Ika-Dalawampu't Siyam na Kabanata
[Kabanata 29]
MAGKAKAIBANG emosyon ang naghari sa loob ng hukuman habang naglalabasan ang mga tao roon. Ang ilan ay dismayado sa naging desisyon habang ang mga manggagawa ng hacienda Ibañez ay tuwang-tuwa dahil ligtas na sa kapahamakan si Esteban.
Mahigpit na niyakap ni Celestina si Esteban. Maluha-luha rin siyang niyakap nina Mang Santino at ng mga anak nito. Muling inilibot ni Celestina ang kaniyang mga mata sa paligid ngunit wala na roon si Martin. Suot niya pa rin ang itim na sumbrero at itim na gabardino, gayunpaman ay walang nagsalita na mga kasamahan niyang manggagawa na isa siyang babae.
Samantala, sa ikalawang palapag ng hukuman ay naglalakad si Martin patungo sa opisina roon upang sundan ang kaniyang tiyo na batid niyang dismayado sa ginawa niyang pangingialaman sa mababang hukuman na nasasakupan nito.
Tatlong beses siyang kumatok sa pinto ngunit hindi tumugon si hukom Desiderio, napahinga na lang ng malalim si Martin at akmang aalis na lang doon nang biglang bumukas ang pinto at tumambad sa harap niya ang dismayadong hitsura ng tiyo. "Hindi ko akalain na magagawa mo akong ilagay sa kahihiyan. Tiyak na makakarating ang pangyayaring ito sa mga opisyal sa Maynila. Tiyak na makakaabot ito sa tainga ni Don Amadeo kahit pa hindi ko ito banggitin sa kaniya" wika ni hukom Desiderio sabay hithit ng tobacco. Nagkalat sa paligid ang usok nito.
"Humihingi ako ng paumanhin sa nangyari ngunit hindi ko pinagsisisihan ang----" hindi na natapos ni Martin ang kaniyang sasabihin dahil biglang tumawa si hukom Desiderio na animo'y iniinsulto siya nito. "Ibig kong malaman mo aking pinakamamahal na pamangkin na hindi mo natulungan ang binatilyong iyon at ang pamilya nito dahil inilagay mo sila sa kapahamakan at sa init ng aking mga mata" patuloy ng hukom, sabay buga muli ng usok.
"Sa susunod, sa oras na ako'y iyong kalabanin nang dahil sa kanila o sa ibang dukhang nangangailangan ng iyong tulong, iyong tandaan na hindi ako magaatubili na kalabanin ka at ang mga taong iyon" ngisi ni hukom Desiderio, tumawa pa itong muli saka dahan-dahang isinara ang pinto. Napapikit na lang si Martin at pilit niyang pinigilan ang panginginig ng kaniyang kamao dahil sa matinding galit.
KINABUKASAN, madaling-araw pa lang ay gising na si Martin habang inaayos niya ang kaniyang bagahe. "Tinong, may isa pa akong hacienda na pupuntahan mamayang tanghali, maaari bang bukas na lang tayo umalis?" hirit pa ni Timoteo sabay higa sa kama dahilan upang madaganan niya ang mga damit ni Martin na isa-isa nitong tinutupi at pinagkakasiya sa kaniyang bagahe. Sinubukan pa ni Timoteo guluhin ang mga damit ng kaibigan ngunit hindi pa rin ito kumibo, nagpatuloy lang ito sa paglalagay ng gamit sa maleta.
"Ano bang nangyayari sa iyo Tinong? Nang dahil ba ito sa panghihimasok mo sa tungkulin ng iyong tiyo?" saad ni Timoteo ngunit hindi pa rin siya kinibo ni Martin. Mabilis na kumalat ang usap-usapang iyon, kagabi pa naghihintay si Timoteo na magkwento sa kaniya ang kaibigan ngunit sa halip ay tahimik lang ito maghapon at sa bawat kilos nito ay mababakas na may dala-dala itong mabigat na pasanin.
"Ibig mo na ba talagang umuwi? Makikita mo na naman si Loisa" patuloy pa ni Timoteo, napatigil naman si Martin sa ginagawa nito saka tumingin sa kaniya "Hindi ko akalain na hindi lang sa mag-amang Espinozang iyon nagbabadya ang panganib. Hindi na rin ako ligtas maging sa mga tao sa aking paligid. Tama nga si ama, sa mundong ito ay wala akong dapat na pagkatiwalaan kundi ang aking sarili" wika ni Martin at nagpatuloy na muli sa kaniyang ginagawa.
Hindi naman nakapagsalita si Timoteo, matagal na niyang kilala ang kaibigan. Sa tuwing nananahimik ito ay batid niyang ma mabigat itong problema. "Huwag ka mag-alala, malapit nang matapos ang panunugkulan ni hukom Emiliano. Tiyak na ikaw ang magiging sunod na punonghukom. Sa oras na mangyari iyon, magagawa niyo na ang lahat ng inyong plano ng iyong ama" saad ni Timoteo sabay tapik sa balikat ng kaibigan upang kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam nito.
"Siya nga pala, nakahanda na rin ang mga bagahe ko. Tayo'y humayo na" patuloy ni Timoteo, sabay bitbit ng kaniyang dalawang maleta at nauna na itong lumabas sa kanilang silid. Napahinga na lang ng malalim si Martin saka niya pinunasan ang kaniyang mga matang may mga luhang namumuo.
Alas-kwarto na ng umaga, isa-isang inilalagay ng kutsero ang mga maleta nina Martin at Timoteo sa kalesa. "Tinong, uminom muna tayo ng kape bago umalis" aya ni Timoteo, umiling lang si Martin. Magsasalita pa sana si Timoteo ngunit batid niyang sa mga ganitong pagkakataon ay hindi niya mapipilit ang kaibigan kung kaya't siya na lang mag-isa ang pumasok sa loob ng bahay-panuluyan.
Napatingala na lang si Martin sa kalangitan, kulay asul na ang langit senyales na malapit nang sumikat ang araw. Ilang sandali pa, natauhan siya nang may lumapit sa kaniyang binatilyo sabay abot ng isang maliit na bayong na naglalaman ng pagkain. "Ipinaaabot po sa akin ito ng aking kaibigan sa inyo Señor bilang pasasalamat sa inyong pagtulong sa kaniya" nakangiting wika ng binatilyong si Rogelio. Sandali siyang pinagmasdan ni Martin at napangiti ito nang makilala niya ang hitsura ng binatilyong iyon na naroroon din sa hukuman nang litisin ang kaso ni Esteban.
Kinuha ni Martin ang bayong sa kamay ng binatilyo saka sinilip ang laman nitong pagkain. "Pakisabi sa iyong kaibigan, maraming salamat sa pagkaing ito at huwag na niyang isipin ang aking ginawa sa hukuman. Pakisabi rin sa kaniya na maging masunurin siya sa kaniyang ate, huwag nilang pabayaan ang kanilang kalusugan at higit sa lahat ay palagi niyang ingatan at alagaan ang kaniyang ate" wika ni Martin, nanlaki naman ang mga mat ani Rogelio sabay lingon sa likod ng isang bahay sa tapat kung saan kasalukuyang nagtatago roon si Esteban at nakasilip sa kanila.
Napangiti muli si Martin dahil nalaman na niya kung saan nagtatago si Esteban. "P-paano niyo po nalaman Señor na ang aking kaibigan ay ang tinulungan niyo kahapon sa hukuman?" gulat na tanong ni Rogelio, muling ngumiti si Martin saka ginulo ang buhok ng binata.
"Sabihin na lang natin na walang nakaliligtas sa mata ng isang abogado" ngiti ni Martin, napangiti rin si Rogelio at napatingin ito sa kalesa na puno ng mga bagahe. "Saan po kayo magtutungo Señor?" muling tanong ni Rogelio. Napahinga naman ng malalim si Martin saka napatingin sa pinagtataguan ni Esteban, nahuli niya pang mabilis na nagtago ang binatilyo.
"Babalik na ako sa Maynila. Mag-iingat kayong lahat at inaasahan ko na hindi kayo masasangkot sa gulo" tugon ni Martin sabay tapik sa balikat ni Rogelio. Magsasalita pa sana ang binatilyo ngunit dumating na si Timoteo habang ngumunguya ng pandesal. "Maaga pala ang alis ng barko, humayo na tayo Tinong" saad ni Timoteo sabay sakay sa kalesa. Napalingon pa siya sa binatilyong si Rogelio na naabutan niyang kausap ni Martin.
Sumakay na si Martin sa kalesa saka kumaway kay Rogelio at tinanaw niya pa sa huling pagkakataon si Esteban na nagtatago sa likod ng isang bahay. "Sino ang binatilyong iyon na kausap mo?" nagtatakang tanong ni Timoteo habang ngumunguya ng pandesal. Ngumiti lang si Martin sabay pakita ng bayong na hawak niya. "Ah, mabuti na lang may mga nagtitinda ng kakanin kahit ganito kaaga"ngiti ni Timoteo sabay agaw kay Martin ng bayong at kinain niya ang laman niyon sa byahe.
ALAS-SAIS na ng umaga nang marating nina Martin at Timoteo ang daungan. Mabilis nilang narating ang Baler hanggang sa pinakadulong bahagi nito kung saan matatagpuan ang daungan. Maraming tao sa paligid, halos abala ang lahat upang makaabot sa pag-alis ng barko. Maaari ring tahakin nila Martin at Timoteo ang lupa patungo sa Maynila ngunit mas pinili nilang sumakay ng barko.
Umaambon ng bahagya ngunit hindi nila iyon alintana. Ilang sandali pa, natanaw ni Martin sa unahan si hukom Desiderio na napatigil din nang magtama ang kanilang mga mata. Naunang umiwas ng tingin si hukom Desiderio at nagpatuloy na ito paakyat sa barko. "Tinong, tatakbo na ako pasakay ng barko. Kumukulo ang aking sikmura, tila kailangan ko nang magbawas" bulong ni Timoteo kay Martin na halos namimilipit na sa sakit ng tiyan. Tumango lang si Martin, batid niyang nasorbrahan sa kakanin ang kaibigan dahil halos ito ang umubos ng lahat.
Mabilis na tumakbo si Timoteo patungo sa barko, halos napatabi rin sa gilid ang iba at nagmamadaling inabot ni Timoteo ang kaniyang bilyete upang makapasok sa barko.
Dahan-dahang umuusad ang pila hanggang sa malapit na si Martin sa bantay. Kinuha na ni Martin ang kaniyang bilyete sa kaniyang bulsa ngunit napatigil siya nang marinig ang kaniyang palayaw. "Tinong!"
Napalingon si Martin sa likod upang hanapin ang kinaroonan ng boses kung saan niya narinig ang kaniyang palayaw. Sandali siyang hindi nakapagsalita nang magtama ang kanilang mga mata. Hindi niya akalaing maririnig niyang sambitin iyon ni Celestina.
Agad niyang ibinaba ang dalawang bagahe na hawak saka naglakad papalapit sa dalaga na noong mga oras na iyon ay nasa gitna ng napakaraming tao na naglalakad sa iba't ibang direksyon. Animo'y bumilis ang takbo ng paligid habang patuloy ang mga tao sa kani-kanilang mga paroroonan.
Halos walang kurap silang nakatingin ng derecho sa mata ng isa't isa habang patuloy ang dahan-dahang pagbagsak ng ulan at ang abalang usad ng mga tao sa daungan. "P-paano mo nalaman ang aking palayaw?" tanong ni Martin, bagama't alam naman na niya ang sagot, ibig pa rin niyang marinig na sabihin iyon muli ni Celestina.
"B-bakit aalis ka na? h-hindi pa ako nakakapagpasalamat sa iyo" wika ni Celestina at agad nitong pinunasan ang luhang namumuo sa kaniyang mga mata. Napangiti naman si Martin ngunit ang ngiting iyon ay may halong kalungkutan. "Hindi mo na kailangang magpasalamat. Tutulungan pa rin naman kita kahit hindi mo sabihin" saad nito dahilan upang mas lalong kumirot ang puso ni Celestina. Hindi na niya malaman kung ang tubig na dumadaloy sa kaniyang mga mata ay mula ba sa ulan o sa sarili niyang luha.
"Patawad kung ako naman ang hihingi sa iyo ng paumanhin dahil kailangan ko nang umalis" patuloy ni Martin sabay iwas ng tingin upang hindi makita ni Celestina ang pamumuo rin ng luha sa kaniyang mga mata. Napahinga na lang si Martin ng malalim at ilang sandali pa, tumunog na ang malakas na ingay mula sa barko, senyales na paalis na ito.
Napalingon silang dalawa sa barkong ilang minuto na lang ay lalayag na. Nagsimulang tumakbo ang ilang pasahero na nais makahabol sa barko. Muling napatingin si Martin ng derecho kay Celestina, sinubukan niyang ngumiti ng kaunti upang kahit papaano ay mabawasan ang lungkot na kanilang nadarama.
"Siya nga pala, ibig ko nang gamitin ang itinabi kong huling katanungan para sa iyo" wika ni Martin, hindi makatingin ng derecho sa kaniya si Celestina dahil tila dinudurog na ang kaniyang puso ngayon. Batid nilang pareho na mangyayari rin ang araw na ito. Na kailangan muli nilang lumayo sa isa't isa sa katotohanang hindi na malaya si Martin Buenavista.
"Sabihin mo sa akin kung nauunawaan mo ito" patuloy ni Martin at itinaas niya ang kaniyang kanang kamay saka sumenyas sa tapat ni Celestina. Sa pagkakataong iyon, sandaling tumigil ang takbo ng oras at tila derechong tumagos sa puso ni Celestina ang nais iparating sa kaniya ni Martin sa pamamagitan ng ginawa nitong pag-senyas na nangangahulugang...
Mahal kita, Celestina.
Tuluyan nang bumagsak ang mga luhang namumuo sa mata ni Celestina. Kasabay niyon ang pagbasak ng ulan, ang pagmamadali ng mga tao sa paligid at ang maingay na tunog ng barko. "B-bakit mo kailangang umalis kung maaari ka namang manatili?" wika ni Celestina na ikinagulat ni Martin. Hind niya akalaing sa wakas, sa unang pagkakataon ay magagawa siyang pigilan ng dalaga.
Dahan-dahan na ring pumatak ang luha ni Martin na ilang taon na niyang ikinukubli. Gusto niyang yakapin ang dalaga at sabihing hindi na siya aalis, hindi na siya lalayo at hindi na sila magkakahiwalay pa ngunit sa oras na ihakbang niya ang kaniyang paa papalapit kay Celestina ay tiyak na malalagay ito muli sa kapahamakan.
"A-ang sabi mo, kahit patuloy akong humakbang papalayo, patuloy ka pa ring hahakbang papalapit sa akin. N-ngunit... A-alis ka muli" wika ni Celestina habang nakayuko, hindi na maawat ang pagbagsak ng kaniyang luha, napahawak na lang siya sa kaniyang dibdib nang maramdaman niya ang pagsikip nito dahil sa matinding sakit.
"P-patawad kung muli kong ginulo ang iyong mundo. T-tila nakatayo sa magkabilang dulo ng bangin, hindi ako maaaring gumalaw dahil sa oras na subukan kong lumapit upang sagipin ka, mas lalo kang malalagay sa kapahamakan. H-hindi ko kakayanin na muling may mangyaring masama sa iyo nang dahil sa akin. H-hindi ko kakayaning mapahamak ka, Celestina" paghihinagpis ni Martin sabay yuko habang patuloy na dumadaloy ang luha sa kaniyang mga mata.
Ilang sandali pa, narinig na nila ang huling pagtawag ng mga bantay sa barko. "Paalis na ang barko. May hahabol pa ba?" tanong ng bantay, nanginginig na kinuha ni Martin ang kaniyang dalawang maleta sa lupa saka muling tumingin kay Celestina sa huling pagkakataon.
"B-balangaraw, naniniwala pa rin ako na darating ang araw kung saan hindi na natin kailangan pang ipilit ang lahat. Na ang pag-ibig na ito ay hindi kailangan ipagpilitan upang makamtan lang natin ang kaligayahan. Na hindi na kita makikitang lumuha pa dahil... Kung ang ating mundo man ay tuluyang maglaho, tanging ang pag-ibig mo lamang ang aking dahilan upang patuloy na lumaban" wika ni Martin na nagdulot ng labis na pasakit sa puso ni Celestina, animo'y unti-unting nadurog ang kaniyang puso habang dahan-dahang tumalikod sa kaniya si Martin at naglakad ito pasakay sa barko.
ISANG lumiliyab na apoy sa isang malaking lampara ang nagbibigay ng liwanag sa loob ng madilim na kweba kung saan nakakatipon-tipon ang buong samahan na pinamumunuan ni Adolfo. "Kailangan na natin gumawa ng hakbang upang maibenta ang mga alahas na ito. Ilang buwan pa ang itatagal upang magawa ang mga armas. Kailan pa tayo magsisimula?" tanong ng isang lalaki na nasa edad apatnapu. Kilala siyang manggagawa sa pa-imprentahan ng diyaryo ni Don Agustin.
"Ngunit mainit pa ang mga mata ng mga opisyal at guardia sa nawawalang mga alahas ni Don Sebastian. Tiyak na paghihinalaan ang sinumang magbebenta ng alahas sa lugar na ito" wika naman ng isa dahilan upang magsimulang maglabas ng iba't ibang pananaw ang mga miyembro ng samahan.
Napatahimik lang sila nang ihampas ng isang binata ang kaniyang kamay sa maliit na baul ng alahas na gawa sa kahoy. Nakapalibot ang lahat sa isang malaki at makinis na bato sa gitna ng kweba na siyang nagsisilbi nilang mesa. "Huminahon tayong lahat. Tunay nga na kailangan na nating maibenta ito upang magkaroon ng armas ngunit tiyak na maghihinala ang sinumang mabebentahan natin nito. Inyong tatandaan na maging ang ating kalahi ay hindi dapat pagkatiwalaan. May iilang tapat sa mga Kastila para sa salapi, tiyak na hindi sila mag-aatubili na ipagkanulo tayo" wika ni Adolfo, nagkatinginan naman ang lahat at sabay-sabay na tumango bilang pagsang-ayon.
"Sa ngayon, pahupain muna natin ang usaping kumakalat sa madla. Mas makabubuti na ibenta natin ang mga alahas na ito sa mga dayuhang taga-Siam o Tsina na nakikipagkalakalan sa Sugbu. Ibig ko ring ang isa sa inyo ay magtungo sa dapitan upang ibalita ang ating mga hakbang kay Don Gonzalo. Muli ko kayong ipapatawag lahat sa oras na buo na ang ating plano" patuloy ni Adolfo, tumayo na ang mga miyembro saka isa-isang lumabas sa kanilang lihim na kampo.
Nang makalabas na ang lahat. Umupo muli si Adolfo saka humawak sa kaniyang ulo. Nanatili naman si Tonyo na nakatayo sa gilid habang pinagmamasdan ang pinuno na halos ka-edad lang niya. Bagama't bata pa ito ay kilalang magaling sa pakikipaglaban, pagbuo ng plano at gumamit ng mga taktika at stretehiya sa pakikipaglaban si Adolfo.
"Tonyo, sa iyong palagay. Ano ang dapat nating gawin?" wika ni Adolfo dahilan upang alerting lumapit sa kaniya si Tonyo. Napatitig si Tonyo sa baul saka dahan-dahan itong inabot at binuksan. "Kung ako ang iyong tatanungin pinuno, sa aking palagay ay mas mabuting magkaroon tayo ng koneksyon sa hukuman" tugon ni Timoteo, napatigil naman si Adolfo at nagtatakang napatingin sa kaniya.
"Sa hukuman? Ikaw ba ay nahihibang na? hawak ni Don Amadeo ang buong hukuman at ang iba pang mga sangay na may matataas na kapangyarihan" saad ni Adolfo at napatingin ito sa mga alahas na kumikinang sa tabi ng lampara.
"Nagkakamali kayo pinuno, may isang hukom sa hukuman na nakasisiguro akong hindi kapanalig ni Don Amadeo. At bukod doon, hindi rin hawak ni Don Amadeo ang isang makapangyarihang ahensiya" wika ni Tonyo habang tulalang pinagmamasdan ang mga alahas.
"Anong ahensiya ang iyong tinutukoy?" nagtatakang tanong ni Adolfo, dahan-dahan namang napatingin sa kaniya si Tonyo. "Ang ahensiya ng salapi na pinamumunuan ni Don Facundo Buenavista" derechong sagot ni Tonyo, natawa na lang si Adolfo, animo'y tawa na may halong kawalan ng pag-asa.
"Ibig mong ibenta natin kay Don Facundo ang mga alahas na ito? Sa aking palagay ay mas mananaig ang kagustuhan ng tahimik na Don na iyon na makalikha ng kabayanihan. Tiyak na gagamitin niya tayo upang maging mabango ang kaniyang pangalan sa pamahalaan" natatawang saad ni Adolfo at sinubukan niyang isara ang baul ngunit iniharang ni Tonyo ang kaniyang kamay sa baul upang hindi ito masara.
"Maliban na lamang kung mauuna nating malapitan ang hukom na tinutukoy kong hindi kapanalig ni Don Amadeo" saad ni Tonyo sabay kuha ng isang alahas sa baul at itinapat niya iyon kay Adolfo. "Ang nagmamay-ari ng kuwintas na relos na ito ay si hukom Martin Buenavista" patuloy ni Tonyo, tulala namang nakatingin sa kaniya Adolfo at hindi nito nagawang makapagsalita.
"Ako'y nakasisiguro na si Martin ang sunod na magiging punonghukom. At sa oras na mangyari iyon, mababawasan ang ating pangamba sa mga hatol ng hukuman sa ating mga kasamahan na malalagay sa kapahamakan. Malaki rin ang magagawa ng hukuman laban sa mga guardia na tumutugis sa ating mga miyembro. Nakatitiyak din akong hindi makakagalaw si Don Facundo laban sa atin dahil tiyak na madadamay ang kaniyang anak" wika ni Tonyo, sa mga sandaling iyon, napatitig na lang si Adolfo sa kuwintas na relos na gawa sa ginto na hindi niya akalaing magdadala sa kanila papalapit sa dating kaibigan.
KINABUKASAN, hapon na nang makarating ang barko sa daungan ng Maynila. "Tinong, magtutungo ako sa Laguna sa susunod na Linggo, hindi ba't sa susunod na Linggo na rin ilalabas ang desisyon ukol sa susunod na magiging punonghukom?" tanong ni Timoteo habang naglalakad sila ni Martin pasakay sa kalesa.
"Sa iyo bang palagay ay malaki ang pag-asa na ako ang maging bagong punonghukom?" tanong ni Martin sa kaibigan, napaisip naman ng malalim si Timoteo sabay hawak sa kaniyang baba. Nakasakay na sila sa kalesa at nagsimula na itong umandar.
"Oo, tiyak na gagawin ni Don Amadeo ang lahat upang maging punonghukom ang kaniyang manugang. Marahil ay wala rin namang tututol kung ikaw ang magiging punonghukom dahil kumpara sa kanila ay ikaw ang pinakamagaling. Iyon nga lang, maraming mas matandang hukom sa iyo at tiyak na magtataka ang lahat kung mauungusan mo ang mga iyon sa posisyon. Ngunit kahit ganoon ay tiyak na magagawan ni Don Amadeo ng paraan iyan" saad ni Timoteo sabay tapik sa balikat ng kaibigan.
"Iyan ba ang pinoproblema mo mula kahapon kaya malungkot ka?" patuloy ni Timoteo, napahinga na lang ng malalim si Martin habang dinadama ang hanging sumasalubong sa kanila sakay ng kalesa. "May muli akong nakita na hindi ko na sana pinilit pang mapalapit muli sa akin. Sa huli, nasaktan ko na naman siya. Mas lalo akong naiinis sa aking sarili dahil palagi ko na lang siya nasasaktan" tugon ni Martin habang nakatulala sa maaliwalas na paligid habang tinatahak nila ang daan patungo sa Intramuros.
HALOS ilang oras nang nakaupo si Loisa sa tapat ng bintana habang patuloy ang pagbagsak ng mahinang ulan. Kagabi pa siya hindi makatulog sa pananabik na muling makita ang asawa. Nakatanggap siya ng liham mula sa isang abogado sa mababang hukuman sa Nueva Ecija na pauwi na si Martin noong isang araw kung kaya't labis niyang pinaghandaan ang pagbabalik nito.
Napatitig na lang muli si Loisa sa suot na singsing, ang singsing na tanda ng kanilang kasal ni Martin ngunit kailanman ay hindi niya nakitang isinuot ito ni Martin. Muli siyang napatingin sa labas ng bintana at kasabay niyon ay muli niyang naalala ang araw ng kanilang pag-iisang dibdib.
Maynila, 1890
Halos bukambibig ng lahat ang gaganaping pag-iisang dibdib ni Loisa Espinoza at Martin Buenavista. Ang kasal ay ginanap sa simbahan at naging magarbo ang pagsalubong ng lahat. Dumalo ang matataas na opisyal ng pamahalaan maging ang visitador-heneral na si Don Federico Dela Rosa at ang gobernador-heneral noong panahong iyon na si Don Gregorio Dela Rosa.
Bukod sa kasal ay naging laman din ng usap-usapan na si Loisa ay isang Dela Rosa, ang lihim na apong hinahanap ni Don Federico. Nang araw na iyon, halos wala sa sarili si Martin, tulala at wala siyang gana nang ganapin ang kanilang kasal. Ni hindi niya tiningnan si Loisa nang derecho sa mata hanggang sa matapos ang kasal. Maging sa handaan na tumatagal ng halos isang linggo ay hindi rin dumalo si Martin. Nanatili lang siya sa loob ng kaniyang silid at nagdahilan na masama ang kaniyang pakiramdam.
Matagal na naging laman ng usapan ang ganap sa buhay ni Loisa dahil inakala ng lahat na siya ay kapatid ni Don Gregorio Dela Rosa na siyang gobernador-heneral ng dalawang taon. Mabilis na nasamsam ni Don Amadeo ang mga lupain sa iba't ibang bayan, maging ang posisyon sa gobyerno ay halos hawak niya sa leeg.
Maging si Don Facundo ay naging makapangyarihan dahil asawa na ni Martin si Loisa. Ang pagiging pinuno ng ahensiya ng salapi ay isang posisyon na personal niyang hiniling sa gobernadora-heneral. At nang matapos na ang tungkulin nito ay napanatili pa rin nilang lahat ang kanilang posisyon.
Naalala rin ni Loisa ang unang gabi kung saan magkasama sana sila ni Martin ngunit tinulugan lang siya nito. Ipinilit din ni Martin na magkaroon sila ng tig-isang silid ni Loisa sa kanilang bagong tahanan sa kadahilanang may sakit siya na hindi pa rin matukoy. Sa tulong ni Timoteo na siyang doktor ay hindi naman nahirapan si Martin na umiwas kay Loisa sa kagustuhan nitong magkaroon ng anak.
Sa loob ng limang taon ay naging ganoon silang dalawa. Mas madalas si Martin sa bahay nina Timoteo at Linda. Palagi rin itong nagtutungo sa bahay ng ama at ni Julian. Halos linggo-linggo rin ito umuuwi sa Laguna at madalas ding magtungo sa Hongkong at sa iba pang mga kalapit bansa.
Kailanman ay hindi rin sila nag-usap ng personal ni Martin bukod sa kakain ba ito ng almusal, tanghalian o hapunan sa kanilang tahanan. Ngunit kahit ganoon ay taas-noong hinarap ni Loisa ang lahat. Hindi siya kumuha ng mga kasambahay sa takot na akitin ng mga ito ang kaniyang asawa. Marami rin siyang inupahang espiya upang sundan si Martin kahit saan ito magtungo at higit sa lahat madalas siyang bumili ng mga mamahaling gamit upang ipagyabang sa mga kaibigang sina Selia at mga dating kaklase na mahal na mahal siya ni Martin.
Kahit pa batid niyang niloloko lang niya ang kaniyang sarili at malabong mahalin siya ni Martin pabalik dahil sa dami ng kasalanang nagawa niya ay mas masaya siyang hindi pa rin nakawala si Martin sa piling niya. Na kahit pareho silang nahihirapan, mahalaga pa rin sa kaniya ang sasabihin ng ibang tao at ang maging isang Buenavista.
Natauhan si Loisa nang matanaw ang pagtigil ng isang kalesa sa tapat ng kanilang tahanan. Agad siyang bumaba ng hagdan, binuksan niya ang pinto at sinalubong ang asawa nang may malaking ngiti sa labi. "Maligayang pagbabal---" hindi na natapos ni Loisa ang kaniyang sasabihin dahil derechong pumasok si Martin bitbit ang dalawa nitong maleta.
"Sabihan mo ako Tinong kung may ibig kang ipadala sa akin mula Laguna sa Linggo" saad ni Timoteo sabay kaway sa kaibigan at tuluyan nang nakaalis ang kalesa. "Anong ibig mong kainin?" wika ni Loisa, umiling lang si Martin bilang sagot habang patuloy na naglakad paakyat ng hagdan.
Narinig na lang ni Loisa ang pagsarado ng pinto ni Martin at muli na namang naghari ang katahimakan sa loob ng kanilang tahanan. Isasara na niya sana ang pinto ngunit nakita niyang nakatingin ang dalawang ale mula sa labas at nagbubulungan ang mga ito. Nasaksihan nila ang malamig na pagtrato ni Martin sa kaniya kung kaya't isinara niya ng malaks ang pinto.
Naglakad siya papunta sa likod ng bahay at doon ay naabutan niya ang tauhan ng kaniyang ama na nagsisilbi rin nilang kutsero. Tumgin muna si Loisa sa paligid at nang masiguro niyang walang ibang tao roon ay nilapitan na niya ang tauhan ng kaniyang ama "Alamin mo kung sino ang dalawang babaeng nakatayo sa labas ng aking tahanan. Sa oras na malaman mo, sabihin mo kay ama na tanggalin sa trabaho ang kanilang mga asawa. At kung wala na silang asawa, gagawing alipin ang kanilang mga anak" seryosong saad ni Loisa, napatango naman ang tauhan saka sinundan ang dalawang ale na nagpatuloy pa rin sa pagbubulungan.
Pumasok na si Loisa sa loob ng bahay saka sinindihan ang mga lampara. Ilang sandali pa, natanaw niyang bumababa ng hagdan si Martin "S-saan ka magtutungo?" magiliw niyang tanong at akmang hahawakan ang braso ni Martin ngunit umiwas ito. "Nasaan si Don Amadeo?" malamig na tanong nito, nakangiti namang napakunot ang noo ni Loisa.
"B-bakit mo hinahanap si ama? A-anong nangyari?" wika ni Loisa na sa halip ay sagutin ang tanong ni Martin ay sinagot niya rin ito ng tanong. "Aalamin ko na lang. Sa tahanan ni ama ako matutulog ngayon, umuwi ka na lang sa tahanan ni Don Amadeo" saad ni Martin saka nagpatuloy na sa paglalakad. Ngunit napatigil siya pagdating sa pintuan nang magsalita si Loisa.
"N-nasa palacio ng Malacañang si ama kasama ang iba pang mga opisyal" habol ni Loisa, tumango lang si Martin sa kaniya saka lumabas ng pinto at sumakay ng kalesa patungo sa kinaroroonan ni Don Amadeo. Samantala, naiwan naman si Loisa roon mag-isa habang pinipigilan ang panginginig ng kaniyang kamao dahil sa matinding galit.
PAPALUBOG na ang araw nang marating ni Martin ang Palacio ng Malacañang. Nabalitaan niyang nagkatipon-tipon ang mga opisyal upang makiisa sa pagdiriwang ng kaarawan ng kasalukuyang gobernador-heneral. Wala pang isang taon ang pamumuno nito ngunit naging malapit na agad sila ni Don Amadeo.
Pagdating doon ay agad kumaway kay Martin si hukom Emiliano na nakaupo sa tabi ng gobernador-heneral. Nasa kabilang tabi naman nito si Don Amadeo. Naroroon din sa mahabang mesa sina Don Facundo, Don Hugo, Don Agustin, Don Sebastian at ang hindi inaasahan ni Martin na makita roon ay ang kaniyang tiyo na si Don Desiderio Ocampo.
"Narito na ang aking manugang!" pagmamalaki ni Don Amadeo sabay tawa ng malakas. Nagbigay-galang naman si Martin sa harap ng gobernador-heneral at inimbitahan siya nitong maupo. "He oído muchas noticias con respecto a lo inteligente que eres. Al ver cómo se ve y se parará esta noche, podría decir que será un gran juez" (I've heard a lot of news regarding with how intelligent you are. By seeing how you look and stand tonight, I could say that you'll be a great chief justice) ngiti ng gobernadora-heneral sabay taas ng hawak nitong baso ng alak.
Itinaas ng lahat ang kanilang mga baso saka sumang-ayon sa sinabing iyon ng gobernador-heneral kay Martin Buenavista maliban kay hukom Desiderio na nakatingin ng matalim sa pamangkin. Ilang sandali pa, dumating ang tatlong binata at bumati rin sila sa gobernador-heneral at nagpakilala.
Nanlaki ang mga mata ni Martin nang makita ang totoong Enrico Gonzales na bumati at nagpakilala sa gobernador-heneral. Napakunot naman ang noo ni hukom Emiliano nang marinig ang pangalang Enrico Gonzales at pinagmasdan niya ito ng mabuti. Napapikit na lang si Martin saka derechong ininom ang alak na hawak niya.
Mabuti na lamang dahil maingay ang buong paligid dahil sa tugtog ng orchestra at halos abala rin ang lahat sa pakikipag-usap sa mga kakilalang opisyal na naroroon. Makalipas ang ilang minuto ay nagtungo si Martin sa palikuran upang pakalmahin ang sarili, nais niyang makausap agad si Don Amadeo upang unahan ang inaasahan niyang pagsumbong sa kaniya ni hukom Desiderio ngunit hindi niya ito matyempuhan dahil abala ito sa pakikipag-usap at pakikipagtawanan sa gobernador-heneral.
Nang matapos siyang maghugas ng mukha sa palikuran ay nagtungo muna siya sa balkonahe upang magpahangin. Sandali niyang pinagmasdan ang maliit na danaw (pond) sa tapat ng Malacañang at dinama ang malamig at sariwang hangin.
Natauhan na lang si Martin nang marinig ang boses ni Don Amadeo sa kaniyang likuran "Ang sabi sa akin ni Loisa, sa susunod na Linggo ka pa raw babalik mula Norte. Bakit napabilis ang iyong pagbalik? May hindi ka ba inaasahang matuklasan doon?" panimula ni Don Amadeo habang patuloy na naglalakad papalapit sa kaniya sa tulong ng hawak nitong tungkod.
Sa kaliwang kamay naman ni Don Amadeo ay hawak niya ang tobaccong may sindi. Napahinga na lang ng malalim si Martin saka tumingin ng derecho sa Don na tila pinaglalaruan siya gamit ang mga salitang binibitiwan nito. "Ako ba talaga ang gagawin niyong punonghukom?" seryosong tanong ni Martin ngunit tinawanan lang siya ni Don Amadeo.
"Hindi ba't masyado pang maaga para riyan? Gaya nga nang sinabi sa akin ni hukom Desiderio, marami pang tulad niya na nakatatanda sa iyo ang mas nababagay sa posisyong iyon" ngisi ni Don Amadeo, napahinga na lang ng malalim si Martin at pilit niyang pinakalma ang sarili dahil hindi niya ibig na mahalata ni Don Amadeo ang kaniyang hangarin na maging punonghukom upang maisakatuparan ang kanilang mga plano.
"Bukod doon, mas mabuti sigurong bigyan niyo muna kami ni Loisa ng apo. Darating dito sa Linggo si Don Federico Dela Rosa at tiyak na ikadidismaya nito kung hanggang ngayon ay hindi pa rin naglilihi ang aking anak" patuloy ni Don Amadeo sabay buga ng usok, nanatili naman si Martin sa kaniyang kinatatayuan at hindi siya natinag sa tawa at pagbuga ng usok ng Don.
Akmang aalis na sa balkonahe si Don Amadeo ngunit napatigil itong muli at lumingon kay Martin "Siya nga pala, nabanggit sa akin ni hukom Desiderio na iba ang hitsura ng abogadong Enrico Gonzales na kumalaban sa kaniya sa hukuman sa Enrico Gonzales na nagpakilala ngayon sa gobernador-heneral. Alamin mo ang katotohanan sa likod nito Martin, tiyak na masisira ang hukuman kapag kumalat sa madla ang usaping ito" habol ni Don Amadeo sabay ngisi at naglakad na pabalik sa mesa ng mga kaibigang opisyal. Samantala, naiwan naman sa balkonahe si Martin habang nakapikit at pilit na pinipigilan ang panginginig ng kaniyang kamao na halos limang taon din niyang tinitiis mula nang matali siya sa pamilya Espinoza.
MALALIM na ang gabi nang makauwi ang lahat. Magkasabay na umuwi sina Martin at Don Facundo sa tahanan ng Buenavista sa loob ng Intramuros na nabili nila limang taon na rin ang nakararaan. Bihira na makauwi ng Laguna si Don Facundo dahil naging abala na ito sa pagiging punong tagapangasiwa ng ahensiya ng salapi. Maging si Julian ay naging maganda na rin ang trabaho bilang propesor ng medisina sa mga Unibesrsidad sa loob ng Intramuros.
Magtutungo na sana si Martin sa bakanteng silid ng panauhin ngunit napatigil siya nang magsalita ang ama. "Martin, may kailangan tayong pag-usapan" wika nito, hindi naman na nagtanong si Martin, sumunod na siya sa ama papasok sa opisina nito sa kanilang tahanan.
Pagdating sa loob ng opisina, hindi umupo si Don Facundo sa harap ng kaniyang mesa, sa halip ay derecho itong naglakad papunta sa tapat ng bintana kung kaya't naglakad din si Martin papunta sa tapat ng bintana.
Madilim na ang paligid at may iilang guardian a rumuronda sa labas bitbit ang hawak nilang mga sulo ng apoy. "Ama, tila matatagalan pa bago ako maging punonghukom. Marahil ay nakarating na rin sa inyo ang balitang kinalaban ko si hukom Desiderio" panimula ni Martin sabay hinga ng malalim, napahinga na lang din ng malalim si Don Facundo sabay kuha ng dalawang baso ng alak at sinalinan niya iyon ng alak sabay abot ng isang baso sa anak.
"Hindi rin kita masisisi, hanggang ngayon ay malaki pa rin ang hidwaan namin ng pamilya ng iyong ina. Ang malaking sugat na ginawa nila sa aking buhay at ang nagawa ko sa iyong ina ay kailanma'y hindi na mabubura" saad ni Don Facundo sabay inom ng alak.
Napansin ni Martin na maka-ilang beses nang tingin ng tingin sa relo ang kaniyang ama mula pa kanina habang nakasakay sila sa kalesa pauwi. "Sa ngayon iyong pagsikapan muli na makuha ang loob ni Don Amadeo. Tiyak na hindi titigil si Desiderio upang makamit ang pinakamataas na posisyon sa hukuman. Sa oras na mapasakamay niya ang posisyong iyon, tiyak na mahahirapan kang gumalaw sa hukuman anak" patuloy ni Don Facundo. Napahinga ulit ng malalim si Martin sabay inom ng alak.
"Siya nga pala, nasaan po si Julian?" tanong ni Martin, napatingin muli si Don Facundo sa kaniyang relo. "Sa mga oras na ito dapat ay naririto na siya sa ating tahanan" tugon ng ama na animo'y kanina pa may hinihintay.
Muling hinarap ni Martin si Don Facundo "Ama, paano kung hindi ako ang mapiling bagong punonghukom sa susunod na Linggo?" muling tanong ni Martin, hinawakan naman ni Don Facundo ang balikat ng anak saka muling ibinaling ang kaniyang paningin sa tapat ng bintana. "Kahit anong mangyari, ikaw dapat ang maging susunod na punonghukom. Huwag ka mag-alala, sa pagkakataong ito, ilalabas ko na ang huling alas natin sa labang ito" saad ni Don Facundo sabay lingon sa ahedres (Chess) na nakapatong sa kaniyang mesa.
Naiwan pa ang alhedres doon nang hindi matapos ang paglalaro niyon ni Don Facundo at Martin noong nakaraang linggo bago ito magtungo sa Norte. "Ano pong ibig niyong ipahiwatig, ama?" nagtatakang tanong ni Martin, ngunit sa mga oras na iyon ay hindi niya maintindihan kung bakit nakaramdam siya ng kakaibang kaba na hindi niya mapaliwanag.
Kinuha ni Don Facundo ang reyna sa larong alhedres saka derechong itinapat iyon sa hari na kalaban. "Ilalabas na natin ang aking alas sa larong ito na matagal ko nang itinago. Tiyak na magugulat si Amadeo sa oras na muli niyang makaharap ang reyna sa larong ito na tiyak na tatapos sa kaniya" ngiti ni Don Facundo, ilang sandali pa narinig ni Martin ang pagtigil ng isang kalesa sa tapat ng kanilang tahanan.
Dumungaw siya sa bintana at laking-gulat niya nang makita kung sino ang babaeng bumaba sa kalesang iyon. "Darating muli dito sa bansa si Don Federico Dela Rosa sa susunod na Linggo, ito na ang oras upang makilala ng lahat kung sino ang totoong nagmamay-ari ng kuwintas" saad ni Don Facundo, tila nabalot ng matinding lamig ang buong katawan ni Martin dahilan upang hindi siya makagalaw sa kaniyang kinatatayuan.
Inilibot ni Celestina ang kaniyang paningin sa paligid hanggang sa magtama ang kanilang paningin ni Martin na noong mga oras na iyon ay nakadungaw mula sa bintana at halos walang kurap na nakatingin sa kaniya.
Ilang sandali pa natanaw ni Martin si Julian na naglalakad sa gitna ng kalsada. Napatigil din ito nang makita si Celestina. "Ngunit hindi roon magtatapos ang lahat, kailangang maging isang Buenavista si Celestina. Sa oras na mangyari iyon tiyak na wala nang kawala si Amadeo laban sa atin at sa pamilya Dela Rosa" patuloy ni Don Facundo sabay inom ng alak.
Sa pagkakataong iyon ay tila gumuho ang lahat sa paligid ni Martin sa katotohanang ibig ipakasal ng kaniyang ama si Celestina sa kaniyang nakatatandang kapatid na si Julian Buenavista.
**************************
#ThyLove
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top