Ika-Dalawampung Kabanata
[Kabanata 20]
"DATI pong Gobernador-Heneral? Ngunit bakit naririto po siya ngayon? Sa akin pong pagkakaalam ay hindi na maaaring bumalik sa panunungkulan ang isang opisyal na naging gobernador-heneral na noon" nagtatakang saad ni Stella, hindi man siya marunong magbasa o magsulat ngunit matalino siya at madali niyang matandaan ang lahat ng bagay na naririnig at nalalaman niya mula sa kaniyang paligid.
"Marahil ay hindi siya ang bagong gobernador-heneral. Maaaring kasama lang siya ng mga opisyales na kakarating lang dito mula Espanya" saad ni madam Costellanos, muling napalingon si Celestina sa bukana ng Intramuros ngunit nakapasok na roon ng tuluyan ang matandang opisyal na nakabangga niya.
"Kung hindi siya ang magiging bagong gobernador-heneral... Ano naman ang gagawin niya rito?" tanong muli ni Stella habang nag-iisip ng malalim. Magtatanong pa sana ulit siya ngunit kinurot na siya ni madam Costellanos. "Tumigil ka na nga sa kakaungkat ng tanong tungkol sa dating gobernador-heneral. Halos dalawampung taon na ang nakalilipas mula nang bumitiw siya sa panunugkulan kung kaya't huwag mo nang usisain pa ang bagay na iyon" suway ni madam Costellanos kay Stella na napasimangot habang hinihimas ang braso niyang namula dahil sa kurot ng senora.
Nagpatuloy na sa paglalakad si madam Costellanos, agad naman siyang sinundan ni Stella "Ngunit paano niyo po nakilala ang gobernador-heneral?" habol pa ni Stella, nilingon naman siya ni madam Costellanos. Napangiti na lang si Stella dahil sa blangkong hitsura ng madam. "Ititikom ko na po ang aking bibig" saad ni Stella sabay lingon kay Celestina na tulala pa rin sa bukana ng Intramuros.
Natauhan na lang si Celestina nang hawakan ni Stella ang kaniyang kamay. "Halika na, nagsusungit na naman ng labis ang ating senyora" bulong ni Stella kay Celestina at mabilis silang naglakad upang makahabol sa paglalakad ni madam Costellanos na patungo sa pagdarausan ng parada.
Magtatakip-silim na ngunit magulo at matao pa rin sa kahabaan ng Maynila patungo sa Ermita, Escolta at Binondo. Patuloy ang pagdating ng mga kalesang naglalaman ng sako-sakong mga palay, trigo at kopra. Habang ang mga karitela naman na hila-hila ng kalabaw o baka ay naglalaman ng iba't ibang prutas tulad ng mga buko, mais, mangga at pinya.
"Hindi pa pala sila nagsisimula, ang buong akala ko ay ngayon na magsisimula ang parada" saad ni madam Costellanos habang naglalakad sila sa kahabaan ng kalye ng Ermita. "Ang tinutukoy niyo po bang parada ay ang gaganaping Santacruzan para sa huling araw ng pagdiriwang ng Flores de Mayo?" tanong ni Stella, napatango naman si madam Costellanos bilang sagot.
"Sa Huwebes pa po gaganapin ang Santacruzan" ngiti ni Stella, hindi naman umimik si madam Costellanos dahil nakatingin na ngayon sa kaniya ang dalawa. Napatingin na lang si Stella at Celestina sa isa't isa sabay palihim na ngumiti dahil nararamdaman nilang sabik na sabik si madam Costellanos sa mangyayaring Santacruzan.
"Ang mabuti pa, dito na lang tayo kumain. Hindi ko gusto ang mga putaheng niluluto niyong dalawa. Pakiramdam ko ay mas lalo akong magkakasakit dahil sa sobrang alat ng inyong mga niluluto" pag-iiba ni madam Costellanos ng usapan saka dire-diretsong naglakad patungo sa isang panciteria.
Natawa na lang muli ng palihim sina Stella at Celestina habang nakasunod sa kaniya dahil pareho nilang batid na nasisimot naman ng senyora ang mga putaheng niluluto nila. Pumasok na si madam Costellanos sa panciteria na pagmamay-ari ng isang mag-asawang tsino. Agad sila sinalubong ng lalaking may ari saka dinala sa isang bakanteng mesa.
Nagkatinginan muli sina Celestina at Stella dahil wala silang dalang salapi. "Ako na ang magbabayad ngayon. Tumigil na kayong dalawa sa kakatingin sa isa't isa na para bang hindi ko nababasa na ako'y pinag-uusapan niyo" saad ni madam Costellanos habang nakatingin sa listahan ng mga pagkain.
May dalawang palapag ang laki ng panciteriang kinaroroonan nila. Gawa sa matibay na kahoy ang buong istruktura nito at napapalamutian ng mga pulang bilog na lampara sa kisame, dingding at maging sa mga bintana.
Magsasalita sana si Stella ngunit naunang magsalita ang lalaking intsik "Kayo magaganda dalaga... Bakit hindi kayo sali sa santacruzan?" wika ng lalaking instik. Maputi at maliit lang ito ngunit maganda ang kaniyang ngiti na sinabayan ng pagsingkit ng kaniyang mga mata.
"Lalo ka na, magiging ikaw reyna Elena" patuloy ng lalaking intsik sabay turo kay Celestina. "Paumanhin ngunit ang aming huling balita ay kompleto na ang listahan ng mga dalagang makakasama sa prusisyon" saad ni madam Costellanos sabay abot ng listahan sa lalaking intsik.
"Tatlong pansit at isang inihaw na itik" patuloy ni madam Costellanos, napatango-tango naman ang lalaking intsik habang nakangiti pa rin sa kanila. "Sabagay, sabi aking asawa, anak daw ni Don Amadeo magiging reyna Elena" wika ng lalaking intsik saka naglakad na ito papunta sa kusina.
"Si Loisa ang magiging reyna Elena? Ang buong akala ko pa naman ay si Marisol na anak ni Don Gonzalo sapagkat kapatid ni Don Gonzalo ang nangangasiwa ng pagdiriwang ng Flores de Mayo" saad ni Stella, napasandal naman si Celestina sa kaniyang upuan saka napalingon sa malaking bintana na nasa kaniyang tabi.
"Pagmasdan niyo kung gaano kadali mapasakamay ng mga makapangyarihang tao ang kanilang mga nais. Ang mga tulad natin na nabibilang sa mababang estado ng buhay ay walang karapatan mapabilang kahit pa sa prusisyon ng Santacruzan" wika ni madam Costellanos, muling napalingon si Celestina sa senyora. Napansin niya ang biglang pagbago ng tono ng pananalita nito. Nang banggitin nito ang tungkol sa Santacruzan ay naramdaman niya ang lungkot na kasama sa salitang binitiwan ni madam Costellanos.
Agad kinuha ni Celestina ang kaniyang kuwaderno, mabilis na nagsulat doon saka inabot kay madam Costellanos 'Pangarap niyo po bang mapabilang sa prusisyon ng Santacruzan?' tanong ni Celestina na nagpagulat kay madam Costellanos dahil may taong nakatunog sa pangarap niyang pilit na niyang binaon sa limot.
"Pangarap ko rin po makasali sa mga babaeng kabilang sa Santacruzan. Kahit pa hindi ako maging reyna Elena ay ayos lang sa akin" saad naman ni Stella, napahinga na lang ng malalim si madam Costellanos saka napangiti sa kanila. Napalingon din ito sa malaking bintana na nasa gilid nila at pinagmasdan ang patuloy na pagdating ng mga produkto at mga gamit para sa paparating na pagdiriwang.
"Sa edad kong ito, hindi pa rin talaga namamatay ang aking pangarap noong bata pa ako na makasama sa prusisyon ng Santacruzan. Ngunit ang mga babaeng maaaring mapabilang doon ay karamihan mga nabibilang sa alta-sociedad at marangal. Tuluyan nang naglaho ang pangarap kong iyon nang ako'y magahasa, nang mamatay ang aking magulang at kapatid at nang manilbihan ako sa bahay-aliwan" saad ni madam Costellanos habang tulala sa labas ng binatana. Nanlaki naman ang mga mata ni Stella nang marinig ang sinabi ng senyora. Magsasalita sana siya ngunit agad siyang hinawakan ni Celestina sa braso at umiling ito, bilang senyales na hayaan muna nitong magkwento si madam Costellanos.
"Taon-taon ko inaabangan ang prusisyon, sapat na sa akin kahit pa hanggang tanaw na lang ako sa buong pagdiriwang" patuloy pa nito. Napayuko naman si Stella, hindi niya akalaing may ganoong kasalimuot palang pangyayari sa buhay ni madam Costellanos na palaging nakasigaw at strikto sa kanila. Ngunit napansin niya na nitong mga nagdaang araw, mula nang umuwi sila galing sa Hotel de Oriente ay biglang nagbago ang pakikitungo sa kanila ng senyora. Nagbago rin ang kilos nito at madalas na magkulong sa kaniyang silid.
Makalipas pa ang ilang minuto, dumating na ang mga pagkaing pinaluto nila. Nagpatuloy pa sila sa pagkwekwentuhan, nagsimulang magkwento si madam Costellanos tungkol sa kung paano siya tumatakas noong kabataan niya para lang mapanood ang Santacruzan. Si Perlita Villareal na kaniyang kaibigan ay naging reyna Elena rin noong kabataan nito. Maging ang ina ni Martin na si Adelia Ocampo ay siyang naging pinakamagandang reyna Elena noon.
TAHIMIK na naglalakad si Martin at Manang Dominga sa kahabaan ng kalye patungo sa tahanan nina Timoteo at Linda. Nakasuot ng balabal si Manang Dominga, nagtataka si Martin dahil halos mata lang ang nakikita sa buong mukha ni Manang Dominga kahit pa hindi naman maalikabok ang paligid dahil bihira lang ang kalesang dumadaan sa kalye patungo sa bahay ni Timoteo.
Nauuna maglakad si Martin habang nakasunod sa kaniya si Manang Dominga, sinubukan niyang sabayan ito sa paglalakad ngunit sinabi ng matanda na mas ibig niyang mauna si Martin. Ilang beses ding napapalingon si Martin sa likod at napapansin niyang tila aligaga at lingon ng lingon sa paligid si manang Dominga habang nakabalot ito ng itim na balabal.
"Tiyak na matutuwa po si Tinang sa oras na makita niya po kayo" panimula ni Martin sabay ngiti, napansin niya ang hindi mapakaling kilos ng manang at maging ang reaksyon ng mukha nito. "Hijo, may nalalaman ka ba tungkol sa magiging bagong gobernador-heneral?" tanong nito, napaisip naman si Martin, nabanggit sa kanila kanina sa opisina na dumating na raw ang bagong gobernador-heneral na unang sasalubungin nila sa pagdiriwang ng Flores de Mayo.
"Sa akin pong pagkakaalam, ang pangalan ng magiging bagong gobernador-heneral ay Gregorio Dela Rosa" tugon ni Martin, napatigil naman sa paglalakad si manang Dominga habang gulat na nakatingin sa kaniya.
"Dela Rosa?" gulat na tanong ng matanda, napatigil na rin sa paglalakad si Martin at humarap sa kaniya. "Opo, Dela Rosa ang kaniyang apelyido. Nabanggit sa amin ni hukom Emiliano kanina na isang magaling na heneral ng hukbo si Gobernador-Heneral Gregorio Dela Rosa mula sa Kaharian ng Espanya. Nasa edad apatnapu na rin ang bagong gobernador-heneral at ang asawa at dalawang kambal na babae na anak nito ay naiwan sa Espanya" saad ni Martin, bigla namang napahakbang paatras si Manang Dominga at muntikan itong mawalan ng balanse. Mabuti na lang dahil agad siyang naalalayan ni Martin.
"Manang Dominga? Masama po ba ang pakiramdam niyo?" gulat na tanong ni Martin at agad niyang inalalayan ang matanda papunta sa tabi ng tindahan ng alahas ni Don Gonzalo na noong mga oras na iyon ay sarado na. Napansin ni Martin na nanginginig ang kamay ni Manang Dominga "Tumuloy na po tayo sa bahay ni Timoteo, isa po siyang dok---" hindi na natapos ni Martin ang kaniyang sasabihin dahil umiling si manang Dominga at nagsalita.
"Huwag mo na akong alalahanin. Dulot lamang ito ng aking katandaan" wika nito at napahawak sa kaniyang dibdib. "Siya nga pala, may nalalaman ka ba hijo tungkol sa ama o ina ng bagong gobernador-heneral?" muling tanong ni manang Dominga.
"Ang kaniyang ama ay naging dating gobernador-heneral din po dito sa ating bansa noon" sagot ni Martin na muling nagpalaki sa mga mata ni manang Dominga. "S-si Gobernador-Heneral Federico Dela Rosa ba ang kaniyang ama?" tanong nito, sandaling pinagmasdan ni Martin ang matanda, hindi niya maunawaan kung bakit bigla itong nautal at mas lalong naging aligaga.
"Hindi po ako sigurado kung iyon nga ang pangalan niya, hindi naman po nabanggit ni Hukom Emiliano ang pangalan ng ama ni gobernador-heneral Gregorio Dela Rosa na siyang naging dati ring kinatawan ng Espanya dito sa ating bansa" tugon ni Martin, napatigil at napatulala muli sa gulat si Manang Dominga.
"Bakit niyo po pala naitanong sa akin ang tungkol sa bagong gobernador-heneral at sa ama nito?" tanong ni Martin dahilan para matauhan si manang Dominga. "N-nais ko nang umuwi. Hindi maganda ang aking pakiramdam ngayon. Bukas ko na lamang dadalawin si Celestina" saad nito, magsasalita pa sana si Martin ngunit mabilis na naglakad si manang Dominga pabalik habang mahigpit nitong hawak ang suot na balabal na nakabalot sa kaniyang buong ulo at mukha.
Agad tumakbo si Martin at hinabol ang matanda "Ihahatid ko na po kayo pabalik, manang" saad niya ngunit umiling lang ito saka pumara ng kalesa. "Huwag na, kaya ko na ang aking sarili" wika ng matanda saka sumakay sa kalesa. Magsasalita pa sana si Martin ngunit pinatakbo na ni manang Dominga ang kalesa at mabilis itong nakalayo.
Naiwan naman si Martin sa gitna ng kalye habang tinatanaw ang kalesa papalayo. Hindi niya maunawaan kung bakit bigla na lang nagbago ang kilos ni mananag Dominga na taliwas sa pagiging sabik nitong makita si Celestina kanina nang sunduin niya ang matanda sa Hotel De Oriente.
KINABUKASAN, habang nagsasalok ng tubig si Celestina, nagulat siya nang biglang lumapit sa kaniya si Osana na isang babaeng bayaran at naninilbihan din sa bahay-aliwan ni madam Costellanos. "Celestina, may ginoong naghihintay sa iyo sa labas. Nais ka raw niya makausap, sumunod ka sa akin" saad nito, saka naglakad patungo sa likod ng bahay. Maingat namang inilapag ni Celestina ang balde ng tubig sa isang tabi na buhat-buhat niya saka sumunod kay Osana.
Maganda si Osana lalong-lalo na ang kaniyang balingkinitang katawan at ang tuwid na mahabang buhok. Dahan-dahan silang lumabas ng bahay at tumigil si Osana sa mataas na bakuran sa likod "May maliit na lagusan sa likod na natatakpan ng mga halaman. Doon ka dumaan at ako na ang bahala kay madam Costellanos" saad nito saka mabilis na bumalik sa loob ng bahay-aliwan.
Nagtatakang napatingin si Celestina sa mataas na bakod sa likod na gawa sa bato. Natanaw na niya agad ang kumpol-kumpol na mga halaman sa pinakasulok nito. Dahan-dahan siyang naglakad papalapit doon at inalis isa-isa ang tatlong malalaking halaman na nakalagay sa malalaking paso. Maingat siyang sumilipsa lagusan at laking gulat niya nang makita si Martin na nakatayo sa labas habang nakatalikod ito.
Napangiti si Celestina sa kaniyang sarili saka mabilis na lumusot sa maliit na lagusan. Napalingon si Martin nang marinig niya ang pag-usog ng mga paso at mabilis niyang inalalayan si Celestina papalabas doon sa maliit na lagusan.
Napabitaw rin agad siya nang mapagtanto na hindi niya dapat hawakan ang baywang at braso ng dalaga upang matulungan ito lumabas sa lagusan. Agad namang sumenyas si Celestina nang mapansin niyang biglang nailang si Martin dahil sa ginawa nitong paghawak sa kaniya 'Wala iyon ginoo, hindi mo naman intensyon na maging mapusok sa iyong paghawak sa akin' saad ni Celestina dahilan para biglang mamula ang pisngi at tenga ni Martin.
Agad napakamot si Martin sa kaniyang ulo sabay ngiti "Pasensiya na kung sa ganitong paraan tayo magkikita. Nalaman ko lang din kay Stella na kabisado raw ni Osana ang buong sulok ng bahay-aliwan at siguradong may nalalaman ito sa mga sikretong lagusan kung kaya't pinakiusapan ko siyang dalhin ka sa akin dahil hindi ako maaaring pumasok sa loob ng bahay-aliwan na siyang ikagagalit ni ama" paliwanag ni Martin, hindi niya magawang tumingin ng diretso sa dalaga habang nagsasalita siya.
'Nauunawaan ko, ginoo' senyas ni Celestina sabay tango at ngumiti sa kaniya. Sa pagkakataong iyon ay napansin ni Martin na mas maganda si Celestina sa liwanag ng umaga. Alas-diyes pa lang ng umaga at maliwanag na ang buong paligid dahil sa sikat ng araw.
Nakatirintas ang mahabang buhok ni Celestina sa gilid ng kaniyang tenga dahilan para mas maging aliwalas ang kaniyang hitsura. Hindi namalayan ni Martin na napatulala na pala siya sa dalaga, natauhan lamang siya nang hawakan nito ang kaniyang balikat dahil kanina pa ito sumesenyas sa harap niya.
"P-paumanhin, ano iyon binibini?" tanong ni Martin sabay kamot muli sa kaniyang ulo. 'Ang sabi ko, bakit mo ako pinatawag dito ngayon ginoo?' pagsenyas ni Celestina, napangiti na lang si Martin sa kaniyang sarili, ngayon lang niya natitigan nang ganoon katagal ang dalaga lalo na ang mala-tsokolateng kulay ng mga mata nito na mas lalong pinatingkad ng sinag ng araw.
"Ah. D-dahil... Ano nag ulit iyon?" saad ni Martin na ngayon ay hindi na mapakali, ni hindi niya rin alam kung saan siya dapat tumingin. Kung sa mukha ba ni Celestina? Ngunit nasisilaw siya sa ganda nito lalo na sa mga tsokolateng mata ng dalaga. Sinubukan niyang tumingin sa lupa ngunit wala naman sa lupa ang kausap niya. Hindi rin siya makatingin sa itaas dahil nasisilaw siya sa liwanag ng araw.
Nagtaka naman ang hitsura ni Celestina dahil hindi siya sanay na nauutal at nabibigla ng ganoon si Martin. 'Ano iyon? Ginoo' ulit niya dahilan para mas lalong mataranta si Martin. Agad niyang pinunasan ang tumatagaktak na pawis sa kaniyang noo. "Ah! Sumama ka sa akin" saad ng binata na ikinagulat ni Celestina. Hindi niya lubos akalain na ganoon lang kadali sabihin ni Martin ang tungkol sa pagsama sa kaniya.
"A-ang ibig kong sabihin... Sumama ka sa akin dahil dadalhin kita sa kinaroroonan ni manang Dominga" pagtama ni Martin sabay suot ng kaniyang sumbrero. Nahihiya na siya sa kaniyang sarili dahil ilang beses na siyang naging mapusok sa harapan ni Celestina at nangangamba siya na baka kung anong isipin nito sa kaniya.
'Si manang Dominga?' gulat na tanong ni Celestina, napatango naman si Martin sa hiya, hindi pa rin nawawala ang pamumula ng kaniyang pisngi. 'Narito siya sa Maynila?' ulit pa ni Celestina, napatango muli si Martin.
"Oo, narito siya sa Maynila. Sandali lamang siya dito dahil isasama rin siya ni Don Agustin pabalik sa Nueva Ecija" tugon ni Martin, napangiti naman si Celestina dahilan para sumingkit ang mata nito at mangibabaw ang dalawang biloy sa kaniyang magkabilang pisngi dahil sa sobrang saya na makikita na niya muli ang tagapag-alaga na tinuring na niyang pangalawang ina.
ALAS-ONSE na ng umaga nang marating nila ang Hotel de Oriente. Pagpasok nila sa loob ay naroon si Adolfo sa tanggapan.
Agad itong yumuko at bumati sa kanila, napatingin si Adolfo kay Celestina saka muling tumingin kay Martin at ibinalik ang tingin kay Celestina.
"N-nagkakamali ka! Wala kaming balak gawin dito" pagtanggi ni Martin, napapikit naman si Celestina sa hiya dahil nagawa pang dumepensa ni Martin kahit wala namang sinasabi si Adolfo.
Tumango lang si Adolfo. Ang totoo ay wala naman siyang iniisip na kung ano. Sinusuri niya lang ang mukha ng mga bisita.
"Kalimutan mo na iyon" saad ni Martin na sinusubukang isalba ang kaniyang kahihiyan. "Magtutungo lang kami sa silid ni Esperanza Garcia" patuloy ni Martin, bigla namang napatigil at napaisip ng malalim si Adolfo.
"Totoo ba na ipagkakasundo si Diego sa babaeng nagngangalang Esperanza Garcia?" tanong ni Adolfo, napatango si Martin.
Nahawak si Adolfo sa kaniyang sentido. "Bakit mo naitanong?" nagtatakang tanong ni Martin kay Adolfo.
"Wala. May nabanggit lang sa akin si Diego at..." napatingin siya kay Martin at Celestina. Pinili na lang niyang huwag ituloy ang sasabihin.
"Bakit? Ano na namang binabalak ni Diego?" usisa Martin ngunit umiling lang si Adolfo.
"Wala, kalimutan mo na rin iyon" saad ni Adolfo sabay umiling ng ilang ulit. "Siya nga pala, wala na rito si Esperanza Garcia" patuloy ni Adolfo na ikinagulat ni Martin.
"Ano? Nasaan na sila?" tanong niya, napahinga na lang nang malalim si Adolfo. Napansin din ni Martin na parang kakaiba ang kilos nito, marahil ay nasangkot na naman ito sa kalokohan ng kaibigang si Diego. "Ang balita ko ay bumalik na sila sa Negros" tugon ni Adolfo.
"Nasaan ang babaeng tagapag-alaga niya?" tanong muli ni Martin, napaisip naman si Adolfo. "Si manang Dominga ba ang tinutukoy mo?"
"Oo"
"Umalis na siya kagabi, nagpaalam siya kay Heneral Samuel na kailangan na niyang bumalik sa Nueva Ecija dahil may mahalaga raw siyang aasikasuhin. Nagtataka nga kami kung bakit nagmamadali siya makaalis, mabuti na lang naabutan niya ang huling biyahe ng barko patungong Norte" tugon ni Adolfo, gulat namang napatingin si Martin kay Celestina na noong mga oras na iyon ay medyo malayo sa kanila kung kaya't hindi nito narinig ang usapan nila ni Adolfo.
"Maraming Salamat" iyon na lang ang nasabi ni Martin kay Adolfo at tulala siyang naglakad pabalik sa kinatatayuan ni Celestina. Nang makalapit siya kay Celestina ay napangiti ito sa kaniya 'Maaari na ba tayong umakyat patungo sa kwarto ni Manang?' ngiti ni Celestina, napahinga naman ng malalim si Martin saka malungkot na hinarap ang dalaga. Hindi niya alam kung paano sasabihin ang katotohanang umalis na si manang Dominga nang walang pasabi. Kahit pa sinabi nito kahapon na bukas niya kikitain si Celestina ngunit umalis na pala ito kagabi pa.
"Pasensiya na Tinang. Umalis na si manang Dominga dahil may mahalaga raw itong aasikasuhin" saad ni Martin, unti-unti namang nawala ang ngiti ni Celestina. 'Ngunit batid niya na narito rin ako sa Maynila, hindi ba? Bakit siya umalis ng walang paalam' pagsenyas ng dalaga. Napayuko na lang si Martin, pakiramdam niya ay kasalanan niya kung bakit umasa si Celestina.
"Patawarin mo ako,hindi ko sinasadyang magbigay ng maling---" hindi na natapos ni Martin ang sasabihin niya dahil ngumiti muli si Celestina ngunit sa pagkakataong iyon may bahid na ng lungkot ang kaniyang ngiti. 'Ayos lang iyon, ginoo. Tiyak na may mahalagang gagawin si manang kung kaya't nauunawaan ko siya' tumalikod na si Celestina at nagsimulang maglakad papalabas sa Hotel De Oriente. Agad namang sumunod sa kaniya si Martin at sinabayan siya sa paglalakad.
Ramdam ni Martin na labis na nagdulot ng lungkot kay Celestina ang balitang umalis na si manang Dominga. Wala nang ikalulungkot pa ang taong nakaramdam na may ibang bagay pa na mas mahalaga kaysa sa pagkikita nila.
Nang makalabas na sila sa Hotel de Oriente, tahimik silang naglakad sa gilid ng kalye. Samantala, lingid sa kanilang kaalaman ay nakasalubong nila ang kalesang sinasakyan nina Loisa at Leonora na noong mga oras na iyon ay patungo sa Hotel de Oriente upang mananghalian.
Sinundan ni Loisa ng tingin sina Martin at Celestina na naglalakad sa gilid ng kalye. Napahawak na lang siya sa kaniyang palda at pilit na pinakalma ang kaniyang sarili habang paulit-ulit na naglalaro sa kaniyang isipan na patuloy na nagkikita ang dalawa.
HABANG naglalakad sila pabalik sa bahay-aliwan ni madam Costellanos nagulat si Celestina nang biglang may itinapat si Martin na origami sa kaniyang harapan. Ang origami na iyon ay isang pato. "Huwag ka na malungkot, binibini. Isang ngiti nga riyan" saad ni Martin, iniba niya ang kaniyang boses, ginawa niya itong matinis para bumagay sa boses ng pato.
Napatingin naman sa kaniya si Celestina at napangiti ito. Hindi mapigilang sumilay ang ngiti sa kaniyang labi sa ideyang gumagawa ng paraas si Martin upang mapangiti lang siya kahit pa kalokohan ang pagsalitaan ang isang origami.
"Mas lalo kang gumaganda sa tuwing ikaw ay ngumingiti" wika ni Martin, napatigil naman si Celestina at napatulala sa kaniya dahil sinabi iyon ni Martin gamit ang normal nitong boses. Hindi namalayan ng binata na diretsong lumabas iyon sa kaniyang bibig.
Saktong nasa tapat na sila ng bahay-aliwan, nagulat si Celestina nang iabot sa kaniya ni Martin ang origaming pato. "A-aalis na ako, magkita na lang tayo mamayang gabi sa bahay nina Timoteo at Linda" mabilis na saad ni Martin sabay hubad ng kaniyang sumbrero at itinapat iyon sa kaniyang dibdib saka dali-daling naglakad papalayo sa hiya. Sinundan naman siya ni Celestina ng tingin at napangiti siya sa kaniyang sarili sabay tingin sa ginawang origami ni Martin.
ISA-ISANG nilalagay ni Martin ang mga mahahalagang dokumento at papeles sa isang pahabang maleta na kulay itim. Napatigil lamang siya nang biglang magsalita si Tonyo na nasa tabi niya. "Kanina pa kita napapansin Tinong, hindi mawala-wala 'yang ngiti sa iyong labi" puna ni Tonyo, bakas sa mukha nito ang pagka-irita sa pangiti-ngiti ni Martin sa sarili kanina pa.
"Masama bang maging masaya?" wika ni Martin sabay tawa sa sarili. Napailing-iling na lang si Tonyo dahil mukhang nasisiraan na ng bait ang kaibigan. "Iba talaga ang ligayang naidudulot ng pag-ibig" patuloy ni Martin, napataas naman ang kilay ni Tonyo.
"Ibig sabihin ikaw ay umiibig?" tanong ni Tonyo na sinagot ni Martin ng halakhak. Kasabay niyon ay pamumula ng pisngi at tenga nito, senyales na kinikilig ang binata. Inilapag na ni Tonyo ang pluma na hawak niya. "Aking nararamdaman na hindi si Loisa ang babaeng nagpapangiti sa iyo ng ganiyan" patuloy ni Tonyo, bigla namang napatigil si Martin at nawala ang kaniyang ngiti nang marinig ang pangalan ni Loisa.
"Wala na kaming kaugnayan ni Loisa. Batid mo naman ang panlilinlang na ginawa niya sa akin" saad ni Martin, napahinga na lang ng malalim si Tonyo. "Kung ako na lang sana ang pinili ni Loisa, hindi na niya kailangan pang masaktan ng sang tulad mo" saad ni Tonyo, sa tono ng pananalita nito ay bakas ang matinding panghihinayang.
"Hindi pa naman huli ang lahat. Kung gusto mo talaga siya, gaya ng sinabi mo noon sa akin. Ang pagkakaibigan natin ay hindi magiging hadlang" saad ni Martin sabay tapik sa balikat ni Tonyo na tumatango-tango at napangiti rin sa kaniyang sarili.
"Siya nga pala, kailan mo balak bilhin si Celestina sa bahay-aliwan?" tanong ni Tonyo, napahinga naman ng malalim si Martin. "Hindi ko nakausap si Senor Lauricio noong nakaraan. Naging abala siya sa pagdating ng mga bagong opisyales. Marahil ay sa linggong ito makuha na sa kaniya ang salaping hihiramin ko" tugon ni Martin, napaisip naman si Tonyo ng malalim.
"Sa oras na mapalaya mo na si Celestina sa bahay-aliwan. Saan naman siya titira?" tanong muli ni Tonyo, napangiti naman si Martin sa kaniyang sarili bagay na ikinagulat ni Tonyo. "Tinong, anong ibig sabihin ng ngiti mong iyan? Huwag mo sabihing balak mong---" hindi na natapos ni Tonyo ang kaniyang sasabhihin dahil nagsalita na si Martin.
"Oo, pakakasalan ko nga siya" ngiti ni Martin na parang isang batang nahihibang sa kawalan. Hindi naman makapaniwala si Tonyo dahil mukhang seryoso nga ang kaibigan. Samantala, lingid sa kanilang kaalaman ay naroroon si Loisa sa labas ng pinto at hindi nito sinasadyang marinig ang kanilang usapan.
Nabitiwan ni Loisa ang hawak dalang minatamis na kakanin na balak sana niyang ibigay kay Martin noong mga oras na iyon. Napahawak na lang siya sa kaniyang dibdib na naninikip na sa matinding paninibugho at galit. Hindi niya akalaing magiging sukdulan ang pagkahibang ni Martin kay Celestina na darating pa sa punto kung saan handa nitong pakasalan ang dalaga.
"O'siya, ako'y tutungo na sa Fort Santiago" saad ni Martin, matapos niyang ilagay sa dadalhin niyang maleta ang lahat ng kailangan niyang papeles. Naglakad na siya papalabas sa pinto ngunit mabilis na nakapagtago si Loisa sa isang sulok.
Nagpatuloy si Martin sa paglalakad papalabas sa Real Audencia hanggang sa sumakay ito sa kalesa. Samantala, nanginginig naman ang kamay ni Loisa habang tinatanaw si Martin papalayo.
Makalipas lang ang ilang minuto ay narating na ni Martin ang Fort Santiago kung saan nakakulong si Don Lorenzo Damian na siyang haharap sa huling paglilitis sa mga susunod na araw. Pagdating sa Fort Santiago ay napansin ni Martin na naging mahigpit ang pagbabantay doon ng mga guardia civil. Dahil na rin sa utos ng bagong heneral ng hukbo na si Heneral Samuel Garcia.
Ilang minuto pang naghintay sa labas si Martin bago ito pinapasok ng isang guardia civil nang matapos suriin ang mga dokumento na dala niya. Pagdating sa loob, kapansin-pansin ang kahon-kahong bagong mga armas ng hukbo na nakahelera sa gilid ng pasilyo dahil hindi na ito kasya sa kanilang imbakan.
Mahaba pa ang kanilang nilakad at ilang beses silang lumiko sa kanan at kaliwa ngunit natatandaan ni Martin ang lahat ng kanilang naging pasikot-sikot patungo sa selda kung saan nakakulong si Don Lorenzo. Ilang sandali pa tumigil na sila sa isang malaking selda, tinuro ng guardia ang isang lalaki na nakakulong doon.
Mag-isa lang ang lalaki sa kaniyang selda. Nasa edad limampu pataas na ito at ang dating malusog na pangangatawan ay nabawasan na ng timbang. Bakas din ang malalim nitong mata at ang namumutlang labi dahil sa lamig ng gabi sa loob ng selda.
"Magandang tanghali po, Don Lorenzo" bati ni Martin ngunit hindi siya kinibo nito. "Ako po ang naatasan ni Hukom Emiliano para sa paglilitis ng inyong kaso na gaganapin sa susunod na Lunes" patuloy ni Martin ngunit isang malalim na buntong-hininga lang ang narinig niya mula kay Don Lorenzo.
"Bakit pa kayo nagsasayang ng oras? Batid ko naman kung anong magiging hatol sa akin ng hukuman sa huli at kung saan hahantong ang kasong ito" saad ni Don Lorenzo, ang tono ng kaniyang pananalita ay matamlay at puno ng kawalan ng pag-asa.
Magsasalita pa sana si Martin ngunit nagpatuloy si Don Lorenzo sa pagsasalita "Ang kasong kinakaharap ko ngayon ay kagagawan ni Amadeo. Wala na akong pakialam kung sasabihin mo ito sa punong hukom na buntot din naman ni Amadeo. Kung hahatulan nila ako ng bitay o garrote, mas mabuti pang ipalandakan ko ang kanilang mga kasamaan. Ngunit... ngunit hindi ko ibig na madamay ang aking buong pamilya. Tiyak na madadawit sila at ipapatapon sa malayong lugar. H-hindi makatarungan ang nangyayaring ito sa aming pamilya!" wika ni Don Lorenzo, kasunod niyon ay napahawak ito sa kaniyang ulo sa matinding hinanakit at galit laban kay Don Amadeo.
Nanlaki naman ang mga mata ni Martin at napahawak siya sa selda. Lumingon din siya sa paligid at nang mapansin na walang guardia roon ay nagsalita siya ng pabulong "Paano niyo po nasabi na may kinalaman si Don Amadeo sa kasong kinakaharap niyo ngayon?" wika ni Martin, napatigil naman si Don Lorenzo at napalingon sa kaniya.
"Sa lahat ng abogadong pinadala ni hukom Emiliano sa akin dito, ikaw lang ang naging interesado tungkol sa pagbanggit ko kay Amadeo" saad nito habang inuusisa ng mabuti si Martin. Ang makapal na balbas ng Don ay nababahiran na rin ng alikabok. "Kahit pa sabihin ko sa iyo ang buong detalye, nasa punong hukom pa rin mangaggaling ang desisyon" patuloy nito, tiningnan naman siya ng diretso ni Martin sa mata.
"Ngunit kung isasalyasay mo po sa akin ang buong detalye ng tunay na pangyayari. Maaari nating gamitin ang publiko upang maging saksi sa magiging takbo at desisyon ng hukuman" saad ni Martin, ang sinabi niyang iyon ay mas lalong nagpapukaw sa atensyon ng Don.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong nito, napalingon muli si Martin sa paligid bago siya nagsalita. "Kung inyong sasabihin sa akin ang buong detalye, at kapag may mga ebidensiya kayong magpapatunay na sinadlak kayo ni Don Amadeo sa kasong ito. Aking hihilingin sa hukuman na gagawin ang paglilitis sa harap ng publiko. Sa oras na masakishan ng publiko ang takbo ng paglilitis at ilabas ng punong hukom ang kaniyang desisyon na taliwas sa dapat na maging desisyon ng hukuman ay tiyak na aalma ang madla" paliwanag ni Martin, agad namang gumapang si Don Lorenzo papalapit sa rehas at humawak sa kamay ng binata.
"Mapanganib ang gagawin mong iyan, hijo. Iyong idadawit si Don Amadeo sa kasong ito at kapag hindi mo napatunayan ay tiyak na babalikan ka niya" paalala ng Don, napailing naman si Martin. "Huwag po kayong mag-alala. Matagal na naming itinuring ni Don Amadeo na kalaban ang isa't isa. Aking napag-isip na sa oras na maipanalo natin ang kasong ito, tiyak na magdudulot iyon ng matinding pinsala sa pangalan at posisyon ni Don Amadeo" seryosong saad ni Martin, sa pagkakataong iyon ay unti-unting nabuhayan ng pag-asa si Don Lorenzo at pabulong niyang dinetalye ang lahat ng nalalaman niya at ang dahilan ng maitim na plano ni Don Amadeo sa kaso ni Don Lorenzo Damian.
NAGLALAKAD si Martin pauwi sa bahay nina Timoteo at Linda ngunit napatigil siya nang madaanan ang bahay ni Doktor Mercado. Pinagmasdan niya iyon sandali, lalo na ang nakasaradong bintana ng kwarto ng kaniyang ama. Magpapatuloy na lang sana si Martin sa paglalakad nang tumigil ang isang kalesang sinasakyan ni Julian.
"Dumaan ako kanina sa tahanan ni Timoteo, wala ka raw doon sabi ng kaniyang asawa. Mabuti na lamang at natagpuan kita rito" panimula ni Julian nang makababa ito sa kalesa. "Bakit mo ako hinahanap?" tanong ni Martin, bagama't kahit papaano ay nagkaayos na sila ni Julian, gumugulo pa rin sa kaniyang isip at konsensiya ang nagawa ng kaniyang inang si Adelia sa nanay ni Julian.
"Nais kang makasalo ni ama ngayong hapunan bago siya bumalik sa Laguna bukas ng umaga" tugon ni Julian, napaisip sandali si Martin at nang buksan na ni Julian ang pinto ay sumunod na siya sa loob. "Anong oras na pala?" tanong ni Martin kay Julian dahil wala siyang natagpuang orasan sa salas. Inilapag naman na ni Julian ang kaniyang mga gamit sa maliit na mesa sa gilid saka tumingin sa kaniyang relo.
"Alas-singko na ng hapon. Sandali, nasaan ang iyong relo?" tanong ni Julian, napangiti naman si Martin. "Ah, naiwan ko sa bahay nila Timoteo" tugon niya, nais na lang niyang ilihim ang pagsangla niya sa kuwintas na relo na bigay sa kaniya ng kaniyang ina hanggang sa matubos niya ito balangaraw. Napatango na lang si Julian saka naupo sa sala. Lumapit naman ang kasambahay at nagtanong kay Julian kung nais ba nila ng kape o tsaa.
Naupo na rin si Martin sa katapat na silya, gustuhin man niyang itanong kay Julian kung may nalalaman ito tungkol sa pagkamatay ng ina nito ngunit hindi niya alam kung paano uumpisahan. "Siya nga pala, magtatayo ng klinika si Timoteo. Nais mo bang maging bahagi ng kaniyang klinika?" tanong ni Martin, binuklat naman ni Juliana ng dyaryong nasa tabi niya.
"Nakita ko nga ang kaniyang klinika kanina. Tiyak na may magiging mahigpit na kalaban na si Doktor Mercado" wika ni Julian, napasandal naman si Martin sa silya. "Tiyak na mas mauungusan niyo si Doktor Mercado kung magsasanib pwersa kayo ni Timoteo" ngiti ni Martin, napangiti naman si Julian sa kaniyang sarili at napailing.
"Maganda nga ang hangarin ni Timoteo ngunit hindi ko ibig na maging kalaban o kakumpitensiya ng sinuman lalo na ni Doktor Mercado na matalik na kaibigan ng ating ama" wika ni Julian, sandali siyang tinitigan ni Martin habang abala ito sa pagbabasa ng dyaryo.
Sinubukan niyang ibuka ang kaniyang bibig para magsalita ngunit napatigil siya at pinili na lang niyang manahimik. Napagtanto ni Martin na magkaibang-magkaiba nga silang dalawa ni Julian. Walang duda na kaya mas pinapaboran si Julian ng kanilang ama dahil hindi ito kumakalaban sa kahit na sino. Hindi tulad niya na halos maging kalaban ang mga kaibigan ng kaniyang ama lalo na si Doktor Mercado na minsang nagtaboy kay Celestina noong inaapoy ng lagnat si Esteban dahil sa walang pambayad ang dalaga.
Ilang sandali pa, dumating na si Don Facundo, agad tumayo ang dalawang anak at nagmano sa kaniya. "Martin, sumunod ka sa akin" saad ni Don Facundo, napatango naman si Martin at sumunod sa ama paakyat sa hagdan. Pumasok si Don Facundo sa kaniyang silid at itinuro ang bakanteng silya sa anak. Nang makaupo na si Martin ay isinara na niya ang pinto.
"Aking nabalitaan mula kay hukom Emiliano kanina na hahawakan niyo ang kaso ni Don Lorenzo at maaaring ikaw ang tumayong abodago nito" panimula ng Don, habang naglalakad ito patungo sa kaniyang mesa. Napatango naman si Martin bilang sagot sa tanong niya.
"Kapag inatasan ka ni hukom Emiliano na ikaw ang maging abogado ni Don Lorenzo sa magaganap na huling paglilitis... Nais kong tumanggi ka" saad ni Don Facundo na pinagtaka ni Martin. "Bakit ko po tatanggihan ang---" hindi na natapos ni Martin ang kaniyang sasabihin dahil nagpatuloy sa pagsasalita ang ama.
"Si Don Amadeo ang nasa likod ng pagkakakulong ni Don Lorenzo. Huwag mo nang idawit ang iyong sarili sa away nilang dalawa" patuloy ng Don, napahinga naman ng malalim si Martin. Alam na niya kung ano ang patutungahan ng kanilang usapan. Hindi ibig ni Don Facundo na lumaban si Martin ng diretso kay Don Amadeo ngunit iyon ang labang gusto niyang gawin.
"Alcalde mayor ng Tayabas si Don Lorenzo, dati silang magkaibigan ni Don Amadeo ngunit nang matuklasan ng mga mamamayan ang isang bundok na maaaring minahan ng ginto ay nagsimulang manghimasok si Don Amadeo. Ipinaglaban lamang ni Don Lorenzo ang karapatan ng kaniyang mga nasasakupan, sila ang dapat makinabang sa minahan ngunit labis itong ikinagalit ni Don Amadeo kung kaya't ipinadakip niya si Don Lorenzo at pinagbintangang nagnanakaw ng kaban ng yaman ng pamahalaan at nagsasagawa ng mga ilegal na armas sa bundok na iyon" paliwanag ni Don Facundo, nanatili namang nakatingin si Martin sa sahig, alam na niya ang detalyeng iyon dahil naikwento na ito sa kaniya ni Don Lorenzo kanina.
"Ngunit ama, tiyak na mahahatulan ng bitay si Don Lorenzo at mapapatapon ang kaniyang buong pamilya kung hindi ko ilalabas ang katotohanan" giit ni Martin na ikinagulat ni Don Facundo. "Ibig mong tumayong abogado ni Don Lorenzo?" seryosong tanong nito, napayuko naman si Martin at hindi ito sumagot.
"Martin, ngayon pa lang ay binabalaan na kita. Huwag mo nang ituloy iyan, tiyak na hindi palalagpasin ni Don Amadeo ang iyong gagawin. Sa panahong ito, wala kang dapat pagkatiwalaan kundi ang iyong sarili" seryosong saad ni Don Facundo, nanatili namang nakatingin sa sahig si Martin.
"Akin pong nararamdaman na hindi niyo itinuturing na kakampi si Don Amadeo. Hayaan niyo pong gawin ko ang bagay na ito, isisiwalat ko sa madla ang lahat ng kasamaan ng kanilang pamilya. Magtiwala po kayo sa akin, ama" pakiusap ni Martin, napasandal naman si Don Facundo sa kaniyang upuan at ipinikit nito ang kaniyang mga mata upang pakalmahin ang sarili.
"Kung wala po akong dapat pagkatiwalaan sa mundong ito. Nais ko pong malaman kung sino ang pinagkakatiwalaan niyo ama?" patuloy ni Martin sabay tingin ng diretso sa ama. Dahan-dahan namang iminulat ni Don Facundo ang kaniyang mga mata saka diretsong tumingin sa anak. "Tanging pamilya ko ang pinagkakatiwalaan ko" saad nito na nagbigay ng malinaw na sagot sa mga gumugulong bagay sa isipan ni Martin.
"K-KAYO po ba ay nakasisiguro ama?" gulat na tanong ni Loisa kay Don Amadeo, kasalukuyan siyang nasa loob ng opisina ng kaniyang ama. Habang si Don Amadeo naman ay nakatitig sa manilaw-nilaw na papel na nakalapag sa kaniyang mesa. Ang papel na iyon ay ang iginuhit na larawan ng kuwintas na de susi.
"Paanong...? Bakit ang anak ni gobernador-heneral Federico ang magiging bagong gobernador-heneral?" patuloy pa ni Loisa, nang sabihin iyon sa kaniya ng kaniyang ama kanina ay halos hindi siya makapaniwala. "Ang mas nakakagulat pa ay narito na rin sa bansa si gobernador-heneral Federico, siya ang magsisilbing visitador heneral bago umalis ang kasalukuyang gobernador-heneral" saad ni Don Amadeo, napabagsak na lang sa upuan si Loisa. Hindi siya makapaniwala sa mga pangyayari.
"Kung gayon, maaaring ipahanap nila ang nagmamay-ari ng kuwintas" tulalang saad ni Loisa at napahawak siya sa suot niyang kuwintas. "Oo, posible ngang isa iyon sa mga lihim na pakay ni gobernador-heneral sa pagbabalik niya dito sa ating bansa" pagsang-ayon ni Don Amadeo sabay kuha ng baso sa kaniyang tabi, pinuno niya iyon ng alak at diretsong nilagok.
"Lihim na pakay?" nagtatakang tanong ni Loisa sabay tingin sa ama. Naibagsak naman ni Don Amadeo sa mesa ang hawak na baso. "Tiyak na lihim niyang ipapahanap ang may ari ng orihinal na kuwintas. Hindi niya maaaring isapubliko ang paghahanap kay Celestina dahil makakalikha iyon ng ingay at usapan sa madla. Hindi pa man tayo sigurado tungkol sa tunay na kaugnayan niya sa kuwintas na iyon ngunit malakas ang aking pakiramdam na mahalagang matagpuan niya kung sino ang nagmamay ari ng orihinal na kuwintas" seryosong saad ni Don Amadeo sabay inom muli ng alak.
"Marahil ay sinimulan na niyang ipahanap ang orihinal na kuwintas. Ano na po ang gagawin natin ama? Paano kung makita niyang mayroon ako nito? Anong dapat kong gawin? Anong dapat kong sabihin? Paano kung malaman niya na hindi ito ang orihinal na kuwintas?" sunod-sunod na tanong ni Loisa na nababalot na ng matinding pag-aalala at takot.
Magsasalita pa sana siya ngunit tiningnan siya ng diretso ng ama "Gawin mo na ang gusto mong gawin kay Celestina. Siguraduhin mo lamang na makukuha mo ang orihinal na kuwinta sa kaniya" seryosong saad ni Don Amadeo na nagpahupa sa takot na nararamdaman ni Loisa para sa kaniyang sarili.
KINAGABIHAN, hindi maawat si Linda sa paghahabi ng tela. Sa tuwing masama ang kaniyang loob ay nakakahabi siya ng maraming tela dahil halos hindi siya natutulog sa inis. Matapos siyang magluto ng putahe para sa hapunan ay dumiretso agad siya sa kaniyang silid at pinagpatuloy ang paghahabi.
"Humingi ka na ng tawad kay ate Linda, kasalanan mo rin naman kung bakit sumama ang kaniyang loob" wika ni Diego nang mapansin niyang tulala lang si Timoteo sa pagkaing nasa hapag. Habang ganadong-ganado namang kumakain si Adolfo na nasa tapat nila. "Ilang araw ka bang hindi nakakain? Lumapit ka na kasi sa iyong ina. Maganda na ang buhay niya dapat pinapakinabangan mo rin iyon" saad ni Diego habang nakatingin sa kaibigan.
Inilapag na ni Adolfo ang pangatlong mangkok na nasimot niya. "Mas pinili niya ang kayamanan kumpara sa sarili niyang anak. Nagawa niya pa akong itago sa madla at palabasing anak ng dati niyang katiwala. Wala na kaming kaugnayan sa isa't isa" saad ni Adolfo na para bang sanay na siyang ikwento ang bagay na iyon, lalong-lalo na sa harap ng magkapatid na Concepcion.
"Hindi ba't alam ng anak ni Don Agustin na kapatid ka niya? Ano nga ulit ang pangalan ng kapatid mo sa ina?" tanong ni Diego, matagal nang nabanggit sa kaniya iyon ni Adolfo mula pagkabata nila at ngayon na lang nila muli napag-usapan dahil naikwento ni Adolfo kanina na nakita niya si Don Agustin sa Hotel de Oriente. Si Don Agustin ang bagong asawa ng kaniyang ina na si Donya Milagros.
"Corazon ang pangalan niya" tugon ni Adolfo, sabay sandok muli ng kanin at ulam. "Lumapit ka na lang sa kapatid mong si Corazon. Tiyak na bibigyan ka niya ng matutuluyan upang hindi ka na matulog kung saan-saan. Nagiging bahay-ampunan na rin itong tahanan nila kuya kaya nga balak ko na bumalik sa Norte. Narito rin si Martin nakikituloy, kulang na lang pati si Tonyo dito na manirahan" tawa ni Diego, hindi si Timoteo at lugmok na lugmok pa rin ito.
"Kaya siguro hindi pa sila nagkakaanak dahil hindi nababakante ang bahay na ito sa kanilang dalawa. Lagi kasi tayo narito" bulong ni Diego kay Adolfo ngunit napatigil siya nang biglang ibagsak ni Timoteo sa mesa ang kaniyang dalawang kamay saka diretsong tumayo at umakyat papunta sa kaniyang silid.
"Ikaw ang unang papalayasin dito sa bahay-ampunan" bulong ni Adolfo kay Diego na napalunok na lang sa kaba dahil akala niya ay itataob ni Timoteo ang mesa kanina.
ALAS-OTSO na ng gabi, naghihintay si Celestina sa kusina at kanina pa siya napapalingon sa pintuan sa tuwing bumubukas ito sa pag-asang darating na si Diego para sunduin siya at dalhin sa bahay nina Timoteo at Linda. Ilang sandali pa, dumating na si Diego sakay ng kalesa, tumayo na si Celestina at akmang lalabas na sa pintuan ngunit napatigil siya nang marinig ang boses ni Stella "Celestina, inaapoy ng lagnat si madam Costellanos" tawag nito na nagmamadaling makababa ng hagdan. Agad tumayo si Celestina at tumakbo papunta sa silid ni madam Costellanos.
Naabutan niyang nakabalot ito ng kumot, nanginginig sa lamig ngunit pinagpapawisan. Hinawakan niya ang noo ni madam Costellanos, inaapoy na ito ng lagnat. Dali-daling bumaba si Celestina pabalik sa kusina at kumuha ng tubig, tela at napagkulo ng dahon ng Silymarin.
Matapos ang ilang minuto, isinalin na ni Celestina ang katas ng Silymarin sa isang baso at dali-daling bumalik sa silid ni madam Costellanos saka ipinainom iyon sa senyora. Nang mahimasmasan na si madam Costellanos, dahan-dahang pinunasan ni Celestina ang noo, leeg, kamay at paa ng senyora upang mapababa ang lagnat nito.
Ilang sandali pa, hindi pa tapos si Celestina sa pagpunas kay madam Costellanos nang kumatok sa pinto si Osana. "Celestina, may naghihintay sayo sa labas" saad ni Osana, naalala ni Celestina si Diego na dumating na kanina at nakalimutan niyang magsabi sa binata dahil pinuntahan niya agad si madam Costellanos.
"Ako na muna ang bahala kay madam Costellanos, tumuloy ka na sa iyong lakad" saad ni Stella, napatango naman si Celestina kay Stella bilang pasasalamat at sumunod na siya kay Osana. Pagdating nila sa labas, wala na roon si Diego at ang kalesang sinasakyan nito. Sa likod ng bahay tumigil ang kalesa kanina at walang katao-tao roon.
Nagpalingon-lingon si Celestina sa paligid ngunit wala roon si Diego. Tumingin siya kay Osana na nakatayo lang sa tapat ng pintuan habang nakatingin sa kaniya. Kinuha ni Celestina ang maliit na kuwaderno sa kaniyang bulsa at akmang magsusulat doon para itanong kay Osana kung nasaan na si Diego ngunit nagulat si Celestina nang biglang may humila sa kaniya mula sa likuran.
Isang lalaking nakasuot ng itim at nakataklob ang mukha ang mabilis na sumunggab kay Celestina mula sa likuran. Tinakpan nito ang bibig ng dalaga at diretsong ibinaon ang matalim na kutsilyo sa tagiliran ni Celestina. Nabitiwan ni Celestina ang kuwaderno at panulat na tuluyang bumagsak sa lupa.
Sinubukan niyang magpumiglas ngunit hindi siya makawala sa mahigpit na pagkakahawak ng lalaking naka-itim. Nangingnig na napahawak si Celestina sa kaniyang tagiliran na ngayon ay hindi na matigil ang pagbulwak ng dugo. Napatingin siya kay Osana para humingi ng tulong ngunit nakatingin lang ito sa kanila, ilang sandali pa, isinarado na niya ang pinto at iniwang mag-isa si Celestina sa likod ng bahay.
Mabilis na binuhat ng lalaking naka-itim si Celestina pasakay sa kabayo. Kasunod nito ay may tatlo pang lalaking naka-itim na nakasakay sa kabayo ang sumunod sa kanila. Napapikit at napahawak na lang si Celestina sa kaniyang tagiliran habang pilit na nilalabanan ang matinding kirot nito. Pilit niyang pinipigil ang pagdanak ng kaniyang dugo ngunit hindi na ito maawat pa dahil sa lalim ng pagkakabaon ng kutsilyo sa kaniya.
Ilang sandali pa, narating na ng apat na misteryosong lalaki ang isang liblib na kagubatan. Agad binuhat ng isa si Celestina at itinulak sa lupa saka tinali ang magkabilang kamay at paa nito. Unti-unti nang nanghihina si Celestina dahil sa dami ng dugong nawala sa kaniya. Nanlalamig na ang kaniyang buong katawan habang namumuo na rin ang butil ng pawis sa kaniyang noo at leeg. Ramdam na rin niya ang panlalabo ng kaniyang mga mata at ang pag-ikot ng kaniyang paningin.
Naaninag niya ang isang babaeng naglalakad papalapit sa kaniya. Nakasuot ito ng talukbong na itim habang tinatahak ang masukal na gubat. Nasa likuran ng babae ang tatlo pang lalaking naka-itim na may hawak ng sulo ng apoy upang magsilbing liwanag.
Nang makalapit ang babae sa kaniya ay umupo ito sa tapat niya. Hindi mamukhaan ni Celestina ang babae dahil malabo na ang kaniyang paningin at umiikot na ang paligid sa kaniyang isipan. "Totoo ang kabutihang ipinakita ko sa iyo noon, Celestina. Ngunit hindi ko akalaing ganito ang isusukli mo sa akin. Huwag ka mag-alala, mabuting kamatayan pa rin naman ang ibibigay ko sa iyo" wika nito sabay hawak sa leeg ni Celestina at hinablot nito ang kuwintas na suot ng dalaga.
Sinubukang agawin ni Celestina ang kuwintas sa kamay ng babae ngunit hindi na niya maramdaman ang kaniyang mga kamay, maging ang kaniyang buong katawan. "Linisin niyo na ang kalat na ito" utos ng babae sa mga lalaking naka-itim at tumayo na ito. Agad tinakpan ng tela sa bibig si Celestina na pilit nagpupumiglas kahit hinang-hina na ito.
Binuhat siya ng dalawang lalaki saka ipinasok sa isang kabaong na gawa sa kahoy at binalutan ito ng tanikala saka kinandado. Dahan-dahan nilang inihulog ang kabaong sa malalim na hukay na inihanda na nila kanina pa saka sunod-sunod na tinabunan ng lupa ang malalim na hukay.
Rinig nila ang pagkalabog ng kabaong ngunit hindi na nila iyon pinansin. "Bilisan niyo" utos pa ng babae habang nanlilisik ang mga mata nitong nakatingin sa hukay kung saan nila ikinulong si Celestina sa loob ng kabaong.
Dahan-dahang napatingin ang babae sa kaniyang kamay at napangiti siya sa kaniyang sarili dahil sa wakas ay nailigpit na niya si Celestina na siyang humahadlang sa kanila ni Martin at higit sa lahat ay napasakamay na niya ang orihinal na kuwintas na magpapabago sa kaniyang buhay.
*********************
#ThyLove
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top