ni Maestra Villareal ay pagod at nahihilo sa byahe kung kaya't pinatigil muna ni Maestra Villareal ang kalesa sa sentro ng bayan ng Laguna.

"Magpalipas muna tayo ng isang oras dito sa sentro bago magtungo sa hacienda Espinoza. Maaari kayong bumili ng mga pagkain at kagamitan na nais niyong bilhin" saad ni Maestra Villareal bagay na ikinatuwa ng mga estudyante at sama-sama silang nagtungo sa pamilihan na katabi lang ng simbahan.

Maglilibot din sana sina Celestina at Esteban ngunit tinawag sila ni Maestra Villareal. "Ikaw Esteban, bantayan mo ang mga kalesa at ang mga kagamitan. Ikaw naman Celestina, bilhan mo ako ng magandang abaniko sa pamilihan. Ang pinakamaganda at pinakamahal ang bilhin mo" utos ni Maestra Villareal sabay abot kay Celestina ng salapi. Nagtungo na sa loob ng simbahan si Maestra Villareal, walang nagawa si Esteban, busangot siyang sumakay muli sa kalesa.

Alas-sais na ng hapon, maaliwalas pa rin ang kalangitan habang ang buong kapaligiran ay makulay. Ang ilan sa mga mamamayan ay napapalingon kay Celestina. Karamihan sa kanila ay nakita na ang hitsura ni Celestina nang palayasin ito sa hacienda Cervantes ni Don Amadeo noon.

Mabilis na naglakad si Celestina patungo sa pamilihan ngunit napatigil siya nang makita ang napakaraming tao roon. Maliwanag pa ang buong kapaligiran at siguradong maraming makakakita sa kaniya at makakakilala na siya ang barakudang anak ni Don Mateo Cervantes.

Hindi namalayan ni Celestina na humakabang na siya paatras. Muli niyang naalala ang panahon kung saan halos lahat ng tao ay kinukutya siya at pinagtatawanan siya nang basahin ni Don Amadeo sa harapan ng lahat ang hatol ng gobyerno na babawiin ang lahat ng ari-arian nito at magiging alipin siya ni Maestra Villareal.

Sa pagkakataong iyon, ang tanging nagawa na lang ni Celestin ay ang tumakbo. Tumakbo siya nang tumakbo hanggang sa namalayan niyang patungo na siya sa kaniyang tahanan, sa hacienda Cervantes. Malapit lang sa bayan ang hacienda Cervantes at nais niyang masilayan muli ito kahit sandali lang.

Nang matanaw na niya mula sa di-kalayuan ang kanilang mansyon ay tila bumabalik ang masasaya at masasakit na alaala niya mula roon. Ang lakas ng kabog ng kaniyang puso ay umaabot na ngayon hanggang sa kanyang lalamunan. Nararamdaman niya rin ang mainit na likido na namumuo sa kaniyang mata, mga luhang nais niyang pakawalan nang malaya.

Nang marating niya ang tapat ng kanilang hacienda ay napatigil siya nang makita ang kalagayan nito ngayon. Ang mataas na pader na bakod ay nababalutan na ng mga lumot at makakapal na halaman.

Dahan-dahan siyang pumasok doon na hanggang ngayon ay hindi man lang isinara o ginalaw ng iba dahil sa paniniwalang may sumpa ang haciendang iyon. Pagpasok niya sa loob ng hacienda ay bumungad sa kaniya ang malaking mansyon nila na ngayon ay sira na at napakadilim. Napalingon din siya sa buong paligid na kung saan ang dating hardin na puno ng rosas ay napalitan na ng damo at tuyong halaman.

Sa bawat paghakbang ng kaniyang paa ay naroon ang mabibigat na pasanin na ilang taon na niyang dinadala. Mga katanungang tulad ng kung bakit naging ganito ang buhay niya? Kung bakit naging ganito ang kapalaran niya? At kung bakit naiwan siyang mag-isa?

Dahan-dahan siyang nagtungo papalapit sa malawak na hardin ng hacienda Cervantes. Marahan niyang pinitas ang isang tuyong rosas na patay na. Nang pagmasdan niya ito ay tila nakikita niya ang kaniyang sarili sa bulaklak na iyon. Ang dating karangyaan at maayos na pamumuhay na kinagisnan niya ay wala na. Ang kaniyang ama na pinakamamahal niya kahit pa kinamumuhian ito ng iba ay patay na.

Tila dinudurog ng libo-libong beses ang kaniyang puso habang pinagmamasdan ang patay na rosas. Sa mga sandaling iyon ay hindi niya namalayan na unti-unti na palang kumawala ang mga luhang kanina niya pa pinipigilan.

Kahit saan siya magtungo katulad pa rin siya ng patay na rosas na hindi na muling babalik sa dating anyo at ganda. Aalis na sana si Celestina roon ngunit napatigil siya nang may nagsalita sa kaniyang likuran. "Celestina?" wika ng isang pamilyar na boses.

Agad pinunasan ni Celestina ang kaniyang luha at buong tapang na nilingon ang pamilyar na boses. Hindi nga siya nagkamali dahil si Martin ang lalaking iyon.

Hindi nakapagsalita si Martin dahil sa pagkabigla, hindi niya akalaing makikita niya si Celestina sa oras na ito, sa lugar kung saan palagi niyang binabalik-balikan noon. Kakadaong lang ng bapor na sinakyan niya mula sa Maynila, sa halip na dumiretso siya sa kanilang tahanan ay mas pinili niyang pumunta muna sa hardin ng hacienda Cervantes.

Muling sumenyas si Celestina na ngayon ay hindi na magawang tumingin ng diretso sa mga mata ni Martin dahil ayaw niyang makita nito ang mga luhang itinatago niya. 'Sumaglit lang ako rito at kinumusta ang aming tahanan' patuloy pa ni Celestina. Napatingin si Martin sa patay na rosas na hawak ni Celestina. Hindi niya lubos maisip na maging ang paghawak ni Celestina sa bulaklak na iyon ay pamilyar na pamilyar sa kaniya.

'Ano palang ginagawa mo rito?' muling tanong ni Celestina. Napakamot sa ulo si Martin at napahinga nang malalim. Mag-aagaw dilim na at tanging ang liwanag na mula sa papalubog na araw na lang ang nagsisilbing liwanag sa paligid nila.

"Aking sinasariwa lang rin ang aking mga alaala sa lugar na ito" sagot ni Martin at nagsimula siyang humakbang papalapit kay Celestina bagay na ikinagulat ng dalaga dahil ganoon din ang ginawa noon ni Martin labing-isang taon na ang nakararaan.

"Mahalaga sa akin ang lugar na ito dahil saksi ang mga bulaklak na ito sa aking unang pag-ibig" patuloy ni Martin. Dahan-dahang napatingala si Celestina sa kaniya nang tumigil na siya sa tapat nito. 

"Katulad ng gabing iyon, narito ako nakatayo sa harapan niya at nariyan siya nakatayo at nakatingin ng ganiyan sa akin. Hawak niya ang rosas ng ganiyan at suot niya rin ang kuwintas na iyan" wika ni Martin habang nakatingin ng diretso sa mga ni Celestina. Umihip ang sariwang hangin sa paligid nila. Sa mga oras na iyon ay tila ang mga patay na rosas sa paligid ay muling bumabalik ang dating ganda.


****************

#ThyLove

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top