Ika-Labing Apat na Kabanata
[Kabanata 14]
NAGSIMULANG magbulungan ang mga tao sa paligid at agad silang tumabi sa gilid dahil paparating na ang kalesang sinasakyan ni madam Costellanos na siyang kilalang may ari ng bahay-aliwan. Halos lahat ay gulat na nakatingin sa mataray na señora na kilala ring maraming koneksyon lalo na sa matataas na opisyales na karaniwang parokyano ng kaniyang negosyo.
Agad hinawakan ni Martin ang braso ni Celestina at inalalayan itong makatayo habang yakap-yakap pa rin nito si Esteban na hindi na matigil sa pag-iyak. "Maligayang pagdating, madam Costellanos" bati ni madam Villareal at nagbigay-galang sa kaibigan.
Inalalayan ng dalawang guardia personal si madam Costellanos pababa ng kalesa. Maliit lang itong babae at medyo may katabaan. Ang kaniyang mata ay malalim na medyo singkit at maputi ang kaniyang balat. "Ngayon na lang ako muli nakatapak dito sa loob ng sentro" wika ni madam Costellanos sabay kumpas ng kaniyang mamahaling abaniko na kulay pula. Matunog ang bahay-aliwan na pagmamay-ari ni madam Costellanos na matatagpuan sa labas ng Intramuros. Malapit ito sa Binondo at nahahalo sa mataong lugar ng pamilihan.
Mariing ipinagbabawal ng simbahan ang pagbebenta ng aliw ng mga kababaihan kung kaya't halos patago lang ang kalakaran nito. Ngunit ang bahay-aliwan ni Costellanos na sa tamang bigkas ay (Kos-Tel-Ya-Nos) ay nag-iisang bahay-aliwan na malayang nagbubukas gabi-gabi sapagkat sinusuportahan siya ng matataas na opisyal lalong-lalo na ni Don Amadeo Espinoza na nagkakaroon din ng bahagi mula sa kinikita ng bahay-aliwan.
Inilibot ni madam Costellanos ang kaniyang mga mata at isa-isang tiningnan sina Timoteo, Linda, Martin at nang mabaling kay Celestina ang kaniyang paningin ay napangisi siya sa kaniyang sarili. "Celestina Cervantes... Nagkita tayo muli, iyo bang naalala ang sinabi ko sa iyo noon?" ngisi ng señora. Napatulala lang si Celestina habang dahan-dahang pumapatak ang luha sa kaniyang mga mata...
Isang hapon, habang abala si Celestina sa pamimili ng mga sangkap para sa hapunan sa palengke ay nakasalubong niya sa daan si madam Costellanos kasama ang dalawang dalaga na dadalhin nito sa opisyal na nakatira sa loob ng Intramuros. Napatigil sa paglalakad ang señora at napalingon kay Celestina.
"Sandali..." tawag nito kung kaya't napatigil din sa paglalakad si Celestina at napatingin sa kaniya. "Nakita na kita sa tahanan ni madam Villareal, ikaw ang kaniyang alipin na dating nabibilang sa alta sociead na anak ni Don Mateo Cervantes, hindi ba?" wika ni madam Costellanos, napayuko naman si Celestina lalo na't nais niyang itago ang kaniyang mukha ngunit marami nang nakakakilala sa kaniya at nakababatid ng trahedyang sinapit ng kaniyang buhay.
Nagsimulang maglakad si madam Costellanos papalapit kay Celestina, hindi nila alintana ang napakaraming tao sa paligid na naglalakad sa iba't ibang direksyon. Sumunod din ang dalawang babaeng bayaran na nasa likod ni madam Costellanos. Nakabalot sila ng talukbong ngunit batid ng lahat na sila ay babaeng bayaran dahil kasama nila ang kilalang bugaw na señora.
Hinawakan ni madam Costellanos ang baba ni Celestina at pinatingin ng diretso sa kaniya. Pinagmasdan niyang mabuti ang mata, ilong, labi at makinis na balat ni Celestina at napangisi siya sa kaniyang sarili "Hindi mo kailangan magbanat ng buto araw-gabi upang mabuhay. May mas madali at matalinong paraan kung nais mong makaahon sa kahirapan. Ang iyong taglay na ganda ay kakaiba, siguradong maglalakbay ang mga banyaga papunta rito masilayan lang ang iyong ganda" ngisi ni madam Costellanos saka hinawi ang buhok ng dalaga "Aking nararamdaman na maninilbihan ka rin sa akin balangaraw, hanggang sa muli nating pagkikita hija" patuloy nito sabay talikod at nagpatuloy na sa paglalakad.
Napatingin naman si Celestina sa dalawang babaeng bayaran na nakasuot ng talukbong, inirapan lang siya ng mga ito saka sumunod sa kanilang señora. Samantala, naiwan naman sa gitna ng kalye si Celestina habang paulit-ulit na tumatakbo sa kaniyang isipan ang mga salitang binitiwan ni madam Costellanos.
Natauhan na lang si Celestina nang biglang lumapit ang isang guardia personal at kinuha sa kaniya si Esteban na ngayon ay nagpupumiglas at sumisigaw na. Agad napaluhod si Celestina sa harapan ni madam Costellanos at madam Villareal na huwag saktan si Esteban.
"Itigil niyo iyan!" sigaw ni Martin at agad niyang kinuha si Esteban sa kamay ng isang guardia personal. "Hindi niyo kailangang gumamit ng dahas upang maisakatuparan ang mga nais niyong gawin!" giit ni Martin, dinala niya si Esteban kay Linda at agad namang binuhat at pinakalma ni Linda ang bata.
Muling inalalayan ni Martin si Celestina na nakaluhod sa lupa ngunit ayaw nitong tumayo. Paulit-ulit siyang nakikiusap kay madam Villareal na huwag siyang ibenta kay madam Costellanos ngunit tila naiirita lang ito sa pagmamakaawa ni Celestina. "Madam Costellanos, pumasok muna tayo sa loob at ipaghahanda kita ng merienda" saad ni madam Villareal, naglakad na sila papasok sa Escuela de Las Niñas. Agad nagsitakbuhan ang mga estudyante ni madam Villareal paakyat sa kanilang mga silid upang hindi sila maabutan nito na nakikiusyoso sa kaguluhang nangyayari sa labas.
Napatulala lang si Celestina sa hindi pagpansin sa kaniya ni madam Villareal at iniwan pa siya nito sa labas. Muli siyang inalalayan ni Martin patayo ngunit nagulat ang binata nang biglang lumapit ang dalawang guardia personal at buong pwersa nilang hinila si Celestina patayo. Napasigaw din sa gulat ang mga tao sa paligid at nagsimula silang magbulungan.
"Ate Tinang!" hagulgol ni Esteban habang yakap-yakap ni Linda. Nagulat ang lahat sa ginawang paghila ng dalawang guardia personal kay Celestina pasakay sa kalesa. Dali-dali namang pinigilan ni Martin ang mga guardia personal "Huwag! Bitiwan niyo siya!" sigaw ni Martin ngunit agad siyang hinarang ng apat pang guardia personal at napatigil ang lahat nang itutok sa kaniya ang mahahabang baril nito.
"Te dispararemos si te paso una vez mas" (We will shoot you, if you step once more) babala ng isang guardia personal habang nakatutok ang baril nito kay Martin. Agad tumakbo si Timoteo papunta kay Martin at inawat ang kaibigan "Tinong! Mag-hunos dili ka" suway ni Timoteo dahil mukhang susugod pa rin si Martin kahit pa nakatuktok na sa kaniya ang mga baril ng guardia personal na kasama ni madam Costellanos.
"Hindi mo mapipigilan ang pagkuha nila kay Celestina gamit ang dahas" patuloy pa ni Timoteo habang hinihila ang kaibigan papalayo ngunit nagpupumiglas pa rin ito. Namumula na sa galit ang buong mukha ni Martin at kung hindi pa siya pinigilan ni Timoteo ay siguradong nabaril na siya ng mga guardia kanina.
Napatingin si Martin kay Celestina na ngayon ay naisakay na sa kalesa, agad pinasuot ng talukbong ang dalaga habang napapalibutan ito ng halos dalawampung guardia personal ni madam Costellanos. Napapikit na lang sa inis si Martin saka pumiglas sa pagkakahawak ni Timoteo at dire-diretso siyang naglakad papasok sa Escuela de Las Ninas.
Nagulat at napatigil sina madam Villareal at madam Costellanos na kasalukuyang naka-mimerienda ng tsaa at tinapay sa salas nang biglang bumukas ang pinto at dire-diretsong pumasok si Martin. "Anong kalapastangan----" hindi na natapos ni madam Villareal ang sasabihin niya dahil biglang nagsalita si Martin at humarap kay madam Costellanos.
"Magkano binenta ni madam Villareal si Celestina sa iyo?" seryosong saad ng binata na ikinagulat nila dahil hindi man lang ito nagbigay galang sa kanila at pabalang din ang pananalita nito. Tumayo na si madam Villareal sabay turo sa binata "Martin! Hindi ko palalagpasin ang kabastusang ito! Makakarating ito sa iyong---" hindi na naman natapos ni madam Villareal ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagsalita si Martin at tiningnan siya ng diretso. Ang mata nito ay nanggagalaiti sa galit.
"Ako na ang magbabayad ng lahat ng pagkakautang ng pamilya ni Celestina sa iyo! Handa kong bayaran kahit magkano!" buwelta pa ni Martin na mas lalong nagpainit sa ulo ni madam Villareal. Samantala, napangisi naman si madam Costellanos habang kalmadong iniinom ang kaniyang tsaa.
"Buo na ang aking pasiya! Si Celestina ay maninilbihan na ngayon sa bahay-aliwan at wala na rin akong habol sa kaniya dahil binili na siya sa akin ni madam Costellanos!" giit ni madam Villareal, bumakat ang ugat sa kaniyang leeg tanda na hindi na niya mapigilan ang inis kay Martin.
Napatingin naman si Martin kay madam Costellanos na nakaupo pa rin at kalmadong nag-mimiryenda "Ako na ang magbabayad ng ibinayad mo kay madam Villareal, hindi nababagay si Celestina sa lugar na iyon!" sigaw ni Martin na halos umalingangaw sa loob. Rinig na rinig ng mga estudyante ni madam Villareal ang pagtatalo sa ibaba at isa na rin doon si Loisa na tulala lang na nakaupo sa kaniyang kama.
Inilapag na ni madam Costellanos ng dahan-dahan ang tasa ng tsaa saka tumingin ng diretso kay Martin "Ako lang ang makapagsasabi kung sino ang babaeng nababagay sa bahay-aliwan. Hindi ako basta-basta tumatanggap ng babae roon lalo na kung alam kong hindi ito papasa sa panlasa ng mga ginoo na aming pinagsisilbihan. Si Celestina ay dating kabilang sa alta Sociedad at unica hija ni Don Mateo Cervantes. Si Celestina ay isang mabangong rosas na hindi pa nagagalaw ng sinuman. Isang rosas na mahalimuyak at nakakaakit sa libo-libong mga bubuyog. Sa pagdating niya sa aming tahanan, tiyak na maraming mga bubuyog ang handang magbayad ng malaki matikman lang ang tamis ng rosas kahit isang gabi" nakangising saad ni madam Costellanos na ikinagulat ni madam Villareal dahil walang pakundangan ang binitiwan nitong mga salita.
Napatulala at hindi nakapagsalita si Martin, tunay na maganda si Celestina at ang bawat titig at pagngiti pa lang nito ay naghahatid na ng matinding pagkabog sa kaniyang dibdib. Tumayo na si madam Costellanos at lumapit kay Martin saka nito hinawakan ang balikat ng binata. Nagulat si madam Villareal sa kapusukang ginawa ni madam Costellanos ngunit hindi naman siya magtataka dahil isang dating babaeng bayaran din naman si madam Costellanos noong kabataan pa nito.
Inilapit ni madam Costellanos ang kaniyang bibig sa tainga ni Martin "Magkita na lamang tayo sa bahay-aliwan. tatlumpung riyal sa isang gabi ni Celestina" bulong nito, tumango rin siya kay madam Villareal saka naglakad papalabas ng pinto.
Naiwan namang tulala si Martin sa kaniyang kinatatayuan hanggang sa matauhan na lang siya nang marinig niya ang pag-andar ng kalesa sa labas. Agad siyang tumakbo papalabas at sinubukung habulin ang kalesang sinasakyan nina Celestina at madam Villareal ngunit agad siyang pinigilan ni Timoteo.
"Hindi makakatulong kay Celestina ang padalos-dalos mong desisyon" wika ni Timoteo, napahilamos na lang sa mukha si Martin habang tinatanaw sa malayo ang kalesang sinasakyan ni Celestina patungo sa bahay-aliwan.
Samantala, nang makalayo na ang kalesa. Isinara na ni Loisa ang bintana sa kaniyang silid saka muling naupo sa dulo ng kaniyang kama. "Nakapagtataka ang mga kinikilos ni Ginoong Martin Buenavista. Bakit ganoon na lamang siya mag-alala para kay Celestina? Hindi niya ba naisip ang mararamdaman ng kasintahan niya?" saad ni Mirna na siyang kaibigan ni Marisol habang nagkukumpulan sila sa labas ng kwarto ni Loisa para iparinig ang kanilang usapan.
"Sa aking palagay ay hindi na sila magkasintahan. Kawawang Loisa" saad naman ni Marisol at nagtawanan sila ng kaniyang mga kaibigan. Napahawak na lang si Loisa nang mahigpit sa kaniyang kama at napapikit sa inis. Kasabay niyon ay may luhang pumatak mula sa kaniyang mga mata na may bahid ng matinding pagkamuhi para kay Celestina at Martin. Muli niyang naalala ang sinabi niya sa kaniyang ama nang magpunta siya sa Laguna kaninang madaling araw...
"Ikaw ba ay nagpaalam kay madam Villareal na magtutungo ka rito? At bakit wala ka man lang kasama?" seryosong saad ni Don Amadeo, hindi pa rin siya makapaniwala na magagawang bumyahe ni Loisa mag-isa pauwi sa Laguna habang papasikat pa lang ang araw.
Nakaupo sila ngayon sa azotea habang umiinom ng mainit na kape si Don Amadeo at nakalatag sa mesa ang babasahin niyang diyaryo. "Patawad ama, ngunit may mahalaga po akong ipapakiusap sa inyo" saad ni Loisa sabay yuko. Pilit niyang tinatago sa kaniyang ama ang pamamaga ng kaniyang mga mata kakaiyak nang makipaghiwalay sa kaniya si Martin.
Kunot-noo namang tumingin si Don Amadeo sa anak, napahinga pa ito ng malalim saka binuklat ang diyaryo at nagsimulang magbasa "Gaano ba kahalaga iyan at nagawa mo pang umuwi rito nang walang pasabi" seryosong wika ng Don, hindi pa rin ito natutuwa sa biglaang pagdating ni Loisa nang wala man lang kasama.
"Ipatapon niyo po si Celestina sa bahay-aliwan" diretsong saad ni Loisa na seryoso ring nakatingin sa ama. Napatigil si Don Amadeo sa pagbabasa ng diyaryo at napatingin sa anak. "Anong...? Hindi ba ikaw ay nakiusap sa akin noon na iligtas siya sa hukuman? At ngayon nais mo siyang ipatapon sa bahay-aliwan? Ano bang nangyayari?" naguguluhang tanong ni Don Amadeo, inilapag na niya sa mesa ang binabasang diyaryo.
"Nagdudulot siya ng lamat sa aming relasyon ni Martin" seryosong saad ni Loisa at agad niyang pinunasan ang namumuong luha sa kaniyang mga mata dahil sa matinding inis. Napasandal na lang sa upuan si Don Amadeo.
"Nagdadalawang-isip na akong ipakasal ka sa Buenavistang iyon, hindi ko rin siya gusto para sa iyo. Mas mabuting ang kababata mo na lang na si Heneral Miguel Contreras ang iyong mapangasawa" wika ni Don Amadeo, matagal na rin niyang pinag-iisipan na bawiin ang kasunduang kasal sa pagitan ng pamilya Espinoza at pamilya Buenavista dahil sa pabalang na pagsagot sa kaniya ni Martin.
"Si Martin lang po ang aking papakasalan, ama. Kung hindi si Martin ay mas mabuting mawala ako sa mundong ito" giit ni Loisa na ikinagulat ni Don Amadeo. Inihampas ni Don Amadeo ang diyaryo sa mesa pero hindi natinag si Loisa.
"Ano bang nangyayari sa iyo Loisa?! Ikamamatay mo kapag hindi mo nakatuluyan ang lalaking iyon? Puro pasakit na ang naidudulot niya sa iyo at sa akin ngunit patuloy ka pa ring nahihibang sa kaniya!" galit na saad ni Don Amadeo, napakalas din ang boses nito dahilan para mapatakbo pababa ang ilan sa mga kasambahay na magdadala sana sa kanila ng almusal.
"Marami at malayo na po ang aking naisakripisyo para sa aming relasyon, ama. Hindi ako makapapayag na maglalaho na lang ang lahat na parang bula. Nang piliin kong magsinunggaling at magpanggap na babaeng iniibig niya sa simula pa lang ay pinili ko na ring panindigan ang pag-ibig ko sa kaniya hanggang sa dulo" pagpupumilit pa ni Loisa habang seryosong nakatingin sa ama.
Napabuntong-hininga na lang si Don Amadeo, kung matigas ang ulo ni Leonora ay mas matigas ang ulo ni Loisa kapag seryoso ito. "Bukod doon, kung hindi kami magkakatuluyan ni Martin. Hindi magiging isa ang pamilya natin sa pamilya Buenavista" patuloy ni Loisa, uminom muli ng kape si Don Amadeo at kahit papaano ay kumalma ang kaniyang pakiramdam dahil sa init at tapang ng kape.
"Wala na akong pakialam kung maging isa ang pamilya natin sa mga Buenavistang iyon" wika ni Don Amadeo na parang biglang nawalan ng gana nang mabanggit ang pamilya Buenavista. Kailanman ay hindi naman siya nasindak at batid niyang hindi siya masisindak ng mga Buenavista lalo na't pakiramdam niya ay sunod-sunuran at walang laban naman ang mga ito sa kaniya lalo na si Don Facundo.
"Kung hindi magiging isa ang pamilya natin sa Buenavista, kung sila ay hindi natin magiging kakampi... Siguradong magiging kalaban natin sila" diretsong saad ni Loisa na nagpatigil kay Don Amadeo. "Tahimik at mapagmatiyag si Don Facundo, sa ngayon hindi pa natin nalalaman ang tunay na takbo ng kaniyang isipan. Sa tingin mo ba ama, hindi niya inaalam ang tungkol sa iginuhit na kuwintas na nakita niyo noon? Paano na lang kung mapagtagpi-tagpi niya ang lahat at malaman na si Celestina ang nagmamay-ari ng orihinal na kuwintas? Tiyak na magiging alas niya si Celestina upang kalabanin kayo" saad ni Loisa, napatulala sa gulat si Don Amadeo at naliwanagan siya sa mga sinabi ng anak.
"Ngayon, kung hindi matutuloy ang kasal namin ni Martin, magiging kalaban niyo ang mga Buenavista sa darating na panahon. Ngunit kung maikakasal kami ni Martin at maging isa na akong ganap na Buenavista, siguradong hindi ilalaglag ni Don Facundo ang pangalan at dangal ng kaniyang anak at pamilya para lang sa totoong may ari ng kuwintas na si Celestina" dagdag pa ni Loisa, sa reaksyon ng kaniyang ama ay batid niyang unti-unti na niyang nakukumbinsi ito.
"K-kung gayon, paano natin maipapatapon sa bahay-aliwan si Celestina?"
"Hawak ngayon ni madam Villareal si Celestina dahil sa pagkakautang ni Don Mateo sa kaniya. Ngayon na po ang tamang panahon para singilin niyo si madam Villareal sa lahat ng pabor na ibinigay niyo sa kaniya. Ipag-utos niyo po kay madam Villareal na ibenta niya si Celestina sa bahay-aliwan. Siguradong hindi naman iyon mabigat para kay madam Villareal dahil labis niya ring kinamumuhian si Celestina" saad ni Loisa, napangisi naman si Don Amadeo sa anak.
"Hindi ko akalain na napakatalino at napakagaling mo gumawa ng paraan, anak. Tunay na nagmana ka nga sa akin" ngisi ni Don Amadeo, nang matapos sila mag-almusal ay agad silang nagtungo sa Maynila upang kausapin si madam Villareal.
ALAS-SAIS na ng hapon, papalubog na rin ang araw. Isa-isa nang sinisindihan ng mga tao ang kanilang mga gasera at buhay na buhay pa rin ang palengke. Kabi-kabila ang pagtawag ng mga tindero at tindera sa mga mamimili na naglalakad sa gitna ng kalsada. Patuloy din ang pagdaan ng mga kalesa at kariton na naglalaman ng mga sako-sakong bigas at iba't ibang paninda.
Halos dalawampung minuto nang nakatayo si Martin at Timoteo sa labas ng bahay-aliwan ni madam Costellanos. May tatlong palapag ang bahay-aliwan at ang bawat haligi ng bahay ay gawa sa matibay na bato at kahoy. Nakasara pa ang mga bintana, senyales na sarado pa ito. Mamaya pa ito magbubukas, ngunit maagang nagtungo roon ang dalawa dahil sa pagpupumilit ni Martin na makausap si madam Costellanos.
May kalumaan na ang bahay at kitang-kita pa lang mula sa labas na hindi napagtutuunan ng pansin ni madam Costellanos ang mga bitak sa pader at ilang butas sa bintana na gawa sa capiz. "Hindi ko hahayaang tumira si Celestina sa bahay na ito" seryosong saad ni Martin habang tulalang nakatingin sa bahay-aliwan.
"Naalala mo ang sinabi ko sa iyo noon? Balang-araw ikaw ay makakatapak din sa tarangkahan ng bahay-aliwan. Hindi ko lang akalain na ang babaeng minsang tinanggihan mong pakasalan ay siya rin palang magiging dahilan nang pag-apak mo rito sa bahay-aliwan" saad ni Timoteo, ang tono ng kaniyang pananalita ay may bahid ng pag-aalala sa kaibigan at sa sinisinta nito.
"Kung nalaman ko lang nang mas maaga na siya pala talaga ang babaeng nakita ko sa hardin ng hacienda Cervantes, kung pumayag lang ako noon sa kasunduang kasal naming dalawa, kung pinakasalan ko siya bago mamatay ang kaniyang ama... Marahil ay hindi niya dinaranas ang lahat ng paghihirap na ito ngayon. Kasalanan ko ang lahat ng ito..." saad ni Martin, nababakas sa tono ng pananalita nito ang matinding kalungkutan at pagsisisi.
Hinawakan naman ni Timoteo ang balikat ng kaibigan at tinapik ito "Huwag mo sisihin ang iyong sarili. Marahil ay pinagtagpo kayo muli ni Celestina sa oras na ito dahil ito na tamang pagkakataon para tulungan mo siya" wika ni Timoteo, napahinga na lang ng malalim si Martin saka napayuko.
Ilang sandali pa, bumukas na ang gasera sa ikalawang palapag ng bahay-aliwan. "Bukas na sila" saad ni Timoteo, napahinga na lang ng malalim si Martin saka sumunod sa kaibigan na naunang naglakad sa tapat ng pinto. Kumatok siya ng tatlong ulit at mabilis namang bumukas iyon.
Isang dalaga na nakalugay ang mahabang buhok ang nagbukas ng pinto "Nagagalak akong makita kang muli Señor Timoteo" nakangiting bati ng dalaga, maganda ito lalo na ang mapupungay na mata na kaniyang tinataglay. Napakamot naman sa ulo si Timoteo sa hiya dahil kilala na siya ng halos lahat ng babaeng bayaran doon.
Napatingin naman ang babae kay Martin na nasa likuran ni Timoteo "Ikaw ay may kasama... Maaari mo ba akong ipakilala sa maginoong iyong kasama? Señor Timoteo" ngisi pa ng babae, ang tono ng pananalita nito ay malambing at sadyang nakakaakit.
"Paumanhin Miranda ngunit ang aking kaibigan ay may mahalaga lang na sasabihin kay madam Costellanos, nariyan ba siya?" tanong ni Timoteo, napabunsangot naman si Miranda saka binuksan ng malaki ang pinto. "Narito siya, tuloy kayo" saad ni Miranda, agad namang naghubad ng sumbrero si Timoteo at Martin nang makapasok sila sa loob.
Hindi naman magawang tumingin ni Martin kay Miranda dahil manipis ang puting bestida na suot nito. Bagay na hindi nararapat isuot ng isang marangal na binibini. "Maaari mo bang sabihin kay madam Costellanos na naririto kami?" pakiusap muli ni Timoteo kay Miranda, wala namang nagawa si Miranda kundi umakyat sa ikalawang palapag at hindi niya pa rin inaalis ang kaniyang mata sa napakagandang lalaki na ngayon pa lang niya nakita, si Martin Buenavista.
Nang makaalis si Miranda ay muling napakamot ng ulo si Timoteo "Pasensiya na Tinong, sadyang mapusok talaga ang isang iyon ngunit maaasahan iyan si Miranda" nahihiyang saad ni Timoteo, tiningnan naman siyang mabuti ni Martin.
"Napagsilbihan ka na rin ba ng babaeng iyon na nagngangalang Miranda?" usisa ni Martin, napatango naman si Timoteo at napayuko sa hiya. Napahinga naman ng malalim si Martin "Kaya siguro gayon na lamang ang sukdulan ng galit sa iyo ni Linda. Batid niyang nagtutungo ka rito at siguradong nasasaktan siya kahit pa sabihing wala siyang pagtingin sa iyo" saad ni Martin at inilibot niya sa paligid ang kaniyang paningin.
Pagpasok pa lang sa bahay-aliwan ay makikita na ang dalawang pabilog na mesa at apat na upuan sa bungad. Walang gamit na nakalagay doon at ang sahig na gawa sa kahoy ay medyo marupok na rin. Ang kisame ay may nakasabit na maliit na chandelier na regalo ng isang mataas na opisyal na minsang dumalaw doon.
Ang mga bintana sa unang palapag ay nakasarado lahat. Nakakandado pa ang iba at natatakpan ng pulang kurtina. Sa bandang kaliwa ng bahay ay naroroon ang maliit na pasilyo patungo sa kusina. At sa bandang kanan naman ay naroroon ang makipot na hagdan patungo sa ikalawang palapag.
Madilim ang loob ng bahay aliwan at rumereplika ang kulay pulang kurtina sa mga gaserang nakalagay sa bawat gilid. "Anong magagawa ko? Hindi ko naman mapigilan ang aking libido" saad ni Timoteo, magsasalita pa sana si Martin ngunit pababa na ng hagdan si Miranda.
"Mga ginoo, hinihintay na kayo ni madam Costellanos sa itaas" ngiti ni Miranda habang nakatitig ng mabuti kay Martin. "Salamat, Miranda" wika ni Timoteo at nauna na itong maglakad paakyat sa makipot na hagdan, sumunod naman sa kaniya si Martin nang hindi lumilingon kay Miranda na halatang inaakit siya.
Pagdating sa itaas, may anim na silid at isang makipot na pasilyo, "Nasa unang silid si madam Costellanos" saad pa ni Miranda mula sa ibaba habang lumalambitin sa hawakan ng hagdan. "Salamat" wika muli ni Timoteo.
"Ito na marahil" saad ni Timoteo sa unang pinto mula sa hagdan. Tumango naman si Martin at siya na ang kumatok ng tatlong ulit. "Bukas iyan" narinig nilang wika ni madam Costellanos mula sa loob. Dahan-dahang binuksan ni Martin ang pinto at tumambad sa kanila ang seryosong hitsura ni madam Costellanos habang nagbibilang ng mga salaping kinita niya.
"Pumasok kayo" saad pa ni madam Costellanos nang hindi tumitingin sa kanila, abala pa rin ito sa pagbibilang ng kaniyang salapi. May isang malambot na kama sa likod at isang mahabang mesa sa gilid ng pinto kung saan naroroon nakalatag ngayon ang halos pitong maliliit na baul na naglalaman ng lahat ng salapi ni madam Costellanos.
Nakaupo ang señora sa tapat ng mesa, nakakalat ang iilang barya, mga papeles at dokumento na kaniyang listahan ng mga salaping kaniyang kinikita. "Kayo ang aming unang bisita ngayong gabi, bawat babae rito ay may katumbas na presyo. Sabihin niyo lang sa akin ang babaeng ibig niyong makasama ngayong gabi" saad ni madam Costellanos nang hindi tumitingin sa kanila. Napansin ni Martin na madilim din ang silid ni madam Costellanos, may mga hubad na ipinintang larawan ang nakasabit sa pader nito at nag-iisang gasera lang ang nagbibigay liwanag sa buong paligid.
"Magandang gabi, ngunit hindi kami naparito upang bumili ng babae. Kung iyong naalala, ako si----" hindi na natapos ni Martin ang sasabihin niya dahil biglang nagsalita si madam Costellanos.
"Martin Buenavista... Hindi mo na kailangan magpakilala hijo, wala pang ilang oras nang huli tayong magkita mula kanina" saad ni madam Costellanos at napangisi pa ito habang patuloy pa rin sa pagbibilang.
Nanatili namang nakatayo si Martin sa tapat ng mesa, habang si Timoteo naman ay nasa tapat ng pinto. "Huwag ka mag-alala, hindi pa naman ngayon magsisimula ang serbisyo ni Celestina. Marahil ay bukas ng gabi. Kailangan ko pa siyang turuan at sanayin kung paano magpaligaya ng lalaki" patuloy ni madam Costellanos, napapikit na lang si Martin at pilit niyang pinipigilan ang kaniyang sarili. Nabahala naman si Timoteo nang makita ang pagpigil nito sa kamao.
"Ngunit sa aking palagay, kahit naman walang gawin si Celestina ay marami pa ring magtutungo rito para hanapin siya. Isang napakagandang dalaga na mula sa alta sociedad ang magpaparanas sa kanila ng langit. Ano sa tingin mo Señor Martin? Isa ka rin ba sa mga ginoong magmimithi na maranasan ang langit sa lugar na ito?" ngisi ni madam Costellanos, hindi na nakapagpigil pa si Martin at nasuntok niya ang mesa dahilan para magsitalsikan ang mga barya na nakakalat doon.
Nagulat si Timoteo at agad niyang hinawakan ang balikat ng kaibigan para awatin ito. Samantala, hindi naman natinag si madam Costellanos saka tumingin ng diretso sa mata ng binata. "Magkano? Magkano ba ang kailangan mo? bibilhin ko si Celestina at aalisin ko siya rito! Sabihin mo sa akin kung magkano?!" sigaw ni Martin habang pinipigilan ni Timoteo.
Nanatili namang kalmado si madam Costellanos at napasandal pa ito sa kaniyang upuan habang nakatingin pa rin sa binata. "Limang daang riyales, iyan ang halaga ni Celestina na kailangan mong bayaran sa akin upang mailayo mo siya rito" saad ni madam Costellanos, kinuha nito ang tobacco na nasa gilid at sinindihan iyon mula sa gaserang nasa tabi niya.
Napatigil at napatulala naman si Martin at Timoteo, "H-hindi makatarungan na tumbasan niyo ng limang daang riyales si Celestina" buwelta naman ni Timoteo, napangisi lang si madam Costellanos lalo na sa gulat na gulat na hitsura ni Martin.
"Ako na ang nagmamay-ari sa kaniya kung kaya't may karapatan akong tumbasan siya ng halaga sa presyong nais ko. Kung hindi mo rin naman maibibigay ang limang daang riyales ngayon, maaari na kayong umalis" saad ni madam Costellanos sabay buga ng usok dahilan para kumalat ito sa buong silid.
Nagulat si Timoteo nang biglang dukutin ni Martin ang kuwintas na relos na gawa sa ginto at inilapag iyon sa mesa. "S-sapat na ba ito?" saad ni Martin, kitang-kita sa mata nito na determinado itong mabawi si Celestina sa kamay ni madam Costellanos.
Inilapag ni madam Costellanos ang tobacco sa lagayan nito saka kinuha ang kuwintas na relo at sinuri itong mabuti. "Mamahalin ang bagay na ito ngunit sa aking palagay ay hindi ito aabot ng limang daang riyales" saad ni madam Costellanos, napayuko na lang si Martin at napahilamos sa mukha niya.
Ibinalik ni madam Costellanos kay Martin ang kuwintas na relo nito "Tunay nga na hindi kapangyarihan o kayamanan ang nagpapaikot sa ulo ng isang lalaki... Kundi babae" ngisi ni madam Costellanos sabay hithit muli ng tobacco.
"Tinong, umuwi na muna tayo. Sinabi na rin naman niya na hindi pa ngayong gabi maninilbihan si Celestina at bukas na bukas ay maghahanap tayo ng salapi" bulong ni Timoteo sa kaibigan, hangga't maaari ay nais niyang pakalamahin ito upang makapag-isip nang nararapat na gawin para mailigtas si Celestina.
Wala nang nagawa si Martin kundi ang magbigay galang bago tumalikod at maglakad papunta sa pintuan ngunit napatigil sila ni Timoteo nang magsalita muli si madam Costellanos. "Hindi nga nakapagtataka na ikaw ay anak ni Don Facundo na minsan ding nakipagtalo sa akin nang ganito" muling ngisi ni madam Costellanos at tumawa pa ito sabay buga ng usok.
Napapikit na lang sa inis si Martin at hindi na lumingon pa, nagsimula na siyang maglakad papalayo at sinigurado niya sa kaniyang sarili na hindi siya titigil hangga't hindi nailalabas sa bahay-aliwan si Celestina.
KINABUKASAN, alas-singko pa lang ng umaga ay abala na si Martin sa pagbibihis. Hindi siya nakatulog buong gabi, sa halip ay nagbasa siya ng maraming libro at dokumento patungkol sa kalakaran ng mga bahay-aliwan at mga babaeng bayaran.
Maingat din niyang inilagay ang mga mahahalagang papeles sa itim na maletin (briefcase). Nang maisuot na niya ang kaniyang uniporme sa opisina ng Real Audencia at itim na sumbrero ay mabilis siyang naglakad pababa ng hagdan.
Napatigil si Linda sa kusina nang makita ang pinsan na dire-diretsong lumabas ng pinto. Hahabulin niya pa sana ito upang tanungin kung bakit hindi ito mag-aalmusal ngunit mabilis na nakalayo si Martin.
Ilang minuto lang ang lumipas ay narating na ni Martin ang 'La Joyeria' na siyang kilalang tindahan ng mga alahas at sanglaan. Kakabukas pa lang ng tindahan at kasalukuyang pinupunasan ng may ari nito na si Don Gonzalo na kilalang magaling na mang-aalahas.
Napatigil si Don Gonzalo sa pagpupunas ng salamin nang bumukas ang pinto ng kaniyang tindahan. "Magandang umaga po" bati ni Martin, hinubad niya ang kaniyang sumbrero at itinapat sa dibdib. Sinuot ni Don Gonzalo ang kaniyang salamin saka muling nilingon ang lalaki.
"Ginoong Martin Buenavista?" tanong ni Don Gonzalo at tiningnang mabuti ang binata. Tumango si Martin at napangiti ang Don "Aking nabalitaan na narito ka nga sa bansa, hindi lang ako nakadalo sa pista sa Laguna ngunit nang minsang dumaan dito ang aking anak ay nabanggit nga niya na narito ka na nga. Maligayang pagbabalik Ginoong Martin" magiliw na saad ni Don Gonzalo na siyang ama ni Marisol. Nasa edad apatnapung taon lang ito ngunit maagang pumuti ang kaniyang buhok kung kaya't madalas siyang pagkamalang matanda.
"Maraming salamat po, Don Gonzalo" saad ni Martin saka naglakad papalapit sa Don. "Ano nga pala ang iyong sadya? Napakaaga naman ng iyong pasok sa Real Audencia" saad ni Don Gonzalo, agad siyang nagsalin ng tubig sa baso saka iniabot kay Martin. Inabutan niya rin ito ng upuan saka pinaupo ang binata.
"Hindi niyo na po kailangang mag-abala, ngunit maraming salamat po, Don Gonzalo" ulit ni Martin dahil asikasong-asikaso siya ng Don. "Siya nga po pala, paano niyo po nalaman na ako po'y nagtatrabaho na si Real Audencia?" nagtatakang tanong ni Martin sabay inom ng tubig na inabot nito.
"Ah, nabanggit lang sa akin ni Marisol. Madalas ka niyang ikwento sa akin" tugon ng Don sabay ngiti at hinandaan na rin niya ng tinapay ang binata. Hindi naman nakapagsalita si Martin, napaisip siya kung bakit kinukwento siya ni Marisol sa ama nito. "Masarap ang tinapay na iyan na gawa sa panaderia ni Mang Jose" patuloy ni Don Gonzalo. Napatigil naman si Martin nang maalala ang araw-araw na pag-aabang niya noon kay Celestina sa panaderia sa tuwing bibili ito ng pandesal sa umaga.
"Don Gonzalo, kaya po ako naparito ay dahil may nais po akong isangla" saad ni Martin, dinukot niya sa bulsa ang kuwintas na relo na gawa sa ginto saka inabot sa Don. Sinuri naman ng mabuti ni Don Gonzalo ang kuwintas na relo gamit ang kaniyang salamin na pang-suri ng mga alahas.
Halos dalawang minuto rin ang lumipas, nang matapos niyang isuri iyon ay muli niyang hinarap ang binata "Ang reloj de bolsillo na ito ay nagmula pa sa Aleman. Tunay at mataas na kalidad din ng ginto ang ginamit sa paggawa nito" paliwanag ni Don Gonzalo, nang marinig iyon ni Martin ay tila nabuhayan siya ng pag-asa ngunit naroon pa rin ang kirot sa kaniyang puso dahil ibinigay iyon sa kaniya ng kaniyang yumaong ina.
"M-magkano ko po kaya maaaring isangla iyan?" tanong niya at lumapit pa siya ng kaunti sa Don. Napahinga naman ng malalim ang Don "Sa aking palagay, maaari mo itong isangla sa akin sa halagang tatlong daang riyales" saad ni Don Gonzalo, napatingin naman si Martin sa kuwintas na relo.
"Maaari po bang limang daang riyales?" hirit niya ngunit napailing si Don Gonzalo. "Paumanhin hijo ngunit hanggang tatlong daang riyales lang ang maitutumbas kong halaga para sa iyong relo. At kung iyong isasangla man ito sa akin ngayon, hindi ko rin maibibigay sa iyo agad ang tatlong daang riyales sapagkat nasa bangko pa ang aking salapi" tugon ni Don Gonzalo, napabagsak na lang ang balikat ni Martin at napasandal sa upuan.
Kung maisasangla nga niya ang kuwintas na relo na pinaka-iingatan niya ay kulang pa rin ito ng dalawang daang riyales upang punan ang kulang sa kabuuhang limang daang riyales na presyo ni madam Costellanos kay Celestina.
"Ngunit sa linggo ay maaari kong maibigay sa iyo ang tatlong daang riyales" patuloy ng Don habang pinagmamasdan ang problemadong binata. Mataas magpatong ng porsyento sa mga sinasanglang alahas si Don Gonzalo ngunit siya lang din ang nagbibigay ng mataas na halaga na katumbas ng mga alahas. "Itutuloy mo ba ang pagsangla sa akin nito?" dagdag ni Don Gonzalo, iminulat na ni Martin ang kaniyang mata saka tumingin sa Don at tumango.
"IYO na bang naasikaso ang mga dokumento na kailangan natin laban sa kaso ni Don Lorenzo Damian?" tanong ni Tonyo kay Martin na kanina pa tulala sa blankong papel na nasa harapan nito. Tanghali na, ilang minuto na lang ay kakain na sila. Kasalukuyang abala si Tonyo at ang iba pa nilang mga kasamahang abogado sa paghahanda ng mga papeles para sa ikalawang pagdinig ng kaso ni Don Lorenzo Damian sa hukuman mamaya.
Si Don Lorenzo Damian ay alcalde mayor ng isang bayan sa Tayabas ngunit naakusahan itong nagpupuslit ng mga ilegal na armas at ilang mga minang ginto sa kabundukang nasasakupan ng kaniyang bayan. "Tinong? Masama ba ang iyong pakiramdam?" ulit ni Tonyo, tatlong ulit na niyang tinatawag kanina ang pangalan ni Martin ngunit tulala lang ito at hindi kumikibo kung kaya't lumapit na siya sa kaibigan.
Natauhan si Martin nang hawakan ni Tonyo ang kaniyang balikat "Kanina pa kita tinatawag, ano bang nangyayari sa iyo?" tanong nito, umiling lang si Martin saka kinuha ang pluma at isinawsaw ito sa itim na tinta. Ipagpapatuloy na niya ang pagsusulat ng liham para sa kaniyang ama, nais niyang humingi ng tulong sa ama kahit pa batid niyang tatanggi itong tulungan si Celestina.
Pinagmasdang mabuti ni Tonyo ang kaibigan saka binuhat ang silya niya sa tapat ng mesa ni Martin at inagaw ang pluma na hawak nito. "Batid kong alam mo na hindi ka rin naman tutulungan ng iyong ama" panimula nito, muling inagaw ni Martin ang pluma sa kamay ni Tonyo pero inilayo niya ito.
"Wala akong gana makipagbiruan ngayon, Tonyo" matamlay na wika ni Martin at akmang aagawin muli ang pluma sa kamay ni Tonyo ngunit inilayo niya itong muli. "Nais ko lang na tulungan ka Tinong. May naisip akong paraan upang mailigtas mo si Celestina sa bahay-aliwan" saad nito habang nilalaro ang pluma. Napatingin naman si Martin sa kaniya at tila nabuhayan ito ng pag-asa.
"A-anong paraan? Sabihin mo sa akin" saad ni Martin, ngumisi naman si Tonyo. Lumingon pa ito sa paligid saka inilapit ang upuan sa mesa ni Martin. "Kailangan mong maghanap ng binatang nabibilang sa alta Sociedad o kahit sa pamilya ng mga negosyante at ipakasal kay Celestina upang hindi na siya mabilang sa mga alipin at babaeng bayaran" tugon nito na halos pabulong lang upang walang makarinig sa kanila.
"Aming nauunawaan ang pagiging matulungin mong kaibigan kay Celestina ngunit baka maging kumpulan ng usapan si Loisa dahil batid ng lahat na ipinagkasundo na kayong dalawa at bukod doon ay kasintahan mo pa siya" patuloy ni Tonyo sabay sandal sa upuan. "Si Timoteo naman ay may asawa na. Habang ako naman ay buhay binata pa at tiyak na hindi makakapayag ang aking ama na isa ring taga-usig noon ni Don Mateo Cervantes noong nabubuhay pa ito" dagdag ni Tonyo, ang ama niya na si Don Sebastian ay isa sa mga kumakalaban noon kay Don Mateo.
"Si Diego naman... Wala pa akong balita sa kaniya nang magtungo siya sa Norte. Hindi ko lang din natitiyak kung papayag si Don Perico na mapangasawa ng anak niya ay isang Cervantes. Mabuti pang itanong mo kay Timoteo" saad ni Tonyo. Anak ni Don Perico sina Timoteo at Diego ngunit mas matanda ng isang taon si Timoteo.
"Ah, may isa pa pala... Si Julian. Ang iyong nakatatandang kapatid" wika ni Tonyo, napatigil naman si Martin. "Wala pang asawa ang iyong kuya at sa tingin ko naman ay papayag ang iyong ama na makasal ang isang anak niya sa Cervantes sapagkat minsan na rin niyang tinugon ang pakiusap noon ni Don Mateo. Ngunit ikaw ang nagpasiya kaibigan na magtutungo ka sa Europa at hindi muna magpapakasal, hindi ba?" patuloy nito, hindi na nakapagsalita si Martin. Kahit saang anggulo tingnan, magagawa niya sanang iligtas noon si Celestina kung pumayag lang siya sa kasunduang kasal noon sa pagitan ng kanilang mga pamilya.
"Bakit hindi mo kausapin si Julian? Marahil ay pumayag siya sapagkat nakilala na rin naman niya si Celestina, hindi ba?" wika pa ni Tonyo, tiningnan naman siya ni Martin ng diretso "Paano mo nalaman na magkakilala sina Julian at Celestina?" seryoso niyang tanong, tumawa naman ang malokong si Tonyo.
"Hindi ba pinagbintangan ni Julian si Celestina na ninakaw ang iyong kuwintas na relo? Nakaabot ang balitang iyon dito sa Maynila" tawa ng binata. Hindi na nagsalita si Martin, napatitig na lang siya ulit sa blankong papel. "Ano? Nais mo bang ako na ang kumausap kay Ju—" hindi na natapos ni Tonyo ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita na si Martin.
"Hindi na. Hindi magandang ideya na ipakasal si Celestina sa kung sinuman. Para ko na rin siyang binenta sa ganoong paraan. Nais kong siya mismo ang pumili ng kaniyang mapapangasawa, ang lalaking tinitibok ng puso niya" napasandal naman sa upuan si Tonyo saka napaisip ng malalim.
"Ano ang iyong balak gawin ngayon?" usisa pa nito. "Bibilhin ko si Celestina kay madam Costellanos" tugon ni Martin. Inilapag na ni Tonyo ang suot niyang sumbrero sa mesa ni Martin. "Magkano?"
"Limang daang riyales" nanlaki ang mga mata ni Tonyo sa gulat. "Napakalaking halaga naman niyan! Maaari ka nang magtayo ng negosyo at bumili ng lupain sa halagang iyan" patuloy pa ni Tonyo. Napakasabunot na lang si Martin sa sarili ngunit napatigil din siya at napatingin muli kay Tonyo nang biglang may ideyang pumasok sa isipan niya "Dalawang daang riyales na lang ang kailangan ko, maaari mo ba akong pahiramin ng salapi?" tanong niya na ikinagulat ni Tonyo.
MAG-ISANG humihikbi si Celestina sa loob ng isang madilim na silid. Hindi siya nakatulog buong gabi hanggang sa maupos na lang ang kandila na nasa loob ng masikip na silid kung saan siya nakakulong ngayon. Nang makarating sila sa bahay-aliwan ay agad siyang kinulong doon ni madam Costellanos.
Tanghaling tapat na ngunit hindi pa rin siya dinadalhan doon ng pagkain. May isang malambot na kama sa loob ng masikip na silid ngunit pinili ni Celestina na ipagsiksikan ang kaniyang sarili sa pinakasulok ng silid kung saan maraming mga sirang baul ang nakatambak doon.
Kagabi pa siya nagtangkang tumakas, sinubukan niyang buksan ang nakakandadong bintana at pinagsisipa iyon ngunit matibay ang pagkakagawa nito. Sinubukan din niyang sipain ang pinto ngunit may nakabantay doon na dalawang guardia personal at sinigawan pa siya.
Kung kaya't wala na siyang nagawa kundi ang maupo sa isang sulok at yakapin ang sarili habang patuloy na humihikbi at tinatawag niya sa kaniyang isipan ang ama. Kahit pagmalupitan pa siya ni madam Villareal araw-araw, kahit doblehin o triplehin pa nito ang mga trabahong pinapagawa sa kaniya at kahit murahin at ipahiya pa siya nito sa publiko ay mas pipiliin niya ang manilbihan bilang kasambahay kay madam Villareal kaysa maging babaeng bayaran.
Ilang sandali pa, napatigil si Celestina sa pag-iyak nang marinig niya ang pagkalas ng kandado mula sa pinto at nang bumukas iyon ay tumambad sa harapan niya ang nakangising hitsura ni madam Costellanos habang nasa likuran nito ang apat na babaeng bayaran.
"Dalhin niyo na siya" utos ni madam Costellanos, agad namang sumunod ang apat na babae at buong pwersa nilang hinila papalabas ng silid si Celestina na pilit na nagpupumiglas sa kanila ngunit sadyang malalakas ang mga ito.
Nauunang maglakad si madam Costellanos, bumaba sila sa hagdan, dumaan sa kusina saka nagtungo sa palikuran. "Hubaran niyo na siya" saad ng señora, nanlaki ang mga mata ni Celestina sa gulat at pilit siyang nagpupumiglas habang isa-isang hinihila ng mga babae ang suot niyang damit. Binuksan ni madam Costellanos ang pinto ng palikuran at nang mahaburan si Celestina ay agad siyang hinila papasok doon at itinulak sa paliguan na gawa sa marmol.
Nagpupumiglas pa lalo si Celestina dahilan para magtalsikan ang tubig sa paliguan ngunit napatigil siya nang maglakad papalapit sa kaniya si madam Costellanos at sinampal siya ng malakas sa mukha. "Hindi ko ugaling manakit ng mga babae rito at ito ang unang beses na nagbuhat ako ng kamay! Hindi ko na uulit-ulitin pa ito sa iyo Celestina ngunit kung patuloy kang lalaban sa akin... Hindi ako magdadalawang isip na ipapatay ang alaga mong batang lalaki" sigaw ni madam Costellanos na ikinagulat ni Celestina maging ng apat na babaeng bayaran dahil ito ang unang beses nilang nakitang nanakit ang señora.
Hinawakan niya ang mukha ni Celestina at diretsong pinatingin sa kaniya "Bakit? Akala mo ba ay buhay mo ang pagbabantaan ko? Batid kong mas pipiliin mong mamatay bago maging babaeng bayaran ngunit hindi ko hahayaan iyon. Nakatadhana ka rito sa bahay-aliwan gaya noong sinabi ko sa iyo, Celestina" seryosong saad nito habang nalilisik ang mata.
"Isa pang pagkakamali Celestina, sa oras na hindi ka sumunod sa akin. Malalagay sa panganib ang buhay ng batang alaga mo" banta pa nito sabay bitaw kay Celestina at tumingin sa apat na tauhan. "Pagkatapos niyo siya paliguan, dalhin niyo siya sa aking silid" utos nito sabay talikod at lumabas na sa palikuran.
Inasikaso na ng apat na babae si Celestina, dahan-dahan nilang binuhos ang tubig na napupuno ng mamahaling pabango at sabon na mula pa sa Tsina at mayroon ding mga bulaklak ng rosas sa tubig. Nanginginig si Celestina hindi dahil sa lamig ng tubig kundi dahil sa takot na kakaharapin niya bilang isang babaeng bayaran.
Nang matapos paliguan si Celestina ay binihisan siya ng isang mahabang bestida na kulay puti ngunit manipis ang tela nito. Manipis kung saan kitang-kita ang makinis niyang balat. Agad siyang dinala ng apat na babae sa silid ni madam Costellanos at nang makarating sila sa loob ay sinarado nito ang pinto dahilan upang maiwan lang silang dalawa sa loob.
Naabutan niyang kumakain si madam Costellanos, karne ng manok, gulay, prutas at alak ang nakahain sa mesa. "Maupo ka" saad nito, napahawak na lang si Celestina sa kaniyang kamay na nanlalamig at nanginginig na ngayon. Nagsimula siyang maglakad papunta sa bakanteng upuan na nasa tapat ni madam Costellanos at naupo roon.
Inabutan siya ng señora ng isang baso "Kunin mo" saad nito, nanginginig na kinuha ni Celestina ang baso at isinalin ni madam Costellanos ang alak sa baso na hawak ng dalaga. "Bago magsimula ang iyong serbisyong ibibigay sa isang ginoo. Marapat lamang na handugan mo siya ng isang basong alak. Ganito mo isasalin ang alak sa kaniyang baso" panimula ng señora at inilapag na niya sa mesa ang bote ng alak.
"Maari mong inumin iyan" kalmadong saad nito, malayo sa pagtataas nito ng boses kanina kay Celestina. "Walang lason iyan" ulit pa nito nang mapansing nagdadalawang-isip si Celestina na inumin iyon. Wala nang nagawa si Celestina at ininom na niya ang alak sa baso. Napapikit siya sa tapang nito.
Nilagyan din ni madam Costellanos ng pagkain si Celestina sa platong nasa harap nito. "May mga parokyano tayo na nais munang kumain at uminom ng alak kung kaya't naghahain din tayo ng pagkain. At dahil hindi ka nakakapagsalita, magagawa mo namang sagutin ang mga katanungan nila sa pamamagitan ng pagsulat" patuloy nito, sabay abot naman ng tobacco kay Celestina.
"Mahalagang masanay ka rin sa amoy ng sigarilyo at sa usok nito. Mahilig sa sigarilyo ang ating mga parokyano at hindi sila matutuwa kung uubuhin ka sa harapan nila habang sila ay naninigarilyo" dagdag nito sabay sindi ng sigarilyo at pinakalat ang usok sa buong silid.
Napasandal si madam Costellanos sa kaniyang upuan saka pinagmasdang mabuti si Celestina. Nakalugay ang mahaba at kulay tsokolate nitong buhok na senyales na malakas ang kaniyang dugong Espanyol. "Bagama't hindi ka nakakapagsalita, aking nababatid na sa simpleng pagtitig lang sa iyo ng isang ginoo ay hindi nito kailangan pa ng mahabang usapan" tumayo si madam Costellanos at naglakad papunta sa likuran ni Celestina. Hinawi niya ang mahabang buhok ng dalaga.
"Nais kong buksan ang iyong isipan, ang pagiging babaeng bayaran ay isa sa pinakamatagal na propesyon. Ang propesyong ito ay nabanggit din sa bibliya. Makasalanan man sa mata ng Diyos at sa ibang tao ngunit ito ang paraan natin upang mabuhay. Nais kong maunawaan mo Celestina na ito na ang iyong pagkakataon upang magkaroon ng sariling pag-aari" kinuha ni madam Costellanos ang suklay sa gilid ng mesa at dahan-dahan niyang isinuklay iyon sa malambot na buhok ni Celestina.
"Ibig mo bang mapasakamay ang mundo? Nais mo bang ipaglaban ang kalapagstangang ginawa sa iyo ng mga taong naging pangunahing dahilan kung bakit mo dinaranas ng lahat ng ito? Hindi mo ang alam ngunit may natatago kang sandata, Celestina" bulong pa ni madam Costellanos na animo'y demonyong bumubulong sa tainga ng biktima nito.
Hinawakan ni madam Costellanos ang ulo ni Celestina at itinapat iyon sa salamin na nakasabit sa pader. Malabo at mdilaw na ang salamin ngunit nakikita pa rin ni Celestina ang kaniyang sarili roon. "Ang sandatang tinutukoy ko ay ang iyong kagandahan. Magagawa mong pasunurin ang mga opisyal gamit lang ang iyong ngiti at serbisyong magpaparamdam sa kanila ng langit. Mamayang gabi, ang unang opisyal na bumili sa iyo ay ang kanang kamay ng gobernador-heneral na si Don Hugo Ibañez. Malaki ang kaniyang binayad sapagkat ikaw ay isa pang birhen at siyang unang paghahandugan mo ng serbisyo. Ipinahanda ko na ang silid at hintayin mo na siya roon" ngiti ni madam Costellanos sabay hawak sa magkabilang balikat ni Celestina upang pakalmahin ito dahil nanginginig na ito sa takot.
"Paligayahin mo si Don Hugo hanggang sa gawin niya ang lahat para sa iyo. Abot kamay mo na ngayong gabi ang kanang kamay ng gobernador-heneral, nakasalalay ang lahat ngayong gabi at huwag mo sayangin ang pagkakataong ito" patuloy pa ni madam Costellanos, sa pagkakataong iyon ay tila tuluyang pumasok ang salitang puno ng lason sa isipan ni Celestina na mula sa bibig ni madam Costellanos.
ALAS-OTSO na ng gabi, hindi mapanatag si Celestina. Kanina pa siya naglalakad pabalik-balik sa loob ng pinakamagandang silid na para sa mga mahahalagang opisyal na dumadalaw sa bahay-aliwan. Malaki ang silid at napapalibutan din ito ng mga mamahaling kandila na nakatirik sa bawat sulok dahilan para maging malinawag at romantiko ang buong silid.
Nagkalat din ang piraso ng mga bulaklak ng rosas sa malambot at malaking kama. Amoy rosas ang buong silid, bagay na paboritong-paborito ng mga parokyanong opisyal. Maayos na ring nakahain ang pagkain at alak sa mesa na nasa gilid. Lumamig na ito kaya pinalitan muli ng dalawang babae na inutusan ni madam Costellanos.
Kanina pa nakaabang si madam Costellanos sa labas ng bahay-aliwan dahil wala pa si Don Hugo. Ilang sandali pa, dumating na ang kalesang pagmamay-ari nito at tumigil sa tapat ng bahay-aliwan. Mas lalong hindi mapakali si Celestina at ilang beses na niyang sinubukang hawakan ang pinto, itulak iyon at tumakas ngunit may mga bantay muli sa labas ng silid.
Pakiramdam niya ay hindi niya nakumbinse kanina si madam Costellanos nang kunwaring umayon siya sa mga binubulong nito. "Maligayang pagdating, Don Hugo" magiliw na bati ni madam Costellanos mula sa ibaba. Hindi man iyon marinig ni Celestina ngunit naring na niya kanina ang pagtigil ng kalesa mula sa tapat ng bahay-aliwan.
Itinapat ni Celestina ang kaniyang tenga sa pinto, naririnig na niya ang mga yapak ng paa mula sa marupok na hagdan at sahig. Maging ang matinis na boses ni madam Costellanos at ang pagtawa nito. "Naghain din po kami ng paborito niyong mechado at mga ubas" saad ng señora, sa bawat pagpatak ng segundo ay palakas ng palakas ang boses nito senyales na malapit na itong makarating sa ikatlong palapag kung saan naroroon ang dalawang silid na para lamang sa mga mahahalagang opisyal na parokyano ng bahay-aliwan.
"Buksan niyo na ang pinto" utos ni madam Costellanos, agad napaatras si Celestina at nanginginig na napahakbang paatras. Nakita niya ang maliit na kutsilyo na gamit panghiwa sa karne ng manok, agad niyang kinuha iyon at itinago sa kaniyang likuran. Naupo siya sa kama at nagpanggap na kalmadong naghihintay.
"Nawa'y masiyahan po kayo ngayong gabi, Don Hugo" paalam ni madam Costellanos, binuksan na ng dalawang guardia personal ang pinto at dahan-dahang pumasok doon ang isang lalaking nakasuot ng talukbong.
Madalas nagsusuot ng talukbong ang mga opisyal na nagtutungo sa bahay-aliwan upang itago ang kanilang pagkakakilanlan. Kung minsan naman ay nagbibigay din ng palihim na serbisyo ang bahay-aliwan ni madam Costellanos. Si madam Costellanos mismo ang naghahatid ng babaeng bayaran sa tahanan ng kaniyang parokyano at susunduin niya na lang ito kinabukasan matapos ang pagbibigay aliw ng mga ito sa mga parokyano.
Ipinikit ni Celestina ang kaniyang mata habang hawak-hawak ng mahigpit ang kutsilyo na itinago niya sa kaniyang likod. Nakalugay ang kaniyang mahabang buhok at suot din niya ang manipis na bestida na siyang gamit ng mga babaeng bayaran.
Buo na ang kaniyang desisyon, papatayin niya ang Don bago pa siya nito mahawakan. Mas gugustuhin niyang mabulok sa kulungan o mahatulan ng kamatayan kaysa dungisan ang sarili niyang dangal. Nag-iwan na rin siya ng liham sa loob ng kaniyang damit sa pag-asang ang sinumang maglilinis sa kaniyang katawan bago siya ilibing ay makita iyon at ibigay kay Martin upang ipakiusap ang kapakanan ni Esteban.
Nang marinig ni Celestina ang pagsara ng pinto, naramdaman niya ang dahan-dahang paglapit sa kaniya ng Don. At nang imulat niya ang kaniyang mata ay nakita niya ang pares ng itim na sapatos nito na nakatayo na sa tapat niya.
Akmang itataas na niya ang kutsilyo at diretsong ibabaon iyon sa leeg ng Don ngunit nagulat siya nang biglang hawakan nito ang kaniyang magkabilang kamay para pigilan siya at itinulak siya nito pahiga sa kama at pumaibabaw ito sa kaniya. Nanlaki ang mga mata ni Celestina at nabitiwan niya pa ang kutsilyong hawak niya nang makilala kung sino ang lalaking nakaibabaw sa kaniya ngayon.
Si Martin Buenavista.
**************************************
#ThyLove
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top