Ika-Limang Kabanata


[Kabanata 5]

HALOS walang kurap at gulat na nakatingin si Celestina sa binatang nasa harapan niya ngayon. Hindi siya makapaniwala na marunong na rin ito gumamit ng pag-senyas na isa sa paraan niya upang makipag-usap sa ibang tao.

Muli na namang napangiti si Martin sabay senyas muli, 'Tama ba ang aking ginagawa? Kaunti pa lamang ang aking napag-aaralan' paliwanag ni Martin na ngayon ay namumula na rin ang pisngi. Bigla namang natauhan si Celestina sabay iwas ng tingin, nag-bigay galang muna siya sa binatang nasa harap saka nagpatuloy sa paglalakad.

"S-sandali binibini..." tawag ni Martin sabay habol sa kaniya at sinabayan siya sa paglalakad. "Huwag mo sanang masamain ngunit nais ko lang naman makipag-kaibigan sa iyo" patuloy nito dahilan para biglang mapatigil si Celestina sa paglalakad at mapalingon sa kaniya.

Hindi naman kumibo si Celestina at napatingin na lang siya sa lupa, napatitig siya sa makintab at bagong-bagong itim na sapatos na suot ni Martin. Napatingin din siya sa kaniyang palda na abot hanggang lupa, marumi na ito at nababalot ng putik.

"W-wala namang masama kung pauunlakan mo akong maging kaibigan mo, hindi ba?" hirit pa nito sabay ngiti. Sa pagkakataong iyon, tila may matalim na balisong ang diretsong tumama sa puso ni Celestina. Wala na palang mas sasakit pa sa salitang... Kaibigan.

Halos labing-isang taon na ang lumipas ngunit ang pagtingin pa rin niya para sa binatang nasa harap niya ngayon ay tila walang pinagbago. Posible bang umibig ang isang tao nang ganoon katagal? Posible bang masaktan ang isang tao dahil lamang sa isang salita? Iyon ang mga katanungang pilit na gumugulo sa isipan ni Celestina.

Ngunit ito na ang pinakahihintay ni Celestina, kung dati-rati ay nagawa niyang palihim na abangan at sundan ng tingin si Martin sa tuwing dumaraan ito sa tapat ng kanilang mansyon. Ngayon naman ay nakakausap na niya ito ng harap-harapan. Bagay na kahit kailan ay hindi niya akalaing mangyayari.

Napakamot na lang si Martin sa kaniyang ulo dahil ilang minuto na ang lumilipas na nakatayo sila roon sa gitna ay hindi pa rin sumasagot si Celestina sa pamamagitan ng pag-senyas o pagsulat sa papel. Napahinga na lang siya nang malalim sabay ngiti ulit sa dalaga.

"S-sa tingin ko ay kailangan ko pa mag-aral nito nang mas mabuti, pasensiya na kung sakaling mali ang pagsesenyas ko" ngiti ni Martin, ang mga mga ngiti na ipinapamalas nito ay isa sa dahilan kung bakit bigla na lang natutulala si Celestina nang walang dahilan. Sa tuwing ngumingiti ang binata sumisingkit din ang mga mata nito. Ang pantay at mapuputi nitong ngipin ang nangingibabaw sa lahat.

Ilang sandali pa ay nagulat sila nang biglang may batang lalaki ang humawak sa kamay ni Celestina. "Ate, kanina pa po kayo hinahanap ni bruha, nais na niyang maligo ngunit wala pa raw tubig ang kaniyang paliguan" nagmamadaling wika ni Esteban habang hinihila si Celestina.

Nagulat naman si Celestina at nag-bigay galang muli kay Martin bago sila tumakbo ni Esteban pabalik sa dormitoryo at eskwelahan ni Maestra Villareal. Maging si Martin ay nagulat sa ibinalita ng bata, natunghayan na niya kung paano saktan at murahin ni Maestra Villareal si Celestina at iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit nais niyang mapaalis doon ang dalaga.

Napatigil si Martin sa tapat ng dormitoryo at eswelahan ni Maestra Villareal. Kakasarado pa lang ni Celestina ng pintuan at ngayon ay hindi na siya mapakali kung anong mangyayari at nangyayari sa loob. Gustuhin man niyang kumatok upang makapasok sa loob ngunit hindi ngayon ang araw at oras ng pagbisita kay Loisa at siguradong ikagagalit iyon ni Maestra Villareal. Bukod doon ay tumatanaw din siya ng utang na loob kay Maestra Villareal dahil kahit papaano ay pumayag ito na ilihim muna sa kaniyang ama na si Don Facundo na narito na siya sa bansa.


ALAS-DIYES na ng umaga at naroon pa rin si Martin sa labas. Nakaupo siya sa tapat ng pintuan ng isang bahay na nasa tapat ng bahay ni Maestra Villareal. Matirik na ang sikat ng araw at naroon siya habang nakasilong sa lilim, ginagamit niyang pamaypay ang kaniyang sumbrero.

Ilang sandali pa ay nakita niyang bumukas ang maliit na pinto na nasa gilid ng bahay sa unang palapag at lumabas doon ang batang lalaki kanina na siyang tumawag kay Celestina. May dala-dala itong balde na gawa sa kahoy na kung titingnan ay mukhang mas mabigat pa sa kaniya.

Agad napatayo si Martin sabay suot ng sumbrero, nagpalingon-lingon siya sa paligid bago niya sinundan ang bata. Mga sampung hakbang ang layo niya sa batang lalaki habang buong sikap nitong buhat-buhat ang balde na walang laman. Palihim niyang sinundan ang bata hanggang sa makarating ito sa palengke. Tumigil ito sa isang tindahan ng mga gulay at may inabot sa kaniya ang isang ale na isang balde na puno ng mga damo.

Nagpaalam na ang bata saka naglakad pabalik sa tahanan ni Maestra Villareal. Wala siyang kamalay-malay na nakasunod sa kaniya si Martin na humahalo sa dami ng tao. Ilang sandali pa ay hindi na nakatiis si Martin at kinuha niya ang balde na puno ng damo na bitbit ng batang lalaki.

"Ako na ang magdadala nito munting ginoo" saad niya sabay ngiti sa bata. Nagtataka namang napatingin sa kaniya si Esteban at napakurap pa ito ng dalawang beses. "Hindi po ba kayo ang ginoong kausap ni ate Celestina kaninang umaga?" nagtataka niyang tanong. Napangiti naman si Martin sabay hubad ng kaniyang sumbrero at itinapat niya iyon sa kaniyang dibdib.

"Ako nga, madali mo pa lang makilala ang hitsura ng taong unang beses mo pa lang nakita, ang ngalan ko ay Martin Buenavista" pakilala ni Martin sabay lahad ng palad niya. Napaluhod pa siya sa tapat ng bata upang hindi mabali ang leeg nito sa pagtingala sa kaniya.

"Ang ngalan ko po ay Esteban" sagot ng bata sabay hawak sa kamay ni Martin. Napangiti naman si Martin dahil mukhang wala pang ideya ang batang ito sa kung sino ang kausap niya ngayon. Ang anak ni Don Facundo na ngayon ay kandidato sa pagiging kanang-kamay ng gobernador-heneral.

"Kaano-ano ho kayo ni ate Tinang?" tanong ni Esteban, napansin ni Martin na may hitsura ang bata lalo na ang bilugan nitong mata at matangos na ilong. "Kayo po ba'y nanliligaw sa kaniya?" tanong pa ni Esteban bagay na ikinagulat ni Martin at natawa rin siya.

"Hindi. Ako'y nagbabakasakali lang na maging kaibigan niya" sagot ni Martin, kinuha niya rin ang kaniyang panyo upang punasan ang ilang uling sa mukha ng bata. Maging ang damit nito ay nababalot na ng uling at kupas na kupas na.

"Bakit niyo ho nais maging kaibigan si ate Tinang?" tanong pa muli ni Esteban. Napangiti naman si Martin, magiliw siya sa mga bata at naaalala niya tuloy ang kaniyang kambal na kapatid na sina Joaquin at Javier.

"Kailangan ba may dahilan upang maging kaibigan ang isang tao?" nakangiting tanong ni Martin kay Esteban. Napaisip naman ang bata, sigurado siyang mataas ang pinag-aralan ng binatang kaharap niya at mahilig din siya makipagtalastasan.

"Ang sabi po sa akin noon ni ate Tinang, may dalawang dahilan lang kung bakit nakikipag-kaibigan ang isang tao. Una, dahil nais niya lang kilalanin ang taong iyon at mabuti naman ang kaniyang hangarin. Habang ang pangalawa naman ay nais niyang kunin ang tiwala ng taong iyon para sa pansariling hangarin" tugon ni Esteban, napangiti naman si Martin at tinapik niya ang ulo ng bata. Hindi niya akalaing magaling din pala ito magpalawig ng dahilan.

"Kung gayon, nais kong malaman mo na mabuti ang aking hangarin na makipag-kaibigan sa iyong ate Tinang" sagot ni Martin sabay ngiti. Pagdating nila sa gilid na pintuan ng bahay ni Maestra Villareal ay agad kinuha ni Esteban ang balde sa kamay ni Martin.

"Maraming Salamat ho, Ginoo" saad ng bata. Napangiti naman si Martin saka napaluhod ulit sa tapat ng bata para makapantay niya ito. "Maaari mo akong tawaging Ginoong Tinong" ngiti nito, napanganga naman si Esteban dahil magkahawig ang palayaw nito at ng kaniyang ate Celestina.

"Magmula ngayon ay magkaibigan na tayo kaya maaari mo rin akong tawagin sa aking palayaw" saad pa ni Martin sabay abot sa kaniya ng balot ng pandesal at garapon ng mantikilya na binili niya kaninang umaga sa panaderia ni Mang Jose.

"Kainin niyo ito mamayang miryenda" dagdag niya at ginulo-gulo niya ang buhok ni Esteban bagay na ikinatuwa ng bata. Nagbigay galang naman si Esteban at kumaway muli kay Martin bago siya pumasok sa loob ng bahay.


NANG hapon ding iyon, dumalaw si Martin kay Loisa. Magkatabi silang nakatayo sa azotea habang pinagmamasdan ang kalangitan na ngayon ay nag-aagaw dilim na. Suot ni Loisa ang isa sa kaniyang pinakamahal na baro't saya na kulay dilaw habang nababalot ito ng mga naggagandahang mga bulaklak na burda.

"Kanina..." panimula ni Loisa, napatingin muna siya saglit sa kaniyang likuran kung nasaan si Maestra Villareal sa salas at abala ito sa pagtatahi. "Pinagmalupitan muli ni Maestra Villareal si Celestina" patuloy niya. Gulat namang napatingin sa kaniya si Martin, naalala niya ang sinabi ni Esteban kaninang umaga na galit na galit daw si Maestra Villareal kay Celestina dahil hindi nito nahanda ang pampaligo ng Señora.

"Sinubukan kong pigilan si Maestra Villareal ngunit siya ang mayora at maestra sa tahanang ito. Tiyak na hindi niya ikatutuwa kung ang isang estudyante niya ay magagawang pakialaman ang kaniyang mga gawain" saad pa ni Loisa, napahawak na lang si Martin sa balkonahe nang mahigpit.

"Kumusta si Celestina?" iyon na lang ang nasabi niya. Napayuko naman si Loisa, kahit wala siyang kasalanan sa nangyari, pakiramdam niya ay kasalanan din ang manahimik at hayaan na sampal-sampalin at parusahan si Celestina sa kanilang harapan.

Sa tuwing pinaparusahan ni Maestra Villareal si Celestina ay madalas nitong pinapakita sa harapan ng kaniyang mga estudyante upang magtanda ang mga ito. Nagsisilbi itong babala upang matakot silang sumuway sa kaniyang maestra.

"Hindi ko pa siya nakikita ngayong araw dahil matapos siyang saktan ni Maestra Villareal ay pinagbawalan siya umakyat dito sa taas" saad ni Loisa, sandali namang hindi nakaimik si Martin. Isa siyang abogado at ang kinamumuhian niya sa lahat ay ang hindi patas na trato at pagmamalupit sa mga tao.

Ilang sandali pa ay hinawakan ni Loisa ang kamay ni Martin na nakahawak sa balkonahe upang kahit papaano ay pakalmahin ito. Batid niya na ayaw na ayaw ng kaniyang kasintahan ang pananakit at panghahamak. "Darating si ama sa susunod na araw at ipapakiusap ko sa kaniya na kausapin si Maestra Villareal na tigilan ang pananakit kay Celestina" wika ni Loisa, napatingin naman siya sa kamay niyang hawakngayon ni Loisa.

"Ang iyong ama ay galit sa pamilya Cervantes. Sa tingin ko ay hindi siya makikinig sa iyong pakiusap" wika nito, napahinga nang malalim si Loisa sabay hawak nang mas mahigpit sa kamay ni Martin.

"Mahal ako ni ama at batid kong gagawin niya ang lahat para sa akin. Naniniwala ako na madali lang para sa kaniya ang pasunurin si Maestra Villareal" saad pa nito.

"Mas makabubuti kung tuluyan nang pakawalan ni Maestra Villareal si Celestina. Nakausap ko na si Linda at pabor naman siya na magkaroon sila ng kasama sa bahay" saad ni Martin. Tumango naman si Loisa at ngumiti siya ng marahan.

"Sa ganitong paraan batid kong makakapante ang kalooban mo, mahal ko" wika ni Loisa saka ngumiti. Hindi niya batid kung bakit siya kinakabahan. Marahil ay dahil hindi niya kayang banggitin ang pangalang Cervantes sa kaniyang ama.


KINABUKASAN, bago siya magtungo sa panaderia ni Mang Jose, nagsuot ng talukbong si Celestina upang takpan ang kaniyang braso, leeg at mukha na ngayon ay puno ng pasa, kalmot at gasgas mula sa pananakit ni Maestra Villareal. 

Noong pagdating nila ni Esteban kahapon ay tumambad sa harapan nila si Maestra Villareal suot ang pantulog nito. Galit na galit ang señora at agad sinampal sa mukha at hinila ang buhok ni Celestina papunta sa kaniyang silid.

"Walang kwenta!" sigaw ni Maestra Villareal sabay tulak kay Celestina sa malaking batya na kaniyang paliguan. Nang dahil sa lakas ng pagkakatulak niya ay tumama ang labi ni Celestina sa dulo ng batya na gawa sa kahoy dahilan upang pumutok ang kaniyang labi.

"Napakabagal mo kumilos! Anong oras na? Hindi mo pa napupuno ang sisidlan ng aking paliguan!" reklamo ni Maestra Villareal sabay hila sa buhok ni Celestina at sinipa pa niya ito. Nanatili namang matatag si Celestina, kahit anong mangyari, kahit gaano kasakit, kahit ilang pasa, suntok, sampal at bugbog ang abutin niya kay Maestra Villareal ay pilit niyang pinipigil ang kaniyang luha. Kahit kailan ay hindi siya umiyak sa harap nito.

"Sumasakit ang ulo ko sa iyo! Isa ka talagang sumpa! Malas! Walang Kwenta!" galit na galit na sigaw ni Maestra Villareal sabay hablot ulit sa buhok ni Celestina at walang pakundangan niya itong hinila pababa sa hagdan. Nagsilabasan naman ang mga estudyante sa kani-kanilang kwarto habang pinapanood ang pananakit ng kanilang maestra sa alipin nito.

Sa kabilang banda naman ay nais bumaba ni Loisa upang pigilan si Maestra Villareal ngunit agad siyang hinawakan ni Selia. "Hindi tamang ibaba mo ang iyong sarili upang ipagtanggol ang mababang uri na tulad ni Celestina" babala nito sa kaniya dahilan upang maistatwa na lang siya sa kaniyang kinatatayuan at hindi na nakagalaw pa.


"Oh, narito ka na pala Tinang hindi kita nakilala" bati ni Mang Jose nang iabot ni Celestina ang papel na isinulat nito kung ilang pandesal ang bibilhin niya. Hindi nga siya nakilala ni Mang Jose dahil nakabalot siya ng talukbong at nakayuko.

Nagulat si Celestina nang biglang sumenyas si Mang Jose ng 'Magandang Umaga hija'

"Tama ba hija? Tinuruan ako ni Martin" nakangiting saad ni Mang Jose sabay akbay kay Martin na abala sa paglalagay ngayon ng uling sa kaniyang pugon. Nagulat naman si Celestina nang biglang napalingon sa kanila ang isang binata na hindi niya rin nakilala ngayon dahil sa dami ng uling sa mukha nito.

'Magandang Umaga Tinang' bati ni Martin sabay ngiti. Ang maputing ngipin nito ang nangibabaw sa lahat. Nagtatakang nakatitig ngayon si Celestina sa kaniya at hindi nito maintindihan kung bakit tumutulong siya sa pagluluto ng mga pandesal sa panaderia ni Mang Jose.

"Napakasipag at napakabait pala ng iyong kaibigan Tinang at tinuruan niya pa akong gumamit ng pagsenyas" tuwang-tuwang saad ni Mang Jose sabay tapik sa balikat ni Martin. Nakaputing polo ito ngayon na nababahiran na rin ng uling. Habang ang abrigo at ang sumbrero naman nito ay nakasabit sa gilid upang hindi marumihan.

"Ang sabi ko kasi sa kaniya, papayag lang akong makinig at matuto sa sasabihin niya kung tutulungan niya ako ngayon dito sa panaderia" tawa pa ni Mang Jose dahilan upang mangibabaw ang gilagid nitong napakalaki. Napakamot naman sa ulo si Martin at nakisabay sa tawa ng matanda.

"Maprinsipyo, masikap at pursigido iyan ang mga katangian papasa sa akin upang payagan kitang manligaw sa aming Tinang" tawa pa ni Mang Jose at ang ilang trabahador ay nakisabay din sa tawa. Nagkatinginan naman sina Martin at Celestina at pareho silang biglang napaiwas ng tingin dahil sa nakakahiyang mga sinasabi ni Mang Jose.

Ilang sandali pa ay naluto na ang pandesal at inilagay na nila iyon sa sariwang dahon ng saging saka inabot kay Celestina. "A-ako na ang magbabayad" saad ni Martin at mabilis niyang inabot ang salapi kay Mang Jose.

"Sige na hijo, samahan mo na si Tinang pabalik" saad ni Mang Jose sabay tapik sa balikat ng binata. Napangiti naman si Martin at dali-dali siyang naghugas ng kamay at mukha saka niya kinuha ang kaniyang abrigo at sumbrero. "Ipagpatuloy mo rin ang pagtuturo mo sa amin bukas" ngiti pa ni Mang Jose.

Nagpaalam na si Celestina sa kanila at naglakad na ito pabalik. Agad naman siyang hinabol ni Martin habang isinusuot nito ang kaniyang abrigo. Kagat-kagat naman niya sa kaniyang bibig ang kaniyang sumbrero.

Nang maabutan na niya si Celestina, isinuot na niya ang sumbrero sa ulo. "Siya nga pala, nais kang makilala ni Propesor Louis, siya ang nagturo sa akin" wika ni Martin. Si Propesor Louis ay isang Pranses na namuhunan at nag-negsosyo sa bansa.

Nagpatuloy lang si Celestina sa paglalakad, gustuhin man niya harapin at tingnan ngayon si Martin ngunit natatakot siya na makita nito ang mga pasa at sugat sa kaniyang mukha. Mas binilisan niya pa ang kaniyang paglalakad hanggang sa bilisan din ni Martin ang paglalakad nito upang masabayan ang dalaga. Nagkalat din sa paligid ang mga mamamayan na patungo na sa pamilihan bitbit ang kanilang mga kariton na puno ng kanilang mga paninda.

Ilang sandali pa ay napatigil si Martin nang may dumaan na manong sa kanilang harapan habang hawak nito ang tali sa malaking baka na kaniyang alaga. Nakalagpas si Celestina sa kabila habang naiwan naman si Martin at ngayon ay mukhang matatagalan pa sa pagtawid ang baka dahil sa bagal nito sa paglalakad kung kaya't umikot na lang sa kabila si Martin saka hinabol muli si Celestina.

"Tinang!" tawag niya sa dalaga ngunit hindi siya nililingon nito. Idagdag pa ang ingay ng mga kalesa na dumadaan sa gitna ng kalsada. Maging ang ilan sa mga tao ay gising na gising na ngayon at handa na sa kani-kaniyang mga lakad.

Humihingi naman si Martin ng paumanhin sa ilang tao na kaniyang nababangga upang maabutan lang si Celestina na ngayon ay naglalakad na paliko sa isang kalye. Nang maabutan niya ang dalaga agad niyang inabot ang balikat nito upang tumigil ito sa paglalakad ngunit hindi niya sinasadyang mahila ang itim na talukbong nito dahilan upang mahiwalay kay Celestina ang pambalot niya sa kaniyang mukha at braso.

Nang mapalingon si Celestina sa kaniya ay pareho silang napatigil. Gulat na tiningnan ni Martin si Celestina mula ulo hanggang paa. Ang baro't saya na suot nito ay nababahiran ng dumi at natuyong dugo. Habang ang mga braso at leeg naman nito ay puno ng galos, gasgas, pasa at kalmot. Tila naistatwa na lang siya sa kaniyang kinatatayuan nang igawi niya ang kaniyang paningin sa mukha ng dalaga na ngayon ay puro pasa at sugat din lalo na ang labi nito na pumutok at natuyuan na ng dugo sa gilid.

Agad namang inagaw ni Celestina ang kaniyang itim na talukbong na hawak ni Martin. Napayuko na lang siya at dali-dali niya itong isinuot saka tumakbo papalayo. "S-sandali..." tawag pa muli ni Martin ngunit tuluyan nang nakalayo si Celestina. Tila namanhid din ang kaniyang binti dahil sa gulat kung kaya't hindi na niya nagawang habulin pa ang dalaga. Bukod doon ay unti-unti niyang napagtanto na kaya ayaw nitong magpakita dahil sa mga pasa at sugat na natamo nito sa kamay ni Maestra Villareal.


HATINGGABI na ngunit gising na gising pa rin ang diwa ni Martin habang nakaupo sa isang mesa at nasa harapan niya ang isang lampara, pluma, tinta at papel.

Mahal kong ama,

Nais ko pong humingi ng pabor sa inyo, ito po ay tungkol sa anak ni Don Mateo Cervantes...

Napatigil siya sa pagsusulat at muli na naman niyang nilukot ang papel. Kumuha siya ng bagong papel saka muling nagsulat. Naka-sampung ulit na siya ngunit sa huli ay nilulukot niya ito at uumpisahan ulit. Naisip niyang humingi ng tulong sa kaniyang ama at nakatitiyak naman siyang susunod si Maestra Villareal sa oras na mangialam na si Don Facundo. 

Ngunit hindi niya alam kung paano niya sasabihin ito sa kaniyang ama lalo na't alam niyang mahihirapan siyang magpaliwanag kung bakit niya gustong tulungan ang isang Cervantes. Bukod doon ay hindi sila malapit ng kaniyang ama at hindi siya humihingi ng pabor dito.

Napasandal na lang siya sa kaniyang upuan at napukaw ng kaniyang atensyon ang librong ibinigay ni Propesor Louis upang mapag-aralan niya ang sign language. Kinuha niya iyon at binuklat, halos araw-araw niya itong pinag-aaralan sa halip na pagtuunan niya ng pansin ang paghahanap ng kliyente at ipanalo ang kaso nito para makilala ang kaniyang pangalan sa larangan ng abogasya.

"Bilib ako sa'yo kaibigan, mas marami na atang espasyo sa utak mo si Celestina kaysa kay Loisa" tawa ni Timoteo sabay hithit ng tobacco, naupo siya sa isang upuan sa gilid ng pinto. Agad isinara ni Martin ang hawak ni libro at napalingon kay Timoteo na hindi man lang niya namalayang nakapasok na sa kwarto.

"Gabi na bakit hindi ka pa tulog?" tanong ni Martin saka inilapag ang librong hawak niya. "Tumataas ang aking libido ngayon ngunit ayaw naman ako pagbigyan ng aking asawa" tawa pa nito, mula nang magsama sila ni Linda ay hindi pa niya ito nasisipingan.

"Balak mong magtungo sa bahay-aliwan?" tanong ni Martin, tumango naman si Timoteo sabay ngisi. "Kanina ko pa nais magpunta roon ngunit wala akong kasama. Samahan mo naman ako kaibigan" aya pa ni Timoteo ngunit tinawanan lang siya ni Martin at umiling ito.

"Hindi ko ugaling magpunta sa mga bahay-aliwan, batid mo iyan. Tiyak na kamumuhian ako ng aking pamilya sa oras na malaman niyang tumapak ako sa tarangkahan ng bahay-aliwan. Bukod doon marami pa akong tinatapos ngayon" saad ni Martin. Napabusangot naman ang mukha ni Timoteo.

"Balang araw makikita rin kitang tumapak sa tarangkahan ng bahay-aliwan" kantyaw ni Timoteo kay Martin sabay alis. Natawa na lang si Martin, kahit pa ang kaniyang ama na si Don Facundo ay kilalang laman ng bahay-aliwan, kailanman ay hindi niya ninais na pumasok sa lugar kung saan naghahari ang kahalayan.


KINABUKASAN, maagang gumising si Martin upang abangan muli si Celestina sa panaderia ni Mang Jose. Dinala niya rin ang gamot na hiningi niya kay Timoteo na balak niyang ibigay kay Celestina upang gumaling ang mga pasa at sugat nito.

Kulay asul ang kalangitan habang papausbong pa lang ang araw. Hinawakan ni Martin nang mas mahigpit ang kaniyang abrigo dahil sa pambihirang lamig sa paligid. Madaling-araw na ngunit kakaiba ang lamig sa mga oras na iyon kumpara sa mga nagdaang araw.

Bago pa siya makarating sa panaderia ni Mang Jose ay nakasalubong niya sa daan si Esteban habang bitbit ang balot ng pandesal. Napangiti si Esteban nang makita siya at agad itong nagbigay galang. "Magandang Umaga po, Ginoong Tinong" ngiti ng bata. Napansin ni Martin na walang anumang talukbong o panangga sa lamig si Esteban kung kaya't nanginginig ito sa lamig.

Agad niyang hinubad ang kaniyang abtigo at isinuot iyon sa bata. Hinubad niya rin ang kaniyang sumbrero saka ipinatong sa ulo ni Esteban. "Mahamog ngayong umaga bakit hindi ka nagsuot ng talukbong?" tanong ni Martin, bigla namang napabahing si Esteban ngunit sa kabila niyon ay ngumiti pa rin ito.

"Wala pong panama ang hamog sa kapal ng aking balat" pagbibida ng bata sabay tawa. Napangiti naman si Martin at inayos niya ang sumbrero niya na nasa ulo na ngayon ni Esteban. Sumasayad hanggang lupa ang abrigo niya na isinuot niya kay Esteban dahil maliit pa lang ang bata. "Nasaan ang iyong ate Tinang?"

"Tulog pa po si ate Tinang dahil ala-una na po siya nakatulog kagabi sapagkat pina-igib siya ng tubig ni bruha-ah! ni Maestra Villareal" saad ni Esteban at napayuko ito. Tila bumigat din ang kalooban ni Martin nang marinig niya iyon. Walang pakundangang pinahirapan na naman si Celestina.

"Kaya ho gumising ako nang mas maaga upang ako na ang bumili ng pandesal at kahit papaano ay mabawasan po ang gawain ni ate Tinang" ngiti ni Esteban, napangiti naman si Martin at hinawakan niya ang magkabilang balikat ng bata.

"Mabuti na lang at lagi kang nariyan upang alagaan at bantayan ang iyong ate Tinang" saad nito, tumango naman si Esteban sabay ngiti ulit. "Si ate Tinang na ang palaging nasa tabi ko. Siya ang aking inay, ate, kapatid at maestra" ngiti pa ni Esteban.

"Ang sabi po ni Maestra Villareal ay iniwan na ako ng aking ina. Lumaki ho ako sa bahay-ampunan ngunit nang masunog iyon ay ibinalik ako sa kaniya. Si ate Tinang po ang gumawa ng paraan upang pumayag si Maestra Villareal na tumira ako sa bahay niya. Nang dahil kay ate Tinang buhay pa po ako ngayon at kumakain pa" saad pa ni Esteban. Sandali namang hindi nakapagsalita si Martin. Sa kabila ng lahat ng karangyaan at kaluwalhatian na tinatamasa niya mula pagkabata ay ngayon lang niya binigyang pansin ang mga mahihirap at ulila.

"Kaya dapat palagi kang magpakatatag. Huwag kang susuko kahit anong mangyari" bilin niya, tumango naman si Esteban. "Ganiyan din po ang sinabi sa akin noon ni ate Tinang" wika nito, napangiti naman si Martin. Ngayon niya lang napagtanto na kakaibang babae si Celestina sapagkat sa kabila ng dami ng pasubok na pinagdadaanan nito ay nagagawa niya pang palakasin ang loob ng ibang tao gaya ni Esteban.

"Sinabi ng iyong ate Tinang huwag susuko?" ngiti ni Martin, tumango naman si Esteban dahilan upang tumagilid ang sumbrero ni Martin na suot niya.

"Opo, kahit kailan ay hindi ko po nakitang umiyak si ate Tinang sa harap ng lahat kahit ilang beses siyang saktan at sigawan ni Maestra Villareal. May mga pagkakataong naririnig ko po ang kaniyang paghikbi tuwing gabi kaya niyayakap ko na lang po siya" wika ni Esteban. Napahinga nang malalim si Martin, batid niya na tinatago lang ni Celestina ang mga luha nito at ang bagay na iyon ang mas lalong magpapakirot sa kaniyang puso.

"Ginoong Tinong, mauna na po pala ako baka gising na po si ate Tinang. Magluluto pa po kami ng almusal" ngiti ni Esteban at nagpaalam na siya sa binata. Sinundan siya ng tingin ni Martin hanggang sa makapasok ito sa loob ng tahahan ni Maestra Villareal.


NANG hapon ding iyon, ang lakas ng pintig ng puso ni Celestina habang nagtitimpla siya ng tsaa. Inutusan siya ni Maestra Villareal na magtimpla ng tsaa at maghanda ng miryenda para sa bisitang sina Martin at Timoteo.

Nasa salas ang mga bisita, kausap ni Martin si Loisa habang kausap naman ni Maestra Villareal si Timoteo. Ang kanilang paksa ay tungkol sa panghihiram ni Timoteo ng puhunan kay Maestra Villareal para sa pagpapatayo ng klinika nito.

Nang matapos na ni Celestina ang pagtimpla ng tsaa ay dahan-dahan niya itong dinala sa salas at inilapag sa mesa. "Salamat" saad ni Martin nang mailapag na ni Celestina ang tsaa at kanilang miryenda. 

Nang tumalikod na si Celestina ay hindi nakatakas sa mata ni Martin ang mga pasa at sugat nito sa braso. Lalong-lalo na ang labi nitong pumutok at dumudugo pa rin. Nang tingnan ni Martin si Maestra Villareal ay agad itong napaiwas ng tingin sabay inom ng tsaa. Gustuhin man niyang pagsabihan si Maestra Villareal ngunit sa oras na gawin niya iyon ay siguradong magpapadala ng liham si Maestra Villareal kay Don Facundo na narito na si Martin sa bansa.

Nang makarating sa kusina si Celestina ay sandali siyang napasandal sa pinto. Dahan-dahan siyang sumilip sa maliit na butas upang pagmasdan si Martin na ngayon ay kausap muli si Loisa. Napayuko na lang siya at napasandal na lang ulit sa pinto lalo na't alam niyang masaya na ngayon si Martin sa piling ng kasintahan nito.

Ang mga ngiti, tawanan at kakaibang palitan ng tinginan ni Martin at Loisa sa isa't isa ay nangangahulugang tapat at tunay ang pag-ibig niya para sa dalaga. Sa halos labing-isang taon niyang lihim na minahal ang binata ay kailanman hindi sumagi sa kaniyang isipan na may iniibig na pala ito. At ngayon wala na siyang pag-asa dahil ang tanging nais lang ni Martin ay maging magkaibigan sila.


KINAGABIHAN, habang hinihintay ni Celestina na kumulo ang tubig na iniinit niya ay nakaupo lang siya ngayon sa mahabang mesa ng hapag-kainan habang tinititigan ang kaniyang makapal na talaarawan. Alas-diyes na ng gabi at halos tulog na ang lahat. Ito ang mga oras kung saan tahimik at payapa ang buhay niya. Walang Maestra Villareal at ang mga estudyante nito na utos dito, utos doon, sigaw dito, sigaw doon.

Ang kaniyang lumang talaarawan ay regalo pa sa kaniya ng kaniyang ama noong ika-limang taong kaarawan niya. 

'Isusulat mo rito lahat ng laman ng iyong puso't-isipan. At bago ka ikasal ay nais kong mabasa ang laman ng iyong talaarawang ito' naalala niyang bilin ng kaniyang ama noong malakas pa ito.

Kulay pula ang kaniyang talaarawan at may maliit na kandado ito sa gilid. Ang susi ng kaniyang talaarawan ay ang kuwintas na suot niya na siya ring binigay ng kaniyang ama kasabay ng talaarawang iyon.

'Ito naman ang susi ng iyong puso't isipan. Wala kang ibang pagbibigyan nito kundi ako lamang at ang mapapangasawa mo na siyang makakabasa ng lahat ng isinulat mo rito' saad pa ni Don Mateo sabay yakap sa kaniyang unica hija.

Hinawakan ni Celestina ang kuwintas na suot niya sa kaniyang leeg. Kulay pilak ang susi nito at kahit kailan ay hindi niya ito iwinalay sa kaniyang piling. Nang ipasok na niya ang susi sa maliit na kandado ng talaarawan ay bumukas na ito. Dahan-dahan niyang binuklat ang kaniyang talaarawan at bumungad sa unang pahina ang lumang larawan nila ng kaniyang ama na kinuha pa noong ika-labing walong kaarawan niya.

Nakaupo sa upuan ang kaniyang ama suot ang magandang kasuotan nito na puno pa ng medalya at mga parangal. Habang siya naman ay nakatayo sa gilid ng kaniyang ama suot ang magarbong baro't saya na kulay asul na kumikinang sa ganda.

Sina Don Mateo Cervantes at Señorita Celestina Cervantes, ang tinitingala, iginagalang at sinasamba noon ng karamihan ngunit ngayo'y nabibilang na sa alabok ng hangin. Sa pagkakataong iyon, tuluyan nang tumulo ang kaniyang mga luha. Mag-isa lang siya ngayon kung kaya't malayang umagos ang mga luhang nailalabas lang niya sa tuwing kinakausap niya sa kaniyang isipan ang kaniyang yumaong ama.

Kung gaano siya nasasabik na makita at muling makapiling ito. Kung gaano niya gustong sabihin lahat ng pinagdadaanan niya sa bawat araw. Kung paano niya ipapaliwanag ang hirap na mabuhay nang mag-isa at walang mapagsabihan ng problema. At kung gaano kasakit ang katotohanang nawawalan na siya ng pag-asa.

Habang pumapatak ang kaniyang luha ay dahan-dahan niyang binubuklat ang pahina ng kaniyang talaarawan. Naroon nakasulat din ang halos araw-araw na nagdaan kung saan inaabangan niya si Martin na dumaan sa kanilang hacienda. Isinusulat niya roon kung anong kulay ng damit ni Martin, kung bagay ba ito sa kaniya o hindi, kung ilang beses itong ngumiti at tumawa kasama ang mga kaibigan nito, kung anong mga libro ang dala-dala nito tuwing sabado at marami pang iba.

Madalas sa bawat pahina ay iginuguhit niya rin si Martin. Magaling gumuhit si Celestina bagay na ikinatutuwa rin nina Don Mateo at Manang Dominga. Noon ay mayroong silid si Don Mateo kung saan nakalagak ang mga iginuhit ni Celestina. Magmula sa mukha ng kaniyang ama, ni Manang Dominga hanggang sa mga tanawing natatanaw nito sa labas ng kaniyang bintana. Ang paboritong iguhit ni Celestina ay ang pulang rosas. Halos mapuno ang kaniyang silid ng mga iginuhit at ipininta niyang pulang rosas.

Nagpatuloy lang si Celestina sa pagbuklat ng kaniyang talaarawan sa bawat pahina at bigla siyang napatigil nang makita ang isang lanta at kupas na rosas na nakaipit doon. Kulay Brown at marupok na ang rosas na iyon na sa kaunting hawak lang ay nadudurog ang malutong na bahagi nito.

Naalala ni Celestina na ang rosas na iyon ay labing isang taong gulang na rin ang edad. Iyon ang rosas na pinitas niya noong unang beses siyang nakalabas sa kanilang tahanan at nagsaya sa kanilang hardin kung saan kaarawan iyon ng kaniyang ama at walang nakaalam na nakalabas siya sa kaniyang silid. Iyon din ang rosas na hawak niya noong makita siya ni Martin at inakala nitong isa siyang serbidora sa hacienda Cervantes na nagnakaw ng bulaklak.

Ang rosas na iyon ang saksi nang hindi inaasahang pagkikita nina Celestina at Martin sa kauna-unahang pagkakataon. Saksi ang rosas na iyon sa kung paano tumibok ang puso ni Celestina magmula nang gabing iyon.

Biglang napatigil si Celestina sa pagluha at agad niyang isinara ang kaniyang talaarawan nang mapansin niyang kumukulo na ang tubig na pinapakuluan niya. Agad niyang isinalin iyon sa sisidlan saka umakyat sa ikatatlong palapag at inilagay iyon sa tapat ng pintuan ni Maestra Villareal. Tuwing madaling-araw kasi ay nagigising si Maestra Villareal at nais niyang maligamgam ang tubig na iinumin niya.

Pagbalik ni Celestina sa kusina ay isinara na niya ang mga bintana. Umuulan nang malakas ngayon at naglagay din siya ng mainit na tubig sa isang sisidlan para sa kanila ni Esteban. Pagbaba niya sa unang palapag ay nagtungo na siya sa kanilang silid. Inilapag na muna niya sa gilid ang gaserang hawak niya saka inayos ang pagkakasara ng bintana sa kanilang kwarto. Ngunit bigla siyang napatigil nang marinig ang paghikbi ni Esteban.

Paglingon niya sa bata ay balot na balot ito ng kumot at tila nanginginig sa lamig. Agad siyang naupo sa kama at hinawakan ang noo ni Esteban na ngayon ay inaapoy na ng lagnat. Agad niyang hinawakan ang mukha ni Esteban at tinapik ito. Dahan-dahan namang iminulat ng bata ang kaniyang mga mata at mangiyak-ngiyak itong tumingin sa kaniya.

"H-hindi po ako m-makahinga" umiiyak na wika ni Esteban. Tila nabuhusan ng napakalamig na tubig ang buong katawan ni Celestina at namanhid ang kaniyang mga kamay at balikat. Agad niyang niluwagan ang damit ng bata saka pinakinggan ang hininga nito na pilit niyang hinahabol.

Agad siyang nagsulat sa papel at tumakbo papunta sa silid ni Madre Villareal. Kinatok niya ito ng kinatok hanggang sa buksan ng señora ang pinto. "Wala ka talagang pakundangan!" sigaw ni Maestra Villareal sabay hila sa buhok ni Celestina. Agad namang niyang inabot ang papel kay Maestra Villareal.

Kailangan pong madala sa doktor si Esteban, hindi po siya makahinga. Tulungan niyo po kami.

Napakunot lang ang noo ni Maestra Villareal na nakapang-tulog at may pampagandang halamang gamot pang nakatapal sa mukha nito. "Painumin mo lang iyan ng salabat! Huwag niyo na akong guluhin pa!" sigaw ni Maestra Villareal sabay sarado ng kaniyang pinto.

Napapikit na lang sa inis si Celestina at agad siyang bumaba at nagtungo sa kanilang silid. Agad niyang kinuha ang kaniyang talukbong at ibinalot iyon kay Esteban. Bihira lang magkasakit si Esteban kung kaya't alam ni Celestina na nasa peligro ang buhay nito lalo na't may hika ang bata.

Kumuha muli siya ng papel at nanginginig ang kaniyang kamay na sumulat doon. Ibinulsa na ni Celestina ang mensahe na isinulat niya sa papel, kinuha na rin niya ang isang lampara at binuhat niya si Esteban. Pagbukas niya ng pinto sa labas ay sumalubong sa kanila ang napakalakas na hangin at ulan.

Niyakap ni Celestina nang mahigpit si Esteban saka sumugod sa ulan. Dali-dali siyang tumakbo papunta sa tahanan ni doktor Mercado na siyang doktor ni Maestra Villareal. Halos limang kanto pa ang kaniyang tatahakin marating lang ang bahay ni Doktor Mercado at ngayon ay hindi niya alintana ang lakas ng buhos ng ulan at ang hampas ng hangin.

Halos walang katao-tao sa paligid at iilang ilaw lang din ang nagbibigay liwanag sa ilang poste sa daan. Ang lakas ng kabog ng puso ni Celestina ay umaabot na hanggang sa kaniyang lalamunan. Kahit masakit pa rin ang kaniyang binti ay hindi pa rin siya tumigil sa pagtakbo. Tumakbo siya nang tumakbo habang yakap-yakap si Esteban na nababalot ngayon ng itim na talukbong.

Hindi nagtagal ay narating na rin niya ang malaking tahanan ni doktor Mercado. Dali-dali siyang kumatok sa mamahaling pinto nito na gawa sa tanso. Halos magiba na niya ang pinto bago pa ito bumukas. Bumungad sa harapan niya ang isang matandang doktor na nakapangtulog na at namamaga ang mata.

Agad dinukot ni Celestina ang papel sa kaniyang bulsa at inabot kay doktor Mercado. Binasa naman iyon ng matandang doktor at kunot-noong pinagmasdan niya si Celestina mula ulo hanggang paa. Nang mapansin niya na mahirap lang ito ay bigla siyang napapikit sa inis.

Agad hinila ni Celestina ang suot niyang kuwintas na gawa sa pilak. Ito ang kuwintas na susi sa kaniyang talaarawan. Mamahalin ang kuwintas na iyon at ito na lang ang natatanging alaala niya sa kaniyang ama. Napatingin ang doktor sa batang dala ni Celestina at nang tingnan niya ang damit ng dalaga na napakarumi ay napailing na lang siya. Kahit pa may ibabayad ito sa kaniya ay mas ayaw naman niyang marumihan ang kaniyang tahanan.

Nagulat si Celestina nang biglang nilukot ni doktor Mercado ang papel at binato ito sa gitna ng ulan "Sa susunod isipin mo muna kung makakaabala ba kayo ng taong natutulog!" inis na wika ni doktor Mercado at malakas niyang isinarado ang pinto na parang isang malakas na hampas sa mukha at pagktao ni Celestina.

Sa pagkakataong iyon ay napatulala si Celestina sa ginawa ng matandang doktor. Sunod-sunod na bumagsak ang kaniyang mga luha at niyakap na lang niya nang mahigpit si Esteban na ngayon ay hinihika na.

Tila sinasaksak ng libo-libong beses ang kaniyang puso dahil wala siyang magawa ngayon upang iligtas ang batang itinuring na niyang kapatid. At ang mas lalong nagpapabigat sa kaniyang damdamin ay ang ginawang pagmamaliit ni doktor Mercado sa kanilang pagkatao. Dahan-dahan siyang napaupo sa tapat ng pintuan ng tahanan ni doktor Mercado at inilapag doon saglit si Esteban.

Dali-dali siyang gumapang sa gitna ng ulan upang kunin ang papel na isinulat niya na itinapon lang ni doktor Mercado. Ngayon ay pupuntahan niya ang isa pang doktor na nagpupunta noon kay Maestra Villareal. Ang pamangkin nitong si doktor Benjamin Villareal, ngunit alam niyang hindi pera ang nais ni Benjamin Villareal kundi ang katawan niya mismo.

Nasa kabilang kanto lang ang tahanan ni doktor Benjamin Villareal at dahil sa sobrang lakas ng hangin at ulan ay mas lalong hindi makahinga nang maayos si Esteban. Binuhat niya muli si Esteban at muling naglakad sa gitna ng ulan. 

Gagawin niya ang lahat para kay Esteban upang mabuhay ito. At ngayon ay handa niyang isuko ang kaniyang sarili kay doktor Benjamin upang mabuhay lang si Esteban.

Nanginginig na ang kaniyang buong katawan hindi dahil sa lamig ng tubig ulan kundi dahil sa desisyong gagawin niya ngayon. Namamanhid na rin ang kaniyang mga palad at paa  dahil sa matinding takot na nararamdaman niya ngayon.

Wala na ring humpay ang pagbuhos ng mga luha sa kaniyang mga mata at mas binilisan niya pa ang paglalakad sa gitna ng malamig na gabi habang bumubuhos ang napakalakas na ulan. Naglakad siya nang mabilis hanggang sa mamalayan na lang niya na tumatakbo na pala siya. Tumatakbo siya papunta sa desisyong wala na siyang magagawa pa.

Ngunit bigla siyang napatigil nang may humawak sa kaniyang braso. Paglingon niya sa likod ay gulat siyang napatingin sa binatang hindi niya inaasahang makikita niya ngayong gabi kung saan mag-isa niyang tinatahak ang kahabaan ng kalye.

"C-celestina?" nagtatakang tanong ni Martin at nang humakbang siya papalapit sa dalaga upang tingnan nang mas mabuti kung si Celestina nga ang babaeng nakita niyang tumatakbo sa gitna ng kalsada "Celestina, ikaw nga!"

Gulat niyang pinagmasdan si Celestina na ngayon ay basang-basa habang yakap-yakap si Esteban. "Anong nangyari?" nag-aalalang tanong ni Martin. Hindi man makasagot si Celestina ngunit batid ni Martin na bumubuhos ang luha sa mga mata ng dalaga kahit pa sinasabayan ito ng malakas na pagbuhos ng ulan. 


******************

#ThyLove

Featured song:

'Hindi ko kaya' by Angeline Quinto

https://youtu.be/GXCKtonPsgQ

'Hindi ko kaya' by Angeline Quinto

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top