Ika-Labing Isang Kabanata
[Kabanata 11]
"SANDALI! Saan mo nakuha ito?!" seryosong tanong ni Julian Buenavista habang hawak-hawak ang braso ni Celestina.
"Bakit nasa iyo ito?!" giit pa ng binata, dahilan para mapatigil ang ilan at mapalingon sa kanila. Nagsimula namang magbulung-bulungan ang mga tao hanggang sa mapatigil din si Martin sa paglalakad at mapalingon sa likod. Samantala, si Loisa naman ay nakatayo sa pintuan ng simbahan at gulat na nakatingin kay Celestina at Julian.
Nagulat si Martin nang makitang seryosong kinakausap ni Julian si Celestina, dali-dali siyang naglakad pabalik at hinila si Celestina papalayo sa kaniyang kapatid. Nagulat si Julian sa ginawang iyon ni Martin, maging ang mga tao ay nagsimulang magtaka habang si Loisa naman ay hindi rin makapaniwala sa ginawa ng kaniyang nobyo.
"Nanakawan ka na ngunit ganiyan pa rin ang iyong----" hindi na natapos pa ni Julian ang sasabihin niya dahil biglang nagsalita si Martin at tumingin ng diretso kay Celestina. "Hindi ko namalayan na nahulog pala ito sa aking bulsa kanina... Maraming Salamat, Celestina" saad ni Martin at marahan niyang kinuha ang kuwintas na relos na iyon sa kamay ni Celestina.
Gulat na napatulala sa kanila si Julian na ngayon ay parang sinampal sa mukha dahil sa kahihiyan. Nagsimulang magbulung-bulungan muli ang mga tao at ngayon ay nakatingin na sila kay Julian dahil pinagbintangan nitong magnanakaw ang isang dalaga. Kilalang masungit, walang kibo at misteryoso si Julian Buenavista kung kaya't ganoon na lang din ang gulat ng ilan dahil gumawa ito ng eksena lalo na sa gitna pa ng maraming tao.
Ito ang unang beses na napahiya siya sa harap ng maraming tao at hindi niya rin matanggap na si Martin pa ang naging dahilan niyon. Magsasalita pa sana si Martin ngunit biglang may nagsalita mula sa kanilang likuran dahilan para mas lalong mapatahimik ang lahat.
"Malalim na ang gabi. Magsigayak na kayong lahat pauwi sa inyong mga tahanan" saad ni Don Facundo na ngayon ay seryosong nakatayo sa tapat ng pintuan ng simbahan habang nasa tabi naman niya sina Don Amadeo at Madam Villareal. Samantala, nasa likuran naman nila sina Joaquin, Javier, Leonora at ang mga estudyante ni madam Villareal habang si Loisa naman ay nakatingin ng seryoso kay Martin at Celestina.
Agad namang umalis ang mga tao at nagkani-kaniya na silang lakad pauwi. Habang ang ilan naman ay maka-ilang ulit pang lumingon at umaasang matutunghayan nila ang susunod na mangyayari ngunit nagsitakbuhan din naman sila nang pumwesto na ang mga guardia personal ng pamilya Buenavista sa palibot ng simbahan.
"NASAAN si Martin?" hinihingal na tanong ni Timoteo sabay kabig sa pinto upang hindi siya matumba. Nang mabalitaan niya ang nangyari kanina sa pagitan ng magkapatid na Buenavista at sa isang alipin ay hindi na siya nagdalawang-isip na tumakbo papunta sa hacienda Buenavista upang kamustahin ang kaibigan. Alam niya ang takbo ng isip ni Martin at alam niya rin kung paano tumatalim ang bibig nito sa oras na naubos na ang pasensiya nito.
Napalingon sa kaniya sina Joaquin at Javier na ngayon ay naglalaro ng dama sa salas. "Kinakausap po ni ama si kuya Martin sa kaniyang silid" sagot ni Javier. Napabuntong hininga na lang si Timoteo at dali-daling umakyat sa hagdan papunta sa ikalawang palapag ngunit napatigil siya nang makitang may liwanag mula sa maliit na klinika ni Julian sa ibaba.
Namalayan na lang niya na bumababa na siya ng hagdan at dire-diretsong nagtungo sa klinika ni Julian sa tabi ng salas. Hindi na siya kumatok pa at binuksan agad ang pinto, naabutan niyang nagbabasa ng aklat si Julian habang isa-isang pinag-aaralan ang kuneho na nasa garapon.
"Nagkamali ka ata ng silid na pinasukan, Ginoong Concepcion" panimula ni Julian habang nakatalikod ito. Pareho silang nagtapos ng medisina ngunit mas matanda lang ng ilang taon si Julian at mas malawak na ang kaalaman nito.
"Mahirap ba sa iyo aminin na ikaw ang nagkamali? Walang kasalanan si Celestina, hindi niya magagawa ang magnakaw at alam iyon ni Martin. Sa ngayon silang dalawa ang naiipit sapagkat halata namang nais ng iyong ama na palabasin na ninakaw iyon ni Celestina upang hindi ka lang mapahiya sa madla dahil sa pagbibintang mo sa kaniya kanina" saad ni Timoteo. Bagama't wala siya noong nangyari ang kaganapang iyon sa simbahan kanina ay malinaw naman ang mga kwentong nakarating sa kaniya.
Napatigil si Julian sa kaniyang ginagawa, hinubad na niya ang guantes (gloves) at ang mascarilla (face mask) na kaniyang suot saka lumingon kay Timoteo na nakatayo sa tapat ng pintuan. "Celestina? Celestina ba ang ngalan ng binibining iyon? ... Siya ba ang anak ng yumaong si Don Mateo Cervantes?" tanong ni Julian sabay balik sa kaniyang ginagawa.
"Oo, siya si Celestina Cervantes. Ang anak ni Don Mateo na sinasabing isinumpa noon, huwag mo na sanang dagdagan pa ang hirap na nararanasan niya sapagkat... hindi siya nakakapagsalita" saad ni Timoteo dahilan upang gulat na napalingon sa kaniya si Julian. Ngayon ay napagtanto na niya na kaya pala hindi sumagot si Celestina noong tinanong niya ito kanina ay dahil hindi nga ito nakakapagsalita.
"APAT na taon kang nawala at sa iyong pagbabalik ay panibagong suliranin na naman ang iyong dala" seryosong saad ni Don Facundo habang nakatalikod ito kay Martin at nakaharap sa bintana. Nasa loob sila ng opisina ng Don na napapalibutan ng mga aklat at mga mahahalagang papeles.
"P-patawad po ama ngunit..." hindi na natapos pa ni Martin ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagsalita si Don Facundo habang nakatalikod pa rin ito. "Sinang-ayunan mo na lang sana si Julian na ninakaw ng babaeng iyon 'yang pesteng relos mo nang sa gayon ay hindi napahiya sa madla ang iyong kapatid at ang pamilya natin" giit nito.
Mahinahon lang si Don Facundo at madalas ay walang kibo. Sa tuwing nagagalit din ito ay mahinahon niya pa ring pinapangaralan ang kaniyang mga anak. Si Don Facundo Buenavista ay limapu't apat na taong gulang na. Matangkad, maganda ang tindig at kahit pa matanda na ay nababakas pa rin ang kagwapuhang taglay ng Don na siyang namana ng kaniyang mga anak.
Hindi naman umimik si Martin at nanatili lang siyang nakatayo roon at nakatingin sa sahig "Usap-usapan na ngayon sa buong nayon ang nangyari kanina. Ano na lang ang sasabihin ng mga tao sa ating pamilya? Ano na lang ang sasabihin ni Don Amadeo at ng iba pang opisyal? Na mismong ang sarili kong mga anak ay hindi nagkakasundo" saad pa ni Don Facundo. Matagal naman na niyang ramdam na hindi magkasundo si Julian at Martin ngunit hindi naman ito nag-aaway o nagsasagutan ng ganoon. Ito ang unang beses na nangyari iyon.
"Bukas na bukas ay magsasampa tayo ng reklamo sa hukuman na ninakaw ng babaeng iyon ang relos mo nang sa gayon ay hindi masira ang reputasyon ng ating pamilya. Ako si Don Facundo, ang alcalde mayor at isang opisyal na tagapayo ng gobernador-heneral ay may dalawang anak na parang manok na nagsasabong... Sa tingin niyo ba ay may mukha pa akong maihaharap sa gobernador-heneral at sa iba pang mga opisyal?" wika pa ni Don Facundo habang nakatalikod pa rin ito.
Sa pagkakataong iyon, hindi na nakatiis pa si Martin at napapikit na lang siya sa inis bago magsalita. "Nagkamali si Julian. Hindi ba mahirap sa inyo tanggapin iyon? Mas nanaisin niyo pang pagbintingan ang isang inosente para lang iligtas si Julian sa kahihiyan, kahit pa sa umpisa pa lang ay siya naman ang may kasalanan. Hindi tamang basta-basta magbintang ng pagnanakaw kaninuman!" giit ni Martin na ikinagulat ni Don Facundo at napalingon siya rito. Hindi niya inaasahan ang diretsahang pagsagot ng ganoon ng kaniyang anak.
"Sinasabi mo bang mas pipiliin mo na iligtas ang babaeng iyon kaysa sa kahihiyang nangyari sa ating pamilya? Tayo na ang laman ng usap-usapan ngayon ng madla!" buwelta ni Don Facundo sa mas mataas na tono bagay na ikinagulat ni Martin dahil hindi naman nagtataas ng boses ang kaniyang ama kahit maka-ilang beses na siyang napapagalitan nito noon.
"Magsasampa tayo ng kaso ng pagnanakaw ng babaeng iyon. Huwag kang mag-alala, sa oras na humupa na ang usap-usapan ay gagawa ako ng paraan upang mapalaya siya. Bibigyan ko rin siya ng sapat na salapi upang makapagsimula siya ng bagong buhay, malayo sa lugar na ito" patuloy ni Don Facundo at naglakad siya papalapit sa kaniyang mesa kung saan naroon ang bote ng mamahaling alak na paborito niya, isinalin niya iyon sa baso saka uminom upang pakalmahin ang kaniyang sarili.
Magsasalita pa sana siya ngunit nagulat siya nang magsalita muli si Martin "Hindi. Hindi ako papayag. Hindi ako naniniwalang papalayain niyo siya at bibigyan ng magandang buhay. Hindi ba't ganiyan din ang sinabi niyo noon kay tiyo Gilberto? Ngunit anong nangyari? Anong ginawa niyo sa kaniya?!" seryosong saad ni Martin habang nakayuko ito at nakatingin pa rin sa sahig. Ang kaniyang mga mata ay namumula na habang pinipigilan niya ang kaniyang galit at inis habang inaalala ang nangyari sa kaniyang tiyo Gilberto na kapatid ng kaniyang ina.
"Namatay sa sakit ang iyong tiyo Gilberto sa kulungan! Hindi ba't narito ka pa sa bansa nang mamatay siya? Batid kong dinadalaw niyo pa siya noon ng iyong ina habang unti-unti siyang nanghihina sa loob ng bilangguan. Limang buwan ang ipinangako ko sa kaniya bago pagbigyan ng hukuman ang pabor ko na palayain siya ngunit hindi na umabot pa ng limang buwan dahil namatay din siya sa sakit!" sagot ni Don Facundo na ngayon ay tumataas na ang tono ng boses nito. Ilang taon na rin ang nakakaraan magmula nang mamatay si Gilberto Ocampo at hanggang ngayon ay batid niyang naghihinala pa rin si Martin sa pagkamatay nito.
Si Gilberto Ocampo ay nakatatandang kapatid ng ina ni Martin. Isa itong opisyal ng gobyerno na tagapangasiwa noon ng pondo at salapi ng pamahalaan mula sa nakokolektang buwis sa mga mamamayan at sa pondong ipinapadala rin ng Kaharian ng Espanya.
Tuluyan nang hindi napigilan ni Martin ang pagpatak ng kaniyang mga luha. Napamahal at malapit din ang loob niya sa kaniyang tiyo Gilberto na palagi siyang pinadadalhan ng mga tsokolate at aklat noong nabubuhay pa ito. "A-ang sabi sa akin ni ina bago siya m-mamatay ay nangako ka raw na p-papalayain mo si Tiyo Gilberto nang pumayag itong akuin ang kasalanan upang hindi lang masira ang pangalan ng pamilya natin dahil ayaw niya ring madamay si ina sa oras na ang pamilya natin ang malagay sa kapahamakan. N-ngunit anong nangyari? Bakit siya namatay ng ganoon? Kilala ko si tiyo Gilberto malakas siya at hindi sakitin ngunit bakit makalipas lang ang apat na buwan sa kulungan ay bigla na lang siya dinapuan ng sakit at namatay!" giit ni Martin. Hindi nakapagsalita si Don Facundo, napabuntong hininga na lang ito saka uminom ulit ng alak.
Hanggang ngayon ay malinaw pa rin sa kaniya ang nangyari kay Gilberto Ocampo. Nang dumating ang visitador heneral mula sa Espanya upang tunghayan ang pagtatapos ng termino ng nakaraang gobernador-heneral ay may balitang dumating sa visitador na kastila na ang pamilya Buenavista raw ay nangangamkam ng salapi mula sa pondo ng gobyerno. Ang pag-ako ni Gilberto Ocampo ng kasong iyon ay nagligtas sa buong pamilya Buenavista. Ginawa niya iyon para mailigtas ang kaniyang kapatid at mga pamangkin na sina Martin, Joaquin at Javier dahil sa oras na mapatawan ng kamatayan si Don Facundo ay madadamay din ang buong pamilya nito.
"Karaniwang nagkakasakit ang mga nabibilanggo dahil sa kalunos-lunos na sitwasyon nila sa loob ng bilangguan. Hindi ko na kontrolado ang mangyayari sa kaniyang kalusugan. Ngunit totoo na mabibigyan siya ng kalayaan ng hukuman sa loob ng limang buwan nang dahil na rin sa aking impluwensiya at kapangyarihan" tugon ni Don Facundo. Bukod kay Don Amadeo ay malakas din ang kapit at koneksyon ni Don Facundo lalo na pagdating sa hukuman dahil isa rin siyang abogado at naging hukom noon.
"Hindi nagkasakit si Tiyo Gilberto... Nilason siya. Araw-araw nilalagyan ng lason na unti-unting nagpapahina sa katawan ng tao ang pagkaing ibinibigay sa kaniya. Ang bagay na iyon ang sinubukan kong ilapit sa hukuman noong nakaraang linggo ngunit ayaw nilang bigyang pansin ito dahil matagal na raw patay si Tiyo Gilberto. Ngunit para sa akin ang hustisya para sa kaniya ay hindi pa rin namamatay!" seryosong saad ni Martin habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Don Facundo.
Gulat namang napatingin sa kaniya si Don Facundo "Que dijiste?!" (What did you say?!) sigaw nito at malakas niyang inilapag ang baso at bote ng alak sa mesa. "Paano mo nasabi na nilason si Gilberto?!" habol pa ni Don Facundo. Napayuko naman si Martin at ilang sandali pa ay dahan-dahan siyang tumingala at tumingin muli ng diretso sa kaniyang ama.
"Sinabi sa akin ina" bigla namang napahinga ng malalim si Don Facundo, "Tama nga si Don Amadeo, nakapag-aral ka lang sa Europa ay lumalaki na ang ulo mo ng ganiyan. Katulad ka rin ng iyong ina na walang ginawa kundi ang bigyan ako ng sakit ng ulo" seryosong wika ni Don Facundo, hindi naman umimik si Martin at kahit pa patuloy na ang pagpatak ngayon ng kaniyang mga luha dahil sa inis at galit ay pilit niya pa ring kinkontrol ang kaniyang sarili.
Magsasalita pa sana si Don Facundo ngunit napatigil siya nang bumukas ang pinto sa kaniyang opisina at tumambad sa harapan nila si Julian habang nasa likod naman nito si Timoteo. "Ama, huwag na nating palakahin pa ang gulong ito. Ako naman ang nagkamali at hindi na natin dapat pang pagtakpan iyon" wika ni Julian, gulat namang napalingon sa kaniya si Martin habang si Don Facundo naman ay tumalikod na lang at naglakad paharap sa bintana kung saan siya nagmamasid kanina.
"HINDI ka na nahiya! Pinapasakit mo talaga lagi ang aking ulo!" sigaw ni madam Villareal kay Celestina habang nakaluhod ito sa harap niya. Samantala, ang ilan namang mga kasambahay ng pamilya Espinoza ay nakasilip sa kusina at nag-pustahan pa sa kung ilang oras ang itatagal ni Celestina sa pagluhod sa sahig. "Magnanakaw ka talaga kahit kailan!" habol pa ni madam Villareal at akmang hahampasin sa mukha si Celestina gamit ang hawak nitong abaniko ngunit napatigil siya nang may magsalita mula sa likuran nila.
"Magmula nang dumating kayo rito hindi na natahimik ang tahanang ito" inis na wika ni Leonora habang kinukumpas niya sa ere ang kaniyang mamahaling abaniko. Agad namang tumabi ang mga kasambahay sa gilid at ang iba naman ay nagsibalik sa kani-kaniyang mga gawain nang dumating na ang kanilang mataray at malditang amo.
"Tumayo ka na Celestina" utos ni Leonora, gulat namang napatingin sa kaniya si Celestina na ngayon ay pinagpapawisan na at namumula na ang pisngi dahil sa kakahampas sa kaniya ni madam Villareal kanina. Bigla namang napataas ang kilay ni madam Villareal sabay lingon sa señorita, "Mawalang-galang na señorita Leonora ngunit tinuturuan ko lamang ng leksyon ang aking alipin" saad ni madam Villareal sabay ngiti, isang malaking ngiti na puno nang kaplastikan.
Hindi naman nagpatalo si Leonora at binigyan niya rin ng malaking ngiti si madam Villareal "Mawalang galang na rin madam Perlita ngunit kasalukuyan kayong naririto sa aming tahanan. Ako ay anak ni Don Amadeo na siyang may-ari nitong hacienda Espinoza. May sarili kaming mga patakaran at alituntunin sa loob ng pamamahay na ito na hindi dapat pakialaman ng isang bisitang gaya mo" buwelta ni Leonora bagay na ikinagulat ng lahat lalo na ni madam Villareal. Nanlaki ang kaniyang mga mata at pinaypayan niya pa ang kaniyang sarili upang kumalma.
"Si Celestina nga ay nasa ilalim ng iyong pangangalaga ngunit narito kayo sa loob ng aming tahanan kung kaya't sakop kayo ngayon ng mga altuntunin dito. Hindi ko ipinagsasawalang-bahala ang ingay at gulo sa loob ng aming hacienda. Ang pagpaparusa na ginagawa mo ngayon ay nagdudulot ng ingay at gulo kung kaya't may karapatan akong patigilin ito" patuloy pa ni Leonora sabay ngiti kay madam Villareal. Sandaling napatulala ang doña lalo na ang mga kasamabahay na nakarinig ng pagiging matapang at wais ni Leonora, maging si Celestina ay hindi makapaniwala na magagawa iyon ng isang dalagita.
"Wala kang galang sa mga nakakatanda. Nararapat lang na putulin ang matabil mong dila!" giit ni madam Villareal. Ngumiti lang si Leonora saka nagpaypay sa kaniyang sarili gamit ang mamahalin niyang abaniko. "Ikaw ang bahala, malaya ka namang magssumbong sa aking ama madam Perlita" ngisi niya pa sabay talikod at taas noong bumalik sa kaniyang silid.
Napapadyak sa inis si madam Villareal dahil alam niyang kahit isumbong niya kay Don Amadeo ang pagkabastos ng bibig ng anak nitong si Leonora ay hindi naman siya papakinggan nito. "Ano pang tinitingin-tingin niyo riyan? Magsibalik nga kayo sa gawain niyo!" sigaw ni madam Villareal sa mga kasambahay sabay talikod at seryosong nagtungo sa kaniyang inuukupahang kwarto.
Nakasalubong naman niya si Loisa na ngayon ay pababa na ng hagdan. Tulala ito at malalim ang iniisip habang dahan-dahang bumababa sa hagdanan ngunit napatigil siya at nagbigay galang kay madam Villareal na ngayon ay namumula sa galit at dire-diretso lang sa paglalakad. Hindi na siya nagtataka pa dahil batid niyang si Leonora na naman ang may kagagawan ng pagkainis ni madam Villareal. Bukod kay Celestina ay si Leonora lang naman ang nakakapag-painit ng ganoon sa ulo ni madam Villareal.
Nagpatuloy na lang sa pagbaba si Loisa hanggang sa marating niya ang salas. Agad niyang pinatawag ang katiwala nila sa kwadra ng mga kabayo at nagpakuha siya ng kalesa na masasakyan patungo sa hacienda Buenavista upang kamustahin ang kalagayan ni Martin. Hatinggabi na ngunit wala siyang pakialam, buo na ang kaniyang desisyon, pupuntahan niya ngayon si Martin. Wala rin naman ngayon ang kaniyang ama sa mansyon nila dahil nakikisalo pa ito sa pagdiriwang ng pista kasama ang iba pang opisyal.
Nang maihanda na ang kalesang sasakyan ni Loisa ay agad siyang sumakay roon at ibinilin niya sa mga katiwala at sa iba pang kasambahay na huwag siyang isusumbong sa kaniyang ama. Binigyan niya ito ng mga salapi upang itikom nila ang kani-kanilang mga bibig. Nang umandar na ang kalesa at makalabas sa kanilang hacienda, natanaw niya mula sa di-kalayuan si Celestina. Medyo madilim ngunit natanaw niyang nakaupo si Celestina sa tabi ng kanilang balon. May maliit na gasera itong katabi sa gilid at may hawak itong makapal na talaarawan.
KASALUKUYANG pinagmamasdan ni Martin ang kaniyang kuwintas na relos. Nakahiga siya ngayon sa isang pahabang upuan na nasa labas ng kanilang hacienda malapit sa kanilang hardin. Ilang sandali pa ay nakita niyang namatay na ang liwanag mula sa silid ng kaniyang ama.
Wala siyang balak matulog ngayon at bukod doon ay hindi rin siya makatulog dahil sa dami ng nangyari ngayong araw. Pinagmasdan na lang niyang mabuti ang pinakainiingat-ingatan niyang relos na bigay pa sa kaniya ng kaniyang ina bago ito mamatay...
"Lagi mong pakahalagahan ang oras anak. Ang kahapon ay hindi tulad ng ngayon. Ang kaparehong petsa noong nakaraang taon ay hindi kapareho ng araw ngayon. Pahalagahan mo ang mga bagay na pinanghahawakan mo dahil sa oras na mawala ang mga ito ay hindi ka nakasisiguro kung mababalik mo pa ang dati. Hindi ka makasisiguro kung ang dati ay kapareho pa rin ng ngayon. Katulad lang din iyan ng pag-ibig anak, hindi ka makasisiguro kung ang dating pag-ibig ay singalab pa rin ng nararamdaman mo ngayon. Ang pag-ibig ay nagbabago tulad ng oras na patuloy na nagbabago at tumatakbo"
"Tama ka ina, hindi ko alam kung bakit nagbabago ang puso. Alam kong alam mo na mahal ko rin naman si Loisa ngunit bakit kailangan pang tumibok ng puso ko para sa iba?" bulong ni Martin sa sarili habang nakatingin sa kaniyang relos at nakatingala sa kalangitan. Maliwanag ang buwan at malamig din ang simoy ng hangin.
"Sa sitwasyon mo, sa tingin ko ay hindi nagbago ang iyong puso mo Martin" biglang saad ng isang pamilyar na boses dahilan para biglang mapaupo si Martin nang diretso at gulat na mapalingon sa likod "Hindi nagbago ang puso mo dahil ang totoo ay kusang bumalik lang ito sa taong totoong tinitibok nito. Sino ba talaga ang babaeng nakita mo noon sa hardin ng hacienda Cervantes? Batid kong puso mo lang ang makakasagot ng tanong na iyan. Alam mo na ang totoo ngunit ayaw mo pa ring paniwalaan" patuloy pa ni Julian sabay upo sa tabi ng kapatid, bagay na ikinagulat ni Martin dahil sa loob ng mahabang panahon ay ngayon lang siya kinausap ng ganoon ng kapatid.
"A-anong sinasabi mo? Wala namang----" hindi na niya natapos pa ang kaniyang sasabihin dahil biglang ngumiti si Julian bagay na mas lalong ikinagulat ni Martin dahil hindi naman ngumingiti ang kaniyang kapatid. "Kinuwento na ni Timoteo sa akin ang lahat. Maging ang paghihinala niya na si Celestina ang babaeng nakita mo noon sa hacienda Cervantes dahil may kuwintas din ito na tulad ng kay Loisa. At bukod doon napansin din ni Timoteo na hindi hiyang si Loisa sa rosas taliwas sa katotohanang ang babaeng nakita mo noon sa hardin ay mahilig sa rosas. Sino pa ba sa tingin mo ang totoo sa kanilang dalawa?" habol pa ni Julian. Napabuntong-hininga na lang si Martin saka napayuko.
"Naalala ko pa na pursigido ka noong mahanap kung sino ang babaeng iyon. Sa akin mo pa nga unang sinabi na umiibig ka sa isang binibini na nakita mo sa hardin ng hacienda Cervantes. Inilihim pa nga natin iyon kay ama at sa iyong ina dahil siguradong mapapagalitan ka nila" patuloy pa ni Julian at bigla itong natawa. Sa pagkakataong iyon, natawa na lang din si Martin. Naalala niya pa kung paano siya pumasok noon sa silid ng kaniyang kuya Julian para lang ikwento ang kaniyang unang pag-ibig. At ang mga alaalang iyon nang nakaraan ang siyang nagpapatunay na magkasundo sila noon ng kaniyang kuya Julian.
Sila ni Julian ang palaging magkalaro at magkasangga noong mga bata pa sila. Ngunit sa kanilang paglaki at pagbibinata ay unti-unting nagkaroon ng lamat ang kanilang relasyon nang madalas na bigyang pabor ni Don Facundo si Julian. Alam naman ng lahat maging ang ina ni Martin na si Julian ang pinakapaboritong anak ni Don Facundo dahil anak niya ito sa babaeng bayaran na minahal niya ng totoo.
Naging madalas ang pagkukompara ni Don Facundo kay Julian at Martin lalo na nang tumuntong na nang kolehiyo si Julian at mag-aral sa Maynila. Nakadagdag din sa tuluyang pagkasira ng relasyon ng magkapatid ang pagkahuli kay Gilberto Ocampo dahil pinapalabas ni Don Facundo sa kanilang pamilya na malas ang pamilya Ocampo na siyang pamilya ng ina ni Martin.
Napatingin si Julian kay Martin na ngayon ay nakangiti at nakatingin sa kaniyang relos na kuwintas. "Nang makita ko iyan kanina sa simbahan na hawak ng isang babae, hindi na ako nagaksaya pa ng oras na tanungin siya dahil alam kong mahalaga sa iyo ang relos na iyan. Hindi ko naman akalain na kakilala mo pala ang babaeng iyon" saad ni Julian, napangiti naman si Martin habang nakatitig pa rin sa kaniyang relos ngunit bigla siyang napaisip nang maalala niya na noong nakaraang araw niya pa hinahanap ang relos na iyon at mas lalo siyang napaisip ng malalim nang mapagtanto niya kung bakit na kay Celestina iyon lalo na't sigurado siyang hindi naman niya naiwan iyon sa simbahan.
Biglang nanlaki ang mga mata ni Martin at gulat siyang napatingin kay Julian "Bakit anong nangyari?" nagtatakang tanong ni Julian. Napalunok na lang sa kaba si Martin dahil naalala na niya na si Celestina nga ang kasama at kausap niya noon sa daungan at ang mas lalong nagpawindang sa kaniya ay ang maalala niya ang sumunod na nangyari sa kanila ni Celestina noong araw na iyon sa daungan.
Samantala, sa kabilang dako naman ay napahawak na lang si Loisa sa kaniyang dibdib na ngayon ay kumakabog na ng malakas dahil sa kaba dahil sa mga nalaman niya. Nang makarating siya sa hacienda Buenavista ay hindi naman siya nahirapang makapasok dahil agad naman siyang sinalubong ni manang Adelia at itinuro nito na nasa hardin si Martin.
Naabutan niyang nakahiga si Martin sa mahabang upuan sa labas at nang lalapitan na niya ito ay biglang dumating si Julian kung kaya't nagtago na lang muna siya sa gilid. At mula roon sa gilid ng hardin na kaniyang pinagtataguan ay narinig niya ang usapan ng magkapatid at ang katotohanang si Celestina ang nagmamay-ari ng kaparehong kuwintas na suot niya.
MADALING araw na ngunit hindi pa rin makatulog si Loisa. Kanina pa siya pabalik-balik na naglalakad sa palibot ng kaniyang silid habang nag-iisip ng malalim. Ilang baso ng tubig na rin ang kaniyang ininom upang pakalmahin ang kaniyang sarili ngunit wala pa rin itong epekto. Hindi siya makapaniwala na si Celestina pala ang babaeng nakita ni Martin sa hardin ng hacienda Cervantes na siya ring pagpapanggap na ginawa niya. Sa pagkakataong iyon, naalala niya ang unang pagkikita nila ni Martin Buenavista walong taon na ang nakararaan...
Laguna 1882
Kaarawan muli ni Don Mateo Cervantes ngunit hindi na ito idinaos sa kaniyang hacienda, sa halip ay sa isang malaking himpilan sa Maynila na ito ginanap dahil na rin sa pagpayag ng gobernador-heneral noong mga panahong iyon. Si Don Mateo Cervantes pa ang kasalukuyang pinakamataas na opisyal ng Laguna habang si Don Amadeo Espinoza naman ang pangalawang mataas na pinuno at siyang mahigpit na kaaway nito. Samantala, si Don Facundo Buenavista naman ang kanang kamay ni Don Mateo.
Sa gitna ng nakakaindak na musika at sayawan ay naroon si Loisa at ang kaniyang kapatid na si Leonora na noo'y batang-bata pa. Kasama nila ang kanilang tagapag-alaga habang ang kanilang ama na si Don Amadeo ay abala sa pakikipag-inuman kasama ang mga amigo nito. Bagama't mahigpit na magkaaway si Don Mateo at Don Amadeo ay hindi pa rin nila pinapakita sa harap ng gobernador-heneral ang hidwaan sa pagitan nila. Sa politika kahit ang magkakaaway ay nagiging parang magkaibigan sa harap ng madla at ng samabayanan.
Bagot na bagot na si Loisa habang tinititigan ang pagkain na nakahain sa tapat niya. Habang ang kaniyang kapatid naman na si Leonora ay nagtatatakbo sa paligid at hinahabol ng kanilang tagapag-alaga. Ilang sandali pa ay tumayo na siya at naglakad papunta sa kaniyang ama upang pilitin ito na umuwi na sila ngunit aksidente siyang nabangga ng isang serbidora at hindi sinasadyang mabuhos sa kaniya ang limang baso ng alak na hawak nito.
Napatigil ang lahat at napalingon sa kanila. Dali-dali namang humingi ng tawad ang serbidora at inalalayan si Loisa tumayo. Basang-basa na ang damit nito at agad siyang binigyan ng malinis na tuwalya. Ngunit bago makatayo si Loisa ay agad niyang hinubad ang kuwintas na de susi na kaniyang suot at pinunasan niya iyong mabuti dahil iyon na lamang ang alaala niya sa kaniyang ina at ayaw niyang marumihan iyon ng ganoon.
Naroon din si Martin noong gabing iyon at nakita nga niya ang pamilyar na kuwintas na iyon na siyang palatandaan niyang pagmamay-ari ng babaeng nakita niya sa hardin ng hacienda Cervantes. Kinabukasan ay nagulat siya nang sumulpot si Martin sa kaniyang harapan nang papunta sila sa silid-aklatan ni Don Filimon.
Hindi maitatanggi ni Loisa na matagal na nga siyang may lihim na paghanga kay Martin Buenavista at hindi niya akalaing kakausapin siya nito at hihilingin na makita niya ang kuwintas. Nang sabihin ni Martin na ang babaeng hinahanap niya ay siyang nagmamay-ari ng kuwintas na iyon, hindi na nagdalawang-isip pa si Loisa na pangatawanan ang pagkatao ng babaeng tinutukoy ng binatang kaniyang sinisinta.
Napaupo na lang si Loisa sa kaniyang kama at napatitig sa kuwintas. Buo na ang kaniyang isipan, kailangan niya munang alamin at makita kung totoo nga na mayroong ganoong kuwintas si Celestina at kapag nakumpirma na niya ito ay saka niya palang sasabihin sa kaniyang ama.
Kinabukasan, maaga pa lang ay bumangon na siya at nagbihis. Nagtungo siya sa kusina at pinagmasdan niya ang kanilang mga kasambahay habang abala ang mga ito sa pagluluto ng almusal. "Magandang Umaga binibini" bati ng mga kasambahay sa kaniya sa tuwing nakakasalubong siya ng mga ito at sa tuwing dumadaan siya sa kanila.
Ilang sandali pa ay namataan na niya si Celestina na abala ngayon sa pagdidikdik ng bawang. Napansin niya na paika-ika ang lakad ni Celestina sa tuwing ililipat nito ang mga nadurog na bawang sa palayok na nakasalang na ngayon sa pugon. Naalala ni Loisa na halos dalawang oras ding pinaluhod ni madam Villareal si Celestina sa matigas na sahig kagabi bilang parusa kung kaya't napagtanto niya na kaya siguro paika-ika ang lakad ni Celestina ay dahil sa namamaga ang tuhod nito.
Nagsimula na siyang humakbang papalapit kay Celestina at agad napayuko at nagbigay-galang si Celestina nang mamalayan niyang nasa tapat na niya si Loisa. "Sumunod ka sa akin, Celestina" mahinahon na wika ni Loisa. Isa sa nagpapaangat sa kaniyang kagandahan ay ang malambing niyang boses na parang isang hangin na umiihip ng mahinhin.
Tumalikod na si Loisa at naglakad paakyat sa hagdan. Napatulala naman si Celestina at nagtatakang nakatingin kay Loisa ngunit nang lumingon si Loisa ay agad niyang binitawan ang pandikdik sa bawang, nagpunas ng kamay at dali-daling sumunod sa señorita.
Nagtatakang napatingin si Celestina sa loob ng silid ni Loisa nang buksan nito ang pinto. "Tumuloy ka, Celestina" mahinhing wika ni Loisa at nang makapasok si Celestina sa kaniyang silid ay marahan niyang isinara ang pinto. "Maupo ka sa kama" saad pa ni Loisa na mas lalong ipinagtaka ni Celestina. Naalala niya na noong huli silang magkausap ni Loisa ay pinagtaasan siya nito ng boses at itinapon pa nito ang pagkaing dinala niya para sa dalaga.
Dahan-dahang naupo si Celestina sa malaki at malambot na kama ni Loisa at inilibot niya ang kaniyang mga mata sa buong silid. Maganda, malaki at malinis ang kwarto ni Loisa na napapalamutian ng mga iba't-ibang bulaklak na nakaburda sa mga mamahaling tela. Maging ang mga kurtina nito ay mamahalin at punong-puno ng mga nakaburdang desineyo na rosas.
Marami ring aklat sa loob ng silid ni Loisa at maayos ding nakapwesto ang lahat ng kaniyang aparador, mesa at mga malalaking baul sa gilid. Ilang sandali pa ay nagulat si Celestina nang biglang lumubog ang kama sa kabilang bahagi at nakita niyang naupo na roon si Loisa habang hawak ang isang maliit na kahon. "Makakatulong ang langis na ito upang mabawasan ang pamamaga ng iyong tuhod" saad ni Loisa sabay abot ng isang maliit na bote na naglalaman ng mamahaling herbal na gamot na mula pa sa Tsina.
"Itaas mo na ang iyong saya upang malagyan mo na ng gamot ang iyong tuhod" patuloy pa ni Loisa, ang mas lalong ikinagulat ni Celestina ay ang biglang ngumiti sa kaniya si Loisa. Isang marahan na ngiti na makakapagpalambot sa puso ng sinuman. Napatango na lang si Celestina at sumenyas siya ng 'Maraming Salamat' kay Loisa.
Dahan-dahan na niyang itinaas ang kaniyang mahabang saya/palda saka niya ipinahid ang gamot na iyon ngunit napatigil siya nang biglang lumapit si Loisa. "Celestina..." gulat na saad ni Loisa habang seryosong nakatingin sa tuhod ni Celestina. Namumula at namamaga na ito kung kaya't ang bawat paghakbang, pag-upo at pag-unat ni Celestina sa kaniyang binti ay nagdudulot ng matinding sakit.
"Sa tingin ko ay kailangan mo nang magpatingin sa manggagamot" saad ni Loisa at agad siyang nagpatawag ng kalesa upang dalhin si Celestina sa isang magaling na doktor.
NANLAKI ang mga mata ni Celestina nang makita ang isang napakalaki at napakagandang mansyon na pupuntahan na nila ngayon. Ang mas lalong ikinagulat niya ay ang mabasa ang nakasulat sa bungad nito 'Hacienda Buenavista'
Agad siyang napalingon kay Loisa na nasa tabi niya ngayon at nakaupo ng maayos habang nakatinging ng diretso. Dahan-dahan lang din ang takbo ng kalesang kanilang sinasakyan bagay na ipinag-utos ni Loisa dahil masakit sa katawan ang maalog na takbo ng kanilang sinasakyan.
Hahawakan sana ni Celestina si Loisa para sumenyas na umuwi na lang sila ngunit huli na ang lahat dahil nakapasok na ang kalesang kanilang sinasakyan sa loob ng hacienda Buenavista. Ito ang unang beses niyang makapasok sa hacienda Buenavista at bakas sa kaniyang mga mata na hindi siya makapaniwalang narating na rin niya ang tahanan ni Martin.
Napalingon naman si Loisa sa kaniya sabay tingin muli ng diretso. Kahit pa hindi sabihin ni Celestina ay halata sa reaksyon at sa pagkinang ng mga mata nito na namamangha siya sa ganda ng hacienda Buenavista. Ilang sandali pa ay narating na nila ang malaking mansyon ng pamilya Buenavista. Naunang bumaba si Loisa na inalalayan pa ng mga kutsero habang si Celestina naman ay kusang bumaba mag-isa.
May mataas at malawak na hagdan papasok sa malaking pinto (main door) ng mansyon at napalunok na lang si Celestina sa napakagandang istruktura ng malaking bahay ng pamilya Buenavista. Dahan-dahan siyang umakyat habang sinusundan si Loisa na posturang-postura at tuwid na naglalakad paakyat sa hagdan.
Nang marating nila ang pinto ay kumatok si Loisa ng tatlong beses. Hindi naman nagtagal ay bumukas na ang pinto at tumambad sa kanilang harapan ang isang matandang ale. "Magandang Umaga po Manang Adelia... nariyan po ba si Ginoong Julian Buenavista?" nakangiting tanong ni Loisa. Nanlaki ang mga mata ni Celestina nang mapagtanto niya na naikwento pala sa kaniya noon ni Martin na may kapatid siyang doktor at ngayon ay hindi niya inaasahan na ang doktor na iyon ay si Julian Buenavista.
"SIYA nga pala, kaibigan pasensiya na kung nasabi ko ang lahat kay Julian kagabi. Hindi lang kasi ako makapagpigil na pareho kayo ni Celestina na malalagay sa alanganin habang siya ay walang kamalay-malay sa totoong nangyayari. Kung kaya't minabuti kong sabihin na sa kaniya ang totoo na tinutulungan mo nga si Celestina. Tinanong niya sa akin kung bakit mo naman tinutulungan si Celestina kaya't sinabi ko rin sa kaniya ang palagay ko na si Celestina ang nakita mo sa hardin ng hacienda Cervantes noon dahil sa kapareho nitong kuwintas tulad kay Loisa at hiyang naman siya sa rosas 'di tulad ni Loisa" saad ni Timoteo habang nakayuko pa. Kasalukuyan silang naglalakad pauwi at kanina pang umaga hindi umiimik si Martin.
Napatigil naman sa paglalakad si Martin sabay lingon sa kaibigan at bigla siyang natawa dahil inaakala nito na kaya hindi siya umiimik ay dahil sa galit siya rito. Agad niyang inakbayan ng mahigpit si Timoteo saka ginulo-gulo ang buhok nito. "Huwag ka nga maglungkot-lungkutan diyan! Hindi nababagay sa iyo" tawa ni Martin habang sinasakal si Timoteo gamit ang kaniyang braso. Nagpupumiglas naman si Timoteo habang tumatawa pa ito ng malakas dahil may kiliti siya sa leeg. Pinagtitinginan na tuloy sila ng mga tao sa labas.
"Suko na ako! Patawad Señor" pagsusumamo pa ni Timoteo habang humahalakhak ito ng malakas. Nang makontento na si Martin ay pinakawalan na niya ang kaibigan sabay tawa rin ng malakas. "Dapat nga akong magpasalamat sa iyo dahil hindi ko inaasahan na kakausapin ako ni Julian kagabi" saad ni Martin, bigla namang napatigil si Timoteo sa pag-aayos ng kaniyang buhok at sumbrero sa ulo at napanganga pa.
"Kinausap ka ni Julian?" gulat na tanong ni Timoteo. Tumango naman si Martin sabay ngiti. "Sa loob ng halos isang dekada ay nakapag-usap muli kami nang parang noong mga bata lang kami. Walang problema, walang kumpitensya, walang lamangan" saad ni Martin at napahinga siya ng maluwag.
"Kung gayon, ano pa ang pinoproblema mo ngayon? Bakit ang lalim ng iyong iniisip magmula pa kanina?" hirit pa ni Timoteo at napapaiwas pa sila sa mga papasalubong na kalesa sa kalye. Dumalo sila sa maliit na pagpupulong kanina na pinangunahan ng isang opisyal patungkol sa mga proyektong nais nilang isakatuparan sa kanilang bayan.
Napahinga muli nang malalim si Martin saka napatulala sa daan habang naglalakad sila ng dahan-dahan. "Sinubukan ko nang makipag-hiwalay kay Loisa kagabi sa prusisyon" diretsong sagot ni Martin na ikinagulat ni Timoteo. Halos mahulog na ang kaniyang panga at lumuwa na ang kaniyang mga mata dahil sa matinging pagkabigla sa sinabi ng kaibigan.
"Ano? Paanong? Bakit? Kagabi?" sunod-sunod na tanong ni Timoteo dahilan para mapalingon pa ang ilang tao sa paligid dahil sa nakakawindang na reaksyon nito. Agad naman siyang hinila ni Martin sa kwelyo at kinuwento niya ang buong pangyayari...
Kagabi, habang umaawit ang lahat sa prusisyon hawak-hawak ang kani-kanilang mga kandila ay tahimik lang si Martin na naglalakad kasabay ng mga tao habang nasa tabi naman niya si Loisa na nakakapit sa kaniyang bisig. "Naalala mo ba ang unang liham na binigay ko sa iyo noon?" nakangiting tanong ni Loisa gamit ang malambing nitong boses.
Tumango lang si Martin at hindi lumingon sa kaniya. "Hanggang ngayon ay palagi ko pa ring itinatago ang mga rosas na binigay mo sa akin noong mga nakalipas na taon" ngiti pa ni Loisa at napabahing pa siya ng tatlong ulit sabay ngiti muli.
Hawak niya ngayon ang tatlong rosas na binigay sa kaniya ng mga batang lalaki na umawit ng dasal kanina bago magsimula ang prusisyon. "Napakalamig na nang gabi ngayon, hindi ba?" patuloy pa ni Loisa sabay kapit ng mahigpit sa braso ni Martin. Ngunit nagulat siya nang biglang magsalita si Martin at lumingon sa kaniya. "Ang kuwintas na suot mo, ikaw ba talaga ang nagmamay-ari niyan?" tanong ni Martin sabay ngiti. Bigla namang napatigil si Loisa, napansin niyang may kakaiba sa ngiti at sa tono ng pananalita ni Martin.
Sinubukan na lang niya ngumiti pabalik sabay kapit muli ng mahigpit sa braso ng nobyo. "Oo n-naman" sagot niya, ang kaniyang kaba ay umaabot na hanggang sa kaniyang lalamunan kahit pa alam naman niya sa sarili niya na totoo ang kuwintas na suot niya ngunit ang hindi lang malinaw ay kung bakit may kapareho siya nito.
Nang makarating sila sa loob ng simbahan pagkatapos ng prusisyon ay dumalo rin sila sa misa. Nakaupo sa kabilang hilera ng mga upuan ang mga kalalakihan habang nasa kaliwang bahagi naman ang mga kababaihan. Nang matapos ang misa ay dali-dali siyang naglakad patungo kay Martin na ngayon ay nanatili pa ring nakaupo sa upuan habang ang mga tao ay abala na sa paglalakad papalabas sa simbahan.
Nang makalapit siya kay Martin ay agad siyang umupo sa tabi nito. Magsasalita na sana siya ngunit bigla siyang napabahing ng malakas at napatingin siya sa gilid ng upuan kung saan nakasabit ang mga puting rosas bilang disenyo sa purisisyon. Magmula pagkabata ay hindi na siya hiyang sa kahit anumang uri ng bulaklak.
Nang lumingon siya kay Martin ay wala itong imik na nakatingin sa kaniya, ilang sandali lang ay tumayo na si Martin at agad niyang hinawakan ang braso nito upang pigilan siya. "S-sandali" saad ni Loisa, napatigil naman si Martin at lumingon sa kaniya. Napatingin siya sa bulaklak na rosas na hawak na ngayon ni Loisa, kinuha niya ito sabay dukot ng isang rosas na gawa sa papel mula sa kaniyang bulsa.
Nanlaki ang mga mata ni Loisa at nanigas siya sa gulat nang mapagtanto niya na isang rosas na gawa sa papel ang binigay sa kaniya ni Martin. Tila nabalot ng matinding lamig ang kaniyang buong katawan dahil batid niyang may nais ipahiwatig si Martin sa pagbigay ng papel na rosas na iyon.
Magsasalita pa sana siya ngunit tinalikuran na siya ni Martin at dire-diretso itong naglakad papalabas ng simbahan na puno ng galit at matinding inis kay Loisa kung kaya't hindi niya napansin ang pagsalubong sa kaniya ni Celestina upang iabot ang kuwintas na relo. Nang mahimasmasan si Loisa ay agad niyang sinundan si Martin papalabas ngunit napatigil siya sa pintuan ng simbahan nang maabutan niyang hawak-hawak na ni Julian si Celestina at pilit na tinatanong nito ang relos na hawak ng dalaga.
INILIBOT ni Celestina ang kaniyang mga mata sa loob ng klinika ni Julian. Nakaupo siya ngayon sa mahabang kama kung saan pinagpapahinga ni Julian ang kaniyang mga nagiging pasyente. Napansin ni Celestina na napakaraming makakapal na aklat ang nakapalibot sa klinika at marami ring mga garapon na naglalaman ng mga palaka, daga, utak ng tao at kung anu-ano pang mga bagay na may kaugnay sa pag-eeksperimento.
Napansin din ni Celestina ang iba't ibang mga kagamitan ni Julian sa panggagamot. Maging ang malaking manika sa gilid kung saan nakaguhit sa katawan nito ang lahat ng parte ng lamang loob ng isang tao. Ilang sandali pa ay napaupo ng tuwid si Celestina nang mapansin niyang naglalakad na si Julian papasok sa kilinika nito.
Agad siyang tumayo nang pumasok na si Julian at nagbigay galang ngunit dire-diretsong naupo lang si Julian sa mesa nito habang nagbabasa ng libro. Napalingon si Celestina sa labas at nakita niya si Loisa na nakatingin sa bintana sa labas.
Lalabas na lang sana si Celestina ngunit biglang tumayo si Julian at naglakad ito papalapit sa kaniya. "Ang balita sa akin ni Loisa ay namamaga raw ang iyong tuhod" panimula ni Julian gamit ang kalmado nitong boses.
Tumango lang si Celestina at napayuko. Hindi niya rin magawang tumingin ng diretso sa mga mata ni Julian dahil sa nangyari kahapon. Ilang sandali pa ay muling naglakad si Julian pabalik sa kaniyang mesa, kinuha niya ang isang maliit na bote na gamot sa pamamaga at naglakad pabalik kay Celestina.
"Maaari ko bang makita ang kalagayan ng iyong... Ah! hindi na bale" biglang saad ni Julian na ngayon ay gulat na gulat din dahil sa kaniyang sinabi. Isang malaking kapangahasan kung sakaling ipapataas niya ang saya/palda ni Celestina upang masuri ang tuhod nito ngunit isa naman siyang doktor at hindi dapat nagkakaroon ng ganoong klaseng kaisipan ang isang doktor. Iyon ang mga bagay na nagtatalo ngayon sa isipan ni Julian kung kaya't kanina pa siya pabalik-balik sa mesa at palakad-lakad sa bawat sulok ng kaniyang klinika bagay na ipinagtataka ni Celestina.
Makalipas lang ang ilang minuto ay dumating na si Manag Adelia dala-dala ang dalawang tasa ng mainit na tsokolate at dalawang balot ng suman pang miryenda. Bago pa makapasok sa loob ng klinika si manang Adelia ay hinarang na siya ni Loisa "Ako na po ang magdadala nito sa loob manang, mabuti pang magpahinga na po kayo" magiliw na wika ni Loisa. Napangiti naman si manang Adelia. "Maraming Salamat hija, pagpalain ka nawa ng Maykapal" saad ni manang Adelia saka nagtungo sa silid ng kambal na alaga.
Maingat namang dinala ni Loisa ang miryenda papasok sa klinika ni Julian at naabutan niyang abala si Julian sa pagkalikot ng mga gamot sa aparador nito. Inilapag ni Loisa sa maliit na mesa sa tabi ni Celestina ang miryenda saka hinarap ang dalaga. "Huwag ka mag-alala magaling na doktor si ginoong Julian at ako na rin ang bahala kay madam Villareal mamaya kung sakaling hanapin ka niya ngayon" saad ni Loisa ngunit bago siya lumabas sa klinika ay napalingon muli siya sa leeg ni Celestina. Kanina niya pa tinitingnan ang kuwintas na suot nito ngunit hindi niya masyado makita dahil nakapaloob ito sa loob ng damit ng dalaga.
"Sandali, Celestina" saad ni Loisa at inayos niya ang buhok ni Celestina na nakapusod, pinagpagan niya rin ang blusa ng dalaga saka inayos ang blusa nito ngunit bigla siyang napatigil nang makita na niya ang disenyo ng kuwintas nito.
Nanlaki ang kaniyang mga mata sa gulat nang mapagtanto niya na magkaprehong-magkapareho nga sila ng kuwintas. Tila naistatwa siya sa tapat ni Celestina at ilang segundo siyang napatulala sa kuwintas na suot nito. Ilang sandali lang ay natauhan na si Loisa nang marinig niya ang paparating na kalesa. Sakto rin namang lumapit na si Julian habang hawak-hawak ang iba pang mga gamot.
"L-lalabas na ako sandali" saad ni Loisa saka naglakad papalabas sa klinika. Napatigil siya sa pintuan at napahawak sa kaniyang puso dahil ngayon ay malinaw na sa kaniya na si Celestina nga ang nagmamay-ari ng isa pang kuwintas na katulad ng sa kaniya at ngayon ay hindi na niya alam kung paano ito sasabihin sa kaniyang ama.
Hindi nagtagal ay narinig na niya ang yapak ng paa paakyat sa hagdanan at napatigil siya nang mapatingin sa kaniya si Martin na ngayon ay nagulat at nagtataka rin kung anong ginagawa ni Loisa sa loob ng kanilang tahanan.
Nagsimula nang humakbang si Loisa papalapit kay Martin at nagbigay-galang siya rito. "Anong ginagawa mo rito?" tanong ni Martin, hindi naman nagsalita si Loisa at nanatili lang siyang nakayuko at nakatingin sa sahig. Magsasalita pa sana si Martin ngunit biglang nagsalita si manang Adelia na ngayon ay kakalabas lang sa silid ng kambal na sina Joaquin at Javier.
"Narito ka na pala señor, nais mo rin ba ng miryenda?" tanong ni manang Adelia. Ngumiti naman at umiling si Martin. Bigla namang bumukas ang pintuan at sumilip doon sina Joaquin at Javier na ngayon ay nakangisi ng todo.
"May kasamang magandang binibini si kuya Julian sa kaniyang silid. Sa tingin namin ay siya na ang magiging nobya ni kuya Julian" tawa ni Javier, agad naman silang sinaway ni manang Adelia at pinapasok sa loob.
"May binibini sa loob ng silid ni Julian?" nagtatakang tanong ni Martin, bigla namang natawa si manang Adelia. "Hindi sa silid hijo, sa klinika niya kasama si Celestina upang gamutin" sagot ni manang Adelia na ikinagulat ni Martin. Agad siyang napalingon kay Loisa na ngayon ay wala pa ring imik. Hindi na nagdalawang-isip pa si Martin at namalayan na lang niya na naglalakad na siya ngayon patungo sa klinika ni Julian.
Bubuksan na sana niya ang pinto ngunit biglang hinawakan ni Loisa ang doorknob upang pigilan siya. "Hindi tamang abalahin mo ang trabaho ng iyong kapatid. Kung tutuusin ay hindi mo naman dapat pakialaman ang kaniyang gawain" pagpigil ni Loisa habang seryosong nakatingin kay Martin. Hindi naman agad nakapagsalita si Martin, tama nga naman wala siyang karapatan na pakialaman ang propesyon ng kaniyang kapatid na doktor. At hindi naman niya ito pinapakialaman sa gawain nito noon pa man.
Ngunit iba ngayon, si Celestina ang inaalala niya lalo na't mukhang desidido pa si Don Facundo na ipakulong si Celestina upang hindi mapahiya si Julian sa pagbibintang na ginawa nito. Magsasalita pa sana si Martin ngunit napatigil sila nang marinig ang boses ni Julian mula sa loob ng silid.
"Siya nga pala, nais ko ring humingi ng paumanhin sayo tungkol sa nangyari kagabi sa simbahan. Ang totoo niyan, hindi ako ang tipo ng tao na nakikialam sa nangyayari sa aking paligid. Hangga't maaari ay ayokong nakikialam sa gawain ng ibang tao ngunit hindi ko alam kung bakit kagabi ay parang naugnay ako sa mundo" saad ni Julian dahilan upang matauhan si Celestina at mapalingon sa kaniya.
Naglakad muli si Julian papalapit sa kaniyang mesa at kinuha ang libro na kanina niya pa binabasa saka naglakad pabalik kay Celestina at iniabot iyon sa dalaga. "Hindi lahat ng uri ng kapansanan sa pagsasalita ay permanente. May mga taong nakakapagsalita muli sa tulong ng medisina at mga paraan upang mapanumbalik ito" wika ni Julian sabay abot ng libro kay Celestina, ilang segundong napatitig si Celestina sa librong iyon na patungkol sa medisina at dahan-dahan niya itong kinuha sa kamay ng binata.
"Umaasa akong makapagsasalita ka muli... Celestina" patuloy ni Julian sabay ngiti ng kaunti, napatingala naman sa kaniya si Celestina at sa pagkakataong iyon ay isang ngiti at tatlong tango ang pinakawalan niya sa binata bagay na nakita mismo ni Martin na ngayon ay seryosong nakatayo sa tapat ng pintuan at nakatingin sa kanila.
********************
#ThyLove
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top