Ika-dalawampu't Anim na Kabanata

[Kabanata 26]

"SA iyo na lang po iyan ate, mas nababagay sa inyong kagandahan ang rosas" ngiti ni Emilia sabay takbo papalayo at kumaway-kaway pa ito. Kumaway si Celestina pabalik at nang makalayo na ang bata ay muli niyang pinagmasdan ang bulaklak.

Tila may kung anong pakiramdam na nagbabalik sa kaniya sa nakaraan sa tuwing nakakakita siya ng pulang rosas. Mataas ang sikat ng araw ngunit malamig at marahan ang simoy ng hangin. Sandali niyang ipinikit ang kaniyang mga mata at dinama ang paligid. Sa mga oras na ito ay pilit niyang hinahanap ang dating sarili, ang Celestina na madaling mapatawa sa mga simpleng bagay kahit pa ang mga biro ni Martin na walang saysay.

Ilang sandali pa, natauhan na lang si Celestina nang marinig ang paparating na kalesa. Mabilis na nagkatipon-tipon ang mga manggagawa sa hacienda Ibañaez upang salubungin ang kanilang señora. Maayos na nagtungo si Celestina sa pinakadulo ng pila ng mga kababaihan habang nasa kabila naman ang pila ng mga kalalakihan.

"Kumusta ang kalagayan ng mga halaman?" seryosong tanong ni Miranda sabay kumpas ng kaniyang abaniko. Agad siyang inalalayan ng kutsero pababa ng kalesa at nahirapan ito sapagkat napakahaba ng baro't sayang suot niya na animo'y dadalo sa isang pormal na pagdiriwang.

"Mabuti naman po Señora, sa katanuyan ay mas marami ang magagandang halaman na naipon ngayon kumpara kahapon" magalang na sagot ni Mang Santino na siyang pinakamatanda sa mga manggagawa. Hindi naman umimik si Miranda, sa halip ay tumaas pa ang kilay nito. Naglakad siya sa gitna sabay takip sa kaniyang ilong dahil sa amoy pawis na ang mga trabahador.

Napatigil sa paglalakad si Miranda nang makita niya si Celestina, muling sumilay ang ngiti sa kaniyang labi saka naglakad papalapit sa dalaga upang hamakin itong muli. "Aking naulinigan na madalas mo pa ring dalawin ang matandang hukluban na hindi pinagpalang magkaanak? Hindi ba't pinagbawalan na kita----" hindi na natapos ni Miranda ang kaniyang sasabihin dahil biglang tumingin ng derecho sa kaniya si Celestina.

"Walang masama sa aking ginagawa, anong mali sa pagdalaw sa aking maestra upang ipagpatuloy ang aming aralin?" banat ni Celestina na ikinagulat ni Miranda. Sa tuwing sinusubukan niyang hamakin ang dalaga ay palagi siyang napapahiya kapag sumasagot ito pabalik.

"Hinahatiran mo rin siya ng pagkain at inumin" buwelta ni Miranda sabay kumpas ng kaniyang abaniko sa ere. "Wala na ba kaming karapatan kumain at magpahinga pagkatapos ng aming aralin?" saad ni Celestina, hindi naman nakasagot si Miranda. Napatingin siya sa paligid at napagtanto niya na nakatingin na ang lahat sa kanila ngayon.

Animo'y umakyat ang lahat ng dugo sa kaniyang ulo at tila nagbabara ang kaniyang dibdib dahil sa matinding inis kay Celestina. "Hintayin mo lang ang pagbalik ng aking asawa, tiyak na hindi niya palalagpasin ang kalapastangang ito" banta ni Miranda sabay talikod at dere-derecho itong naglakad pabalik sa kalesa.

"Ina" tawag ng kaniyang limang taong gulang na anak na si Carlito na nakaupo sa kalesa. "Bukas ng hapon na lang tayo magtutungo sa pamilihan, sumasakit ang aking ulo sa mga aliping ito!" sigaw ni Miranda at agad niyang inutusan ang kutsero na patakbuhin na ang kabayo papalayo.

Sumandal na lang si Miranda sa upuan at naramdaman niyang hinawakan ng anak ang kaniyang kamay. "Kumain na lang po tayo ng tsokolate sa bahay, ina" ngiti ng bata, tumango na lang si Miranda saka pinagmasdang mabuti ang anak. Sa tuwing nakikita niya ito ay naalala niya ang nagawa niyang pagtatrahidor limang taon na ang nakararaan...

"Ano? Ibig mong sabihin ko kay Don Facundo na balak niyong itakas si Celestina sa bahay-aliwan? Mapapahamak ang iyong mga kaibigan" gulat na saad ni Miranda, aalis na sana siya ngunit agad hinawakan ni Tonyo ng mahigpit ang kaniyang braso at itinulak siya sa pinto.

"Magtiwala ka sa akin, makakatanggap ka ng malaking pabuya sa oras na sumang-ayon ka sa nais naming mangyari. Hindi ka ba nakakaramdam ng lungkot sapagkat si Celestina ang inakala ni Don Hugo na nagpapaligaya sa kaniya gabi-gabi kahit pa ang katotohanan ay ikaw iyon, ikaw iyon Miranda. Ikaw dapat ang pinupuri, hindi si Celestina" wika ni Tonyo dahilan upang tuluyang magbago ang isip ni Miranda.

"Isa ba ito sa mga plano ni Loisa?" tanong ni Miranda, napaatras naman si Tonyo at binitiwan na siya. "Hindi ba naisip ni Loisa na mapapahamak si Ginoong Martin sa nais niyang mangyari?" patuloy pa ni Miranda, napayuko na lang si Tonyo. Nasa loob sila ng palikuran sa bahay-aliwan ni madam Costellanos.

"Ako'y naniniwala na sa dami ng kasalanan ni Martin kay Loisa ay tuluyan nang naglaho ang pagsinta niya kay Martin" tugon ni Tonyo, natawa na lang si Miranda. Sa isip niya ay mas hunghang sa pag-ibig si Tonyo. "Kung tatalikuran ko si Martin at Timoteo, anong makukuha ko bilang kapalit?" saad ni Miranda sabay tawa na may halong panghahamak.

"Malaking halaga ng salapi" tugon ni Tonyo dahilan para mas lalong matawa si Miranda. "Magagawa kong kumita ng malaking salapi sa isang gabi, hindi iyan sapat na dahilan upang lisanin ko ang Maynila" tawa ni Miranda ngunit nagulat siya nang muling hawakan ni Tonyo and braso niya at isinandal siya muli sa pinto.

"May mas maganda akong plano, si Don Hugo ay may asawa ngunit wala pa silang anak. Matanda na silang dalawa at kailangan ni Don Hugo ng tagapagmana ng kaniyang mga ari-arian. Sa kaniyang paniniwala ay tatlong gabi niya nakatabi si Celestina ngunit sa oras na mabigo ang plano nila Martin na itakas si Celestina, tiyak na malalaman ni Don Hugo na ikaw ang babaeng nagsilbi sa kaniya. Kailangan malaman ni Don Hugo na ikaw ang nakatabi niya sa loob ng tatlong gabi" seryosong saad ni Tonyo, napairap naman ng mata si Miranda.

"Wala namang nangyari sa amin sa loob ng tatlong gabi sapagkat lango siya sa alak at mahimbing siyang nakakatulog magdamag. Paano ako magdadalang-tao kung---" hindi na natapos ni Miranda ang kaniyang sasabihin dahil bigla siyang hinalikan ni Tonyo hanggang sa lumalim ng lumalim ang palitan ng kanilang halik. Sa pagkakataong iyon ay malinaw kay Miranda na si Tonyo ang mgabibigay sa kaniya ng anak na magiging isang Ibañez balangaraw.


MAINGAT na binuksan ni Celestina ang marupok na pinto na gawa sa kawayan ng kanilang maliit na bahay-kubo. Naabutan niyang nagbabasa ng aklat si madam Costellanos habang nakahiga ito sa banig na sira-sira at gula-gulanit. "Kumain na ho ba kayo?" tanong ni Celestina habang isa-isa niyang inilalapag ang mga dalang gamit mula sa mag-hapong pagtatrabaho sa hacienda Ibañez.

"Hinihintay ko pa kayo ni Esteban, nagpaalam lang sa akin saglit ang binatilyong iyon upang manguha ng mga panggatong na gagamitin natin ngayong gabi" tugon ni madam Costellanos at marahan niyang inilapag ang hawak na aklat. Isa itong nobela na isinulat mismo ni Corazon, ang istoryang iyon ay umiikot sa buhay ng isang babaeng ilang dekadang naghintay sa pagdating ng kaniyang asawang mangingisda.

"Nitong mga huling araw, aking napapansin na madalas magtungo sa kwartel ng mga guardia si Esteban. Ako'y nababahala na may masamang mangyari sa kaniya sa pagtungo roon" patuloy ni madam Costellanos at dahan-dahan itong bumangon sa banig. Agad naman siyang inalalayan ni Celestina hanggang sa makaupo siya sa silya na nasa tapat ng bintana.

"Nabanggit ho sa akin ni Esteban na nais niya maging sundalo. Iminungkahi ko sa kaniya na ilalapit ko siya kay Heneral Samuel na kasalukuyang nasa Europa ngayon kasama si Esperanza" saad ni Celestina at inilagay na niya sa dahon ng saging ang pagkaing dala niya.

Napatitig si madam Costellanos sa suman na malagkit na nakahain ngayon sa hapag. "Katulad noong mga nakaraang taon, isipin na lang natin na ang pagkaing ito ay tulad ng masasarap na putahe na nakahain sa mesa ng mga maharlika" ngiti ni Celestina sabay abot kay madam Costellanos ng suman. Napangiti na lang din si madam Costellanos at di-kalaunan ay nagtawanan silang dalawa.

Sandaling pinagmasdan ni Celestina ang matanda, malayong-malayo na ang hitsura nito kumpara sa dating bihis at tindig noong pinamumunuan pa nito ang bahay-aliwan sa Maynila. Mula nang masunog ang bahay-aliwan, wala ng ibang mapuntahan si madam Costellanos dahil ayaw na rin siyang suportahan ni Don Amadeo dahil sa ginawa nitong paglaban sa Don. Hindi akalain ng dating señora na ang babaeng minsan niyang pinagmalupitan at itulak sa impyerno ng kahalayan ay siya rin palang tutulong sa kaniya.

Isinama ni Celestina si madam Costellanos at Esteban patungo sa Nueva Ecija kung saan sila dinala ni Don Facundo bilang pagtupad sa pangako nito. Sa hacienda Ibañez namasukan sina Celestina at Esteban, matanda at mahina na si madam Costellanos kung kaya't hindi na nito kayang magtrabaho pa lalo na sa malawak na taniman ng mga halaman na ginagamit sa paggawa ng tobacco.

"Kung tutuusin ay mas masarap ang ating pagkain dito kumpara sa ating kinakain noon. Mas masarap kumain ng malaya" ngiti ni madam Costellanos, napangiti naman si Celestina habang isinasalin sa baso ang tubig na kaniyang pinakaluan upang kanilang mainom.

Ilang sandali pa, dumating na si Esteban bitbit ang isang sakong panggatong na magagamit nila ng tatlong araw. Agad nagmano si Esteban kay madam Costellanos "Bakit ginabi ka hijo?" tanong ng matanda, napangiti na lang si Esteban sabay hawi sa sariling buhok.

Mag-lalabing dalawang taon na si Esteban, madalas napapalingon ang ilang kababaihan dahil sa taglay na kagwapuhan ng binatilyo. Si Esteban ay anak ng isang estudyante ni madam Villareal na kabilang sa alta sociedad, ang pinaniniwalaang nakabuntis sa estudyanteng iyon ni madam Villareal ay isang negosyanteng Kastila na tumakas nang malamang buntis ang nobya.

"Pinanood ko ho sandali ang pag-eensayo ng mga sundalo sa talampas. Napakalakas ng mga gamit nilang baril" ngiti ni Esteban, agad namang hinawakan ni Celestina ang ulo ng bata at ginulo-gulo ang buhok nito. "Mapanganib ang ginawa mong iyon, tiyak na paghihinalaan ka nilang espiya sa oras na makita ka nila" suway ni Celestina, agad namang pumagitna si madam Costellanos.

"O'siya, hayaan mo na ang bata. Maghanda na kayo upang tayo ay makakain na" wika ni madam Costellanos sabay hawak sa kamay ni Esteban. "Estong, ipangako mo sa amin na hinding-hindi mo na uulitin ang ginawa mo kanina. Makakaasa ba kami ng iyong ate?" patuloy ng matanda at pinisil pa nito ang kamay ni Esteban.

"Opo, makakaasa po kayo" tugon ni Esteban habang nakayuko. Bakas sa kaiyang mukha ang lungkot dahil hindi na niya muling matutunghayan ang pag-eensayo ng mga guardia civil gamit ang kanilang mga makabagong armas, baril at sandata.


KINABUKASAN, hindi pa man sumisikat ang araw ay gising na sina Celestina at Esteban. Naghahanda na sila para sa maghapong pagtatrabaho sa hacienda. "Ako'y magtutungo muna kay Doña Teresa sandali, pakisabi kay Mang Santino na mahuhuli ako ng ilang minuto" wika ni Celestina habang isa-isang isinisilid ang mga aklat sa bayong na kaniyang dadalhin.

Tumango naman si Esteban bilang tugon, bakas pa rin sa mukha niya ang lungkot dahil pinagbawalan na siyang magtungo sa talampas upang panoorin ang pag-eensayo ng mga guardia. "Mauuna na po ako ate" paalam ni Esteban sabay kuha sa kaniyang sumbrerong buri at naglakad na patungo sa hacienda Ibañez.

Ilang minutong ang lumipas, narating ni Celestina ang bayan ng Baler sakay ng isang karitela na naglalaman ng mga pawid na dadalhin din sa bayang iyon. Nagpatuloy ang byahe hanggang sa makarating sila sa dulo ng Aurora, sumakay si Celestina ng bangka papunta sa kabilang isla. Maliit lang ang islang iyon at halos tatlong bahay lang ang naroroon. Magbubukang-liwayway na nang marating niya ang isla.

Pangingisda ang pangunahing pinagkakakitaan ng dalawa pang pamilyang naroroon. Ang kanilang mga huling isda ay ibinebenta nila sa kabilang bayan kung saan mas malaki ang pamilihan at dinarayo talaga ng mga mamimili at nangangalakal araw-araw.

Tatlong ulit kumatok si Celestina sa pinto ng isang maliit na barong-barong kung saan nakatira si Doña Teresa na dating asawa ni Don Hugo. "Magandang umaga ho, Maestra" nakangiting bati ni Celestina at agad niyang inalalayan si Doña Teresa na maupo muli sa higaan nito. Nang makaupo na ang matanda, inilapag ni Celestina ang kanin at kamatis na nakabalot sa dahon ng saging sa maliit na mesa.

"Kumain na po kayo, maestra" ngiti muli ni Celestina saka binuksan ang dahon ng saging at isinalin iyon sa plato. Tumayo siya at tumabi sa matanda saka inabot iyon. Napangiti muli si Doña Teresa dahil batid na niya na magpupumilit na naman si Celestina na subuan siya sa pagkain kahit pa kaya naman niyang kumain mag-isa.

"Malakas pa ako hija" bawi ng matanda, tumango-tango na lang si Celestina "Batid ko maestra, nais lang kitang pagsilbihan" ngiti ni Celestina. Sandaling pinagmasdan ni Celestina ang dating marangyang señora ng hacienda Ibañez ngunit lahat ng iyon ay nawala sa kaniya nang dumating si Miranda na nagdadalang-tao limang taon na ang nakararaan.

Si Doña Teresa ang dating asawa ni Don Hugo na hindi magkaanak. Matagal na nilang sinubukan ni Don Hugo na magkaroon ng anak ngunit hindi sila pinalad. Matagal na niyang batid na balangaraw ay papalitan din siya ng asawa na napilitan lang din namang pakasalan siya para sa posisyon at kapangyarihan.

Isa siyang magaling na guro na nagturo kay Corazon noong bata pa ito. Marami rin siyang alam sa panggagamot lalo na't karamihan sa mga halamang tinatanim sa kanilang hacienda ay mga halamang-gamot na dinarayo pa ng ibang mga dayuhan mula sa ibang bansa.

Marami ring kaalaman si Doña Teresa sa paggamit ng pagsenyas. Natutunan niya iyon sa kaibigang propesor na si Maestro Luis. Kung kaya't nang dumating si Celestina sa kanilang hacienda, siya ang kauna-unahang kumalinga at nag-aruga sa dalaga at sa dalawa pa nitong kasama na sina madam Costellanos at Esteban.

Wala rin namang nagawa si Don Hugo kundi ang tanggapin ang tatlong bagong alipin dahil sa pakiusap ni Don Facundo na may malaking kapit sa mag-amang Dela Rosa. Nang dumating ang bagong gobernador-heneral at ang ama nito na visitador-heneral, nangamba si Don Hugo kung mabibigyan pa rin ba siya ng posisyon sa gobyerno.

Nagkataon na dumating si Don Facundo sa kaniyang hacienda kasama ang tatlong alipin. Ipinangako ni Don Facundo na imumungkahi niya sa bagong gobernador-heneral Gregorio Dela Rosa na manatili sa pwesto si Don Hugo sa gobyerno bilang punong tagapayo. Hindi naman nabigo si Don Hugo dahil nanatili pa rin siya sa pwesto habang si Don Facundo naman ang naging tagapamahala ng lahat ng kaban ng yaman ng gobyerno.

Halos ilang buwan ding sinubukan ni Don Hugo lapitan si Celestina ngunit batid niyang iniingatan ito ng kaniyang asawa. Tunay na namamangha siya sa ganda ng dalaga ngunit mas nangingibabaw sa kaniya ang hangaring magkaroon ng anak na magmamana ng lahat ng kaniyang kayamanan.

Ilang buwan pa ang lumipas nang dumating si Miranda sa hacienda Ibañez. Walong buwang buntis na si Miranda at laking-gulat nang lahat nang lumuhod si Miranda sa harapan ng mansion ng pamilya Ibañez at isigaw sa lahat na ang batang dinadala niya ay anak ni Don Hugo.

Hindi magawang itanggi ni Don Hugo ang lahat ng sinabi ni Miranda dahil nakilala niya ito nang malaman niyang hindi pala si Celestina ang nagtutungo noon sa kaniyang silid upang magbigay aliw. Naging malaking usap-usapan ang balitang iyon sa buong bayan lalo pa't babaeng bayaran ang estado ng buhay ni Miranda.

Sinubukang paalisin ni Don Hugo si Miranda ngunit tinakot siya nitong magpapakamatay na lang kaysa magutom sa kalsada. Nang dahil sa sinabing iyon ni Miranda, tuluyang nagbago ang isip ni Don Hugo, muling nangibabaw sa kaniya ang hangaring magkaroon ng anak. Sa huli, inako na niya ang responsibilidad kay Miranda, hindi na niya inisip at pinakinggan ang sasabihin ng ibang tao na ang babaeng magsisilang sa pinaka-inaasam niyang heredero ay isang babaeng bayaraan.

Ngunit sa kabila niyon, kailangan niyang pakasalan at maging legal na asawa si Miranda upang kilalanin ng batas ang anak nila bilang karapat-dapat na tagapagmana. Kung hindi, magiging anak sa labas ang bata at magiging tampulan ng tukso, kung kaya't inabandona ni Don Hugo si Doña Teresa upang pakasalan si Miranda.

Pinalabas nilang may sakit sa utak si Doña Teresa at itinapon sa isang isla. Lumipas ang halos apat na taong walang balita ang mga tao kung nasaan na si Doña Teresa na nawala sa katinuan, inakala ng lahat na namatay na ito sa gutom at tuluyan nang nakuha ni Miranda ang titulong Doña Miranda Ibañez.

Tanging si Don Hugo, Miranda, Celestina, Esteban, madam Costellanos at ibang manggagawa sa hacienda Ibañez ang nakakaalam na buhay pa si Doña Teresa. Hindi na kumalat pa ang balita sa takot na parusahan sila ni Miranda na palaging nakasigaw.

"Sa huwebes ay kaarawan na po ni Esteban, magluluto kami ni madam Costellanos ng masarap na putahe. Dadalhin ko rin po si Esteban dito upang makasalo namin kayo sa hapag" ngiti muli ni Celestina, napangiti naman si Doña Teresa saa hinawakan ang kamay ng dalaga.

"Aasahan ko ang inyong pagdating. Iyo ring sabihan si Esteban na mahalaga na marami pa siyang matutunang kaalaman bukod sa pagbabasa at pagsusulat. Ako'y handang tumulong sa inyo" tugon ng matanda, hinawakan naman ni Celestina ang kamay ni Doña Teresa saka pinagmasdang mabuti ang matanda.

Matanda na si Doña Teresa at noong nakaraang dalawang taon ay tumigil na ang kaniyang pagdurugo. Ngunit sa kabila ng kaniyang katandaan ay nababakas pa rin ang ganda nito. Bilugan at mahaba ang pilik-mata ng matanda. Kulubot na rin ang kaniyang balat at puti na ang kaniyang buhok ngunt kahit ganoon ay kapansin-pansin ang ganda ng ngiti nito.

"Mas marami po akong ipinagpapasalamat sa Diyos dahil nakilala namin kayo at hindi niyo kami pinabayaan, maestra" wika ni Celestina sabay sandal sa balikat ng matanda. Ipinikit naman ni Doña Teresa ang kaniyang mga mata saka isinandal niya rin ang ulo sa dalaga. Ilang dekada rin siyang nanalangin na magkaroon ng anak at ang madalas niyang ipanalangin ay babae sana ang kaniyang maging anak.

Ngunit kahit hindi man siya pinalad magbuntis at magsilang ng sanggol. Naramdaman din niya ang pakiramdam ng isang ina nang dumating si Celestina sa buhay niya. Si Doña Teresa ang nagsumikap na nagturo at tumulong kay Celestina upang makapagsalita ito. Halos dalawang taon niyang hindi sinukuan si Celestina hanggang sa makapagsalita ito.

Gabi-gabi siya nagbabasa ng mga aklat na may kinalaman sa medisina na ipinapahiram sa kanila ni Don Agustin. Unang beses niyang narinig na nakapagsalita si Celestina nang apuyin ito ng lagnat sa kaniyang maliit na barong-barong, kasabay niyon ay nagsalita ang dalaga habang nananinigip ito ng masama.

Magmula nang gabing iyon, dahan-dahan niyang hinikayat ang dalaga na makapasalita muli. Inumpisahan niya ang pagtuturo sa pamamagitan ng paulit-ulit na paghandog ng awit sa dalaga. Mahusay sa paggamit ng pluta si Celestina na sasabayan ni Doña Teresa ng pag-awit.

Sa kaniyang pag-awit ay hinihikayat niya rin si Celestina na bahasin ang mga liriko ng awiting kaniyang isinulat. Hanggang sa dumating ang araw na pinakahihintay ni Doña Teresa, isang tanghaling tapat habang mag-isang namumulot si Celestina ng mga halamang gamot sa ubo ni Doña Teresa sa likod ng bahay nito ay narinig niya ang dalaga na humihimig.

Sa umpisa ay sinusundan nito ang tono ng awit na madalas niyang awitin sa dalaga hanggang sa unti-unting mabigkas ni Celestina ang mga salitang nakapaloob sa liriko ng awit na iyon. Halos hindi mapagsidlan ang kaligayahan ni Doña Teresa sa katotohanang matutulungan niya ang dalaga na makapagsalita muli.

Kasunod niyon ay matiyaga niyang tinuruan ang dalaga sa bawat pagbigkas ng alpabeto na nagpatuloy sa pagbuo ng mga salita hanggang sa isang mahabang pangungusap. Hindi rin siya ganoon nahirapan sa pagtuturo kay Celestina dahil madaling natutunan ng dalaga ang bawat aralin na tinuturo niya.

Sa paglipas ng dalawa pang taon ay naging malawak na ang bokabularyo at kaalaman ni Celestina lalong-lalo na sa agham, sipnayan, sining, mga tula at awitin, medisina at maging sa malawak na mga patakaran at palatuntunan ng batas.

"Iyo na bang nakabisado ang mga nakasaad sa batas ukol sa maling pagbibintang at pag-aakusa sa isang taong nasasakdal?" tanong ni Doña Teresa, napangiti at umayos na ng upo si Celestina saka tumango sa matanda.

"Opo, maestra. Binasa at inintindi ko ng mabuti ang bawat salitang nasasaklaw ng paksang iyon" sagot ni Celestina, napahinga naman ng malalim si Doña Teresa. "Batid kong ibig mong lumawak ang iyong kaalaman sa iba't ibang bagay at usapin sa ating lipunan ngunit ang estado nating mga kababaihan ay hindi kapantay ng mga kalalakihan. Wala tayong karapatang mamuno at humawak ng isang posisyon. Maaari tayong maging gabay na mga guro ngunit wala pa rin tayong mapanghahawakan at maaasahan na ganap na pagkilala sa ating kakahayan" paalala ng matanda, dahilan upang mapahinga na lang din ng malalim si Celestina.

"Malaki nga po ang impluwensiya ng kasarian sa mundong ginagalawan natin ngayon ngunit katulad ng isang rosas na namumukadkad sa isang malawak na hardin katulad ng libo-libo pang rosas na naroroon. Ibig kong maging rosas na siyang makapagpapabago sa nakasanayang hitsura ng isang hardin. Isa man akong rosas, ngunit hindi ako katulad ng libo-libo pang naroroon. Sisikapin kong baguhin ang direksyon ng mga matang titingin sa hardin na iyon. Nang sa gayon, hindi lang tanging kagandahan at kulay ng rosas ang kanilang mapapansin, kundi ang iba pang bagay na magagawa ng rosas na siyang hindi nila mapipigilang mamayagpag" saad ni Celestina habang nakatitig sa kawalan.

Nang kilatisin ni Doña Teresa ang mukha ng dalaga ay naramdaman niyang may malaking layunin itong nais maisakatuparan. "Hindi kagandahan ang tunay na alas ng isang rosas, kundi ang tinik na taglay nito na hindi nila magagawang alisin" patuloy ni Celestina sabay tingin ng derecho sa bintana kung saan tuluyan nang umusbong ang liwanag.

"Kung ano mang tumatakbo sa iyong isipan hija, ibig kong kalimutan mo na iyan lalo na't kung ang kaalamang iyong hinahabol ang siya ring magdadala sa iyo sa kapahamakahan" paalala ni Doña Teresa, batid niyang hindi natatapos sa pag-aaral ang hangarin ni Celestina, sa kabila ng pagsusumikap nitong matutunan ang lahat ng bagay ay naroroon ang isang malaking hangarin na kahit hindi sabihin ng dalaga ay nararamdaman niyang hindi ito maganda.

"Magtapat ka sa akin hija, ano ang iyong layunin? Bakit pilit mong pinag-aaralan ang lahat ng bagay?" Tanong ni Doña Tresa dahilan upang matauhan si Celestina. Napayuko saglit ang dalaga at ilang segundong natahimik. Hindi niya alam kung dapat na ba niyang sabihin sa maestra ang kaniyang hangarin ngunit ayaw niyang mag-alala ito sa kaniya.

Sa huli, napahinga na lang ng malalim si Celestina saka tumingin sa matanda "Ibig ko pong maging abogado" pagtatapat ni Celestina na ikinagulat ni Doña Teresa dahil ang hangaring iyon ay hindi niya lubos akalaing mimithiin ng dalaga.


ALAS-SIYETE na ng umaga nang makarating si Celestina sa hacienda Ibañez. Mabuti na lang dahil tanghali palagi nagigising si Miranda kung kaya't si Mang Santino ang namamahala sa mga kasamahanag trabahador sa taniman ng halamang tobacco.

Mabait si Mang Santino na nasa edad animnapung taon na. Madalas niya ring pagtakpan ang mga kasamahan upang hindi ito pagalitan ni Miranda. Hindi ibig ni Miranda na magpahinga ang mga manggagawa, kung kaya't sa tuwing wala ito ay pinapayagan ni Mang Santino ng ilang oras na pahinga ang mga kasamahan lalo na't masama sa kalusugan ang magbabad ng matagal sa ilalim ng araw.

Alas-kuwatro na ng hapon, napansin ni Celestina na madalas ang paghinga ng malalim ni Mang Santino na para bang hingal na hingal ito. Agad niyang nilapitan ang matanda "Mang Santino, masama ho ba ang inyong pakiramdam?" nag-aalalang tanong ni Celestina, napatingin din ang ilang kasamahan sa kanila at isa-isang lumapit upang alamin ang kalagayan ni Mang Santino.

"H-huwag niyo ako alalahanin, dulot lamang ito ng katandaan" biro ni Mang Santino sabay hubad sa kaniyang sumbrerong buri at ipinaypay iyon sa kaniyang sarili. "Si Mang Santino talaga, nagagawa pang magbiro" puna ng isang matandang lalaki saka hinawakan ang balikat ng kaibigan.

"Mas makabubuti kung magpahinga po muna kayo Mang Santino, ako na po ang magdadala nitong mga nakuha niyong halaman" saad ni Celestina, sabay kuha sa malaking sisidlan na puno ng mga halaman. Tulong-tulong namang inakay ng mga lalaki si Mang Santino patungo sa pinakamalapit na lilim upang makapagpahinga ang matanda.

Habang isa-isang inililipat ni Celestina ang mga halaman sa iisang sisidlan. Nagkataong napadaan ang kalesang sinasakyan ni Timoteo na siyang patungo sa mansion ni Don Hugo. Nakangiting pinagmamasdan ni Timoteo ang malawak na taniman ng halamang tobacco ng hacienda Ibañez at hindi niya mapigilang manabik sa katagumpayan ng pag-aaral na kaniyang sinasaliksik sa halamang iyon.

Nang mapalingon siya sa kaliwa, napansin niya ang dalagang nakayuko habang inilalagay ang mga halaman sa isang lagayan. Mabilis na lumagpas ang kalesa sa kinaroroonan ni Celestina kung kaya't hindi siya tuluyang nakita ni Timoteo.


"ANG pagsinta ng bituin" saad ni Martin nang basahin niya ang pamagat ng nobelang hawak niya. "Iyan ang kauna-unahang nobelang isinulat ng aking anak" wika ni Don Agustin, dahilan upang mapalingon si Martin sa kaniyang likuran dahil hindi niya napansin na kanina pa pala naroroon ang Don.

Kasalukuyan siyang nasa salas ng mansion ng hacienda Alcantara. Napapalibutan ng napakaraming aklat ang salas ng mansion ng pamilya Alcantara. Hindi rin naman iyon nakapagtataka sapagkat may ari ng imprentahan ng diyaryo at aklat si Don Agustin. Bukod doon ay isa ring siyang kilalang mahusay na propesor at manunulat.

Ang kaniyang angking talento ay namana ng kaniyang nag-iisang anak na babae na si Corazon. Marami nang naisulat na nobela, tula at sanaysay si Corazon na may kapansanan sa paglalakad. "Hindi ba't mas nararapat na mga aklat ukol sa batas at lipunan ang iyong hinahanap ngayon dito sa aking tahanan? Bakit tila nobela ukol sa pag-ibig ang nakapukaw sa iyong atensyon" ngiti ni Don Agustin sabay abot ng baso ng alak kay Martin na malugod namang tinanggap ng binata.

"Sadyang nakakapukaw ng atensyon ang lahat ng nobelang isinulat ng inyong anak. Hindi pa man ako nakababasa ni isa sa kaniyang mga naisulat ngunit may narinig na akong kwenta niya noon sa pamilihan" saad ni Martin sabay lapag ng nobelang iyon sa mahabang mesa na punong-puno rin ng mga libro.

"Ano ang pamagat ng kwentong narinig mo na isinulat ng aking anak?" tanong ni Don Agustin at sabay silang naglakad ni Martin papunta sa tapat ng malaking bintana ng mansion na gawa sa capiz. "Hindi ko po maalala ang pamagat ngunit ang katapusan niyon ay hindi mabura sa aking isipan" ngiti ni Martin sa sarili sabay inom ng alak.

Nang makalahati niya ang baso ng alak ay muli siyang tumingin sa labas ng bintana. Napapalibutan ng malawak na hardin ang buong hacienda at matataas na puno. "Ang pag-ibig ng dalawang kalapati. Ang pagsintang may kaakibat na pagsasakripisyo" patuloy ni Martin, sandaling pinagmasdan ni Don Agustin ang binata. Limang taon na ang lumipas nang huli niyang makita ang masiglang Martin Buenavista na puno ng pag-asa at kulay ang mga mata. Ngunit ngayon ay wala na, hindi niya masumpungan muli ang kislap na iyon sa mata ni Martin.

"Kumusta ang iyong asawa?" tanong ni Don Agustin, napalingon naman sa kaniya si Martin. "Mabuti naman ho" sagot ni Martin ngunit nanatiling nakatingin lang sa kaniya si Don Agustin na para bang kinikilatis siya nito at pilit na hinuhukay ang lahat ng lungkot sa kaniyang puso.

"Kumusta ka naman, hijo?" tanong muli ni Don Agustin, napayuko na lang si Martin at napangiti sa sarili. Ngiting sarkastiko na para bang pinagtatawanan niya ang sarili sa katotohanang wala na siyang magagawa mula sa pagkakatali sa pamilya Espinoza. "Ikaw ay hindi masaya..." patuloy ni Don Agustin dahilan upang mapatigil si Martin sa mahinang pagtawa at pagkutya sa sarili.

"Iyo bang iniisip na tila naging malupit ang kapalaran sa iyo hijo? Ibig mong baguhin at baliktarin ang mundo ngunit batid mong hindi mo iyon magagawa. Maraming paraan at daan upang makaalis sa kadiliman ngunit hindi lahat ng iyon ay magtatapos sa kung anong ibig mong mangyari. Batid kong naparito ka upang humingi sa akin ng payo para sa darating na bagong yugto ng iyong buhay. Ano pa ang inaalala mo, hijo? Hinawi na ni Don Amadeo ang lahat ng maaaring masamang damo na humadlang sa iyong daraanan patungo sa pinakamataas na posisyon sa hukuman. Ilang buwan na lang magmula sa araw na ito ay mapapasakamay mo na ang isa sa pinakamataas na kapangyarihan" wika ni Don Agustin, sabay inom ng alak.

Napahinga na lang nang malalim si Martin saka napatingala sa kalangitan. Papalubog na ang araw, magkahalong kulay asul at kahel na ang langit habang nagliliparan ang ilang kalapati. "Sa tuwing dumaraan ang araw at lumilipas ang bawat segundo. Hindi ko batid kung dapat ba akong maging masaya sa lahat ng tagumpay na tinatamasa ko ngayon. Sa kabila ng magagandang nangyayari ngayon sa aking buhay, batid kong may kulang. Isang malaking kakulangan na hindi kayang punuan ng kahit anong posisyon, karangalan at kapangyarihan" saad ni Martin habang tulalang nakatingala sa kalangitan.

"Iyong pagmasdan ang mga bulaklak na iyon" saad ni Don Agustin sabay turo sa malawak nilang hardin na napapalibutan ng mga rosas. "Ang mga bulaklak ay nalalanta at namamatay ngunit umuusbong din pagdating ng tamang panahon. Hindi nakasalalay sa tangkay ng bulaklak ang tibay nito kundi sa lalim ng ugat. Gaano ba kalalim ang kapit ng ugat ng rosas sa kailaliman ng lupa? Magagawa bang tangayin ng malakas na hangin at ulan ang bulaklak na iyon? Kung Oo, hindi iyon ang bulaklak na para sa iyo. Ang pag-ibig na iyon ay hindi para sa iyo" wika ni Don Agustin dahilan upang mapatingin si Martin sa Don nang banggitin nito ang salitang pag-ibig.

Tahimik lang ang hacienda Alcantara, kakaunti lang ang mga naninilbihan sa pamilya Alcantara sapagkat nasa Maynila ang pangunahing negosyo ng mga ito. Nagpaalam na si Martin, dahan-dahan siyang naglalakad sa malawak na hardin na puno ng mga rosas habang nakasuksok ang kaniyang dalawang kamay sa kaniyang bulsa.

Sa mga sandaling iyon, ipinikit ni Martin ang kaniyang mga habang patuloy pa ring inihahakbang ang kaniyang mga paa. Nais niyang damhin ang sariwang hangin at ang mahalimuyak na amoy ng mga bulaklak. Ngunit sa pagkakataong iyon, hindi pa rin mawala sa kaniyang alaala ang paglisan ni Celestina limang taon na ang nakararaan...

"Pakasalan mo si Loisa, gamitin mo ang lahat ng kapangyarihan ng kanilang pamilya. Sikapin mong maging punong hukom at sa oras na makamit mo ang posisyon na iyon... gamitin mo iyon upang isiwalat sa lahat ang kanilang katiwalian at kasamaan. Sa oras na ikaw na ang maging punong hukom, magagawa mo na silang parusahan at hatulan ng kamatayan!" saad ni Don Facundo na ikinagulat ni Martin.

"Hindi! Hindi ko gagawin iyan, ama!" sigaw ni Martin sabay talikod at dere-derecho siyang lumabas sa opisina ni Heneral Samuel kung saan siya kinausap ni Don Facundo. Mabilis at seryosong naglakad si Martin papalabas sa Fort Santiago, napapatabi na lang sa gilid ang ilang taong nakakasalubong niya dahil tila handa niyang banggain ang lahat ng haharang sa kaniyang daraanan.

Nang marating niya ang tahanan nina Timoteo at Linda ay agad siyang nagtungo sa silid ni Timoteo at kinuha niya ang baril na nakasilid sa ilalim ng higaan nito. "Tinong!" tawag ni Timoteo sa kaibigan nang maabutan niyang hawak na nito ang tinatago niyang baril. Tanging si Martin lang ang nakakaalam na may ganoon siyang baril dahil tiyak na tatalakan siya ng asawa.

"Saan mo gagamitin iyan? Maghunos dili ka kaibigan! Maraming paraan upang pagbayaran ni Don Amadeo at Loisa ang kanilang kasamaan. Huwag mong bahiran ng dugo ang iyong mga kamay!" awat ni Timoteo, sinubukan niyang agawin sa kamay ni Martin ang baril ngunit napaatras din siya dahil talim ng tingin nito.

"Itatakas ko si Celestina!" saad ni Martin na mas lalong ikinagulat ni Timoteo, napasabunot pa siya sarili dahil malabo pa sa butas ng karayom ang nais nitong mangyari. "Tinong! Hindi pa tapos ang paglilitis sa kaso ni Celestina, tiyak na tutugisin kayo ng batas at ng pamilya Espinoza! Nais mo bang maulit ang nangyari sa iyong ama at sa ina ni Julian?!" giit ni Timoteo ngunit itinulak lang siya ni Martin na dere-derechong naglakad papalabas sa silid.

"Tinong!" tawag muli ni Timoteo dahilan upang lumabas si Linda sa kaniyang silid dahil sa ingay ng asawa. "Ano bang sinisigaw mo riyan at bakit----" hindi na natapos ni Linda ang kaniyang sasabihin dahil napatigil siya sa gulat nang makita ang hawak na baril ng pansin na dere-derechong bumaba ng hagdan habang hinahabol ito ni Timoteo.

Hindi pa rin maawat si Timoteo sa pagpigil sa kaibigan hanggang sa makarating sila sa pinto ngunit nang buksan iyon ni Martin ay tumambad sa kaniyang harapan si Diego na kakalabugin na sana ang pinto. Pawis na pawis ito at tila malayo ang kaniyang tinakbo "Tinong! Kinuha ng mga guardia si madam Costellanos sa pagamutan at si Esteban sa bahay ni madam Villareal!" wika ni Diego habang pilit na hinahabol ang kaniyang paghinga.

"Ano?! Bakit nila idadamay si Esteban?" sabat ni Linda na humabol din sa pintuan. "Naglabas na ng hatol ang hukuman, ibinaba ang hatol kay Celestina dahil walang matibay na ebidensiya na siya ang pumatay kay doktor Benjamin, ipapatapon siya sa malayong lugar mamayang gabi" tugon ni Diego, agad pumasok si Martin sa loob ng bahay at kumuha siya ng papel at pluma.

Mabilis siyang nagsulat doon na tila hinahabol siya sa bawat pagpatak ng segundo. Nang matapos siya magsulat ay inabot niya iyon kay Diego "Pakiusap, iabot mo ito kay Celestina, tiyak na makakapasok ka sa bilangguan dahil kay Heneral Samuel. Iparating mo kay Celestina na itatakas ko siya ngayong gabi bago pa siya makarating sa daungan" seryosong saad ni Martin, napanganga sa gulat si Diego, hindi niya akalaing handang isuko ni Martin ang magandang buhay na naghihintay sa kaniya nang dahil lang sa isang babaeng bayaran.

"N-ngunit..." tatanggi sana si Diego subalit napatingin siya kay Timoteo at Linda na nakatayo sa likuran ni Martin na parehong tumango na lang. Sinubukan na nilang pigilan si Martin at batid nilang sa mga oras na iyon ay wala nang makapipigil pa sa binata.

Wala nang nagawa si Diego kundi ang ibulsa ang liham na iyon saka mabilis na sumakay ng kabayo patungo sa Fort Santiago. Samantala, inihanda n ani Martin ang lahat ng kanilang kakailanganin. Tumulong din si Linda at Timoteo nang walang binibitiwang salita. Batid nila na wala ng salita ang makapagpapabago sa isipan ng kaibigan at pinsan. Na ang tanging magagawa na lang nila ay suportahan ito sa huling pagkakataon kahit pa batid nilang maaaring iyon na rin ang huling beses nilang makita si Martin.

Alas-otso na ng gabi, agad pumwesto si Martin, Timoteo, Diego at Adolfo sa bukana ng daungan. Ang plano nila ay lumikha ng malaking sunog sa mga abandonadong tindahan sa palengke na katabi ng daungan upang malihis ang atensyon ng mga guardia na maghahatid kay Celestina sa daungan pasakay sa barko na patungong Hongkong.

Ilang sandali pa, natanaw na nila mula sa malayo ang paparating na mga guardia na may mga hawak na sulo ng apoy. Sa gitna ng mga guardia ay naroroon ang sampung mga bilanggo na nahatulan ng pagpapatapon sa malayong lugar, sa Hongkong.

"Tiyak na magiging isang babaeng bayaran si Celestina sa oras na malaman ng mga dayuhan na isa siyang babaeng bayaran dito sa ating bayan" bulong ni Diego kay Martin na halos walang kurap na nakatitig sa paparating na mga guardia. Agad namang sinagi ni Timoteo ang kapatid dahil mas dinagdagan pa nito ang galit ni Martin.

Makalipas ang ilang minuto, ilang metro na lang ang layo ng mga guardian ang itaas ni Martin ang kaniyang kamay upang senyasan si Adolfo na nasa kabilang kalsada. Agad sinindihan ni Adolfo ng apoy ang isang abandonadong tindahan na nasa tabi ng daungan at sunod-sunod niyang pinaputok ang mga binili nilang pulbura sa tagong kalakaran ng mga ilegal na produkto.

Nagulantang ang mga guardia sa sunod-sunod na pagsabog na inakala nilang may pag-lusob ng mga mga rebelde na pangyayari. Mabilis silang punwesto at itinutok nila ang kanilang mga baril sa madilim na kalsadang lupa papunta sa daungan. Nagkagulo ang mga tao at nagsigawan ang lahat.

Nagsitakbuan ang mga tao sa iba't ibang direksyon dahilan upang hindi mahanap ng mga guardia ang mga inaakalang tulisan na nagbabato ng mga pampasabog sa paligid. Naghari ang malakas na sigaw, iyak at nakabibinging pagsabog sa buong daungan. Mabilis na ipinag-utos ng kapitan ng barko na putulin ang tali at maglayag na silang lahat papalayo sa daungan kung saan naghahari na ang gulo.

Sunod-sunod ang naging pagsabog hanggang sa lumiyab ang napakalaking apoy sa paligid. Mabilis na humalo sina Martin, Timoteo at Diego sa mga taong nagtatakbuhan. Sa gitna ng napakalaking apoy na tumutupok sa mga abandonadong tindahan ay naroroon si Celestina sa gitna habang nakatali ang kaniyang magkabilang kamay.

Maluha-luha niyang pinagmasdan ang paligid at tila hindi siya makagalaw sa kaniyang kinatatayuan hanggang sa matanaw niya mula sa malayo si Martin na tumatakbo papalapit sa kaniya. Sa pagkakataong iyon, gustuhin man niyang salubungin ng yakap ang binata ngunit batid niyang hindi niya dapat gawin iyon dahil ayon sa napagkasunduan nil ani Don Facundo. Tutulungan siya ni Don Facundo na maibaba ang kasong pagpatay kay doktor Benjamin hanggang sa mapawalang-sala siya. Tutulungan din siya nitong magsimula ng panibagong buhay sa Norte at walang ibang tao roon na siya si Celestina na anak ni Don Mateo Cervantes.

Nabasa ni Don Facundo ang liham na inabot ni Diego kay Celestina sa bilangguan, ayaw ibigay ni Celestina ang liham na iyon ngunit marahas sa kaniyang inagaw iyon ng mga tauhan ni Don Facundo. "Hindi ko hahayang ulitin ni Martin ang aking pagkakamali. Sa oras na makatakas kayong dalawa, tutugisin kayo ng mga tauhan ni Don Amadeo hanggang sa sapitin mo rin ang sinapit ni Julia. Ako ang nagsadlak kay Julia sa kamatayan. At ngayon, si Martin ang magsasadlak sa inyong kamatayan. Ang batang iyon, katulad ko ay naging padalos-dalos sa desisyon. Ngunit ngayon ko lang napagtanto ang aming malaking pagkakaiba... Sa oras na mapatay ka ng mga Espinoza, tiyak na mas pipiliin ni Martin ang mamatay na rin" kalmadong saad ni Don Facundo habang nakatayo sa tapat ng selda ni Celestina.

Ilang sandali pa, nagulat si Celestina nang lumuhod si Don Facundo sa kaniyang harapan. "Iligtas mo ang aking anak. Iligtas mo siya, nakikiusap ako na ikaw na ang unang humakbang papalayo sa kaniya upang matutunan niyang iligtas ang kaniyang sarili" pakiusap ng Don habang maluha-luhang nakatitig sa makapal na bakal na rehas.

"Tinang! Umalis na tayo rito!" saad ni Martin nang makalapit na siya kay Celestina sa kabila ng malalakas na pagsabog at pagsisigawan ng mga tao. Napatitig si Celestina sa kamay niya na hawak na ngayon ni Martin, akmang hihilahin na siya ni Martin papalayo ngunit laking gulat ng binata nang bumitiw si Celestina sa pagkakahawak niya.

Gulat na napalingon si Martin kay Celestina na para bang binagsakan siya ng langit at lupa. Hindi na mapigil ang luha ng dalaga habang paulit-ulit itong umiiling. "C-celestina, b-bakit? Lalayo na tayo sa lugar na ito, malayo sa masasamang---" hindi na natapos ni Martin ang kaniyang sasabihin dahil dahan-dahang humakbang si Celestina papalayo sa kaniya. Nanginginig ang binti nito na tila anumang oras ay babagsak siya dahil pilit na lumalaban ang kaniyang puso na huwag iwan si Martin.

Napalingon si Celestina sa papaalis na barko, sa pagkakataong iyon ay tuluyan nang bumagsak ang kaniyang mga luha habang paulit-ulit na umiiling hanggang sa tumalikod na siya at tumakbo papunta sa papaalis na barko. Pilit na tinakpan ni Celestina ang kaniyang bibig upang pigilan ang pagbagsak ng kaniyang mga luha at paghikbi.

Sa gitna ng sunod-sunod na pagsabog sa buong paligid, pagtakbo at pagsisigawan ng mga tao ay tila tumigil ang mundo ni Martin habang tinatanaw si Celestina na dahan-dahang tumatakbo papalayo sa kaniya. Gustuhin man niyang habulin si Celestina ngunit ayaw makisama ng kaniyang mga binting nanigas sa kaniyang kinatatayuan dahil hindi niya akalaing magagawa siyang talikuran ng dalagang sinisinta sa kabila ng lahat ng handa niyang isuko at talikurang magandang buhay makasama lang si Celestina.

Nang imulat ni Martin ang kaniyang mga mata ay agad niyang pinahid ang mga luhang hindi niya namalayang naroroon pa rin pala. Napahinga na lang siya ng malalim saka nagpatuloy sa paglalakad ngunit napatigil siya nang matanaw ang babaeng pitong hakbang ang layo sa kaniya.

Nakatayo ito at nakatitig sa kaniya habang unti-unting namumuo ang luha sa mga nito na tila hindi rin niya inaasahang makikita ang binatang ilang taon niyang pilit ibinaon sa kaniyang puso at alaala. Maging si Martin ay gulat na nakatitig sa babaeng nasa harapan niya ngayon.

Ilang segundo ang lumipas habang nakatitig lang sila sa mata ng isa't isa. Sa gitna ng malawak na hardin kung saan namumukadkad ang makukulay na pulang rosas ay naroroon ang dalawang taong muling pinagtagpo ng tadhana.

Dahan-dahang umihip ang sariwang hangin dahilan upang sumayaw ng marahan ang maliliit na hibla ng buhok ni Celestina na nakalitaw sa kaniyang buhok na nakapusod. Magsasalita na sana si Martin ngunit biglang may nagsalita mula sa kaniyang likuran.

"Sa wakas narito ka na! kanina pa kita hinihintay, Natalia" tawag ni Corazon sabay ngiti habang nakaupo sa kaniyang upuan na may gulong. "Paumanhin kung pinaghintay ko po kayo binibini" tugon ni Celestina, dahilan upang mas lalong magulat at maguluhan si Martin sa mga pangyayari.

Muli niyang tinitigang mabuti ang babaeng kaharap, nakasisiguro siya na ang babaeng iyon ay si Celestina ngunit ang hindi niya maintindihan ay nakakapagsalita na ito at iba ang pangalang itinawag sa dalagang tanging nagpapatibok sa kaniyang puso.


****************************

#ThyLove

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top