Ika-Dalawampu't Pitong Kabanata
[Kabanata 27]
"SA wakas narito ka na! kanina pa kita hinihintay, Natalia" tawag ni Corazon sabay ngiti habang nakaupo sa kaniyang upuan na may gulong. "Paumanhin kung pinaghintay ko po kayo binibini" tugon ni Celestina, dahilan upang mas lalong magulat at maguluhan si Martin sa mga pangyayari.
Muli niyang tinitigan nang mabuti ang babaeng kaharap, lumipas man ang limang taon, magbago man ang ihip ng hangin at takbo ng mundo, hinding-hindi mabubura sa kaniyang isipan ang hitsura ng babaeng tanging nagpapatibok sa kaniyang puso.
"Ginoong Martin?" patuloy ni Corazon habang tinutulak niya ang gulong ng kaniyang upuan papalapit sa dalawa. "Iyo bang hinihintay si ama?" dagdag ni Corazon, natauhan si Martin nang marinig niya ang kaniyang pangalan at napalingon sa anak ni Don Agustin.
"A-ahh, Oo, nagkausap na kami ni Don Agustin kanina" tugon niya sabay tingin muli kay Celestina. "Kung gayon, maaari mo na bang paraanin ang aking kaibigan?" saad ni Corazon na may pagtataka dahil halos walang kurap na nakatingin si Martin at Celestina sa isa't isa.
Napayuko na lang si Celestina at pilit niyang ibinabaon sa kaniyang puso ang matinding kaba na nararamdaman ngayong nasa harap niya muli ang binatang hanggang sa panaginip na lang niya nakikita sa loob ng limang taon.
Nanginginig na kinuha ni Martin ang kaniyang sumbrero sa ulo at itinapat iyon sa kaniyang dibdib saka humakbang pa-kanan upang paraanin si Celestina. Nagsimula namang humakbang si Celestina nang dahan-dahan habang derecho ang tingin kay Corazon na naghihintay sa kaniya malapit sa pintuan. Animo'y bumagal ang takbo ng oras nang dumaan si Celestina sa tapat niya na para bang dumating na ang takdang oras ng kanilang pagkikita mula sa ilang taong pangungulila.
"May panibago akong awiting nais iparinig sa iyo, Natalia" ngiti ni Corazon, pinilit ni Celestina ngumiti pabalik sa kaibigan kahit pa ang kaniyang puso ay halos lumundag na sa magkahalong pakiramdam na saya at lungkot. Saya sa katotohanang ligtas at maayos ang kalagayan ni Martin, at lungkot sa katotohanang hindi na ito malaya pa at hindi niya magawang yakapin ito dahil hindi siya dapat nito makilala.
Maingat na itinulak ni Celestina ang upuan ni Corazon na may gulong na gawa rin sa kahoy. Hindi nakakalakad si Corazon kung kaya't ginawan siya ng kaniyang ama ng espesyal na upuan upang kahit papaano ay marating niya mag-isa ang bawat sulok ng bahay. Nang makapasok sila sa loob ng mansion, dinala niya si Corazon sa tapat ng piyano gaya ng palagi nilang gawi sa tuwing dumadalaw siya roon.
"Hindi mo ilalabas ang iyong pluta?" tanong ni Corazon at napakurap pa ito ng dalawang beses dahil parang namumutla ang kaibigan sa kaniyang paningin. Agad namang natauhan si Celestina at kinuha niya ang pluta na nakasilid sa kahon na kaniyang dala. Napalingon siya saglit sa bintana, nagbabakasakali na naroon pa si Martin ngunit wala na ito.
"Ang pamagat ng awiting ito ay Ang iyong pag-ibig" ngiti ni Corazon, gulat namang napalingon sa kaniya si Celestina dahilan upang matawa si Corazon. "Ito nga ang tono at musika na nilikha mo na sinulat mo rin ng liriko" tawa ni Corazon sabay pwesto na sa tapat ng piyano.
"Ang lumikha ng awiting ito ay ikaw, ngunit hanggang ngayon hindi mo pa ito inaawit. Kung kaya't aking aawitin upang iyong marinig at madama ang lungkot ng bawat salitang nakapaloob sa liriko at ang katumbas nitong musika" patuloy ni Corazon at inumpisahan na niyang tipahin ang piyano.
Parang may kung anong kirot sa pusong naramdaman si Celestina habang pinapakinggan at dinadama ang awiting iyon na kaniyang isinulat. Hindi niya akalain na halos hukayin nito ang lahat ng masasakit na alaala na pilit niyang ibinaon sa kailaliman ng kaniyang puso sa loob ng mahabang panahon. Ngunit ngayon ay tila kumakawala ang mga ito sa pamamagitan ng luhang namumuo sa kaniyang mga mata.
"Hindi ko man alam ang buong istorya ng iyong pag-ibig ngunit nang mabasa at awitin ko ang kantang ito ay batid kong kalungkutan at pangungulila ang namamayani sa iyong pagsinta" saad ni Corazon habang nakatitig sa piyano. Nalulungkot siya sa hindi mapaliwanag na pighati nahatid ng awiting iyon.
Sa pagkakataong iyon, umihip ng marahan ang hangin sa labas dahilan upang sayawin nito ang mga bulaklak ng rosas sa hardin ng hacienda Alcantara. Natauhan silang dalawa nang biglang may kumatok sa pinto. Napalunok na lang sa kaba si Celestina sa takot na baka si Martin iyon.
Naglakad na siya papunta sa tapat ng pinto, napahinga siya ng malalim saka dahan-dahang binuksan iyon. "Buenos Dias!" ngiti ni Don Sebastian na ama nina Tonyo at Selia. Agad napayuko si Celestina sa takot na makilala siya nito ngunit hindi naman siya nakilala ng Don dahil hindi pa siya nito nakikita at natititigan ng matagal noong mamatay si Don Mateo at palayasin siya sa hacienda Cervantes.
"Nariyan ba si Don Agustin?" tanong ni Don Sebastian na bilugan ang tiyan at makapal ang balbas at bigote. "Akin pong tatawagin si ama, maupo po muna kayo" ngiti ni Corazon na nasa likod na pal ani Celestina. Agad namang ngumiti si Don Sebastian, hinubad niya ang kaniyang sumbrero at itinapat iyon sa kaniyang dibdib.
Binuksan ni Celestina ng malaki ang pinto at tumabi siya sa gilid. Nakangiti namang pumasok si Don Sebastian na dere-derechong naupo sa salas. Ang tindig at kilos nito ay nahahawig kay Tonyo. Agad umakyat ang isang ksamabahay upang tawagin si Don Agustin sa silid nito. Samantala, nanatili naman si Celestina at Corazon sa tabi ng sala kung saan ay patuloy na tumutugtog ng piyano ang dalaga.
Ilang sandali pa, naglalakad na pababa ng hagdan si Don Agustin hawak ang kaniyang tobacco. Agad bumati sa kaniya si Don Sebastian "Tila ikaw ay lumaki mula nang huli kitang makita, Sebastian" ngiti ni Don Agustin sa kaibigan sabay tapik sa Balika nito. Napahawak naman si Sebastian sa kaniyang tiyan "Sadyang masarap ang mga alak mula sa Europa, madalas akong bigyan ng asawa ng aking anak na si Selia" ngisi ni Don Sebastian at naupo na sila sa malambot na sofa.
"Siya ang pumuno sa aking pangungulila sa anak kong lalaki" patuloy ni Don Sebastian at biglang naging malungkot ang mukha nito. Napahinga naman ng malalim si Don Agustin, "Tiyak na payapang nahihimlay si Tonyo sa purgatoryo, amigo" iyon na lang ang kaniyang nasabi upang kahit papaano ay pagaanin ang mabigat na dinadala ng kaibigan.
"Siya nga pala, ano ang iyong sadya rito?" tanong ni Don Agustin, napahinga na lang ng malalim si Don Sebastian saka inalabas ang isang itim na baul na katamtaman lang ang laki. Inilapag niya iyon sa mesa, sakto namang dumating na ang isang kasambahay bitbit ang dalawang tasang mainit na kape at tinapay na merienda.
Binuksan ni Don Sebastian ang baul, nanlaki ang mga mata ni Don Agustin nang makita ang napakaraming kuwintas, purselas, singisng at relos na naroroon. "Ano ito?" nagtatakang tanong ni Don Agustin, hindi naman siya mahilig sa alahas at maging ang anak niyang si Corazon.
"Alahas. Ano pa ba sa tingin mo, amigo?" kantyaw ni Don Sebastian na muli nang ngumiti. Natawa na lang din si Don Agustin dahil sa tanong niyang walang kabuluhan. "Pumili ka ng alahas na iyong magugustuhan, maging ng iyong anak. Ibebenta ko sa inyo sa mas mababang halaga ang alahas na inyong mapipili" ngiti nito, natawa na lang si Don Agustin.
"Ilang taon na sa iyo ibinigay ni Don Amadeo ang pamamahala sa tindahan ng alahas ni Don Gonzalo, hanggang ngayon ay hindi mo pa rin pala napapaunlad ang negosyong iyon" bawi ni Don Agustin, minsan na ring inialok ni Don Amadeo kay Don Agustin ang tindahan ng alahas ni Don Gonzalo noon ngunit hindi niya tinanggap dahil abala siya sa kaniyang sariling negosyo.
"Hindi naman talaga ako mang-aalahas, isa akong pulitiko" tawa ni Don Sebastian na animo'y dismayado rin sa propesyong tinatahak niya ngayon. "O'siya, Natalia, dalhin mo nga ito kay Corazon" tawag ni Don Agustin kay Celestina sabay turo sa baul na nasa mesa. Nakayuko namang lumapit sa kanila si Celestina at maingat niyang dinala ang alahas kay Corazon na kasalukuyan pa ring tumutugtog sa piyano.
Napatigil si Corazon at napatitig sa mga alahas. May kung anong lungkot ang namumutawi sa kaniyang mga mata. "Hindi ako mahilig sa alahas at kung magkakaroon man ako niyan sa kauna-unahang pagkakataon, ibig kong ang aking asawa ang magbigay sa akin" tulalang saad ni Corazon habang nakatitig sa mga kumikinang na alahas.
Napahinga na lang ng malalim si Celestina saka tiningnan niya isa-isa ang mga alahas na naroroon sa baul. Laking-gulat niya nang makita ang pamilyar na kuwintas na relos na pagmamay-ari ni Martin. Dahan-dahan niyang kinuha ang relos na iyon saka tinitigang mabuti. "Paanong---" hindi siya makapaniwala dahil nasa kamay ngayon ang relos na pinakaiingatan ni Martin na minana pa nito sa kaniyang ina.
"Natalia" tawag muli ni Corazon sa kaniya, natauhan si Celestina nang marinig ang pangalang bumuo sa kaniyang panibagong buhay. "Paano kung ang taong minamahal mo ay may ibang gusto? O nakatali na sa iba? Ano ang iyong gagawin?" tanong ni Corazon na nagpatulala rin kay Celestina. Muli siyang napatitig sa hawak na relos at ang lahat ng alaalang nakapaloob doon.
Batid niya na kinasal na sina Martin at Loisa, madaling kumalat ang balita ng kanilang pagpapakasal dahil magarbo at inabangan ng lahat ang pagiging isa ng dalawang makapagyarihang pamilya. Si Don Agustin ang may ari ng pahayagan at pa-imprentahan ng diyaryo kung kaya't nakarating din agad kay Celestina ang balitang iyon limang taon na ang nakararaan.
Ngunit kahit kalahating dekada na ang lumipas, naroon pa rin ang sariwang sakit na ang lalaking kaniyang sinisinta ay pagmamay-ari na ng iba. "Natalia?" muling tawag ni Corazon dahilan upang bumalik na si Celestina sa kaniyang ulirat.
"Marahil ay may mga bagay at pagkakataon na hindi talaga aayon sa kagustuhan natin. Na sa kabila ng lahat, mas mabuti nang malaman mo na ang taong minamahal mo ay nasa mabuting kalagayan. Hindi na siya mahihirapan nang dahil sa iyo" wika ni Celestina, napayuko na lang si Corazon. Batid ni Celestina na kahit hindi magkwento ang kaibigan ay nasasaktan ito dahil hindi nagagawang suklian ni Miguel ang pagmamahal ni Corazon.
"Ngunit ako ay umaasa na sa ikalawa, ikatlo o kahit sa ilan pang pagkakataon ay magawa niya akong mahalin pabalik" saad ni Corazon, ang lahat ng nobelang kaniyang sinusulat ay para sa kaniyang asawa na halos limang taon na ring hindi umuuwi.
Napahinga na lang ng malalim si Celestina, limang taon na rin ang nagdaan magmula nang itago niya ang kaniyang pagkatao sa pangalang Natalia Jimenez. Ang babaeng anak ng mag-asawang magsasaka mula sa kabilang isla. Pamangkin ito ng isang matandang babaeng nagngangalang Aling Teresa na siyang ginamit ding pangalan ni Doña Gracia upang itago ang kaniyang pagkakakilanlan.
Ang may pakana ng lahat ng iyon ay sina Don Hugo at Miranda sa tulong ni Don Facundo upang itago ang dalawa. Tanging sila lang ay nakakaalam ng totoong pagkatao nina Celestina at Doña Gracia at hindi nila ito magawang ipaalam sa iba dahil malalagot sila kay Don Facundo.
Ang pagtatago nila kay Celestina ay pagtanaw nla ng utang na loob dahil si Don Facundo ang naglakad kay Don Hugo sa gobyerno upang mapanitil nito ang posisyon bilang punong tagapayo ng gobernador-heneral.
Magtatakipsilim na nang matapos magkwentuhan sina Don Sebastian at Don Agustin. "Kasalukuyan akong tumutuloy sa bahay-panuluyan sa sentro, hanggang sa sabado pa ako mananatili rito. Kung ibig mo pa ring bumili ng alahas sa akin ay puntahan mo lang ako roon" paalam ni Don Sebastian bago sumakay ng kalesa.
Tumayo na si Celestina at iniligpit na rin niya ang kaniyang mga gamit. Hindi pa rin mabura sa kaniyang alaala ang hitsura ni Martin at ang kuwintas na relos nito na napasakamay ni Don Sebastian. "Malapit nang dumilim, umuwi ka na Natalia, ipapahatid na lang kita sa aming kutsero" wika ni Corazon, napailing naman si Celestina.
"Hindi na kailangan, maglalakad na lang ako, malapit lang naman, Coring" ngiti ni Celestina, isinuot na niya ang kaniyang puting balabal saka nagpaalam kay Corazon at naglakad papalabas ng mansion. Medyo madilim na ang daan papalabas sa hacienda Alcantara ngunit sanay na maglakad si Celestina mag-isa sa dilim lalo na sa tuwing hinahatira niya ng pagkain at damit si Doña Teresa sa kabilang isla.
Dahan-dahang naglalakad si Celestina sa gitna ng hardin bitbit ang isang bayong kung saan nakalagay ang kaniyang pluta. Ilang sandali pa, naramdaman niya na parang may sumusunod sa kaniya mula sa likuran. Binilisan niya ang paglalakad ngunit naging mabilis din ang naririnig niyang yapak na sumusunod sa kaniya.
Hanggang sa makita niya ang anino ng isang lalaki, mahigpit na hinawakan ni Celestina ang bayong na hawak at balak niyang ihampas iyon sa lalaking nakasunod sa kaniya. Ngunit laking-gulat niya nang bigla siyang hawakan nito sa braso. "Tinang" wika ng lalaki na pamilyar ang boses.
Isang salita pa lamang iyon ngunit lahat ng takot at kaba na kaniyang nararamdaman ay biglang naglaho. Dahan-dahan siyang napalingon sa likod kung saan hawak ni Martin ang kaniyang braso at halos walang kurap itong nakatingin sa kaniya.
"Tinang, ilang taon kita hinanap sa Hongkong. H-hindi ko akalain na naririto ka lang pala" wika ni Martin na animo'y batang naligaw ng ilang taon at ngayon ay muli niyang nasumupungan ang dating tahanan, ang dating sarili. Napaiwas ng tingin si Celestina at inialis niya ang pagkakahawak ni Martin sa kaniyang braso.
Muli niyang naalala ang ibinilin sa kaniya ni Don Facundo na hangga't maaari ay huwag siyang magpapakita kay Martin dahil sigruadong magugulo ang lahat ng plano at pagsusumikap nilang marating ni Martin ang pinakamataas na posisiyon sa hukuman upang pabagsakin ang mag-amang Espinoza.
"T-tinang" muling wika ni Martin, napayuko na lang si Celestina at hinawakan niya ng mahigpit ang suot na balabal sa ulo. "Paumanhin ginoo ngunit nagkakamali ka, hindi ako ang taong tinutukoy mo" derechong sagot ni Celestina nang hindi tumitingin sa kaniyang mga mata.
Tatalikod na sana si Celestina ngunit muli siyang hinawakan ni Martin sa braso "Batid kong kailangan mo lang itago ang iyong pagkakakilanlan sa pangalang Natalia. Ikaw si Celestina at hindi mo maitatago sa akin ang katotohanang iyon kahit pa ilang daan o libong iba't ibang pangalan ang iyong gamitin" seryosong saad ni Martin na halos magpatigil sa tibok ng puso ni Celestina. Pinili niyang hindi lingunin ang binata at ipinikit niya ang kaniyang mga mata upang pilit na labanan ang sariling damdamin. Ang damdamin at kagustuhan na yakapin ang binatang tanging nagpapagaan sa kaniyang kalooban.
Sa huli, muling bumitaw si Celestina sa pagkakahawak ni Martin at buong tapang niyang hinarap ang binata. "Isang kapusukan ang iyong inaasal sa aking harapan ngayon. Kahit ilang daan o libong beses ko rin sasabihin sa iyo ang katotohanang hindi ako ang taong tinatawag mo sa pangalang iyan. Mas mabuti pa na tumigil ka na ginoo bago pa ito makarating sa mga guardia at hukuman" matapang na saad ni Celestina habang nakatingin ng derecho sa kaniya.
Dahan-dahan namang binitawan ni Martin ang dalaga at natawa na lang siya sa kaniyang sarili "Nagagalak akong marinig ang iyong tinig at natutuwa akong malaman mula sa iyong labi na magagawa mon ang mailabas ang iyong mga saloobin at hangarin nang hindi huhusgahan ng mga taong mapang-mata sa mga may kapansanan" mahinahong wika ni Martin habang nakatitig sa kaniyang mga mata.
Magsasalita pa sana si Celestina upang itanggi ang kaniyang pagkatao ngunit bigla nilang narinig ang boses ni Mang Santino sakay ng karitela na hinihila ng kalabaw. "Natalia? Bakit naririto ka pa sa labas? Gabi na" tawag ng matanda sabay kuha ng gaserang dala nila. Kasama niya ang lima niyang anak na lalaki na kaibigan din ni Celestina. Pare-pareho silang mga manggagawa sa hacienda Ibañez.
Nagulat sina Celestina at Martin nang biglang bumaba si Mang Santino at ang lima nitong anak na lalaki sa karitela at lumapit sa kanila. "Sino ang lalaking iyan? ikaw ba ay nais saktan o pagsamantalahan ng hilaw na ito?" matapang na tanong ni Mang Santino kasama ang kaniyang limang anak na animo'y gugulpuhin na si Martin.
Agad namang tinaas ni Martin ang kaniyang kamay, hinarangan din siya ni Celestina upang pigilan ang mga kaibigan. "Mang Santino, nagkakamali po kayo. N-nagtatanong lang po siya kung saan ang daan patungo sa sentro, naliligaw po ang kastilang ito" saad ni Celestina dahilan upang mahimasmasan naman ang mag-aama.
Tiningnan nilang mabuti si Martin na sa bihis at tindig pa lang ay masasabi na nilang nabibilang ito sa alta sociedad at dugong Kastila. Agad namang pinandilatan ni Celestina si Martin upang umayon ito sa kaniyang sinabi "S-sí, estaba perdida y no sé dónde estoy" (Y-yes, I was lost and I don't know where I am) saad ni Martin, nagkatinginan naman sina Mang Santino at ang kaniyang mga anak, nagsalita ang lalaki sa wikang kastila at batid nilang marunong magsalita ng kastila si Celestina dahil mahilig ito magbasa at mag-aral sa sariling pagsisikap.
Muling hinarap ni Celestina si Martin "Se puede caminar a cien metros de aquí y verá algunas luces allí donde se lleva a cabo el mercado" (You can walk a hundred meters from here and you will see some lights there where the market takes place) magalang na saad ni Celestina at nagbigay galang kay Martin. Magsasalita pa sana si Martin upang pigilan si Celestina ngunit tumalikod na ito at sumama sa karitela nina Mang Santino.
Gustuhin man niyang sundan at habulin ang dalaga upang malaman kung saan ito nakatira ngunit batid niyang mapapahamak ito at magiging tampulan ng usap-usapan kung kaya't pinili na lang niyang tanawin si Celestina sakay ng karitela papalayo tulad ng pagtanaw na ginawa niya nang lumisan ang dalaga sakay ng barko.
HATINGGABI na ngunit nakatayo lang si Martin sa tapat ng balkonahe habang tinititigan ang kabilugan ng buwan na unti-unting tinatakpan ng ulap. Kasalukuyan silang tumutuloy sa bahay-panuluyan sa sentro. Magkasama sila ni Timoteo sa isang kwarto na may dalawang higaan dahil halos puno ang mga silid sa bahay-panuluyan.
"Hindi ka rin pinapatulog ng nakaraan, hindi ba?" natauhan siya nang marinig ang boses ni Timoteo mula sa kaniyang likuran. Inabutan siya nito ng isang basong alak at naupo ito sa harang ng balkonahe na gawa sa matibay na bato.
Ngumiti lang si Martin sa kaniyang sarili saka tinitigan ang alak at ininom iyon. "Nakita ko si Miranda kanina, hulaan mo kung ano na ang antas ng pamumuhay niya ngayon?" saad ni Timoteo, napatigil naman si Martin saka tumingin sa kaibigan.
"Si Miranda na dating naninilbihan sa bahay-aliwan ni madam Costellanos?" tanong ni Martin, tumango ng dalawang ulit si Timoteo. "Si Mirandang taksil na sumira ng ating plano na itakas noon si Celestina sa bahay-aliwan" dagdag ni Timoteo, napahinga na lang ng malalim si Martin saka humawak sa harang ng balkonahe.
"Nabigo pa rin naman tayong itakas si Celestina sa ikalawang pagkakataon. Siya na mismo ang lumisan, akin namang nauunawaan na ginawa niya iyon upang hindi ako malagay sa kapahamakan ngunit masakit pa ring isipin na nakita ko siyang tumatakbo papalayo habang lumuluha" saad ni Martin sabay inom ng alak. Napahinga naman ng malalim si Timoteo at tiningnan niyang mabuti ang kaibigan, batid niyang nawala na ang masayahin, palabiro at pilyong Martin Buenavista na nakilala niya noon mula nang mawala si Celestina at matali siya sa mga Espinoza.
"Iyon nga, hindi ka maniniwala kapag sinabi ko sa iyo na si Miranda ay siyang bagong asawa ni Don Hugo at siyang namamalakad sa hacienda Ibañez na hihingian ko sana ng mga detalye tungkol sa mga pananim nilang halaman ng tobacco. Ang babaeng iyon, nabubuhay na rin ngayon sa karangyaan" tawa ni Timoteo sa sarili. Hindi naman umimik si Martin, wala na siyang pakialam kung sino pa ang mga tao mula sa nakaraan ang muling bumalik dahil ang tanging iniisip niya ngayon ay si Celestina.
"Ni hindi man lang siya nagpalit ng pangalan. Hindi ba niya naisip na maaaring maungkat ang kaniyang pagiging babaeng bayaran noon? Hindi rin nag-iisip itong si Miranda" tawa muli ni Timoteo sabay inom ng alak at sinindihan niya ang kaniyang tobacco.
Napatigil naman si Martin nang marinig ang sinabi ng kaibigan, siguradong-sigurado nga siya na nagtatago lang si Celestina sa pangalang Natalia at pilit nitong itinatanggi ang kaniyang katauhan. "Ano na ang plano mo ngayon? ipagpapatuloy mo pa rin ba ang pag-aaral sa halaman ng tobacco?" tanong ni Martin kay Timoteo na namomoblema na ngayon sa kaniyang pag-aaral dahil malaki na ang nagastos niya.
"Itutuloy ko pa rin ito, kitang-kita ko naman sa mga mata ni Miranda ang takot at pag-iwas. Tiyak na magugulat siya sa oras na makita ka niya" tawa ni Timoteo sabay buga ng usok. "Dapat nga siyang magpasalamat sa atin dahil sa plano natin noon ay nakatabi niya sa pagtulog si Don Hugo dahilan upang ipagbuntis niya ang nag-iisang tagapagmana ng Don. Walang utang na loob din itong si Miranda" patuloy ni Timoteo sabay tawa na animo'y isa siyang kontrabida.
"Ngunit alam mo ba Tinong, tila may kakaiba kay Miranda at sa kaniyang anak. Lalaki ang anak nila ni Don hugo, hindi ko masyado natitigan ang bata dahil inakyat agad ni Miranda sa kanilang silid ngunit kahawig ng bata si---" hindi na natapos ni Timoteo ang sasabihin dahil bigla silang nagulat nang may lalaking nakasuot ng itim ang lumundag mula sa mataas na pader ng bahay-panuluyan sa kabilang kwarto at mabilis itong tumakbo patungo sa kakahuyan.
Kasunod niyon ay nakarinig sila nang malakas na sigaw ng isang lalaki na nagtatakbo papalabas sa bahay-panuluyan. Mabilis na sinundan nina Timoteo at Martin ang lalaki mula sa kabilang kwarto at laking-gulat nila nang makita si Don Sebastian na nagsisisigaw at namumutla na. "Don Sebastian, ano pong nangyari?" maagap na tanong ni Martin sabay hawak sa balikat ng matandang Don. Isa-isa namang lumabas ang mga tao sa kani-kanilang mga silid upang alamin kung anong nangyari.
"P-pinasok ng magnanakaw ang aking silid! Kinuha niya ang aking mga alahas na binebenta!" sigaw ni Don Sebastian na halos himatayin sa laki ng perang nawala sa kaniya. Nagkatinginan sina Martin at Timoteo, pareho nilang naalala ang lalaking nakasuot ng itim na lumundag mula sa kabilang kwarto kung saan naroroon pala si Don Sebastian.
MADILIM ang buong kagubatan ngunit kabisado ng lalaking nakasuot ng itim at nakatakip ang mukha ang ligtas na daan patungo sa kanilang tagong kampo sa loob ng kweba mula sa mataas na bundok ng Nueva Ecija. Nang marating niya ang kanilang kampo ay agad siyang binati ng dalawang kasamahan na nakabantay sa pinto.
Nagpatuloy sa paglalakad ang lalaki bitbit ang baul na puno ng mga alahas at inilapag niya iyon sa malaking bato na makinis na nagsisilbing kanilang mesa. Tumigil ang apat na lalaki sa kanilang pag-uusap ng dumating ang lalaking nagdala sa kanila ng baul.
"Tagumpay ang aking misyon, pinuno" wika ng lalaki at nagbigay-galang sa apat na lalaking mas nakakataas sa kaniya. "Wala bang ibang nakakita sa iyong mukha?" tanong ng isa, tumango naman ang lalaki. "Nakasisiguro ka rin na walang ibang sumunod sa iyo patungo rito?" tanong naman ng ikalawa, muling tumango ang lalaki.
Magsasalita pa sana ang ikatlo ngunit nagsalita na ang kanilang pinaka-pinuno. "Nagtagumpay siya sa kaniyang huling misyon, Pinuno" wika ng isa, naglakad papalapit ang pinuno sa baul at binuksan iyon. Napatango at bumilib ang lahat dahil nakuha ng kanilang bagong miyembro ang mga alahas na magsisilbing pondo para tustusan ang kanilang samahan.
Lumapit ang pinuno na nasa edad dalawampu't lima lamang. Tinitigan niyang mabuti ang bagong miyembro saka hinubad ng pinuno ang sumbrerong buri at inilapag iyon sa mesa. Ang bagong pinuno ng rebeldeng grupong itinatag ni Don Gonzalo ay si Adolfo.
"Naroroon sa katabing silid sina Martin Buenavista at Timoteo Concepcion, nakasisiguro ka bang hindi ka nila namukhaan?" seryosong tanong ni Adolfo, tumango naman ng dalawang beses ang bagong miyembro. Sa pagkakataong iyon ay muling naalala ni Adolfo ang huling araw kung saan niya nakita ang sina Martin at Timoteo na minsan din niyang naging kaibigan...
Nababalot ng dilim at kilabot ang malawak na lupain ng Bagumbayan kung saan isasagawa na ang hatol na kamatayan kay Don Lorenzo Damian sa pamamagitan ng garrote. Tahimik ang lahat at halos ikadurog ng kanilang puso ang paulit-ulit na pagsigaw at pagmamakaawa ni Don Lorenzo na huwag siyang patayin, na wala siyang kasalanan at wala siyang kinalaman sa rebelyong kinasangkutan niya.
Nagtatago mula sa di-kalayuan si Adolfo habang tinatanaw sina Diego, Martin at Timoteo na tulalang naroroon. Sinubukang lumaban ni Martin at sumigaw na walang kasalanan si Don Lorenzo ngunit pingilan siya ni Don Facundo. Napawalang-sala si Martin at hindi na inungkat pa ang pagkakaroon nito ng pangalan sa listahan na sinasabing matibay na ebidensiya laban kay Don Lorenzo, batid ng lahat na nakaligtas si Martin dahil kay Don Amadeo.
Samantala, si Don Gonzalo naman ay nahatulan at ipinatapon sa Timog. Mula nang maipatapon sa malayong lugar si Don Gonzalo, naging magulo ang samahan. Muntikan pa itong matibag dahil sa takot ng ilang miyembro na matuklasan ang kanilang grupo. Tanging si Adolfo at ang iilang matapang na miyembro ang nanindigan sa samahan, muli nilang binuo ito at nagkampo sila sa Norte. Sa mga liblib na kagubatan at kweba kung saan hirap makarating ang ilang guardia.
Kinikilala pa rin nila si Don Gonzalo bilang pangunahing pinuno at siyang nagtatag ng kanilang samahan ngunit tanging mga utos at plano na lang ang naisasagawa nito. Bukod sa katandaan ay napilay din ang kaniyang binti dahil sa tindi ng tinamong parusa mula sa bilangguan upang siya ay mapaamin. Ni isang salita ay wala siyang binitiwan, hindi niya inilaglag ang grupo at hindi niya rin ibinato kay Don Lorenzo ang lahat sa kadahilanang inosente ito.
Tanging si Adolfo ang tumatayong pinuno ng Norte at nagsasagawa ng lahat ng utos mula kay Don Gonzalo na halos isang beses kada buwan niya dalawin mula sa Timog sa loob ng limang taon. Mabigat na responsibildad man ang kaniyang pasan-pasan ngunit hindi niya alintana iyon dahil ginagawa niya ang lahat para sa Inang Bayan.
"Ano ang iyong masasabi gayong nakita mo muli ang iyong ama?" patuloy ni Adolfo sabay tanggal sa itim na tela na nakatakip sa mukha ng bagong miyembro. Dahan-dahan namang iniangat ni Tonyo ang kaniyang ulo at tiningnan siya ng derecho sa mata, "Nararapat na isantabi ang personal na nararamdaman upang maisakatuparan ang misyon at ating hangarin na maging malaya ang bayan" derechong sagot ni Tonyo, napatango naman si Adolfo saka tinapik ng dalawang ulit ang binata. Sa pagkakataong iyon ay muli niyang naalala ang huling sandali kung paano niya nailigtas ang kaibigan nina Diego sa kapahamakan...
Tinutupok ng malaking apoy ang buong pamilihan, nagsimula ang apoy sa bahay-aliwan ni madam Costellanos. Naroroon si Adolfo at Diego nang mangyari iyon, nakita nilang nawalan ng malay si madam Costellanos kasama si Stella sa gitna ng kalsada. Sa mga sandaling iyon, biglang napukaw ang atensyon ni Adolfo sa kalesang dumaan sa kanilang harapan sakay ang pamilyar na babaeng nakasuot ng itim na talukbong.
Agad sinundan ni Adolfo ang kalesa ngunit naharangan siya ng malaking karitelang dumaan sa gitna. Sandaling nawala sa kaniyang paningin ang kalesang sinasakyan ng babaeng nakatalukbong hanggang sa muli niya itong masumpungan. Tinatahak na ng kalesa ang daan patungo sa daungan, hindi na nag-aksaya ng oras si Adolfo, mabilis niyang sinakyan ang kabayong nakatali sa isang gilid at sinundan ang misteryosong taong iyon.
Hindi nga siya nagkamali sapagkat tumigil ang kalesa sa tapat ng daungan at nagtungo ang babae kasama ang kutsero sa loob ng barko. Mabilis na umakyat si Adolfo sa gilid ng barko saka sinundan sa kabilang gilid ang babaeng nakatalukbong. Napatigil siya nang makita itong pumasok sa isang silid habang ang kasama nitong kutsero ay naiwan sa labas ng pinto.
Pinagmasdan ni Adolfo ang paligid at laking gulat niya nang makita ang pagdating ng apat pang lalaking nakasuot ng itim. May mga hawak itong patalim, sinenyasan ng kutsero ang mga lalaking nakaitim na magtago muna sa gilid. Ilang sandali pa, lumabas na ang babaeng nakatalukbong at may ibinulong ito sa kutsero.
Susundan na sana ni Adolfo ang babaeng nakatalukbong na pababa na ng barko ngunit napansin niya na dahan-dahang inilabas ng mga lalaking nakaitim ang kani-kanilang patalim saka binuksan ang pinto. Mabilis na tinahak ni Adolfo ang gilid ng barko patungo sa bintana ng silid na iyon upang unahan ang mga lalaking nakaitim na papasok sa silid na iyon.
Nang makapasok siya sa bintana ay laking-gulat niya nang makita roon si Tonyo na nakaupo sa isang silya "A-adolfo?" gulat na wika ni Tonyo ngunit biglang bumukas ang pinto ng kaniyang silid at pumasok ang apat na lalaking naka-itim. Mabilis na sinipa ni Adolfo ang dalawa saka hinablot ang ulo ng isa at inihampas ito sa matigas na dingding.
"Tumalon ka sa bintana!" sigaw ni Adolfo kay Tonyo na hindi makapaniwala sa mga pangyayari. "S-sino ang mga ito?" gulat na saad ni Tonyo habang patuloy na pinipigilan ni Adolfo ang mga kalaban. "P*nyeta! Gusto kang patayin ng babaeng pumasok dito!" sigaw ni Adolfo, sabay hagis ng silya sa apat na kalaban. Sabay-sabay na natumba ang mga ito sa pintuan dahilan upang makita sila ng ibang mga guardian a rumuronda sa baba.
Mabilis na hinila ni Adolfo ang kwelyo ni Tonyo at sabay silang lumundag sa barko at bumagsak sa dagat. Magmula sa araw na iyon, sinikap ni Tonyo na mapabilang sa samahang iipinagpatuloy nina Adolfo. At ang kaniyang huling misyon ay ang kunin ang baul na puno ng mga alahas na dala ni Don Sebastian na kaniyang ama patungong Norte.
Mabilis na kinuha ni Adolfo ang maliit na balisong na nakasuksok sa kaniyang tagiliran at pinadaan iyon sa likod ng tenga ni Tonyo. Sinugatan niya ang likod ng tenga nito bilang palatandaan na ganap na siyang miyembro ng grupo.
ALAS-SIYETE na ng gabi, dahan-dahang pinupunasan ni Marisol ang maruming sahig ng kusina. Ilang sandali pa, napatigil siya nang dumating si madam Villareal "Kunin mo ang mga pinggan at kubyertos sa hapag, tapos na kami kumain. Dahan-dahan lang ang paghugas sapagkat ipapakain ko sa iyo ang mga mamahaling pinggan na nababasag mo" sigaw ng señora sabay talikod ngunit tumigil ito bago umakyat sa hagdan.
"Dalhan mo ako ng mainit na tsaa sa aking silid" utos nito bago tuluyang pumanhik sa kaniyang kwarto. Tumayo na si Marisol saka pinagpagan niya ang kaniyang sarili. Malayong-malayo na ang kaniyang marangyang hitsura noon sa kalagayan niya ngayon. Halos lahat din ng kaniyang kaibigan noon ay may asawa na at iniwan na siya.
Nang mahatulan ang kaniyang ama at ipatapon sa malayong lugar. Naging isa siyang alipin at ibinenta siya ni Loisa kay madam Villareal sa takot na agawin nito si Martin dahil batid niyang may paghanga si Marisol kay Martin noon.
Kinuha ni Marisol ang mga pinggan at kubyertos na naiwan sa hapag at dinala iyon sa kusina. Nang matapos siya maghugas, natanaw na niya mula sa bintana ang lalaking nakasuot ng puting kamiso at sumbrerong buri. Tumango ang lalaki at iniwan ang dala nitong garapon sa tabi ng basurahan.
Agad kinuha ni Marisol ang kaniyang balabal saka sinuot iyon at maingat na lumabas. Inilibot niya ang kaniyang paningin sa paligid at nang masiguro niya na walang ibang tao roon ay kinuha niya agad ang garapon na iniwan ng lalaki sa basurahan.
Nang makabalik na siya sa kusina, agad niyang binasa ang maliit na papel na nakasuksok sa takip ng garapon. Sinarado niya muna ang pinto sa kusina saka binuklat ang maliit na papel.
'Sa aking pagbabalik, magbibigay na ng takdang araw ng pag-aalsa ang ating pinuno. Sa ngayon ay gawin mo lang ang nararapat mong gawin, dalawang patak sa inumin ni madam Villareal at sa paglipas ng ilang buwan ay mapapansin mo ang pagbabago sa kaniyang kalusugan'
Agad sinunog ni Marisol ang papel sa kandilang nasa tabi niya at pinagmasdang mabuti ang garapon. Batid niya na ang garapong iyon ay naglalaman ng lason na unti-unting magpapahina sa katawan ng taong makakainom iyon hanggang sa tuluyan nitong ikamatay.
KINABUKASAN, maagang bumangon si Martin upang puntahan si Don Hugo. Hindi ang Don ang kaniyang pakay kundi si Miranda na siyang naglaglag sa kanilang plano noon. Hindi na niya ginising si Timoteo na mahimbing pang natutulog noong mga oras na iyon.
Papasikat na ang araw, pinagmasdan ni Martin ang malaking taniman ng halamang tobacco na nasasakupan ng hacienda Ibañez. Abala na ang mga mangaggawa roon sa pagkuha ng magagandang halaman at pagtatanim ng panibago. Dahan-dahang tinatahak ng kaniyang kalesang sinasakyan ang napakalawak na taniman hanggang sa mapukaw ng kaniyang atensyon ang pamilyar na dalaga na naglalakad bitbit ang mga nakuhang halaman.
Agad pinahinto ni Martin ang kalesa at sinalubong ang babaeng naglalakad na napahinto rin nang makita siya. "A-anong ginagawa mo rito?" gulat na tanong ni Martin sabay lingon sa paligid. "Ang haciendang ito ay pagmamay-ari ni Don Hugo---" hindi na natapos ni Martin ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagsalita si Celestina.
"Tama kayo ginoo, ang hacienda nga na ito ay pagmamay-ari ni Don Hugo. Marahil sa mga oras na ito ay tulog pa ang Don kung kaya't marapat na hintayin niyo na lang siya sa kaniyang tanggapan" saad ni Celestina, hindi naman nakapagsalita si Martin, hindi niya alam ang kaniyang mararamdaman gayong naririnig na niya ang boses ng dalaga. Ngunit sa kabila niyon ay mas natatakot siya sa mga salitang binibitawan nito. Na anumang sandali ay muli na naman siya nitong ipagtabuyan papalayo.
"Hindi ba't ikaw ang hilaw na binatang gumagambala kay Natalia kagabi? Ano namang ginagawa mo rito? Sinusundan mo ba siya? Marunong ka naman pala magsalita ng aming wika, bakit nilinlang mo kami?" reklamo ni Mang Santino habang hawak nito ang matalim na pangbungkal ng lupa.
Napaatras naman si Martin dahil tinututok sa kaniya ni Mang Santino ang matalim na pangbungkal ng lupa. Napatigil din ang ilan sa kanilang ginagawa at napalingon sa kinaroroonan nina Martin, Celestina at Mang Santino. "I-ito po ba ang daan patungo sa tahanan ni Don Hugo?" pag-iiba ni Martin sa usapan upang kumalma si Mang Santino na animo'y hahambalusin na siya.
"Oo! Huwag ka na ngang magpapakita sa amin lalo na sa aming Natalia" sigaw ni Mang Santino, napatango na lang si Martin saka inayos niya ang kaniyang kwelyo. Hindi naman mapigilan ni Celestina na matawa dahil hindi makapalag si Martin sa matanda na ngayon ay sinesermonan na siya tungkol sa pagiging magalang at maginoong binata.
Napatigil at natauhan na lang si Celestina na hindi dapat siya ngumiti ng ganoon dahil ngayon ay nakatitig na sa kaniya si Martin, lalo na sa dalawang magkabilang biloy sa kaniyang pisngi na isa sa mga palantandaan nito sa kaniyang pagkatao.
Sa huli, wala nang nagawa si Martin kundi ang bumalik na lang sa kalesa. Ayaw din niyang ilagay sa kapahamakan at tampulan ng usapan si Celestina kung mananatili pa siya roon at pipilitin niya ang dalaga na umamin ito sa kaniyang tinatagong katauhan.
Nang marating ni Martin ang mansion ni Don Hugo, si Miranda ang unang sumalubong sa kaniya pagbukas nito ng pinto. Halos mawalan ng balanse si Miranda nang makita ang seryosong hitsura ni Martin, nanginginig siyang umatras at halos hindi na siya makahinga. "Nariyan ba si Don Hugo?" tanong ni Martin, napahawak na lang si Miranda sa kaniyang ulo at sa silyang nasa gilid.
"T-tulog pa siya, h-hayaan mong tawagin ko---" hindi na natapos ni Miranda ang kaniyang sasabihin dahil naglakad na si Martin papasok sa loob at dere-derechong naupo sa mahabang sofa. Kinuha niya ang bagong dyaryong nakapataong sa mesa at binuklat iyon.
"Huwag na, hihintayin ko na lang siya dito hanggang sa siya ay magising" saad ni Martin habang nakatingin sa hawak na dyaryo. Agad namang napalingon si Miranda sa mga kasambahay na naroroon at nagtatakang nakatingin sa kanila lalo na sa gulat na reaksyo ng kanilang señora. Agad sinenyasan ni Miranda ang mga kasambahay na umalis doon at akmang aakyat na siya sa patungo sa kaniyang silid nang muling magsalita si Martin.
"Kumusta ang marangyang buhay? Batid kong alam mo kung bakit ako naparito ngayon. Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa" wika ni Martin sabay hampas ng dyaryo sa mesa. Tumayo siya at inayos niya ang suot na itim na gabardine at sumbrero.
"Ang lahat ng nangyari noon ay kagagawan ni Tonyo mula sa utos ni Loisa hindi ba?" seryosong tanong ni Martin na dahan-dahang naglalakad papalapit sa kaniya. Lumipas man ang limang taon ay hindi niya pa rin mapigilang humanga sa pambihirang kagawapuhan at katalinuhan ni Martin Buenavista.
"Nakarating ka sa katayuan mo ngayon nang dahil sa aming plano. Ngayon, sabihin mo sa akin ang totoo, bakit naririto si Celestina sa lupain niyo?" saad ni Martin sa mas mataas na tono. Mabuti na lang dahil wala ng ibang tao sa salas. Napaatras at napahawak na lang si Celestina sa gilid ng hagdan habang dahan-dahang humahakbang si Martin papalapit sa kaniya.
"W-wala akong nalalaman sa mga sinasabi mo!" sigaw ni Miranda sabay hawak sa kaniyang ulo na animo'y nasisiraan na siya ng mabait. Magsasalita pa sana si Martin ngunit bigla nilang narinig ang boses ng isang batang lalaki.
Nakatayo ito sa hagdan at nakabihis pangtulog pa, magulo ang buhok nito habang kinukusot niya ang kaniyang kaliwang mata. "Ina" tawag ng bata sabay takbo at yakap kay Miranda. Sandaling tinitigan ni Martin ang batang lalaki na tumingin din pabalik sa kaniya ngunit mabilis na binuhat ni Miranda ang anak. "P-paumanhin ngunit akin nang aasikasuhin ang aking anak, papahatiran kita ng almusal sa aming mga kasambahay" mabilis na saad ni Miranda sabay punas ng kaniyang luha.
Nagmamadali siyang umakyat sa hagdan kahit pa nanghihina ang kaniyang tuhod hindi dahil sa bigat ng kaniyang anak kundi dahil sa hindi niya inaasahang makita muli si Martin Buenavista. Wala nang nagawa si Martin kundi ang titigan ng mabuti ang batang lalaki na nakatitig din sa kaniya at kumaway pa ito.
Inayos na lang niya ang kaniyang sumbrero saka naglakad papalabas ng mansion. Nang makalabas na siya, muli niyang dinama ang sariwang hangin na animo'y niyayakap siya upang pakalmahin ang kaniyang puso't isipan na hindi na mapanatag na mabigyang linaw ang lahat ng gumugulo rito.
Nakakatatlong hakbang pa lang siya papalayo nang marinig niya ang musika mula sa gitara. Mula sa di-kalayuan ay natanaw niya ang isang malaking puno ng mangga at sa lilim niyon ay nakita niya si Celestina. May hawak itong gitara habang umaawit sa harap ng tatlong batang babae.
Dahan-dahan siyang naglakad papalapit sa kanila sabay hubad ng kaniyang suot na sumbrero. Sa bawat hakbang na kaniyang tinatahak ay animo'y naglalakad siya pabalik sa nakaraan, pabalik sa babaeng sinisigaw ng kaniyang puso at pabalik sa pag-ibig na siyang tanging makakapuno sa kakulungan ng kaniyang buhay kahit pa mapasakamay niya ang mataas na kapangyarihan at karangyaan.
Sa kaniyang dahan-dahang paglapit ay mas nagiging malinaw sa kaniyang pandinig ang awiting inaawit ni Celestina. Ang marahan nitong musika, ang malungkot na tono at ang himig ng dalaga na magkahalong lungkot at pighati ng pusong nangungulila.
Ang pagsintang nangungulila sa iyo
Ang pagluhang sigaw ay ngalan mo
Hanggang sa pagdating ng araw na ito
Ibig kong malaman mo ang puso ko
Paalam sinta, pagkat ako'y lilisan na
Patawad sinta kung ako'y lalayo na
Hanggang sa muli, ikaw lang sa tuwina
Ang aking iibigin
Nang matapos umawit si Celestina ay magiliw na pumalakpak ang tatlong batang babae. Isa-isang kinurot ni Celestina nang marahan ang mga pisngi ng mga ito. "Ano pong pamagat ng awiting iyan, ate?" tanong ng batang babae. Napangiti naman si Celestina at nang sasabihin na niya ang pamagat niyon ay bigla nilang narinig ang boses ng isang lalaki sa kanilang likuran.
"Ang iyong pag-ibig" sagot ng lalaki dahilan upang mapalingon sila sa likod. Gulat na napatayo si Celestina habang ang tatlong babae naman ay nagtatakang nakatingin sa gwapong lalaki na nakatayo sa kanilang harapan.
"Paano niyo po nalaman ang pamagat ng awiting iyon? Si ate Natalia at binibining Corazon ang lumikha niyon" saad ng isang batang babae. Agad naman siyang sinaway ni Celestina dahil hindi ito gumamit ng po o opo. Ngunit ngumiti lang si Martin.
"Hindi kayo maniniwala kung sasabihin kong narinig ko na ang musikang iyon ilang taon na ang nakararaan. Tinugtog iyon ng isang binibini gamit ang pluta sa harap din ng mga bata" ngiti ni Martin, nagkatinginan naman ang mga batang babae. Samantala, hindi naman magawa ni Celestina na tumingin ng derecho sa kaniya.
"Nasaan na po ang binibining inyong tinutukoy?" tanong ng isa pang bata, pinadilatan sila ni Celestina ng mata ngunit mas interesado sila sa mga sinasabi ng estrangherong lalaki. Ngumiti ng mas malaki si Martin at napahinga ng malalim. Isinuksok niya ang kaniyang dalawang kamay sa kaniyang magkabilang bulsa.
"Mas mahirap pa sagutin ang iyong tanong kumpara sa mga tanong na binabato sa hukuman" ngiti ni Martin dahilan upang magsihagikhikan ang mga bata. "Maaaring nasa malayong lugar siya, sa ibang bansa? Ibang bayan? Ngunit maaari ring narito lang siya sa paligid, sa kabilang isla? Sa kabilang bayan? O dito mismo sa aking harapan" wika ni Martin sabay tingin ng derecho kay Celestina.
Agad namang napaiwas ng tingin si Celestina at sinabihan niya ang tatlong bata na bumalik na sa kani-kanilang mga bahay dahil baka hinahanap na sila ng kanilang mga magulang. Tumango naman ang mga bata at magiliw na nagpaalam sa kanila lalo na kay Martin na kumaway pa sa kanila papalayo.
Nang makalayo na ang mga bata, ibinaba n ani Celestina ang hawak na gitara saka seryosong hinarap si Martin. Magsasalita na sana siya ngunit inunahan siya ni Martin na hanggang sa mga oras na iyon ay nakangiti lang sa kaniya na para bang inaasar siya nito.
"Hindi ko na pipilitin na ikaw ang binibining tinutukoy ko. Hindi na kita paaaminin, hindi na mahalaga kung ikaw ba iyon o siya, dahil ako na lang mismo ang maghahanap ng kasagutan mula sa iyong kilos at mga mata" wika ni Martin sabay ngiti, napakunot naman ang noo ni Celestina. Habang patuloy niya itong pinagtutulakan papalayo ay mas lalo silang pinaglalapit ng tadhana.
Ilang sandali pa, nagulat siya nang dahan-dahang humakbang papalapit sa kaniya si Martin. Tila pamilyar ang pangyayaring iyon, ang pagbagal ng takbo ng paligid, ang pagtigil ng tibok ng kaniyang puso, ang marahang pag-ihip ng sariwang hangin, ang magandang ngiti nito habang nakatingin ng derecho sa kaniya at higit sa lahat ay ang huling salitang binitawan nito sabay lahad ng palad sa kaniyang harapan. "Maaari tayong maging magkaibigan kung iyong nanaisin... Natalia"
******************************
Note: Ang awiting "Ang Iyong Pag-ibig" ay orihinal kong isinulat na inawit at nilapatan ng musika ni Binibining Lyle Mesina. Gusto niyo bang marinig ang kantang inawit ni Celestina? Ito ang link...
https://youtu.be/d25SRKsfQB0
"Ang Iyong Pag-ibig"
Written by: Binibining Mia
Music and song by: Lyle Mesina
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top