Ika-Apat na Kabanata
[Kabanata 4]
"MAAARI tayong maging magkaibigan kung iyong nanaisin... Celestina" saad ni Martin sabay ngiti kay Celestina. Gulat namang napatingin sa kaniya si Celestina, hindi siya makapaniwala na kilala na pala siya nito.
Sa loob ng halos labing-isang taon, ito ang unang beses na narinig niyang sambitin ni Martin ang kaniyang pangalan. Hindi siya makapaniwala na ito na iyon, ito na ang araw na dati ay pinapangarap lang niya. Magsasalita pa sana si Martin ngunit nagulat siya nang biglang may umakbay sa kaniya. "Narito ka lang pala, nagtungo ka lang sa Europa hindi mo na tanda ang pasikot-sikot dito" wika ni Timoteo sa kaibigan at sinubukan niya pang guluhin ang buhok nito ngunit umiwas si Martin.
Napatigil si Timoteo nang makita si Celestina na nasa tapat nila at nakapakurap pa siya. "Ikaw ang binibining hinahabol-habol nitong kaibigan ko, hindi ba? Ah! kaya pala ang aga mo gumising upang sundan ang binibining ito" kantyaw ni Timoteo kay Martin habang nakangisi at tinapik ang balikat ng kaibigan.
Agad namang napailing si Martin "N-nagkakamali ka... Binibini huwag mong pakinggan ang sinasabi ng taong ito" depensa ni Martin na ngayon ay namumula na ang mukha at pilit na nagpapaliwanag kay Celestina.
"Kilala kita Tinong nalalaman ko ang iyong mga galaw na ganiyan. Ano na lang kaya ang sasabihin ni---" hindi na natapos pa ni Timoteo ang kaniyang sasabihin dahil biglang sumulpot si Mang Jose hawak ang dalawang rolyo ng papel na naglalaman ng mainit na pandesal.
"A-ako na ang magbabayad" dali-daling saad ni Martin sabay kuha ng kaniyang pitaka ngunit biglang tumilapon sa lupa ang kaniyang mga barya dahilan para mapatingin ang ibang mga mamimili na kakarating pa lang sa panaderia.
"May natataranta" tawa pa ni Timoteo sabay kuha ng tobacco. Agad namang pinulot ni Martin ang mga nagkalat niyang barya sa lupa ngunit nagulat siya nang umupo si Celestina at tinulungan siya.
"A-ako na ang bahala binibini" patuloy ni Martin. Ngayon niya lang napagtanto na nasa tapat niya lang si Celestina at ang lapit ng mukha nito sa kaniya. Hindi niya namalayang napatulala na lang siya sa dalaga habang pinagmamasdan ito na abala sa pamumulot ng barya.
Napansin niya ang mahahabang pilik-mata nito, ang matangos na ilong, ang mapulang labi, ang makinis na balat at ang mata nito na kulay brown. Maging ang ilang hibla ng buhok nito na tumatama sa noo ay nakakapagpadagdag sa ganda ng dalaga.
Nagitla siya nang biglang tumingin si Celestina ng diretso sa kaniyang mata at inabot nito ang ilang barya na nakuha niya. "S-salamat" iyon na lang ang naitugon ni Martin na tila natuyuan ng laway sa lalamunan.
Tumayo na si Celestina at kinuha na niya ang balot ng pandesal na binili niya saka nagbigay galang sa kanilang dalawa. Kumaway siya kay Mang Jose at nagpatuloy na siya sa paglalakad. "Hindi ko akalain na may binibini palang naninirahan dito na ganiyan kaganda" tulalang saad ni Timoteo na ngayon ay nabitawan pa ang tobacco na sinindihan niya kanina. Nang matauhan siya ay dali-dali niya itong pinulot.
"Hindi naman masama na ligawan ko siya hindi ba? Wala namang makakaalam at tiyak na wala namang pakialam ang aking asaw----" hindi na niya natapos pa ang kaniyang sasabihin dahil seryosong napalingon sa kaniya si Martin.
"Hindi nararapat na pagtaksilan mo si Linda" giit nito, napangisi na lang si Timoteo saka tumango. Kahit kailan ay hindi siya nananalo sa tuwing nangangatwiran siya sa kaibigang si Martin na isang magaling na abogado. "At bukod doon hindi tama na saktan ang isang tulad niya" patuloy pa nito, nagtataka namang napalingon sa kaniya si Timoteo sabay hithit muli ng tobacco.
"E' anong ginagawa mo? Bakit mo siya sinusundan? Hindi ba't nagtataksil ka rin niyan kay Loisa?" buwelta naman ni Timoteo, kunot-noo namang napalingon si Martin sa kaniya.
"Hindi ko siya nililigawan, ako'y nakikipag-kaibigan lamang" giit nito ngunit tinawanan lang siya ni Timoteo. "Sa panahon ngayon hindi ganiyan ang pakikipagkaibigan. At sino ba naman ang binibining iyon para habulin ng isang señor Martin Buenavista?" tawa pa muli ni Timoteo at pinaikot-ikot niya pa sa kaniyang kabilang kamay ang kaniyang sumbrero.
"Pakiramdam ko ay isa ako sa mga may kasalanan kung bakit naging ganito ang buhay niya" wika ni Martin habang pinagmamasdan si Celestina na naglalakad ng paika-ika papalayo. Malayo na ito sa kanila ngunit agaw-pansin pa rin ang mabagal at paika-ika nitong paglalakad.
"Siya ba ang iyong tinutukoy na nakasalamuha mo noong isang araw sa pamilihan? Tila napilayan ata siya. Kasalanan mo nga" dagdag pa ni Timoteo, hindi niya maunawaan na may mas malalim na bagay na tinutukoy si Martin.
"Naalala mo ba ang usap-usapan noon sa ating bayan na ang anak ni Don Mateo ay may kapansanan?" tanong ni Martin kay Timoteo ngunit hindi siya nakatingin dito sa halip ay patuloy niya pa ring pinagmamasdan si Celestina na naglalakad papalayo.
Napaisip naman si Timoteo, "Ah! Oo naalala ko pa nga na magtatagumpay dapat kami sa plano na makita ang babaeng iyon ngunit pinigilan mo kami. Kahit kailan panira ka talaga" tawa pa ni Timoteo. Nagsimula namang magdatingan ang mas marami pang mga tao upang bumili ng pandesal sa panaderia ni Mang Jose.
"Ang totoo niyan, ang kapansanan ng anak ni Don Mateo ay hindi ito nakakapagsalita" tugon ni Martin, nagtataka namang napatingin si Timoteo sa kaniya, hindi nito mawari kung bakit biglang napasok sa usapan ang anak ni Don Mateo. "At ang binibining iyon ay ang anak ni Don Mateo... Si Celestina Cervantes" saad ni Martin dahilan para biglang nanlaki ang mga mata ni Timoteo sa gulat at nabitiwan niya muli ang kaniyang tobacco na muling nahulog sa lupa.
KINAGABIHAN, habang naghuhugas si Celestina ng mga palayok at sandok na ginamit sa pagluluto ng hapunan nagulat siya nang biglang may nagsalita mula sa kaniyang likuran. "Pasensiya na hindi ko sinasadya na magulat ka" wika ni Loisa, ang kaniyang tinig ay malambing at malamig na parang isang malamig na bukal ng tubig.
Naptango na lang si Celestina at muli niyang ipinagpatuloy ang paghuhugas ng mga kagamitan. Alas-diyes na nang gabi, suot pa rin niya ang marumi niyang kasuotan na nababalot na ng uling at lupa. Habang ang babaeng nasa likod naman niya ngayon ay suot ang malinis nitong bestida na damit pang-tulog.
"Napakarikit ng buwan ngayong gabi, hindi ba?" patuloy ni Loisa at naglakad siya papalapit sa tabi ni Celestina sabay turo sa labas ng bintana ng maliwanag na buwan sa kalangitan. Napatango na lang ulit si Celestina. Si Manang Dominga lang ang kaniyang naging babaeng kaibigan at hindi siya sanay na makipag-usap kaninuman.
"Marahil ay naging magkaibigan siguro tayo kung ninais mo lang lumabas sa iyong silid noon" patuloy nito dahilan para mapatigil si Celestina sa paghuhugas ng mga palayok. Napatitig lang siya sa mga palayok at napapikit. Sa totoo lang, hindi niya ibig makasalumuha ngayon ang pamilya Espinoza na siyang nanguna sa pagsira at pagpapalayas sa kaniya na hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa kaniyang alaala.
Laguna, 1887
Nang iabot ni Celestina ang isinulat niyang balita na patay na ang kaniyang ama sa isang madre sa simbahan ng Laguna ay agad itong inanunsyo sa buong bayan kasabay ng pagtunog ng agunyas. Si Don Facundo bilang alcalde mayor ang siyang nag-asikaso sa pagpapalibing kay Don Mateo dahil walang nalalaman si Celestina sa mga proseso.
Halos lahat ng mamamayan ay nagtungo sa hacienda Cervantes at nakiramay. Karamihan ay mula pa sa ibang bayan na ang pangunahing pakay ay ang makumpirma kung patay na ba talaga ang tinaguriang gobernadorcillo noon na alagad ng demonyo at bukod doon ay nais din nilang makita ang anak ni Don Mateo.
Nasa Paris na si Martin nang mamatay si Don Mateo at nang malaman niya ito ay nagpadala siya ng liham ng pakikiramay sa anak ni Don Mateo na si Celestina ngunit hindi na ito natanggap ng dalaga dahil matapos lang ilibing ang kaniyang ama ay agad na siyang pinalayas sa kanilang mansyon.
Nagulat si Celestina nang makitang nasa labas na ng bahay nila ang lahat ng kaniyang kagamitan. Naroon din si Don Amadeo Espinoza at ang ilang mga opisyal na kapanalig nito. Naroon din si Maestra Villareal na ang talim ng tingin sa kaniya.
"Ikinalulungkot namin Señorit----Ah! Binibini lang pala. Magmula sa araw na ito ay kinukuha ng bangko ang lahat ng ari-arian niyo. At ang ilan sa mga hindi niyo mababayaran ay ikaw mismo ang magbabayad. Narito si Maestra Villareal mula sa Escuela de las Niñas ng Maynila, maninilbihan ka sa kaniya hanggang mabayaran mo ang kahuli-hulihang kusing na utang ng iyong ama" anunsyo ni Don Amadeo Espinoza, kinuha na ng mga guardia ang mga kagamitan ni Celestina at inilagay ito sa kalesa ni Maestra Villareal.
Agad napaluhod si Celestina sa harapan nilang lahat at nagmakaawa kay Don Amadeo. Patuloy sa pagbagsak ang kaniyang mga luha na ngayon ay hindi na tumitila. "Bibigyan sana kita ng oras upang marinig namin ang iyong pakiusap ngunit naalala ko na may kapansanan ka pa lang tao at ayokong mag-aksaya ng oras na unawain ka pa" pa-kutyang saad ni Don Amadeo na dinagdagan naman ng tawanan ng lahat ng opisyal at mga tao sa paligid.
Tila bumagal ang paligid sa paningin ni Celestina at naghari ang tawanan at pangungutya ng mga tao sa kaniya. Ito ang unang beses na napahiya siya sa napakaraming tao at ngayon ay pakiramdam niya hindi na siya makakaahon pa. Napagtanto niya na tama nga ang desisyon ng kaniyang ama na itago siya sa loob ng mahabang panahon dahil mas gugustuhin niyang mabuhay sa loob ng apat na sulok ng isang masikip na silid kumpara sa napakalaking mundo na puno ng mga taong mapanghusga.
"Aking nababatid na ika'y mailap sa akin dahil isa akong Espinoza ngunit tila mapaglaro ang tadhana, hindi ba? Narito tayong dalawa ngayon sa iisang bubong. Marahil ay isa na rin ito sa paraan ng tadhana upang magkaayos ang ating pamilya" wika ni Loisa, ang lahat ng kaniyang sinabi ay totoong mula sa kaniyang puso. Hindi niya gusto ang gawain ng kaniyang ama ngunit wala siyang karapatan upang kwestiyunin ang kaniyang ama lalo na't isa lamang siyang babae at anak lamang siya nito.
Dahan-dahan namang napalingon sa kaniya si Celestina. Hindi siya ganoon kadali magtiwala sa ibang tao lalo na't puro negatibo ang nakikita ng halos lahat sa kaniya. Wala pa man siyang ginagawa hinuhusgahan na agad siya. Ngunit ngayon nararamdaman niya na ang anak ni Don Amadeo Espinoza na si Loisa ay hindi tulad ng ama nito.
"DALAWAMPU'T-LIMANG pandesal at isang garapon ng mantikilya" saad ni Mang Jose nang makita niya si Celestina, napatango naman ang dalaga at ngumiti ng kaunti. Bukod kay Esteban ay natutuwa si Celestina dahil kahit papaano ay mabait sa kaniya si Mang Jose na panadero.
Ilang sandali pa, habang pinagmamasdan ni Celestina ang pagsalang ng hilaw na pandesal sa pugon ay biglang may nagsalita muli sa likuran niya. "Dalawampu't-limang pandesal at isang garapon ng mantikilya rin po sa akin manong" nakangiting wika ni Martin at nagbigay galang pa siya kay Mang Jose.
Nagtataka namang napalingon sa kaniya si Mang Jose "Hindi ba't ikaw din ang binatang bumili ng ganito karaming tinapay sa akin kahapon?" usisa ni Mang Jose, nasa edad kuwarenta na si Mang Jose at payat ang pangangatawan nito. Medyo maitim din ang kaniyang balat dahil araw-araw siyang tutok sa usok ng pugon.
Napakamot naman sa ulo si Martin sabay ngiti "Opo, ako nga po"
"Tila napakarami naman ng iyong bibilhing pandesal? Ilan ba kayo sa inyong tahanan?" usisa pang muli ni Mang Jose sabay tingin kay Celestina at kumindat ito. Natawa naman si Celestina dahil parang tatay-tatayan ang dating ni Mang Jose. Kinabahan si Martin.
"S-sadyang malakas lang po kumain ang mga kasama ko sa bahay" sagot ni Martin sabay himas sa batok niya. Magkatabi sila ngayon ni Celestina sa bungad ng panaderia. Papasubong na ang liwanag ng araw dahilan upang maaninag na niya ang kagandahan ng dalaga.
"Taga-saan ka ba, hijo?" usisa pa ni Mang Jose, hinubad na ni Martin ang kaniyang sumbrero dahil pinagpapawisan na siya at nakakaramdam siya ng init. Naisip niya na siguro ay dahil malapit siya sa pugon kung kaya't naiinitan siya.
"Taga-Laguna po"
"Kung gayon, bakit narito ka sa Maynila?" mabilis na tanong ni Mang Jose sabay lagay ng isang sakong uling sa napakalaking pugon.
"A-ang dahilan po niyan a-ay..." nag-aalinlangan siya ngayon. Hindi naman niya pwedeng sabihin na dahil hinihintay niyang makapunta ng Leyte ang kaniyang kapatid na si Julian bago siya magpakita sa kaniyang pamilya sa Laguna. Nabalitaan niya noong isang araw na sa susunod na buwan pa pala magtutungo si Julian sa Leyte kung kaya't pinag-iisipan pa niya ngayon kung pupunta na ba siya sa Laguna.
Mabuti na lang din dahil napakiusapan niya si Maestra Villareal na huwag muna sabihin kay Don Facundo na narito na siya sa Pilipinas. At tulad ng dating gawi papadalhan niya ng pabango at mamahaling sandalyas ang señora kada linggo.
"Hijo, hindi magandang sundan mo ang isang binibini sa ganitong paraan" pangaral ni Mang Jose, itinaas pa nito ang kaniyang manggas at natawa si Celestina dahil nagpapatawa na naman si Mang Jose na palaging pinagmamalaki ang kaniyang braso na buto't balat naman.
Nagulat naman si Martin at agad napailing-iling at iwinasiwas niya pa sa ere ang kaniyang kamay upang itanggi ang binibintang ni Mang Jose na sinusundan niya si Celestina kahit ang totoo ay ginagawa naman niya talaga. Maaga rin siya nagigising at ang plano niya ay araw-araw niya itong aabangan sa panaderia ni Mang Jose para kausapin. Nais niyang tulungan ang dalaga dahil sa ganoong paraan ay matatahimik ang kaniyang konsensiya.
"N-nagkakamali po kayo... Hindi ko po---" hindi na niya natapos ang kaniyang sasabihin dahil biglang sinipa ni Mang Jose ang bangkito sa gilid niya. "Sinasabi ko na sa iyo bata, parang anak na rin ang turing ko kay Tinang kaya ikaw matuto kang lumugar hijo" banta pa ni Mang Jose na dinaig pa ang tapat ng tatay ni Celestina.
Natawa na lang si Celestina dahil palaging nagbibiro ng ganoon si Mang Jose. Aalma pa sana si Martin ngunit biglang inabot na ni Mang Jose ang mga pandesal na pinamili nila. "Ako'y nagbibiro lang bata, pangarap ko kasi noon magtanghal sa teatro ngunit napag-isip ko na mas kailangan ng sambayanan ang pandesal na panlaman sa tiyan" tawa pa ni Mang Jose sabay tapik sa balikat ni Martin. Tinapik din niya ang ulo ni Celestina sabay kindat dito dahil may naloko na naman silang dalawa.
Napatulala na lang si Martin at hindi niya alam kung anong magiging reaksyon niya. Isa pa man din siyang abogado ngunit natameme siya nang pagbintangan siyang pinopormahan ang isang dalaga. Napalingon siya kay Celestina na nasa tabi niya ngayon, sumesenyas ito habang nakikipag-usap kay Mang Jose. Tumatango naman si Mang Jose at nakikipag-tawanan sa dalaga.
Hindi namalayan ni Martin na napatulala na pala siya kay Celestina. Ngayon niya lang napansin na may dalawang palubog na biloy ito sa magkabilang pisngi (dimples). At ang mga mata nito ay sumisingkit sa tuwing tumatawa kasabay ng pagkulot ng matangos nitong ilong.
Ilang sandali pa ay nagulat siya nang kumaway na si Celestina kay Mang Jose at nagpatuloy na ito sa paglalakad. "M-mauuna na rin po ako" paalam ni Martin kay Mang Jose na tanging tango lang ang isinagot nito. Nakuha na rin niya ang mga binili niyang pandesal. Dali-daling hinabol ni Martin si Celestina at sinabayan niya ito sa paglalakad.
"Hindi ko akalain na isang palabas lang pala ang nangyari kanina" nakangiti niyang saad, hindi naman siya inimik ng dalaga at napatingin lang ito sa kaniya. Ngunit sa kaloob-looban nito ay sumasabog na rin ang puso nito sa kaba dahil hindi niya akalaing sasabayan siya ngayon ni Martin maglakad sa gitna ng kalsada.
Patuloy na dumadaan ang mga kalesa sa gitna habang ang mga tao naman ay naglalakad ng dahan-dahan sa gilid. Halos karamihan din sa mga bahay ay sarado pa ang bintana habang ang iba namang tindahan ay nagbubukas na sa mga oras na ito.
"Siya nga pala sasamahan na kita sa inyo" saad pa nito, hindi naman umimik si Celestina ngunit hindi na siya makahinga nang maayos ngayon dahil sa malakas na pagkabog ng kaniyang puso.
Napatingin naman si Martin paglalakad ni Celestina, kumpara kahapon ay mas maayos na ang paglalakad nito at mas mabilis na. "May kakilala akong doktor, maaari niyang suriin ang iyong binti. Ako na ang bahala sa lahat ng gamot at mga gastusin" wika pa ni Martin, nagulat naman si Celestina nang biglang kunin ni Martin ang dala-dala niyang bayong na naglalaman ng bagong lutong pandesal.
"Ako na rin ang magdadala nito" ngiti pa ng binata, akmang kukunin niya sana iyon sa kamay ng binata ngunit nang sandaling magdikit ang kanilang palad ay bigla siyang napaatras. Maging si Martin ay nagitla rin sa nangyari dahil hindi nararapat na magdikit ang kanilang balat.
Nagpatuloy na ulit sa paglalakad si Celestina na ngayon ay tila hinahabol ng bawat pintig ng kaniyang puso. Kung kailan handa na niyang kalimutan ang lalaking bahagi ng kaniyang nakaraan ay narito naman ito ngayon sa harapan niya at pilit siyang sinusundan.
"S-siya nga pala, isa na akong ganap na abogado. Kung may hinaing ka o suliranin patungkol sa iyong trabaho ngayon ay maari mo akong lapitan" wika pa ni Martin habang hinahabol si Celestina sa paglalakad, kinuha rin niya ang isang maliit na papel sa kaniyang bulsa kung saan nakasulat ang kaniyang buong pangalan at ang lokasyon ng kanilang tahanan sa Laguna.
Napatigil si Celestina sa paglalakad nang iharang ni Martin sa tapat niya ang maliit na papel. "Kung may nais kang sampahan ng kaso maaari mong sabihin sa akin at gagawan natin ng paraan iyan" wika pa ni Martin sabay ngiti. Napatitig naman si Celestina sa papel na iyon at napalingon siya kay Martin. Mas matangkad ito sa kaniya at hanggang leeg lang siya ng binata.
"Sino ba ang nais mong sampahan ng kaso?" tanong pa muli ni Martin, napatingin naman si Celestina ng diretso sa kaniyang mata sabay turo sa kaniya. Napanganga na lang sa gulat si Martin dahil sa kapilyahang ginawa ni Celestina na ngayon lihim na napangiti at nagpatuloy muli sa paglalakad.
"NAKAUSAP ko na siya kagabi ngunit tila hindi pa siya handang kausapin ako" saad ni Loisa, magkatabi silang nakaupo ni Martin sa mahabang salas at malaki ang espasyo sa pagitan nila. Habang nasa azotea naman si Maestra Villareal at abala ito sa pagbuburda.
"Sa ngayon, mas mabuti siguro kung humanap ka ng paraan upang kumbinsihin si Maestra Villareal na palayain na si Celestina sa kaniyang puder" wika ni Martin, mag-kakalahating oras na silang magkausap ni Loisa at nagkasundo silang tulungan si Celestina. Alas-sais na ng hapon, abala naman si Celestina sa pagluluto kasama si Esteban.
"Saan naman natin patitirahin si Celestina?" nag-aalalang tanong ni Loisa, gustuhin man niyang tulungan si Celestina ngunit nangangamba rin siya dahil siguadong sa oras na malaman ng kaniyang ama ang ginagawa niyang pagtulong sa isang Cervantes ay parurusahan siya nito.
"Nasabi ko na ito kay Timoteo kahapon, naghahanap ngayon ng kasambahay si Linda. Sa tingin ko, mas makakabuti kung mapupunta si Celestina sa kanila" saad ni Martin, napaisip naman ng mabuti si Loisa. Mabait ang asawa ni Timoteo na si Linda sadyang masungit lang ito kay Timoteo dahil labag talaga ang kalooban niya na magpakasal sa binatang si Timoteo kung kaya't magpahanggang ngayon ay hindi siya pumapayag na sumiping sa asawa.
"Ngunit batid mo naman na may pagka-pilyo 'yang kaibigan mo. Maganda si Celestina at hindi malabong... Alam mo na" saad ni Loisa, hindi naman agad nakapagsalita si Martin. Totoo ang sinabi ni Loisa, maganda talaga si Celestina at ngayon ay nakadagdag na rin sa problema niya ang pagkahilig ni Timoteo sa babae.
"Mas mapapasama ang kalagayan ni Celestina kapag nagkaroon ng usapan na may relasyon ito sa ginoong may asawa na" dagdag pa ni Loisa, mas lalo tuloy namomblema si Martin dahil hindi niya naisip ang bagay na iyon.
"Susubukan ko na lang maghanap ng ibang mapupuntahan niya. Sa ngayon, nais ko munang maalis siya rito sa puder ni Maestra Villareal" wika ni Martin, napatango naman si Loisa bilang pagsang-ayon.
KINABUKASAN, ilang ulit na nagpalinga-linga sa paligid si Celestina habang naglalakad siya patungo sa panaderia ni Mang Jose. Alas-kuwatro na ng umaga ngunit makikita na agad ang pag-usbong ng liwanag. Habang naglalakad si Celestina ay hindi niya mapigilang umasa na biglang susulpot mayamaya si Martin sa paligid.
"Dalawampu't-limang pandesal at isang garapon ng mantikilya... Magandang umaga Tinang" nakangiting bati ni Mang Jose, ngumiti naman si Celestina lalo na't tinawag na naman siya nito sa kaniyang palayaw na tanging si Manang Dominga at ang kaniyang ama lang ang nakakaalam noon.
Ilang minuto pa ang lumipas hindi na mapakali si Celestina, batid niyang sa mga oras na ito ay dapat sumulpot na si Martin ngunit wala pa rin. "Heto na hija, dinagdagan ko pa ng sampung pandesal iyan para sa inyo ni Esteban" ngiti ni Mang Jose. Ngumiti si Celestina, sumenyas siya at nagpasalamat kay Mang Jose.
Habang naglalakad siya pabalik sa tahanan ni Maestra Villareal ay hindi niya mapigilang magpalingon muli sa paligid baka sakali na makikita niya muli si Martin ngunit hindi pa rin ito dumating.
Lumipas pa ang tatlong araw, ganoon pa rin ang dating gawi ni Celestina na pagsapit ng bukang-liwayway ay dapat nakabili na siya ng pandesal. Ngunit sa pagkakataong iyon wala pa rin ang presensiya ni Martin. "Hindi ka ba nakakatulog nang maayos hija?" tanong ni Mang Jose habang isinasalang niya ang mga pandesal sa pugon.
Napailing naman si Celestina at sumenyas siya na ayos lang siya. "Tila may malalim kang iniisip hija" patuloy pa ni Mang Jose. Napailing ulit si Celestina, kahit anong tanggi niya ay hindi pa rin niya mapigilang malungkot dahil nangangamba siya na baka nga wala na si Martin at umuwi na ito sa Laguna.
"Napansin ko rin na hindi na umaaligid dito ang binatang sumusunod sa iyo. Napagod na ba ang batang iyon? Kung gayon, huwag mo siyang panghinayang hija dahil ang tunay na nagmamahal ay gagawin ang lahat para sa taong kaniyang minamahal at wala sa kaniya ang salitang kapaguran" ngiti pa ni Mang Jose at tinapik niya muli ang ulo ng dalaga. Nang sandaling iabot na nito ang biniling pandesal ni Celestina ay kumaway na ito at nagpaalam.
Habang naglalakad si Celestina pabalik sa tahanan ni Maestra Villareal ay tulala lang siya sa lupa. Nagsimula na ring dumami ang mga tao na ngayon ay bibili ng makakain. May mga binatilyo may mga bitbit na dyaryo na naglilibot sa paligid.
Ang mga kababaihan naman bitbit ang kanilang mga bayong ay abala ngayon sa pakikipagkwentuhan kasama ang kanilang mga kumare. Ang ilan naman sa mga mayayamang kalalakihan ay nakasakay sa kalesa na maghahatid sa kanilang mga destinasyon.
Ilang sandali pa, nagulat si Celestina nang biglang may sapatos na tumapat sa kaniyang daraanan. Nakayuko siya ngayon at nakatingin lamang sa lupa kung kaya't nabigla siya dahil may humarang sa kaniya. Nang siya'y tumingala nagulat siya nang makita si Martin na nakangiti ngayon sa kaniya.
Ang mas lalong ikinagulat niya ay bigla itong sumenyas ng 'Magandang Umaga binibini'
Halos walang kurap si Celestina na nakatulala kay Martin. Hindi niya mawari kung bakit marunong na ngayon si Martin gumamit ng pag-senyas. Ang sign language ay nagsimula pa sa Pransya.
Napahimas si Martin sa kaniyang batok. Natutuwa siya ngayon dahil nasurpresa nga niya si Celestina. Halos tatlong araw din niyang tinutukan ang pag-aaral ng pag-senyas mula sa kaibigang propesor ni Timoteo na isang Pranses. Noong una ay nahirapan talaga siya ngunit hindi nagtagal ay mas lalo siyang nagpursigi na matuto dahil nakatitiyak siya na sa ganoong paraan ay kakausapin na siya ni Celestina.
"Narinig ko pala noong isang araw mula kay Mang Jose na Tinang pala ang iyong palayaw. Hindi ba nakakatuwa dahil ang palayaw ko naman ay Tinong" nakangiting saad ng binata dahilan para mas lalong lumakas ang pagkabog ng puso ni Celestina. Kasabay niyon ay parang bumagal ang pagtakbo ng paligid at tanging silang dalawa lang ang natira sa gitna ng magulong kalsada na puno ng mga nagmamadaling kalesa at mga taong nagbabatian ng magandang umaga.
"Hindi pala biro matutunan ang mundong iyong ginagalawan. Ngunit kahit ganoon ay nais ko pa ring matuto upang ikaw ay aking maintindihan" patuloy ni Martin at sa huling pagkakataon ay muli siyang sumenyas na tanging siya lang at si Celestina ang makakaalam.
Mula ngayon nais kong maging bahagi ng iyong mundo... Tinang.
*******************
#ThyLove
Sign Language History: The History of Sign Language by study.com (Chapter 9, Lesson 31)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top