Ika-Dalawampu't Walong Kabanata
[Kabanata 28]
"MAAARI tayong maging magkaibigan kung iyong nanaisin... Natalia" wika ni Martin sabay ngiti. Halos walang kurap na nakatitig si Celestina sa mga mata ni Martin, na kahit ilang taon na ang lumipas, naroon pa rin ang pamilyar na pagpintig ng kaniyang puso sa tuwing kinakausap siya nito.
Agad napaiwas ng tingin si Celestina nang maalala niyang hindi niya dapat pairalin ang kaniyang puso dahil tiyak na magugulo ang lahat ng plano at pinaghirapan ni Don Facundo mailigtas lang sila. "P-paumanhin ngunit kailangan ko nang umalis, ginoo" saad ni Celestina nang hindi tumitingin kay Martin at agad niyang kinuha ang gitara.
Tumalikod na siya at nagsimulang maglakad papalayo ngunit nakaka-dalawang hakbang pa lang siya nang muling magsalita si Martin "Wala na ba akong ibang maririnig na salita mula sa iyo kundi paumanhin?" napatigil si Celestina nang marinig iyon, napahawak siya ng mahigpit sa gitara, gustuhin man niyang lingunin ang binata ngunit alam niya sa kaniyang sarili na hindi niya kayang tingnan ito muli ng derecho sa mata.
"Bukod sa paumanhin, palagi mong sinasabi na aalis ka. Bakit kailangan mong umalis kung maaari ka namang manatili?" patuloy ni Martin, mababakas sa tono ng pananalita nito na may malaking biyak sa kaniyang puso na ibig niyang mapunan ng kasagutan mula kay Celestina.
Ipinikit na lang ni Celestina ang kaniyang mga mata, pilit niyang pinipigilan ang nararamdaman ngunit hindi na maawat ang pagkabog ng kaniyang puso. "Kung gayon, ako'y humihingi rin ng paumanhin sapagkat hindi kita hahayaan sa ibig mong mangyari. Patuloy ka mang humakbang papalayo sa akin, patuloy pa rin akong hahakbang papalapit sa iyo" dagdag ni Martin dahilan upang imulat ni Celestina ang kaniyang mga mata at dahan-dahan siyang napalingon sa binata.
Sa pagkakataong iyon, lumipas man ang ilang taon, napagtanto ni Celestina na hindi pa rin tuluyang nagbago si Martin Buenavista na nakilala niya noon. Isa pa rin itong ginoo na handang hamakin ang lahat para sa pag-ibig nilang dalawa.
"TIYAK na sasakit ang iyong mga mata kung pabaliktad mong babasahin ang aklat na iyan" puna ni Doña Teresa sabay inom ng nilagang luya. Malalim na ang gabi ngunit tulala pa rin si Celestina sa librong nakapatong sa maliit na mesa. May isang gasera sa gilid na siyang nagbibigay ng liwanag sa kaniyang pagbabasa. Natauhan na lang si Celestina nang marinig ang sinabi ng maestra at agad niyang inayos ang pagkakabaliktad ng aklat na ilang oras na niyang tinititigan.
"Gaano ba kalalim ang iniisip mo hija upang iyong makaligtaan na hindi binabasa ng pabaliktad ang aklat" ngiti ni Doña Teresa sabay lapag sa gilid ng kaniyang tasa nang maubos na niya ito. Pinagpagan na niya ang higaan na gawa sa kawayan na nasasapinan ng gula-gulanit na banig.
"W-wala po, maestra" pagtanggi ni Celestina, isinara na niya ang aklat saka iniunat ang kaniyang likod. "Ililigpit ko lang po ang mga panggatong sa labas" patuloy niya saka binitbit ang gasera papunta sa labas ng maliit na bahay-kubo ng maestra. Itinaas niya ng kaunti ang kaniyang saya upang hindi marumihan ang dulo nito habang tinatahak niya ang daan patungosa likod kung saan natapos na ang pagpapakulo niya sa inuming tubig.
Nang matapos niyang ayusin iyon, babalik na sana siya sa loob ng bahay nang magulat siya sa narinig na boses "Tinang". Gulat na napalingon si Celestina sa likod at akmang ibabato niya ang hawak na gasera ngunit agad niyang nakilala kung sino iyon nang matapat ng liwanag mula sa gasera.
"A-anong ginagawa mo rito?" gulat na tanong ni Celestina na halos lumuwa na ang kaniyang mga mata. Napakamot naman si Martin sa kaniyang ulo sabay tanggal ng kaniyang sumbrero at itinapat niya iyon sa kaniyang dibdib. "Ako'y nagbabakasakali na uuwi ka na, sasamahan na kita pauwi" nahihiyang ngiti ng binata, napalunok naman sa kaba si Celestina. Sa kaniyang isip ay hindi na dapat siya nagtanong pa dahil siguradong sasabog ang kaniyang puso sa mga sagot nito.
"B-bakit mo naman gagawin iyon?" habol ni Celestina sabay iwas ng tingin, napahawak naman si Martin sa kaniyang batok "Dahil magkaibigan na tayo, hindi ba?" tugon nito na sinabayan niya rin ng tanong. Napakunot naman ang noo ni Celestina, hindi niya maintindihan kung dapat ba siyang madismaya o mapanatag dahil sa sinabi ni Martin.
Napalingon na lang si Celestina sa bahay ng kaniyang maestra, bukas pa ang isang kandila na nasa loob, ngunit sa tingin niya ay nakatulog na ito dahil bago siya lumabas kanina ay humiga na sa higaan ang matanda. Naglakad si Celestina papalapit kay Martin saka hinila ang binata papunta sa tabing dagat na ilang metro lang ang layo mula roon sa takot niya na marinig sila ng maestra.
"Hindi ako uuwi ngayong gabi, umuwi ka na" saad ni Celestina, nagtataka siyang napatingin kay Martin na nakatitig sa braso nitong hawak niya. Agad binitawan ni Celestina si Martin nang mapagtanto niya na hindi niya dapat hinawakan ng ganoon ang isang lalaki. "Hindi ako uuwi hangga't hindi kita kasama" derechong wika nito sabay tingin sa kaniya. Batid niyang malayo ang tinahak ni Martin mula sa hacienda Ibanez hanggang Baler, patungo sa dulo ng Aurora at sumakay din ito ng bangka papunta sa kabilang isla.
Sandaling hindi nakapagsalita si Celestina, sa mga ganoong sitwasyon mas pipiliin na lang niya na hindi makapagsalita dahil hindi niya alam kung ano bang dapat sabihin o kung ano ba ang dapat gawin. Napayuko na lang si Celestina at napansin niya na wala nang suot na sapatos si Martin. "B-bakit ka nakayapak?"
Napangiti naman si Martin sabay himas muli sa kaniyang batok "Tinangay ng alon kanina nang bumaba ako ng bangka, hindi ko na rin nakita pa sapagkat madilim na nang makarating ako rito" paliwanag niya sabay ngiti. Doon napagtanto ni Celestina na basa rin ang damit ni Martin, siguradong nahirapan ito sa paghila ng bangka papunta sa dalampasigan dahil medyo malakas ang alon sa dagat.
Napansin din ni Celestina na may mga bakas ng kagat ng lamok si Martin sa braso at leeg. Senyales na kanina pa siya nito hinihintay sa labas. "Ngayon ko lang nalaman na may napakagandang isla pala rito, sariwa ang hangin at napakaganda ng buwan" pag-iiba ni Martin ng usapan sabay tingala sa langit kung saan kitang-kita nila ang napakaliwanag na buwan.
"Kung bukas ka pa uuwi, hihintayin na lang kita rito. Mas ligtas na maghintay na lang ako hanggang sumikat ang araw dahil mapanganib maglayag mag-isa ngayong gabi" patuloy pa ni Martin sabay upo sa maputi at pinong-pinong buhangin ng tabing-dagat. Nalaman niya na nagtutungo si Celestina sa kabilag isla tuwing lunes, miyerkules at biyernes upang bisitahin ang maestra nito. Nakuha niya ang impormasyong iyon kay Emilia, si Emilia ang batang babae na binigyan niya ng rosas noong nakaraang araw. Nakilala siya nito nang makasalubong niya ito sa hacienda Ibañez.
Inilapag din ni Martin sa buhangin ang kaniyang sumbrero saka tumingin kay Celestina "Batid kong hihingi ka ng paumanhin dahil hindi mo ako masasamahan ngayon dito at aalis ka na naman. Huwag ka mag-alala, dito lang ako maghihintay sa dalampa---" hindi na niya natapos ang kaniyang sasabihin dahil biglang umupo si Celestina sa tabi niya.
Biglang nasamid si Martin sa sarili niyang laway dahil hindi niya inaasahang sasamahan siya ni Celestina at uupo ito sa tabi niya. Napapagitnaan lang sila ng kaniyang sumbrero na nakapatong din sa buhangin. "Tatlong oras na lang ang nalalabi bago sumikat ang araw. Hindi rin ako makatulog kung kaya't dito na lang din muna ako" wika ni Celestina nang hindi tumitingin sa kaniya, batid niyang nahihiya rin ito ngunit tanging palihim na ngiti na lang ang nagawa ni Martin upang ilabas ang kaniyang saya.
"Tinang---Ah, Natalia, maaari ba akong magtanong?" panimula ni Martin upang kahit papaano ay mabasag ang ilang minute nilang katahimikan. Hindi naman kumibo si Celestina kung kaya't napakagat na lang ng labi si Martin saka humarap sa dalaga. "Ganito na lang, maaari akong magtanong ng tatlong katanungan sa iyo at ganoon ka rin sa akin" ngiti niya sa pag-asang papaya ang dalaga.
Napaisip naman si Celestina, sa huli ay tumango na lang siya. Kahit papaano ay marami rin siyang katanungan na nais itanong sa lalaking ilang taon din niyang hindi nakita. "Ano ang iyong buong pangalan? Sino ang iyong mga magulang?"
Napatingin si Celestina kay Martin, hindi niya akalain na darating ang araw na magagawa niya ring sabihin ang kasinunggalingan na halos limang taon din niyang ginagawa upang ipakilala ang sarili sa ibang tao. "Natalia Jimenez. Tungkol naman sa aking mga magulang... Matagal na silang yumao" tugon niya sabay iwas ng tingin kay Martin na noong mga oras na iyon ay batid niyang kinikilatis nito ang kaniyang reaksyon.
"Bakit at paano sila yumao?" patuloy ni Martin, muling napatingin sa kaniya si Celestina. "Kapag sinagot ko iyan, apat na katanungan na ang ibinato mo sa akin" wika ni Celestina na ikinakunot ng noo ni Martin. "S-sandali, isang tanong pa lang naman---"
"Nakadalawang tanong ka na, ang una ay kung ano ang aking buong pangalan. Ang pangalawa naman ay kung sino ang aking mga magulang. At ngayon may pangatlo at pang-apat ka pang inihabol na tanong" saad ni Celestina at bigla siyang napangiti, sa mga oras na iyon ay natutuwa siya dahil naisahan niya ang kilalang magaling na abogadong si Martin Buenavista.
Natawa na lang din si Martin dahil hindi niya inaasahang mauutakan siya ng ganoon ng isang babae. "O'siya, huwag mo na sagutin ang aking huling katanungan. Hayaan mong itabi ko muna pansamantala ang aking huling tanong" ngiti ng Martin at hindi niya namalayan na kanina pa pala siya nakatitig sa mga ngiti at dalawang biloy sa magkabilang pisngi ng babaeng katabi.
"Maging sa inyong pagngiti, nahahawig mo pa rin ang babaeng aking sinisinta" seryosong wika ni Martin dahilan upang mapatigil si Celestina sa pangiti at agad napaiwas ng tingin sa kaniya. "A-ang babaeng iyong tinutukoy, bakit mo ba siya hinahanap?" tanong ni Celestina, hindi naman malaman ni Martin kung dapat niya bang sagutin iyon, kahit pa siguradong-sigurado siya na si Natalia at Celestina ay iisa.
"Maniniwala ka ba kung sasabihin ko na hinahanap ko na rin siya dati. Ilang taon ko ring hinanap ang dalagitang nakilala ko noon sa hardin ng hacienda Cervantes. Ngunit sa kasamaang palad, iba ang aking nakilala. Gayunpaman, hindi pa rin sumuko ang tadhana, muli ko siyang natagpuan sa Maynila nang magbalik ako mula Europa. Noong una, ibig ko lamang tulungan siya makaalis sa kamay ng isang matapobreng doña ngunit hindi ko akalain na unti-unti na pala akong nahuhulog sa kaniya. Muli akong nahulog sa kaniya sa ikalawang pagkakataon. Maaari bang ibigin mo ang isang tao ng dalawang beses sa magkaibang pagkakataon?" wika ni Martin, hindi naman nakasagot si Celestina dahil sa simula pa lang ay batid niyang wala namang ibang sagot kundi Oo. Dahil maging siya ay ilang beses nang nahuhulog kay Martin at kahit anong gawin niya ay alam niyang hindi na iyon mabubura pa.
"Kung gayon, bakit kayo nagkahiwalay?" habol ni Celestina, napayuko naman si Martin saka muling tinanaw ang karagatan. "Hindi ko rin alam, batid kong alam niya na handa kong isuko at iwanan ang lahat upang makasama siya ngunit marahil ay hindi siya ganoon sa akin"
"Paano ka nakasisiguro na nagawa ka niyang iwan nang ganoon lang?" sa pagkakataong iyon ay nababakas sa tono ng pananalita ni Celestina na may ibig din siyang iparating kay Martin. Napatingin naman si Martin ng derecho sa kaniyang mga mata.
"Paano ko malalaman kung hindi niya sa akin ipapaliwanag? Ilang taon ko siyang hinanap, hindi ko na rin mabilang kung ilang beses ako nagtungo sa Hongkong upang hanapin siya roon ngunit palagi akong bigo. Paano ko masusumpungan ang taong sa umpisa pa lang ay hindi na ako ibig pang makita?" bawi ni Martin, tuluyan nang hindi nakaimik si Celestina. Pinilit niyang ibaling ang kaniyang atensyon at paningin sa dagat ngunit mas nangingibabaw pa rin ang sigaw ng kaniyang puso na pilit siyang pinapaamin sa kaniyang totoong nararamdaman.
Ilang minuto silang nabalot ng katahimikan, parehong hindi alam ang gagawin at sasabihin dahil sa hindi inaasahang mainit na batuhan ng katanungan. "Alam mo, sa ilang taon kong pamamalagi sa hukuman, napagtanto ko na mas mahirap pala sagutin, ipaliwanag at ipaglaban ang pag-ibig kumpara sa mga kaso at suliranin ng lipunan. Tama pa ba o mali? Dapat pa ba ipaglaban o hindi? Mga tanong na kahit ang isang abogadong tulad ko ay mahihirapang sagutin. Ngunit alam mo ba kung paano malalaman kung ang taong gusto mo ay may pagtingin din sa iyo?" saad ni Martin sabay ngiti ng kaunti upang kahit papaano ay gumaan ang kanilang paligid.
Dahan-dahan namang napalingon sa kaniya si Celestina. "Ang pag-ibig na hindi lumalabas sa bibig ngunit nararamdaman mula sa pagtitig" patuloy ni Martin, kasabay niyon ay umihip ang malamig at sariwang hangin dahilan upang pareho nilang maramdaman ang pamilyar na pag-ibig na muling kumakataok sa kanilang mga puso.
KINABUKASAN, naalimpungatan si madam Costellanos dahil sa bango ng niluluto ni Celestina na kakanin. Narinig niya pang humihimig ang dalaga dahilan upang mapangiti siya habang inaayos ang kaniyang higaan. "Tila maganda ang iyong gising, hija" panimula ng matanda, napatigil naman si Celestina sa pagbabalot ng kakanin sa dahon ng saging at napalingon kay madam Costellanos. "Gising na po pala kayo, kumain na po kayo" aya niya sabay ngiti. Tumango na lang ang matanda saka naglakad papalapit sa kaniya.
"Anong dahilan sa likod ng mga ngiti mong iyan?" puna nito muli, natawa na lang si Celestina saka napailing. "Masaya lang po ako dahil kaarawan ni Esteban ngayon, binilhan ko rin siya ng bagong sumbrero at gabardine na maaari niyang gamitin sa tuwing may okasyon at pista sa bayan" ngiti ni Celestina, napatango na lang si madam Costellanos saka tumikim ng kakanin.
"Nasaan na ba si Esteban?" tanong nito, napalingon naman si Celestina sa paligid. "Nagpaalam lang po siya sa akin kanina sandali na magtutungo sa tahanan nila Mang Santino ngunit naririto na dapat siya" nag-aalalang saad tugon ni Celestina, ilang sandali pa, natanaw nila ang isang binatilyo na isa sa mga anak ni Mang Santino, tumatakbo ito papalapit sa kanila.
"Ate Natalia!" sigaw ng binatilyo, agad lumabas ng bahay si Celestina at madam Costellanos. "Rogelio, ano iyon?"
"N-nasa panganib po si Esteban! Dinakip siya ng mga guardia kanina at inakusahang espiya na nagmamasid sa kanilang pag-eensayo sa talampas!" sigaw ni Rogelio sabay hawak sa kaniyang tuhod dahil ilang kilometro rin ang layo ng kaniyang tinakbo.
"Ano?!" halos sabay na wika ni Celestina at madam Costellanos, ito na ang kanilang kinatatakutan. Ilang beses na nilang sinabihan at pinagbawalan si Esteban na magtungo sa talampas ngunit hindi pa rin ito tumitigil.
"Nasaan siya ngayon?" seryosong tanong ni Celestina kay Rogelio, "Kasalukuyan po siyang nakahimpil sa kwartel ng mga guardia sa bayan. Akin din pong nabalitaan na lilitisin bukas ang kaniyang kaso sa mababang hukuman" tugon ni Rogelio, napahawak na lang si madam Costellanos sa pinto dahil sa mga narinig. Mabuti na lang dahil naalalayan agad siya ni Celestina.
"T-tiyak na malalagay ang buhay ni Esteban sa kamatayan, mabigat ang pag-aakusa sa kaniya na isa siyang espiya. Kinakalaban niya ang pamahalaan" wika ni madam Costellanos na halos hindi na makahinga, agad siyang dinala ni Celestina at Rogelio sa higaan nito upang makapagpahinga.
"Ano na pong gagawin natin?" maluha-luhang tanong ni Rogelio, nag-aalala siya sa kalagayan ng matalik na kaibigan. "Kailangan kong makausap si Esteban" matapang na tugon ni Celestina na desisidong lampausin lahat ng maglalagay kay Esteban at sa kaniyang mga mahal sa buhay sa kapahamakan.
Oras ng siyesta, halos nakasilong ang lahat ng mga guardia. Kakatapos lang din ng tanghalian kung kaya't busog at inaantok na sila. Nakatanaw mula sa di-kalayuan si Celestina at ang binatilyong matalik na kaibigan ni Esteban na si Rogelio. "Paano po tayo makakapasok sa loob?" kinakabahang tanong ni Rogelio, hindi naman natinag si Celestina, nakatingin lang siya ng derecho sa pinto ng kwartel kung saan pinagmamasdan niya ng mabuti ang bawat galaw ng dalawang guardia na nakabantay doon.
"Hihintayin lang natin na makatulog sila, ako na ang papasok. Dito ka lang sa labas" tugon ni Celestina, napalunok naman sa kaba si Rogelio. "A-akin din pong nabalitaan kanina na si Ginoong Desiderio na mula sa pamilya ng mga Ocampo ang magsisilbing hukom sa mangyayaring paglilitis. Darating po si Ginoong Desiderio bukas mula sa kabilang bayan" saad ni Rogelio, gulat namang napalingon sa kaniya si Celestina. Ang pamilya Ocampo ay kilala sa larangan ng pamilya na magagaling na abogado. Ang ina ni Martin ay isang Ocampo.
TULALANG pinagmamasdan ni Martin ang dalawang kalapati na nasa isang maliit na pugad sa ibabaw ng puno na malapit sa bintana ng silid na kaniyang tinutuluyan sa bahay-panuluyan. Tuluyan nang lumamig ang tasa ng tsaa na dinala sa kaniya para sa merienda. Maliwanag ang buong paligid ngunit hindi ganoon kainit at sariwa rin ang simoy ng hangin.
Patuloy na sinasayaw ng hangin ang mga puno at halaman sa labas dahilan upang mas lalong mapukaw ng dalawang kalapati ang atensyon ni Martin dahil kahit gaano kalakas ang hangin ay hindi natitinag ang dalawang ibon.
Ilang sandali pa, natauhan siya nang marinig ang pagbukas ng pinto. "Haay, maging si Don Hugo ang sakit sa ulo kausap" reklamo ni Timoteo sabay hagis ng kaniyang sumbrero at gabardino sa kaniyang higaan. "Bagay na bagay talaga silang dalawa. Parehong nasisiraan na ng ulo" patuloy pa ni Timoteo sabay dampot sa tinapay na nakalagay sa maliit na platito na siyang merienda san ani Martin.
Isinubo niya iyon ng buo saka nginuya na parang wala ng bukas. "Nararamdaman ko talagang may malaking lihim ang dalawang iyon. Nagtatanong lang naman ako ukol sa mga halaman ng tobacco para sa aking pag-aaral ngunit ayaw nila akong harapin" inis na wika ni Timoteo sabay upo sa kama. "Babalik na tayo sa Maynila sa susunod na araw, hanggang ngayon wala pa akong nadadagdag na impormasyon sa aking pag-aaral" patuloy pa nito sabay hagis ng kaniyang sapatos sa ere dahil sa matinding pagkainis.
"Marami pa namang taniman ng halamang iyan, ibang tao na lang ang pakiusapan mong magbigay ng impormasyon sa iyo" suhestiyon ni Martin, napasabunot na lang si Timoteo sa inis saka nahiga sa kama at nagwala roon.
"Nauubos na ang aking salapi dahil dito! Tiyak na malalagot ako kay Linda" sigaw ni Timoteo na animo'y batang ngumangawa. Napailing na lang si Martin saka napahawak sa kaniyang ulo, hindi niya maintindihan kung bakit parang umuurong ang edad ni Timoteo dahil sa mga kilos at asal nito.
"Siya nga pala, nakausap ko si Don Sebastian kanina. Hinahanap ka niya, nais niyang humingi ng tulong sa iyo upang ipaliwanag kay Don Amadeo na nanakaw sa kaniya ang mga alahas na dapat ipinagkatiwala sa kaniya ng iyong biyenan" wika ni Timoteo sabay bangon sa kama at ininom na niya ang malamig na tsaa ng kaibigan. Napangiwi siya ng malasahan na mapakla at malamig na ito.
Hindi naman umimik si Martin, muli na lang niyang ibinaling ang kaniyang tingin sa dalawang kalapati. Sa loob ng ilang araw ay kailangan na naman niyang harapin ang dalawang bangungot sa buhay niya. "Dumaan din pala ako sa mababang hukuman kanina, nabalitaan ko na darating bukas si Ginoong Desiderio. Siya na pala ang punong hukom dito" patuloy ni Timoteo dahilan upang mapatigil si Martin at mapalingon sa kaniya.
Matagal na niyang hindi nakikita o nakakasalumuha ang mga kamag-anak mula sa pamilya ng kaniyang ina. Magmula nang malaman niya ang lahat ng kasamaan nito, kung paano pinapatay ng kaniyang ina at lolo ang ina ni Julian at ginipit si Don Facundo ay tuluyan nang lumayo ang kaniyang loob sa pamilya Ocampo. Pakiramdam niya ay naulit lang ang nangyari sa kaniyang ama na ginipit ng pamilya Ocampo. Ngayon naman ay siya ang dumaranas niyon, itinali na siya ng pamilya Espinoza sa leeg.
Ang abogadong si Desiderio Ocampo ay kapatid ng kaniyang ina. Pang-apat ito sa magkakapatid at isa ring magaling na abogado. Natawa na lang na may halong pagkasarkastiko si Martin sa sarili dahil tila pinaglalaruan siya ng tadhana. Batid niyang hindi niya tuluyang mapuputol ang pagkakaugnay sa pamilya Ocampo dahil dumadaloy ang dugo nito sa kaniya ngunit hindi niya pa rin akalain na makikita na naman niya ang isa sa mga ito.
"Nasabi sa akin ng mga naroon sa hukuman na nabalitaan ni Ginoong Desiderio na naririto ka sa Nueva Ecija kung kaya't magtutungo siya rito bukas. Tila hindi mo na ito maiiwasan, Tinong" tawa ni Timoteo, kung kanina ay inis na inis siya, ngayon naman ay napagtanto niya na mas malas pa pala si Martin kaysa sa kaniya.
KINAGABIHAN, hindi mapakali si Celestina, kanina pa siya lakad ng lakad pabalik-balik sa loob ng tahanan ni Doña Teresa. Nakaupo lang ang matanda sa kama habang nag-iisip ito ng paraan kung paano matutulungan sina Celestina at lalong-lalo na si Esteban.
"Magaling na abogado at hukom si Ginoong Desiderio, matalik din niyang kaibigan pinuno ng mga guarda. Tiyak na papanigan niya ang mga guardia at ang pamahalaan" wika ni Doña Teresa, sabay hawak sa kaniyang ulo dahil kanina pa sila nag-iisip ni Celestina ng paraan. "Siya nga pala, nakausap mo ba si Esteban kanina sa bilangguan?" habol nito, napailing lang si Celestina sabay hawak din sa ulo niya.
"Hindi po maestra. Biglang dumating ang ilang mga opisyal sa kwartel kanina kung kaya't hindi ako nagkaroon ng pagkakataong makapasok ng palihim doon. Labis na akong nababahala sa kalagayan ni Esteban, pinakapain ba siya roon? Nakakatulog ba siya ng maayos? Pinapahirapan at pinaparusahan ba siya?" wika ni Celestina na halos maluha na dahil sa matinding pag-aalala.
"Isa rin po sa mga ikinakabahala ko ay ang abogadong magtatangol kay Esteban. Paano kung hindi niya magawang maipagtanggol ng maayos ang bata? Paano kung kapalig din siya ng mga umuusig kay Esteban? Tiyak na madidiin siya sa kaso" patuloy pa ni Celestina at napatigil siya nang mapagtanto na umuulan na sa labas.
Napatitig siya sandali sa bawat pagpatak ng ulan, "Hindi ako makakapayag na maparusahan si Esteban sa kasalanang hindi naman niya ginawa" seryosong saad ni Celestina, ngunit napatigil siya nang tmayo si Doña Teresa at lumapit sa kaniya "Gamitin mo na lang muna ito panaklob upang hindi ka mabasa ng ulan" saad ng matanda sabay abot ng itim na sumbrero at gabardino kay Celestina na siyang ireregalo rin sana nito kay Esteban.
Sandaling napatitig si Celestina sa panlalaking kasuotang iyon, kasabay niyon ay may ideyang pumasok sa kaniyang isipan. "Hindi ako mananahimik dito maestra. Ako mismo ang magtatanggol kay Esteban" matapang na wika ni Celestina. Nanlaki naman ang mga mata ng matanda dahil sa sinabi ni Celestina.
"N-ngunit hindi maaaring maging abogado sa hukuman ang mga babae" giit ng matanda, kinuha naman ni Celestina sa kamay nito ang sumbrerong itim at gabardino na kulay itim. "Nagawa kong itago ang aking tunay na katauhan sa pangalang Natalia. Magagawa ko rin pong itago ang aking kasarian sa pamamagitan ng kasuotang ito" seryosong saad ni Celestina, sa pagkakataong iyon ay hindi na nagtangka pang kumontra si Doña Teresa dahil batid niyang wala ng makakapigil kay Celestina.
"KUMUSTA ka na Martin? Kumusta ang buhay may asawa?" panimula ni hukom Desiderio sabay abot ng baso ng alak sa pamangkin na ilang taon na rin niyang hindi nakikita. Ang huli nilang pagkikita ay noong bago pa magtungo sa Europa si Martin upang mag-aral.
Hindi naman umimik si Martin, kinuha na lang niya ang basong inabot ng tiyo. Kakababa lang niya sa kalesa at naabutan niyang kakababa lang din ni Desiderio sa kalesang sinakyan nito. May dala itong alak na agad naman siyang inalok bago sila pumasok sa loob ng hukuman.
"Wala namang pinagkaiba sa naging buhay ni ama" sagot ni Martin sabay inom ng alak. Nang maubos niya iyon ay iniabot niya ang baso sa kutsero saka nagpatuloy na sa paglalakad papasok sa hukuman. Agad namang sumaludo ang mga guardia, ibinagsak na lang ni hukom Desiderio ang hawak na alak sa kamay ng kaniyag kutsero dahil sa inis. Hindi niya akalaing sasagutin siya ng ganoon ng sariling pamangkin kahit pa alam niyang hindi naman ito malapit sa kanila.
Sinundan niya si Martin habang naglalakad ito sa mahabang pasilyo ng hukuman, "Nabubuhay ka na rin ba na parang si Facundo na isang linta? Hanggang ngayon ba ay sinisipsip niya ng palihim at unti-unti ang kapangyarihan ni Don Amadeo" habol nito dahilan upang mapatigil si Martin sa paglalakad ngunit hindi siya lumingon.
"Higit kong kilala si Facundo, ganoon din naman ang ginawa niya sa aming ama at sa aming pamilya nang mapagtanto niya na hindi na siya makakawala kay Adelia. Maaari naman niyang hindi bigyan ng anak ang aming kapatid ngunit bakit sila nagkaroon ng anak? Bakit naririto ka sa mundong ito Martin? Hindi pa natapos doon dahil nagkaroon pa ng Joaquin at Javier si Facundo at Adelia" patuloy ni hukom Desiderio ang tono ng pananalita nito ay may halong pagka-sarkastiko at pangungutya kung kaya't hindi na nakapagpigil si Martin at nilingon niya ito.
"Huwag mo nang idamay pa ang aking mga kapatid" seryosong wika ni Martin ngunit tumawa lang ang kaniyang tiyo. "Hindi mo pa pala talaga kilala ang iyong ama. Kung ayaw mong making ay hindi na kita mapipilit pa. Ngunit hindi ba sumagi sa iyong isipan ang kaniyang motibo bakit niya binigyan ng anak ang aming kapatid gayong sinusumpa niya ito at ang pamilya namin? Kung ikaw ang tatanungin, magagawa mo bang bigyan ng anak si Loisa kung wala kang ibang motibo?" dagdag pa ni hukom Desiderio saka nagsimula itong humakbang ng dahan-dahan papalapit sa pamangkin.
"Sa dami ng gumugulo sa iyong isipan mahal kong pamangkin. Tila may nakaligtaan ka... Iyong nakalimutan kung sino nga ba talaga si Facundo Buenavista" babala nito saka nagpatuloy sa paglalakad. Naiwan namang tulala si Martin sa gitna ng pasilyo, naguguluhan sa mga huling sinabi ng tiyo.
Napatingin na lang siya sa tabing bintana kung saan makulimlim ang buong kalangitan na tila hindi pa tapos ang malakas na pag-ulan kagabi. Halos basa rin ang buong kapatagan dahilan upang mahirapan ang ilan sa paglalakad dahil sa putik. Hirap ding makausad ang mga kalesa at karitela dahil nababaon sa malambot na lupa ang mga gulong nito.
Sa kabila ng lahat ng iyon, derechong naglalakad ang isang lalaki suot ang itim na sumbrero at itim na gabardino. Tila hindi nito alintana ang maputik na daan, at kahit mabahiran ng putik ang kaniyang itim na sapatos ay wala siyang pakialam.
Ilang sandali pa, tumigil ito sa tapat ng mababang hukuman. Nakabantay sa harap ang apat na guardia, at may dalawang kalesa na nakaparada sa tapat nito. "¿Quién eres?" (Who are you?) wika ng isang guardia at hinarangan nito ang lalaki na akmang papasok sa loob ng hukuman.
Dahan-dahang iniangat ng lalaki ang kaniyang ulo sabay pakita ng kaniyang sedula. Agad binasa at kinilatis ng mabuti ng guardia ang dokumentong dala nito, "Lo siento Sir Enrico, es mi primera vez para conocerte" (I'm sorry Sir Enrico, it is my first time to meet you) saad ng guardia at tumabi na ito sa daan maging ang iba pa nitong mga kasamahan.
Ibinulsa na ng lalaki ang kaniyang sedula saka naglakad papasok sa hukuman. Malayo pa lang ay naririnig na niya ang ingay mula sa pinaka-dulong silid kung saan gaganapin ang paglilitis ng binatilyong inaaksauhang espiya at miyembro ng rebeldeng grupo na nagtatago sa kabundukan ng Norte.
Nang marating nito ang pinto, huminga muna ito ng malalim saka itinulak iyon. Napalingon ang mga tao sa hukuman nang marinig ang pagbukas ng pinto. Nagtataka silang nakatingin sa lalaking dumating, nakukubli ang mukha nito ng suot nitong sumbrero kung kaya't hindi pa nila matukoy kung sino ito. Nakakalikha ng kakaibang ingay ang bawat paghakbang ng lalaki suot ang sapatos nitong nababalot na ng putik.
"Kasalukuyang ginaganap ang paglilitis ng kaso rito, anong kapangahasan ito?" sigaw ni Hukom Desiderio ngunit hindi nagpatinag ang estrangherong nakatayo sa gitna. Ilang sandali pa, dahan-dahan nitong iniangat ang ulo saka inihagis sa kanilang harapan ang sedula.
Agad namang kinuha ng isang piskal ang sedula at dinala iyon kay hukom Desiderio. Napakunot ang noo nito ng mabasa ang nakasulat doon. "Enrico Gonzales? Isa kang abogado sa Maynila?" nagtatakang tanong ni hukom Desiderio at napalingon ito kay Martin na alam niyang nakabase sa hukuman ng Maynila.
"Nakikilala mo ba ang abogadong ito?" tanong niya sa pamangkin na halos walang kurap na nakatitig sa estrangherong bagong dating. "Martin?" ulit ni hukom Desidero dahilan upang matauhan si Martin na nakaupo sa tabi niya.
"O-opo, isa nga siyang abogado sa Maynila" tugon ni Martin habang gulat pa ring nakatitig kay Celestina suot ang itim na sumbrero at gabardino na siyang kasuotan ng mga kalalakihan. "Kung gayon, anong ginagawa mo rito?" tanong ni hukom Desidero kay Celestina na naglakad papunta sa panig ni Esteban na nakatali sa upuan nito.
"Narito ako upang magsilbing abogado ng binatilyong ito" matapang na sagot ni Celestina gamit ang mas malalim na boses. Ngunit kahit ganoon ay napapaisip na lang ang ilan kung bakit ganoon ang boses niya. "Wala akong inilabas na utos na---" hindi na natapos ni hukom Desiderio ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagsalita si Martin.
"Mawalang-galang na hukom Desiderio ngunit pinahihintulutan ko na maging abogado ng nasasakdal si Enrico Gonzales" sabat ni Martin dahilan upang gulat na mapatingin sa kaniya ang lahat. Sa pagkakataong iyon ay napatitig sa kaniya si Celestina, ang mga mat ani Martin ay nangungusap sa mata ng dalaga na handa niyang tulungan ito kahit anong mangyari kahit pa hindi niya rin inaasahan na si Esteban ang nasasakdal at ang pagdating ni Celestina ay malinaw na siya nga si Celestina Cervantes.
"A-anong ibig mong sabihin? Anong karapatan mong pangunahan ang aking desisyon sa hukumang ito" giit ni hukom Desiderio ngunit nagulat siya maging ang lahat ng biglang tumayo si Martin. "Batid kong hindi lingid sa inyong kaalaman na ako ang kanang-kamay ng punong hukom sa mataas na hukuman ng Maynila. Hindi rin naman labag sa batas ang pagkakaroo ng sariling abogado ng nasasakdal kung kaya't wala tayong karapatan na ipagbawal iyon" paliwanag ni Martin sabay ayos ng kaniyang sumbrero at kunindat siya kay Esteban at Celestina
Napapikit na lang sa inis si hukom Desiderio, bukod sa mas mataas nga ang posisyon ni Martin kaysa sa kaniya ay may karapatan din magkaroon ng abogado si Esteban. Nang dahil sa pangyayaring iyon, nagsimulang magbulungan ang mga tao. Ang ilan ay nagkaroon ng hinuha na naparito si Martin sa kanilang bayan upang obserbahan ang Sistema ng kanilang hukuman.
"Maari na magsimula ang panig ng nasasakdal" patuloy ni Martin sabay tango kay Celestina at naupo na ito. Napatango na lang sa kaniya si Celestina at huminga ito ng malalim bago nagsalita "Kagalang-galang na hukom at sa inyong lahat. Naririto ako sa inyong harapan upang patunayan na walang kasalanan ang nasasakdal na si Esteban sa pagiging espiya mula sa mga tulisan na lumalagi sa kabundukan. Una, siya ay ordinaryong manggagawa lamang sa hacienda Ibañez na naatasan ding magtungo sa kagubatan upang kumuha ng mga kahoy at ibang halamang gamot. Ang kagubutang kaniyang tinatahak ay patungo sa talampas kung saan nagsasanay ang mga hukbo kung kaya't walang matibay na ebidensiya na magpapatunay na nagsasadya siya roon bilang espiya" matapang na pahayag ni Celestina, sabay lingon kay Esteban na maluha-luhang nakatingin sa kaniya Tila nabuhayan ito ng pag-asa dahil dumating ang kaniyang ate Tinang upang iligtas siya.
"Malinaw na naroon nagsasanay ang hukbo, maaari naman siyang magtungo sa ibang gubat ngunit doon pa rin siya nagtutungo. Ang pag-iwas sa mga maaaring suliranin ay naisip niya sana. Batid niyang naroroon ang hukbo at maaari siyang mapahamak, nagtutungo pa rin siya doon dahil may iba siyang motibo" giit ni hukom Desiderio. Hindi naman natinag si Celestina at tiningnan siya nito ng derecho sa mata.
"Ang bundok na iyon ang siyang bundok na nasasakupan ng hacienda Ibañez, naroroon ang mga kahoy at mga halamang gamot na kailangan niyang kunin. Hindi niya kasalanan na doon siya inaatasang magtungo, at hindi niya rin kasalanan na doon nagsasanay ang hukbo" buwelta ni Celestina, muling nagbulungan ang mga tao dahilan para sumigaw si hukom Desiderio at pinatahimik niya ang mga ito.
"Kasalanan ba ng isang leon na nagtutungo sa kaniyang teritoryo ang bisitang hayop?" habol pa ni Celestina dahilan upang kumulo lalo ang dugo ni huko Desiderio. "Sinasabi mo bang mga bisitang hayop ang hukbo na nagsasanay doon?" sigaw nito na umalingawngaw sa buong hukuman.
"Kayo ang nagsabi niyan kagalang-galang na hukom. Kung iisipin, hindi rin naman kasalanan ng hukbo na doon sila nagsasanay kung kaya't sa kasong ito, walang dapat sisihin dahil walang may kasalanan. May ebidensiya rin ba kayong maipapakita na magpapatunay na sugo ng rebeldeng grupo si Esteban? Ano ang inyong pinanghahawakang katibayan na magdidiin sa kaniya sa pagiging tulisan?" sigaw ni Celestina, sa pagkakataong iyon ay hindi na niya mapigilan pa ang bugso ng kaniyang damdamin.
Hindi naman nakapagsalita si hukom Desiderio at napatahimik din ang mga tao na naroroon sa hukuman dahil may punto nga naman ito. Maging si Martin ay tahimik lang na nakatitig sa dalaga, hindi niya na nagtataglay ito ng pambihirang katalinuhan at pangangatwiran upang ipaglaban ang katotohanan sa hukuman.
"Wala kayong maipakitang ebidensiya dahil batid niyo sa inyong mga sarili na ang lahat ng ito ay mula lamang sa inyong pag-aakusa. Paano niyo naaatim na sirain ang buhay ng isang tao dahil lamang sa maling akala at pagbibintang? Ang mga dukha ay at nabibilang sa mababang estado ng pamumuhay ay walang karapatan na maipagtanggol ang kanilang mga sarili dahil sa bulok na Sistema ng hukuman. Sa huli, ang mga mahihirap pa rin ang mapaparusahan, mawawalan ng dangal, magiging tampulan ng maling paratang at tukso, at higit sa lahat ang mga dukha pa rin ang mamamatay!" buwelta ni Celestina habang isa-isang tinitingnan ang mga tao roon na nakayuko na lang dahil sa sampal ng katotohanan.
"Ngayon pa lang ang unang paglilitis, wala pa kaming matibay na ebidensiya ngunit mapapatunayan naming nabibilang nga sa tulisan ang binatilyong iyan" giit ni hukom Desiderio ngunit tila nakaramdam siya ng pagkasindak nang muli siyang tiningnan ng matalim ni Celestina.
"Ginanap niyo ang paglilitis na ito nang hindi kayo handa? Saka niyo na lang ipapakita ang mga katibayan ngunit handa na kayong hatulan ang nasasakdal upang hindi na humaba ang paglilitis. Huwag niyong itanggi ang mga sinasabi ko dahil ganito ang pamamalakad niyo rito, hindi ba?" banat pa ni Celestina, napaubo na lang si hukom Desiderio. Magsasalita pa sana ang matandang hukom ngunit napatigil siya nang muling tumayo si Martin.
"Tumigil na kayo kagalang-galang na hukom. Mahalaga na bago mag-umpisa ang paglilitis ay may matibay na kayong ebidensiya. Bukod doon, bilang hukom sa hukumang ito, hindi niyo dapat pinapakita na may pinapanigan kayo sapagkat kayo ang maglalabas ng hatol sa huli. Paano pa magtitiwala ang mga tao kung sa kalagitnaan ng paglilitis ay pinapakita niyo na sa lahat na kalaban niyo ang nasasakdal?" wika ni Martin sabay lingon sa kaniyang tiyo na halos atakihin sa puso dahil hindi siya makapaniwala na magagawa siyang ipahiya ng ganoon ng sariling pamangkin.
"Mula sa kapangyarihan ng mababang hukumang ito at ang tungkuling aking sinumpaan. Aking isinasawalang-bisa ang kasong kinakaharap ng nasasakdal na si Esteban Jimenez sa salang rebelyon" saad ni Martin sabay kuha sa maso at ipinukpok niya iyon. Nagpalakpalakan at nagtatataong sa tuwa ang mga mangagagwa ng hacienda Ibañez na naroroon sa panig ni Esteban.
Maluha-luhang napangiti si Celestina at agad siyang niyakap ni Esteban na tuluyan nang bumagsak ang ang luha. Sa mga sandaling iyon, muling napatingin si Celestina kay Martin na nahuli niyang nakatingin pa rin sa kaniya. Isang ngiti ang kaniyang pinakawalan bilang pasasalamat sa ginawa ng lalaking handang tulungan at saluhin siya sa tuwing siya ay nadadapa at nangangailangan.
KINABUKASAN, makulimlim pa rin ang langit. Tulala lang si Celestina habang nakaupo sa tabi ng karitela. Kasalukuyan siyang nasa Baler upang ihatid ang mga halamang tobacco sa isang tindahan. Isa-isang ibinababa nina Mang Santino ang mga sako-sakong halaman habang si Celestina naman ay gumuguhit sa isang malinis na papel. Ginuguhit niya roon ang isang rosas, patuloy pa ring gumugulo sa kaniyang isipan ang kabutihan ni Martin sa ginawa nitong pagtulong at pagligtas sa kay Esteban sa hukuman.
Si Enrico Gonzales na isang bagong abogado sa Maynila ay nagising na lang sa bahay-panuluyan kung saan ito nananatili. Nagtungo siya sa Norte upang bisitahin ang nililigawan ngunit may binatilyong lumapit sa kaniya at pinainom siya nito ng alak na may pampatulog dahilan upang makatulog siya ng halos dalawang araw.
Natauhan na lang si Celestina nang matanaw niya mula sa di-kalayuan si Esteban na kakababa lamang sa isang karitela na kakarating lang doon at mabilis itong tumakbo papalapit sa kaniya "Ate Tinang, aking nabalitaan na aalis na ngayon si kuya Tinong. Sasakay sila ng barko pabalik ng Maynila!" nagmamadaling saad ni Esteban, agad namang napatayo si Celestina ngunit walang salita na lumabas sa kaniyang bibig. Batid niyang darating din ang araw na babalik na ng Maynila si Martin ngunit hindi niya akalaing masakit pala marinig iyon.
"Ate, anong gagawin natin? Tiyak na nakilala ako ni kuya Tinong. Malinaw na sa kaniya na ikaw si ate Tinang dahil magkasama tayo" habol pa ni Esteban, agad namang kinuha ni Celestina ang itim na balabal at napalingon sa direksyon nina Mang Santino at ng mga anak nito. "Mang Santino, ako'y may pupuntahan lamang sandali" paalam ni Celestina, magsasalita pa sana ang matanda upang tanungin kung saan ngunit mabilis nang nakatakbo papalayo si Celestina.
Sinundan din siya ni Esteban at pareho na nilang tinahak ang magulong pamilihan patungo sa pinakadulong daungan. Alas-sais pa lang ng umaga at nababalot na ng kulimlim ang buong kalangitan. Ilang minuto lang, narating na nila ang daungan kung saan naroroon na ang barkong sasakyan ni Martin pabalik ng Maynila. Maaari rin naman nitong tahakin ang daan sakay ng kalesa ngunit mas pinili niyang sumakay ng barko.
Napakaraming tao sa daungan noong mga oras na iyon kahit pa patuloy ang mahinang pag-ulan. Inilibot ni Celestina ang kaniyang paningin sa pag-asang masumpungan si Martin. Patuloy ang paglalakad ng mga tao sa iba't-ibang direksyon. Ang iba ay naghahanap ng masisilungan habang ang iba naman ay hindi alintana ang mahinang pag-ulan.
Ilang sandali pa, napatigil si Celestina nang matanaw si Martin mula sa di-kalayuan, nakapila ito pasakay sa barko bitbit ang dalawang bagahe. "G-ginoong Martin" tawag ni Celestina ngunit hindi siya narinig nito kung kaya't tumakbo na siya papalapit sa daungan subalit marami siyang nakakasalubong na mga tao.
"Ginoong Martin!" ulit ni Celestina ngunit hindi pa rin siya nito narinig. Dahan-dahang umuusad ang pila hanggang sa malapit na si Martin sa bantay. Pilit na sinalubong ni Celestina ang mga tao at sa huling pagkakataon ay isinigaw niya ang pangalang matagal na niyang pinapangarap na sambitin "Tinong!"
Sa pagkakataong iyon, napatigil si Martin at napalingon sa kinaroonan ng boses kung saan niya narinig ang kaniyang palayaw. Sandali siyang hindi nakapagsalita nang magtama ang kanilang mga mata. Hindi niya akalaing maririnig niyang sambitin iyon ni Celestina.
Agad niyang ibinaba ang dalawang bagahe na hawak saka naglakad papalapit sa dalaga na noong mga oras na iyon ay nasa gitna ng napakaraming tao na naglalakad sa iba't ibang direksyon. Animo'y bumilis ang takbo ng paligid habang patuloy ang mga tao sa kani-kanilang mga paroroonan.
Halos walang kurap silang nakatingin ng derecho sa mata ng isa't isa habang patuloy ang dahan-dahang pagbagsak ng ulan at ang abalang usad ng mga tao sa daungan. "P-paano mo nalaman ang aking palayaw?" tanong ni Martin, bagama't alam naman na niya ang sagot, ibig pa rin niyang marinig na sabihin iyon muli ni Celestina.
"B-bakit aalis ka na? h-hindi pa ako nakakapagpasalamat sa iyo" wika ni Celestina at agad nitong pinunasan ang luhang namumuo sa kaniyang mga mata. Napangiti naman si Martin ngunit ang ngiting iyon ay may halong kalungkutan. "Hindi mo na kailangang magpasalamat. Tutulungan pa rin naman kita kahit hindi mo sabihin" saad nito dahilan upang mas lalong kumirot ang puso ni Celestina. Hindi na niya malaman kung ang tubig na dumadaloy sa kaniyang mga mata ay mula ba sa ulan o sa sarili niyang luha.
"Patawad kung ako naman ang hihingi sa iyo ng paumanhin dahil kailangan ko nang umalis" patuloy ni Martin sabay iwas ng tingin upang hindi makita ni Celestina ang pamumuo rin ng luha sa kaniyang mga mata. Napahinga na lang si Martin ng malalim at ilang sandali pa, tumunog na ang malakas na ingay mula sa barko, senyales na paalis na ito.
Napalingon silang dalawa sa barkong ilang minuto na lang ay lalayag na. Nagsimulang tumakbo ang ilang pasahero na nais makahabol sa barko. Muling napatingin si Martin ng derecho kay Celestina, sinubukan niyang ngumiti ng kaunti upang kahit papaano ay mabawasan ang lungkot na kanilang nadarama.
"Siya nga pala, ibig ko nang gamitin ang itinabi kong huling katanungan para sa iyo" wika ni Martin, hindi makatingin ng derecho sa kaniya si Celestina dahil tila dinudurog na ang kaniyang puso ngayon. Batid nilang pareho na mangyayari rin ang araw na ito. Na kailangan muli nilang lumayo sa isa't isa sa katotohanang hindi na malaya si Martin Buenavista.
"Sabihin mo sa akin kung nauunawaan mo ito" patuloy ni Martin at itinaas niya ang kaniyang kanang kamay saka sumenyas sa tapat ni Celestina. Sa pagkakataong iyon, sandaling tumigil ang takbo ng oras at tila derechong tumagos sa puso ni Celestina ang nais iparating sa kaniya ni Martin sa pamamagitan ng ginawa nitong pag-senyas na ang ibig sabihin ay Mahal kita, Celestina.
***************************
#ThyLove
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top