Ika-Labing Siyam na Kabanata


[Kabanata 19]

KASUNOD niyon ay dahan-dahang inilalapit ni Martin ang kaniyang mukha kay Celestina ngunit nagulat sila nang biglang pumasok si Diego sa hapag-kainan at diretso itong naglakad patungo sa kusina. Agad nabitawan ni Martin ang kamay ni Celestina at muntikan pa siyang mahulog sa upuan dahil sa matinding gulat. Isang malaking kapusukan na hindi dapat makita ng sinuman ang paghawak niya sa kamay ng dalaga at ang pagnanais niyang halikan ito.

Maging si Celestina ay nagulat sa pangyayari at hindi niya sinasadyang maitulak paatras ang silyang kaniyang kinauupuan. "Tila nakakita kayo ng multo, ah" reklamo ni Diego na sa mga oras na iyon ay nagsasalin ng tubig mula sa mababasaging pitsel.

Napahilamos na lang sa mukha si Martin dahil sa matinding pagkadismaya sa pagdating ni Diego nang biglaan. Habang si Celestina naman ay napayuko sa takot na mapansin ni Martin ang nangangamatis niyang mukha.

Naglakad na si Diego papalapit sa mesa saka inilapag ang pitsel at baso roon nang malakas dahilan para maalog ng kaunti ang mesa. Gulat na napatingin si Martin at Celestina kay Diego sa pag-aakalang nakita nito ang kapusukang paghawak at pagtitig nila kanina sa isa't isa.

Napabagsak si Diego sa silya saka napahawak sa kaniyang noo. "Tinong, may alak ba kayo riyan?" untag ni Diego sabay inom muli ng tubig. "B-bakit ako ang tinatanong mo? Hindi ko naman pamamahay ito" tugon ni Martin habang inuusisa ang mukha ni Diego na parang binagsakan ng langit at lupa.

Napatingin naman si Diego kay Celestina "Batid mo ba Tinang kung saan ikinukubli ni ate Linda ang mga alak ni Kuya?" tanong ni Diego bagsak na bagsak din ang balikat nito habang lantang-gulay na nakasandal sa upuan. Napa-iling naman si Celestina bilang tugon sa tanong niya saka tumayo at sumenyas na matutulog na siya.

Hindi na siya naghintay pa ng sagot mula kay Martin at Diego, mabilis siyang naglakad palabas sa hapag-kainan at paakyat sa hagdan patungo sa kwarto ni Linda kung saan ay tabi sila matulog. Walang nagawa si Martin kundi ang sundan ng tingin si Celestina na nagmamadaling umakyat ng hagdan. Gustuhin man niyang habulin ang dalaga at magpaliwanag sa kapusukang kaniyang ginawa ngunit tila nalunok na niya ang kaniyang sariling dila.

"Tinong, ano ang aking dapat gawin?" untag ni Diego na lugmok na lugmok na sa kaniyang kinauupuang silya habang tulala ito sa maliwanag na gasera na nasa mesa. "Anong ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong ni Martin, bihira niya lang makitang ganoon kalungkot ang kaibigan kung kaya't batid niyang may pinagdadaanan itong problema.

"Ibig akong maikasal ni ama sa anak ni Heneral Garcia" tulalang saad ni Diego. Nanlaki naman ang mga mata ni Martin sa gulat.

"Ikakasal ka na?" gulat na tanong ni Martin, hindi naman siya kinibo ni Diego. "At ang iyong mapapangasawa ay anak ni Heneral Samuel Garcia? Hindi ba't kakarating lang nila mula Espanya ilang buwan na ang nakararaan?" sunod-sunod na tanong ni Martin na mas lalong nagpagulo at nagpalugmok kay Diego.

"Wala pa akong planong magpakasal. Ni hindi ko pa nga naaabot ang pinakamataas na posisyon sa aking propesyon. Bukod doon, hindi ko gustong pakasalan ang anak ni Heneral Samuel" wika ni Diego at napatingala ito sa kisame. Napatitig siya sa mga agiw at malaking gagamba na naninirahan doon.

"Sabagay, nakakatakot nga naman maging biyenan si Heneral Samuel na siyang pinuno ng hukbo. Tiyak na mahigpit at seryosong tunay ang isang opisyal na tulad niya. Huwag na huwag kang magkakamaling saktan ang kaniyang anak kung nais mo pang mabuhay" tawa ni Martin na nagpakunot sa noo ni Diego.

"Anong ikinatutuwa mo riyan?" reklamo nito, napatikom naman ng bibig si Martin habang pilit na pinipigilan ang kaniyang tawa. Sa kanilang mga magkakaibigan, si Diego ang pinakabata sa kanila ngunit ito ang pinakametikuloso.

"Wala" sagot ni Martin sabay kuha ng baso at uminom ng tubig upang humupa ang pagpigil niya sa kaniyang pagtawa. Inilapag na niya ang baso sa mesa nang matapos niyang inumin ang laman niyon "Siya nga pala, sino ba ang babaeng anak ni Heneral Samuel?" patuloy ni Martin, napabuntong hininga naman si Diego saka natulala sa mabasaging pitsel bago magsalita "Si Esperanza Garcia"


KINABUKASAN, magtatanghali na ngunit napansin ni Celestina na hindi pa lumalabas si madam Costellanos sa silid nito. Naghanda sila ni Stella ng almusal kaninang umaga ngunit hindi ginalaw ng señora. Isang oras bago magtanghali ay nagsaing at nagluto na si Celestina at Stella ng ulam para sa taghalian.

"Celestina, maaari bang ikaw na lang ang maghatid ng pagkain ni madam Costellanos? Sinigawan niya ako kaninang umaga at natatakot pa rin ako na harapin siya. Tila yata may bumabagabag ngayon sa kaniyang isipan" pakiusap ni Stella sabay abot kay Celestina ng bandeja.

Gulat na napatingin si Celestina sa isang mangkok ng kanin, ginataang kalabasa at baso ng tubig na nakalagay sa bandeja. Wala na siyang nagawa dahil tumalikod na si Stella at nagsimulang magpiga ng gata para sa iluluto niyang ginataang kamote at gabi.

Maingat na binitbit ni Celestina ang bandeja paakyat sa silid ni madam Costellanos ngunit napatigil siya nang makita si Don Amadeo na pumasok sa silid ng señora. Agad napalingon si Celestina sa paligid at nanag mapagtanto niyang walang ibang tao roon ay dahan-dahan siyang naglakad patungo sa nakasaradong pinto saka pinakinggan ang pag-uusap ng dalawa.

"Nagpadala ako ng liham kahapon ngunit hindi ka tumugon. Hindi ba't sinabi ko na sa iyo na pansamantala mo munang isara itong bahay-aliwan" panimula ni Don Amadeo gamit ang seryoso nitong tono. Nanatili namang nakaupo si madam Costellanos sa dulo ng kaniyang kama habang nakatalikod sa Don.

"Hindi ko ipapasara ang bahay-aliwan" giit ni madam Costellanos, napapikit na lang sa inis si Don Amadeo habang nakatayo ito malapit sa pintuan. "Tila iyong nakakaligtaan na ako ang nagbibigay ng pondo at sumusuporta sa negosyo mong ito. Ako rin ang dahilan kung bakit hindi ito kayang panghimasukan ng batas at simbahan. At higit sa lahat ako ang bumuhay nito nang ipasara ito ni Don Facundo noon, hindi ba?" sigaw ni Don Amadeo, naihampas pa nito sa mesa ang hawak na sumbrero.

Hindi naman umimik si madam Costellanos, hindi niya rin nilingon ang bisita, bagkus ay tulala lang siyang nakatingin sa hubad na larawan ng babae sa isang mitolohiya na nabili niya pa noon sa Gresya. "Pansamantala mo lang naman isasara ito, marahil ay mga dalawang linggo o isang buwan. Dismayado si Don Hugo nang malaman niyang hindi si Celestina ang nakatabi niya ng tatlong gabi. Bukod doon ay lumikha rin ng gulo ang nangyaring panghihimasok ng aking anak na si Leonora sa Hotel De Oriente. Mahigpit nilang ipinagbabawal ang pagpasok ng mga mujeres publicas doon. At higit sa lahat, hindi pa natin batid kung ang magiging bagong gobernador-heneral ay ating kakampi o kaaway" paliwanag ni Don Amadeo. Hindi naman na nakapagtimpi pa si madam Costellanos, tumayo na siya saka hinarap ang Don.

"Ilang ulit mo na bang ginawa ito Don Amadeo? Sa tuwing nalalagay ang pangalan mo sa panganib at na-uugnay sa kalakarang ito ay palagi mo na lang ipinapasara at hindi pinapanindigan kaming mga tao mo. At sa tuwing may nais kang suyuin na opisyal ay sa amin ka rin naman tumatakbo, kami rin naman ang ginagamit mo" sigaw ni madam Costellanos na ikinagulat ni Don Amadeo dahil ito ang unang beses na sinagot siya ng ganoon ng babaeng sa kaniyang mata ay pinakamababang uri ng nilalang.

"Bukod doon, ang anak mong si Leonora ang walang pakundangan sumugod sa iyong silid at naglagay sa iyo sa kahihiyan. Bakit hindi mo disiplinahin ng maayos ang anak mong iyan bago mo ibato sa amin ang sisi. Ikaw ang nagdala sa amin sa prestiryosong lugar na iyon ngunit nang mahuli ka sa sarili mong kapalpakan ay kami pa rin ang sinisi----" hindi na natapos ni madam Costellanos ang kaniyang sasabihin dahil isang malakas na sampal ang inabot niya kay Don Amadeo.

Agad siyang napabagsak sa kama at napahawak sa kaniyang pisngi. "Wala kang karapatang pagsalitaan ako ng ganiyan Rosinda! Iyong tandaan na ako ang umagapay sa iyo nang minsan kang pabagsakin ni Facundo. At huwag mo ring kalilimutan kung ano ang estado ng buhay mo. Isa kang babaeng bayaran, matutuo kang lumugar ayon sa uri ng estadong mayroon ka" banta ni Don Amadeo habang nanlilisik ang mga mata nito. Isinuot na niya ang kaniyang sumbrero saka tumalikod at dali-daling lumabas ng pinto.

Mabilis namang nakapagtago si Celestina sa isang sulok bago mabuksan ni Don Amadeo ang pinto. Sinundan niya ng tingin ang Don na seryosong nagmamadaling bumaba ng hagdan. Nang masiguro niyang nakaalis na si Don Amadeo ay dahan-dahan siyang sumilip sa silid ni madam Costellano, naabutan niya itong nakadapa sa kama habang umiiyak ng tahimik.


ALA-UNA na ng tanghali, tulala lang si Celestina sa kusina habang binabantayan ang ginataang kamote at gabi na kumukulo habang nakasalang ito sa pugon. Ibinilin sa kaniya ni Stella ang niluluto nito dahil inutusan ni madam Costellanos si Stella na magtungo sa tindahan ng mga alahas ni Don Gonzalo upang magsangla ng alahas.

Mahina lang ang apoy ng pugon habang pinapaypayan ni Celestina ang mga kahoy na nakagatong doon. Hindi mawala sa kaniyang isipan ang narinig na pagtatalo ni madam Costellanos at Don Amadeo kanina. Hindi niya lubos akalain na si Don Amadeo ang nasa likod ng pagpapatakbo ng bahay-aliwan. Sa pagkakataong iyon ay unti-unting nagiging malinaw sa kaniyang isipan na marahil ay may kinalaman si Loisa sa pagpapatapon sa kaniya ni madam Villareal sa bahay-aliwan.

Ilang sandali pa, natauhan siya nang marinig ang pag-ubo ni madam Costellanos habang naglalakad ito patungo sa palikuran. Sinundan niya ng tingin ang señora ngunit hindi siya nilingon nito. Halos ilang minuto rin nagtagal si madam Costellanos sa palikuran bago ito lumabas. Muling sinundan ni Celestina ng tingin ang matanda habang paakyat ito sa hagdan at hindi na matigil ang pag-ubo nito.

Agad nagdikdik si Celestina ng luya saka inilagay iyon sa isang malinis na palayok. Sinalinan niya ito ng tubig saka isinalang sa pugon. Mabuti na lamang dahil dalawang pugon ang naroon sa kusina kung kaya't magagawa niyang pagsabayan ang pagluluto ng ginataan at ang paggawa ng inuming luya.

Nang kumulo na ang luya, isinalin niya ang mainit nitong katas sa isang mangkok saka inilagay sa bandeja. Hindi na nagdalawang isip pa si Celestina at dire-diretso siyang umakyat at nagtungo sa silid ni madam Costellanos. Napahinga muna siya ng malalim bago kumatok ng tatlong ulit sa pinto.

"Hindi ko ibig ng sinumang bisita ngayon" narinig niyang wika ng señora ngunit hindi nagpatinag si Celestina. Binuksan niya ang pinto at pumasok sa loob kahit pa labag iyon sa kagustuhan ng señora na tumanggap ng sinumang bisita. Napakunot ang noo ni madam Costellanos nang makita si Celestina na dire-diretosng naglakad papalapit sa kaniya.

Kasalukuyan siyang nakahiga sa kama habang pilit na pinapakawalan ang sunod-sunod niyang pag-ubo. "Hindi ba't sinabi ko nang---" hindi na natapos ni madam Costellanos ang kaniyang sasabihin dahil iniabot ni Celestina ang dala nitong gamot sa kaniyang harapan. Nagtataka naman niyang kinuha iyon sa akmay ng dalaga at inamoy pa ang laman ng mangkok.

"Ano iyan?" mabilis na nagsulat si Celestina sa maliit niyang kuwaderno saka pinabasa sa señora. 'Ito po ay katas ng luya, mabisa po itong gamot sa inyong ubo at pangangati ng lalamunan. Mas mabisa rin po itong inumin habang mainit pa'

"Wala naman akong inutos na---" hindi ulit natapos ni madam Costellanos ang kaniyang sasabihin dahil nagsulat muli si Celestina. 'Hindi naman po palaging kailangang utusan ang isang tao upang gawin ang nararapat niyang gawin'

Bumaba ang nakataas na kilay ni madam Costellanos nang mabasa niya ang sinulat ni Celestina. Napatitig siya sa gamot saka muling inamoy iyon. Napatingin ulit siya kay Celestina at sinuring mabuti ang hitsura nito. Tiningnan niya muli ang hawak na gamot saka inilapit iyon sa kaniyang bibig ngunit napatigil siya nang maramdamang hindi niya pa kaya ang init nito.

"Mamaya ko na ito iinumin. Masyado pang mainit" saad ni madam Costellanos saka inilapag ang mangkok sa maliit na mesa na nasa gilid ng kaniyang kama. Napayuko naman si Celestina at nagbigay galang, akmang aalis na sana siya roon ngunit napatigil siya nang magsalita si madam Costellanos.

"Kunin mo ang silyang iyon at dalhin mo rito" wika ni madam Costellanos sabay turo sa isang silya na nasa tabi ng bintana at itinuro niyang dalhin iyon ni Celestina sa tabi ng kama niya. Inilapag na ni Celestina ang bandeja sa mesa saka binuhat ang bakanteng silya.

"Umupo ka riyan" utos ni madam Costellanos, wala namang nagawa si Celestina kundi ang umupo sa silyang iyon. Nagtataka siyang napatingin sa señora nang mapansin niyang tinititigan siya nito ng matagal. Maingay na mga boses mula sa mga tindero at tindera na nasa labas ng pamilihan, mga yapak ng kabayo at ang hila-hila nitong kalesa at ilang mga sugarol na nagsasabong sa kalsada ang naririnig nila mula sa labas.

Hindi naman maunawaan ni Celestina kung bakit nakatitig sa kaniya si madam Costellanos. Ilang sandali pa, nagsimula na itong magsalita 

"May mga taong nagsasabi na mas mabuti pang mamatay nang may dangal kaysa ang mamatay ng walang puri. Ngunit sa totoo lang, madali lang sabihin iyon. Madali lang din isipin subalit sa mga taong nakaranas ng matinding kagipitan at gutom, hindi mo masasabing hindi ka kakakapit sa patalim" patuloy nito, napatulala lang si Celestina kay madam Costellanos habang taimtim na nakikinig sa bawat salitang binitiwan ng señora.

"Lahat ng tao nagmamahal, nasasaktan at nagkakamali. Masisisi mo ba ang isang ina na piniling patayin ang kaniyang anak upang hindi na ito mas lalong mahirapan sa gutom? Masisisi mo ba ang isang ama na magawang pumaslang ng isang taong yumurak sa dangal ng kaniyang babaeng anak na hindi man lang mabigyan ng hustisya ng hukuman dahil ang batas ay para lamang sa mga may kapangyarihan" dagdag ni madam Costellanos habang nakatulala sa bintana. Sa pagkakataong iyon ay nakita ni Celestina ang dahan-dahang pagpatak ng mga luha mula sa mata ni madam Costellanos.

"Anong magagawa ng isang labing-dalawang taong gulang na dalagita para iligtas ang kaniyang ina at sanggol na kapatid? Anong magagawa ng dalagitang iyon upang ipaglaban ang kaniyang ama sa hukuman? Sa huli, wala siyang nagawa nang mamatay ang kaniyang ina at kapatid. Umiyak siya sa harap ng maraming tao nang bitayin ang kaniyang ama nang patayin nito ang sundalong gumahasa sa dalagita" patuloy pa ni madam Costellanos habang dumadaloy ang luha mula sa kaniyang mga mata.

Napayuko na lang si Celestina at ramdam niya ang bawat salitang lumalabas sa bibig ng señora. Mga salita mula sa alaala ng naging buhay nito mula pagkabata hanggang sa maging ulila, makaranas ng gutom, kumapit sa patalim at magbenta ng aliw.

Napangiti na lang si madam Costellanos habang inaalala ang kaniyang madilim na nakaraan. "Iyo bang naaalala ang sinabi ko sa iyo noon na gamitin mo ang iyong angking kagandahan upang mabihag ang isang mataas na opisyal?" dagdag nito sabay tingin kay Celestina.

"Minsan ko na ring sinubukan ang bagay na iyan ngunit nabigo ako. Hindi ko na nabihag ang puso ng binatang iniibig ko noon. Lumalapit lang siya sa akin at humihingi ng tulong sa tuwing kailangan niyang makita at makausap ang babaeng kinahihibangan niya. Mas matanda siya ng pitong taon sa babaeng iyon at kaming dalawa ang magkasing-edad. Ako ang nag-aruga at nagpatuloy sa babaeng iyon na itinuring ko na ring anak at nakababatang kapatid. Ngunit hindi ko akalain na siya rin pala ang hahadlang sa aking pangarap na mapa-ibig ang binatang matagal ko nang minimithi" patuloy nito, hindi makapaniwala si Celestina sa mga inilalahad ni madam Costellanos. Hindi niya akalain na sa kabila ng matapang at mapusok nitong bibig ay nakatanim sa puso nito ang lahat ng malungkot na pangyayaring dinanas nito sa buhay.

"Mali bang inibig ko siya? Mali bang hadlangan ko ang pag-iibigan nilang dalawa? Mali bang umibig ang isang tulad ko? Ah, ang sabi ng mundo, mabubuhay ako nang matagal ngunit walang taong magmamahal sa akin. Marahil ay ito na rin ang kabayaran ng lahat ng kasalanang ginawa ko, ang pagbebenta ng aliw at ang panggigipit kay Facundo at Julia" saad nito na ikinagulat ni Celestina. Napangiti si madam Costellanos ngunit ang ngiting iyon ay may bahid ng matinding kalungkutan.

"Marahil ay nabigla ka na ang binatang tinutukoy ko noon ay si Don Facundo na ngayon na siyang ama ng lalaking na-uugnay sa iyo. Si Martin Buenavista, walang duda, anak nga siya ni Facundo. Ang kaniyang tindig, prinsipyo at hitsura ay katulad ng kaniyang ama noong kabataan pa nito. At ngayon, tila muling nauulit ang nakaraan. Ang kaniyang anak naman ngayon ang kumakalaban sa akin dahil sa iyo" wika ni madam Costellanos. Napatingin ito sa mangkok na naglalaman ng katas ng luya. Mainit pa ito ngunit kaya na niyang inumin.

Kinuha na ni madam Costellanos ang mangkok saka tinitigan ito, nakita niya ang repleksyon niya mula sa dilaw na tubig ng luya. "Wala na si Julia, nagkaroon ng pangalawang asawa si Facundo habang ako naman ay tumatanda at nabubulok sa lugar na ito. Hanggang ngayon ay sinisisi niya ako sa pagkamatay ni Julia kahit pa ang asawa naman niyang si Adelia ang nagpapatay kay Julia. Sinisisi niya ako sa panggigipit na ginawa ko sa kanilang dalawa. Ni hindi niya naisip na iniisip ko rin ang kalagayan ni Julia na kahit papaano ay tinuring kong anak at nakakababatang kapatid. Hindi niya inisip na sa oras na itakas niya rito si Julia at kapag nahuli sila ng pamilya Ocampo... Tiyak na si Julia ang malalagay sa matinding panganib. Isa siyang Buenavista, nagmula sa angkan ng mga kilalang abogado. Makapangyarihan at maimpluwensiya ang kaniyang pamilya. Samantala, si Julia naman ay isang ulilang babaeng bayaran, ang estado ng buhay ng mga katulad natin ay maihahalintulad sa isang alabok. Alabok sa lupa na patuloy tinatapakan at niyuyurakan" patuloy ni madam Costellanos.

Halos walang kurap namang nakatitig sa kaniya si Celestina, ang inilalahad nito ay hindi marehistro sa kaniyang isipan dahil sa matinding pagkabigla na mayroon palang ganoong kaganapan. Ininom na ni madam Costellanos ang mainit na katas ng luya saka pinunasan ang kaniyang bibig.

"At ngayon, sa kanilang dalawa... Sino ang tuluyang nagsakripisyo? Sabihin na nating malaki rin ang sinakripisyo ni Facundo para kay Julia ngunit hindi niya inisip na siya ang naglagay kay Julia sa kapahamakan. Siya ang dahilan kung bakit naging miserable ang buhay ni Julia na humantong sa kamatayan" saad nito, inabot na niya kay Celestina ang mangkok. Hindi mapigilan ni Celestina ang panginginig ng kaniyang kamay nang kuhanin kay madam Costellanos ang mangkok.

Nagulat si Celestina nang hawakan ni madam Costellanos ang kamay niya nang abutin nito ang mangkok. "Aking nararamdaman na ito pa lamang ang simula. Siya ang maglalagay sa iyo sa kapahamakan at maaari ring ikaw ang magsasadlak sa kaniyang kamatayan" wika ni madam Costellanos na nagpatigil sa pag-ikot ng mundo ni Celestina.


KINAHAPUNAN, nang matapos ni Martin ang lahat ng papeles na nilalakad niya sa opisina ay nagtungo na siya sa Hotel De Oriente upang sunduin si Manang Dominga. Sa ikatlong palapag naroroon ang silid ni Esperanza na siyang pansamantalang binabantayan ni Manang Dominga.

Kumatok ng tatlong ulit si Martin sa pinto at nang bumukas iyon ay agad siyang sinalubong ni Manang Dominga. "Kanina pa kita hinihintay hijo, ang akala ko ay umaga mo ako susunduin dito" panimula ni Manang Dominga habang nakangiti. Agad namang hinubad ni Martin ang kaniyang sumbrero at itinapat iyon sa kaniyang dibdib.

"Pasensiya na po Manang, sadyang napakaraming inatas sa amin ng punong hukom kanina" paumanhin ni Martin. Halos natuyo na rin ang kaniyang mata sa dami ng binasa niyang papeles at dokumento para sa nalalapit na huling paglilitis sa kaso ni Don Lorenzo Damian.

Binuksan ni Manang Dominga ng malaki ang pinto saka pinapasok si Martin sa loob. "Maupo ka muna hijo, kukunin ko lang ang balabal na tinahi ko kagabi para kay Tinang" nasasabik na saad ni Manang Dominga na agad nagtungo sa isang silid. May dalawang silid ang malaking kwartong iyon na kompleto sa kagamitan magmula sa sala, mga aklat at isang malaking balkonahe.

Naglakad si Martin papunta sa balkonahe kung saan umiihip ang sariwang hangin. Ngunit wala pang sampung segundo ay narinig niya ang boses ng isang babae mula sa likuran. "Manang Dominga, si ama po ba ang dumating? Narito na rin po sina Don Perico at Diego?" nakangiting tanong ng babae habang nakaupo ito sa isang silya sa gilid at ang mata nito ay tuwid lang ang tingin.

Napalingon si Martin sa paligid at nagtatakang napatingin sa babae. Hindi niya napansin na may tao pala siyang nadaanan kanina. "Magandang hapon binibini, ngunit nagkakamali ka, hindi ako si Diego o Don Perico" nawala naman ang ngiti ng babae at napabagsak ang balikat nito. "Pasensiya na, ang akala ko ay narito na si Diego at ang kaniyang ama" malungkot na saad nito. Sandali siyang inobserbahan ni Martin hanggang sa mapagtanto niya na hindi nakakakita ang dalaga dahil diretso lang ang tingin nito sa kawalan.

Napaisip ng malalim si Martin at naalala niya ang sinabi ni Diego kagabi na ipinagkasundo na siya ng ama nitong ipakasal sa anak ni Heneral Samuel. "Ikaw ba si Esperanza?" tanong ni Martin, napangiti at napatango naman si Esperanza.

"Paano mo nalaman? Ah, sabagay ako lang naman ang may kapansanan sa mata na anak ng isang opisyal" wika ni Esperanza at muli itong napasimangot. Agad namang napailing si Martin kahit pa hindi naman siya nakikita ni Esperanza.

"Nagkakamali ka... Ang totoo niyan, naikwento ka sa akin ni Diego kagabi" bawi ni Martin, nang marinig iyon ni Esperanza ay muling gumuhit ang ngiti sa kaniyang labi at nabuhayan siya ng pag-asa. "N-naikwento ako ni Diego? Anong sabi niya?" halos mapunit na ang ngiti ni Esperanza. Napangiti naman si Martin dahil mukhang ito na ang pagkakataon para pabanguhin ang pangalan ng kaniyang kaibigan.

"Halos bukambibig ka niya kagabi. At kaninang umaga ikinukwento niya sa buong bayan kung gaano siya kasaya sa pagkakasundo sa inyong dalawa ng inyong mga magulang" wika ni Martin, napahawak naman si Esperanza sa kaniyang pisngi na namumula na sa kilig at saya dahil sa nalaman tungkol kay Diego.

Hindi na mawala ang ngiti ni Esperanza. "Ano ang iyong ngalan?" habol pa ni Esperanza, napakamot naman sa ulo si Martin dahil mukhang bibtayin siya ni Diego kapag nalaman nito ang pinagsasabi niya kay Esperanza.

"Bakit kaya ang tagal ni Manang Dominga?" pag-iiba ni Martin sa usapan. Dumating na rin si Manang Dominga. "Martin! Hijo, tayo'y humayo na" tawag ni Manang Dominga, napapikit naman si Martin dahil binanggit ni Manang ang pangalan niya. 

"Ang pangalan mo ay Martin! Ikinagagalak kong makilala ka, pakikumusta rin ako kay Diego" ngiti ni Esperanza, napatango na lang si Martin kahit pa hindi siya nakikita nito.

"Makakarating, binibini" napahinga na lang nang malalim si Martin, batid niya sa sarili na hindi niya dapat sinabi iyon. Naglakad na si Manang Dominga papalapit kay Esperanza at nagpaalam sa dalaga. Sunod namang pumasok ang isang serbidora na siyang magbabantay muna sandali sa dalaga.

***

Nang hapon ding iyon, abala si Celestina at Linda sa kusina habang nagluluto sila ng kakaning suman na bukayo. Maagang sinundo ni Diego si Celestina sa bahay-aliwan na hindi naman hinadlangan ni madam Costellanos, halos maghapong nakaratay sa higaan ang señora na inaalagaan din ni Stella.

Habang nagbabalot si Celestina ng suman sa dahon ng saging ay napansin niya ang pagiging balisa ni Linda habang dinidikdik nitong mabuti ang bukayo. Ilang ulit din niyang napansin na pa-simpleng sinusundan ni Linda ng tingin si Timoteo na noong mga oras na iyon ay labas pasok sa salas habang inaayos nila nina Diego at Tonyo ang kalahati ng sala kung saan nila itatayo ang maliit na kilinika.

Napalunok si Linda nang maghubad ng damit si Timoteo dahil pawis na pawis na ito kakabuhat ng gamit papasok sa tinatayo nilang klinika. "Kuya! Mahiya ka naman, buto't balat na nga 'yang katawan mo, nais mo pang ipalandakan sa lahat" suway ni Diego habang abala ito sa pagpako ng malaking tabla sa itaas ng pinto ng klinika kung saan naka-ukit ang salitang 'La Clinica Concepcion'

"Nakakahiya kay Celestina at Linda, mag-damit ka nga Timoteo!" reklamo naman ni Tonyo sabay hagis ng gamit sa mukha ni Timoteo. Napatikhim na lang si Timoteo saka pa-simpleng tumingin kay Linda na nasa kusina, agad din namang umiwas ng tingin si Linda sabay talikod upang walang makakita ng pamumula ng kaniyang mukha. Hindi mawala sa kaniyang isipan ang makinis at mapagtitiyagaang hubog ng katawan ni Timoteo.

Dahan-dahang sinuot ni Timoteo ang damit na hinagis sa kaniya ni Tonyo, ilang ulit pa siyang tumikhim para mapalingon ang asawa at makita nito ang pang-aakit niya ngunit nanatiing matatag si Linda at hindi lumingon sa kaniya. Samantala, hindi naman mapigilan ni Celestina ang kaniyang tawa dahil sa pang-aakit at pag-iwas ng mag-asawang Concepcion sa isa't isa.

Nang matapos magbalot ng suman si Celestina ay agad siyang lumapit kay Linda. Tulala si Linda habang nakatitig sa pugon, binabantayan nito ang pagluluto sa suman. Naupo si Celestina sa tabi ni Linda saka inabot ang kwadernong pinagsulatan niya. 'Huwag mo nang pigilan pa. Ang apoy na nagliliyab ay mahirap apulahin habang tumatagal' nagulat si Linda nang mabasa niya iyon at napatingin siya kay Celestina na nakangisi na sa kaniya.

"A-anong ibig mong sabihin? Huwag ka ngang mag-isip ng ganiyan" patanggi ni Linda sabay iwas ng tingin ngunit nagulat siya nang magsulat muli si Celestina sa kwaderno at itinapat iyon sa kaniya. 'Ilang taon niyo na bang pinipigilan ang pagliliyab ng inyong damdamin. Hindi na ako magtataka kung isang gabi ay tupukin na nito ang inyong buong tahanan' ngisi pa ni Celestina sabay tawa.

Natawa na lang din si Linda at napatakip sa kaniyang mukha. Agad siyang umusog papalapit kay Celestina at bumulong sa kaibigan "Nakakahiya mang aminin ngunit ako'y nagkakasala" bulong ni Linda, bakas sa mukha nito ang matinding pag-aalala.

Agad namang nagsulat si Celestina 'Paanong nagkakasala?' nagtataka niyang tanong, napahinga naman ng malalim si Linda sabay bulong muli kay Celestina. "Sa aking palagay ay pinagnanasaan ko si Timoteo. Tuwing gabi ay nakakaramdam ako ng matinding lamig sa aking buong katawan na sa tingin ko ay tanging siya lang ang makakapag-painit nito. Kung minsan ay palihim akong sumisilip sa kaniyang silid at pinagmamasdan siya habang natutulog. Hindi na tuloy mawala sa aking isipan ang mga katanungan kung ano kaya ang pakiramdam na makatabi ko siya sa gitna ng malamig na gabi. Marahil ay nahihibang na ako ng tuluyan!" hindi makapaling saad ni Linda na nagpanganga kay Celestina sa gulat. Hindi niya akalaing may kalikutan at kapusukang dumadaloy sa isipan ng kaibigan.

'Wala namang masamang sumiping ka ka Timoteo dahil asawa mo siya' paliwanag ni Celestina. Napa-iling naman si Linda. "Hindi maaari, ilang taon ko na siyang pinagtatabuyan at lulunukin ang lahat ng mga sinabi ko laban sa kaniya kung sa huli ay isusuko rin ang lahat ng ito" wika ni Linda na gulong-gulo na sa sarili.

'Ngunit sa aking palagay, ikaw lang din naman ang hinihintay ni Timoteo. Kahit papaano ay magpasalamat ka sapagkat iginagalang niya ang iyong pasya at dangal. Kung pagbibigyan mo siya kahit isang gabi lang, nakatitiyak ako na mahahanap mo ang sagot na bumabagabag sa iyong isipan. Bukod doon ay baka sakaling mabiyayaan pa kayo ng anak na siyang mas lalong magpapatatag sa inyong pamilya' suhestiyon ni Celestina, napaisip naman ng malalim si Linda. Sa pamamagitan ng mga sinabi ni Celestina ay unti-unting naliliwanagan si Linda na isang hakbang na lang ay tuluyan nang bibigay sa kaniyang asawa.

Samantala, sa kabilang sulok naman ng bahay ay abala sina Timoteo, Tonyo at Diego sa pagtatayo ng klinika ni Timoteo na nasa loob din ng bahay nito. "Siya nga pala, nasaan si Tinong?" tanong ni Diego, siya ang gumuhit at nag-plano ng buong istruktura ng klinika ni Timoteo. Habang si Timoteo at Tonyo naman ang taga-buhat ng mga gamit.

"Ang sabi niya sa akin kanina ay may dadaanan lang siya sa Hotel De Oriente" tugon ni Tonyo sabay punas ng pawis niya sa noo gamit ang kaniyang braso dahil marumi ang kaniyang kamay kaka-pako ng mga mesa, upuan at pinto.

Napatigil si Timoteo sa tapat ng pintuan matapos niyang buhatin ang isang mahabang aparador. "Siya nga pala, nabanggit sa akin ni ama na mamamanhikan na kayo bukas sa pamilya ni Esperanza" saad ni Timoteo na ikinagulat ni Tonyo at ikinasimangot naman ni Diego.

"Si Esperanza Garcia ba ang tinutukoy mo? Ang anak ni Heneral Samuel Garcia na pinakamahigpit sa lahat ng mahigpit na Heneral dito sa ating bansa?" gulat na tanong ni Tonyo at napakurap pa ito. Napabuntong hininga naman ng malalim si Diego saka tinupi ang malaking papel kung saan niya iginuhit ang plano ng istruktura ng klinika.

Napangisi naman si Timoteo "Oo, siya nga. Sa wakas magtitino na rin itong si Diego kung ayaw niyang magilitan ng leeg ng kaniyang biyenan" tawa ni Timoteo, agad naman siyang binato ni Deigo ng sapatos. "Kung pabagsakin ko kaya itong klinika mo" ganti nito kay Timoteo, napapamewang naman si Timoteo.

"Aba! Pasalamat ka nga napakaganda ni Esperanza. Kung nakakakita nga lang siya tiyak na masusuka siya sa iyong hitsura" biro ni Timoteo, agad namang tumayo si Diego at sinunggaban niya ang kuya. Napatumba sila sa maalikabok na sahig at doon nagpagulong-gulong habang sinasakal ang isa't isa.

Napatigil lang sila nang magsalita si Tonyo habang nakahawak ito sa kaniyang baba "Malaki ngang suliranin ang kinakaharap mo ngayon Diego. Tiyak na habambuhay kang sisindakin sa takot ng iyong biyenan. Baka ikaw pa ang unang mamatay sa matinding konsumisyon sa iyong biyenan" saad ni Tonyo habang nag-iisip ito ng malalim.

"Ano bang pinagsasabi mo riyan? T-tulungan mo ko rito" reklamo ni Diego na pilit kumakawala sa kaniyang kuya na ngayon ay dinadaganan siya. Pilit niyang inaabot ang kamay niya kay Tonyo upang humingi ng tulong ngunit seryoso lang itong nag-iisip.

"Huwag ka mag-alala tutulungan kita sa iyong suliranin. May isang paraan upang hindi matuloy ang pagkakasundo sa inyong dalawa" wika ni Tonyo sabay hawak naman sa kaniyang noo upang makapag-isip ng mabuti.

"Ah! Alam ko na, bakit hindi mo sirain ang iyong sarili sa harap ni Esperanza? Hindi ka dapat maging isang kaibig-ibig na ginoo nang sa gayon ay kamuhian ka niya at siya na mismo ang makiusap sa kaniyang ama na huwag nang ituloy ang kasal" saad ni Tonyo na nagpatigil kay Timoteo at Diego na halos magpatayan na.

"Anong ibig mong sabihin? Nais mong pakitaan ni Diego ng hindi magandang asal si Esperanza?" gulat na tanong ni Timoteo na agad tumayo. Napatango naman si Tonyo sabay ngiti. "Hindi. Tiyak na masisira ang pangalan ng aming pamilya kung gagawin iyan ni Diego" tutol ni Timoteo, napaupo naman si Diego sa sahig habang inaayos ang kaniyang kwelyo at pinagpagan ang kaniyang damit na puno na ng alikabok.

"Bukod doon ay hindi ko magagawang bastusin ang isang binibini" saad ni Diego, isang malaking kalapastangan ang pakitaan ng hindi magandang asal ang isang binibini. Agad namang lumapit si Tonyo sa kanila saka inakbayan ang dalawang magkapatid.

"Hindi naman kailangan si Deigo mismo ang gumawa niyon. May kapansanan si Esperanza sa paningin, hindi niya malalaman kung sino ang lalaking haharap sa kaniya. Iminumungkahi ko na magbayad ka ng lalaking magpapanggap bilang Diego at siyang magpapakita ng hindi magandang asal kay Esperanza" ngisi ni Tonyo, napatulala naman ang magkapatid na Concepcion hanggang sa namalayan na lang nila na napatango na rin sila sa kanilang mga sarili, lalo na si Diego.


NANG maluto na lahat ng suman, agad inilagay nina Celestina at Linda ang mga suman sa magandang lalagyan. Nagluto rin si Linda ng kapeng barako na tiyak na magugustuhan ng asawa at ng mga kaibigan nito. Ilang sandali pa, dumating ang isang babae na agad sinalubong ni Linda. "Magandang hapon, anong maitutulong ko?" tanong ni Linda sa babae, napangiti naman ito. Napansin ni Linda na maganda ang dalaga habang nakalugay ang buhok nito. Maging ang damit nitong medyo manipis ay napansin din niya. Sa kaniyang palagay ay naninilbihan ito sa bahay-aliwan.

"Magandang hapon din po, narito po ba si Celestina?" ngiti ng babae, napalingon naman si Linda sa kusina ngunit bago niya pa tawagin si Celestina ay sumilip na ito. Napangiti si Celestina nang makita ang babae at agad itong sinalubong.

"Naghihintay sa kabilang kalye si madam Costellanos. Pinapunta niya ako rito dahil gusto ka niyang isama sa palabas na mangyayari mamaya sa pamilihan. Pasensiya na kung nabanggit ko sa kaniya na dito ka dinala ni señor Diego. Ang akala ko nga ay magagalit si madam Costellanos dahil mukhang may kinalaman si señor Martin sa pagbili sa iyo ni Diego ngunit hindi naman kumibo si madam, ni hindi nga siya nagalit o nagsalita " saad ng babae, napaisip naman si Celestina. Kung nalaman nga ni madam Costellanos na nasa tahanan siya ng mag-asawang Concepcion ay dapat susugod ito at kakaladkarin siya pabalik sa bahay-aliwan.

Mabilis na nagsulat si Celestina sa kwaderno saka humarap kay Linda 'Sasamahan ko lang sila sandali, babalik din ako' paalam ni Celestina, nais niyang malaman at makita ang reaksyon ni madam Costellanos. Hindi niya rin maintindihan kung bakit hindi ito nagalit o sumugod. Napatango naman si Linda nang mabasa ang sinabi ni Celestina. "O'siya, basta dito ka maghahapunan mamayang gabi. Magluluto ako ng masarap na putahe" ngiti ni Linda at napatingin siya sa babaeng sumundo kay Celestina.

"Siya nga po pala, hindi pa ako nagpapakilala. Ako'y naninilbihan din kay madam Costellanos, ang aking pangalan ay---" hindi na natapos ng babae ang sasabihin dahil biglang dumating si Timoteo.

"O, Stella, anong ginagawa mo rito?" sabat ni Timoteo, napangiti naman si Stella at nagbigay galang kay Timoteo. "Akin lang pong susunduin si Celestina. Dito ka pala nakatira señor Timoteo, marahil ay mas maganda ang iyong silid kumpara sa silid na ating pinagsasaluhan sa bahay-aliwan" kinikilig na saad ni Stella na ikinagulat nina Timoteo, Linda at Celestina.

Tila isang bulkan na sasabog ang reaksyon ni Linda. Agad siyang napalingon kay Timoteo na noong mga oras na iyon ay napahawak bigla sa kaniyang magkabilang pisngi dahil alam na niya ang susunod na mangyayari. "A-ano... K-kasi" sinubukang magpaliwanag ni Timoteo ngunit halos tumiklop na siya sa nag-uusok na mukha ni Linda.

"Bakit po? Anong masama sa pagdalaw ni señor Timoteo sa bahay-aliwan? Matagal na po kaming magkakilala. Bukod doon ay sa tingin ko po nasa wastong edad na ang inyong pamangkin para lumigaya sa piling namin" ngiti ni Stella kay Linda dahilan para mas lalong sumabog ang mukha ni Linda.

"Pamangkin? Nahihibang ka na bang babae ka?! Asawa niya ako! Ako lang ang nag-iisang asawa niya na mahal na mahal niya. Ako ang nag-iisang Ginang Concepcion sa pamamahay na ito!" sigaw ni Linda na akmang sasabunutan si Stella ngunit mabilis na nayakap ni Timoteo ang asawa at hinila ito papalayo.

"Umalis na kayo" pakiusap ni Timoteo kay Stella, agad namang tumakbo si Stella papalayo habang hila-hila si Celestina. Samantala, nagtataka namang lumabas si Tonyo at Diego sa klinika dahil nagulintang sila sa narinig na pagsisisigaw ni Linda.

Nagulat sina Tonyo at Diego nang makitang sinasabunutan ni Linda si Timoteo sa hagdanan habang pilit na binubungangaan ang asawa tungkol sa pagiging parokyano nito sa bahay-aliwan. "Kaya hindi ko ibig mag-asawa" saad ni Diego at napalunok na lang siya sa matinding kaba.

Samantala, nagpatuloy pa sa pagtakbo si Stella nang mas malayo habang hawak ang kamay ni Celestina hanggang sa matanaw nila si madam Costellanos na nakatayo sa isang kanto sa labas ng Intramuros. Nagkalat ang mga tindera at tindero sa labas habang inaalok sa mga tao ang kanilang mga paninda. Hinawakan ni Stella ng mas mahigpit ang kamay ni Celestina at tumakbo sila papunta sa kinaroroonan ni madam Costellanos na nasa tabi ng isang tindahan ng mga makukulay na tela.

Maraming tao sa pamilihan dahil may magaganap na palabas mamaya sa gitna ng kalsada. Nagkalat din ang mga bata na naglalaro at naghahabulan sa gitna. Magtatakip-silim na ngunit buhay na buhay pa rin ang buong paligid. Nagsimula nang sindihan ng mga may ari ng tindahan ang mga pulang ilaw sa labas ng kanilang mga tindahan dahil karamihan sa kanila ay mga tsino.

Ilang sandali pa, napabitiw si Stella kay Celestina nang aksidenteng mabangga ni Celestina ang isang matangkad na lalaki na nasa edad animnapung taon na. Nagulat si Stella nang mapalingon siya sa likod at nakitang nadapa si Celestina sa lupa dalawa. Ang lalaking nakatayo sa harapan ni Celestina ay nakasuot pa ng kompletong uniporme. Ang mga butones sa pula nitong uniporme ay purong gawa sa pilak. At kompleto rin ang medalyang nasabit sa uniporme ng isang mataas na opisyal na nabangga ni Celestina.

Agad lumapit si madam Costellanos at sabay silang napayuko ni Stella sa harapan ng opisyal na iyon. Bagama't hindi man nila ito kilala ay batid nilang mataas ang katungkulan nito dahil sa unipormeng suot at sa tindig. Kulay puti na ang buhok at balbas ng lalaki na isang Kastila.

"Por favor, Perdónanos, señor" (Please spare us, Sir) saad ni madam Costellanos na marunong magsalita ng wikang Kastila dahil ilang opisyal na rin ang kaniyang pinagsilbihan noon. Nanatiling nakaluhod sa lupa si Celestina habang nanginginig sa takot. Hindi biro ang pangyayaring iyon, kahit pa hindi niya ito sinasadya ay siguradong hindi ito palalagpasin ng mataas na opisyal na nasa harapan nila.

Kasunod niyon ay biglang dumating ang dalawang guardia civil, akmang hihilahin na ng dalawa patayo si Celestina ngunit sumenyas ang mataas na opisyal at pinatigil sila. Napalingon ang mga taong na nasa paligid at nagsimulang magbulungan. Hindi nila kilala kung sino ang opisyal na iyon ngunit natatakot din sila sa gagawin nitong aksyon sa dalagang nakaluhod sa harapan nito.

Ilang sandali pa, nagulat ang lahat ng dahan-dahang inalalayan ng mataas na opisyal si Celestina patayo. " ¿Estás bien? por favor, tenga cuidado la próxima vez" (Are you alright? please be careful next time) saad nito at binitiwan na si Celestina nang makatayo ito.

Tumingin ang opisyal kay madam Costellanos at Stella na nanatili pa ring nakayuko sa harapan niya. "Vamonos" (Let's go) wika ng opisyal sa dalawang guardia civil na kasama niya saka tiningnan si Celestina sa huling pagkakataon bago siya tumalikod at nagpatuloy sa paglalakad papasok sa Intramuros.

Nagsibalikan ang mga tao sa kani-kanilang mga gawain at paninda. Nagpatuloy na rin sa paglalakad ang ilan nang humupa na ang tensyon. Napapikit na lang si Celestina at napahawak sa kaniyang dalawang kamay na nanginginig at malamig. Ngunit sa kabila niyon ay parang may kakaiba siyang naramdaman nang makita ang opisyal na iyon.

"Pasensiya na, hindi na tayo dapat tumakbo pa gayong napakaraming tao rito. Hindi ko lang talaga napigilan ang takot na baka habulin tayo ng asawa ni señor Timoteo" saad ni Stella habang pinapagpagan ang damit at braso ni Celestina.

Matapos iyon ay napatingin si Stella kay madam Costellanos na tulala habang tinanataw ang opisyal nan aka-engkwentro nila. Maging si Celestina ay tulala rin sa bukana ng Intramuros kung saan pumasok ang opisyal na iyon. Natauhan lang si madam Costellanos nang kumapit si Stella sa braso niya.

"Tila ngayon ko lang din po nakita ang opisyal na iyon. May ideya po kayo kung sino iyon?" tanong ni Stella kay madam Costellanos, napalingon naman sa kanila si Celestina. Hindi niya malaman kung bakit ang lakas ng tibok ng puso niya. Hindi niya mawari kung ito ba ay dulot ng kaba sa nangyaring engwkentro o dahil sa hindi maunawaang pamilyar na pakiramdam sa opisyal na iyon.

Napaisip ng malalim si madam Costellanos at bilang lumaki ang kaniyang mata nang maalala kung sino iyon. "Kung hindi ako nagkakamali... Ang opisyal na iyon ay ang dating Gobernador-Heneral Federico Dela Rosa!" wika nito na ikinagulat nina Stella at Celestina.


*************************

#ThyLove

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top