Ika-Dalawampu't Isang Kabanata
[Kabanata 21]
"SA susunod na linggo na rin pala ang araw ng kamatayan ni Adelia. Ikaw ba ay uuwi sa Laguna?" tanong ni Don Facundo kay Martin habang salo-salo silang kumakain sa isang mahabang mesa. Sa gitnang dulo nakaupo si Don Facundo at nasa magkabilang tabi naman niya sina Julian at Martin.
"Opo, ama" sagot ni Martin, ngayon na lang niya muling nakasalo ang ama sa hapag-kainan kung kaya't hindi siya makapaniwala. "Nabanggit sa akin ni Joaquin at Javier na ibig nilang maghandog ng awit sa inyong ina sa oras na dalawin na natin ang kaniyang puntod" patuloy ni Don Facundo, maging siya ay hindi sanay na sa mga oras na iyon ay kasalo niya sa iisang mesa ang pangalawang anak.
Halos apat na taong namalagi sa Europa si Martin upang mag-aral at nang bumalik siya sa bansa ay isang beses pa lang niya nakasalo ang anak nang isama ito ni hukom Emiliano sa tanghalian kasama sina Don Amadeo, Loisa at Tonyo. "Akin pong hindi palalagpasin na marinig ang awit na isusulat nina Joaquin at Javier" wika ni Martin, napatango naman si Don Facundo sabay inom ng alak.
"Ibig din naming mangisda sa lawa pagkatapos natin dumalaw sa puntod ni Adelia. Nais mo bang sumama sa amin Martin?" tanong muli ni Don Facundo, napatigil naman si Martin at dahan-dahang napalingon sa ama. Hindi niya maintindihan kung bakit isinasama na siya nito sa mga plano nito sa buhay.
"I-ikinararangal ko po iyon, ama" tugon ni Martin, hindi niya malaman kung bakit parang biglang humilab ang kaniyang dibdib. Animo'y gumuho ang mataas at mabigat na pader na nakaharang sa pagitan nilang dalawa ng kaniyang ama. "Yaman ding uuwi ka sa Laguna sa susunod na Linggo, ibig mo bang sumali sa subasta na gaganapin sa tahanan ni Don Filimon?" tanong naman ni Julian.
"Anu-ano ang mga isusubastang kagamitan?" tanong ni Martin, napaisip naman si Julian habang inaalala ang mga bagay na nabanggit sa kaniya ni Don Filimon noong huling beses niyang nakausap ito. "Ayon kay Don Filimon, karamihan daw sa mga kagamitang iyon ay mga mamahaling gamit ni Don Mateo Cervantes at ng asawa nito noon. Mga gamit na ibinenta sa kaniya ng Don noong nabubuhay pa ito habang ginigipit ni Don Amadeo at ng ibang mga taong kaniyang pinagkakautangan" tugon ni Julian. Napaisip naman ng malalim si Martin, hindi siya interesado sa mga subasta (auction) ngunit nang marinig niya na ang mga kagamitang iyon ay pagmamay-ari ng ama ni Celestina, sisiguraduhin niyang mabawi ang lahat ng iyon para sa dalaga.
"Anong araw---" hindi na natapos ni Martin ang kaniyang sasabihin dahil aksidente niyang nabitiwan ang mababasaging basong hawak niya dahilan para tuluyan itong bumagsak sa sahig at mabasag. "P-pasensiya na" paghingi ni Martin nang paumanhin at akmang pupulutin ang mga bubog sa sahig ngunit nasugatan ang kaniyang daliri. Mabuti na lang dahil mabilis na dumating ang kasambahay at nilinis ang mga bubog "Huwag mo nang intindihin iyan" wika ni Don Facundo. Napahinga na lang ng malalim si Martin at naupo muli ng maayos sa kaniyang silya.
Agad niyang pinunasan ang maliit na sugat sa daliri niya gamit ang puting tela na nakapatong sa kaniyang hita. Muli siyang napalingon sa nagkalat na bubog sa sahig, sa pagakakataong iyon hindi niya maunawaan kung bakit siya biglang kinutuban ng masama na para bang may masamang mangyayari.
"O'SIYA, aalis na kami kuya. Ito na ang iyong pagkakataon na akyatin sa silid ang iyong asawa" panukso ni Deigo kay Timoteo sabay sagi sa balikat nito. Nakatayo silang dalawa ni Adolfo sa tapat ng pintuan habang hawak naman ni Timoteo ang pinto. "Paligayahin mo na kasi ang iyong asawa nang sa gayon hindi mapakla ang mga putaheng niluluto niya" patuloy ni Diego sabbat sagi sa braso ng kapatid.
Napakunot ang noo ni Timoteo sa kanilang dalawa "Nakikikain, nakikitulog, nakikiligo at nakikitira na nga lang kayo sa amin dito, ganiyan kayo magpasalamat sa akin?" reklamo ni Timoteo, nagkatinginan naman sina Diego at Adolfo at satay silang napakamot sa ulo.
"Ikaw naman, binibiro ka lang namin" bawi ni Diego sabay tawa at akbay kay Adolfo. "Kayong dalawa na lang ni ate Linda ang maiiwan dito ngayong gabi. Isarado mo na ang pinto, hayaan mo nang matulog si Martin sa labas" ngisi ni Diego kay Timoteo. Napaatras na lang si Timoteo dahil tila may demonyo na bumubulong sa magkabilang tenga niya.
"Sunggaban mo na siya at ipakita mo kung sino ang hari sa pamamahay na ito. Suyuin mo lang sandali at hintayin mong magliyab ang kaniyang damdamin" bulong muli ni Diego, napalunok na lang si Timoteo habang pilit na naglalaro sa kaniyang isipan ang mga ipinapasok na ideya ng demonyo sa tabi niya.
Pinipigilan ni Adolfo ang tawa niya. Lalo na't namumula na sa hiya ang mukha ni Timoteo.
"Umalis na nga kayong dalawa! Babangungutin ako dahil sa Inyo" reklamo ni Timoteo at pinagtulakan niya sa labas ng pintuan ang dalawa. "S-sandali!" pagpigil ni Diego ngunit sinaraduhan na sila ni Timoteo ng pinto.
"Makakarating talaga 'to kay ama!" inis na wika ni Diego sabay ayos sa damit at sumbrero niya. "Magpasalamat ka na lang na pinalayas niya tayo ngayon para magkaroon ka na ng pamangkin" ngiti ni Adolfo sabay pagpag sa puting kamiso na kaniyang suot.
"Siya nga pala, saan ka tutuloy ngayon?" tanong ni Adolfo kay Diego, nagsimula na silang maglakad sa tahimik at madilim na kalye. "Siyempre dito ako matutulog. Wala na akong ibang tutuluyan, ang layo pa ng bahay ni Tonyo. Susunduin ko lang si Celestina sa bahay-aliwan gaya ng hiling ni Tinong" tugon ni Diego. Napatango si Adolfo sabay lagay ng kaniyang kamay sa likuran.
"Bakit ganiyan ka maglakad? Daig mo pa sina Don Amadeo at Don Facundo" puna ni Diego kay Adolfo sabay tawa. "Kung minsan, napapaisp tuloy ako kung ikaw pa ba si Adolfo na kababata ko" patuloy ni Diego, nagtataka namang napatingin sa kaniya si Adolfo habang mabagal silang naglalakad.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Kung minsan ay may napapansin akong kakaibang kilos mo, mabilis at maingat na kilos. Baka magulat na lang ako isa ka palang espiya" biro ni Diego sabay akbay sa kaibigan. Napatigil naman si Adolfo ngunit pinili niyang ngumiti na lang.
"Siya nga pala, saan ka tutuloy ngayon?" tanong muli ni Diego, napatingala naman si Adolfo sa madilim na langit. "Sa Hotel De Oriente, iidlip na lang siguro ako sandali sa silid-tanggapan" ngiti ni Adolfo, "Kung lumapit ka na kasi sa kapatid mong si Corazon, tiyak na tutulungan ka niya" hirit pa ni Diego pero napangiti at napailing lang si Adolfo.
Ilang sandali pa, narating na nila ang bukana ng Intramuros, pumara na ng kalesa si Diego. Samantala, naglakad naman si Adolfo patungo sa kabilang daan. Malayo-layo pa ang Hotel de Oriente ngunit mas piniling maglakad ni Adolfo upang makatipid.
Tahimik ang bawat kalye, sarado na ang karamihan sa mga tindahan at pamilihan. Iilang kalesa na lang din ang naghahari sa gitna ng kalsada lulan ang ilang mga opisyal na ginabi sa kani-kanilang mga opisina. Napatigil sa paglalakad si Adolfo nang biglang may panang tumama sa isang malaking poste na dinaanan niya.
Agad niyang pinakiramdaman ang paligid at dahan-dahang dinukot ang balisong na nakasuksok sa loob ng kaniyang kamiso ngunit napayuko rin siya nang magpakita sa kaniya ang lalaking naka-suot din ng puting kamiso at may suot na salakot. Nagtatago ito sa sulok at siyang pumana sa posteng malapit kay Adolfo.
"Don Gonzalo" bati ni Adolfo sa lalaking nakasuot ng salakot. "May nasagap ka na bang impormasyon tungkol sa pinapahanap ko sa iyo?" wika nito, ang boses ng lalaking nakasalot na kanilang pinuno ay malalim at seryoso.
"Paumanhin ngunit wala pa po akong nasasagap. Nang kumalat ang bali-balitang naririto na ang bagong gobernador-heneral at ang visitador heneral ay mas lalong naghigpit ang seguridad sa Hotel de Oriente. Namalagi roon ng isang gabi ang kasalukuyang gobernador-heneral at ang mga kawani nito" saad ni Adolfo, napatango na lang ang lalaking nakasuot ng salakot.
"Pagbutihin mo ang pagmamasid sa bawat kilos nila. Lalong-lalo na kay Heneral Samuel Garcia, nabanggit sa akin ni gobernador-heneral Federico na posibleng may ibang pakay din ang heneral sa pagdating dito sa bansa. Mahalagang tayo ang mauna sa paghahanap" wika ng lalaki, napatango naman si Adolfo bilang tugon. Nang muli niyang iangat ang kaniyang ulo ay tuluyan nang naglaho ang kanilang pinuno.
Matapos ang tagpong iyon ay nagpatuloy si Adolfo sa paglalakad. Napatigil siya nang makita ang grupo ng mga guardia civil na rumoronda sa gabi. Pinili na lang niyang dumaan sa kagubatan patungo sa Hotel de Oriente upang makaiwas sa mga guardia.
Ilang sandali pa, napatigil siya nang makarinig siya ng mga yapak ng paa na dumudurog sa mga tuyong dahon sa lupa. Naaninag din niya mula sa di-kalayuan ang ilang sulo ng apoy na nakapalibot sa isang sulok ng gubat. Dahan-dahang nagtago si Adolfo sa likod ng isang malaking puno at sinilip kung anong nangyayari roon.
Laking gulat niya nang makita ang pagbuhat ng dalawang lalaking naka-itim sa babaeng minsan na niyang nakitang kasama ni Martin. Ipinasok si Celestina sa loob ng isang kabaong at inihulog iyon sa isang malaking hukay saka tinabunan ng lupa.
"Bilisan niyo na" wika ng taong nakatalukbong na sa palagay ni Adolfo ay babae dahil sa boses nito. Kasunod niyon ay naglakad na ang babaeng nakatalukbong papalabas sa masukal na kagubatan habang nakasunod ang dalawang lalaking naka-itim sa kaniya habang ang iba naman ay tulong-tulong sa paglilibing ng buhay kay Celestina sa lupa.
Sinundan ni Adolfo ng tingin ang babaeng nakatalukbong hanggang sa makasakay ito sa kalesa. Nang makaalis na ang kalesa ay mabilis niyang hinugot ang balisong sa kaniyang kamiso saka sinugod ang apat na lalaking-naka-itim na abala sa pagtatakip sa hukay.
Sinipa ni Adolfo ang likod ng isa dahilan para mahulog ito sa hukay. Nagulat ang tatlo sabay kuha sa mga bolo nilang nakasuksok sa kanilang tagiliran at sabay-sabay na umatake kay Adolfo. Mabilis na naka-ilag si Adolfo, nagilitan niya sa leeg ang isa at sinaksak naman ang isa sa likuran.
Gumulong siya sa lupa saka pinatamaan ang isa sa sikmura na tumagos pa sa likuran nito. Habang ang isa namang nahulog sa hukay ay hinintay niyang makaahon at nang makaalis ito sa hukay ay diretso niya itong sinaksak sa leeg na bumaon sa lalamunan nito dahilan upang dumanak ang dugo sa gitna ng madilim na kagubatang iyon.
MAG-ISANG naglalakad si Martin pauwi sa bahay nina Timoteo at Linda. Madilim ang paligid dahil walang buwan o kahit isang bituin sa langit. Hindi malaman ni Martin kung bakit hindi siya mapalagay, hindi niya rin malaman kung saan nanggagaling ang kaba niyang hindi niya mapaliwanag.
Ilang sandali pa, napatigil siya at nagtago sa isang sulok nang matanaw niya sa di-kalayuan ang dalawang guardia civil na rumuronda sa kalsada. May dala naman siyang sedula ngunit mas mabuting magtago na lang kaysa humarap sa samu't-saring tanong ng mga gaurdia civil kung anong ginagawa niya sa labas sa gitna ng gabi.
Nang makalagpas ang dalawang guardia civil ay kasunod namang dumaan ang isang kalesa lulan ang isang misteryosong tao na nakasuot ng talukbong na itim. Sinundan ni Martin ng tingin ang kalesang iyon hanggang sa makalayo ito sa hindi rin niya malamang dahilan.
Lumipas pa ang ilang minuto, narating na niya ang tahanan nina Timoteo at Linda. Naabutan niyang bukas ang pinto ng bahay at may kalesang nakatigil sa harap niyon. Naabutan niya sa salas sina Timoteo, Linda, Stella at Susana. "Tinong! Mabuti narito ka na! Kanina pa namin inaalam kung nasaan ka!" bungad ni Timoteo sabay takbo papalapit sa kaniya.
Tiningnan ni Martin isa-isa ang hitsura nila at pare-parehong bakas sa mga mukha nito ang matinding takot at pag-aalala. "Bakit? Anong nangyari?" tanong niya, napayuko naman si Timoteo. Hindi niya alam kung saan magsisimula. Magsasalita na sana siya ngunit naunahan siya ni Stella.
"Senor Martin, nawawala po si Celestina!" saad ni Stella habang nakahawak ito sa kaniyang dibdib. Gulat na napatingin sa kaniya si Martin, "Ano? Paanong nawawala? Nasaan si Diego? Hindi ba't..." sunod-sunod na tanong niya, ngunit ni isa sa mga taong naroroon ay walang nakasagot. Pare-parehong gulat at natatakot sa mga posibleng mangyari.
"Dumating po kanina si senor Diego, naghihintay lang siya sa labas ng bahay-aliwan ngunit tinawag ko si Celestina dahil inaapoy ng lagnat si madam Costellanos. Nang mapainom na po namin ng gamot si madam Costellanos, dumating si Osana at sinabing may naghihintay kay Celestina sa ibaba. Panatag po akong nagbantay kay madam Costellanos sa pag-aakalang nasundo na ni senor Deigo si Celestina ngunit umakyat si Susana at ibinalita sa aking natagpuan ng mga guardia civil si senor Diego sa sulok ng isang kalye" paliwanag ni Stella ni ikinagulat nina Martin, Timoteo at Linda.
"S-si Deigo? Anong nangyari kay Diego?!" gulat na tanong ni Timoteo na biglang nawalan ng balanse dahil sa matinding pagkabigla. Mabuti na lang dahil nahawakan agad siya ni Linda sa baywang. Agad pinahanda ni Martin ang kalesa at nagmamadali silang sumakay roon patungo sa kinaroronan ni Diego.
"Nasa kwartel ng mga guardia civil na po si senor Diego at iniimbestigahan na ng mga guardia. Wala naman pong masamang nangyari sa kaniya, hinala ng mga guardia ay nawalan lang ng malay si senor Diego sa kalye dahil sa matinding kalasingan" saad ni Susana, sa pagkakataong iyon ay tila nabunutan ng tinik sina Timoteo, Linda at Martin.
"Matinding kalasingan? Hindi naman sila uminom ni Adolfo---" hindi na natapos ni Timoteo ang sasabihin niya dahil nagsalita si Linda "Marahil ay nag-inuman ang dalawa pauwi" saad ni Linda, napaisip naman ng malalim si Martin.
"Hindi iinom si Diego ng ganoon bago niya sunduin si Celestina. At gaya nga ng sinabi mo kanina, dumating na si Diego sa bahay-aliwan at naghihintay na sa labas. Ngunit bakit siya nawala roon? Hindi sapat ang ilang minutong pag-aasikaso ni Celestina kay madam Costellanos para mag-inuman si Diego at Adolfo" wika ni Martin, naliwanagan naman ang lahat ng nakarinig ng sinabi niya.
"Paano nasabi ng mga guardia na lango sa alak si Diego?" tanong pa muli ni Martin, napayuko naman si Susana at pilit na inalala ang narinig at nakitang pagdakip ng mga guardia kay Diego. "Basang-basa po ng alak ang buong damit ni senor Diego at wala siyang malay nang dakpin siya ng mga guardia patungo sa himpilan" tugon ni Susana, napapikit na lang si Timoteo na namumutla na habang pilit na hinahagod ni Linda ang likod ng asawa upang kumalma ito.
Napaisip naman ng mabuti si Martin, nararamdaman niyang may mali at kakaiba sa mga pangyayari. Hindi nila alintana ang mabilis at maalog na takbo ng kalesa habang si Linda naman ay nagdarasal na hawak ang kaniyang maliit na rosaryo.
Ilang sandali pa, narating na nila ang kwartel ng mga guardia civil. Mabilis na lumundag si Martin pababa ng kalesa at tumakbo papasok sa loob upang maabutan si Diego bago ito dalhin sa bilangguan. Kasunod naman niya sina Timoteo, Linda, Stella at Susana na humahabol papasok.
Pagdating sa loob, naabutan ni Martin na nakaupo si Diego sa isang silya sa tapat ng mesa ng punong guardia na namumuno sa opisinang iyon. "Tinong!" nabuhayan ng pag-asa si Diego nang makita si Martin na agad tumakbo papalapit sa kaniya.
"Kuya! Ate Linda!" tawag din ni Diego nang makita ang kapatid at ang asawa nito. Agad siyang niyakap ng mga ito kahit pa basang-basa ang kaniyang damit at umaalingasaw ang amoy ng alak. "Anong nangyari?" wika ni Martin sabay hawak sa braso ng kaibigan.
"Anong nangyari? Bakit nasa kalsada ako?" tanong din ni Diego sa sarili. Nakatingin naman sa kanila ang pinuno ng mga guardia "Magpapadala na kami ng liham kay Don Perico---" hindi nito natapos ang sasabihin dahil biglang lumapit si Diego sa mesa. "Sandali po, aalalahanin ko muna ang lahat. Pakiusap hayaan niyong ako na lang po ang magsabi nito kay ama" pagmamakaawa ni Diego, napasandal naman sa silya ang pinuno ng mga guardia.
"Hindi ito ang tamang oras para magmakaawa ka ng ganiyan Diego. Nawawala si Celestina" saad ni Timoteo, gulat namang napatingin sa kaniya si Diego. "Nawawala si Celestina? Paanong---?"
"Ano ba ang nangyari? Bakit sinasabi nilang naglasing ka? Nasaan si Adolfo?" sunod-sunod na tanong ni Martin habang pilit na inaalala ni Diego ang buong pangyayari. "Ah! Ang aking huling natatandaan. Hinihintay ko si Celestina sa labas nang lumapit sa akin ang kasamahan niya roon. Sinabi sa akin ng babaeng iyon na hinihintay ako ni Celestina sa likod ng bahay ngunit pagdating ko roon, may malakas na pwersang tumama sa aking batok at nang magising ako, narito na ako sa kwartel!" mangiyak-ngiyak na saad ni Diego.
"Paano mo ipapaliwanag ang alak sa iyong buong katawan?" buwelta ng pinuno ng mga guardia. Napatingin naman si Diego sa sarili, basang-basa nga siya ng alak dahilan para mas lalo siyang maguluhan. "Maaaring binuhusan lamang siya ng alak upang palabasin na siya ay lasing. Ngunit pagmasdan niyo, hindi naman siya nakaimon. Maayos ang kalagayan ng kaniyang mukha, walang bahid ng pagkahilo at pagsuray" giit ni Martin, napatikhim naman ang pinuno ng guardia at napahalukipkip.
"May nawawalang binibini sa mga oras na ito. Bakit hindi iyon ang pagtuunan niyo ng pansin?" patuloy ni Martin, agad naman siyang hinawakan ni Linda at Timoteo dahil batid na nila kung saan patungo ang pagtaas ng boses ng binata.
"Marahil ay nagliwaliw lang iyon sa kalsada o may kausap na kaibigan" wika ng pinuno na para bang wala siyang pakialam sa nangyayaring krimen sa kaniyang nasasakupan. "Magliliwaliw ka ba sa kalsada kahit alam mong may taong naghihintay sa iyo sa labas? Magsasayang ka ng ilang oras para makipagusap sa kaibigan nang hindi mo magagawang magpaalam sa taong naghihintay sa iyo?" buwelta ni Martin na ikinagulat ng pinuno dahil mas tumaas ang boses nito.
Biglang tumayo ang pinuno ng mga guardia at ibinagsak nito ang dalawang kamay niya sa mesa. "Sino ka ba sa pag-aakala mo? Ako ang pinuno rito! Kalapastangan 'yang ginagawa mo" sigaw nito na nagpa-alerto sa mga tauhan niya.
"Tinong! Huwag ngayon! Sila lang ang makakatulong sa atin ngayon upang mahanap si Tinang" bulong ni Linda sa pinsan sabay hawak sa balikat nito upang kumalma. Napapikit na lang si Martin sa matinding inis. Naiinis siya, nagagalit at dismayadong-dismayado sa mga pangyayari. Mahalaga ang takbo ng bawat segundo ngunit parang balewala lang iyon sa mga taong hinihingian nila ng tulong.
Ilang sandali pa, dumating ang isang babae sakay ng kalesa mula sa bahay-aliwan. Nakilala agad ito nina Stella at Susana. "Criselda? Anong ginagawa mo rito" gulat na tanong ni Stella, hindi naman maipalawanag ang hitsura ni Criselda na para bang nakakita ng multo sa takot. "Nasa bahay na si Celestina! Kailangan namin ng doktor! May malaki siyang sugat sa tagiliran" wika nito na ikinagulat nilang lahat.
HINDI pa tuluyang nakakahinto ang kalesa ay lumundag na agad si Martin pababa nang malapit na ito sa bahay-aliwan. Dali-dali siyang tumakbo papasok, itinulak niya ng malakas ang pinto at mabilis na inakyat ang hagdan hanggang sa mapatigil siya sa silid ni madam Costellanos kung saan naroroon ang ilang mga babaeng-bayaran na nagkukumpulan sa labas ng silid.
Napatabi sa gilid ang mga babae nang makita si Martin na walang pakundangang sumugod sa loob ng silid. Napatigil siya sa gulat nang makita si Celestina na walang malay habang nakahandusay sa kama habang naliligo ito sa sariling dugo.
Pinipigilan ni madam Costellanos ang pagdanak ng dugo mula sa tagiliran ni Celestina. "P-patungo na ba rito ang doktor?" nag-aalalang tanong ni madam Costellanos sa mga babaeng alaga niya ngunit napatigil siya nang makita si Martin na tulalang naglalakad papalapit kay Celestina. Namumutla ang buong mukha nito at nanginginig ang kamay habang ang kaniyang mga mata ay sumisimbolo sa pakiramdam ng hindi mapaliwanag na takot at kaba.
Nababalot ng dugo, pawis at lupa si Celestina magmula sa kaniyang buhok, pisngi, braso at binti. Maging ang kaniyang damit na mahabang bestidang puti ay nababalot din ng putik. Dahan-dahang napaluhod si Martin sa tapat ni Celestina, kasunod niyon ay tuluyan nang kumawala ang mga luha sa kaniyang mata. Nanginginig man ang kaniyang kamay ay sinikap niyang hawakan ang kamay ng dalaga at pikit matang nanalangin sa Diyos na iligtas si Celestina sa kamatayan.
Magsasalita sana si madam Costellanos ngunit dumating na si Timoteo kasunod ang asawa nito at sina Stella at Susana. Gulat na napatigil si Timoteo at Linda nang makita ang kalagayan ni Celestina, napatakip sa bibig si Linda at napayuko dahil hindi niya kayang makakita ng ganoon karaming dugo.
"Magpakulo kayo ng mga dahon ng bayabas at ilabas niyo lahat ng gamot na mayroon kayo rito" utos ni Timoteo sa mga babaeng naroroon na agad namang sumunod sa kaniya. Agad kinuha ni Timoteo ang malinis na kutsilyo na nakalagay sa gilid ng mesa at ipinadaan niya iyon sa apoy ng kandila saka ginamit iyon pangtanggal sa mga lupang kumapit sa sugat ni Celestina upang maiwasan ang inpeksiyon.
Agad namang tumabi si Linda sa kabilang gilid ng kama at maingat niyang pinunasan si Celestina gamit ang maligamgam na tubig at puting tela upang tanggalin ang mga lupa, putik at namuong dugo sa katawan ni Celestina.
Makalipas ang halos isang oras, natapos na rin ni Timoteo ang pagtahi sa sugat ni Celestina matapos niyang linisin iyon. Nilinis na rin nila Stella at Susana ang sahig, kumot at ilang unan na nabahiran ng dugo. Inutusan din ni madam Costellanos ang kaniyang mga babaeng alaga na magluto ng pagkain para sa mga bisita at ipinasarado niya muna sa gabing iyon ang buong bahay-aliwan.
Tumayo na si Timoteo at naupo sa bakanteng silya saka inunat ang kaniyang mahabang binti. "K-kumusta ang kalagayan niya?" panimula ni Linda habang hawak ang kamay ni Celestina at nakapaloob doon ang rosaryong palagi niyang dala. Samantala, nakaluhod pa rin si Martin sa sahig at mahigpit na hawak ang kabilang kamay ni Celestina habang patuloy pa ring nananalangin.
Napahinga ng malalim si Timoteo, "Malalim ang sugat na tinamo niya. Mabuti na lang dahil tumigil na ang pagdanak ng kaniyang dugo. Ngunit hindi ko masasabi na ligtas na siya sa panganib. Maaaring makaranas siya ng lagnat sa mga susunod na araw. Hindi ko rin masasabi ko kailan siya magigising ngunit kailangan niya magising sa loob ng tatlong araw dahil kung hindi ay magdudulot iyon na mas mapanganib na komplikasyon" paliwanag ni Timoteo, napapikit na lang si Linda at napahinga ng malalim dahil sa sinabi ng asawa.
Dahan-dahang iminulat ni Martin ang kaniyang mga mata saka diretsong tiningnan ang mukha ni Celestina na wala pa ring malay. "Sino ang nagtangkang kumitil sa buhay niya? Anong kasalanan ni Celestina upang danasin niya ang laha ng ito?" seryosong wika ni Martin na ikinabahala muli ni Linda at Timoteo.
Napatigil naman si Criselda sa paglalakad papalabas ng pintuan bitbit ang mga kagamitang ginamit ni Timoteo sa panggagamot. Napalingon siya sa mga bisita "P-patungo po ako sa labas ng bahay kanina upang magsalok ng tubig nang may maghagis ng bato malapit sa akin. Nang lumingon po ako sa likod ay nakita ko po si Celestina na nakahandusay sa lupa at nailigo na sa sariling dugo" paliwanag ni Criselda habang nakayuko. Sariwa pa rin sa kaniyang alaala ang matinding takot nang makita ang kalunos-lunos na kalagayan ni Celestina sa labas kanina.
"Ibig sabihin... May malay pa si Celestina kanina at nagawa niyang maghagis ng bato upang tawagin ka?" gulat na tanong ni Linda, napailing naman si Timoteo "Sa aking obserbasyon, matagal nang nasaksak si Celestina dahil nagsimula nang magkaroon ng mga buong dugo sa paligid ng kaniyang sugat. At ang taong nasaksak ng ganoon kalalim at nawalan ng maraming dugo ay madaling mawawalan ng malay" wika ni Timoteo, napaisip naman ng malalim si Martin. Ramdam niya ang mabilis na pagkabog ng kaniyang dibdib dahil sa magkahalong galit at takot na nararamdaman.
"Maaaring hindi si Celestina ang naghagis sa iyo ng bato. Malakas din ang aking kutob na dinala pa siya sa ibang lugar dahil sa dami ng lupa at putik na bumalot sa kaniyang katawan. May iilang tuyong dahon din akong namataang sumabit sa kaniyang damit senyales na maaaring dinala siya sa kakahuyan" saad ni Martin, ang mga sinabi niya ay nagbigay linaw sa kanilang lahat at nagbukas sa mas maraming posibilidad sa mga taong maaari nilang paghinalaan.
"Kung gayon, maaaring pinagplanuhan ang lahat ng ito! Kailangan natin itong ipagbigay alam sa batas" wika ni Linda, ngunit napailing si Martin. "Magmula sa kaluwagan ng mga guardia ngayong gabi, hanggang sa pagkawala ng malay ni Diego sa daan. Maging ang pagbalik ni Celestina rito sa bahay-aliwan. Naniniwala akong malaking tao ang nasa likod ng lahat ng ito" wika ni Martin, napatango naman ng ilang ulit si Timoteo.
"Sang-ayon ako sa iyo Tinong, malinaw na may tumulong kay Celestina ngunit bakit hindi ito nagpakilala?" saad ni Timoteo sabay hawak sa kaniyang noo. "May dalawang dahilan na posibleng maging sagot. Maaaring kilala ng taong iyon kung sino ang nasa likod ng lahat ng ito ngunit pinili niyang tulungan si Celestina. O hindi kaya, maaaring may sarili siyang dahilan upang itago ang kaniyang pagkakakilanlan" saad ni Martin, sabay tingin muli ng diretso kay Celestina. Namumutla pa rin ang buong mukha nito at kulay lila (violet) na ang labi nito.
"Nasa panganib ang buhay ni Celestina at mayroong nais kumitil ng kaniyang buhay. Ano nang gagawin natin ngayon?" tanong ni Linda sabay hawak ng mahigpit sa kamay ni Celestina. Napahinga naman ng malalim si Martin at muli niyang ipinikit ang kaniyang mga mata. "Bukod sa pagbabantay kay Celestina ay kailangan nating mahanap ngayon kung sino ang taong tumulong sa kaniya dahil siguradong may nalalaman ito sa buong pangyayari at kung sino ang nasa likod ng lahat ng ito" seryosong tugon ni Martin na determinadong panagutin ang lahat ng may kagagawan nito sa dalaga.
KINABUKASAN, makulimlim ang kalangitan kahit pa bukas na bukas ang bintana sa opisina ni hukom Emiliano. Isa-isa niyang tinitingnan ang anim na liham na bagong dating "Ito na ba ang lahat ng liham mula sa El deposito?" tanong ni hukom Emiliano sa kartero na nakatayo sa kaniyang harapan.
"Opo, nagpatupad ngayon ng pagtitipid sa papel ang El Deposito bilang panukala ng bagong gobernador-heneral para mabawasan ang gastusin ng bawat ahensya" paliwanag ng kartero, napangisi naman si hukom Emilaino sabay hithit ng tobacco.
"Matalino kang kartero, mabuti na lang dahil may nalalaman ka sa takbo ng ahensyang iyong pinagsisilbihan. Ano ang iyong ngalan?" nakangiting tanong ni hukom Emiliano sa binatang kartero. "Adolfo po" sagot nito, napatango naman si hukom Emiliano saka inabutan siya ng tobacco. "Heto, isang munting handog dahil nasagot mo ang madalas kong tanong sa mga karterong napaparito" ngiti ng hukom, malugod namang tinanggap ni Adolfo ang tobacco saka nagbigay galang sa hukom bago lumabas sa opisina nito.
Nakahiligan na ni hukom Emiliano na mag-iwan ng tanong sa mga karterong nagpapadala ng liham sa kaniya mula sa iba't ibang ahensya. Hilig niyang alamin ang kapasidad ng kaalaman at talino ng mga taong nasa paligid niya, bagay na nakasanayan na niyang gawin ng halos ilang dekada.
Nang makalabas si Adolfo sa opisina ng punong hukom, napatigil siya nang makasalubong si Martin at Tonyo sa mahabang pasilyo. Papasok pa lang ang ang dalawa sa opisina, "Adolfo, nabalitaan mo na ba? Nasa kwartel ng mga guardia civil si Diego kagabi" bungad ni Tonyo na ikinagulat ni Diego.
"Anong nangyari? Naroon pa rin ba siya hanggang ngayon?" gulat na tanong ni Adolfo, napailing naman si Tonyo. "Nakalabas na siya kaninang madaling araw sa tulong ng kaniyang ama na bumyahe agad nang mabalitaan ang nangyari sa kaniya. Ang sabi ni Timoteo, nagbayad ang kanilang ama ng isang daang riyales bilang multa sa paglabag ni Diego sa batas pagsapit ng El toque de queda (curfew). Wala pa siyang dalang cedula kagab kung kaya't hindi niya mabigyang linaw ang sariling pagkakakilanlan" tugon ni Tonyo, hindi naman nakapagsalita si Adolfo. Hindi niya akalaing nalagay din sa panganib ang buhay ng kaibigan.
"Nabanggit sa akin ni Timoteo na kasama ka raw ni Diego umalis sa kanilang tahanan matapos ang hapunan" natauhan siya nang marinig ang boses ni Martin. Nang tingnan niya ito ay diretso itong nakatingin sa kaniya.
"Oo, ngunit naghiwalay din kami ng daan nang makalabas kami sa Intramuros" saad ni Adolfo, napatango na lang si Martin. Halos wala siyang tulog buong gabi sa pagbabantay kay Celestina at hindi rin siya nakakain ng almusal dahil wala siyang gana. At ngayon halos lahat ng taong nakikita niya ay pilit niyang inoobserbahan sa pag-asang magbibigay ito ng ideya patungo sa trahedyang nangyari kay Celestina kagabi.
Nagbigay galang na si Adolfo at akmang aalis na ngunit napatigil siya nang magsalita muli si Martin. "Siya nga pala, hindi ka na nagtatrabaho sa Hotel de Oriente?" tanong nito, napangiti naman si Adolfo sabay hawak sa batok niya. "Ah! Tuwing gabi na lang ako nagtatrabaho roon. Ito na ang bagong trabaho ko tuwing umaga" ngiti ni Adolfo, napangiti naman ng kaunti si Martin sabay tango. Hindi niya maunawaan kung bakit may kakaibang pagdududa siyang nararamdaman.
TAHIMIK na naghihintay si Martin sa labas ng bilangguan. Pinagmasdan niya ang buong paligid at napansin niyang mas humigpit ang seguridad doon mula nang huli siyang magtungo roon noong isang araw. Ilang sandali pa, dumating na ang isang guardia, pinapasok siya sa loob at dinala sa selda ni Don Lorenzo.
Padating doon, naabutan niyang maayos na nakaupo ang Don sa harap ng rehas na para bang kanina pa siya nito hinihintay. Agad nagbigay galang si Martin sa harap ng Don at naupo sa tapat ng rehas. "Sa makalawa na po gaganapin ang huling paglilitis sa inyong kaso. Inaasahang darating din doon si Don Amadeo" panimula ni Martin habang isa-isang inilalabas sa kaniyang maleta ang mahahalagang papeles.
Napangiti naman ng sarkastiko si Don Lorenzo sa kaniyang sarili "Paglalaanan pa talaga ako ng oras ni Amadeo. Kahit pa hindi siya dumalo, tiyak na alam naman na niya ang magiging hatol sa akin dahil hawak niya sa leeg 'yang si hukom Emiliano" tawa ni Don Lorenzo sa sarili, isinawsaw na ni Martin ang pluma sa itim na tinta at nagsimulang magsulat sa blangkong papel.
"Hayaan nating lumabas ang hatol matapos natin ipahayag ang buong salsaysay ng inyong panig nang sa gayon, ang taong bayan ang tumuligsa sa magiging hatol ng hukuman. Pumayag si hukom Emiliano na gawin sa publiko ang huling pagtitis niyo dahil sinabi ko sa kaniya na kailangang makita ng publiko ang takot ng hatol ng batas. Lingid sa kaniyang kaalaman ay nais kong ipakita sa madla ang baluktot na sistema ng katarungan sa ating hukuman" wika ni Martin, napangiti naman si Don Lorenzo at napatango ng ilang ulit habang nakatitig sa binata.
"Nakakamangha ang iyong tapang, talino at prinsipyo. Ang mga katulad mo ang kailangan ng bansang ito. Hindi pantay ang kapangyarihang tinataglay ng kolonya at ang mga nasasakupan. Idagdag pa ang suliranin ng estado ng buhay ng mga mamamayan. Bilib ako sa hangarin mong maging patas ang hustisya sa ating bayan" ngiti ng Don, kahit papaano ay guminhawa ang pakiramdam ni Martin sa papuring narinig. Iyon ang mga salitang minsan na niyang pinangarap na marinig mula sa sariling ama.
"Nakikita ko sa iyo si Don Facundo noong kabataan pa niya. Nakalulunkot nga lang ang sinapit ng babaeng bayaran na labis niyang minahal" patuloy ng Don dahilan para mapatigil si Martin sa pagsusulat. "Maaari ko po bang malaman kung anong kamatayan ang sinapit ng babaeng unang inibig ni ama?" tanong ni Martin, matagal na niyang gustong malaman ang buong detalye tungkol sa pagkamatay ng ina ni Julian ngunit wala siyang lakas ng loob malaman iyon sa katotohanang may kinalaman ang pamilya ng kaniyang ina sa pagkamatay nito.
"Sa aking pagkakatanda, sinubukang paslangin ang babaeng iyon habang tinutugis sila ng mga tauhan ng pamilya Ocampo. Ngunit nabigo silang paslangin ang babae hanggang sa manganak ito, hindi na malinaw sa akin ang buong detalye ngunit may haka-haka na binilanggo ang babae ng matagal nang hindi ito binibigyan ng pagkain o tubig hanggang sa mamatay. Ang sabi naman ng iba, ginilitin sa leeg ang babae sa harap mismo ni Facundo. Ngunit sa aking palagay, hindi namatay ang babae sa harap ni Don Facundo. Pinahirapan pa ito ng pamilya Ocampo hanggang sa bawian ng buhay" paliwanag ni Don Lorenzo dahilan para mabitiwan ni Martin ang hawak na pluma.
Napatingin naman si Don Lorenzo sa plumang nahulog sa sahig saka inabot iyon kay Martin. "Kung iisipin, mahina at walang nagawa si Don Facundo noong mga panahong iyon para iligtas ang kaniyang minamahal. Batid mo kung bakit?" saad nito sabay tingin ng diretso sa mga mata ni Martin. Nais niyang itanim sa isipan ng binata ang bawat salitang bibitawan niya.
"Dahil noong panahong iyon ay hindi pa siya ang Don Facundo na makapangyarihan, namamayagpag at kinatatakutan ngayon. Isa lang siyang hamak na binata na piskal ng mababang hukuman. Ngunit iba na siya ngayon, nasa tuktok na siya, tinitingala at kinatatakutan din ng lahat" patuloy ni Don Lorenzo sabay hawak sa rehas at mas inilapit niya ang sarili kay Martin upang bumulong.
"Ang pangunahing kailangan mong pagsumikapang kamtin ngayon ay... Kapangyarihan. Kung nais mong protektahan ang mga taong mahal mo sa buhay, kailangan mo ng kapangyarihan" dagdag nito, napatulala si Martin kay Don Lorenzo at sa pagkakataong iyon ay unti-unting tumanim sa kaniyang isipan ang mga sinabi nito.
MAKALIPAS ang tatlong araw, alas-siyete na ng gabi ngunit buhay na buhay ang buong paligid. Nagkalat ang mga makukulay na lampara sa bawat sulok at sa bawat kabahayan. Napapalamutian din ng mga bulaklak ang bawat bahay alinsunod sa pagdiriwang ng Flores de Mayo.
Halos abala ang lahat sa gaganaping prusisyon, ilang oras ng nag-aabang ang mga mamamayan sa gilid ng kalsada kung saan daraan ang mga binibining kasama sa Santacruzan. Hawak nila ang kani-kanilang mga kandila na kanina pa nakasindi. Habang nakapalibot naman sa buong paligid ang mga guardia civil na mahigpit na nagbabantay sa seguridad ng prusisyon.
Kasama sa Santacruzan ang lahat ng estudyante ni madam Villareal. Magulo at halos nagmamadali na ang lahat sa loob ng kaniyang eskwelahan dahil ilang minuto na lang ay magsisimula na ang prusisyon na mag-uumipsa sa simbahan ng Santo Domingo sa loob ng Intramuros patungo sa simbahan ng Quiapo.
Hindi magkamayaw ang mga binibini kasama ang kani-kanilang mga tagapagsilbi. Naggagandahang mga makukulay na baro't saya na napapalamutian ng iba't ibang uri ng bulaklak ang suot ng mga estudyante. Habang ang kanilang mga ina at ama naman ay naghihintay na sa simbahan para sa gaganaping prusisyon.
Nakahanda na rin ang mga Santo at ang mga imahe ng Birheng Maria na pangunahing inaabangan sa pursisyon. Ang Santazruzan ay may mahalagang kwento patungkol sa paghahanap ni Reyna Elena sa krus, tatlong daan ang nakararaan matapos mamatay si Kristo krus. Si Reyna Elena ang ina ni Konstantino (Constantine the Great) na siyang nagpalaganap ng Katolisismo sa Roma, ito ay ang kilalang pagsilang ng relihiyong Katoliko.
Busangot ang mukha ni Marisol at ng mga kaibigan nito dahil hindi siya ang naging Reyna Elena. Gustuhin man nilang paringgan si Loisa ngunit naroon si Leonora sa tabi nito. Kasalukuyan na silang nakasakay sa kani-kanilang kalesa patungo sa simbahan ng Santo Domingo. Bihis na bihis din ang mga tao bilang paghahanda at pakikibahagi sa prusisyon.
Ang ilang mga kababaihang hindi kasali ay kagat-labi na lang na nagmamasid sa naggagandahang mga dilag na pinalad na mapabilang sa Santacruzan na karamihan ay nabibilang din naman sa mayayamang pamilya. Habang ang mga kalalakihan naman ay hindi na magkamayaw sa pag-abang sa mga dalagang daraan sa gitna ng kalsada mayamaya.
Nakahanda na rin ang orchestra o bandang tutugtog sa prusisyon. Kulay puti at pula ang suot na uniporme ng mga musikero bitbit ang kani-kanilang mga naglalakihang instrumento. Ilang sandali pa, napatabi na ang lahat sa gilid nang sunod-sunod na dumating ang mga kalesang sinasakayan ng mga mag-aaral ni madam Villareal. Naunang bumaba ang senora na agad sinalubong ng mga tagapangasiwa sa prusisyon.
Kulay asul na baro't saya ang suot ni Selia na nabuburdahan ng bulaklak ng sampaguita. Habang si Marisol naman ay kulay asul ang kaniyang baro't saya na nabuburdahan ng bulaklak na mirasol (sunflower). Samantala, si Loisa ang namamayagpag sa kanilang lahat suot ang pulang baro't saya na nabuburdahan ng kumikinang na rosas.
May suot pa siyang pilak na korona sa ulo na kumikinang sa dami ng diyamante nito. Agad sinalubong ng mga tagapangasiwa ang mga babaeng kasama sa prusisyon at dinala sila sa gilid ng simbahan kung saan nakaabang ang kani-kanilang mga kumpol ng bulaklak na magiging representasyon nila. Napangiti si Loisa nang makita si Javier na siyang gaganap bilang batang Constantine.
Nasa pinakadulo sila dahil sila ang pangunahing tauhan na aabangan sa Santacruzan. Walang masyadong tao sa pinakadulo at halos abala ang lahat ng mga babae na ansa unahan, kani-kaniyang ayos ng kolerete sa mukha at buhok ang kanilang pinagkakaabalahan.
Mabuti na lang dahil maliwanag ang buong paligid sa dami ng makukulay na lampara at sulo ng apoy. Idagdag pa ang maliwanag na buwan na kalahati pa lamang. "Kumusta Javier? Nasaan si Joaquin?" ngiti ni Loisa sa bata at hinawakan niya ang pisngi nito. Napangiti naman si Javier sa kaniya pabalik "Mabuti naman po, ate Loisa. Kasama po ni ama si Joaquin sapagkat nahihiya siya sa dami ng tao rito" tugon ni Javier, magsasalita pa sana si Loisa ngunit napatigil siya nang biglang may babaeng tumigil sa tapat niya.
Nanlaki ang mga mata ni Loisa sa gulat nang makita kung sino ang babaeng iyon. Nakatingin ito ng matalim sa kaniya na para bang ibabaon nito sa hukay ang kaniyang kaluluwa. "P-paanong..." hindi na natapos ni Loisa ang sasabihin niya dahil dahan-dahang humakbang ang babae papalapit sa kaniya dahilan upang mapahakbang siya paatras.
"A-anong ginagawa mo rito?" hindi makapaniwalang sigaw ni Loisa na animo'y nakakita ng multo. Halos tatlong araw na rin ang lumipas at ang huling balita sa kaniya ng mga tauhan ng kaniyang ama ay nailigpit nila ng tuluyan si Celestina kung kaya't gayon na lamang ang pagkabigla niya ng biglang sumulpot ang dalaga sa kaniyang harapan.
Hindi maunawaan ni Javier kung anong nangyayari ngunit napansin niyang takot na takot si Loisa sa babae kung kaya't dali-dali siyang tumakbo papunta sa ama na nasa loob ng simbahan. Gustuhin mang sumigaw ni Loisa ngunit ayaw niyang makalikha ng eksena lalo pa't magdudulot iyon ng matinding kahihiyan sa kaniyang repustasyon.
Nagulat siya nang biglang mapatingin si Celestina sa leeg niya kung saan suot niya ang orihinal na kuwintas na pagmamay-ari nito. Bukod doon mas natatakot siya sa hitsura ni Celestina na naka-puting bestida, nakalugay ang buhok at wala itong suot na panyapak.
Agad hinawakan ni Loisa ang suot na kuwintas nang tangakain ni Celestinang hablutin iyon sa kaniya. Mahigpit niyang nilabanan ang dalaga ngunit mas malakas ito sa kaniya. Hindi man makapagsalita si Celestina ngunit sa pamamagitan ng matalim na tingin nito at ang kagustuhang mabawi sa kaniya ang kuwintas ay malinaw kay Loisa na handang ibuwis ni Celestina ang buhay nito para lang sa kuwintas na iyon.
Sandali silang nag-agawan sa kuwintas hanggang sa pumiglas iyon sa leeg ni Loisa at mabitiwan nito dahilan upang tumalipon ang kuwintas sa lupa na halos limang hakbang ang layo sa kanilang dalawa. Akmang mag-uunahan na silang dalawa sa pagtakbo papunta sa kuwintas upang pulutin iyon nang mapatigil sila dahil biglang bumukas ang pinto sa gilid ng simbahan kung saan nasa bungad niyon ang kuwintas na nakahandusay sa lupa.
Agad napatigil ang lahat ng tao at napalingon sa likuran nang marinig ang pagsigaw ng isang guardia civil. "Magbigay galang kayo, narito na ang visitador heneral Federico Dela Rosa" sigaw ng guardia, kasabay niyon ang paglabas ng dating gobernador-heneral sa pintuan.
Sandali niyang pinagmasdan sina Loisa at Celestina na nakatayo sa harapan at gulat na nakatingin sa kaniya. Magsisimula na sana siyang humakbang ngunit napatigil siya at dahan-dahang napatingin sa lupa kung saan sumulyap sandali si Celestina sa takot na matapakan nito ang kuwintas.
************************
#ThyLove
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top