Ika-Labing Walong Kabanata


[Kabanata 18]

AGAD hinawakan ni Martin ang pisngi ni Celestina "Tinang, naririnig mo ba ako?" ulit niya hanggang sa tuluyang humimbing muli ang tulog ni Celestina. Tumayo na si Martin saka tumakbo papunta sa salas kung saan mahimbing na natutulog si Timoteo at Diego.

"Gising!" nagmamadaling wika ni Martin sabay lundag sa kama ni Timoteo at hinila ito. "A-ano bang---" hindi na natapos ni Timoteo ang sasabihin niya dahil nagsalita na si Martin na sa mga oras na iyon ay gulat na gulat habang tumatagaktak ang pawis nito sa noo. Naalimpungatan din si Diego ngunit umikot lang ito sa pagkakahiga saka nagtaklob ng unan sa mukha.

"Nagsalita si Celestina!" bulong niya na ikina-kunot ng noo ni Timoteo habang kinukusot nito ang kaniyang mga mata. "Sumunod ka sa akin!" wika pa ni Martin sabay hila sa kaibigan. Wala nang nagawa si Timoteo kundi ang bumangon at sumunod kay Martin kung saan man siya nito dalhin.

Nang marating nila ang silid ni Linda kung saan naroroon si Celestina ay muling hinawakan ni Martin ang noo at pisngi ng dalaga. "Habang binabantayan ko siya kanina, sa aking palagay ay nanaginip siya ng masama hanggang sa magsalita siya sa kalagitnaan ng kaniyang pagtulog" paliwanag ni Martin, naupo naman si Timoteo sa gilid ng kama saka sinuri ang noo at pulso ng dalaga.

"Naksisiguro ka ba sa iyong narinig? Tinong" tanong ni Timoteo habang inoobserbahang mabuti ang kaibigan. "Oo, narinig ko talaga siyang nagsalita, tinawag niya ang kaniyang ina" tugon ni Martin, napasingkit naman ang mata ni Timoteo na para bang nagdududa ito.

"Madalas nasasabi nga na sinunggaling ang mga abogado ngunit kilala mo ako, hindi ako gumagawa ng maling kwento" giit ni Martin na para bang nakikipaglaban ito sa hukuman. Tumango-tango na lang si Timoteo at natawa dahil seryosong-seryoso si Martin na balak na siyang tirisin kung hindi siya maniniwala sa sinasabi nito.

"O'siya, sa aking pagkakatanda, hindi lahat ng may kapansanan sa pagsasalita ay ipinanganak na ganoon. Mayroong mga kaso na nagsimula sa isang kalunos-lunos na tahedya o pangyayari sa buhay ng isang tao dahilan upang hindi na nito magawang makapagsalita pa. Kadalasan ay nangyayari ito sa mga bata na naabuso o nagkaranas ng isang trahedya" paliwanag ni Timoteo. Tulalang napatingin si Martin kay Celestina at hianwakan niya ang kamay nito.

"K-kung gayon, maaari pang makapagsalita si Celestina?" tanong nito habang nakatitig pa rin sa dalaga. Napatango naman si Timoteo bilang tugon. "May posibilidad na makapagsalita siya ngunit depende iyon sa sitwasyon. Sa ngayon, mas mabuting huwag na muna nating ipaalam sa kaniya na nakapagsalita siya dahil tiyak na makakaapekto iyon sa kaniyang kalagayan" paliwanag ni Timoteo.

Nagtataka namang napatingin sa kaniya si Martin, "Anong ibig mong sabihin?" napahinga ng malalim si Timoteo bago ito sumagot. "Sa oras na malaman niya at pilitin niya ang kaniyang sarili, maaaring mas mahirapan siya na makapagsalita muli" tugon ni Timoteo, napapikit na lang si Martin at napahinga ng malalim habang hawak-hawak ng mahigpit ang kamay ni Celestina.


"SAMPUNG minuto na lamang, aalis na tayo" paalala ni madam Villareal habang naglilibot sa mga kwarto ng kaniyang mga estudyante. Nagmamadali ang lahat sa pagbibihis at pag-aayos dahil aawit sila sa isasagawang espesyal na misa bilang pagsalubong sa mga bagong opisyal mula sa Espanya na kakarating lamang kaninang umaga.

Kulay puti at dilaw na baro't saya ang kanilang suot, hindi na magkamayaw ang ibang estudyante na tulong-tulong na rin sa pa-aayos ng buhok ng isa't isa at sa paglalagay ng kolerete sa mukha. Halos abala ang lahat maliban kay Loisa na tulalang nakaupo lang sa kaniyang kama. Tapos na siya magbihis at mag-ayos sa sarili ngunit hindi pa rin siya bumababa sa salas.

Ilang sandali pa, dumaan si Marisol at ang mga kaibigan nito sa tapat ng kaniyang silid, saktong nakabukas ang pinto ng kaniyang silid at tumigil doon ang mga babae. "Iba talaga ang nagagawa ng kapangyarihan, 'di hamak naman na mas magaling ako kaysa sa kaniya gaya ng sinasabi ng madla ngunit nais niya pa ring angkinin ang atensyon ng lahat" wika ni Marisol at nagtawanan ang mga kaibigan nito. Sinadya talaga nilang iparinig kay Loisa ang kanilang usapan.

"Hayaan na lang natin na ang madla ang humusga. Kahit kailan ay nakakapit lang naman siya sa kapangyarihan ng kaniyang ama" tawa pa ni Marisol na sinabayan din ng mga kaibigan nito ngunit nagulat sila nang biglang tumayo si Loisa, mabilis itong naglakad papalapit sa kanila saka hinarap si Marisol.

"Iyong ingatan ang lahat ng mga salitang lumalabas sa iyong labi. Matagal na akong nagtitimpi sa inyo ngunit hindi na ako mananahimik pa" babala ni Loisa habang nakatingin ng matalim kay Marisol, napaatras naman si Marisol saka napalingon sa mga kaibigan niya na nag-iwas din ng tingin.

"H-hindi naman ikaw ang tinutukoy namin, huwag mong palabasin na ikaw ang naaapi" palaban na sagot ni Marisol ngunit hindi nito magawang tapatan ang matalim ni Loisa. Napataas lang ang kilay ni Loisa saka humakbang papalapit kay Marisol na napaatras at napasandal sa pader.

"Tingnan na lang natin kung sino ang tunay na maaapi sa ating dalawa" seryosong saad ni Loisa, napalunok naman sa kaba si Marisol at napayuko. Tiningnan ni Loisa isa-isa ang mga kaibigan ni Marisol at tinandaan din niya ang mga mukha at pangalan ng mga ito.

Tumalikod na si Loisa saka naglakad pababa ng hagdan patungo sa salas. Habang bumababa siya ng hagdan, napatigil siya nang makita si Martin na sa mga oras na iyon ay nakatayo sa pintuan habang kausap si madam Villareal.

"Wala ka naman sigurong balak itakas ang bata" wika ni madam Villareal sabay kumpas ng kaniyang abaniko. Hinubad naman ni Martin ang kaniyang sumbrero saka itinapat iyon sa kaniyang dibdib. Napangisi pa siya sa kaniyang sarili dahil wala talagang tiwala sa kaniya si madam Villareal.

"Gaya nga ng aking sinabi, kada katapusan ng buwan nais suriin ng aking kaibigang doktor si Esteban. Tila iyong nakaligtaan na ang aking kaibigan na si Timoteo ay anak ni Don Perico na lubos mong ginagalang. Tiyak na hindi magugustuhan ni Don Perico ang panghihimasok mo sa mga nais gawin ng kaniyang anak" paalala ni Martin, napaiwas naman ng tingin si madam Villareal saka nagpaypay sa sarili ng malakas.

"O'siya, ihatid mo ang bata rito bago mag-takipsilim" wika ni madam Villareal saka tumalikod at nagtungo sa kusina at tinawag si Esteban. Naiwan si Martin sa salas at ilang sandali pa ay narinig niyang may nagsalita mula sa kaniyang likuran.

"M-maaari ba tayong mag-usap?" wika ni Loisa habang nakayuko at nakatitig sa makintab na sahig. Hindi naman umimik si Martin, nanatili pa rin itong nakatalikod, kahit hindi siya lumingon ay batid niyang si Loisa iyon.

"K-kahit sandali lang, Martin" pakiusap nito, napahinga na lang ng malalim si Martin saka hinarap si Loisa. "Wala na tayong dapat pag-usapan" seryosong saad ni Martin, napayuko muli si Loisa at napahawak ng mahigpit sa kaniyang palda.

"Nais kong magpaliwanag sa iyo. Ang totoo niyan, hindi ko alam na si Celestina ang babaeng hinahanap mo noon" saad ni Loisa habang namumuo ang luha sa mga mata nito. Hindi naman nagpatinag si Martin saka seryosong tiningnan ang dalaga.

"Sabihin na nating...wala kang ideya na si Celestina ang babaeng hinahanap ko noon. Ngunit bakit kailangan mong magsinunggaling sa akin at sabihing ikaw iyon?" banat ni Martin na ikinasindak ni Loisa. Kahit kailan ay hindi niya magawang tapatan ang mga tanong na binabato nito sa kaniya.

"D-dahil mahal kita! Matagal na kitang gusto ngunit hindi mo ako napapansin. Nilamon ka ng babaeng iyon na hinahanap mo sa kawalan" diretsong saad ni Loisa, medyo malakas ang boses nito dahilan para marinig ng ibang mga estudyanteng pababa na ng hagdan. Nagsimulang magbulungan ang grupo ni Marisol na noong mga oras na iyon ay gulat na gulat pa sa pagbabanta na ginawa sa kanila ni Loisa kanina.

Hindi naman nakapagsalita si Martin hanggang sa napatingin siya sa kuwintas na suot ni Loisa. Ang kuwintas na siyang naging batayan niya upang mahanap ang babaeng nakita niya sa hardin ng hacienda Cervantes. "Loisa, ito na ang huling beses na kakausapin kita. Maaari bang tumigil ka na at mabuhay ng totoo?" wika ni Martin, hindi naman nagpatinag si Loisa. Sa halip na humingi siya ng tawad ay mas lalo siyang nagalit sa katotohanang hindi na siya babalikan ni Martin.

"Ito rin ang huling beses na iiyakan kita ng ganito. Sa susunod ay ikaw ang lalapit sa akin at makikiusap. At sisiguraduhin kong mangyayari ang araw na iyon" banta ni Loisa sabay talikod at dali-daling umakyat pabalik sa kaniyang silid. Napatabi naman sa gilid ang mga estudyante na nakatayo sa hagdan at nakarinig ng pag-uusap nila ni Martin.

Ilang sandali pa, dumating na si madam Villareal habang nakasunod sa likod nito si Esteban. "Kahit kailan ay palagi kang may dalang rason upang maipit ako sa isang sitwasyon. Hindi na ako magtataka na anak ka ng isang Ocampo" saad ni madam Villareal. Hindi na lang umimik si Martin, batid niyang may malaking away din si madam Villareal at ang pamilya Ocampo na siyang pamilya ng kaniyang ina.

Kinuha na ni Martin si Esteban at hinawakan ang maliit na kamay nito. Nagbigay galang sila at tuluyan nang naglakad palabas.


MABAGAL na naglalakad si Martin habang hawak ang kamay ni Esteban. Makulimlim ang kalangitan kahit tanghaling tapat na. Mabuti na lang dahil malapit lang din ang bahay nina Timoteo at Linda at halos may isang oras lang na bakanteng oras si Martin bago siya bumalik sa Real Audencia.

"Kuya Tinong, saan po tayo pupunta?" tanong ni Esteban, napatingin naman si Martin sa kaniya at ngumiti ito. "Pupunta tayo sa bahay nila doktor Timoteo at ate Linda mo. Darating mamaya ang iyong ate Tinang at siguradong matutuwa siya na makita ka" tugon ni Martin, napangiti naman si Esteban at napatalon sa tuwa habang naglalakad sila.

"Ako'y nasasabik na po na makita si ate Tinang! Maging sila itay at inay" ngiti ni Esteban, natawa naman si Martin dahil lumulundag-lundag si Esteban habang magkahawak-kamay silang naglalakad.

"Itay at inay?" nagtatakang tanong ni Martin, napasingkit naman ang mata ni Esteban sabay ngiti "Ang sabi po sa akin ni doktor Timoteo, maaari ko siyang tawaging itay at inay naman si ate Linda" ngiti ng bata dahilan para matawa ulit si Martin sa kalokohan ng kaibigang si Timoteo.

"Labis po akong nasiyahan noong sabihin po iyon sa akin ni itay Timoteo. Matagal ko na pong gustong magkaroo ng magulang" patuloy pa ni Esteban at sa pagkakataong iyon ay napalitan ng lungkot ang ngiti nito. Napatigil naman si Martin sa paglalakad at napatitig sa bata, sa pagkakataong iyon ay nais niyang gumawa ng paraan upang matupad ang pangarap nitong magkaroon ng magulang.


NAKAHANDA na ang lahat at ilang minuto na lang ay magsisimula na ang misa. Kompleto na rin ang halos sampung bagong opisyal na mula sa Espanya. Nakaupo ang mga ito sa harapan at puno rin ng mga tao ang simbahan. Nakatayo na rin ng maayos ang mga estudyante ni madam Villareal na siyang aawit para sa espeyal na misa gaya ng hiling ni hukom Emiliano.

Si Loisa ang nakatayo sa gitna at siyang naatasang aawit ng panimulang awit para sa pagdating ng pari at mga sakristan na maglalakad sa gitna ng altar. Handang-handa na ang puso't isipan ni Loisa na ipakita sa lahat na walang makakatalo sa kaniya. Nais niyang bumawi sa nangyari sa pista ng Laguna na kung saan hindi siya nakaawit at si Marisol ang pumalit sa kaniya.

Nakapwesto na rin sa harap nila si maestra Asuncion na siyang guro nila sa pag-awit at pagsayaw. Ilang sandali pa, may isang matandang babae na siyang mayor doma sa hacienda ng pinunong heneral ng hukbong sandatahan na si Heneral Samuel Garcia na kakarating lang din mula Espanya.

Bumulong si aling Pia kay maestra Asuncion at agad itong tumango. Mabilis na tumakbo si aling Pia papunta sa helera ng mga babaeng nakaupo sa harap saka inakay papunta sa mga mang-aawit ang isang dalaga na anak ni Heneral Samuel Garcia.

"Sino ang babaeng iyan?" bulong ni Marisol kay Selia na narinig ni Loisa dahil nasa likuran niya lang ang dalawa. Napaisip naman ng malalim si Selia, "Kung hindi ako nagkakamali, ang babaeng iyan ay si Esperanza Garcia na anak ni Heneral Samuel Garcia. Sa Espanya sila nanirahan ngunit ang ina ni Esperanza ay isang mestiza na narito sa bansa" tugon ni Selia, napatango naman si Marisol dahil kilala niya ang pamilya Garcia na siyang mayaman sa lalawigan ng Negros. Madalas na bumili ng alahas kay Don Gonzalo ang in ani Esperanza.

"Ngunit bakit akay-akay pa siya?" bulong muli ni Marisol habang nakatingin silang lahat kay Esperanza na akay-akay sa kaliwang braso ni aling Pia papunta sa kanila "Hindi nakakakita si Esperanza. May kapansanan siya sa paningin" sagot ni Selia. Taimtim namang nakikinig sa kanila si Loisa "Bakit naman siya isasali dito sa ating---" hindi na natapos ni Marisol ang kaniyang sasabihin dahil nakarating na si Esperanza at aling Pia sa kanila.

Hinawakan din ni maestra Asuncion si Esperanza sa kabilang braso saka inakay papunta sa tabi ni Loisa. "Si Esperanza muna ang aawit ng panimulang awitin na hiling ng heneral, nawa'y maitindihan mo sana Loisa" bulong ni maestra Asuncion kay Loisa na ikinagulat nito, maging ng ibang mga estudyante dahil biglang may isang estranghera na dumating at aawit ng solo.

Magsasalita pa sana si Loisa ngunit umalis na si maestra Asuncion saka pumwesto sa harap nila. Tinitigang mabuti ni Loisa ang babaeng bagong dating at napansin nga niyang diretso lang ang tingin nito at bulag ang dalawa nitong mata. Nagulat siya nang biglang ngumiti si Esperanza "Ikinararangal kong makasama kayong lahat sa pag-awit ngayon" wika ni Esperanza gamit ang malambing nitong himig.

Napatulala lang ang ilan sa kaniya lalo na ang ilang mga kalalakihan na nakatayo sa kabilang helera dahil sadyang magandang binibini si Esperanza. Maputi, mapungay ang mga mata, matangos ang ilong at mapula ang labi nito. Kulot ang buhok nito na kulay tsokolate na mas lalong nakagdagdag sa kaniyang kagandahan.

Ilang sandali pa, nagsimula nang tumugtog ang piyano, biyolin at pluta senyales na magsisimula na ang misa. Nagulat ang lahat nang magsimulang umawit si Esperanza, sa bawat linya at nota na pinakawalan nito ay tila tumagos sa kanilang mga puso ang napakagandang himig ng dalaga.


ALA-UNA na ng hapon nang makabalik si Martin sa Rreal Audencia matapos niyang ihatid si Esteban sa tahanan nina Timoteo at Linda upang hintayin si Celestina na darating mamayang gabi gaya ng paglinlang nila kay madam Costellanos. Binili ni Diego si Celestina sa loob ng apat na gabi at dinadala niya ito sa bahay ng kaniyang kuya gaya ng utos ni Martin.

"Tinong" tawag ni Tonyo kay Martin na mag-isang naglalakad sa pasilyo. Napatigil si Martin sa paglalakad saka napalingon sa kaibigan. "May mabuti akong balita" nakangiting saad ni Tonyo habang tumatakbo papalapit sa kaniya.

"Ano iyon?"

"Narito sa Maynila si Señor Lauricio upang salubungin ang mga bagong opisyal na kasalukuyang nasa misa pa ngayon. Nakausap ko siya kanina at sinabi niyang maibibigay na niya sa iyo ang salaping hihiramin mo bukas ng umaga. Sa Hotel De Oriente siya magpapalipas ng gabi ngayon" saad ni Tonyo, nanlaki ang mga mata ni Martin at napangiti sa tuwa.

"Kung gayon, hindi na natin kailangan magtungo sa Tayabas sa sabado upang makausap siya?" ngiti ni Martin, napatango naman si Tonyo sabay akbay sa kaibigan. "Umaayon ang tadhana sa atin, hindi na natin kailangan maglakbay patungo sa Tayabas. Mabuti na lamang may mahalagang okasyon ngayon dahil sa pagdating ng mga opisyal mula sa Espanya" saad ni Tonyo at magkaakbay silang naglakad ni Martin papasok sa kanilang opisina.

"Ibig bang sabihin, narito na rin ang bagong gobernador-heneral? Ngunit bakit tila wala namang nababanggit si Hukom Emiliano?" nagtatakang saad ni Martin, wala ring nabanggit sa kaniya ang ama at wala ring paghahanda na ginagawa sa palasyo ng Malacañang.

Napaisip naman ng malalim si Tonyo "Naitanong ko rin kanina kay Señor Lauricio ngunit ang sabi niya ay sa susunod na linggo pa raw darating ang bagong gobernador-heneral dahil nagkaaberya ang barkong sinasakyan nito nang dumaan sa Suez Canal kung kaya't naunang makarating ang barkong sinasakyan ng ibang mga opisyal patungo rito" tugon ni Tonyo. Napatango na lang si Martin saka masaya silang pumasok ni Tonyo sa opisina habang magka-akbay pa.


ALAS-SINGKO na ng hapon, pagkatapos ng kanilang trabaho ay nagtungo si Martin sa tahanan ni Don Agustin Alcantara na siyang kilalang Punong maestro ng isang kilalang Unibersidad. Kilalang manunulat, manunula at marami nang nailimbag na aklat si Don Agustin Alcantara na nagmamay-ari rin ng isa sa pinakamalaking palimbagan ng aklat at diyaryo sa Maynila na kilalang Las Noticias Diarias.

Malaking pabrika na gawa sa matibay na kahoy ng oak ang sumalubong kay Martin. Nasa loob ng pabrika ang patong-patong na mga papel at ang malalaking lagayan na mano-manong ginagamit pang-imprenta ng mga diyaryo at mga aklat.

Mainit ang loob at karamihan sa mga lalaking manggagawa ay nakahubad at tumatagaktak ang pawis ng mga ito. Ilang sandali pa, natanaw na ni Martin si Don Agustin na siyang naglilibot sa loob. Agad siyang naglakad papalapit sa Don at nagbigay galang. "Martin? Hijo, anong ginagawa mo rito?" nakangiting tanong ni Don Agustin. Mababa lang ang taas nito at bilugan ang kaniyang tiyan.

"Nais ko po sanang manghiram ng aklat sa inyo Don Agustin" saad ni Martin habang hawak ang kaniyang sumbrero na nakatapat sa kaniyang dibdib. Napangiti naman si Don Agustin saka tinapik ang balikat ni Martin. "Noong nasa Laguna ka ay tiyak na si Don Filimon ang iyong takbuhan, mabuti na lamang at naisipan mong bumisita sa akin rito. Tayo'y magtungo sa itaas" ngiti ni Don Agustin na siyang kilalang palangiti at madaling lapitan ng kahit na sino.

Nagtungo na sila sa ikalawang palapag kung saan naroroon ang opisina at tanggapan ni Don Agustin. Nagkalat ang mga libro na maayos na nakahelera sa mga lagayan nito. Naroon din sa itaas ikalawang palapag ang kwarto ni Don Agustin na siyang tinutuluyan nito sa tuwing nasa Maynila ito. Sa Nueva Ecija nakatira si Don Agustin at ang pamilya nito dahil naroon din ang kanilang mga negosyo.

Agad inutusan ni Don Agustin ang kasambahay na dalhan sila ng tsaa at merienda. Habang si Martin naman ay napatulala sa ganda ng mga ipinintang larawan na nakasabit sa bawat dingding ng opisina ni Don Agustin. Karamihan sa mga larawan ay mga bundok at palayan sa Nueva Ecija.

"Ibig mo bang bilhin ang mga larawang iyan? Patawad hijo ngunit hindi ko ibinebenta ang mga iyan dahil gawa iyan ng aking anak" ngiti ni Don Agustin at inayayahan na nitong maupo si Martin sa bakanteng upuan.

"Nakakamangha po ang talento ng inyong anak. Aking naalala ang espeyal na binibini na magaling din pong gumuhit tulad ng inyong anak" wika ni Martin, napangiti naman si Don Agustin. "Tiyak na magkakasundo sila ng aking anak na si Corazon na siyang gumuhit ng lahat ng iyan. Nawa'y ipakilala mo sa amin ang binibining iyong tinutukoy kapag nagawi rito sa Maynila si Corazon" ngiti ni Don Agustin. Kasunod niyon ay dumating na ang kasambahay bitbit ang dalawang tsaa at ang kakanin na merienda.

"Siya nga pala anong aklat ang iyong nais hiramin? Hijo" tanong ni Don Agustin sabay inom ng tsaa. "Nais ko po sanang hiramin ang aklat na isinulat niyo noon patungkol sa mga kapansanan ng isang tao" tugon ni Martin, napasandal naman si Don Agustin sa kaniyang upuan saka pinagmasdan ng mabuti ang binata. Ang aklat na tinutukoy ni Martin ay ang aklat na sinulat ni Don Agustin na halos isang dekada na ang nakakaraan. Ang pamagat nito ay 'Los ojos, las palabras y las piernas de las discapacidades de la nación' (The eyes, words and legs of nation's disabilities).

"Marami rin ang aking pinagdaan upang matapos ang aklat na iyon ngunit nakakalungkot nga lang dahil tila hindi ganoon karami ang interesado na malaman ang kalagayan ng mga taong may kapansanan" wika ni Don Agustin, napawi na ang ngiti nito na kanina pa sumisilay sa kaniyang labi.

Hindi naman nakapagsalita si Martin, batid niyang hindi nga ganoon karami ang nagbigay pansin sa aklat na iyon ni Don Agustin na siyang tumatalakay sa mga taong may kapansanan. Senyales na karamihan ay walang pakialam sa mga taong tulad ni Celestina. "Isinulat ko ang aklat na iyon para sa aking anak, Si Corazon ay may kapansanan sa paa. Hindi siya nakakapaglakad at buong buhay niyang haharapin ang katotohanang hindi niya magagawang maglakad at tumakbo sa malawak na kapatagan" patuloy ni Don Agustin, bakas sa mukha nito ang lungkot nang maalala ang kalagayan ng anak.

"Malapit sa aking puso ang mga taong may kapansanan dahil tulad ng aking anak, batid kong habambuhay niyang daranasin ang mapanghusgang mga tingin ng mga taong hindi nakakaunawa sa kaniyang kalagayan" dagdag pa ni Don Agustin saka tumayo at naglakad papunta sa isang helera ng libro. May kinuha siyang isang makapal na aklat na kulay berde saka inabot kay Martin.

"Ito ang aklat na iyon, huwag mo na itong ibalik sa akin dahil ibinibigay ko sa iyo ito. Nawa'y kahit papaano ay makatulong ako sa espeyal na binibini na iyong tinutukoy" wika ng Don, agad namang napatayo si Martin at gulat na tinanggap ang libro.

"Maraming salamat po, Don Agustin!" ngiti ni Martin at muling nagbigay galang sa Don. Tumango naman ito saka tinapik siya sa balikat.


ALAS-SAIS na ng hapon, mag-isang naglalakad si Martin pauwi sa tahanan nina Timoteo at Linda. Magtatakip-silim na at halos abala ang lahat, nagkalat ang mga kalesa na naghahari sa kalsada at ang ilang mga taong naglalakad sa gilid ng mga kalye.

Napatitig si Martin sa makapal na libro na binigay ni Don Agustin na hawak niya. Napangiti siya sa sarili dahil sa wakas ay naniniwala siyang makakapagsalita si Celestina at muli niyang maririnig ang magandang tinig nito.

Ilang sandali pa, napatigil si Martin sa tapat ng Hotel de Oriente, bukas niya pa makakausap at makukuha ang hihiraming salapi kay Señor Lauricio. Kahit papaano ay gumagaan na ang kaniyang pakiramdam dahil malapit na niyang mabayaran si madam Costellanos upang maalis na si Celestina sa bahay-aliwan.

Magpapatuloy na sana siya muli sa paglalakad nang marinig niya ang sigaw ng isang ale na natisod at bumagsak sa lupa. Nagkalat sa lupa ang mga isang bilaong pansit na bitbit nito. Agad siyang inalalayan ni Martin at tinulungang tumayo. May katandaan na ang ale, puti na ang kulay ng buhok nito at kulubot na ang balat.

"M-maraming salamat hijo" saad ng matandang babae, mabuti na lang dahil nakabalot sa dahon ng saging ang bilao ng pansit kung kaya't hindi natapon sa lupa ang pagkain. Akmang papasok na ang matandang babae sa loob ng Hotel de Oriente nang biglang magsalita si Martin.

"S-sandali po" wika ng binata at naglakad muli papalapit sa ale. Nagtataka naman itong napalingon sa kaniya "Bakit? Hijo" tanong ng matanda. Napaisip si Martin ng malalim saka muling nagsalita "Tila pamilyar po kayo sa akin. Taga-Laguna po ba kayo?" tanong ni Martin, napangiti naman ang matandang babae.

"Dati akong naninilbihan sa isang pamilya sa Laguna. Ngunit ngayon ay nasa isang pamilya na ako sa Negros naninilbihan" tugon ng matanda at tinitigan din niyang mabuti si Martin. "Sandali, tila pamilyar ka rin sa akin... Ikaw ba ang anak ni Don Facundo Buenavista na nagngangalang Martin?" tanong ng matanda. Napatango naman si Martin at siya naman ngayon ang nagtaka dahil parang kilalang-kilala siya ng matanda.

"Ako ang dating mayor doma sa hacienda Cervantes" wika nito na ikinagulat ni Martin, naalala niya ang mayor doma na siyang ninakawan noon nina Tonyo, Diego at Timoteo ng susi para pasukin ang kwarto ng anak ni Don Mateo na si Celestina.

"K-kayo po si Manang Dominga?" gulat na tanong ni Martin, napangiti naman at napatango ang matandang babae. Si Manang Dominga ang tagapag-alaga ni Celestina noon at kilalang-kilala rin ni Manang Dominga si Martin dahil halos araw-araw itong inaabangan ni Celestina sa tapat ng bintana sa tuwing dumadaan ang binata.

"Ikinagagalak ko pong muling makita kayo, Manang Dominga" saad ni Martin saka nagbigay galang ka Manang Dominga. "Maaari ko po kayong makausap sandali?" habol ni Martin, napatango naman si Manang Dominga at pumasok na sila sa Hotel de Oriente.

Pagdating sa loob, naupo sila sa bakanteng upuan at mesa na nasa unang palapag. Agad lumapit sa kanila si Adolfo na siyang nagsisilbi roon. "Maaari mo ba kaming bigyan ng kape at merienda?" saad ni Martin, napatango naman si Adolfo saka nagtungo sa kusina.

"Kumusta na hijo? Ang huli kong balita sa iyo ay nagtungo ka sa Europa upang mag-aral" saad ni Manang Dominga, napangiti naman si Martin saka inilapag ang kaniyang sumbrero sa mesa. "Opo, halos apat na taon din akong nanatili roon. Kamakailan lang po ako nakabalik dito sa bansa" wika ni Martin, napatango naman si Manang Dominga, mabagal na ang pananalita nito at kilos dahil sa katandaan.

"Kayo po? Bakit pa po kayo nagtatrabaho? Mas mabuting manatili na lang po kayo sa inyong tahanan" saad ni Martin, napangiti na lang si Manang Dominga "Ang katandaan ay balewala sa aming mahihirap na kailangang kumite ng salapi upang mabuhay. Mabuti na lang dahil kinuha ako ni Don Agustin bilang tagapangalaga sa kaniyang anak na si Corazon. Isinama niya ako ngayon dito sa Maynila at baka sa susunod na linggo at bumalik na kami sa Nueva Ecija" saad ni Manang Dominga, nanlaki naman ang mga mata ni Martin.

Naalala niya ang naikwento sa kaniya kanina ni Don Agustin patungkol sa inspirasyon nito sa pagsulat ng aklat patungkol sa mga may kapansanan dahil ang anak niya ay may kapansanan din sa paa. "Siya nga pala, nais ko sanang magtungo sa Laguna upang kumustahin ang alaga kong anak ni Don Mateo ngunit aking nabalitaan na matagal na raw wala doon si Celestina. Ang sabi nila ay ginawa raw itong alipin ng isang maesta na nagngangalang Perlita Villareal ngunit hindi ko alam kung saan siya nakatira rito sa Maynila. Maaari mo ba akong tulungan hijo na muling makita si Celestina?" wika nito, napangiti naman si Martin at napatango.

Walang ideya si Manang Dominga na nasa bahay-aliwan na ngayon si Celestina at ayaw niya muna itong sabihin sa matanda dahil baka mabigla ito. "Opo, makakaasa po kayo, manang Dominga" saad ni Martin, napahinga naman ng malalim sa tuwa ang matanda at paulit-ulit na nagpasalamat sa binata.

"Isasama ko po kayo mamaya sa tahanan ng aking kaibigan kung saan niyo makikita muli si Celestina" patuloy ni Martin ngunit biglang napatigil si Manang Dominga. "Maaari bang bukas ng umaga mo na lang ako dalhin kay Celestina. Ipinag-utos kasi sa akin ni Don Agustin na asikasuhin at dalhan ng pagkain ang anak ni Heneral Samuel Garcia na siyang may kapansanan sa paningin. Nirekomenda ako ni Don Agustin sa Heneral na mag-alaga pansamantala sa anak nito ngayong gabi dahil kakarating lang nila kaninang umaga mula Espanya" saad ni Manang Dominga, napatango naman si Martin.

"Bukas ng hapon ko na lang po kayo susunduin dito dahil gabi pa po matatapos si Celestina sa kaniyang mga gawain" saad ni Martin, hindi man niya nais magsinunggaling ngunit ayaw niyang mas lalong mag-alala si manang Dominga kapag nalaman nitong naninilbihan sa bahay-aliwan ang dating alaga.

"Maraming salamat talaga, Hijo" paulit-ulit na wika ni Manang Dominga. Kasunod niyon ay dumating na si Adolfo bitbit ang dalawang tasa ng kape at ang tinapay na may palamang keso na merienda. "Kumain po muna kayo" wika ni Martin, napangiti at nagpasalamat muli si Manang Dominga saka nagsimulang kumain.

"Siya nga po pala, Manang Dominga. Maaari po ba akong magtanong tungkol kay Celestina?" panimula ni Martin, napatigil naman si Manang Dominga saka napatingin sa binata. Sa loob ng ilang taong paghanga ni Celestina kay Martin na natunghayan ni Manang Dominga ay hindi niya akalain na magagawa nitong magtanong tungkol sa dalaga na sa pagkakaalam niya ay hindi naman nito lubusang kilala.

"Ano iyon? Hijo"

"Ipinanganak po ba talagang hindi nakakapagsalita si Celestina?" napayuko si Manang Dominga saka ibinalik sa plato ang tinapay at keso. "B-bakit mo naman naitanong iyan?" saad ni Manang Dominga sabay iwas ng tingin.

"May posibilidad po bang nakakapagsalita siya noon ngunit may nangyaring hindi maganda sa kaniya kung kaya't----" hindi na natapos ni Martin ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagsalita si Manang Dominga. "Ang mabuti pa hijo, huwag mo nang alamin ang bagay na iyon" diretsong saad ng matanda, bakas sa mukha nito ang matinding pangamba.

"Ngunit... Maaari po bang may kinalaman ang kaniyang ina kung kaya't hindi siya nakakapagsalita? Ngunit paano nangyari iyon? Hindi po ba't namatay ang kaniyang ina noong pinanganak siya nito? Bakit niya mababanggit ang kaniyang ina---" hindi ulit natapos ni Martin ang kaniyang sasabihin dahil biglang tumayo na si Manang Dominga dahilan para maalog ang mesa at muntikang matapon ang mainit na kape.

"Kailangan ko nang umalis. Maraming salamat Hijo" nagmamadaling saad ni Manang Dominga at mabilis itong naglakad papakyat sa silid nasaan si Esperanza Garcia. Sinubukang ni Martin habulin ang matanda ngunit napatigil siya nang mapagtanto niya na iniiwasan nito ang katanungan niya tungkol sa ina ni Celestina.


TULALANG naglalakad si Martin pauwi sa tahanan nina Timoteo at Linda, madilim na ang paligid at nagsimula na ang pagroronda ng mga guardia civil. Agad sinalubong ni Linda si Martin nang makarating ito sa loob ng kanilang bahay.

"Tinong, totoo ba ang sinabi ni Timoteo na nakapagsalita si Celestina?" bulong ni Linda sabay hila kay Martin papunta sa salas. Agad namang napatayo si Timoteo na sa mga oras na iyon ay abala sa pagbabasa ng libro at nakaupo sa sala. "Pasensiya na Tinong, nais ko lang din malaman ni Linda ang magandang balita tungkol sa kalagayan ni Celestina" saad ni Timoteo sabay kamot ng ulo dahil nagawa niyang sabihin kay Linda ang nais muna sana nilang isekreto ni Martin.

Napatingin na si Martin kay Linda sabay tango, "Oo, ngunit sa ngayon ay ilihim muna natin ito. Tutulungan natin siya sa abot ng ating makakaya" wika ni Martin, napangiti naman si Linda sabay hila sa dalawa papunta sa sulok kung saan natanaw nila si Celestina at Esteban na nasa hapag-kainan.

Tinuturuan ni Celestina si Esteban gumuhit at magkulay ng mga iginuhit niyang larawan ng puno, bulaklak at magagandang kapaligiran. "Pagmasdan niyo kung gaano kasaya si Celestina na makita si Esteban. Hindi sila magkadugo ngunit kapatid ang siyang turing ni Tinang sa bata" ngiti ni Linda, napatango naman si Timoteo habang si Martin naman ay napatulala kay Celestina lalo na sa mga ngiti nito habang kinukurot ang pisngi ni Esteban.

"Siyang tunay, nakakatuwa nga silang pagmasdan. Nawa'y magkaroon na rin tayo ng anak na siyang magpapangiti rin sa atin ng ganoon" wika n Timoteo habang nakatitig sa mga matamis at inosenteng ngiti ng bata. Napatigil siya nang maramdaman ang dahan-dahang pagsandal ni Linda sa kaniyang balikat habang nakahawak ito sa kaniyang braso.

"Ibig ko na rin magkaroon ng ana---Sandali!" gulat na wika ni Linda nang matauhan siya at bigla siyang bumitaw kay Timoteo sabay hampas sa braso nito saka napausog papalayo. "Ikaw ang humawak sa akin... Anong ikinagagalit mo riyan?" reklamo ni Timoteo ngunit napayuko rin siya agad nang biglang napapamewang si Linda.

"Kabisado ko na 'yang mga galaw mo. Hinding-hindi mo ako maiisahan!" giit ni Linda na animo'y manok na sasabak sa sabong at nagsimula na itong magbubunganga dahilan para mapahawak na lang si Martin sa kaniyang tenga.

"Bahala nga kayo riyan" saad ni Martin at naglakad ito papalayo sa kanila. Hindi naman nagpatinag si Timoteo at nilabanan niya rin ang pagbubunganga ni Linda ngunit mas lalo siyang hindi tinantanan nito sa pagsasalita.

Akmang bababa naman si Diego mula sa ikalawang palapag ngunit napatigil siya sa hagdanan nang marinig ang pagbabangayan ni Linda at Timoteo sa ibaba. Sinimulan nito ungkatin ang mga kalokohang ginagawa ng asawa noong kabataan pa nito hanggang sa ipagkasundo sila at ikasal. Napahawak na lang si Diego sa kaniyang tenga saka bumalik sa itaas dahil sa ingay ng mag-asawang Concepcion.

Makalipas ang isang oras, alas-siyete na ng gabi. Naihatid na ni Martin si Esteban sa eswkelahan ni madam Villareal. Pagdating ni Martin sa tahanan nina Timoteo at Linda ay naabutan niyang tahimik na ang buong bahay. Nagtungo si Diego sa bahay ng kaibigan nitong si Afolfo, habang si Linda naman ay nagkulong na sa kwarto dahil sa sama ng loob na sumagot-sagot din si Timoteo sa kaniya kanina. Samantala, si Timoteo naman ay nagkulong din sa kaniyang silid at piniling manigarilyo mag-isa.

Ilang sandali pa, napatigil si Martin nang makita si Celestina mag-isa sa mahabang mesa ng hapag-kainan. Tahimik itong nagsusulat sa isang lumang talaarawan. May isang gasera lang sa tabi nito na siyang nagbibigay ng liwanag sa paligid.

Ilang minutong nakatayo roon si Martin sa pintuan ng hapag-kainan habang pinagmamasdan si Celestina hanggang sa mapatigil si Celestina at tumingin sa kaniyang paligid nang maramdaman niyang may nakatitig sa kaniya mula sa kadiliman.

Tumigil ang kaniyang mata sa kinaroroonan ni Martin na noong mga oras na iyon ay natauhan na rin "P-paumanhin, hindi ko ibig na ikaw ay biglain" saad ni Martin sabay hubad ng kaniyang sumbrero at naglakad papalapit sa mesa.

Tumayo naman si Celestina at nagbigay galang sa binata. "Kumusta na ang iyong pakiramdam?" tanong ni Martin, napangiti naman ng kaunti si Celestina sabay senyas 'Mabuti na ang aking pakiramdam, ginoo. Salamat sa iyong pagbabantay sa akin kagabi, nabanggit sa akin ni Linda na ikaw ang nagbantay sa akin buong gabi' tugon ni Celestina. Napangiti naman si Martin ngunit agad din siyang nag-iwas ng tingin dahil hindi niya kayang makipagtitigan sa dalaga.

"M-mabuti naman dahil maayos na ang iyong pakiramdam. Sa susunod ay huwag kang mag-aalinlangan na sabihin sa akin ang iyong pangangailangan" wika ni Martin, napatango naman si Celestina sabay ngiti dahilan upang masilayan niya ang dalawang biloy ng dalaga sa magkabilang pisngi.

"S-siya nga pala, bakit hindi ka pa natutulog?" tanong muli ni Martin at naupo na siya sa bakanten upuan, sa tabi ni Celestina. Naupo na rin si Celestina saka sumenas sa binata 'Ako'y hindi makatulog. At sa tuwing nangyayari iyon ay mas ibig kong gumuhit o magsulat na lamang'

Napatingin si Martin sa lumang talaarawan ni Celestina, napansin niyang may kandado ito sa gilid. "Ano ba ang gumugulo sa iyong isipan na nais mong ibahagi sa iyong talaarawan?" tanong ni Martin na ikinagulat ni Celestina dahil nakalimutan niyang nasa tabi niya pala ang binata at baka binabasa na nito kanina pa ng palihim ang sinusulat niya roon. Kung kaya't agad niyang sinara ang talaarawan saka ngumiti kay Martin.

"O'siya, aking nauunawaan na nahihiya kang ibahagi sa akin kung anong nakasaad diyan. Ngunit balangaraw ay umaasa ako na iyong ipabasa sa akin ang mga salitang nakakubli sa talaarawang iyan na nais mong sambitin" wika ni Martin na halos hindi na maawat sa pagngiti. Napatango naman si Celestina sabay yakap sa kaniyang talaarawan. Hindi na rin niya magawang tumingin sa binata dahil sa lapit ng presensiya nito. Amoy na amoy niya ang pabangong gamit nito na mula pa sa Europa.

Magsasalita pa sana si Martin ngunit napansin niya ang nahulog sa mesa na tuyong rosas na naka-ipit sa lumang talaarawan. Kinuha niya iyon at pinagmasdan ng mabuti, nanlaki naman ang mga mata ni Celestina dahil hindi niya napansing nahulog iyon sa kaniyang talaarawan. Gustuhin man niyang agawin iyon sa kamay ni Martin ngunit baka madurog ang tuyong rosas. Bukod doon ay isang kapusukang maituturing ang paghawak niya sa kamay ng binata.

"Bakit mo naisipan na ikubli ang rosas na ito sa iyong talaarawan?" nagtatakang tanong ni Martin habang pinagmamasdang mabuti ang tuyong bulaklak. Napalingon siya kay Celestina nang sumenyas ito 'Dahil naniniwala ako na hindi namamatay ang bulaklak tulad ng isang tunay na pag-ibig. Nais kong ikubli sa aking puso ang magagandang alaala na dala ng rosas na iyan. Na kahit ilang taon o dekada man ang lumipas... Maluluma ng panahon ngunit kailanman ay hindi maglalaho' tugon ni Celestina sabay tingin ng diretso kay Martin. Gustuhin man niyang sabihin na ang rosas na iyon ay ang bulaklak na nakasaksi sa kanilang unang pagkikita noon ngunit nais na lang niyang ibaon iyon sa kaniyang alaala.

Ibinalik na ni Martin sa kaniya ang tuyong rosas "Sang-ayon ako sa iyong sinabi, ang tunay na pag-ibig ay hindi namamatay o naglalaho. Nakasalalay iyon sa taong umiibig. Siya ang may hawak kung dapat bang patagalin ang pagsintang nadarama o kung dapat na bang hayaan itong malanta tulad ng mga rosas na naiwan sa hardin" saad ni Martin, isa sa mga bagay na hinahangaan niya kay Celestina ay ang malalim at malawak nitong pag-iisip lalo na sa mga talinhaga.

Matapos iyon ay sandali silang napatahimik. Ang paggalaw lang ng liwanag mula sa gasera ang siyang dahilan ng paggalaw ng kanilang anino sa dingding. Ilang sandali pa ay napalingon muli si Martin kay Celestina "Sa oras na mapalaya na kita sa kamay ni madam Costellanos, hindi ko masasabi na hindi ka na niya gagambalain o ng sinuman na may galit sa inyong pamilya. Kung kaya't... Nais kong pag-isipan mo ang pag-aasawa upang hindi ka matali sa pagiging alipin o babaeng bayaran" saad ni Martin, napahinga naman ng malalim si Celestina sabay tingin sa kaniya.

'Kung iisipin ay madali lang gawin ang iyong sinasabi, ginoo. Ngunit ang katotohanan ay walang ibig na magpakasal sa isang tulad ko. Marahil ay isang hibang ang magagawang magpakasal sa akin' wika ni Celestina sabay ngiti ng kaunti, nais man niyang palabasing biro ang kaniyang sagot ngunit iyon ay isang biro na may halong sakit sa damdamin na ginawa niya sa kaniyang sarili.

Akmang tatayo na sana si Celestina upang iligpit ang kaniyang mga gamit ngunit nagulat siya nang biglang hawakan ni Martin ang kaniyang kamay at hinila siya nito pabalik sa upuan. "Kung gayon, ako ang hibang na ginoo na tinutukoy mo" wika ni Martin na ikinagulat ni Celestina habang nakatingin ito ng diretso sa kaniyang mga mata.


*************************************

#ThyLove

Note: Abangan din ang magiging istorya nina Esperanza at Corazon para sa "Thy Series" na aking balak isulat. 


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top