Ika- Dalawampu't Apat na Kabanata
[Kabanata 24]
TULALANG nakaupo si Celestina sa pinaka-sulok ng maliit na selda kung saan siya ikinulong. Gawa sa magaspang na bato ang bawat sulok at may maliit na butas sa itaas kung saan tumatagos ang kakarampot na liwanag mula sa labas.
Nakabibingi ang katahimikan sa buong paligid at ang may iilang liwanag na tumatagos mula sa maliliit na butas ng matibay na pader. Nanatili lang si Celestina na nakaupo sa sulok na iyon habang yakap ang kaniyang tuhod dahil sa lamig ng paligid.
Ramdam niya ang panghihina ng kaniyang buong katawan at kawalan ng pag-asa. Hindi pa tuluyang humihilom ang sugat niya sa tagiliran at ngayon ay hindi na niya alam kung makakalabas pa ba siya ng buhay sa bilangguan. Nakalugay ang kaniyang mahaba at kulot na buhok at nababahiran na rin ng alikabok at lupa ang kaniyang puting bestida. Ang kaniyang mukha ay maputla, maging ang kaniyang labi ay namamalat na.
Ilang sandali pa, narinig niya ang mga yapak ng paa na palakas ng palakas senyales na papalapit na ito sa kaniya. Hindi siya kumibo nang maramdamang may tumigil na dalawang guardia civil sa tapat ng kaniyang selda.
"Iwan niyo muna kami" natauhan si Celestina nang marinig ang pamilyar na boses ng babaeng nagsalita. Dahan-dahan siyang napatingala at hindi nga siya nagkamali dahil ang babaeng nasa tapat ng selda niya ngayon ay si Loisa.
Tumango naman ang dalawang guardia saka naglakad patungo sa dulo. Nang matanaw ni Loisa na nakalayo na ang dalawang guardia ay muli niyang hinarap si Celestina. "Sa likod ng maamo mong mukha, natatago ang matalim na tingin mong iyan" sarkastikong wika ni Loisa sabay taas ng kilay. Itinaas niya pa ng kaunti ang kaniyang mahabang palda na sumasayad sa maruming sahig ng bilangguan upang hindi ito marumihan.
Nakasuot siya ng kulay asul na baro't saya na nabuburdahan ng mga bulaklak. Kompleto rin ang suot niyang mga alahas na gawa sa pilak na kumikinang. Maayos ding nakapusod ang kaniyang buhok at agaw-pansin ang mamahaling panieta na nakasuksok sa kaniyang buhok na napapalamutian ng makukulay na dyamante.
Kinuha ni Loisa ang isang papel sa kaniyang bulsa at isang pluma saka inilapag iyon sa tapat ni Celestina. "Ako'y hindi na magpapaligoy-ligoy pa, sabihin mo sa akin kung nasaan ang talaarawang kasama ng iyong kuwintas. Huwag ka mag-alala, palalayain kita rito" seryosong saad ni Loisa habang nakatingin ng diretso kay Celestina.
Dahan-dahan namang napatingin si Celestina sa blangkong papel at pluma na nasa harap niya. Hindi niya maunawaan kung bakit interesado si Loisa sa kaniyang talaarawan. Mayroon silang kuwintas na pareho ang disenyo ngunit maging ang kaniyang sariling talaaarawan ay nais nitong kunin.
Nagulat si Loisa nang biglang duraan ni Celestina ang papel at pluma na nasa sahig, natalsikan din ng laway ang kaniyang mamahaling bakya. Nabahiran din ng laway ang kaniyang palda dahilan para manggalaiti siya sa galit. Nais niyang sigawan at sampalin sa mukha si Celestina ngunit hindi niya ibig na marinig iyon ng mga guardia na nakatayo sa dulo. Hindi niya ibig na isipin ng ibang tao na hindi siya kaibig-ibig na binibini.
Ipinikit na lang ni Loisa ang kaniyang mata upang pakalmahin ang sarili, napahawak din siya sa tapat ng kaniyang dibdib at nang mahimasmasan siya ay muli niyang tiningnan ng seryoso si Celestina "Magbabago rin ang iyong isip, ang talaarawang iyon ang tanging magliligtas kay Martin" saad ni Loisa, gulat namang napatingin sa kaniya si Celestina.
"Hindi pa nga pala sa iyo nakakarating ang balita, sabagay sa mga oras na ito ay kasalukuyan pang tumatakbo ang paglilitis sa hukuman. Ngunit ilang oras na lang ay babagsak din si Martin sa bilangguang ito" ngisi ni Loisa na nagdulot ng matinding kilabot kay Celestina.
Tumalikod na si Loisa at dali-daling gumapang si Celestina papunta sa bakal na rehas. Napatigil si Loisa sa paglalakad at napangiti sa sarili dahil mukhang kakagat si Celestina sa patibong na inihanda niya. "Bakit? Iyo na bang sasabihin sa akin kung saan mo itinago ang iyong talaarawan?" nakangising tanong ni Loisa. Agad kinuha ni Celestina ang papel na nabasa ng kaniyang laway saka nagsulat doon ngunit isang letra pa lang ang nasusulat niya ay napatigil siya saka napatingin muli ng matalim kay Loisa.
Batid ni Celestina ang mga paraan at galaw ng mag-amang Espinoza. Ang pagpapa-ikot nito sa ulo ni madam Villareal, ang panggigipit kay madam Costellanos at ang pag-kontrol sa mga desisyon ni Hukom Emiliano ay kagagawan ni Don Amadeo.
Nagulat si Loisa nang lukutin ni Celestina ang papel sa kaniyang kamay saka ibinato iyon sa kaniya. Umiwas na lang ng tingin ang dalawang guardia nang matanaw nila na binato ni Celestina si Loisa. "Nakasalalay sa iyong talaarawan ang buhay ni Martin ngayon" babala ni Loisa sabay tingin ng matalim kay Celestina. "Kung hindi mo sasabihin sa akin, hindi kita pipilitin. Ngunit hindi mo sana pagsisihan ang pagkawala ng ilang buhay nang dahil pinili mong hindi sabihin sa akin" patuloy nito sabay talikod at nagmamadali itong lumabas doon habang pinapatay na niya sa kaniyang isipan si Celestina.
"ANG pag-aakusa ng kasinunggalingan at paninirang puri sa isang tao ay may katumbas na kaparusahan. Hindi mo ba naisip iyon? Don Amadeo"buwelta ni Martin na ikinagulat ng lahat sa hukuman dahil direkta na nitong binanggit ang pangalan ng pinaka-kinatatakutang opisyal.
Muntikan pang mabitawan ni hukom Emiliano ang hawak na pluma dahil sa gulat. Wala pang nangahas na direktang ipahiya ng ganoon si Don Amadeo sa madla. Magsasalita pa sana si Martin ngunit biglang bumukas ang malaking pinto ng hukuman. Napalingon ang lahat sa pintuan at tumambad sa kanilang harapan ang ang bugbog sarado na si Senor Lauricio. Nakatali pa ang kamay nito habang hawak ng dalawang guardia civil.
"Nagkakamali ka, Ginoong Martin Buenavista" wika ng lalaking nakatayo sa tabi ni Senor Lauricio, nanlaki ang mga mata ni Martin sa gulat nang makilala kung sino ang lalaking iyon na nagsalita. Hinawakan pa nito si Senor Lauricio at pinaluhod sa sahig. Tumabi sa gilid ang dalawang guardia at dinukot ng lalaking nakasuot ng itim na sumbrero at gabardino ang isang manipis na kuwaderno na kulay pula.
"Ang listahang ito ay naglalaman ng lahat ng pangalan na nakakaalam tungkol sa mga lihim na armas na nakatago sa loob ng minahan na inaangkin ni Don Lorenzo. Nakuha ko ang listahang ito kay Senor Lauricio na siyang anak sa labas ni Don Lorenzo Damian" patuloy ng lalaki, sabay buklat ng pulang kuwaderno at diretsong tumingin kay hukom Emiliano.
"Kataas-taasang hukuman, hinihiling ko na inyong ipadakip ang lahat ng pangalang nakatala sa listahang ito na isang matibay na ebidensiya ukol sa pagbuo ng lihim na samahan bilang pag-aalsa laban sa pamahalaan!" sigaw ng lalaki, mas lalong lumakas ang bulungan ng mga tao sa loob ng hukuman. Marinig pa lang nila ang salitang pag-aalsa, rebelyon at pagtataksil sa pamahalaan ay nagdudulot nasa kanila ng matinding kilabot.
Kasunod niyon, nagulat si Martin nang bigla siyang ituro ng lalaki "Arestuhin niyo rin si Martin Buenavista na isa sa mga nakatala sa listahang ito" seryosong saad ng lalaki na ikinagulat ni Martin at ng panig ni Don Lorenzo. Maging si hukom Emiliano ay hindi makapaniwala sa sinabi ng lalaking iyon na kilala nilang matalik na kaibigan ni Martin.
Halos hindi namanhid ang buong katawan ni Martin, mula pagkabata ay pinagkatiwalaan niya ang lalaking iyon. Sa dami ng magaganda nilang alaala at sa kabila ng tiwala na ibinigay niya para sa kaibigang buong puso niyang pinagkatiwalaan. Hindi siya makapaniwala na magagawa siyang paratangan ni Tonyo sa harap ng hukuman.
Agad ipinag-utos ni Hukom Emiliano na dalhin sa kaniya ang pulang kuwadernong iyon. Halos walang kurap na nakatingin si Martin kay Tonyo na nakatayo sa kabilang panig habang nakalauhod sa gitna si Senor Lauricio na kaniyang inutungan noon para mapalaya si Celestina sa pagiging babaeng-bayaran o alipin.
"Kataas-taasang hukom! Ang listahan pong iyan ay ordinaryong listahan lamang ng lahat ng may utang sa akin. Wala po kaming kinalaman sa pag-aalsa na ipinaparatang sa amin!" pagsusumamo ni Senor Lauricio, bugbog sarado ang buong mukha at katawan nito. Gutay-gutay na rin ang kaniyang damit, senyales na binugbog muna siya bago kinaladkad papunta sa hukuman. Muling nilingon ni Martin si Tonyo, hindi niya mapigilang mapasigaw sa galit nang maalala na si Tonyo ang nagbigay ng ideya sa kaniya na mangutang kay Senor Lauricio para makaipon ng salapi pang-tubos kay Celestina. Hindi niya akalain na sa simula pa lang ay nililinlang na siya ni Tonyo na pinagkatiwalaan niya ng buong-buo.
"Malinaw na nakasaad sa listahang iyan ang lahat ng pangalan na binigyan ni Senor Lauricio ng salapi. Si Senor Lauricio ang tumatayong tagapangasiwa ng pondo ng kanilang samahan. Hindi na tayo dapat lumayo pa sapagkat malinaw ang ugnayan ni Senor Lauricio at Don Lorenzo bilang mag-ama!" sigaw ni Tonyo sabay lingon kay Don Lorenzo na gulat na gulat at hindi rin makapaniwala sa mga pangyayari.
"Ang lahat ng iyong sinabi ay isang malaking kasinunggalingan! Tonyo, huwag kang magpakabulag! Buksan mo ang iyong mata, alam mo ang totoo at kilala mo kung sino ang kalaban dito!" sigaw ni Martin, namumula na ang buong mukha nito sa galit.
"Malinaw na ginagamit mo rin ang pagkakataong ito upang ilabas ang iyong pansariling layunin! Ang hukuman ay ginagamit para bigyang linaw ang lahat ng kaso, hindi ito ang lugar upang ituring ang kabilang panig bilang kalaban!" buwelta ni Tonyo na mas lalong nagpaingay sa buong hukuman.
Nagsimulang tumayo ang ilan at nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng mga taong naniniwala na inosente si Don Lorenzo habang ang kabila naman ay ang mga taong sumasamba kay Don Amadeo. "Ano ang iyong matibay na batayan upang sabihing ang listahang iyan ay nauugnay sa pag-aalsa?!" banat ni Martin sabay turo kay Tonyo, hindi na niya mapigilan ang umaapoy na galit na namumuo sa kaniyang dibdib.
"Bawat opisyal, pinuno at ilang mga negosyante na sumusuporta sa minahan ay naririyan. Bukod doon hindi lang sa lalawigan ni Don Lorenzo nagkukubli ang mga tulisan, maging dito sa Maynila ay mayroong mga lihim na kilusang nagaganap na binigyan din ni Senor Lauricio ng salapi upang maisakatuparan ang plano" sigaw ni Tonyo na animo'y hindi rin magpapatalo sa tapang ni Martin.
Madalas silang maglaban ni Martin sa mga debate at korte na bahagi ng kanilang tungkulin bilang mga abogado ngunit ito ang unang beses na may halong personal na layunin ang bawat isa sa kanila. Bukod doon kailanman ay hindi nananalo si Tonyo kay Martin kung kaya't wala siyang balak na palagpasin ang pagkakataong ito na ipamukha sa kay Martin Buenavista na magagawa niya itong pantayan at ungusan.
"Walang katotohanan ang lahat ng iyong sinasabi! Maglabas ka ng katibayan! Ilabas mo ang ebidensiya na susuporta sa listahang iyan!" sigaw pa ni Martin na akmang susugod na kay Tonyo, mabuti na lang dahil napigilan siya agad ng dalawang guardia civil na nakatayo sa gilid.
"Magsitigil kayo!" sigaw ni Hukom Emiliano dahilan upang mapatahimik ang lahat. Napahawak na lang siya sa kaniyang ulo habang isa-isang binubuklat ang bawat pahina ng listahan. Napatigil siya nang mabasa ang pangalan ni Martin sa listahang iyon.
Dahan-dahan siyang tumingin sa binata, ang kaniyang paboritong abogado ay nasasangkot ngayon sa rebelyon. "Martin Buenavista, nakasaad dito na ikaw ay tumanggap ng dalawang daang riyales noong Ika-pito ng Abril sa taong ito" saad ni Hukom Emiliano sabay buntong-hininga at isinarado na niya ang pulang kuwaderno. "Paano mo ipapaliwanag ito?" patuloy ng punong hukom.
"Kataas-taasang hukom, ang salaping iyan ay inutang ko lamang kay Senor Lauricio. Walang kaugnayan iyan sa rebelyon na pinaparatang ng panig ni Don Amadeo!" paliwanag ni Martin, ang kaniyang mga mata ay nagungusap na sana pakinggan siya ng punong hukom na batid niyang nagigiliw sa kaniya.
Napahawak na lang muli si Hukom Emiliano sa kaniyang ulo at pa-simpleng napatingin kay Don Amadeo na napataas pa ng kilay ng magtama ang kanilang mga mata. Batid ni Hukom Emiliano na walang rebelyon na nagaganap sa panig ni Don Lorenzo ngunit ipinag-utos na sa kaniya ni Don Amadeo na sa pagtatapos ng paglilitis ay mahahatulan ng kamatayan si Don Lorenzo.
Malaki ang utang na loob ni Hukom Emiliano kay Don Amadeo dahil ito ang tumulong sa kaniya noong nalagay sa alanganin ang kaniyang buong pamilya. Si Don Amadeo rin ang gumawa ng paraan upang maluklok siya bilang punong hukom ng kataas-taasang hukuman.
Muling napatingin si hukom Emiliano kay Martin, hinahangaan niya ang galing, prinsipyo at paninidigan ng binata. Si Martin ang pinakamagaling na abogado na nasubaybayan niya at naniniwala siya na malayo pa ang mararating nito ngunit sa oras na hatulan niya ng kamatayan si Don lorenzo sa salang rebelyon laban sa imperyo at pamahalaan, siguradong madadamay din ang lahat ng nasa listahan at isa na nga roon si Martin Buenavista na anak ni Don Facundo na kaniya ring kaibigan at ginagalang.
Nanginginig na ang kamay ni Hukom Emiliano, kailangan na niya maglabas ng hatol. Nagsimulang magsigawan ang mga tao, pakiramdam niya ay ipinapamukha ng lahat ng taong naroroon na wala siyang silbi bilang punong hukom. Na wala siyang prinsipyo, moral at paninidigan.
Akmang sisigaw na sana si hukom Emiliano upang patahimikin ang mga tao nang biglang bumukas muli ang pinto at tumambad sa harapan nila ang isang guardia civil na pawis na pawis at nababahiran ng itim na uling sa mukha at uniporme.
Napalingon ang lahat sa guardia na hapong-hapo at basang-basa ng pawis. "Punong Hukom! Ang inyong tahanan ay nasusunog!" sigaw nito na ikinagulat ng lahat. Napatayo sa gulat si Hukom Emiliano "A-ano? S-saan nagsimula ang apoy? P-paanong---" hindi na niya natapos ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita na ang guardia.
"Nagsimula po ang apoy sa bahay-aliwan ni madam Costellanos! Tinutupok na po ngayon ng malaking apoy ang kahabaan ng pamilihan at ang inyong tahanan!" tugon ng guardia, napabagsak na lang si hukom Emiliano sa kaniyang upuan dahil sa matinding gulat. Samantala, napatulala si Martin nang marinig na nasusunog ang bahay-aliwan ni madam Costellanos.
NAGSISIGAWAN ang mga tao habang tulong-tulong sa pagsalok ng tubig upang kahit papaano ay maapula ang malaking apoy na tumutupok sa kanilang mga tahanan at ari-arian. Nababalot ng makapal na itim na usok ang buong paligid, nag-iiyakan ang mga bata at babae habang ang mga lalaki naman ay tulong-tulong sa paghahakot ng tubig.
May ilang mga nawalan ng malay dahil sa kapal ng usok, ang ilang mga manok, baboy, baka at kabayo naman ay nakatakas na sa kani-kanilang mga kulungan at nagsisitakbuhan papalayo sa malaking apoy na patuloy na lumalalamon sa mga kabahayan at tindahan.
Samantala, mula sa di-kalayuan nakasakay si Loisa sa isang kalesa habang nakasuot ng itim na talukbong. Halos walang kurap siyang nakatingin sa nagliliyab na apoy na nagdudulot ngayon ng matinding takot at pighati sa mga taong nawalan na ng bahay at kabuhayan.
Naglalaro sa kaniyang mata ang lumiliyab na apoy habang tumatakbo sa kaniyang isipan ang naging pag-uusap nila ng ama noong isang gabi...
"Bakit hindi mo pa ipakita kay visitador-heneral Federico ang kuwintas upang hindi ka maunahan ni Celestina?" tanong ni Don Amadeo habang magkasalo sila ni Loisa sa hapag-kainan. Wala si Leonora noong gabing iyon dahil isinama ito ng tiyahin sa kabilang bayan.
Maingat na inilapag ni Loisa sa mesa ang tasa ng mainit na tsokolate na kaniyang iniinom. "Hindi ba't nabanggit niyo po noon ama na may kasamang talaarawan ang kuwintas na de susi na ito? Paano kung hanapin sa akin ang talaarawan? Nasa akin nga ang orihinal na kuwintas ngunit wala naman sa akin ang isa pang katibayan" nakangiting sagot ni Loisa, napangiti na lang din ang ama dahil sa taglay na talino ng anak.
"Kung gayon, nakasisiguro ka bang ibibigay sa iyo ni Celestina ang kaniyang talaarawan? Marahil ay sinulatan na niya iyon, sa mga sulat na nakatala sa loob ng talaarawang iyon ay magpapatunay na siya nga ang tunay na may ari ng kuwintas" saad ni Don Amadeo, napasandal naman si Loisa sa kaniyang silya, hindi niya naisip ang bagay na iyon. Na posibleng sinulatan na ni Celestina ang talaarawan at sa oras na malaman nito na hinahanap ni visitador-heneral ang may ari ng kuwintas. Kahit hindi hawak ni Celestina ang kuwintas, matibay na ebidensiya pa rin ang hawak niyang talaarawan na naglalaman ng mga bagay tungkol sa kaniyang pagkakakilanlan.
"Huwag ka masyadong magmadali Loisa. Iyong tandaan na si Martin Buenavista ang iyong makakalaban nang dahil kay Celestina. Hanga rin ako sa talino at tapang na taglay ng binatang iyon. Hanapin mo ang kaniyang kahinaan at doon mo siya salakayin. Hanggang ngayon ba hindi mo batid kung sino ang kahinaan ng binatang iyon na iyong kinahihibangan?" patuloy ni Don Amadeo, napatingin naman ng diretso sa kaniya si Loisa.
"Si Celestina ang kahinaan ni Martin. Gamitin mo si Celestina upang makuha mo si Martin. Gayon din naman ang gawin mo laban kay Celestina, tiyak na gagawin niya rin ang lahat para kay Martin kung kaya't gamitin mo ang kahinaan nila upang makuha mo ang iyong gusto" saad ni Don Amadeo, sabay inom ng kape. Hindi naman maunawaan ni Loisa kung bakit parang nasaksak ng punyal ang puso niya dahil sa sinabi ng ama.
"Ang dalawang iyon... pareho nananaig ang kanilang damdamin laban sa kanilang isip. Kung totoo ngang may namamagitan sa kanilang dalawa, ito na ang tamang panahon upang tapusin mo na kung anong mayroon sila. Hindi ba't iyon naman ang gusto mo, Loisa? Ang mapasakamay mo si Martin at mapagabsak mo naman si Celestina na siyang humahadlang sa iyong mga hangarin" dagdag pa ni Don Amadeo, sa bawat salitang binibitawan nito ay nagpapalinaw sa naguguluhang isip ni Loisa.
"Maaari mo silang pabagsakin ng sabay sa pamamagitan ng isang malinis at malinaw na plano. Ngunit sa ngayon, mahalagang mahanap mo muna kung nasaan ang talaarawan ni Celestina dahil tiyak na kumikilos na ang mga tauhan ng mag-amang Dela Rosa" paalala ni Don Amadeo, napahinga naman ng malalim si Loisa saka muling ininom ang mainit na tsokolate.
"Kung hindi ipapaalam sa akin ni Celestina kung nasaan ang kaniyang talaarawan. Aking ipapalamon sa apoy ang bahay-aliwan ni madam Costellanos" seryosong saad ni Loisa habang pinagmamasdan ang repleksyon ng kaniyang matalim na mata sa tasa ng mainit na tsokolate na hawak niya.
"Binibini, sa mga oras na ito, tiyak na natupok na ng buong-buo ang bahay-aliwan" saad ng isang lalaking naka-damit pang-kutsero na isa sa mga tauhan ni Don Amadeo. "Umalis na tayo rito" saad ni Loisa sabay hawak ng mabuti sa talukbong na kaniyang suot.
Nagsimulang umandar ang kalesa, lumiko ito sa isang makipot na kalye kung saan naghahakot na rin ng mga gamit ang mga taong naninirahan doon kahit pa malayo pa ang apoy sa kanilang mga bahay. "Tumabi kayo!" sigaw ng kutsero ngunit hindi na siya pinapakinggan ng mga taong nagtatakbuhan sa iba't ibang direksyon bitbit ang kani-kanilang mga kagamitan.
Samantala, sa kabilang kalye naman, bitbit ni Adolfo ang malaking aparador na pagmamay-ari ng kaniyang kaibigan. Napatigil siya nang makasalubong si Diego na nagmamadaling makalapit sa bahay-aliwan. "Diego!" tawag ni Adolfo sa kaibigan, napatigil ito at napalingon sa kaniya.
"Adolfo! Dinakip ng mga guardia si Martin sa hukuman, dinala siya ngayon sa bilangguan. Pinakiusapan niya akong magtungo rito upang alamin ang sitwasyon ng bahay-aliwan, mabuti na lang nasa bilangguan din si Celestina kung kaya't wala siya ngayon dito sa sunog ngunit nais malaman ni Martin kung nasa mabuti bang kalagayan ang mga kasamahan ni Celestina" saad ni Diego na basang-basa na rin sa pawis. Kahit malayo pa sila sa sunog ay ramdam na nila ang init ng paligid.
"Dito tayo dumaan" saad ni Adolfo at ipinaubaya na niya sa kaibigan ang pagbubuhat ng aparador nito dahil may kailangan silang puntahan ni Diego. Ibinaba na niya ang aparador sabay takbo papunta sa isang masikip na eskinita, agad naman siyang sinundan ni Diego.
Mabilis na nakakaiwas si Adolfo sa mga nakakasalubong na tao na nagtatakbuhan din. Samantala, ilang beses namang nababangga si Diego ng mga taong nakakasalubong. Paulit-ulit din niyang tinatawag si Adolfo dahil napag-iiwanan na siya nito.
Pilit na humabol si Diego hanggang sa marating nila ang tapat ng bahay-aliwan ni madam Costellanos na unti-unti nang bumabagsak dahil tuluyan na itong nilamon ng apoy. Naunang makarating doon si Adolfo at naabutan niyang nag-iiyakan ang mga babaeng bayaran sa harap. Wala silang mga nasalbang gamit, tanging ang mga damit na kanilang suot at ang sarili lang nila ang kanilang naisalba.
Nang makarating si Diego ay agad niyang hinawakan ang balikat ni Adolfo habang pilit niyang hinahabol ang kaniyang paghinga dahil sa layo ng tinakbo nila. "Paano mo nagawa iyon? Paano mo naiwasan ng ganoon kabilis ang lahat ng tao kanina?" nagtatakang tanong ni Diego sabay hawak sa kaniyang dibdib at tiyan.
Napatingin naman sa kaniya si Adolfo, nang dahil sa pagmamadali kanina ay nakalimutan niyang itago ang kaniyang kakayahan. "Hindi ka lang talaga sanay sa takbuhan" banat niya kay Diego na napatango na lang sabay upo sa lupa dahil sa matinding pagod ngunit napatigil siya nang makita si madam Costellanos na nakahandusay sa lupa habang yakap-yakap ni Stella.
Agad tumakbo si Diego papalapit kay madam Costellanos na wala ng malay "A-anong nangyari?" tanong ni Diego kay Stella na hindi na maawat sa pag-iyak. "M-muntikan nang hindi makalabas si madam Costellanos sa loob kanina, mabuti na lang dahil natagpuan ko agad siya sa palikuran. N-nakalanghap siya ng maraming usok" paghihinagpis ni Stella, agad namang hinawakan ni Diego ang pulso ni madam Costellanos.
"Kailangan na niyang madala sa pagamutan. Dalhin natin siya sa aking kuya" saad ni Diego at magkatulong nilang binuhat ni Adolfo si madam Costellanos pasakay sa isang kalesa. Ngunit bago pa man makasampa si Adolfo sa kalesa ay natanaw niya sa malayo ang kalesang hindi makadaan dahil sa dami ng taong nagtatakbuhan. Pinagmasdan niya ng mabuti ang pamilyar na misteryosong taong nakasuot ng itim na talukbong na lulan ng kalesang iyon.
"Hindi tayo makakadaan agad sa mga kalye sakay ng kalesa, nagkakagulo na ang mga tao sa daan" inis na saad ni Diego sabay baba ng kalesa. "Tatawagin ko na lang si kuya papunta rito" saad ni Diego sabay takbo patungo sa bahay ni Timoteo.
Samantala, hindi naman maalis ni Adolfo ang kaniyang paningin sa taong nakasuot ng itim na talukbong na iyon na siyang nagtangka sa buhay ni Celestina. "Sandali, may kailangan lang akong puntahan" paalam ni Adolfo kay Stella, napatango naman ito at sinabing babantayan niya ng mabuti si madam Costellanos.
Agad tumakbo si Adolfo papunta sa kalesang iyon upang sundan ang babaeng nakatalukbong. Batid niyang babae iyon dahil narinig niya ang boses nito noong gabing binalak nilang ilibing ng buhay si Celestina sa gubat.
Mabilis siyang nakakailag sa mga taong nakakasalubong, hanggang sa mapatigil siya dahil may sunod-sunod na kawan ng baka ang dumaan sa gitna ng kalye habang hila-hila ito ng pastol na may ari. Pilit na inabot ni Adolfo ng tanaw ang kalesang nagsimula nang umandar papalayo dahil sinisigawan ng kutsero ang mga tao.
NAKALABAS na sa magulong kalye ang kalesang sinasakyan ni Loisa, mabilis nilang narating ang daungan kung saan nakadaong na roon ang barkong sasakyan ni Tonyo. Ipinarada ng kutsero ang kalesa sa likod ng malaking puno at inalalayan niya si Loisa makababa roon.
Mabilis nilang tinahak ang sikretong lagusan sa loob ng barko. Hawak ni Loisa nang mabuti ang itim na talukbong na kaniyang suot hanggang sa marating nila ang silid na kinaroroonan ni Tonyo. Tatlong katok ang pinakawalan ng kutsero sa pinto na agad namang binuksan ni Tonyo. Napangiti si Tonyo nang makita si Loisa saka pinapasok ang dalaga sa loob ng kaniyang silid.
Naiwan sa labas ang kutsero upang bantayan ang sinumang mapapadaan doon. Samantala, sa loob naman ng silid ay agad pinunasan ni Tonyo ang isang maliit na bangko kung saan inalok niya si Loisa na maupo roon. "Hindi na ako magtatagal dito" saad ni Loisa, halos mapunit naman ang labi ni Tonyo dahil hindi niya inaasahang pupuntahan siya ni Loisa bago siya umalis gaya ng ipinangako nito.
"Kumusta ang nangyari sa hukuman? Kumusta si Martin?" diretsong tanong ni Loisa, bigla namang napawi ang ngiti ni Tonyo nang banggitin ni Loisa ang pangalan ni Martin. "Nasa bilangguan na si Martin gaya nang nais mong mangyari" tugon niya, nagsimula namang maglakad si Loisa sa loob ng makipot na silid ni Tonyo sa barko.
May isang maliit na kama lang sa gilid, isang unan at kumot at isang bangko. Nakalagay naman sa ilalim ng kama ang mga maleta ni Tonyo. "Mabuti" tipid na saad ni Loisa sabay lingon sa kaniya. "Manatili ka lang sa Timog kung saan naroroon din sina Miranda at Osana. Sapat na ang ginawa mong pagsangkot kay senor Lauricio sa rebelyon upang lalong madiin ang kaniyang ama. Tiyak na hindi rin ganoon kadali para kay Martin na linisin ang kaniyang pangalan" patuloy ni Loisa, nagtataka namang napatingin sa kaniya si Tonyo.
"Hindi magiging madali kay Martin? Ang ibig mo bang sabihin ay may balak kang iligtas siya?" tanong ni Tonyo, nababakas sa mukha nito ang matinding pagkadismaya. Agad namang ngumiti si Loisa sabay hawak sa braso ni Tonyo. "Ibig kong mahirapan siya nang unti-unti hanggang sa humingi siya ng tulong sa akin ngunit hindi pa rin siya makakaligtas sa hatol ng kamatayan" ngiti ni Loisa, ang kaniyang ngiti at malambing na boses ay nagpapahumaling lalo kay Tonyo. "Kailan tayo magpapakasal? Kailan mo tutuparin ang iyong pangako na papakasalan ako kapalit ng pagkakanulo ko sa sarili kong kaibigan?" tanong ni Tonyo habang dahan-dahan niyang inabot ang kamay ni Loisa at hinawakan ito. Gustuhin man ni Loisa bumitaw sa pagkakahawak ni Tonyo ngunit batid niyang hindi niya dapat gawin iyon. Kailangan niyang linlangin at pasunurin ng tuluyan si Tonyo.
"Sa katapusan ng buwan, tiyak na tatanggapin na nila ang parusang bitay. Sa oras na matapos na ang lahat ng ito, ipapatawag kita at maaari ka nang bumalik dito sa Maynila saka tayo magpapakasal" ngiti muli ni Loisa sabay hawak ng mahigpit sa kamay ni Tonyo na ikinatuwa nito.
"Aasahan ko ang lahat ng sinabi mo. Huwag mong kalilimutan na narito lang ako palagi para sa iyo. Handa kong gawin ang lahat nang iyong gusto kahit pa talikuran ko ang aking pamilya o kaibigan basta para sa iyo" ngiti ni Tonyo at akmang hahawakan niya ang pisngi ni Loisa upang halikan ito ngunit agad napaiwas si Loisa.
"Huwag muna ngayon Tonyo, hindi kaibig-ibig na mangyari ito sa pagitan nating dalawa nang hindi pa tayo sumusumpa sa harap ng altar" saad ni Loisa na ikinadismaya ni Tonyo ngunit nauunawaan naman niya na ang tulad ni Loisa ay babaeng nagpapahalaga sa sariling puri. "Salamat sa pagsasakatuparan ng aking plano Tonyo. Salamat dahil tinulungan mo akong gantihan si Martin sa lahat ng pasakit na ginawa niya sa aking buhay" patuloy ni Loisa sabay ngiti muli dahil napansin niyang ikinadismaya ni Tonyo ang pag-iwas niya sa halik nito.
Napangiti muli si Tonyo "Lahat ng ito ay para sa iyo aking sinta" saad nito na parang nahihibang habang nakatitig at nakangiti sa harapan ni Loisa. Nagbigay galang na si Loisa saka lumabas ng pinto, ngumiti pa siya kay Tonyo bago tuluyang sumarado ang pinto. Nang makalabas na siya, nilingon niya ang kutsero na kasama niya saka bumulong "Tapusin niyo na siya. Huwag niyo nang hintayin na makaalis pa ang barkong ito" utos ni Loisa saka dire-diretsong naglakad pababa.
Napatango naman ang kutsero saka inilabas ang kaniyang patalim. Kasunod niyon ay napalingon siya sa kaniyang kaliwa kung saan kanina pa nagtatago roon ang dalawa pang lalaki na naka-damit pang-kutsero na siyang mga tauhan din ni Don Amadeo. Tumango sila sa isa't isa bago nila tuluyang pinasok ang silid ni Tonyo.
"HUWAG! Pakiusap! Walang kasalanan ang aking ama!" sigaw ni Marisol habang kinakaladkad ng mga guardia civil si Don Gonzalo papalabas sa pagmamay-ari nitong tindahan ng mga alahas. Hinalughog din ng mga guardia ang buong tindahan at pinagsisira ang gamit sa loob.
Pilit na hinihila ni Marisol ang ama ngunit mabilis itong nahila ng mga guardia pasakay sa kalesa. Naglulupasay si Marisol sa gitna ng kalsada habang paulit-ulit na tinatawag ang pangalan ng ama. "Anak, magpakatatag ka" bilin ni Don Gonzalo sa anak ngunit hindi na matigil ang pagbagsak ng mga luha nito.
"Ama, huwag niyo po akong iwan. Batid ko pong wala kayong kasalanan. Umutang lang po kayo kay Senor Lauricio noon. Idinadamay nila ang ating pamilya sa kasong kinakaharap ni Don Lorenzo!" sigaw ni Marisol ngunit agad din siyang napabitaw sa kamay ng ama nang humarang na ang mga guardia. Nanatili namang nakatayo sina madam Villareal sa gilid kasama ang iba pang mga estudyante na kaibigan ni Marisol. Pilit nilang pinapatahan si Marisol ngunit hindi na ito nagpaawat pa.
Napalingon si madam Villareal sa kalesang dumaan sa kanilang gilid, lulan nito si Don Amadeo na kakagaling lamang sa hukuman. Nang makita ni Marisol ang paparating na kalesa na sinasakyan ni Don Amadeo ay agad niya itong hinabol dahilan upang mapatigil ang kalesa.
"D-don Amadeo, p-pakiusap ipawalang sala niyo po ang aking ama. Buong tapat siyang naglingkod sa inyo sa loob ng mahabang panahon. Wala po siyang kinalaman sa rebelyon" pagsusumamo ni Marisol, agad siyang hinawakan ng kaniyang mga kaibigan. Napatikhim na lang si Don Amadeo saka nilingon ang dalaga. Nang makita niya ang nagmamakaawang si Marisol ay muli niyang naalala ang sinabi noon ni Loisa nang minsan silang nagmimiryenda sa azotea...
"Ama, nakuha na ni Tonyo ang listahan ni Senor Lauricio na kaniyang talaan ng mga taong pinapautang niya. Nais kong gamitin iyon upang mapagtibay ang kasong kinakaharap ni Don Lorenzo na iyong kaaway. Matagal ko na ring nasabihan si Tonyo na ipakilala si Martin kay Senor Lauricio, nakakatuwa lang dahil mukhang umaayon sa atin ang kapalaran... Nakita ko rin sa listahang iyon ang pangalan ni Don Gonzalo" saad ni Loisa, napatigil naman si Don Amadeo sa pagbabasa ng diyaryo saka napalingon sa anak na abala sa pagbuburda.
"Ibig mong isangkot sa rebelyon si Gonzalo?" nagtatakang tanong ni Don Amadeo. Malaki ang pondong nabibigay sa kaniya ni Don Gonzalo lalo na sa tuwing may lihim itong transaksyon sa pagkuha ng mga ginto, pilak at mga bato sa mga minahang kontrolado ni Don Amadeo.
"Opo, ama" tugon ni Loisa, ibinaba ni Don Amadeo ang kaniyang diyaryo saka hinarap ang anak. "Malaking bagay ang nagagawa sa akin ni Gonzalo, malaking kawalan sa akin kung mawawala siya" saad ni Don Amadeo, napailing naman si Loisa. "Nagkakamali kayo ama, sa oras na mawala siya at ang kaniyang pamilya, mapapasakamay niyo rin ang lahat ng kaniyang ari-arian tulad ng ginawa niyo noon sa ama ni Celestina" wika ni Loisa dahilan upang mapaisip ng mabuti si Don Amadeo.
Napasakamay nga niya ang lahat ng ari-arian ni Don Mateo Cervantes, maging ang posisyon nito ay nakuha niya rin. Tiyak na mas marami siyang salaping malilikom kung makukuha niya ang negosyo ni Don Gonzalo na isang tanyag na mag-aalahas. "Kung gayon, gawin mong malinis ang lahat" pagsang-ayon ni Don Amadeo sa suhestiyon ni Loisa saka nagpatuloy muli siya sa pagbabasa ng diyaryo. Napangiti naman si Loisa sa kaniyang sarili dahil sa wakas ay mabibigyan na niya ng leksyon si Marisol.
"P-pakiusap po Don Amadeo, handa ko pong gawin ang lahat iligtas niyo lamang ang aking ama" pakiusap ni Marisol at paulit-ulit siyang lumuhod sa lupa. Napahinga na lang ng malalim si Don Amadeo saka tumingin ng diretso sa daan. "Umalis na tayo rito" utos ni Don Amadeo sa kutsero at nagsimula nang umandar ang kalesa. Samantala, naiwan naman si Marisol sa gitna ng kalsada habang nakadapa sa lupa na sa unang pagkakataon ay nagawa niyang ibaba ang kaniyang sarili maligtas lang sa kapahamakan ang sariling ama.
"DON Amadeo, may bisita po kayo" wika ng kasambahay, abala si Don Amadeo sa pagbabasa ng mahahalagang papeles tungkol sa mga proyektong mangyayari sa mga susunod na buwan sa kaniyang lalawigan. "Sino?" tanong niya nang hindi tumitingin sa kasambahay na nakatayo sa tapat ng pintuan.
"Si Don Facundo Buenavista po" tugon nito, napatigil naman si Don Amadeo sa pagbabasa saka napatingin sa kasambahay. "Papasukin mo siya" utos niya sabay sandal sa kaniyang silya. Ilang sandali pa, dumating na si Don Facundo. Nagbigay galang ito bago tuluyang pumasok sa opisina ni Don Amadeo sa tahanan nito.
"Anong maipaglilingkod ko sa iyo, amigo?" sarkastikong saad ni Don Amadeo, magmula nang maputol ang kasunduang kasal sa pagitan ng kanilang mga anak. Naging malamig na ang trato nila sa isa't isa. Batid niyang may ibang tumatakbo sa isip ni Don Facundo ngunit panatag naman siyang hindi sapat ang kayamanan at koneksyon nito upang kalabanin ang isang tulad niya.
Nagulat siya nang biglang lumuhod si Don Facundo nang dahan-dahan sa kaniyang harapan. Ibinaba rin nito ang hawak na sumbrero sa sahig saka tumingin ng diretso sa kaniya. Pinagmasdan niya ng mabuti ang mukha ni Don Facundo, namumula at namamaga ang mga mata nito. Namumutla rin ang buong mukha ng Don at lumalim din ang mata nito.
Napatitig na lang si Don Facundo sa sahig saka pilit na pinipigilan ang panginginig ng kaniyang mga kamay at binti. Ito ang kauna-unahang beses na lumuhod siya ng ganoon sa harap ng sinuman. Ito naman ang pangalawang beses na nagawa niyang ibaba ang kaniyang sarili sa harap ng kaaway maligtas lang ang taong mahalaga sa kaniya. Ngunit nabigo siya nang gawin niya iyon sa harap ng ama ni Adelia nang makiusap siyang iligtas nito si Julia.
"A-ako na ang humihingi ng paumanhin sa lahat ng kasalanan na nagawa ni Martin sa iyo at sa iyong anak. A-ako na ang humihingi ng kapatawaran sa lahat ng panghihimasok na nagawa niya na labis na nagdulot sa inyo ng pinsala. P-pakiusap, huwag mo hayaang maparusahan si Martin sa kasalanang hindi naman niya magagawa. Bata pa siya at sadyang naging padalos-dalos ang kaniyang mga hakbang ngunit sana ay bigyan niyo pa siya ng pagkakataon na mabuhay. M-malayo pa ang mararating ng aking anak" pakiusap ni Don Facundo, sa pagkakataong iyon ay muling tumulo ang luha sa kaniyang mga mata.
Matagal na panahon ding naging mailap ang pagmamahal niya para sa anak na si Martin. Ilang taon ang nasayang nang hindi niya binibigyang pansin ang anak. At ngayong nalalagay ang buhay nito sa panganib, kaniyang napagtanto na ang pag-ibig niya para sa anak ay nakukubli lamang sa kaniyang puso. Mahal niya ito, higit pa sa pagmamahal niya para sa kaniyang sarili. Dugo't laman din niya ang bumuo at humubog kay Martin na siyang nagsusumikap na bigyang karangalan ang kanilang pamilya. Ang lahat ng iyon ay bumabaon sa kaniyang puso sa pagsisising hindi niya binigyang pansin si Martin habang lumalaki ito.
"Malayo pa nga ang kaniyang mararating, sa katanuyan nga ay muntikan niya pang maunahan si Kamatayan sa kabilang buhay. Ang matabil na dila ng iyong anak ay nararapat lamang maparusahan" seryosong saad ni Don Amadeo, hindi pa rin mawala sa kaniyang isipan ang ginawang pagkalaban sa kaniya ni Martin sa hukuman at sa harap ng maraming tao.
"G-gagawin ko ang lahat ng gusto mo, palayain mo lang ang anak ko" pakiusap muli ni Don Facundo, napahinga na lang ng malalim si Don Amadeo sabay kuha sa kaniyang tobacco at sinindihan iyon. Ilang minuto siyang nanigarilyo habang pinagmamasdan si Don Facundo na nanatiling nakaluhod sa tapat niya.
"Si Martin lang din ang makakaligtas sa kaniyang sariling buhay. Nakasalalay sa kaniya ang desisyon kung ibig ba niyang pumayag sa mga ibig kong mangyari" saad ni Don Amadeo, inilapag niya sa mesa ang tobacco saka tumayo at nagtungo sa isang malaking aparador at kinuha ang maliit na baul doon. Inilapag niya ang baul saka binuksan iyon sa harapan ni Don Facundo.
May isang lumang papel na nakatupi sa loob ng baul, kinuha iyon niya iyon saka inabot sa kay Don Facundo. Dahan-dahang binuklat ni Don Facundo ang papel at nanlaki ang mga mata niya nang makita ang iginuhit na larawan ng kuwintas na laman niyon. "Iyo bang naaalala iyan?" tanong ni Don Amadeo, gulat na napatingin si Don Facundo sa kaniya.
"Hindi ba't sinunog na natin ito noon sa takot na makuha ng mga tauhan ng dating gobernador-heneral Federico nang pinahanap niya ito? Paanong---" hindi na natapos ni Don Facundo ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagsalita si Don Amadeo.
"Ibang papel ang inihagis ko sa apoy noong gabing iyon dahil naniniwala ako na balangaraw ay masasagot ang malaking katanungan ko sa larawan na iyan" saad ni Don Amadeo, napatulala naman si Don Facundo nang maalala niyang minsan na rin niyang nakita ang kuwintas na ito noong nakaraang buwan.
"Batid kong may nalalaman ka at ang iyong anak na sina Martin at Julian tungkol sa hitsura ng kuwintas na ito. Kung ibig mong maligtas ang iyong buong pamilya, nais kong itikom mo ang iyong bibig, patahimikin mo rin ang iyong dalawang anak" seryosong saad ni Don Amadeo, napakunot naman ang noo ni Don Facundo at tinitigan niya muli ang larawan.
"Ibig mo bang ilihim namin ang katotohanang si Celestina ay nagmamay-ari ng kuwintas na ito?" seryosong tanong ni Don Facundo sabay tingin ng diretso kay Don Amadeo na tumango at ngumiti sa kaniya.
UNTI-UNTI nang naapula ang apoy na tumupok sa maraming kabahayan at tindahan. Nagkalat ang mga tao sa labas habang nakapalibot sa kanila ang iilang gamit na kanilang naisalba. Kung tutuusin ay maswerte na sila kumpara sa ibang mga tao na walang naisalbang gamit kahit isa.
Nagkalat ang maitim na usok sa paligid, halos abala naman si Timoteo, Julian at ang iba pang mga doktor sa pagsalba sa ilang mamamayan na nag-aagaw buhay. Karamihan ay mga nawalan ng malay dahil sa matinding usok at ang ilan naman ay nagtamo ng pagkalapnos ng balat dahil sa apoy.
Umiiyak ang mga bata na naulila at nawalay sa kanilang mga magulang. Habang ang ilang matatanda naman ay hinang-hina na at hindi na makakakilos pa. Tulong-tulong pa rin ang mga kalalakihan sa pagsasalok ng tubig upang tuluyan nang mapuksa ang apoy. Habang ang mga kababaihan naman ang siyang nag-aasikaso sa ilang mga mamamayan na biktima ng sunog.
Samantala, sa gitna ng maraming tao ay napadaan ang kalesang sinasakyan ni Manang Dominga na sa pagkakataong iyon ay kakabalik lamang sa Maynila mula sa Norte. Inatasan siya ni Don Agustin na dalhin ang ilang mga regalo para kay Heneral Samuel dahil nais nais niyang maging kaibigan ito. Nararamdaman ni Don Agustin na makakasundo niya si Heneral Samuel sapagkat pareho silang may anak na mayroong kapansanan.
Napatakip na lang ilong si Manang Dominga nang mapadaan ang kalesang sinasakyan sa kalsadang iyon. Ramdam niya ang matinding kalungkutan at paghihinagpis ng mga taong nasalanta ng sunog. Ilang sandali pa, narating na nila ang Fort Santiago kung saan nakabase si Heneral Samuel Garcia.
Agad naman siyang pinapasok ng mga guardia at dinala sa opisina ng Heneral. "Magandang gabi po, Heneral" bati ni Manang Dominga at nagbigay galang ito bago niya inilapag ang mga espesyal na aklat na regalo ni Don Agustin. "Magandang gabi rin" sagot ni Heneral Samuel, matangkad, mestizo at matalim ang mata at panga ng heneral bagay na naghahatid ng matapang na hitsura nito sa unang tingin pa lang. Hindi rin lingid sa kaalaman ng lahat na sadyang strikto at palaban talaga si Heneral Samuel na siyang kinatatakutan ng ibang mga opisyal.
Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat, sa likod ng matapang nitong hitsura ay nakukubli ang kaniyang pusong busilak para sa kaniyang anak na si Esperanza na may kapansanan sa paningin. Sa sandaling panahong paninilbihan ni Manang Dominga sa pamilya Garcia ay napansin niya na mabait at palabiro ang heneral sa tuwing kausap nito ang anak.
"Pakisabi kay Don Agustin salamat sa lahat ng ito. Nawa'y makapag-kwentuhan kami sa oras na magawi siya rito sa Maynila" saad ni Heneral Samuel, napatango naman si Manang Dominga. "Kumusta na po pala si Esperanza?" tanong niya, napansandal naman ang heneral sa kaniyang silya.
"Ayon sa huling liham na isinulat ng kaniyang bagong tagapagsilbi, nahihilig daw si Esperanza ngayon sa pag-awit sa gitna ng palayan" ngiti ng heneral, napangiti rin si Manang Dominga. "Sadyang kinahihiligan niya talaga ang pag-awit bagay na mas lalong nagpapaganda sa kaniyang tinig" saad ni Manang Dominga, napatango naman ang heneral. Magsasalita pa sana ito ngunit biglang dumating ang isang guardia, sumaludo muna ito sa heneral bago nagsalita.
"Heneral, naglabas ng utos ang hukuman na sa susunod na linggo ay didinggin muli ang kaso ni Don Lorenzo ngunit sa pagkakataong iyon ay isasabay na rin ang kasong kinakaharap ni Ginoong Martin Buenavista" saad ng guardia na ikinagulat ni Manang Dominga nang marinig niya ito.
Tumango na lang si Heneral Samuel saka binasa ang liham mula sa hukuman. Nang makaalis na ang guardia ay nagulat siya nang biglang lumapit sa kaniya si Manang Dominga. "H-heneral, maaari po ba akong humingi ng pabor? Nawa'y pahintulutan niyo akong makausap si Martin Buenavista kahit sandali" pakiusap nito, sandali siyang pinagmasdan ni Heneral Samuel, naalala niya na minsan ding nabanggit sa kaniya noon ni Esperanza na may binatang dumating sa kanilang silid sa Hotel De Oriente na kaibigan ni Diego at ang pangalan nito ay Martin.
"P-pakiusap po, may kailangan lang po akong sabihin sa batang iyon" patuloy ni Manang Dominga, napatango na lang si Heneral Samuel bilang sagot sa kaniyang pakiusap.
HINDI mapanatag si Celestina, kanina pa siya naglalakad pabalik-balik sa bawat sulok ng kaniyang selda. Halos hindi rin niya ginalaw ang pagkaing ibinigay sa kaniya para sa almusal, tanghalian at hapunan. Hindi maalis sa kaniyang isipan ang sinabi ni Loisa na tanging ang talaarawan niya ang makapagliligtas kay Martin. Batid ni Celestina na magagawang ipahamak ni Loisa si Martin kahit pa mahal niya ito.
Ilang sandali pa, napatigil siya nang marinig ang yapak ng mga paa hanggang sa maaninag niya ang liwanag na mula sa sulo ng apoy na dala ng mga guardia. Laking gulat ni Celestina nang makita muli si Loisa, nakasuot ito ng itim na talukbong tulad noong gabing inilibing siya nito ng buhay sa kagubatan.
Sandali silang nakatitig sa mata ng isa't isa, hindi maunawaan ni Celestina kung bakit nakangiti si Loisa sa kaniya habang matalim ang tingin nito. Bukod doon, hindi niya maintindihan kung bakit siya pinuntahan ni Loisa gayong malalim na ang gabi.
Agad inilagay ng isang guardia ang hawak na sulo ng apoy sa gilid, samantala, binuksan naman ng isa ang selda habang ang dalawa pang guardia ay nakatayo sa likod ni Loisa. Hindi rin maunawaan ni Celestina kung bakit may kasamang apat na guardia si Loisa at nang tingnan niya nang mabuti ang mga unipormeng suot nito, napansin niyang hindi maayos at may bahid ng dugo ang manggas ng unipormeng suot ng mga guardiang iyon.
"Gawin niyo na" utos ni Loisa sa apat na tauhan, napaatras na lang si Celestina nang buksan ng apat na guardia ang kaniyang selda at dahan-dahang inilabas ng mga ito ang kanilang mga patalim. Nagsimulang humakbang papalapit kay Celestina ang apat na tauhan ni Don Amadeo na nag-damit pang-guardia civil ngunit napatigil sila nang marinig nila ang sunod-sunod na yapak ng mga sapatos. Kasunod niyon ay naaninag din nila ang paparating na liwanag.
Dali-daling itinago ng apat na lalaki ang kanilang mga hawak na patalim at mabilis na lumabas sa selda. Akmang tatakas na sana sila kasama si Loisa ngunit napatigil sila nang marinig ang sigaw ng mga guardia civil na papalapit sa kanila.
Nanlaki ang mga mata ni Loisa nang matanaw si visitador-heneral Federico Dela Rosa na nakatayo sa pinakadulong pinto na siyang daan papalabas sa mga selda. Nasa likod nito ang sampu pang mga guardia civil at nasa tabi niya si Heneral Samuel Garcia. "¿Quién eres? ¿Qué haces aquí?" (Who are you? What are you doing here?) sigaw ni visitador-heneral Federico. Agad namang napaluhod sa lupa si Loisa at ang apat na tauhan. Dahan-dahang naglakad papalapit sa kanila ang visitador-heneral saka tumigil sa tapat ni Loisa na ngayon ay nanginginig na sa takot.
Napalingon ang visitador-heneral kay Celestina na nasa loob ng selda at sa mga oras na iyon ay muntikan nang mawalan ng malay dahil sa pagtatangka ni Loisa sa kaniyang buhay kanina. Napabagsak na lang si Celestina sa sahig dahil sa matinding nerbyos at laking pasasalamat niya dahil dumating ang visitador-heneral.
Nanginginig na sa takot si Loisa at paulit-ulit siyang dumapa sa lupa upan humingi ng tawad "P-por favor perdónanos, no nos referimos a romper aquí sin ningún consentimiento, estamos aquí sólo para---" (P-please forgive us, we don't mean to break here without any consent, we're just here to---) hindi na natapos ni Loisa ang kaniyang sasabihin dahil biglang napigtal ang suot niyang kuwintas sa kaniyang leeg dahil sa paulit-ulit niyang pagdapa sa sahig.
Gulat na napatingin si visitador-heneral Federico sa pamilyar na kuwintas na ilang dekada na niyang hinahanap. Dahan-dahan niyang pinulot ang kuwintas na iyon saka tiningnan ng diretso si Loisa na ngayon ay hindi rin makapaniwala sa mga nangyari dahil hindi pa ngayon ang tamang panahon upang isiwalat niya sa madla na siya ang orihinal na nagmamay-ari ng kuwintas na de susi.
Samantala, halos walang kurap na nakatingin si Celestina sa kuwintas na iyon na pinulot ng visitador-heneral. Kitang-kita niya sa mga mata nito ang halo-halong emosyon nang dahil lang sa kuwintas na iyon na ang katotohanan ay pagmamay-ari niya.
Hindi maintindihan ni Celestina kung bakit ganoon ang reaksyon ng visitador-heneral nang makita nito ang kuwintas. At ang mas lalong nagpagulo pa sa kaniyang isipan ay nang marinig niya ang salitang binitiwan ng matandang visitador-heneral "C-catalina..." sambit nito habang hawak ang kuwintas at maluha-luhang nakatingin ng diretso kay Loisa.
**************************
#ThyLove
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top