Ika-Pitong Kabanata

[Kabanata 7]

NAPABAGSAK sa higaan si Martin habang hawak ang isang papel kung saan iginuhit niya roon ang hitsura ng kuwintas na susi na suot ni Celestina. Magmula pa noong isang araw nang mapansin niya itong suot ni Celestina ay hindi na ito maalis sa kaniyang isipan.

"Bakit hindi ka pa natutulog?" nagulat si Martin nang biglang magsalita si Timoteo na ngayon ay nakadungaw sa pinto ng kaniyang silid. Agad siyang napaupo saka mabilis na inupuan ang papel kung saan niya iginuhit ang kuwintas.

"Anong ginagawa mo rito?" reklamo ni Martin sabay kuha ng kaniyang unan at ipinuwesto ito nang maayos sa dulo ng higaan. Napabuntong hininga si Timoteo saka pumasok sa silid ng kaibigan. "Ipapaalala ko lang sa iyo na pamamahay ko ito" buwelta nito dahilan para matawa si Martin, binato niya pa ng unan ang pilosopong kaibigan.

"Ano ba 'yang tinatago mo?" usisa ni Timoteo sabay tingin sa ilalim ng higaan ni Martin. "Naabutan kong may pinagmamasdan kang papeles" patuloy pa nito, napalunok si Martin saka dahan-dahang kinapa ang papel na ngayon ay inuupuan na niya.

"W-wala iyon, matulog ka na lang. Tabihan mo na ang iyong asawa. Kailan ba ako magkakaroon ng pamangkin?" kantyaw pa ni Martin, napakunot ang noo ni Timoteo.

"Walang pag-asang mahalin ako ng pinsan mong ubod ng sungit. Mabuti pang ipakilala ko na lang sa iyo ang mga magagandang dilag sa bahay-aliwan" tawa ni Timoteo, sinamaan siya ng tingin ni Martin dahil binubuksan na naman nito ang usapan tungkol sa bahay-aliwan.

"Ang totoo niyan, kaya ako narito ngayon ay dahil nais kong samahan mo ako sa bahay-aliwan kahit ngayon lang. Pangako! Hinding-hindi ka mabibigo" ngisi ni Timoteo. Napailing si Martin saka sinagi ang kaibigan. "Batid mo namang wala akong balak na umayon diyan sa mga gawain mong iyan. Hindi ko ibig bigyan pa ng sakit sa ulo si Loisa, tiyak na hindi niya ikatutuwa sa oras na marinig niyang nagtungo ako sa bahay-aliwan" seryosong sagot ni Martin sabay higa at nagtaklob na rin siya ng kumot.

"Si Loisa ba talaga ang inaalala mong mabibigo sa iyo? O baka naman mas nag-aalala ka na masira ang maginoo mong imahe kay Celestina?" kantyaw ni Timoteo sabay hampas sa pwetan ng kaibigan dahilan upang mapabangon si Martin at kunot-noong napalingon sa kaniya.

"Matulog ka na lang at kalimutan mo na 'yang libidong dumadaloy sa iyong katawan" reklamo ni Martin sabay taklob ulit ng kumot. Tinawanan lamang siya ni Timoteo at naupo ito sa gilid ng kama.

"Aking nasaksihan kahapon kung paano mo pinaglaban sa harapan ni Loisa na pakawalan ni Maestra Villareal si Celestina. Mabuti na lamang hindi ka hinayaan ni Loisa na kausapin si Maestra Villareal dahil kung nagkataon paniguradong mas lalong lalaki ang gulo" saad ni Timoteo, hindi nakaimik si Martin. Hindi rin niya ginusto na makasagutan si Loisa. Hindi niya rin maunawaan ang sarili kung bakit pagdating kay Celestina ay hindi niya napigilan pa ang kaniyang galit.

"Aking nabalitaan na si Don Amadeo ang gumawa ng paraan upang ibaba na nina doktor Mercado at Maestra Villareal ang kaso nila kay Celestina. Maaaring si Loisa ang nakiusap sa kaniyang ama, iba talaga ang nagagawa ng pag-ibig. Biruin mo, si Celestina ay isang Cervantes na kinamumuhian ni Don Amadeo ngunit heto siya ngayon, siya pa ang sumadya sa Real Audiencia upang pakiusapan ang mga opisyal" saad ni Timoteo. Nanatiling tahimik si Martin, hindi pa niya napapasalamatan si Loisa at ngayon ay mas lalo siyang nakonsensiya sapagkat mas inuna niya pang kamustahin si Celestina kaninang umaga.

"Tiyak na malaking pabor ang hiningi ni Loisa sa kaniyang ama upang matahimik 'yang pinaglalaban mo" wika ni Timoteo, hahampasin niya pa sana sa pwet si Martin ngunit napatigil siya nang makita ang piraso ng papel na nakasuksok sa hinihigaan nito. Agad niyang hinila ang papel dahilan upang magulat si Martin at mapunit ito.

"Ano ito? Ito ba ang pinagkakaabalahan mo? Gumuguhit ka na ng mga hubad na larawan..." tawa ni Timoteo sabay tayo at pilit na winawasiwas sa ere ang kalahating piraso ng papel na iyon. Dali-daling bumangon si Martin at pilit na inaagaw kay timoteo ang papel. 

"Akin na 'yan! Humanda ka talaga sa'kin!" inis niyang wika sa kaibigan ngunit napatigil si Timoteo nang mapagtanto niya kung ano ang nakaguhit sa papel na iyon.

"Kuwintas?" nagtatakang tanong ni Timoteo habang nakatitig pa rin sa papel. Nagkaroon ng pagkakataon si Martin na maagaw iyon at dali-dali niyang nilukot at inilagay iyon sa kaniyang bulsa. "Matulog ka na nga, maging ako ay dinadamay mo sa pagpupuyat" saad ni Martin sabay higa muli sa kama. Nanatili namang nakatayo si Timoteo at pilit na iniisip ang kuwintas.

"Nais mong pasukin ang negosyo ng pag-aalahas?" nagtatakang tanong ni Timoteo na may halong tawa. Napakunot ang noo ni Martin at naupo sa kama. 

"Kung Oo, ikaw ay bibili sa akin?" biro ni Martin sa kaibigan. "Lahat ng aking sahod ay hawak ni Linda. Sa kaniya ka humingi ng salapi" wika ni Timoteo. Muli itong napaisip kung saan niya nakita ang kuwintas na iginuhit ni Martin. 

"Sandali, tila nahahawig ang kuwintas na iyan sa kuwintas na palaging suot ng iyong kasintahan" patuloy ni Timoteo dahilan upang mapatingin sa kaniya si Martin.

"Kuwintas na de susi... Tila may ganiyan si Loisa. Hindi ba't iyan ang naging daan kung bakit mo siya nahanap noon?" dagdag ni Timoteo, dahan-dahang dinukot ni Martin sa kaniyang bulsa ang papel at muling binuklat iyon at pinagmasdang mabuti ang disenyo ng kuwintas.


ALAS-SAIS na ng umaga, habang nagpupunas ng mesa si Celestina ay napatigil siya nang marinig niya ang boses ni Maestra Villareal na ngayon ay nakatayo sa kaniyang likuran. "Anong pakiramdam na mayroon ka ng kakampi ngayon?" panimula nito sabay ngiti, isang ngiti na puno ng bahid ng pangungutya at pang-aalipusta.

Hindi na lang umimik si Celestina, sa halip ay nagpatuloy pa rin siya sa pagpupunas ng mesa. "Buenavista, Espinoza at Cervantes... Madalas akong naiipit sa inyong tatlo. Bakit kaya kahit saang anggulo tingnan ay laging konektado ang inyong mga pamilya sa isa't isa" nagsimulang humakbang si Maestra Villareal nang dahan-dahan papalapit kay Celestina.

"Isang buwaya, isang ahas at isang leon. Hanggang kailan ako maiipit sa hidwaang hindi matapos-tapos?" patuloy nito sabay hawak sa pisngi ni Celestina at tinitigan niya ito ng diretso sa mata.

"Batid kong alam mo na hindi talaga leon ang hari dahil sa oras na hindi niya maipaglaban ang kaniyang teritoryo at maagaw ito ng iba ay sa putik na siya pupulutin. Hindi rin buwaya ang hari dahil gaano man kalaki at katalim ang mga ngipin nito ay hindi niya magagawang sakupin ang kalupaan"

"Mas matakot ka sa ahas, hindi mo siya mararamdaman, hindi mo siya maririnig at hindi mo malalaman na nasa likod mo na pala siya na handa kang tuklawin anumang oras. At sa oras na mangyari iyon, ang kamandag na dadaloy sa iyong dugo ang siyang papatay sa iyo" 

"Ikaw? Sino sa iyong palagay ang mangingibabaw sa kanilang tatlo? Wala na ang leon. Matagal nang bumagsak ang leon. Ngunit batid mo ba kung anong nakakatawa? Ang buwaya at ahas na dating magkakampi ay tila magsisimula nang magkagulo dahil sa isang... leon. Dahil sa leon na minsan nilang pinagtulungan pabagsakin" patuloy ni Maestra Villareal, nagulat si Celestina nang hawakan nang mahigpit ni Maestra Villareal ang kaniyang braso.

"Lumalaki na ba ang iyong ulo dahil batid mong pinapanigan ka ni señor Martin? Naaawa lang siya sa iyo, hindi ba't kasalanan din naman niya kung bakit mababa na ang estado ng iyong buhay ngayon? Awa at konsensiya lamang ang nananaig sa kaniya kaya ka niya tinutulungan. Naaawa siya sa tulad mong pobreng ulila" ngiti ni Maestra Villareal sabay tulak kay Celestina, tinitigan niya pa ito nang masama bago umalis.

Napatulala si Celestina sa sahig. Kahit kailan ay hindi niya hiniling na maawa sa kaniya ang sinuman. Bukod doon ay nararamdaman din naman niya na kaya ganoon na lamang ang pag-uusig ni Martin na mapalapit sa kaniya ay dahil naaawa ito sa kaniya, bahagi ng awa na nararamdaman nito para tulungan siya. 


"AKALA ko ay hindi mo na ako dadalawin kahit kailan dahil sa nangyaring hindi natin pagkakaunawaan noong isang gabi" mahinahong wika ni Loisa habang nakatitig sa tasa ng kape na nasa harapan nila. Napahinga nang malalim si Martin saka dahan-dahan niyang inilapag ang kaniyang sumbrero sa gilid ng upuan.

Nakabibinging katahimikan ang umaalingangaw sa kanilang paligid habang si Selia ay nakaupo sa kabilang upuan at binabantayan sila. Hindi bumaba si Maestra Villareal nang malaman niyang dumalaw si Martin Buenavista kung kaya't si Selia na lang ang inutusan niyang bumaba.

"Nais kong humingi ng paumanhin sa..." hindi na niya natapos pa ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita si Loisa. 

"Kalimutan mo na iyon. Aking nauunawaan na nagawa mo iyon dahil isa kang abogado. Tungkulin mo na ipagtanggol ang mga naaapi at isa na nga roon si Celestina" saad ni Loisa habang nakatingin sa mga tasa ng kape. Mas lalong nakaramdam ng konsensiya si Martin sapagkat hindi siya ngayon tinitingnan ni Loisa ng diretso sa mata, bagay na alam niyang nagtatampo ito o masama ang loob.

"Ngunit sana ay pakatandaan mo rin ang paghihirap ko na mapanatiling maayos ang relasyon ng ating mga pamilya. Si Maestra Villareal ay tapat kay ama. Si Doktor Mercado ay tapat sa iyong ama. Pareho silang may poot kay Don Mateo Cervantes. Ano na lang sa tingin mo ang sasabihin ng ating mga magulang sa oras na marinig nilang ipinagtatanggol mo si Celestina?" wika ni Loisa, hindi na niya napigilan pa ang tono ng kaniyang pananalita nang banggitin niya ang pangalan ni Celestina.

Hindi agad nakapagsalita si Martin. Sa tuwing nagagagalit si Loisa ay hindi na siya nagsasalita pa. Sa tuwing nag-aaway sila ng kaniyang nobya ay tumatahimik na lang siya upang hindi na ito lalong magalit pa. Bukod doon ay naiintindihan din niya na may punto nga ang sinasabi ni Loisa. Si Maestra Villareal ay tapat at kapanalig ni Don Amadeo Espinoza habang si doktor Mercado naman ay tapat at buong-pusong naglilingkod kay Don Facundo Buenavista. Siguradong magsusumbong ang dalawa kay Don Amadeo at Don Facundo kung sakaling itinuloy niya na kalabanin sa korte ang dalawang iyon upang ipagtanggol lang si Celestina.

"Nawa'y maintinidihan mo sana Martin na ginagawa ko ang lahat upang mapangalagaan ang relasyon ng mga pamilya natin at higit sa lahat ay ang relasyon nating dalawa. Halos walong taon na ang ating relasyon, nawa'y pahalagahan mo rin iyon" saad pa ni Loisa. Nanatili lang nakatitig sa sahig si Martin habang si Selia naman ay gulat na gulat at hindi makapaniwala sa mga naririnig niya ngunit agad din siyang napayuko nang lumingon sa kaniya si Loisa.

Ilang sandali pa ay tumahimik na si Loisa, senyales ito na nais niyang marinig ang sasabihin ng kaniyang kasintahan. Napahinga na lang ulit nang malalim si Martin bago mag-umpisa magsalita "Humihingi ako ng paumanhin sa padalos-dalos kong desisyon. Hindi ko naisip ang mas malaking kapalit ng aking mga kilos noong isang araw. Nais ko ring magpasalamat sapagkat gumawa ka ng paraan upang iligtas si Celestina" wika nito nang hindi rin tumitingin sa mga mata ni Loisa.

Muling naghari ang nakaka-ilang na katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Maging si Selia ay hindi na rin mapakali at pinagpapawisan na dahil sa bigat ng paligid. "Ginawa ko iyon para sa iyo. Nawa'y sabihin mo sa akin kung may dinadala kang suliranin. Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya kahit pa batid kong malaking pabor ang hihingiin ko kay ama" saad ni Loisa dahilan upang mapatingin na si Martin ng diretso sa kaniya. 

Sa pagkakataong iyon ay napatingin si Martin sa kuwintas na suot ni Loisa. Tama nga si Timoteo, kapareho iyon ng kuwintas na suot ni Celestina. Magsasalita pa sana si Martin kaso naunahan na siya ni Loisa.

"Nais ko ring tulungan si Celestina at batid kong alam mo iyon. Hinahabol din ako ng konsensiya tulad ng nararamdaman mo para sa kaniya dahil batid kong kasalanan din ng aking ama kung bakit niya nararanasan ang hirap ng buhay ngayon. Sa susunod ay umaasa akong pagdating kay Celestina ay sabihin mo sa akin upang makatulong ako. Hindi pa man tayo mag-asawa ngunit sa ngayon pa lang ay nais kong ang suliranin mo ay maging suliranin ko rin" saad ni Loisa at dahan-dahan niyang inabot ang kamay ni Martin sabay ngiti nang marahan, senyales na pinapatawad na niya ito. 


ARAW ng Linggo, sabay-sabay na nagtungo si Maestra Villareal at ang kaniyang mga estudyante patungo sa simbahan upang dumalo sa misa. Bago magsimula ang misa ay naroon na sila. Habang ang ilan ay nakaupo nang tahimik sa kanilang upuan, nagulat si Loisa nang tumabi sa kaniya si Maestra Villareal.

"Kumusta ang napag-usapan niyo ng iyong nobyo kahapon?" panimula nito. Hindi nakasagot si Loisa. "O baka mas mabuting itanong ko kung kumusta na ang relasyon niyong dalawa?" patuloy nito habang nakatingin ito ng diretso sa altar.

"M-maayos naman po ang aming naging pag-uusap kahapon. At nang dahil sa nangyari ay naging mas matibay ang aming relasyon" sagot ni Loisa habang nakayuko. Napasandal si Maestra Villareal sabay bukas ng kaniyang mamahaling abaniko.

"Bakit mo tinulungan si Celestina? Mabuti na lang dahil wala nang ibang sinabi pa ang iyong ama sa akin nang magpadala siya ng liham kahapon at sabihing ibaba ko ang kaso kay Celestina. Sa nangyaring iyon ay parang nilunok ko muli ang pagkaing niluwa ko na"

"Ano sa tingin mo ang pakiramdam ng isang taong nagbintang sa iba ngunit babawiin din naman pala niya? Nagmukha akong sinunggaling sa mata ng madla!" inis na saad ni Maestra Villareal. Mas lalo niyang nilakasan ang pagkumpas ng kaniyang abaniko dahil nag-iinit na siya ngayon sa matinding pagkainis.

"Paumanhin po ngunit nagawa ko lang po iyon para kay..." hindi na niya natapos pa ang kaniyang sasabihin dahil agad nagsalita si Maestra Villareal.

"Para sa iyong kasintahan! Iyang lalaking 'yan na balak akong atakihin nang patalikod. Nakarating sa akin ang balita na balak niya palang magpadala ng liham sa kaniyang ama upang humingi ng tulong" inis na saad ni Maestra Villareal, gulat namang napatingin sa kaniya si Loisa dahil ngayon niya lang nalaman na gumawa ng liham si Martin na ipapadala niya dapat kay Don Facundo ngunit hindi na ito natuloy dahil nagawan na ng aksyon ni Loisa ang lahat sa tulong ng impluwensiya ng kaniyang ama.

"Kung nagkataon na naipadala niya ang liham na iyon at nabasa ni Don Facundo. Tiyak na mas lalaki ang gulo. Hindi ko nais makalaban si Don Facundo at maging masama ang tingin niya sa akin. Kung hindi pa rin titigil ang iyong kasintahan sa pakikialam sa aking mga desisyon para kay Celestina ay ako na mismo ang kakalaban sa kaniya" giit pa ni Maestra Villareal sabay tingin ng masama kay Loisa. Tumayo na ito at naglakad papunta sa kaniyang nakareserbang upuan sa harapan. Habang si Loisa naman ay naiwang tulala sa kaniyang upuan.


ALAS-DIYES na ng umaga. Habang nasa simbahan sina Maestra Villareal at ang mga estudyante nito ay dinala ni Celestina si Esteban sa tahanan ni Timoteo at Linda upang masuri muli nito ang kalusugan ng bata. Habang nakahiga si Esteban sa maliit na kama na nakapwesto sa salas ay nakaupo naman si Celestina sa kabilang silya at pinagmamasdan sila.

Samantala, wala rin si Martin dahil inaasikaso nito ang mga papeles upang makapagsimula na siyang magtrabaho sa opisina ng Real Audiencia.

"Mabuti na lang dahil malakas pala ang iyong pangangatawan munting ginoo. Mahilig ka bang kumain ng gulay at prutas?" magiliw na tanong ni Timoteo kay Esteban habang sinusuri niya ang mata, ilong, bibig, tenga at ang temperatura ng bata. Tumango ng ilang ulit si Esteban sabay ngiti dahilan upang lumabas muli ang bungi nito sa harapang ngipin.

"Gulay at prutas lang ho ang palagi naming kinakain sapagkat ayaw kami patikimin ng karne o isda ni bruha---Ayy!" sagot ni Esteban sabay takip sa kaniyang bibig dahil nadulas na naman siya at natawag na bruha si Maestra Villareal. Natawa sina Timoteo at Celestina dahil sa kakulitan ni Esteban.

Ginulo ni Timoteo ang buhok ni Esteban habang tumatawa pa rin ito. "Nais kong magkaroon ng anak na lalaki na kasing sipag, pilyo at gwapo mo" tawa ni Timoteo at sabay silang humagikhik sa tuwa ni Esteban. Bagamat biro niya lang iyon ay para sa kaniya totoong nais na niyang magkaroon ng anak. Bagay na hindi pinahihintulutan ng kaniyang asawa na si Linda at iyon ang nakita ni Celestina sa kaniyang mga mata.

Napatingin si Celestina sa bandang kusina at nakita niyang nakasilip doon si Linda habang may dala itong dalawang tasa ng tsokolate. Nang makita ni Linda na nahuli na ni Celestina na nakasilip siya ay dali-dali siyang bumalik sa loob ng kusina. Narinig nga niya ang sinabi ni Timoteo at ito ngayon ang nagpapagulo sa kaniyang isipan.

Agad tumayo si Celestina upang puntahan si Linda sa kusina ngunit napatigil siya nang magsalita si Timoteo. "Hindi ko na kayo sisingilin pa sapagkat malakas naman sa akin 'yang si Martin" biro ni Timoteo. Ngumiti si Celestina at sumenyas sa kaniya ng pagpapasalamat ngunit napailing lang si Timoteo.

"Pasensiya na binibini ngunit hindi pa ako tinuturuan ni Martin na matuto gumamit ng pag-senyas ngunit huwag kang mag-alala magpapaturo rin ako sa kaniya" ngiti ni Timoteo, muling nagbigay-galang si Celestina sa kaniya at nagpasalamat dahil sa pagtulong nito na gamutin si Esteban.

Bago magtungo sa kusina si Celestina ay napansin ni Timoteo ang kuwintas na suot nito. "Sandali, binibini..." panimula niya, napalingon muli sa kaniya si Celestina at nagtatakang napatingin sa kaniya. Napatayo si Timoteo at nagsimulang humakbang papalapit kay Celestina.

"Maaari ko bang makita ang kuwintas na iyong suot?" patuloy nito, nagtataka namang napatingin si Celestina sa suot niyang kuwintas at walang anu-ano'y hinubad niya ito at inabot kay Timoteo.

Mabusisi namang pinagmasdan ni Timoteo ang kuwintas "Kahawig ito ng kuwintas na nakita kong ginuhit ni Martin sa isang papel kagabi. Akala ko ay kay Loisa ko nakita ang kuwintas na ito, sa iyo pala" tawa ni Timoteo at binalik na niya kay Celestina ang kuwintas.

Napatitig si Celestina sa kaniyang kuwintas nang makuha niya ulit ito. "Siya nga pala, may ibibigay akong mga gamot para kay Esteban" saad pa ni Timoteo at dali-dali itong nagtungo sa kaniyang silid upang kunin ang mga gamot. 


"IGUGUHIT mo... kami? Bakit kaming dalawa? Hindi ba maaaring tig-isa na lang kami ng larawan?" gulat na tanong ni Linda nang mabasa niya ang sinulat ni Celestina sa maliit na papel na nais niyang ipinta sina Linda at Timoteo bilang pasasalamat niya sa pagtulong nito sa kanila ni Esteban.

Natawa si Celestina dahil sa naging reaksyon ni Linda nang malaman nito na dapat ay magkasama sila sa obrang gagawin niya. "Hindi maaari. Noong kinasal nga kaming dalawa ay hindi ako pumayag na magpagawa ng obra" wika ni Linda. Kasalukuyan silang nasa silid ni Linda. Natatawa na lang si Celestina dahil busangot na ang mukha ni Linda sa tuwing nababanggit ang pangalan ng kaniyang asawa.

Nakangiti lang si Celestina habang pinipilit na pumayag si Linda na iguhit niya silang dalawang mag-asawa. Sa huli ay hindi na rin nakatiis si Linda dahil alam niyang masamang tanggihan ang isang regalo. "O'siya. Basta hindi ako maaaring yakapin o yapusin ni Timoteo!" 


ALA-UNA pa lang ng hapon, habang nag-sisiyesta si Maestra Villareal at ang mga estudyante nito ay nagtungo si Celestina sa tahanan ng mag-asawang Concepcion. Si Esteban ay naiwan sa tahanan ni Maestra Villareal upang makapagpahinga sa oras ng siyesta.

Si Linda na ang bumili ng makinis na puting papel at ang mga kagamitan sa pagpinta na nais din niyang ibigay kay Celestina. Ngayong araw iguguhit ni Celestina ang mag-asawa at kanina pa nag-aayos si Linda upang maging maganda ang kinalabasan ng kanilang magiging obra.

Kasalukuyan silang nasa maliit na hardin na nasa likod ng kanilang tahanan. Kanina pa nakapwesto si Timoteo sa malaking upuan habang humihithit ng tobacco. Sa tapat naman nila ay naroon si Celestina habang hinahanda nito ang mga kagamitan.

Nang makababa na si Linda suot ang magarang baro't saya nito na kulay ginto ay natulala na lang sa kaniya si Timoteo. Nabitiwan pa nito ang hinihithit na tobacco habang nakatitig sa kaniyang asawa na ngayon ay ubod ng ganda.

Napangiti si Celestina nang palihim dahil halos malaglag na ang panga ni Timoteo habang walang kurap na nakatingin sa kaniyang asawa. Ngunit natauhan din ito nang pitikin ni Linda ang noo nito. "Sa susunod, mata mo na ang dudukutin ko" pagsusungit ni Linda sa kaniya, agad napatayo si Timoteo at pinaupo niya ang kaniyang asawa sa nag-iisang upuan sa gitna.

Dali-dali namang lumapit sa kanila si Celestina at may inabot siyang maliit na papel kay Timoteo upang basahin nito. 'Huwag kang mahiyang sabihin sa kaniya kung gaano siya kaganda ngayon ginoo'

Nanlaki sa gulat ang mga mata ni Timoteo nang mabasa niya ang sinulat doon ni Celestina. Tinawanan lang siya ni Celestina habang si Linda ay kunot-noong napatingin sa kaniya. "Huwag kang magtatangkang hawakan ako kung ibig mo pang mabuhay" pagbabanta ni Linda, dahilan upang mapalunok na lang sa kaba si Timoteo at umayos na siya ng tindig.

Naglakad na pabalik si Celestina sa kaniyang puwesto. Hindi niya mapigilang matawa dahil sa hitsura ngayon ng mag-asawang Concepcion na parehong hindi makakibo sa isa't isa. Ilang sandali pa ay sinimulan na niya ang pagguhit sa kanilang dalawa.

Nakaupo si Linda sa malaking upuan habang nakatayo naman sa kaniyang tabi si Timoteo habang hawak nito ang tobacco at posturang-postura suot ang kaniyang itim na sumbrero at mamahaling kasuotan. Habang si Linda naman ay kumikinang sa ganda na mas lalong nagpaganda sa kaniyang mga ngiti.

Lumipas na ang isang oras at kanina pa nangangawit ang dalawa. Hindi naman mapigilan ni Celestina ang mapangiti at matawa sa tuwing titingnan niya ang mag-asawa dahil magkatabi ito kaya mas tinatagalan ni Celestina ang pagpipinta.

Ilang sandali pa, habang abala siya sa pagpipinta sa likod ng tahanan ng mag-asawang Concepcion ay hindi nila namalayan ang pagdating ni Martin. Nagtatakang nagtungo sa kusina si Martin habang hinahanap si Timoteo at ang pinsan niyang si Linda ngunit wala ito roon.

Aakyat na sana siya sa ikalawang palapag ng bahay ngunit napatigil siya nang marinig niya ang boses ni Linda mula sa likod ng bahay. "Celestina, malapit na ba matapos?" tanong nito habang nakaupo pa rin nang maayos at nakangiti. Sa totoo lang ay hindi na niya makayanan pa ang lakas ng pagkabog ng kaniyang puso lalo na't hinawakan ni Timoteo ang kaniyang balikat upang hindi na ito mangalay pa.

Napailing si Celestina at nagpatuloy sa pagpipinta. Malapit na niyang matapos ang obra ngunit binabagalan lang talaga niya upang mas matagal pang magkatabi sina Timoteo at Linda.

Agad nagtungo si Martin sa likod ng bahay kung saan matatagpuan ang maliit na hardin ng mag-asawang Concepcion. Napatigil siya sa bandang pintuan nang matanaw niya kung anong kaganapan ang mayroon doon. Sa hindi malamang dahilan ay bigla na lang siyang napangiti nang mapagtanto niya ang kapilyahang ginagawa ni Celestina. Maka-ilang ulit na tinanong ni Linda si Celestina kung tapos na ba ang obra ngunit palaging umiiling si Celestina dahilan para mas lalong matawa si Martin nang palihim.

Maging si Timoteo ay namumula na rin sa hiya dahil ngayon niya lang nakatabi nang ganoon katagal ang asawang ubod ng sungit. Ilang sandali pa ay tumayo na si Linda dahil hindi na niya nakayanan pa ang paghawak muli ni Timoteo sa kaniyang balikat bagay na nagparamdam ng pagdaloy ng kuryente sa kaniyang buong katawan.

Agad nagtungo si Linda sa obrang pinipinta ni Celestina at nanlaki ang mga mata niya sa gulat nang makita kung gaano kaganda ito. "Jusmiyo, isa kang alamat Celestina!" papuri ni Linda sabay yakap kay Celestina dahil sa sobrang pagkamangha.

Dali-dali nagtungo si Timoteo sa kinaroroonan nila at maging siya ay napatulala na lang sa ganda ng kinalabasan ng kanilang obra. Agad nagsulat si Celestina sa maliit na papel at inabot niya ulit iyon kay Timoteo.

'Ginoo, sabihin mo na sa kaniya kung gaano siya kaganda' kantyaw ni Celestina. Dahilan para mamula ang pisngi ni Timoteo at palihim na napasulyap sa kaniyang asawa na ngayon ay manghang-mangha sa obrang ginawa ni Celestina.


"DITO, dito mas maganda ilagay ang obra" saad ni Linda sabay turo sa gitnang dingding ng kanilang tahanan pagpasok sa salas. Napailing si Timoteo, "Mas maganda kung dito sa kabila natin ilalagay ito" kontra ni Timoteo sabay buhat sa obra at akmang ilalagay ito sa sentro ng hagdanan.

"Hindi ko ibig makita ang iyong pagmumukha pagbungad pa lang ng aking umaga, kaya sa baba natin ilalagay ang obra" giit ni Linda at napapamewang pa ito. Napakamot sa ulo si Timoteo at niyakap niya ng mahigpit ang obra nang hawakan ito ni Linda at akmang aagawin sa kaniya.

"Sa itaas ito mas nababagay upang makita agad ng mga tao pagpasok pa lang sa ating tahanan" giit ni Timoteo at nagmistula silang mga bata na nag-aagawan sa isang laruan.

Lalapit na sana si Celestina sa kanila ngunit napatigil siya nang magsalita si Martin na nakatayo sa tabi niya "Hayaan mo na sila, ganiyan talaga ang dalawang iyan" wika ni Martin sabay ngiti. Tumango na lang si Celestina at napaiwas ng tingin upang hindi siya masilaw sa ngiti ng binata.

"Aking napagtanto kanina na gumagawa ka ng paraan upang paglapitin ang loob nina Timoteo at Linda. Kaibigang matalik ko si Timoteo at pinsan ko naman si Linda kaya malaking bagay sa akin ang hangad mong mahalin na nila ang isa't isa" ngiti ni Martin, napalunok na lang sa kaba si Celestina, hindi na siya ngayon makatingin sa binata at kunwaring abala sa pagmamasid sa mag-asawang Concepcion.

"Sina Linda at Timoteo ay pinagkasundo lang ipakasal sa isa't isa. Sa tingin mo ba, may pag-asang mahulog ang puso ng dalawang taong itinakdang magpakasal ng kanilang mga magulang?" tanong ni Martin kay Celestina dahilan upang mapalingon ito sa kaniya at mapatingin ng diretso sa kaniyang mga mata. Pareho nilang hindi alam ang sagot dahil sa umpisa pa lang ay hindi na natuloy ang kanilang nakatakdang kasal.


ALAS-SAIS na ng hapon. Magtatakip-silim na. Naglalakad sina Martin at Celestina sa kahabaan ng kalsada. Ihahatid niya si Celestina sa tahanan nila Maestra Villareal at wala rin namang nagawa si Maestra Villareal dahil mismong si Linda Buenavista-Concepcion na ang nagpaalam kay Maestra Villareal kaninang umaga upang payagan si Celestina na tumagal sa kanilang tahanan dahil gagawan sila ng obra nito.

Sa kanilang paglalakad ay napansin ni Martin na sabay ang paghakbang nila ni Celestina ng kanilang mga paa. Palihim din niyang sinulyapan ang dalaga at napansin niya ang magandang anggulo ng mukha nito kapag nakatagilid.

Ang mahahabang pilik mata, ang matangos na ilong at ang maliliit na hibla ng kulot na buhok nito na tinatangay ng hangin mula sa pagkakapusod ng buhok sa likod. Ilang sandali pa ay nagitla siya nang biglang mapalingon sa kaniya si Celestina at kinausap siya nito sa pamamagitan ng pag-senyas.

'Maraming Salamat ginoo sa iyong pagtulong sa akin at kay Esteban, nais ko ring handugan ka ng obra bilang aking pasasalamat'  saad ni Celestina. Napangiti si Martin, kahit alam niya sa sarili niya na dapat niya pigilan ang pagngiti sa harapan ng isang dalaga ay hindi niya iyon mapigil lalo na pagdating kay Celestina.

Agad siyang sumenyas kay Celestina habang patuloy pa rin silang naglalakad. Habang ang mga taong nakakasalubong nila ay napapatingin sa kanilang dalawa dahil hindi sila nagsasalita bagkus ay silang dalawa lang mismo ang nagkakaintinidhan sa paraan kung paano nila piniling mag-usap.

'Kung gayon, magtutungo ka ulit sa bahay nila Timoteo bukas?' tanong ni Martin habang nakangiti. Bagama't may importante siyang pupuntahan bukas para matapos na ang proseso ng kaniyang mga papeles sa papasukan niyang trabaho sa gobyerno ay handa pa rin siyang hindi pumasok bukas para kay Celestina.

'Sa tingin ko ay sa susunod na linggo na lang señor dahil balita ko ay may mahalaga kang patutunguhan bukas' sagot ni Celestina. Napawi ang ngiti ni Martin, ayos lang naman sa kaniya ang hindi pumasok bukas ngunit mukhang hindi papayag si Celestina na ipagpaliban niya ang kaniyang responsibilidad sa gobyerno.

'Huwag mo na akong tawaging señor dahil magkaibigan naman na tayo, hindi ba?' ngiti ni Martin. Napaiwas naman ng tingin si Celestina. '

Siya nga pala, sa susunod na linggo? Ibig bang sabihin ay hindi tayo magkikita ng anim na araw?' dismayadong tanong ni Martin ngunit hindi niya lang iyon pinahalata kay Celestina. Napatango si Celestina bilang sagot, maging siya ay nalungkot din nang mapagtanto niya na anim na araw niyang hindi makikita si Martin.

Muli silang natahimik at habang patuloy silang naglalakad, hindi mapaliwanag ni Martin ang kakaibang gaan at saya sa pakiramdam na kaniyang nararamdaman kahit pa ilang minuto na silang hindi nag-iimikan ni Celestina.

Ilang sandali pa ay muli siyang sumenyas sa dalaga 'Alam mo ba kung paano mapapabilis ang anim na araw?' tanong niya kay Celestina sabay ngiti. Napatulala lang sa kaniya ang dalaga at mabagal itong napa-iling.

'Ganito lang iyon... Hindi ko rin alam' biro ni Martin sabay tawa dahilan para mapatulala lang sa kaniya si Celestina dahil wala namang nakakatawa ngunit kahit ganoon ay ginagawa niya pa rin ang lahat para mapatawa ang dalaga kahit pa magmukha siyang tanga.

Napaismid na lang si Martin sabay ayos ng kaniyang kuwelyo at sumbrero "K-kalimutan mo na ang biro kong iyon. N-natutunan ko lang iyon kay Timoteo" diretsong saad ni Martin at naglakad na rin siya ng diretso ngunit nakakailang hakbang pa lang siya ay napatigil siya nang mapansin niyang hindi na niya kasabay si Celestina sa paglalakad.

Agad siyang napalingon sa likod at ngayon niya lang napagtanto na may isang malaking kariton na nababalutan ng napakaraming bulaklak ng pulang rosas na dumaan sa gitna ng kalsada, sa pagitan nilang dalawa ni Celestina.

Sa pagkakataong iyon ay tila bumagal ang pagtakbo ng paligid habang pinagmamasdan ni Martin si Celestina sa kabilang kalsada kung saan manghang-mangha itong nakatingin sa napakaraming rosas na laman ng karitong hila ng kabayo. 

Kung paano lumaki ang mga mapupungay na mata ni Celestina nang makita ang naggagandahang rosas ay ganoon ding lumaki ang ngiti ni Martin nang hindi niya namamalayan.

Nang makalagpas ang kariton ng mga rosas ay naiwan sa kalsada ang ilang mga rosas na nahulog mula roon. Natanaw ni Martin na pinulot ni Celestina ang isa sa mga rosas na nahulog sa daan at hindi niya maipaliwanag ang kakaibang saya na nakita niya sa mga mata ng dalaga nang dahil lang sa simpleng bulaklak.

Sa mga oras ding iyon ay hindi niya namalayang humahakbang na pala siya papalapit kay Celestina at nang mapansin ni Celestina na nasa tapat niya muli si Martin ay napatingala siya sa binata. "Magmula sa kuwintas na iyong suot hanggang sa rosas na iyan na iyong pinulot... Nais kong malaman kung nagkita na ba tayo noon pa man?" tanong ni Martin, dahilan upang gulat na napatingin si Celestina nang diretso sa kaniyang mga mata.


*******************

#ThyLove

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top