Ika-Dalawampu't Tatlong Kabanata
[Kabanata 23]
NAPATIGIL ang lahat sa gulat nang marinig ang sigaw nina Segunda, Criselda at Stella. Dali-daling tumakbo pababa si Segunda pababa habang si Criselda naman ay dumiretso sa silid ni madam Costellanos na noong mga oras na iyon ay napatigil sa pagbibilang ng salapi.
Samantala, nanatili namang nakatayo si Stella sa tapat ng pintuan at gulat na gulat ito sa bangkay na nasaksihan. Agad napailing si Celestina sa kaniya na para bang sinasabi nito na wala siyang kasalanan at hindi siya ang pumaslang kay doktor Benjamin Villareal.
Napatingin si Stella sa kutsilyong naiwan sa sahig na nababalot ng dugo. Nasa tabi ni Celestina ang kutsilyo at nabahiran din ng dugo ang kamay nito. Hindi malaman ni Celestina ang gagawin, pilit man niyang iparating sa kanila ang gusto niya sabihin upang ipagtanggol ang sarili ngunit ang kakayahan pa lang magsalita ay isang pangunahing hadlang na sa kaniya.
Mabilis na nakarating si madam Costellanos sa silid ni Celestina at laking gulat din nito nang makita ang duguang katawan ni doktor Benjamin sa sahig. "T-tumawag kayo ng doktor!" utos ni madam Costellanos ngunit maging ang ibang mga babae ay hindi na rin makagalaw sa kanilang kinatatayuan dahil sa matinding gulat.
Agad tumakbo si madam Costellanos papalapit kay Celestina at hinawakan nito ang nanginginig na kamay ng dalaga. "A-anong nangyari?" nag-aalala niyang tanong. Namumuo na ang luha sa mga mata ni Celestina, gumapang siya papunta sa kaniyang kama kung saan nakapatong ang kaniyang kuwaderno at pluma. Nanginginig at nanlalamig man ang kaniyang kamay ay sinikap niyang isulat doon ang kaniyang paliwanag.
Napatingin naman si madam Costellanos sa duguang bangkay ni doktor Benjamin. Laman din ng bahay-aliwan si doktor Benjamin ngunit mahigpit nitong bilin noon kay madam Costellanos at sa mga babaeng bayaran na nakapagsilbi na sa kaniya tuwing pumupunta siya roon na panatilihing lihim lang ang kaniyang pagpunta sa bahay-aliwan dahil may asawa na siya.
Nang matapos magsulat ni Celestina ay agad niya itong iniabot kay madam Costellanos. Gusot at nababahiran na rin ng dugo ang papel. 'Hindi po ako ang pumaslang kay doktor Benjamin. Hindi ko po magagawa iyon. Lihim po siyang pumasok dito sa aking silid kasama si Osana at ang dalawa pang lalaking nakatakip ang mukha. Sila po ang pumaslang kay doktor Benjamin' paliwanag ni Celestina, dahan-dahan namang napatingin sa kaniya si madam Costellanos at sa kutsilyong naiwan sa sahig.
Nang muli niyang tingnan ang dalaga, kitang-kita niya ang pamumula ng mata nito at ang sunod-sunod na pagbasak ng luha nito dahil sa matinding takot. Agad niyang hinawakan ang magkabilang balikat ni Celestina at tiningnan ito ng derecho sa mata. "Huwag kang mag-alala hija, ating ikukubli sa kailaliman ng lupa ang pangyayaring ito hangga't maaga pa" seryosong wika ni madam Costellanos.
Hindi na sa kaniya bago ang ganitong pangyayari. Ilang mga opisyal, ordinaryong mamamayan at mga pinaghihinalaang espiya na ang nasaksihan niyang pinatay sa kaniyang harapan na karamihan ay mga kagagawan ng mga magkakatunggaling opisyal, mga mayayamang pamilya at mga rebelde.
Ngunit batid ni madam Costellanos na madaling pagtakpan ang bawat krimen sa pamamagitan ng maagang pagkukubli nito. Marami siyang kilalang opisyal na nagpapatay ng mga tao ngunit kailanman ay hindi na nasolusyunan ang kaso dahil nawawala na ang biktima, maging ang mga taong sangkot sa pagkamatay nito.
Agad napalingon si madam Costellanos sa mga babaeng bayaran na naninilbihan sa kaniya na siyang nakasaksi sa walang buhay na katawan ni doktor Benjamin sa silid ni Celestina. "Magsibalik na kayo sa inyong mga silid. Ni isang salita mula sa pangyayaring ito ay walang makakalabas! Itikom niyo ang inyong bibig dahil ako mismo ang puputol sa inyong dila sa oras na----" hindi na natapos ni madam Costellanos ang kaniyang sasabihin dahil narinig nila ang mabilis at sunod-sunod na yapak mula sa hagdan.
Kasunod nito ay biglang tumambad sa kanilang harapan ang mga sampung guardia civil na agad pumasok sa loob ng silid ni Celestina. Napabagsak sa sahig si Celestina, samantala, napatayo naman sa gulat si madam Costellanos. "A-anong ibig sabihin nito? Pumasok kayo rito ng walang pahintulot!" sigaw ni madam Costellanos ngunit natanaw niya si Seguna na siyang nakasunod sa mga guardia.
"Siya po!" turo ni Seguna kay Celestina na noong mga oras na iyon ay nakasalampak na sa sahig "S-siya po ang sumaksak kay doktor Benjamin!" ulit pa nito, gulat na napatingin sa kaniya ang lahat. Napatkip sa bibig ang mga babae at lumapit naman ang isang guardia sa duguang katawan ni doktor Benjamin saka tiningnan ang pulso nito sa leeg.
Napailing ang guardia sabay tingin sa mga kasamahan niya na nakapalibot na sa buong silid. Pa-simple namang tiningnan ni Segunda si Criselda saka sinagi ito sa tagiliran. Natauhan si Cirselda at napahawak sa kaniyang kamay na nanginginig na rin sa matinding takot. "S-siya nga po, si... si Celestina ang may kagagawan po niyan kay d-doktor Benjamin!" wika ni Criselda, pinandilatan naman sila ng mata ni madam Costellanos lalo na si Segunda dahil kung hindi ito nagtawag ng mga guardia ay siguradong maililihim nila ang kamatayan ng pamangkin ni madam Villareal.
"Dakpin ang babaeng iyan!" sigaw ng isang guardia sabay turo kay Celestina. Agad hinila ng dalawang guardia si Celestina patayo. Nagsimula itong magpumiglas ngunit mas malakas ang mga guardia sa kaniya hanggang sa kaladkarin siya ng mga ito papalabas sa silid. "Tumigil kayo! Anong karapatan niyong manghimasok sa aking tahanan!" sigaw ni madam Costellanos habang hinahampas ang dalawang guardia ngunit agad siyang hinarang ng dalawa pa.
"May karapatan kaming panghimasukan ang mga pangyayaring ganito kung kaya't tumigil na kayo" babala ng isang guardia, napatigil sa gulat si madam Costellanos. Sa loob ng ilang dekada niyang pamumuno sa bahay-aliwan, nanatiling ligtas sa anumang panghihimasok ng batas ang kaniyang bahay-aliwan dahil sa proteksyon ni Don Amadeo. Ngunit ngayon ay malinaw sa kaniya na inalis na ni Don Amadeo ang proteksyong binibigay nito sa loob ng mahabang panahon.
Walang nagawa si madam Costellanos habang tinatanaw si Celestina na hila-hila ng mga guardia pasakay sa kalesa. Napalingon siya muli kay Segunda na noong mga oras na iyon ay nakasiksik sa gilid ng pintuan habang magkahawak sila ng kamay ni Criselda dahil sa matinding takot. Tiningnan ni madam Costellanos ng matalim ang dalawa at nagsimula siyang humakbang papalapit sa kanila.
Napatabi sa gilid ang lahat ng babae nang dumaan si madam Costellanos, gulat na napatingin sina Seguna at Criselda sa kanilang señora. Hindi pa man sila nakakayuko ay mabilis na itinaas ni madam Costellanos ang kaniyang kamay at malakas na isinampal iyon sa dalawa.
"Segunda! Bakit mo pinangunahan ang aking pasiya? Sinabi ko bang tumawag ka ng guardia?!" sigaw nito, napayuko na lang ang ilang mga babae dahil kitang-kita nila ngayon ang nag-aapoy nag alit ni madam Costellanos. "At ikaw Criselda, anong karapatan niyong pangunahan ang katotohanan sa likod ng kamatayan ni doktor Benjamin? Ibinaling niyo agad ang sisi kay Celestina!" sigaw niya sabay sampal muli ng tatlong beses sa dalawa na agad namang napaluhod sa takot.
Hindi pa nakuntento si madam Costellanos, batid niyang may kakaiba sa takbo ng mga pangyayari. Sa tuwing dumadalaw si doktor Benjamin sa bahay-aliwan ay nagsasabi ito kay madam Costellanos dahil ibig niyang bilhin ang pinakamagandang silid at ang magagandang dilag na madalas ay sina Osana, Miranda at Stella. Mahigpit na ibinibilin nito na ilihim ang kaniyang pagbisita sa bahay-aliwan dahil na rin sa asawa nito. Ngunit ang pinaka-dahilan ng kaniyang madalas na pagdalaw ay ang babaeng bayaran na si Osana.
Umupo si madam Costellanos sa sahig saka iniangat ang ulo nina Segunda at Criselda "Sabihin niyo sa akin, sino ang nasa likod nito?" seryosong tanong ni madam Costellanos na ikinagulat ng dalawa.
PAPASIBOL na ang araw, nakasakay na sa kalesa ang pamilya Buenavista patungo sa sementeryo kung saan nakalibing si Adelia Ocampo Buenavista. Tahimik ang buong paligid ngunit may iilang magsasaka na silang nadadaanan na nag-aani ng palay sa malalaking lupain na halos pagmamay-ari ni Don Amadeo.
May iilang kababaihan din ang naglalakad sa gilid ng kalsada hawak ang kanilang mga bayong patungo sa pamilihan. Inilibot ni Martin ang kaniyang mata sa paligid, ibang-iba ang luntian at payapang lalawigan ng Laguna kumpara sa magulo at mataong siyudad ng Maynila.
Kagabi pa sila nakarating sa Laguna sakay ng bapor, at kagabi pa siya hindi mapakali. Hindi niya malaman kung bakit hindi mapalagay ang kaniyang kalooban. "Nakatulog ka ba ng maayos?" natauhan si Martin nang marinig ang boses ng ama. Nakasakay sila sa isang malaking kalesa. Magkatabi sila ni Julian habang nasa tapat naman nila si Don Facundo, nakaupo sa tabi nito si Javier habang nakakalong naman si Joaquin sa ama.
Napalingon siya kay Julian na abala sa pagbabasa ng libro. Napagtanto ni Martin na siya ang kinakausap ng ama dahil nakatingin ito sa kaniya "H-hindi po, ama. Sa aking palagay ay tila kinikilala kong muli ang bayan na ito" tugon ni Martin. Napangiti naman ng kaunti si Don Facundo, nakasandal sa kaniya si Joaquin na inaantok pa rin.
"Hindi mo dapat kilalanin muli ang bagay na naging bahagi ng iyong buhay. Mas tamang sabihin na inaalala mo itong muli" saad ni Don Facundo, napangiti na lang si Martin saka napatingin muli sa paligid. Mahamog pa ang kapaligiran ngunit unti-unti nang sumisibol ang liwanag ng araw. Kahit papaano ay gumaan ang kaniyang pakiramdam dahil napapadalas na ang pag-usap nila ng ama at kung minsan ay ngumingiti pa ito ng kaunti at kinukumusta siya.
Pagdating nila sa sementeryo, nauunang maglakad si Don Facundo habang hawak nito ang kamay ni Joaquin. Nakasunod naman sa kaniya si Martin habang hawak ang kamay ni Javier. Samantala, si Julian naman ang nasa dulo. Nanigas na ang lupa at may iilang bitak na mababakas doon dahil ilang araw na ring hindi umuulan. Panahon na ng tag-init at ang ilang mga magsasaka ay nag-aani na lang ng maaga kaysa matuyo ang kanilang mga palay at tanim.
Hindi nagtagal, narating na nila ang libingan ni Adelia. May ilang sariwang bulaklak na ang naroroon, senyales na nagtungo na roon ang ilang kapamilya at kaibigan ni Adelia. Dahan-dahang inilapag ni Joaquin at Javier ang dala nilang bulaklak at naghawak-kamay sila sa tapat ng libingan ng kanilang ina.
"Ang awit ng pangungulila namin sa iyo ina... Ay tulad ng bukang-liwayway sa umaga. Ang liwanag na yumayakap sa aming pusong nalulumbay ay bumubuo sa pagsinta naming sayo habambuhay" nakatayo sa likod sina Don Facundo, Martin at Julian habang pinpanood ang kambal na nasa harapan habang magkahawak-kamay.
Maaga silang nangulila sa ina ngunit kahit ganoon ay palagi namang nakaagapay sa kanila ang kanilang ama at dalawang kuya. Nagatuloy sila sa pag-awit hanggang sa tuluyang sumikat ang araw, kasabay niyon ang pag-ihip ng malamig na hangin na para bang niyayakap sila ng kanilang ina.
Nang matapos umawit ang kambal, inilapag na nina Don Facundo at Julian ang alay nilang bulaklak para kay Adelia. Naglakad na sila pabalik sa kalesa habang si Martin naman ay nanatili sandali sa tapat ng puntod ng kaniyang ina. Inilapag na rin niya ang kandilang may disenyo ng paru-paro at sinindihan iyon.
"Ina, humihingi ako ng tawad dahil naisangla ko ang relo na inyong ibinigay sa akin. Patawad din kung ngayon na lang ako nakabalik dito, gustuhin ko mang dalawin ka araw-araw ngunit hindi ko mabatid kung bakit tila may pumipigil sa akin. Ina, aking nalaman na ikaw daw at ang iyong pamilya ay may kinalaman sa pagkawala noon ng ina ni Julian. Ina, maaari bang dumalaw ka sa aking panaginip at sabihin mo sa aking hindi mo magagawa iyon, na ang lahat ng iyon ay dulot lang ng paninira sa iyo ng ibang tao" saad ni Martin, tila namamanhid ang kaniyang dibdib at ang kaniyang buong katawan sa katotohanang umaasa siya na sana hindi totoo ang lahat ng nalaman niya tungkol sa ina.
Kasabay niyon ay tuluyang namatay ang sindi ng kandila. Napatitig siya sa manipis na usok na humahalo na sa hangin. "Kuya Tinong!" natauhan lamang siya nang marinig ang tawag ng nina Joaquin at Javier na nakasakay na sa kalesa. Tumayo na siya saka pinagpagan ang kaniyang ina, hinubad niya muli ang kaniyang sumbrero at itinapat iyon sa kaniyang dibdib saka nagbigay-galang sa puntod ni Adelia Buenavista.
"NAKARATING na ba sa inyo ang nakakakilabot na balita?" panimula ni Selia, nagsimula namang magkumpulan ang mga kasamahan niyang estudyante. "Wala tayong klase ngayong araw dahil nagluluksa si madam Villareal. Namatay ang kaniyang pamangkin na si doktor Benjamin!"
"Ano? Paano nangyari iyon? Sino naman ang magtatangka sa buhay ni doktor Benjamin?" gulat na tanong ni Marisol, napahawak naman si Selia sa kaniyang abaniko saka ibinulong sa mga kasamahan.
"Hindi ba't matagal nang may gusto si doktor Benjamin kay Celestina? Ayon sa usap-usapan, nagtungo raw si doktor Benjamin sa bahay-aliwan ni madam Costellanos upang bilhin si Celestina kagabi ngunit natagpuan na lang siyang walang buhay sa silid ni Celestina. Ayon pa sa mga nakasaksi, duguan daw si doktor Benjamin na sinaksak ng patalim sa leeg!" saad ni Selia sabay hawak sa kaniyang braso. Kinilabutan din ang mga kaibigan niya at nagsimulang tumaas ang kanilang mga balahibo sa takot.
"Mabuti na lang wala na rito si Celestina, marahil ay pinagplanuhan niya rin kitilin ang ating buhay noong naririto pa siya" wika naman ng isa sabay paypay sa kaniyang sarili. "Hindi ba't tumutugma ang mga pangyayari? Naging malupit si madam Villareal kay Celestina at nagkataon na ang napagbuntungan ng galit ni Celestina ay ang pamangkin nito" dagdag pa ni Selia, napatango na lang ang iba bilang pagsang-ayon.
Ilang sandali pa, bumaba na sila sa sala at nagtungo sa azotea upang magpahangin at doon ituloy ang kanilang usapan. Samantala, naiwan naman sa itaas sina Marisol at ang mga kaibigan nito habang inaayos nila ang kanilang mga buhok at naglalagay din sila ng kolerete sa mukha.
"Binabati ka namin Marisol sa iyong napakahusay na pagganap bilang Reyna Elena! Lubos na nalulugod ang gobernador-heneral sa tagumpay ng ating prusisyon!" tawanan ng mga kaibigan ni Marisol habang pinapalibutan nila ang dalaga. Samantala, mag-isang nakaupo si Loisa sa harapan habang abala ito sa pagbabasa ng libro.
Dahan-dahan namang sinusuklay ni Marisol ang kaniyang buhok habang hawak ng isa niyang kaibigan ang maliit na salamin na nakatapat sa kaniya. Napangit siya sa mga kaibigan sabay lagay ng panieta sa kaniyang buhok "Hindi ba't sinabi ko na sa inyo na ang madla ang huhusga kung sino talaga ang karapat-dapat na maging Reyna Elena" ngiti ni Marisol, napatingin naman silang lahat kay Loisa na nag-iisa sa upuan nito sa harapan.
"Nakakahiya. Dalawang beses na niya ipinahiya ang kaniyang sarili sa madla" tawa ni Marisol na sibayan din ng halakhakan ng mga kaibigan niya. Magsasalita pa sana si Marisol ngunit nagulat sila nang biglang tumayo si Loisa, lumingon ito sa kanila sabay ngiti.
Nagkatinginan silang lahat dahil hindi nila maunawaan kung bakit nakangiti sa kanila si Loisa gayong pinaparinggan nila ito. Napaatras sila sa kanilang mga upuan nang magsimulang humakbang si Loisa papalapit sa kanila habang nakangiti pa rin ito. "A-anong---" hindi na natapos ni Marisol ang kaniyang sasabihin dahil inilapit ni Loisa ang sarili niya kay Marisol sabay kuha sa panyetang nakaipit sa buhok nito.
"Gaano kasaya damhin ang pupuri ng madla, hmm, Marisol?" panimula ni Loisa na ikipinagtaka nilang lahat dahil mas nakakatakot marinig ang malambing nitong boses na para bang gusto silang pasunurin. "Huwag mo nga akong hawakan" saad ni Marisol sabay usog ng kaniyang upuan papalayo ngunit sa halip na magalit ay ngumiti lang muli si Loisa dahilan para mas lalo silang kilabutan.
"Loisa, hinihintay ka ng iyong ama sa ibaba" tawag ni Selia dahilan para mapatigil silang lahat. Napayuko ang mga kaibigan ni Marisol dahil sa takot na narito si Don Amadeo at baka isumbong sila ng anak nito. "Pakisabi, bababa na ako. Salamat Selia sa iyong kabutihan" ngiti ni Loisa kay Selia, lumabas na ng silid si Selia at tumayo na ng tuwid si Loisa saka muling tiningnan si Marisol.
"Siya nga pala, nais ko lang sabihin sa iyo Marisol na ikaw ay magpakasasa na sa iyong buhay ngayon dahil hindi natin sigurado kung kailan ito mawawala na parang bula" ngiti ni Loisa na nagdulot ng matinding kaba kay Marisol at sa mga kaibigan nito. Tumalikod na si Loisa at eleganteng naglakad papalabas sa kanilang silid-aralan. Napahawak naman si Marisol sa kaniyang dibdib, maging ang mga kaibigan niya at napahinga sila ng malalim nang makaalis na ng tuluyan si Loisa.
Nang marating ni Loisa ang sala, naabutan niya ang ama na nakatayo sa tapat ng pintuan habang kausap si madam Villareal na nakasuot ng itim na balabal. Umiiyak ito at paulit-ulit na pinupunasan niya ang sariling luha. "Ipinaparating ko po ang aking pagdadalamhati sa pagkamatay ng inyong pamangkin, maestra" saad ni Loisa at nagbigay galang sa senora.
"A-ako ang nagpaaral at nagpalaki sa batang iyon. H-hindi ko akalain na sasapitin niya ito sa kamay ng Cervantes na iyon!" nanggagalaiti sa galit na saad ni madam Villareal, muntikan pa itong mawalan ng balanse. Mabuti na lamang dahil nahawakan agad siya ni Loisa.
"Huwag kang mag-alala Perlita, aking sisiguraduhin na mananaig ang batas sa iyong pamangkin. Makakamit niya ang hustisya" seryosong saad ni Don Amadeo sabay tapik sa balikat ni madam Villareal na hindi na matigil sa pag-iyak.
"Siya nga pala, saan ibuburol ang labi ni doktor Benjamin?" patuloy ni Don Amadeo, napahawak naman si madam Villareal sa kaniyang dibdib habang hinahagod ni Loisa ang kaniyang likod upang mahimasmasan siya. "Sa kanilang tahanan, tatlong araw ko munang ititigil ang klase rito bilang bahagi ng aking pagluluksa. Maaari na munang umuwi ang aking mga estudyante" tugon ni madam Villareal, napatingin naman si Don Amadeo kay Loisa na noong mga oras na iyon ay napatingin din sa kaniya pabalik.
Nang mahimasmasan na si madam Villareal ay inihatid na ito ni Selia sa silid bago sunduin ng asawa ni doktor Benjamin mamaya. Samantala, sinundo na ni Don Amadeo ang anak patungo sa bahay nila sa loob din ng Intramuros.
"Ano na ang balak mong gawin sa apat na babaeng bayaran na bahagi ng iyong plano? Paano kung magsalita sila laban sa atin?" panimula ni Don Amadeo habang nakasakay sila ni Loisa sa kalesa. Ngumiti lang si Loisa habang inaalala ang naging plano at kung paano nila nalinlang si doktor Benjamin...
Si Osana ay matagal nang lihim na kerida ni doktor Benjamin Villareal. Batid ni Loisa na hindi gusto ni Osana ang Don ngunit wala siyang magawa dahil ito ang bumubuhay sa kaniya. Mapanakit at malupit si doktor Benjamin tulad ng tiya nitong si madam Villareal kung kaya't alam ni Loisa na magagamit niya ang itinatagong poot ni Osana para kay doktor Benjamin.
Binayaran niya si Osana at sinabihang kumbinsihin si doktor Benjamin na pasukin ang silid ni Celestina ng palihim sa katotohanang pinoprotektahan na ni madam Costellanos si Celestina. Bagay na nalaman din ni Loisa sa kaniyang ama nang sabihin nitong kinakalaban na siya ni madam Costellanos.
At dahil matagal nang may pagtingin si doktor Benjamin kay Celestina ay madali itong naisama ni Osana. "Sa oras na magtagumpay ang plano at mapatay niyo sa loob ng silid ni Celestina si Benjamin. Magtungo kayo sa Timog at magtago roon. Huwag na huwag kayong babalik dito sa Norte hangga't hindi ko sinasabi" mahigpit na bilin ni Loisa kay Osana sabay abot ng salapi rito pati sa dalawang tauhan ni Don Amadeo.
Napatango naman si Osana, nagkukubli sila sa dilim habang nakabalot ng talukbong si Loisa. "Siya nga po pala, nasaan po si Miranda?" tanong ni Osana, nagtataka namang napatingin sa kaniya si Loisa. "Magkikita rin kayo sa Timog kung susundan mo ang mapang ibinigay ko sa iyo" tugon ni Loisa sabay abot ng dalawa pang salapi.
"Ibigay mo rin ito sa dalawa pang babae na siyang magsisilbing saksi sa pagkamatay ni doktor Benjamin. Ikaw na ang bahala kung sino sa iyong mga kasamahan ang mapagkakatiwalaan natin sa plano. Mahalagang may isa sa kanila ang makakatawag agad ng guardia upang hindi magawang takpan ni madam Costellanos ang pangyayari kung sakali" bilin pa ni Loisa, napatango muli si Osana at malugod na tinanggap ang napakalaking halaga na binayad sa kanila nito.
"Magkikita silang lahat sa Timog, ngunit ang hindi nila alam na ang timog na tinutukoy ay ang siyang ilalim ng lupa patungo sa kabilang buhay" ngisi ni Loisa, napahalakhak muli si Don Amadeo dahil sa napakalinis at napakagandang plano ng anak.
Napatingin si Loisa sa daan habang nakasakay pa rin sila sa kalesa. Halos lahat ng taong nadaraanan nila ay napapatigil at nagbibigay-galang sa kanila. "Ama, kung minsan iniisip ko na mas mataas pa ang iyong kapangyarihan kumpara sa gobernador-heneral o sa hari, dahil marinig pa lang ng sinuman ang iyong pangalan ay agad silang tumitiklop sa takot" ngiti ni Loisa, tumawa naman si Don Amadeo dahil sa kakaibang pagpaparating ni Loisa ng papuri sa kaniya.
"Salapi, lupa, ginto, at koneksyon ang pangunahing alas ng opisyal na tulad ko. Mahalagang ang iyong mapapangasawa ay katulad ko na siyang magbibigay din sa iyo ng kapangyarihan at karangyaan. Narito na si Heneral Miguel Contreras ngunit hindi mo pa pinauunlakan ang kaniyang imbitasyon sa kasal---" hindi na natapos ni Don Amadeo ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagsalita si Loisa.
"Wala po akong balak na paunlakan ang kaniyang imbitasyon, ama" diretsong saad ni Loisa dahilan para mapatingin sa kaniya si Don Amadeo. "Ang Martin Buenavista na iyon na naman ba ang dahilan nito?" tanong ni Don Amadeo, sa pagkakataong iyon ay napawi na ang ngiti nito at mas naging seryoso ang kaniyang boses.
"Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na hindi ko gusto ang lalaking iyon para sa iyo. Bukod doon hindi ko rin ibig ang timpla ng kaniyang ama. Hindi ko mabasa kung ano ba talaga ang tumatakbo sa isipan ni Facundo" seryosong saad ni Don Amadeo sabay kuha ng tobacco at sinindihan iyon. Madaling humalo sa hangin ang usok nito na nalalanghap ng mga taong nadaraanan nila.
"Kung hindi magiging isa ang pamilya natin sa kanila, tiyak na magiging kalaban natin sila" giit ni Loisa, napasandal naman sa upuan si Don Amadeo sabay kumpas sa ere ng hawak niyang tobacco. "Mabuti pang kalabanin nila tayo, tingnan natin kung magagawa ba nilang magwagi laban sa atin" biglang ngisi nito na parang bang naghahamon.
Napapikit na lang sa inis si Loisa "Alam ni Martin na may kuwintas na de susi si Celestina. Tiyak na kakalabanin niya tayo sa oras na mabunyag kung ano bang mayroon sa kuwintas na ito" saad ni Loisa sabay hawak sa kuwintas na suot. Napatigil naman si Don Amadeo sa paghithit ng tobacco at gulat na napatingin sa anak.
"Alam niya ang hitsura ng kuwintas na ito ngunit hindi niya alam na lihim itong pinapahanap ng mga alagad ni visitador-heneral Federico. Sa oras na makarating sa kaniya ang balita tungkol sa kahalagahan ng kuwintas na ito na siyang magliligtas kay Celestina ay tiyak na hindi siya mananahimik at ipaglalaban niya iyon. Subalit, kung magagawa nating itali ang mga Bunavista sa ating kamay. Tiyak na hindi sila makakatahol pa" seryosong saad ni Loisa na naghatid ng kaliwanagan kay Don Amadeo.
"Ngunit, hindi na ako makapagtimpi sapagkat sinusubok ng Martin na iyon ang aking pasensiya. Siya ang magiging abogado ni Don Lorenzo Damian na isang alcalde mayor na siyang kumalaban sa akin. Ang minahan sa Tayabas na nais kong pasukin ay pilit niyang hinaharang. Sumasakit ang aking ulo dahil sa panghihimasok ng Martin na iyan na hindi rin mapigilan ni hukom Emiliano" inis na saad ni Don Amadeo, sa tuwing binabanggit niya ang pangalan ni Martin ay mas lalong sumasakit ang kaniyang ulo.
Sa pagkakataong iyon ay napatingin muli si Loisa sa kaniyang ama saka ngumiti "Hindi ba't ito ang mga pangunahing dahilan kung bakit kailangan maging bahagi ng ating pamilya si Martin? Sa oras na maging asawa ko na siya at magkaroon kami ng anak, hindi niya magagawang kalabanin ang pamilya natin sapagkat madadamay siya at ang kaniyang buong pamilya. Bakit hindi niyo pag-isipang mabuti ito, ama?" hirit ni Loisa na mas lalong nagpasakit sa ulo ni Don Amadeo.
Ilang sandali pa, hindi nila namalayan na nakarating na sila sa kanilang tahanan. Napatigil si Don Amadeo nang matanaw si madam Costellanos sa labas ng kaniang bahay. Nakabalot ito ng asul na balabal at mukhang kanina pa siya hinihintay sa labas. "Mauna ka na sa loob, Loisa" saad ni Don Amadeo nang makababa sila sa kalesa. Pinagmasdan ni Loisa ng mabuti si madam Costellanos bago siya tuluyang pumasok sa loob.
"Ano ang iyong pakay dito?" malamig na saad ni Don Amadeo, napayuko naman si madam Costellanos at napahawak ng mahigpit sa kaniyang balabal. Noon, sa tuwing nagtutungo siya sa bahay ni Don Amadeo ay iniimbitahan siya nitong pumasok sa loob at nagpapahain ito ng miryenda ngunit ngayon ay hindi man lang siya nito pinapasok sa loob.
"D-don Amadeo, kasalukuyan pong nasa panganib ang isa sa aking mga alaga sa bahay-aliwan. Muli po akong humihingi ng tulong sa inyo" pakiusap ni madam Costellanos. Halos nilunok na niya ang lahat ng natitira niyang dangal para lang sa kalagayan ni Celestina.
Nagulat si madam Costallenos nang biglang tumawa si Don Amadeo at itinapon nito sa lupa ang hawak na tobacco. "Rosinda, sa aking huling pagkakaalala ay pinanindigan mong hindi sundin ang utos ko, hindi ba? Ipinagpatuloy mo ang pamamalakad sa bahay-aliwan sa kabila ng utos ko na pansamantala mo munang isara ito upang humupa ang galit ni Don Hugo. Ngunit anong ginawa mo? Hindi ako sinunod. At ngayon umaasa kang pagbibigyan ko ang iyong hiling?" tawa ni Don Amadeo na animo'y isang malaking sampal sa mukha ni madam Costellanos.
"Ikaw na ang bahala lumutas niyan. Balita ko ay napapalapit din sa iyo ang babaeng iyon na tulad ni Julia noon. Baka pagsisihan mo rin iyan Rosinda. Sa huli, ang mga inaalagaan at kinukupkop mo ang siya ring sisira sa buhay mo" patuloy pa ni Don Amadeo sabay tapak sa sindi ng tobacco na nasa lupa at nagsimula siyang maglakad papasok sa kaniyang bahay habang pakutyang tinatawanan ang dating tauhan.
"ITO pala ang unang beses na nagkasama tayo ng ganito" panimula ni Don Facundo habang tahimik silang nakaupo sa tabi ng lawa, hawak ang kani-kanilang mga pangisda at hinihintay na makahuli ng isda. Nakaupo sa gitna si Don Facundo habang nasa magkabilang gilid niya sina Martin at Julian. Samantala, abala naman sa paglalaro sa buhangin sina Joaquin at Javier.
Napangiti na lang si Martin habang nakatingin sa malawak at payapang lawa ng Laguna. Hindi niya lubos akalain na darating ang araw na ito kung saan napapalapit na rin siya sa kaniyang ama. "Batid niyo ba kung hanggang kailan tayo maghihintay sa pagdating ng isda? O kung kailan tayo susuko at papakawalan ito?" patuloy ni Don Facundo, sabay naman sa kaniyang napalingon ang dalawang binatang anak.
"Sa aking palagay, ama, nararapat lang na magtakda tayo ng oras kung hanggang kailan tayo maghihintay sa pagdating ng ating inaasahan nang sa gayon ay walang nasasayang na oras o pagkakataon. Ang sabi nga nila, kung ang bagay na iyon ay para sa iyo, kahit anong mangyari ay mapapasakamay mo ito" tugon ni Julian, napangiti naman si Don Facundo sa sagot ng anak
"Ngunit, bakit natin sisimulan ang isang bagay kung hindi rin naman natin magagawang panindigan at tapusin ito? Bakit pa tayo nagtungo rito at naghintay ng ilang oras kung sa huli ay susuko rin tayo? Hindi lahat ng bagay ay madaling makamit. Gaano man kahirap at gaano man ito kabigat, mahalagang magawa nating panindigan ang laban hanggang dulo" pagtaliwas ni Martin, napangiti rin sa kaniya si Don Facundo. Madalas silang magtalo ni Martin at sa tuwing nagtatalo sila ay doon niya napapatunayan ang talinong taglay nito. Sa tuwing tumataliwas si Martin sa kagustuhan niya, doon niya nakikita na kaya nitong gumawa ng daan sa paraang pipiliin niya.
Para sa kaniya si Julian ay praktikal at kayang bumalanse ng mga bagay habang si Martin naman ay may paninidigan at magagawang ipaglaban ang kaniyang hangarin bagay na hinahangaan niya kay Martin dahil maging siya ay hindi niya ito kayang gawin.
Ilang minuto pa ang lumipas, nagpatuloy sa pagkwekwentuhan ang mag-aama. Napatigil lamang sila nang matanaw nina Joaquin at Javier ang lalaking kakababa lamang sa kalesa at kumakaripas ng takbo papalapit sa kanila. "Kuya Timoteo!" sabay na sigaw ng kambal na nag-unahan pa tumakbo papasalubong kay Timoteo.
Napalingon naman sina Don Facundo, Martin at Julian kay Timoteo na napatigil sa tapat ng kambal. "Anong ginagawa rito ni Timoteo?" nagtatakang saad ni Julian sabay tingin kay Martin. Agad tumayo si Martin at sinalubong ang kaibigan.
"Tinong! Kagabi pa kami nagpadala ng liham at mensahero ngunit hindi ka tumutugon" saad ni Timoteo na napahawak pa sa kaniyang sikmura dahil sa layo ng tinakbo niya. "Bakit ka nagtungo rito sa Laguna?" salubong ni Martin, agad namang tinanaw ni Timoteo sina Don Facundo at Julian na nakatingin sa kanila mula sa malayo. Hinawakan niya ang magkabilang balikat ni Martin saka tiningnan ito ng diretso sa mata "Nasa panganib si Celestina!" saad ni Timoteo na ikinagulat ni Martin.
AGAD bumyahe sina Martin at Timoteo pabalik sa Maynila. Halos buong gabi ring naghintay si Martin sa labas ng Fort Santiago sa pag-asang papapasukin siya sa loob ngunit inabot na siya ng umaga ay hindi pa rin siya pinagbibigyan. Nakaupo si Martin lupa at nakasandal sa pader ng Fort Santiago. Pilit na gumugulo sa kaniyang isipan ang lahat ng sinabi ni Timoteo habang nasa byahe sila kahapon.
Batid niyang may taong nasa likod ng inaakusang pagpatay ni Celestina kay doktor Benjamin. Nais niyang makausap si Celestina upang matulungan ito ngunit walang sinuman ang pinagbibigyan makapasok sa selda ng dalaga.
Ilang sandali pa, natanaw ni Martin ang kalesang sinasakyan ni Don Amadeo na siyang malayang nakapasok sa loob. Agad siyang napatayo at akmang haharangin ang kalesa nito ngunit biglang may humawak sa braso niya. Nang lumingon siya ay tumambad sa harapan niya si Diego "Tinong, anong oras na? Sinabi sa akin ni kuya Timoteo na naririto ka. Iyo na bang nakaligtaan na ngayon ang araw ng huling paglilitis sa kaso ni Don Lorenzo Damian?" saad ni Diego, nanlaki ang mga mata ni Martin sa gulat nang maalala niyang ngayon nga ang araw na iyon.
"N-ngunit, kailangan kong makausap si Celestina" saad ni Martin, napansin agad ni Diego ang namumutlang mukha ng kaibigan at ang pag-lalim ng mata nito dulot ng matinding puyat. Maging ang sumbrero at damit nito ay nababahiran na ng lupa at alikabok dahil sa magdamag na paghihintay sa labas ng Fort Santiago.
"Gagawan natin ng paraan iyan. Makakausap mo si Celestina, ngunit sa ngayon kailangan ka ni Don Lorenzo. Ito na ang huling pagkakataon niya upang siya ay mapawalang-sala. Ito rin ang unang pagkakataon mo bilang abogado na tatayo sa mataas na hukuman" seryosong saad ni Diego, napapikit na lang ng mata si Martin. Naguguluhan na siya, hindi na niya alam ang kaniyang gagawin. Hindi niya alam kung ano ang dapat unahin.
"Kakausapin ko si Heneral Samuel Garcia mamaya upang makapasok tayo sa loob at makausap mo si Celestina ngunit sa ngayon mahalagang maipagtanggol mo sa hukuman si Don Lorenzo na ibig pabagsakin ni Don Amadeo" saad ni Diego, labis siyang nag-aalala sa kalagayan ni Martin lalo na't ito ang unang hakbang ni Martin upang mapatunayan ang kaniyang galing sa larangan ng abogasya. Naniniwala siyang hindi dapat sayangin ni Martin ang pagkakataong ito.
Agad silang pumara ng kalesa patungo sa Real Audencia. Pinakiusapan pa ni Diego ang kutsero na bilisan ang pagpapatakbo sa kalesa dahil kailangan nilang maabutan ang paglilitis. "Siya nga pala, may sasabihin ako sa iyo Tinong" patuloy ni Diego sabay lingon sa paligid. Lumapit pa siya ng isang hakbang kay Martin upang hindi marinig ng guardia na malapit sa kanila "Kagabi pa kami nagpadala ng liham ni kuya Timoteo sa iyo sa Laguna ukol sa kasong kinakaharap ni Celestina. Nagpadala na rin kami ng mensahero kahapon ng umaga ngunit bago mag-tanghalian ay bumalik sa amin ang mensahero at sinabi nitong hinaharang ng mga guardia personal ng inyong tahanan ang liham na pinadala namin at maging ang mensahero ay hindi nila pinaunlakan na makausap ka. Malakas ang hinala namin na may taong humahadlang upang makarating sa iyo ang balita tungkol kay Celestina" bulong ni Diego, napatigil si Martin at walang kurap na nakatingin sa kaibigan.
"K-kung gayon, maaaring pinagplanuhan ang pagpatay kay doktor Benjamin at ibintang kay Celestina ang pagkamatay nito. Marahil ay batid ng taong iyon na handa kong ipagtanggol si Celestina kung kaya't hinarang nila ang lahat ng liham at mensahero na magbabalita sa akin niyon. Malakas ang aking hinala na ang taong nasa likod nito ay siya ring nagtangka sa buhay ni Celestina noong isang linggo" wika ni Martin, napatango naman si Diego bilang pagsang-ayon. Napahawak din ito sa gilid ng upuan dahil sa bilis ng takbo ng kalesa.
"Tinong, nabanggit sa amin ng mensahero na ang guardia personal na humaharang bago makarating sa inyong hacienda ang aming liham ay siyang tauhan din ni Don Amadeo" saad ni Diego, napahawak na lang si Martin ng mahigpit sa kaniyang sumbrero. Matagal na nga siyang naghihinala na may kinalaman ang pamilya Espinoza sa mga nangyayaring trahedya sa buhay ni Celestina ngunit hindi niya akalaing mas mabigat pasanin sa damdamin ang katotohanang tama nga ang hinala niya.
Nang makarating ang kalesa sa Real Audencia, mabilis na bumaba roon si Martin at buong tapat na naglakad ng mabilis papasok. Hindi na niya pinansin ang ilang mga katrabahong nakakasalubong dahil sa hindi na siya makapagpigil na durugin sa kaniyang isipan si Don Amadeo at ang maruruming gawain nito.
Ang kasong kinakaharap ni Don Lorenzo ay kagagawan ni Don Amadeo at buo na ang kaniyang desisyon na kalabanin ang kilalang buwaya na kinatatakutan ng mga kapwa opisyal. Diretso lang ang tingin ni Martin sa mahabang pasilyo at isinuot niya muli ang kaniyang gabardino matapos niya itong pagpagan. Isinuot niya rin ng maayos ang kaniyang sumbrero habang napapatabi sa gilid ang mga taong papasalubong sa kaniya.
"Tinong!" paulit-ulit na tawag ni Diego habang hinahabol ang kaibigan. Hindi niya malaman kung dapat ba sisihin ang kaniyang sarili dahil pinili niyang ipagtapat kay Martin na maaaring may kinalaman si Don Amadeo sa panganib na kinakaharap ni Celestina.
Ilang sandali pa, narating na ni Martin ang pinakamalaking korte ng hukuman kung saan gaganapin ang huling paglilitis sa kaso ni Don Lorenzo. Tulad nga ng suhestiyon noon ni Martik kay hukom Emiliano ay napapayag niya ito na isa-publiko ang buong paglilitis.
Napatigil ang mga tao nang bumukas ang pinto, napalingon silang lahat kay Martin Buenavista na dire-diretsong naglakad sa gitna papunta sa harap kung saan kanina pa naroroon si hukom Emiliano, ang ibang mga abogado, piskal at mga guardia.
Nasa kaliwang bahagi nakaupo si Don Lorenzo at nakatali pa ang kamay nito sa harap. Habang nasa kabilang bahagi naman si Don Amadeo at an ahensya na namamalakad sa salapi. Samantala, nasa likod naman ang mga tao na halos nasa limampu ang bilang na hindi na manonood sa mangyayaring paglilitis.
Nang makarating si Martin sa harap ay agad niyang hinubad ang kaniyang sumbrero at itinapat niya iyon sa kaniyang dibdb saka nagbigay-galang sa punong hukom. "Ipagpaumanhin niyo po ang aking paglagpas sa itinakdang oras para sa paglilitis na ito" panimula ni Martin, napatikhim na lang si hukom Emiliano. Ito ang unang beses na nahuli si Martin kung kaya't pinagbigyan na niya ito. Bukod doon si Martin ang pinakapaborito niya, bagay na alam ng lahat ng nagtatrabaho sa hukuman.
"Maaari na tayong magsimula" anunsyo ni hukom Emiliano, naglakad na si Martin papunta sa panig ni Don Lorenzo. Palihim siyang tumango sa matanda na noong mga oras na iyon ay balisang-balisa na ngunit muli siyang nabuhayan ng pag-asa nang makita si Martin.
"Maaari nang magsimula ang panig ng nasasakdal. Ipahayag sa madla ang mga dahilan kung bakit dapat mapawalang-sala si Don Lorenzo Damian sa kasong pagnanakaw sa kaban ng yaman ng bayan, pag-aangkin ng minahan sa Tayabas na pag-aari ng pamahalaan at ang lihim na pag-iimbak ng mga armas sa minahan na maaaring iugnay sa rebelyon" saad ni hukom Emiliano, napahinga naman ng malalim si Martin at naglakad siya papunta sa harapan. Napatingin siya sandali kay Don Amadeo na noog mga oras na iyon ay nakatingin lang ng diretso sa harap ngunit alerto naman ang tenga nito na hindi na makapghintay sa mga sasabihin ng kalabang panig.
"Una sa lahat, ang lahat ng kasong iyon ay walang kabuluhan. Ang halaga ng salapi na sinasabing ninakaw ni Don Lorenzo sa kaban ng yaman ay siyang salapi na inihayag niya sa buong taong kita ng kanilang lalawigan mula sa mga niyog at kopra. Paano masasabing ninakaw ni Don Lorenzo ang halagang iyon gayong nakatala ito sa listahan ng pangunahing negosyo ng kaniyang lalawigan? Ang inihaing reklamo ng ahensya na namamalakad sa salapi ay pawang walang saysay. Hinihiling ko sa kataas-taasang hukuman na ilabas ng ahensya ng salapi ang buong listahan at ipaliwanag sa ating lahat kung saang bahagi ng halaga roon ang nawala at ninakaw ni Don Lorenzo Damian?" seryosong saad ni Martin sabay turo sa tagapamahala ng ahensya na namamalakad sa salapi.
Gulat namang napatingin si Don Amadeo sa katabing tagapamahala sa salapi. Nakatingin ang lahat sa tagapamahala na ngayon ay nanginginig na sa takot at nakayuko. Napapikit na lang sa inis si Don Amadeo, hindi niya akalaing masisilip ni Martin ang bagay na iyon. Napabuntong-hininga naman si hukom Emiliano "Bago matapos ang paglilitis na ito, magpapaliwanag sa harap ang tagapamahala ng salapi" saad niya bilang tugon sa hiling ni Martin sa kataas-taasang hukuman.
"Salamat punong hukom" saad ni Martin sabay lingon kay Don Lorenzo na ngayon ay nakahinga nga maluwag. Napangiti rin sa tuwa ang asawa at mga anak nito na nasa likod ni Don Lorenzo. Muling inayos ni Martin ang suot niyang sumbrero saka nagpalakad-lakad sa harap na para bang hinihikayat niya ang madla na sundan siya ng tingin habang siya ay nagsasalita "Pangalawa, hindi inaangkin ni Don Lorenzo ang minahan sa kaniyang lalawigan. Ang ipinaglalaban lang niya ay nararapat na ang makinabang at magtrabaho roon ay mga mamamayan na nakatira roon. Ang pagkatuklas sa minahang iyon ay makakatulong sa mga mamamayan ng Tayabas kung kaya't walang kabuluhan ang paratang kay Don Lorenzo na inaangkin niya ito. Hinihiling ko sa kataas-taasang hukuman na ipagpawalang-bisa ang reklamong ito laban kay Don Lorenzo dahil wala namang maipakitang ebidensiya ang kabilang panig na magpapatunay na inaangkin ni Don Lorenzo ang minahan" matapang na saad ni Martin.
Nagsimulang magbulungan ang mga tao, karamihan ay sumang-ayon sa sinabi ni Martin dahil pasakali (subjective) ang pag-aakusang iyon laban kay Don Lorenzo na maaaring nagsimula lang sa haka-haka at tsismis. Napahawak na lang si Don Amadeo sa kaniyang noo, hindi niya akalaing magagawa siyang kalabanin ni Martin ng ganoon. Muling napabuntong-hininga si hukom Emiliano bago ito nagsalita "At dahil walang maipakitang ebidensiya ang kabilang panig, ipinasasawalang-bisa ko ang reklamo laban kay Don Lorenzo ukol sa pag-aangkin nito sa minahan" saad ni hukom Emiliano na hindi na ngayon makatingin kay Don Amadeo dahil mas natatakot siya sa sasabihin ng madla na halos sumasang-ayon sa sinabi ni Martin.
"Maraming salamat punong hukom" saad ni Martin, napangiti si Don Lorenzo na halos mangiyak-ngiyak na sa tuwa. Isang paratang na lang ang kailangan maalis sa kaniya at iyon din ang pinakamabigat. "Pangatlo, ang paratang kay Don Lorenzo ukol sa lihim nitong pagkukubli ng mga armas sa loob ng minahan ay pawang kasinunggalingan! Hindi sapat ang bilang ng mga armas na natagpuan doo upang sabihing mangunguna sa pag-aalsa si Don Lorenzo. Bukod doon, ang nagparating nito sa hukuman ay siya ring kalaban ni Don Lorenzo. Kung sa gayon, maaari nating ipagpalagay na ang lahat ng ito ay bahagi lamang ng paninirang puri na kagagawan ng kabilang panig" seryosong saad ni Martin sabay tingin ng diretso kay Don Amadeo.
Mas lalong lumakas ang bulungan ng mga tao dahilan para mas lalong mangamba si hukom Emiliano dahil kailangan niyang hatulan ng kamatayan si Don Lorenzo alinsunod sa utos ni Don Amadeo. Napatingin din si Don AMadeo ng matalim pabalik kay Martin habang pinipigilan niya ang kaniyang kamao na nanggagalaiti na sa galit. Ang bulungan ng mga tao sa loob ng hukuman ay patunay na may kabuluhan ang lahat ng sinabi ni Martin.
"Ang pag-aakusa ng kasinunggalingan at paninirang puri sa isang tao ay may katumbas na kaparusahan. Hindi mo ba naisip iyon? Don Amadeo" buwelta ni Martin na ikinagulat ng lahat dahil direkta na nitong binanggit ang pangalan ng pinaka-kinatatakutang opisyal.
Muntikan pang mabitawan ni hukom Emiliano ang hawak na pluma dahil sa gulat. Wala pang nangahas na direktang ipahiya ng ganoon si Don Amadeo sa madla. Magsasalita pa sana si Martin ngunit biglang bumukas ang malaking pinto ng hukuman. Napalingon ang lahat sa pintuan at tumambad sa kanilang harapan ang ang bugbog sarado na si Senor Lauricio. Nakatali pa ang kamay nito habang hawak ng dalawang guardia civil.
"Nagkakamali ka, Ginoong Martin Buenavista" wika ng lalaking nakatayo sa tabi ni Senor Lauricio, nanlaki ang mga mata ni Martin sa gulat nang makilala kung sino ang lalaking iyon na nagsalita. Hinawakan pa nito si Senor Lauricio at pinaluhod sa sahig. Tumabi sa gilid ang dalawang guardia at dinukot ng lalaking nakasuot ng itim na sumbrero at gabardino ang isang manipis na kuwaderno na kulay pula.
"Ang listahang ito ay naglalaman ng lahat ng pangalan na nakakaalam tungkol sa mga lihim na armas na nakatago sa loob ng minahan na inaangkin ni Don Lorenzo. Nakuha ko ang listahang ito kay Senor Lauricio na siyang anak sa labas ni Don Lorenzo Damian" patuloy ng lalaki, sabay buklat ng pulang kuwaderno at diretsong tumingin kay hukom Emiliano.
"Kataas-taasang hukuman, hinihiling ko na inyong ipadakip ang lahat ng pangalang nakatala sa listahang ito na isang matibay na ebidensiya ukol sa pagbuo ng lihim na samahan bilang pag-aalsa laban sa pamahalaan!" sigaw ng lalaki, mas lalong lumakas ang bulungan ng mga tao sa loob ng hukuman. Marinig pa lang nila ang salitang pag-aalsa, rebelyon at pagtataksil sa pamahalaan ay nagdudulot nasa kanila ng matinding kilabot.
Kasunod niyon, nagulat si Martin nang bigla siyang ituro ng lalaki "Arestuhin niyo rin si Martin Buenavista na isa sa mga nakatala sa listahang ito" seryosong saad ng lalaki na ikinagulat ni Martin at ng panig ni Don Lorenzo. Maging si hukom Emiliano ay hindi makapaniwala sa sinabi ng lalaking iyon na kilala nilang matalik na kaibigan ni Martin.
Halos namanhid ang buong katawan ni Martin, mula pagkabata ay pinagkatiwalaan niya ang lalaking iyon. Sa dami ng magaganda nilang alaala at sa kabila ng tiwala na ibinigay niya para sa kaibigang buong puso niyang pinagkatiwalaan. Hindi siya makapaniwala na magagawa siyang paratangan ni Tonyo sa harap ng hukuman.
************************
#ThyLove
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top