Ika-Sampung Kabanata


[Kabanata 10]

"CELESTINA, ang tubig!" sigaw ni Maestra Villareal na halos ikabingi ng lahat. Abala ang lahat ng kasambahay sa hacienda Espinoza dahil ang si Don Amadeo ang siyang magdadaos ng pinakamalaking handaan sa buong bayan. Kadalasan, mga mayayamang pamilya ang imbitado sa kaniyang mansyon.

Dali-daling inalis ni Celestina ang nakasalang sa pugon na malaking palayok na naglalaman ng mainit na tubig. Buong pwersa niya itong binuhat papunta sa direksyon ni Maestra Villareal na abala sa pagsisiyasat ng mga putaheng niluluto ng mga kusinera.

May sampung kasambahay ang pamilya Espinoza ngunit ni isa sa kanila ay walang nagtangkang kumausap kay Celestina lalo na't hindi naman nila alam kung paano ito kakausapin. Bukod doon ay kinamumuhian din nila ang pamilya Cervantes na mahigpit na kalaban noon ng kanilang amo.

"Ibuhos mo na iyan sa karne! Ano? Ako pa ba ang bubuhat niyan?!" sigaw ni Maestra Villareal sabay hampas ng kaniyang mamahaling abaniko sa ere. Kinuha na lang ni Celestina ang dalawang basahan saka binuhat muli ang malaking palayok nang mag-isa. Batid niyang wala rin namang gustong tumulong sa kaniya at tinitingnan lang siya ng mga kapwa niya kasambahay.

Dahan-dahan niyang ibinuhos ang napakainit na tubig sa karneng nakasalang na rin sa isa pang palayok. "Kahit kailan ay babagal-bagal ka talaga!" sigaw pa ni Maestra Villareal sabay hampas sa balikat ni Celestina dahilan upang muntikan na itong mawalan ng balanse at mabitawan ang palayok. Mabuti na lamang dahil maagap niyang nahila pabalik ang palayok dahilan upang kaunting tubig lang ang natapon sa sahig.

"P*nyeta! Ikaw talaga----" hindi na natapos ni Maestra Villareal ang sasabihin niya dahil may nagsalita mula sa bukana ng kusina. "Napakaingay..." mataray na wika ng isang dalagita, suot ang kaniyang mamahaling baro't saya na kulay asul.

Sabay-sabay na nagbigay-galang ang mga kasamabahay sa dalagitang kakarating pa lang. "Paumanhin po, Señorita Leonora" wika ng mga kasambahay. Napaismid si Maestra Villareal, hindi na ito nagsalita saka nagpatuloy sa pagpaypay sa kaniyang sarili gamit ang mamahaling abaniko.

Napaiwas ng tingin si Maestra Villareal. Batid niya na kinamumuhian siya ni Leonora dahil inaakala nito na kerida siya ng ama nito na si Don Amadeo.

Labing-tatlong taon pa lang si Leonora. Maganda, maputi, matangos ang ilong at mapupula rin ang labi ni Leonora na tulad ng kaniyang nakatatandang kapatid na si Loisa. Ngunit kabaliktaran siya nito, hinangahan ng lahat si Loisa sapagkat palangiti ito at mabait sa lahat habang si Leonora naman ay masungit at matabil ang bibig.

Mas lalong lumalabas ang pagkamaldita ng señorita sa oras na nababalitaan nito na may babaeng umaaligid sa kaniyang ama kahit pa alam naman niya na malapit ito sa mga babae. Tinitigan ni Leonora nang matagal si Maestra Villareal patuloy lang sa pagpaypay sa kaniyang sarili. Gustuhin man niyang turuan ng leksyon si Leonora ngunit alam niyang mapapahamak siya kay Don Amadeo sa oras na gawin niya iyon.

"Tapusin niyo na iyan bago sumapit ang hapunan" utos ni Maestra Villareal sa mga kasambahay saka lumabas sa kusina at nagtungo sa silid na kaniyang tinutuluyan. Kumpara sa hacienda Cervantes, ang mansyon at hacienda ng pamilya Espinoza ay mas malaki lalo na't karamihan sa mga lupain na nasasakupan nila ay dating pagmamay-ari ng mga Cervantes.

Bago umalis sa kusina si Leonora ay napatingin siya kay Celestina. Ito ang unang beses na nakita niya ang kilalang barakudang anak ni Don Mateo. Napakunot pa ang kaniyang noo saka tiningnan muli ang dalaga nang mabuti, napagtanto niya na hindi naman pala mukhang barakuda ang anak ni Don Mateo at hindi siya makapaniwala na kahit luma, kupas at punit-punit ang kasuotan nito ay maganda pa rin ito tingnan.

Nagpatuloy lang si Celestina sa pagbuhos ng mainit na tubig sa kabilang palayok, ilang sandali pa ay umalis na rin doon si Leonora dala ang malaking pagtataka kung bakit sinabing barakuda ang anak ni Don Mateo.


NAPAHINGA muna nang malalim si Loisa bago siya kumatok sa pintuan ng opisina ng kaniyang ama na nasa loob mismo ng kanilang mansyon. Nang magkaroon na siya ng lakas ng loob ay kumatok na siya ng tatlong ulit.

Narinig niya ang boses ng ama sa loob na pinahihintulutan na siyang pumasok. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto at naabutan niyang abala ito sa pagbabasa ng mga mahahalagang papeles. Napatingin si Don Amadeo sa kaniya at ibinaba nito ang nag-iisang piraso ng salamin sa mata na gamit niya sa pagbabasa.

"Ano ang iyong sadya, Loisa?" mahinahong tanong ni Don Amadeo. Napangiti si Loisa saka naglakad papalapit at nagmano. "Ama, may nais lang po sana akong itanong sa inyo" panimula nito. Napahinto si Don Amadeo saka nagtatakang napatitig sa kaniyang anak.

"Tungkol ba ito sa nakatakda niyong kasal ng walang modong Buenavista na iyon?" dismayadong saad ni Don Amadeo, gulat na napatingin sa kaniya si Loisa at napailing ito. Hindi niya akalain na kinamumuhian na ngayon ni Don Amadeo si Martin. Hindi rin niya masisisi ang kaniyang ama dahil maging siya ay dismayado sa pangingialam ni Martin sa sitwasyon ni Celestina.

"H-hindi po ama. Hindi po ito tungkol sa amin ni Martin" sagot ni Loisa sabay yuko. Kinuha ni Don Amadeo ang kaniyang tobacco at sinindihan ito. Sa tuwing namomoblema siya ay tanging ang usok na mula sa sigarilyo ang nagpapagaan sa kaniyang pakiramdam.

"Kung gayon, tungkol saan ba ang iyong pakay? Kilala kita, bihira ka lang lumapit sa akin. At sa tuwing mangyayari iyon ay batid kong malaking pabor na naman ang iyong hihilingin. Hindi mo ba pinagsisishan ang paghingi mo ng pabor sa akin na tulungan si Celestina noong nakaraan? Batid kong ginawa mo lang iyon para sa hambog na Martin na iyong sinisinta. Ngunit hindi mo ba naisip kung bakit handa niyang kalabanin kami nang dahil lang sa pobreng babaeng iyon?" sermon ni Don Amadeo, hindi nakapagsalita si Loisa. Marahil ay alam niya ang rason ngunit ayaw niya pa rin itong paniwalaan.

"Tanging konsensiya at awa lang po ang nararamdaman ni Martin para kay Celestina at wala ng iba" saad ni Loisa, ang tono ng kaniyang pananalita ay may halong panginginig. Panginginig na kakambal ng takot sapagkat maging siya ay hindi sigurado sa kaniyang sagot.

Tumawa si Don Amadeo. Nanatiling nakayuko si Loisa. "Hindi kita pinalaki upang maging hunghang" wika ni Don Amadeo. Hindi kumibo si Loisa, sanay na siya sa mga ganitong pasaring ng kaniyang ama. Kung minsan ay iniisip na lang niya na ito ang paraan ng kaniyang ama upang maging matatag at malakas silang dalawa ni Leonora.

"Sa katunayan, hanggang ngayon ay hindi ko mawari kung bakit tinanggihan ni Facundo ang alok na kasal ni Amadeo sa pagitan ng kanilang mga anak. Kung tutuusin ay magiging mas malakas ang kapangyarihan niya sana kung kay Mateo siya umanib. Ngunit wala na akong pakialam, malaking hunghang din 'yan si Facundo at sapat na sa akin na sunod-sunuran din siya sa akin ngayon" saad pa ni Don Amadeo. Napupuno ang buong paligid ng makapal na usok mula sa kaniyang tobacco na animo'y sumasayaw ito sa kawalan.

"Pabor din naman sa akin na maikasal ka sa isang Buenavista dahil tuluyan ko nang mahahawakan sa leeg si Facundo" patuloy ni Don Amadeo. Nanatiling nakayuko si Loisa at hindi umiimik.

"Ama, ang totoong pakay ko kaya ako naparito sa inyo ay dahil may nais sana akong malaman" napatigil si Don Amadeo sa pagtawa at napatingin sa kaniya. Hindi na nagsayang pa ng oras, kinuha niya ang suot na kuwintas at inilagay iyon sa mesa.

Nagtatakang napatingin si Don Amadeo sa kuwintas na iyon na pagmamay-ari ng kaniyang anak. "Naalala ko noong bata pa ako ay kayo po ang nagbigay nito sa akin. Ang sabi niyo po ay isuot ko ito palagi at huwag na huwag ko itong iwawala sapagkat alaala ito ni ina" saad ni Loisa, napatitig muli si Don Amadeo sa kuwintas na iyon na de susi. Dahan-dahan niya itong kinuha at pinagmasdan.

"Oo. Bakit?" nagtatakang tanong ni Don Amadeo. 

"Naalala ko pa na ang sabi niyo noon sa akin ay nag-iisa lamang ang kuwintas na ito sa buong mundo ngunit..." patuloy ni Loisa, maging siya ay naguguluhan sa mga sinabi noon ng kaniyang ama.

"Ngunit... Ano?" tanong ni Don Amadeo, hindi niya rin alam kung bakit bigla siyang kinabahan. Sa bawat segundong lumilipas ay hinihiling niya na hindi ang iniisip niya ang nasa isip ngayon ng kaniyang anak. 

"May nakapagsabi po sa akin na may kapareho ang kuwintas na ito, katulad nitong pagmamay-ari ko" saad ni Loisa, nanlaki ang mga mata ni Don Amadeo na tila nakakakita siya ng multo.

"Ano po bang mayroon sa kuwintas na iyan? Bakit sinabi niyo po noon na nag-iisa lang iyan? Hindi ko na tuloy batid kung..." hindi na natapos ni Loisa ang sasabihin niya dahil biglang tumikhim si Don Amadeo, tumayo ito at naglakad papalapit sa kaniya. 

Hinawakan ni Don Amadeo ang magkabilang balikat ng anak at seryoso niya itong kinausap "Sabihin mo sa akin kung sino ang nagmamay-ari ng kapareho ng kuwintas na ito?! Sino?!" sigaw ni Don Amadeo na ikinagulat ni Loisa. Ito ang unang beses na nakita niyang nagkaganoon ang kaniyang ama. Nasasaktan na siya sa higpit ng hawak ng kaniyang ama.

"A-ama... H-hindi ko po batid" saad ni Loisa, napapikit sa inis si Don Amadeo saka niya binitawan ang kaniyang anak at isinuntok niya sa mesa ang kaniyang kamao dahil sa matinding inis. Napatulala sa gulat si Loisa, hindi niya inaasahang magiging ganoon ang reaksyon ng kaniyang ama. 

"A-ano po ba ang katotohanan sa likod ng kuwintas na ito?"

"Iyong hanapin kung sino ang nagmamay-ari ng kaparehong kuwintas na ito. Sa oras na mahanap mo siya, sasabihin ko sa iyo ang totoo" saad ni Don Amadeo. Sa pagkakataong iyon, napatitig na lang si Loisa sa kuwintas na de susi. Natatakot siya sa katotohanang kaakibat ng kuwintas na iyon na ngayon pa lamang ay naghahatid na sa kaniya ng matinding takot at kaba.


"NARITO na si Señor Martin!" anunsyo ni Manang Adelia na mayor doma ng hacienda Buenavista. Dali-daling lumabas sa silid ang kambal na sina Joaquin at Javier na ngayon ay sampung taong gulang na. Nanlaki ang mga mata nila nang makita ang kanilang nakakatandang kapatid. Nakatayo ito sa salas at nakangiti sa kanila.

Nag-unahan silang bumaba sa hagdan at mahigpit nilang niyakap si Martin na ngayon ay mangiyak-ngiyak na rin sa tuwa. Tanging kay Joaquin at Javier niya lang nararanasan ang pag-ibig sa pamilya magmula nang mamatay ang kanilang ina.

"Heto na ang mga pasalubong niyo na ilang taon niyong hinintay" ngiti ni Martin sabay upo sa sala at isa-isa niyang inabot sa dalawang kapatid ang mga dala niyang pasalubong. Hindi na magkamayaw sa tuwa ang dalawang bata lalo na dahil sinunod lahat ni Martin ang listahan ng kanilang hinihiling na pasalubong.

"Manang Adelia, ito naman po ang sa inyo" nakangiting wika ni Martin sabay abot kay Manang Adelia ng isang mamahaling balabal na mula pa sa Europa. "Maraming Salamat, señor Martin" nakangiting saad ni manang Adelia saka nagtungo sa kusina upang ipagtimpla ng kape ang bagong dating na señor.

"Mabisa po ba talaga ito sa pagsulat ng liham ng pag-ibig?" nagtatakang tanong ni Javier habang tinititigan ang kumpol ng mamahaling papel at isang kahon ng pluma at tinta na pasalubong sa kaniya ni Martin. Natawa si Martin dahil hanggang ngayon ay madaling naniniwala pa rin sa kaniya ang dalawa.

"Oo naman. Kung sinuman ang sulatan mong dalaga gamit ang papel at pluma na iyan ay tiyak na iibig siya sa iyo" tugon ni Martin sabay tawa nang palihim dahil maging si Joaquin ay namangha sa kakayahang taglay ng papel at pluma na iyon.

"Ang sumbrerong ito naman po ay nagdadala ng mahika?" tanong ni Joaquin dahil mukhang napaniwala ni Martin ang kaniyang mga kapatid. "Oo naman! Kapag nais mo ng kuneho o ng dyamante tiyak na lalabas iyon dito" saad ni Martin na animo'y nagbebenta ng mga kagamitan.

"Nais ko po ng isa pang sumbrero na katulad nito!" utos ni Joaquin sa mahiwaga niyang sumbrero ngunit wala namang nangyari. Palihim na natawa si Martin at pilit niyang pinapakita na seryoso siya ngunit napapapikit na lang siya sa tawa dahil sa pinaggagawa ng kaniyang mga kapatid na ngayon ay hinahalughog na ang loob ng sumbrero.

Magsasalita pa sana si Martin ngunit narinig nila ang pagdating ng kalesa mula sa labas. "Nariyan na si ama at kuya Julian!" sabik na wika nina Joaquin at Javier na ngayon ay nag-unahang tumakbo papalabas ng mansyon upang salubungin ang kanilang ama at kapatid dahil gusto nilang sila ang unang magbalita na dumating na si Martin.

Napahinga na lang ng malalim si Martin habang pinagmamasdan ang kanyang dalawang kapatid na masayang tumatakbo papalabas. Batid niyang wala pang kamuwang-muwang si Joaquin at Javier sa totoong takbo ng mundo.

Tumayo na si Martin at naglakad papunta sa pintuan. Halos apat na taon din niyang hindi nakita. Naaninag niya mula sa di-kalayuan ang kaniyang ama na ngayon ay pababa na sa kalesa habang si Julian naman ay hinihila na nina Joaquin at Javier.

Kahit malayo ay naririnig na niya ang boses at tawa ng dalawang kapatid. Batid niyang taliwas iyon sa reaksyon ng kaniyang ama at nakatatandang kapatid na si Julian. Alas-siyete na nang gabi, bagama't madilim na sa labas ay malinaw pa rin sa kaniyang mga mata na hindi masaya sina Don Facundo at Julian na makita siya.

Nang makarating sila sa pintuan ay agad nagbigay-galang si Martin "Magandang gabi po, ama" bati niya ngunit diretsong naglakad si Don Facundo papasok sa bahay na animo'y wala siyang narinig. 

"Nakahain na ba ang hapunan, Manang Adelia?" tanong ni Don Facundo kay Manang Adelia na nakatayo sa tapat ng kusina habang hawak ang isang tasa ng kape para kay Martin. Maging siya ay nagulat sa naging trato ni Don Facundo sa kaniyang anak na bagong dating.

"O-opo Don Facundo, nakaayos na po ang hapag" tugon ni Manang Adelia saka diretsong bumalik sa kusina. 

"Julian, Joaquin at Javier... Tayo'y maghapunan na" tawag ni Don Facundo, nanatiling nakatayo si Martin sa tapat ng pintuan at nakatalikod sa kaniya. Bagaman inaasahan na niya na magiging ganoon ang trato sa kaniya ng kaniyang ama, hindi pa rin niya akalain na hanggang ngayon ay magiging malamig ang pagtanggap nito.

Nagtatakang napatingin sina Joaquin at Javier kay Martin na nakatayo lang sa pintuan at hindi kumikibo. Lalapitan pa sana nila ito ngunit hinawakan na sila ni Manang Adelia. "Mga hijo, masama paghintayin ang pagkain" saad nito.

Napatigil si Julian sa tapat ng pinto. Siya ang huling pumasok sa loob ng bahay. Ilang segundo silang nakatayo roon sa tapat ng pintuan, si Martin ay nakaharap sa labas habang si Julian naman ay papasok sa loob. 

"Aking nabalitaan na Celestina ang pangalan ng babaeng pinagtanggol mo kay doktor Mercado. Hindi ba't siya ang babaeng nakatakdang ikasal sa iyo noon?" tanong ni Julian, hindi umimik si Martin. Sa loob ng halos apat na taon, habang nag-aaral siya sa Europa ay hindi man lang nagpadala ng liham si Julian sa kaniya at ngayon sa kaniyang pagbabalik ay ito pa ang unang tanong na bubungad sa kaniya.

"Hindi mo naman kailangan sagutin ang lahat ng tanong. May mga taong nais lang magtanong upang tingnan ang iyong magiging reaksyon" patuloy ni Julian saka naglakad na ito papasok sa loob ng bahay at nagtungo sa hapag-kainan habang si Martin ay naiwang mag-isa roon at tulala sa kawalan.


KINABUKASAN, matapos ang tanghalian ay abala ang lahat ng kababaihan at estudyante ni Maestra Villareal sa pag-rorosaryo. Kakatapos lang din nila magluto at lahat sila ay kabahagi ngayon sa pagdarasal habang si Celestina ay naiwan sa kusina.

Batid niya na ilang oras pa ang itatagal nila Maestra Villareal sa pagdadasal kung kaya't naisipan niyang magtungo sa kanilang hacienda. Palihim siyang lumabas ng kusina habang tahimik ang buong mansyon. Ngunit nagulat siya nang tumambad sa kaniyang harapan si Leonora na nakatayo sa pintuan ng likod-bahay at nakapamewang pa sa kaniya.

Agad napayuko si Celestina sabay hakbang paatras, babalik na lang sana siya sa kusina ngunit napatigil siya nang magsalita si Leonora. "O'siya, lumabas ka na muna, nakakabagot din naman manatili rito buong araw. Kahit ako ay nababagot din" saad ni Leonora habang nakataas ang kilay. Gulat na napatingin sa kaniya si Celestina. Nagtataka siya kung bakit pinapayagan siyang lumabas ni Leonora.

"Baka magbago pa ang aking isip, bumalik ka lang agad" patuloy pa nito sabay talikod at nagtungo na paakyat sa kaniyang silid. Napangiti si Celestina at dali-daling tumakbo papalabas ngunit napatigil siya nang maisip niya na baka nililinlang lang siya ni Leonora at isusumbong siya nito kay Maestra Villareal kaya dismayadong bumalik na lang siya sa kusina ngunit napatigil siya nang makitang pababa muli ng hagdan si Leonora.

"Marahil ay iniisip mo na isusumbong kita? Maaaring Oo, maaaring hindi. Ngunit wala naman akong mapapala kung isusumbong kita, ikatutuwa pa iyon ni Perlita" saad ni Leonora.

"Bilhan mo na lang ako ng kakanin sa pamilihan. Hindi ko ibig ang mga luto dito sa bahay lalo na may bahid ni Perlita ang lahat ng putahe ngayon" patuloy ni Leonora sabay abot kay Celestina ng salapi.

Napangiti si Celestina bagay na ikinagulat ni Leonora dahil tila nahawa siya sa ngiti ng dalaga ngunit nagawa niyang sumimangot dahil baka isipin nito na mabait siya. Sa pagkakataong iyon, nararamdaman ni Celestina na sa likod ng maldita at mataray na mukha at pananalita ni Leonora ay natatago ang busilak nitong kalooban.


MALAYO pa lang ay naririnig na ni Celestina ang maingay na mga tambol, malalakas na hiyawan at tawanan sa buong nayon. Nababalot ng makukulay na dekorasyon ang buong sentro at ang simbahan ay handa na rin sa gaganaping prusisyon mamayang gabi. Hindi na mapawi ang mga ngiti sa labi ni Celestina habang pinagmamasdan ang buhay na buhay na paligid. Ang mga batang paslit ay nakabihis na rin ngayon at nagtatakbuhan sa gitna ng plaza habang ang kanilang mga ina naman ay abala sa pagsasaayos ng mga bulaklak at kandila na gagamitin.

Naglalakad siya patungo sa pamilihan upang bumili ng kakanin na pinapabili ni Leonora. Maka-ilang ulit siyang napapatigil sa paglalakad sa oras na may daraan na mga grupo ng mga kababaihan na sumasayaw at umiindak sa musika suot ang kani-kanilang makukulay na kasuotan. Hindi mapigilan ni Celestina ang mamangha sa lahat ng kanyang nakikita. Ito ang unang beses niyang matunghayan ang isang fiesta na dati-rati ay ikinukwento lang sa kaniya ni Manang Dominga.

"Kalimutan mo na muna ang iyong suliranin, amigo. Pagmasdan mo ang paligid, nagsasaya ang lahat samantala ikaw itong nalulumbay ng ganiyan" saad ni Timoteo habang tinatapik ang balikat ni Martin. Kasalukuyan silang naglalakad sa kahabaan ng pamilihan. Kasama niyang bumyahe kahapon sina Timoteo, Linda at Tonyo. Sa tahanan ni Timoteo muli siya nagpalipas ng gabi dahil walang pakialam sa kaniya ang kaniyang ama.

Kanina pa sila naglalakad. Maka-ilang beses na rin sila nagpaikot-ikot sa pamilihan. Ilang kakanin at prutas na rin ang nabili ni Linda na abala sa pagsusukat ng mga magagandang kasuotan sa isang tindahan. 

"Ano ang sinabi sa iyo ni Julian? Malamang wala naman siyang sinabi 'no? Hindi kumikibo ang kapatid mong iyon" saad pa ni Timoteo sabay ngiti sa mga naggagandahang kababaihan na nakakasalubong nila.

"O'siya, ikaw ang bahala kung hindi mo nais ibahagi sa akin. Aking babalikan sandali ang pinsan mong tigre kung magalit" wika ni Timoteo at naglakad na siya sa kabilang direksyon kung saan naiinip na si Linda kakahintay sa kaniya.

Napatingala na lang si Martin sa kalangitan. Hindi na niya alam ang kaniyang gagawin. Kahit pa masiglan ang buong paligid ay hindi pa rin ito nagdudulot ng kasiyahan sa kaniya. Magtutungo na lang sana siya sa hacienda Cervantes kung saan nais niyang mapag-isa at magkaroon ng katahimikan ngunit napatigil siya nang makita mula sa di-kalayuan ang isang dalaga na naghahatid sa kaniya ng kakaibang kaba.

Kasalukuyang namimili si Celestina ng mga kakanin sa isang tindahan. Magiliw na nakangiti sa kaniya ang matandang tindera at binigyan pa siya nito ng libreng tikim sa mga paninda nitong kakanin. Napangiti si Celestina at isinubo niya agad ng buo sa kaniyang bibig ang isang piraso ng suman, bagay na ikinagulat ni Martin. Namalayan na lang niya na tumatawa na siya mag-isa sa gitna ng kalye kung kaya't nagtatakang napatingin sa kaniya ang ilan sa mga taong dumaraan.

Nasa kabilang kanto si Celestina habang nginunguya nito nang mabuti ang masarap na suman na kinain niya ng buo. "Maraming Salamat, hija" nakangiting wika ng matandang tindera matapos bumili ni Celestina ng sampung pirasong suman. Batid ni Celestina na hindi taga-roon ang matandang tinderang iyon dahil hindi siya nakilala nito.

Nagpatuloy na sa paglalakad si Celestina. Sinundan siya ni Martin nang palihim. Hanggang ngayon ay natatawa pa rin siya sa ginawang iyon ng dalaga. Ilang sandali pa ay napatigil si Celestina sa tapat ng isang tindahan ng mga sinulid at mga gamit sa pananahi. "Hija, ano ang iyong nais bilhin?" tanong ng tindera, napangiti lang si Celestina saka napailing. Pinagmamasdan niya ang isang panyo na may nakaburdang bulaklak ng pulang rosas. Kahit pa may sapat siyang pera pambili niyon ay mas pipiliin niya pa ring ipunin iyon para sa mas mahalagang bagay.

Mula sa di-kalayuan ay wala siyang kamalay-malay na kanina pa siya sinusundan at pinagmamasdan ni Martin. Sa halos lahat ng mga tindahang tinigilan niya ay naroon si Martin at nakamasid sa kaniya. Napapangiti rin ito sa tuwing ngumingiti si Celestina sa mga tindero at tindera at isa-isa niyang pinagmamasdan ang mga paninda ng mga ito magmula sa mga damit, palamuti sa buhok, pamburda, pagkain, mga aklat at mga obra.

Hindi rin mawari ni Martin kung bakit tila nawala lahat ng mga problema na inaalala niya. Sa simpleng mga ngiti at pagmamasid ni Celestina sa buong kapaligiran ay naghahatid sa kaniya ng kakaibang saya na hindi rin niya maipaliwanag.

Napatigil si Celestina nang mahagip ng kaniyang mata si Martin mula sa kabilang tindahan. Nakatingin ito sa kaniya. Naunang ngumiti si Martin saka naglakad papalapit sa kaniya. "I-ikaw ba ay nasisiyahan sa pagdiriwang ng pista ngayon?" tanong ni Martin. Napatango si Celestina, hindi niya batid kung bakit nahuli niyang nakatingin ang binata sa kaniya mula sa kabilang tindahan kanina. 


MABAGAL silang naglalakad papunta sa hacienda Cervantes. Naisipan nilang magpalipas ng oras sa hardin ng hacienda Cervantes kahit pa halos lahat ng halaman doon ay tuyo at patay na. 

'Maraming salamat, Señor' senyas ni Celestina sa kinakain nilang kakanin na binili ni Martin para sa kanilang dalawa. 

'Sinabi ko na sa iyo na huwag mo na akong tawaging señor dahil magkaibigan naman na tayo, hindi ba? Kapag muli mo akong tinawag na señor ay magkakaroon ka ng utang sa akin'  halos mapunit ang mukha ni Martin dahil kanina pa siya nakangiti.

Natawa si Celestina bagay na mas lalong ikinatuwa ni Martin dahil nasilayan niya muli ang dalawang malalim na biloy nito sa magkabilang pisngi. "Mas lalong nangingibabaw ang iyong kagandahan sa tuwing ikaw ay nakangiti" saad ni Martin na ikinagulat ni Celestina. Maging siya ay nagulat din dahil lumabas ang mga salitang iyon sa kaniyang bibig.

"A-ang ibig kong sabihin ay nakakadagdag talaga sa kagandahan ng isang binibini ang pagngiti, h-hindi ba?" napatango na lang si Celestina bilang tugon sabay iwas ng tingin.

Naglalakad sila sa kahabaan ng kalye na gawa sa lupa papunta sa hacienda Cervantes habang ang buong paligid ay napapalibutan ng naglalakihang mga puno. Alas-singko na ng hapon, madilim na rin ang daan patungo sa abandonadong mansyon ng hacienda Cervantes.

'Hindi ko akalain na ganito pala ang hitsura ng aming tahanan mula sa bintanang iyon na aking silid' panimula ni Celestina sabay turo sa bintana na nasa tuktok ng mansyon. Madilim at nakasardo ang bintana na dating mundo ni Celestina. Natatanaw nila ngayon mula sa di-kalayuan ang apat na palapag ng mansyon ng pamilya Cervantes.

'Ayon kay ama, sa buhay ay hindi lang dapat iisang bintana ang aking tinitingnan. Kailangan kong tingnan ang lahat ng bintana sa palibot ng aking silid upang aking maintindihan ang iba't ibang bahagi ng mundo. Parang sa buhay lang din ng tao, hindi ka dapat tumitingin sa iisang bahagi lamang, dapat iyong tinitingnan ang lahat ng bahagi upang maunawaan mo ang kabuuhan nito' saad ni Celestina, napatango si Martin at napangiti. Hindi niya mapigilang mamangha sa taglay na talino at pagiging makata ng dalaga. Mabagal, dahan-dahan at kalmado lang din ang kanilang paglalakad.

'Nakakatuwang malaman na may ganoong bahagi pala ng pagkatao ang iyong ama. Batid kong mabuti siyang tao dahil maganda ang naging pagpapalaki niya sa iyo'  wika ni Martin, ang mga salitang iyon ay tila nagpagaan sa kalooban ni Celestina. Si Martin ang kauna-unahang taong nakausap niya na hindi nagsabi ng masama sa kaniyang pinakamamahal na ama.

'Para sa iba masama, gahaman at mamatay tao ang aking ama ngunit para sa akin ay isa siyang mapagmahal at butihing ama. Palagi niya akong dinadalhan ng bulaklak tuwing umaga. Tuwing gabi ay kinukwentuhan niya ako patungkol sa nangyari sa kaniyang buong araw' saad ni Celestina habang nakangiting pinagmamasdan ang kanilang tahanan mula sa malayo.

'Siya ang naging buhay ko, siya ang naging sentro ng aking mundo. Kahit dalawa lamang kami sa mundo ay mas gugustuhin ko iyon kaysa mamuhay sa magulong mundong ito. Kung sana lang ay maaaring maibalik ang oras, marami akong nais hilingin' patuloy ni Celestina, hindi  nakapagsalita si Martin lalo na nang mapansin niyang may mga luhang namumuo mula sa mga mata ng dalaga.

Napatigil sa paglalakad si Martin. Pinagmamasdan niya ngayon ang likuran ni Celestina patuloy pa rin sa paglalakad. Nang mapansin ni Celestina na hindi na niya kasabay maglakad si Martin ay agad niyang pinunasan ang kaniyang luha at lumingon siya sa binata 'Kung maibabalik mo ang oras ng nakaraan? Ano ang iyong hihilingin?'  tanong ni Martin na ikinagulat niya.

Napatingin siya sa lupa at napahinga nang malalim saka muling lumingon sa binata 'Kung maibabalik ko ang oras ng nakaraan... Aking hihilingin na sana ay nasabi ko sa kaniya kung gaano ko siya kamahal at hindi ko pinagsisihin na siya ang aking naging ama' sagot ni Celestina habang nakatingin nang diretso sa mga mata ni Martin.

Sa pagkakataong iyon, ngumiti nang marahan si Martin sa kaniya 'Nakasisiguro ako na kahit hindi mo nasabi sa kaniya ang mga salitang iyon ay batid kong alam niya kung gaano siya kahalaga sa iyo' humakbang si Martin papalapit kay Celestina.

'Hindi lahat ng nais mong ipaalam sa isang tao ay kailangang lumabas sa iyong bibig. May mga bagay na mas masarap damhin kaysa pakinggan. Ang pag-ibig ay hindi nasusukat sa kung paano mo ito sasabihin sa taong mahal mo dahil mas matimbang kung paano at hanggang saan mo mapapatunayan ang pag-ibig mo sa kaniya, hindi ba?' patuloy ni Martin habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Celestina.

Lumipas pa ang ilang minuto, nakatayo na sila sa tapat ng hacienda Cervantes. 'Kagabi, halos lamunin na ako ng problema. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nalulugod sa akin si ama, palagi niya pa ring pinapaboran ang aking nakatatandang kapatid. Ganoon siguro ang kaisipan ng isang ama na mayroong anak mula sa babaeng minamahal niya laban sa babaeng hindi naman niya gusto'  saad ni Martin, siya naman ang nagkwento tungkol sa kaniyang pamilya. Nanatiling nakatingin lang sa kaniya si Celestina at nakikinig itong mabuti.

"Ang gaan pala sa pakiramdam kapag nailalabas mo ang lahat ng iyong suliranin. Hindi ko batid kung bakit madali kong nasasabi ang lahat ng ito sa iyo. Marahil ay dahil batid kong nauunawaan mo ako" patuloy ni Martin. Muli siyang napaisip nang malalim 

"Sandali..." nagtatakang wika ni Martin sabay tingin muli kay Celestina.

Muli siyang gumamit ng pag-senyas 'Bakit parang naikwento ko na sa iyo ito? Hindi lang ako naksisisguro kung kailan ngunit tila ikaw ang aking kasama sa daungan----' hindi na natapos ni Martin ang kaniyang sasabihin dahil agad sumenyas si Celestina. 

'Aalis na ako, baka hinahanap na ako ni señorita Leonora' sabay takbo papalayo. Tinawag pa siya ni Martin ngunit hindi siya nilingon ng dalaga kung kaya't naiwan siya roon nang may pagtataka lalo na't hindi malinaw sa kaniyang alaala kung ano ang mga sumunod na nangyari noong nagkausap sila ni Celestina sa daungan.


ALAS-SIYETE na ng gabi, sabay-sabay na umaawit ng dasal ang mga mamamayan habang hawak ang kanilang mga kandila. Nauuna sa prusisyon ang mga prayle habang pinapalibutan nila ang mga imahe ni Birheng Maria, ni Hesus at ng patron ng simbahan na si San Isidro Labrador.

Nababalot ng malamig na hangin ang buong kapaligiran habang kumikislap sa bawat sulok ang libo-libong liwanang mula sa mga kandila. Maliwanag din ang kalangitan dahil sa liwanag ng buwan. Bata, matanda, babae, lalaki, mayaman at mahirap ay sama-samang naglalakad kasunod ng mga poon.

Ang awitin na nagbibigay pugay sa patron ang siyang inaawit ng lahat. Seryosong umaawit si Maestra Villareal habang maayos na nakasunod sa kaniyang likuran ang kaniyang mga estudyante. Nasa unahan sina Don Amadeo, Don Facundo at ang ilang mga opisyal habang nasa likuran nila ang kanilang mga anak.

Natanaw ni Celestina na magkasabay maglakad sina Loisa at Martin. May hawak na kandila si Loisa sa kabilang kamay at nakahawak naman ang isa niyang kamay sa bisig ng binata. Sa pagkakataong iyon, parang unti-unting nadudurog ang puso ni Celestina habang pinagmamasdan silang dalawa. 

Pilitin man niya ang sarili niya na hindi sila tingnan ay hindi niya pa rin mapigilan. Isang ngiti ang naaninag niyang pinakawalan ni Martin habang nakatingin kay Loisa. 

Nang matapos ang prusisyon, nanatili ang ilan sa labas ng simbahan habang ginaganap ang misa sa loob. Marami ang dumalo sa prusisyon at misa kung kaya't karamihan ay nasa labas at nakikinig. Nasa loob ng simbahan sina Loisa at Martin. Samantala, nasa labas si Celestina habang hawak ang kamay ni Esteban.

Alas-nuwebe na ng gabi nang matapos ang misa. Nagpaalam si Esteban na tutungo muna sa palikuran. Nakatayo lang si Celestina sa labas ng simbahan habang hinihintay si Martin. Nais niyang ibalik ang kuwintas na relos na pagmamay-ari nito.

Ilang sandali pa ay natanaw na ni Celestina na diretsong naglalakad papalabas si Martin. Seryoso ang mukha nito at tila nagmamadaling makalabas doon. Agad nagbigay-galang si Celestina kay Martin na papasalubong na sabay abot ng relos nito ngunit nilagpasan lang siya ni Martin na tila isang hangin na hindi nito nakita.

Gulat na napatingin si Celestina kay Martin na ngayon ay tuloy-tuloy pa ring naglalakad papalayo. Naistatwa na lang siya sa kaniyang kinatatayuan habang patuloy na nagsisilabasan ang mga tao sa simbahan. Hahabulin na sana niya si Martin ngunit nagulat siya nang may kamay na humawak sa kaniyang braso at hinila siya nito patalikod.

"Sandali! Saan mo nakuha ito?!" seryosong tanong ng isang binatang matangkad habang hawak-hawak ang braso ni Celestina.

Nanlaki ang mga mata ni Celestina at halos walang kurap itong nakatingin sa binatang iyon na ngayon pa lang niya nakita. Matangkad ito, matangos ang ilong, maganda ang hubog ng katawan at nagtataglay din ng pambihirang kagwapuhan. "Tinatanong kita, bakit nasa iyo ito?!" patuloy ng binata, dahilan para mapatigil ang ilan at mapalingon sa kanila. 

Nagsimulang magbulungan ang mga tao hanggang sa mapatigil din si Martin sa paglalakad at mapalingon sa likod. Samantala, si Loisa naman ay nakatayo sa pintuan ng simbahan at gulat na nakatingin kay Celestina at sa lalaking may hawak sa kaniya ngayon.

Laking gulat ni Martin nang makilala kung sino ang lalaking iyon na kausap ni Celestina, walang iba kung hindi ang kaniyang nakatatandang kapatid na kinamumuhian niya sa lahat, si Julian Buenavista.


******************

#ThyLove

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top