Ika-Labing Tatlong Kabanata

[Kabanata 13]

HINDI maintindihan ni Celestina ang matinding kaba na kaniyang nararamdaman nang dahil sa hindi inaasahang pagtatanong ni Don Facundo, lalo na ang bagay na kaniyang pinakaiingatan. "Bakit maging ang iyong ama ay pamilyar sa kuwintas na iyan. Sadyang napakahiwaga ng kuwintas na mayroon si Celestina at Loisa" nagtatakang bulong ni Timoteo kay Martin habang nakatayo sila sa kabilang kanto. Hindi na nagdalawang-isip pa si Martin at mabilis siyang naglakad papunta sa kinatatayuan nina Celestina, Julian at Don Facundo.

"Mawalang-gala na po ama ngunit ako po'y naniniwala na ang kuwintas na iyan ay ang tanging naiwang alaala ni Celestina sa kaniyang ama kung kaya't huwag po kayong maghinala na pagmamayari ito ng iba. Bukod doon ay marami pong mga mata at taingang nakasubaybay sa inyong mga kilos sa mga oras na ito" sabat ni Martin at nagbigay-galang siya sa kaniyang ama. Napatikhim naman si Don Facundo saka napalingon sa paligid. Napagtanto niya na halos nakatingin ang lahat sa kanila ngayon at mabilis na umiwas ng tingin ang mga mamamayan nang muling tumihkim si Don Facundo.

Ibinalik na niya ang kuwintas kay Celestina saka seryosong tiningnan ang dalaga bago muling sumakay sa kalesa. "Sumakay ka na rito, Julian. Ihahatid na kita sa paggamutan" wika ni Don Facundo, tumango na lang si Julian kina Celestina at Martin saka sumunod sa kaniyang ama.

Nang makaalis na ang kalesang sinasakyan ni Don Facundo ay agad napahinga ng malalim si Martin. Napalingon sa kaniya si Celestina at nakita niya kung paano nag-alala sa kaniya ang binata. Hindi niya malaman kung dapat ba siyang magpasalamat sa kabutihan nito o dapat niyang pakiusapan na huwag na siya nitong ipagtanggol nang ganoon dahil tiyak na ikapapahamak niya ito.

Nang makahinga na nang maluwag si Martin ay lumingon na siya kay Celestina saka ngumiti "Huwag ka mag-alala, ako ay sanay na sa mga ganitong diskusyon lalo na sa hukuman" saad ng binata habang nakangiti pa rin ito. Batid ni Celestina na sa likod ng mga ngiti nito ay naroon pa rin ang pangamba ni Martin sa magiging reaksyon sa kaniya ng sariling ama.

Naglakad na rin papalapit sa kanila si Timoteo "Kahit kailan sunod-sunuran talaga 'yan si Julian sa inyong ama. Kung minsan nga ay iniisip ko na baka siya ang bunso sa pamilya niyo" tawa ni Timoteo pero agad siyang napatigil dahil hindi naman natawa si Martin at Celestina. "Sabi ko nga, sarili ko na lang ang kakausapin ko" habol pa niya at naglakad na papalayo habang sumisipol-sipol pa.

"Pagpasensiyahan mo na rin 'yan si Timoteo, kung minsan ay nawawala sa lugar ang kaniyang pagbibiro" saad ni Martin sabay ngiti muli kay Celestina. Ngunit biglang napawi rin ang ngiti niya ng yumuko si Celestina. "Bakit? Ako ba'y may nasambit na hindi mo nais?" patuloy nito, agad namang napailing si Celestina saka tumingin ng diretso sa kaniya.

'Tiyak na hindi nagustuhan ng iyong ama ang ginagawa mo kanina. Nang dahil sa akin, napapalayo ang kaniyang loob sa iyo' pag-senyas ng dalaga, ngunit nagulat siya nang biglang ngumiti si Martin sabay hawak sa sumbrero nito.

"Huwag mo nang isipin iyon. Matagal nang malayo ang loob sa akin ni ama, o baka mas dapat kong sabihin na kailanman ay hindi kami naging malapit sa isa't isa kung kaya't huwag ka nang mangamba. Sundin ko man siya o hindi, wala pa ring magbabago sa pakikitungo niya sa akin" ngiti ng binata, sa pagkakataong iyon ay unti-unti na ring nakahinga ng maluwag si Celestina.

'Kung gayon, maaari bang ipangako mo sa akin na hindi mo na ulit gagawin iyon?' nang maunawaan ni Martin ang pag-senyas ni Celestina ay biglang napawi ang kaniyang ngiti.

"Anong ibig---" hindi na niya natapos ang kaniyang sasabihin dahil muling sumenyas si Celestina. 'Huwag mo na akong ipagtanggol sa ibang tao lalo na sa iyong ama. Hindi ko ibig na ako ang maging dahilan nang pagkakalayo ng loob niyo sa isa't isa. Mas mahalaga ang samahan ng pamilya kumpara sa kaibigan. Ako ay kaibigan mo lamang, siya ay iyong ama' napayuko na lang si Martin at hindi siya nakapagsalita agad. Ilang segundo siyang nakatingin sa lupa habang nakatayo pa rin sa harapan niya si Celestina.

"Kaibigan..." bulong ni Martin sa sarili. Naguguluhan na siya sa kaniyang nararamdaman, naguguluhan na siya sa kaniyang sarili at naguguluhan na siya sa mga pangyayari. Ngunit sa tuwing nalalagay si Celestina sa kapahamakan ay para siyang leon na hindi nagdadalawang-isip sumugod at lumaban.

'Maraming salamat, mauuna na ako' senyas muli ni Celestina saka nagbigay-galang kay Martin bago nagpatuloy sa paglalakad papasok sa hacienda Espinoza. Naiwan namang nakatayo sa gitna ng kalye si Martin habang patuloy na nagkakasiyahan at nagdiriwang ng pista ang mga tao sa paligid.

Samantala, lingid sa kanilang kaalaman ay naroon pa rin si Don Amadeo sa tapat ng bintana ng kaniyang opisina, sa ikalawang palapag. At pinagmamasdan si Celestina na naglalakad papalayo kay Martin. Sa pagkakataong iyon, habang sinusundan niya ng tingin ang dalaga ay nararamdaman niyang may nabubuong espesyal na relasyon ang dalawa.


NANG hapon ding iyon ay mabilis na nag-ayos ng mga gamit ang mga mag-aaral ni madam Villareal. Isa-isang nilagay ng mga kasambahay sa hacienda Espinoza ang mga kagamitan ng mga estudyante. "Maraming salamat sa inyong pagtanggap sa amin, Don Amadeo" paalam ni madam Villareal, nakatayo sila sa pintuan ng mansion habang labas-pasok ang mga kasambahay sa paghahakot ng mga gamit at pasalubong na binili ng mga estudyante.

"Wala iyon, anumang pabor ay aking pinagbibigyan... Hindi ba?" nakangising saad ng Don, ngumiti rin ang señora ngunit sa kaniyang isipan ay dinugtungan niya ang sinabi nito 'Anumang pabor ay iyong pinagbibigyan basta ito ay may kapalit'

Napatigil lang sila nang marinig ang boses ni Leonora na kanina pa pala nakatayo sa likuran ng kaniyang ama. Narinig niya ang pag-uusap ng dalawa kung kaya't ganoon na lamang ang pagkunot ng kaniyang noo sa salitang pabor lalo na dahil hindi niya talaga gusto si madam Villareal.

"Kami ay aalis na señorita Leonora, hanggang sa muli nating pagkikita" magalang na saad ni madam Villareal ngunit tinaasan lang siya ni Leonora ng kilay sabay kumpas ng hawak nitong abaniko. Napalingon naman si Don Amadeo kay Leonora dahil hindi nito tinugunan ang sinabi ni madam Villareal.

"Leonora, ang iyong inaasal ay hindi naaangkop sa tamang kilos at gawi ng isang binibini" puna ni Don Amadeo sa anak, napapikit na lang sa inis si Leonora saka humarap kay madam Villareal at nagbigay-galang kahit pa labag iyon sa kalooban niya. "Mag-iingat po kayo sa inyong paglalakbay" wika ng dalagita, napangiti naman si madam Villareal lalo na't napagalitan si Leonora sa harap niya.

"Kami ay hahayo na, muli maraming salamat sa inyong pamilya" nakangiting saad ni madam Villareal saka muling nagbigay-galang sa harap ni Don Amadeo at Leonora. Tumalikod na siya at naglakad pasakay sa unang kalesa kung saan inalalayan pa siya ng kutsero nito dahil napakahaba at napakagarbo ng suot niyang baro't-saya.

Ngumiti lang si madam Villareal nang muling tumingin kay Leonora na ngayon ay ang talim na ng tingin sa kaniya. Batid niyang ayaw sa kaniya ng dalagitang si Leonora dahil pakiramdam nito ay kursunada niya ang ama nito na si Don Amadeo.

Ilang sandali pa, napalingon si Don Amadeo at Leonora sa likod nang marinig ang boses ni Loisa. "Ama, ako po ay babalik na sa Maynila. Nawa'y alagaan niyo ang inyong sarili at ako po ay magpapadala agad ng liham sa oras na makarating na kami roon" saad ni Loisa, nanatili lang itong nakayuko at nakatingin sa sahig dahil wala pa siyang lakas ng loob na harapin ang kaniyang ama lalo na't sariwa pa ang nangyaring kahihiyan sa kaniyang pag-awit sa simbahan.

"Leonora, ikaw ay pumanhik muna sa iyong silid. May mahalaga lang akong sasabihin sa iyong nakatatandang kapatid" utos ni Don Amadeo kay Leonora, tumango at nagbigay-galang na si Leonora kay Loisa saka umakyat sa hagdan.

Napalingon naman si Don Amadeo sa paligid saka lumapit sa anak at bumulong "Nais kong bantayan mo ang bawat kilos ni Celestina, maging ang mga taong nasa paligid niya. Sa ngayon hindi ko pa lubusang nalalaman ang halaga ng kuwintas at ang kwento sa likod ng paglisan ni Gobernador-heneral Federico ngunit si Celestina ang may hawak ng orihinal na kuwintas at walang dapat na ibang makaalam nito. Magtutungo ako sa Maynila sa oras na makasagap na ako ng impormasyon" tulalang napatango naman si Loisa nang marinig ang lahat ng sinabi ng ama.


"NAIS pala ipaabot ni ama at ina ang pagbati sa iyo Marisol, labis silang humanga sa ganda ng iyong tinig" saad ng isang estudyante ni madam Villareal at nagtawanan ang mga ito sabay lingon kay kay Loisa na nakatayo sa gilid ng barko habang pinagmamasdan nito ang payapang dagat.

"Siyang tunay, ngayon nga lang namin nalaman na nagtataglay ka pala ng napakagandang tinig. Kung sabagay, ngayon ka lang din naman napagbigyan umawit sapagkat alam naman nating lahat kung sino ang may pinakamaimpluwensiyang ama rito" saad ng isa at halos sila ay napatingin kay Loisa na ngayon ay agad na lang napaiwas ng tingin sa kanila.

Halatang nilalakasan nila ang kanilang pag-uusap para marinig ni Loisa na ilang hakbang lang ang layo sa kanila. Pinapalibutan ngayon ng mga kababaihan si Marisol na tuwang-tuwa naman dahil halos nasa kaniya ang atensyo ng lahat. "Huwag kayong ganiyan... Baka makarating sa kaniyang ama ang bagay na ito. Hayaan na natin, sa susunod na pagtatanghal naman ay siya na ang aawit gaya ng dati dahil sa impluwensiya ng kaniyang ama" wika ni Marisol, ang tono ng pananalita nito ay may halo ring pangungutya.

Nagtawanan muli ang mga kababaihan ngunit napatigil sila nang dumating si Martin at Timoteo. Agad silang napatalikod at nagkumpulan sa gilid. Napalingon naman si Loisa nang mapansin niyang tumigil na ang grupo nila Marisol. Nagulat siya nang makita si Martin na ngayon ay naglalakad na papalapit sa kaniya.

Napahinga ng malalim si Martin sabay hawak sa balkonahe ng barko habang pinagmamasdan ang kalmadong dagat. Alas-singko na ng hapon, maaliwalas ang kalangitan at sariwa rin ang simoy ng hangin. Muling napalingon si Loisa sa likod at kahit papaano ay napangiti siya sa sarili dahil inggit na inggit ngayon ang grupo ni Marisol dahil kasintahan ni Loisa ang isang Buenavista.

Maraming mga dalaga ang nangangarap na mapansin ni Martin ngunit mula nang malaman ng mga ito na nakatakda nang ikasal si Martin kay Loisa ay wala na silang nagawa pa. Batid nilang wala ring laban ang kanilang mga pamilya sa impluwensiya ni Don Amadeo.

Magsasalita na sana si Loisa at akmang hahawak sa bisig ni Martin ngunit napatigil siya nang magsalita ito "Maghiwalay na tayo" saad ng binata na nagpatigil sa kaniyang mundo. Dahan-dahan niyang ibinaba ang kamay niya at hindi na niya itinuloy ang balak na paghawak sa bisig ni Martin para inggitin ang grupo nila Marisol.

"Sa katanuyan, noong gabing nasa prusisyon ko pa nais sabihin sa iyo ngunit hindi natuloy" patuloy ni Martin, balak na talaga niyang makipaghiwalay noong gabing iyon kay Loisa ngunit napagbintangan ni Julian si Celestina na ninakaw ang kuwintas na relo ni Martin.

Napatahamik lang si Loisa at napayuko. Ilang segundong walang nagsalita sa pagitan nilang dalawa. "Paumanhin ngunit..." hindi na natapos ni Martin ang sasabihin niya dahil nagsalita na si Loisa.

"Nasaan ka kanina? Batid mo namang may mahalaga akong pagtatanghal kanina ngunit hindi kita nakita roon" seryosong saad ni Loisa habang nakatingin ng diretso sa dagat. Napahinga naman ng malalim si Martin. Mabuti na lang dahil malayo na sila sa grupo nila Marisol kaya hindi sila nito naririnig.

"Sinamahan ko si Celestina" tugon ni Martin, napahawak na lang si Loisa ng mahigpit sa kaniyang saya saka ipinikit niya ang kaniyang mga mata kung saan dumaloy ang luhang kanina niya pa pinipigilan. "M-mas mahalaga pa ba ang kaibigan mong iyan kaysa sa akin?!" buwelta nito sabay lingon sa binata. Napalingon ang grupo nila Marisol sa kanila nang marinig ang pagtataas ng boses ni Loisa. Nang mapansin iyon ni Loisa ay agad niyang pinakalma ang kaniyang sarili at muling humarap sa dagat.

"Kahit ilang beses kong isipin, patuloy pa ring lumalabas ang nag-iisang kasagutan. Ang nag-iisang katotohanan" saad ni Martin at muli siyang huminga ng malalim. "Minahal mo ba ako?" tanong ni Martin sabay tingin kay Loisa. Umiiyak na ito ngunit ayaw niyang ipahalata lalo na dahil nasa likuran lang ang grupo nila Marisol.

"S-sa loob ng halos walong taon, ikaw lang ang minahal ko" tugon ni Loisa at bigla niyang hinawakan ang kamay ng binata. "Marami akong suliranin ngayon, huwag mo na sanang dagdagan pa" pakiusap ni Loisa, napayuko na lang si Martin at hinubad niya ang kaniyang sumbrero.

"Halos walong taon din pala... walong taon mo akong nililinlang. Kung totoong mahal mo ako, hindi mo magagawang magsinunggaling sa akin at magpanggap na ibang tao" seryosong saad ni Martin sabay bitaw sa kamay ni Loisa. Napatulala lang ang dalaga at tila nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan sa di-inaasahang mga salitang sinabi ni Martin.

Isinuot muli ni Martin ang kaniyang sumbrero "Siya nga pala, si Celestina ay hindi ko kaibigan... Siya ang aking unang pag-ibig" patuloy ng binata sabay talikod at naglakad na ito pababa. Napahawak naman si Loisa sa balkonahe ng barko nang maramdaman ang biglaang panghihina ng kaniyang tuhod nang dahil sa mga pangyayari.


ALAS-SAIS na ng gabi nang dumaong ang bapor sa daungan ng ilog pasig. Sinalubong ng mga kutsero ang mga pasahero ng bapor na isa-isang bumababa mula roon. Nagkalat din ang mga tindera na nagtitinda ng mga tela at sandalyas. Habang ang ilan namang mga binatilyo ay binabayaran ng ilang mga doña para buhatin ang kanilang mga bagahe pasakay sa kalesa.

Pababa na ng bapor si Martin at Timoteo bitbit ang kanilang bagahe nang biglang mapatigil si Martin. "O, bakit?" tanong ni Timoteo pero hindi siya sinagot ng kaibigan kung kaya't sinundan niya kung saan ito nakatingin. Laking gulat din niya nang makitang magkasabay na naglalakad si Celestina at Julian pasakay sa isang kalesa.

"Pala-kaibigan din pala si Julian. O sadyang espesyal talaga ang trato niya kay Celestina" pakantyaw na bulong ni Timoteo sa kaibigan. Agad namang napakunot ang noo ni Martin sabay tingin sa kaniya. "Kailangan niyang tratuhin ng mabuti si Celestina sapagkat muntikan nang mapahamak si Celestina nang dahil sa pagbibintang niya" saad ni Martin at nagpatuloy na sila sa paglalakad pababa ng bapor.

"Sabagay, ipagdasal na lang natin na sila ay magkamabutihan upang hindi ka na mahirapan sa paghahanap ng paraan kung paano mo maaalis si Celestina sa kamay ni madam Villareal" habol ni Timoteo, napatigil naman si Martin at napalingon sa kaniya.

"Magkaibigan lang silang dalawa" giit ni Martin, bigla namang napangisi si Timoteo sabay taas ng kaniyang kamay na parang sumusuko. "Malay natin mauwi sa pag-iibigan ang kanilang pagkakaibigan... Hindi ba?" kantyaw pa ni Timoteo, mas lalo pa siyang natawa nang talikuran siya ni Martin at mabilis itong naglakad papunta kina Celestina at Julian na nakatigil na sa tapat ng isang kalesa.

"Tuwing lunes hanggang biyernes ako magtuturo. Kung kaya't tuwing sabado at linggo lang ako makakapagsilbi sa klinika ni Doktor Mercado. Maaari kang magtungo roon upang masubaybayan ko ang kalagayan ng iyong tuhod" saad ni Julian bago ito sumakay sa kalesa. Napatango at napangiti naman si Celestina sabay sulat sa kaniyang maliit na kuwaderno.

'Maaari ko rin bang dalhin si Esteban? Kamakailan lang ay nagkasakit siya kung kaya't nag-aalala pa rin ako sa kalagayan ng kaniyang kalusugan' nang mabasa iyon ni Julian ay napangiti siya.

"Oo naman, ikararangal ko ring makilala si Es----" hindi na natapos ni Julian ang sasabihin niya dahil biglang dumating si Martin at bumati sa kanila.

"Kanina pa kita hinahanap sa bapor, hindi ko pala nasabi sa iyo noong isang gabi na magtatrabaho na muli ako rito sa Maynila" wika ni Julian, isinara na ni Celestina ang kaniyang kuwaderno. Nakahabol na rin si Timoteo at bumati sa kanila.

"Kung gayon, saan mo balak tumuloy?" tanong ni Martin kay Julian. "Sa tahanan ni Doktor Mercado ako tutuloy hanggang sa maka-ipon ako at makabili ng sarili kong bahay" tugon ni Julian. Agad namang tumabi si Timoteo kay Julian sabay tapik sa balikat nito. Hindi sila malapit sa isa't isa ngunit nais na rin niyang maging malapit kay Julian na kapareho niya ng propesyon.

"Magandang ideya iyan, kapag mayroon ka nang sariling tahanan. Maaari ka na ring mag-asawa... hindi ba Celestina?" ngisi ni Timoteo, napaiwas naman ng tingin si Celestina. At agad sinagi ni Martin ang tiyan ni Timoteo at pinadilatan ito ng mata.

"Ako'y nagbibiro lamang" bawi ni Timoteo sabay tawa ng malakas. Tumawa na lang din si Celestina at Julian para kahit papaano ay mawala ang nakakailang na hangin na dinala ni Timoteo. Habang si Martin lang ang hindi natawa at lihim na pinagmasdan si Celestina at Julian.


MALALIM na ang gabi, hindi makatulog si Don Facundo. Halos kabundok din ang nakatambak na mga libro at papeles sa kaniyang mesa. Kanina pa siya naghahanap ng impormasyon sa mga lumang pahayag sa diyaryo at mga dokumento tungkol sa mga balitang nailathala noong nagbitiw si gobernador-heneral Federico Dela Rosa na halos dalawampu't-dalawang taon na ang nakakaraan.

Malinaw pa rin sa alaala niya ang iginuhit na kuwintas sa papel na may selyo ng dating gobernador-heneral na natagpuan nila ni Amadeo noon ngunit sinunog na nila iyon. Gumugulo sa kaniyang isipan ngayon ang pagkakatulad nito sa kuwintas ni Celestina na nakita niya.

Ilang sandali pa, tumayo na si Don Facundo at lumabas sa kaniyang opisina. Agad niyang pinatawag ang kutsero at pinahanda ang kalesa, balak niyang magtungo sa malaking silid-aralan ni Don Filimon sa bayan.

Hatinggabi na nang marating ni Don Facundo ang tahanan ni Don Filimon. Si Don Filimon ay may maliit na eskwelahan para sa mga bata, siya rin ang naging guro ng kaniyang mga anak noon. Mayroon ding silid-aklatan si Don Filimon at nagbebenta rin siya ng mga libro. Si Don Filimon ang ama ni Linda.

"Magandang gabi, ano ang aking maitutulong Don Facundo?" bati ni Don Filimon nang buksan nito ang pinto sa kaniyang tahanan. Agad namang hinubad ni don Facundo ang kaniyang sumbrero at napatingin siya tahanan ng kaibigan.

"Tila hindi ka rin makatulog ngayong gabi, tunay ngang sa pagbabasa mo ginugugol ang iyong oras" saad ni Don Facundo habang naglalakad papasok sa tahanan ni Don Filimon. Napansin niya na bukas ang lahat ng gasera roon at may dalawang tasa rin ng kape ang nakapatong sa maliit na mesa ng silid-aklatan.

"Kakaalis lamang ni Don Amadeo, may hiniram siyang libro at nagkwentuhan kami sandali" wika ni Don Filimon habang nililinis ang kalat ng mesa. Inalagay na niya sa kusina ang dalawang tasa ng kape saka kumuha ng bago.

Napatigil naman si Don Facundo saka sinundan ng tingin si Don Filimon na abala sa kusina. Nasa unang palapag lang din ang kusina at silid-aklatan ng tahanan ni Don. "Anong libro ang hiniram ni Amadeo?" nagtatakang tanong ni Don Facundo. Mayamaya pa ay bumalik na si Don Filimon at inilapag sa mesa ang dalawang mainit na kape.

"Halika, mag-kape ka rin muna Don Facundo. Espesyal siguro ang araw na ito sapagkat halos magkasabay kayong bumisita ni Don Amadeo" ngiti ni Don Filimon, naglakad naman si Don Facundo papunta sa mesa at umupo sa silya na nasa tapat. Ininom niya ang kapeng inihain ni Don Filimon.

"Ah, ang hiniram na aklat ni Don Amadeo ay ang libro na naglalaman ng mga dokumento at pahayagan nang naging panunungkulan ni gobernador-heneral Federico Dela Rosa" patuloy ni Don Filimon. Napatigil naman si Don Facundo at dahan-dahan niyang inilapag ang hawak na tasa.

"Nasabi ba ni Amadeo kung bakit niya kailangan ang librong iyon?" usisa ni Don Facundo, naupo naman si Don Filimon sa katapat na silya at napaisip ito ng mabuti. "Wala naman, nais niya lang daw pag-aralan ang matagumpay na pamumuno noon ni gobernador-heneral Federico. Sa aking palagay ay nais niyang gayahin ang pamumuno ng dating gobernador-heneral" tugon ni Don Filimon.

"Ngunit may mga bagay siyang itinanong sa akin. Iyo bang naalala ang inilabas na utos noon ni gobernador-heneral Federico na hanapin ang mahalagang papel? Umalis na lang ang gobernador-heneral nang hindi natatagpuan iyon" patuloy ni Don Filimon, napasandal na lang si Don Facundo sa kaniyang inuupuan. Pilit niyang iniisip ng mabuti kung bakit muling inaalam din ni Don Amadeo ang bagay na iyon.


MADALING araw na, abala na si Celestina sa pagsindi ng apoy sa pugon upang mag-init ng tubig. Dahan-dahan lang ang kaniyang kilos dahil tulog pa si Esteban. Ilang sandali pa, napalingon siya sa labas nang makita si Loisa at Selia.

"Nagpaalam ka na ba sa ating maestra?" habol ni Selia, agad namang nagsuot si Loisa ng talukbong. Nakaabang na rin ang kalesa at ang kutserong binayaran niya. "Ikaw na lang ang magsabi na babalik ako sa Laguna" saad ni Loisa. Magsasalita pa sana si Selia ngunit sumakay na si Loisa sa kalesa at pinatakbo na niya ito.

Nang sumapit ang agahan, agad sinabi ni Selia kay madam Villareal ang pag-alis ni Loisa nang walang paalam. Kung kaya't naging mainit ang ulo ni madam Villareal buong araw. Mabuti na lang dahil may naganap na pagpupulong si madam Villareal kasama ang ilang mga nangangasiwa ng paaralan sa isang Unibersidad upang pag-usapan ang ilan nilang mga proyekto para sa pagpapalawig ng mga paaralan at kaalaman.

Dinaanan ni Linda si Celestina at isinama ito sa kanilang tahanan. Ibinalita ni Linda na nakita ng kaniyang tiyo ang ipinintang larawan ni Timoteo at Linda na gawa ni Celestina. Labis itong nagustuhan ng tiyo ni Linda kung kaya't nais nitong magpagawa pa rin ng ganoon para sa pamilya nito.

"Mahilig si Tiyo Lucio at ang asawa niya sa sumang malagkit" saad ni Linda habang abala sila ni Celestina sa pagluluto ng suman na malagkit. Maingat na binabalot ni Celestina ang mga suman habang nagpapakulo na ng tubig si Linda.

"Darating sila mamaya, galante magbigay ng salapi si tiyo Lucio at tiyak na kagigiliwan ka rin nilang mag-asawa. Kung nakita mo lang kung gaano kalaki ang ngiti ng asawa niya nang makita ang ipininta mong larawan namin ni Timoteo" patuloy pa ni Linda. Napangiti naman si Celestina at magiliw itong tumulong sa kaniya.

Ilang sandali pa, dumating na si Martin. Nagulat ito nang makita si Celestina sa kusina, muntikan niya pang mabitawan ang hawak na maliit na maleta na naglalaman ng mahahalagang papeles ng mga kasong hawak niya. "N-narito ka pala Tinang, magandang tanghali" bati ni Martin, nagulat din siya sa hitsura ni Celestina nang itirintas ni Linda ang buhok nito paikot. Kung kaya't nagmistulang dalaga mula sa Europa si Celestina.

Inilapag na ni Martin ang gamit niya sa katabing mesa saka naglakad papalapit sa kanila. "May espesyal na bisita bang darating mamaya?" panimula ni Martin habang nakatingin sa mga sumang niluluto ng dalawa. Pa-simple niya ring tiningnan si Celestina. Hindi niya maitatanggi na bagayna bagay kay Celestina ang pagkaka-ayos ng buhok nito ngayon. Animo'y isa siyang prinsesa.

"Oo, darating ang manliligaw ni Celestina" sabat ni Linda sabay lapag ng mainit na paso sa pugon. Gulat namang napatingin sa kaniya si Martin at Celestina. "M-manliligaw? S-sino?" gulat na tanong ni Martin, naglakad pa siya papalapit sa pinsan para usisain ito.

"Isang matapang na binata na hindi duwag magtapat ng kaniyang nararamdaman kay Celestina" saad ni Linda sabay tingin sa pinsan. Pilit niyang pinipigilan ang sarili niya na hindi matawa dahil sa hitsura ngayon ni Martin na halos mamutla sa kaba na may manliligaw si Celestina.


"M-MAGANDANG tanghali, Don Amadeo. Ano pong ginagawa niyo rito sa Maynila?" gulat na tanong ni madam Villareal nang dumating si Don Amadeo sa pagpupulong ng mga guro at tagapangasiwa ng paaralan. Agad pinatawag ni Don Amadeo si madam Villareal at kinausap ito sa labas ng silid ng pagpupulong.

Walang ibang tao sa mahabang pasilyo, naglakad si Don Amadeo sa tapat ng isang bintana kung saan natatanaw niya sa ibaba ang mga binatilyong nag-eensayo ng Eskrima. "Bakit po napasugod kayo rito sa Maynila? Kasama niyo po ba si Loisa? Umalis siya kaninang----" hindi na natapos ni madam Villareal ang sasabihin niya dahil biglang lumingon sa kaniya si Don Amadeo.

"Narito ako para singilin ang lahat ng pabor na ibinigay ko sa iyo. May kailangan kang gawin ngayon..." seryosong saad ni Don Amadeo at napalunok na lang si madam Villareal sa kaba.


AlAS-KUWATRO ng hapon, sinusuklay na ni Linda ng maayos ang buhok ni Celestina at ititirintas niya iyon muli nang paikot sa ulo ng dalaga. Nakangiti sila sa salamin na parang mga dalagitang nasasabik sa pagdalo sa sayawan.

"Maaari mong gamitin ang salaping makukuha mo sa pagpipinta para mabayaran mo na ang pagkakautang ng iyong ama kay madam Villareal" saad ni Linda, napatango naman si Celestina habang nakangiti na abot tainga. Kanina pa siya nasasabik na maipinta ang tiyo ni Linda at ang asawa nito. Naihanda na rin nila sa hapag ang mga miryendang suman at tsokolateng tablea. At naihanda na rin nila sa salas ang mga gagamitin ni Celestina sa pagpipinta.

Ilang sandali pa, napatigil sila nang marinig ang pagkatok mula sa salas. Magkahawak kamay na lumabas ng silid si Linda at Celestina. Dumungaw sila mula sa balkonahe ng hagdanan at tinanaw si Martin na naglalakad papunta sa pinto para papasukin ang taong kanina pa kumakatok.

Napawi ang ngiti ni Linda at Celestina nang mapagtanto nila na sunod-sunod ang pagkatok sa pinto at parang nagmamadali ito. Nang mabuksan ni Martin ang pinto ay tumambad sa harapan niya si Timoteo na hapong-hapo.

"Timoteo? Tumakbo ka papunta rito?" nagtatakang tanong ni Martin habang nakahawak si Timoteo sa pinto at hinahabol nito ang kaniyang paghinga. Pawis na pawis din ito na mukhang malayo ang tinakbo pauwi sa bahay nila.

"M-may malaking problema!" panimula ni Timoteo, agad namang bumaba ng hagdan sina Linda at Celestina at sinalubong siya. "Bakit ganiyan ang iyong hitsura?" gulat na tanong ni Linda sa asawa. Agad tumingin si Timoteo kay Celestina.

"Galit na galit si madam Villareal at pinagtatapon niya ang gamit ni Celestina sa labas" wika ni Timoteo, gulat namang napatingin sa kaniya si Celestina. "Anong nangyari?" maagap na tanong ni Martin sabay hawak sa balikat ng kaibigan.

Napapikit na lang si Timoteo sabay hinga ng malalim bago magsalita. Nang mapadaan siya sa Escuela De las Niñas ay naabutan niyang napakaraming taong nagkukumpulan sa labas. Galit na galit si madam Villareal at hinahanap nito si Celestina.

Agad sumakay ng kalesa sina Celestina, Linda, Martin at Timoteo papunta sa eskwelahan ni madam Villareal. Wala pang sampung minuto ay narating na nila iyon. Napalingon ang lahat nang makita si Celestina sakay ng kalesa kasama ang mag-asawang Concepcion at ang isang Buenavista.

Gulat na napatingin si Celestina sa paligid, nagkalat na sa kalye ang mga damit at gamit niya. Halos madurog din ang kaniyang puso nang maabutang umiiyak si Esteban sa gitna. Agad lumudag sa kalesa si Celestina at tumakbo papunta kay Esteban sabay yakap ng mahigpit sa bata. Hindi niya maintindihan ang mga pangyayari. Hindi niya maunawaan kung bakit nakakalat ang lahat ng gamit niya sa labas at umiiyak ngayon si Esteban.

Dali-daling sumunod sa kaniya sina Martin, Timoteo at Linda. Sakto namang lumabas ng bahay si madam Villareal, nakataas ang kilay nito habang hawak ang mamahaling abaniko. "Anong ibig sabihin nito?!" seryosong tanong ni Martin kay madam Villareal, akmang susugurin na niya ang matapobreng doña ngunit agad siyang hinawakan ni Timoteo at Linda sa magkabilang braso.

"Magmula sa araw na ito, hindi ka na rito titira Celestina" panimula ni madam Villareal, tahimik namang nanonood ang ilang mga tao sa labas ng kalye. Habang pilit na pinapatahan ni Celestina si Esteban.

"Kung nabayaran na ni Celestina ang lahat ng pagkakautang niya sa iyong pamilya ay marapat lang na umalis na siya sa iyong puder. Ngunit hindi tama ang kawalang respetong ginawa mong ito!" sigaw ni Martin sabay turo sa mga nagkalat na damit at gamit ni Celestina sa kalye.

"Respeto? Mawawalan din naman siya ng respeto sa kaniyang sarili dahil magmula sa araw na ito ay ibinenta ko na siya kay madam Costallenos" saad ni madam Villareal sabay kumpas ng kaniyang abaniko. Halos napatigil ang lahat sa gulat nang marinig ang sinabi ni madam Villareal.

Kasabay niyon, ay dumating na ang isang kalesa sakay ang maliit at matabang babae na kilala sa tawag na madam Costallenos. May kasamang halos dalawampung guardia personal si madam Costallenos na matapang at striktong babae at kilalang may ari ng bahay-aliwan.


***************************

#ThyLove 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top