Ika-Anim na Kabanata


[Kabanata 6]

HUMAKBANG si Martin papalapit sa dalaga upang tingnan nang mas mabuti kung si Celestina nga ang babaeng nakita niyang tumatakbo sa gitna ng kalsada habang papunta siya sa bahay-aliwan upang sunduin si Timoteo na hinahanap na ng asawa nito.

"Celestina, ikaw nga... Anong? Paanong... " gulat niyang tanong at pinagmasdan si Celestina mula ulo hanggang paa. Basang-basa na ito ng ulan at balot na balot na rin ng putik ang kaniyang kasuotan. 

Ilang sandali pa ay napatigil siya nang muling magtama ang paningin nilang dalawa. "B-bakit ka lumuluha? Anong nangyari?" sa lahat ng mga tanong na gumugulo sa kaniyang isipan kung bakit naroon si Celestina sa gitna ng ulan ay ang pagtangis nito sa mga oras na iyon ang tila pana na tumama at nagpadurog sa kaniyang puso.

Napayuko na lang si Celestina, napahawak siya sa kaniyang bibig at tuluyan na ngang umagos ang kaniyang luha na humahalo na sa tubig ulan. Napapikit na lamang siya at napahikbi nang tuluyan. Magkahalong saya at matinding pasasalamat ang nadarama niya sapagkat hindi niya inaasahan na matatagpuan siya ng lalaking alam niyang matutulungan siya.

"Anong ginagawa mo rito sa labas mag-isa? Bakit ka lumusong sa ulan? At... at anong dahilan kung bakit ka lumuluha?" patuloy ni Martin habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Celestina. Hindi na rin niya alintana ang malakas na ulan na bumubuhos sa paligid dahil sa ngayon ay mas matimbang ang kaba, takot at pag-aalala na nararamdaman niya para kay Celestina.

Nanginginig na kinuha ni Celestina ang basang papel na sinulat niya para kay doktor Mercado nang humingi siya ng tulong para gamutin si Esteban ngunit sinigawan at sinaraduhan lang siya nito ng pinto. Halos mapunit na ang papel na iyon na maingat na binuklat ni Martin upang basahin.

"Si Esteban? Nasaan siya?!" gulat na tanong ni Martin nang mabasa niya ang nakasulat sa papel. Nitong mga nakalipas na araw ay nagiging malapit na siya sa bata at palagi niya pa ito binibigyan ng pagkain. 

"Celestina, akong bahala, dadalhin natin siya sa aking kaibigan" Kinuha ni Martin si Esteban kay Celestina at binuhat ito. Nagsimula na silang maglakad, napansin ni Martin na paika-ika ang lakad ni Celestina. Hinawakan niya ang braso nito upang alalayan sa paglalakad. Bukod sa hindi pa magaling ang mga tinamo nitong pasa mula kay Maestra Villareal ay pagod na rin si Celestina sa haba ng nilakad niya habang buhat si Esteban. 

"B-batid kong hindi kita dapat hawakan nang ganito ngunit hindi ko hahayaang mawalan ka ng malay rito" wika ni Martin. Hinawakan niya ang noo at leeg ni Esteban na ngayon ay inaapoy na ng lagnat. 

"Esteban! Imulat mo ang iyong mga mata. Naririnig mo ba ako? Esteban!" tinapik-tapik ni Martin ang pisngi ng bata upang gisingin ito. Hindi na makapagsalita nang maayos ang bata. Maging ang boses nito ay nanginginig na ngayon dahil sa matinding kaba at lamig.

Ilang sandali pa ay iminulat ng kaunti ni Esteban ang kaniyang mga mata na ngayon ay maluha-luha na at namumula pa. "G-ginoo. Hindi ko pa ho ibig mamatay" nanghihinang wika ni Esteban, agad naman siyang niyakap ni Martin. "Hindi ka mamamatay. Magpakatatag ka" 

Napatigil si Martin sa paglalakad saka tumingin kay Celestina, "Hindi ko batid kung nasaan si Timoteo ngayon. Hindi ako nakatitiyak kung nasa bahay-aliwan siya. Kailangan nang magamot si Esteban at wala ng oras kung maghahanap pa tayo ng ibang doktor" wika ni Martin. Nagpatuloy sa paglalakad si Martin ngunit napansin ni Celestina na pabalik ito sa kalye patungo sa tahanan ni Doktor Mercado. 

Hindi na napigilan pa ni Celestina nang kalabugin ni Martin ang pinto ng bahay ni Doktor Mercado. Halos magiba na ang pinto sa lakas ng pagkalabog niya at sinipa niya pa ito dahil sa matinding inis. Kahit hindi sabihin ni Celestina ay napagtanto ni Martin na tinanggihan si Celestina ni doktor Mercado dahilan upang maghanap ito ng ibang malalapitang doktor.

Ilang sandali pa ay bumukas ang pinto. Tumambad sa harapan nila ang galit na galit na hitsura ng matandang doktor ngunit nanlaki ang mga mata nito nang makilala niya kung sino ang binatang nasa harapan niya ngayon na basang-basa na rin sa ulan at ang talim ng tingin sa kaniya. "G-ginoong Martin, ano pong maipaglilingkod ko?" kinakabahang tanong ni doktor Mercado, hindi na siya makatingin ng diretso sa kaniya. Maging kay Celestina at sa batang buhat nito ay hindi na rin niya magawang tumingin pa.

"Hindi ba dapat batid mo na ang pakay namin dito? Hindi ba't isa kang doktor? Ano ba ang tungkulin ng isang doktor sa lipunan? Baka nais mong ipaalala ko sa iyo ang iyong responsibilidad o baka naman mas ibig mong ipaalala ko sa iyo ang parusang katumbas ng pagiging iresponsable mo?" matapang na saad ni Martin habang matalim na nakatingin ng diretso sa mga mata ni doktor Mercado na ngayon ay hindi nakapagsalita sa gulat. 

Malaki ang impluwensiya ni Don Facundo na ama ni Martin. Malaki ang utang na loob ni doktor Mercado sa pamilya Buenavista. Bukod doon ay isa pa sa kinatatakutan niya ay isa nang ganap na abogado si Martin na maraming nalalaman sa batas. 

"P-pasok kayo... Aking ihahanda ang mga kagamitan" saad ni doktor Mercado habang nakayuko saka binuksan nang malaki ang pinto ng kaniyang tahanan. Dali-daling siyang tumakbo papasok sa kaniyang klinika at inihanda ang mga gamit. 

Matapos suriin ang bata, mabilis na kumuha ng isang papel si doktor Mercado. "Kailangan niyang magpahinga rito ng isang linggo upang masubaybayan ko ang kaniyang kalusugan. Matinding pagod at gutom ang sanhi ng kaniyang pagkakasakit dahilan upang bumigay ang kaniyang katawan at apuyin siya ng lagnat. Ito ang mga gamot na makakatulong para sa kaniya"  habang nililista ang mga gamot sa isang papel at inabot niya iyon kay Martin.

Malaki ang klinika ni doktor Mercado at isa siya sa mga kilalang doktor sa Maynila. Utang na loob niya ang puhunan at kasikatan kay Don Facundo at sa pamilya Buenavista na siyang tumulong sa kaniya na makapagpatayo ng klinika. Kung kaya't ganoon na lamang ang kaniyang matinding kaba nang bumungad si Martin sa labas ng kaniyang tahanan.

Nakahiga sa maganda at malambot na higaan si Esteban habang nasa tabi naman niya si Celestina at hawak nito ang kamay niya. Alas-tres na nang madaling araw, kahit papaano ay bumaba na ang lagnat ni Esteban sa tulong ni doktor Mercado at sa gamot na binigay nito bilang paunang lunas.

Nakaupo naman sa kabilang silya si Martin na ngayon ay nakatingin kay Celestina at Esteban. Hinahawi ni Celestina ang buhok ni Esteban dahilan upang napahimbing ang tulog nito. Magmula nang makarating sila sa klinika ay hindi man lang umidlip si Celestina dahil tutok na tutok ito sa bata, hindi niya rin binitiwan ang kamay nito.

"Kompleto ako ng mga gamot ngunit bukas pa darating ang aking katulong sa botika" saad ni doktor Mercado, binasa naman ni Martin ang mga gamot na nireseta ni doktor Mercado.

"Iyong bang sinasabi na kailangan pa naming maghintay na dumating ang iyong mga katulong sa botika bago mapainom ng ibang gamot ang bata? Ganoon na ba kataas ang tingin mo sa iyong sarili dahilan upang hindi mo magawang kunin mismo sa botika ang mga gamot? Nakakababa ba sa estado ng isang doktor ang pagkuha o pagbalot ng gamot?" saad ni Martin, hindi agad nakaimik si doktor Mercado. Kahit saang anggulo tingnan ay hindi niya gagawin ang tungkuling ng katulong niya sa botika kahit pa nasa tabi lang ng tahanan niya ang kaniyang botika.

Nagulat si doktor Mercado, maging si Celestina nang lukutin ni Martin ang papel na sinulatan ni doktor Mercado ng reseta at ibinato iyon sa sahig. Kahit hindi sinabi sa kaniya ni Celestina, napagtanto ni Martin na kaya gusot-gusot at halos mapunit na ang papel na sulat ni Celestina para kay doktor Mercado kanina ay dahil nilukot at itinapon iyon ng matapobreng doktor sa gitna ng ulan.

"Kung minsan, habang patuloy ang isang tao sa pagtingala sa tuktok ng bundok, kaniyang nakakaligtaan na ang kaniyang mga paa ay nakatapak pa rin sa lupa. Hindi ibig sabihin na nasa itaas ka ngayon ay habambuhay kang mananatili sa tuktok, dahil darating din ang panahon na kahit ang dahon na nasa pinakatuktok ng mataas na puno ay nahuhulog at bumabagsak muli sa lupa" saad ni Martin sabay tingin ng diretso kay doktor Mercado na napatulala at napayuko na lang sa kaba.

Tumayo si Martin at naglakad papunta sa kinahihigaan ni Esteban at binuhat muli ang bata. Napatayo si Celestina at nagtatakang napatingin sa kaniya "Sa tingin ko ay nasa bahay na si Timoteo" saad ni Martin sabay tingin sa orasan niyang kuwintas na gawa sa ginto. Ibinalik na niya ito muli sa kaniyang bulsa saka ngumiti ng kaunti kay Celestina. "Doon tayo sa doktor na mapagkakatiwalaan" patuloy niya.

Sinamahan sila ni doktor Mercado papalabas ng pinto, batid niyang kahit anong sabihin niya ay nasira na niya ang tiwala ng isang Buenavista. "Aking hihiramin sandali ang iyong kalesa, ipapabalik ko na lang ito mamaya" saad pa ni Martin, agad tumango si doktor Mercado at inutusan niya ang kaniyang kasambahay na ihanda at ilabas ang kalesa.

Bago makalabas ng pinto ay napatigil muli si Martin at napalingon kay doktor Mercado na nakatayo sa gilid at nakayuko. Ni hindi na nito magawang tumingin ng diretso sa kaniya ngayon. "Huwag kang mag-alala, ang lahat ng sinabi ko kanina ay hindi babala... Iyon ay isang paalala" wika ni Martin kay doktor Mercado bago siya tumango kay Celestina at lumabas na sila sa tahanang iyon.


"JUSMIYO! Bakit ganiyan ang iyong hitsura? Sino ang batang ito? At sino ang babaeng iyan? Siya ba si Loisa? Huwag mo sabihing nagtanan kayong dalawa!" gulat na wika ni Linda nang buksan niya ang pinto at tumambad sa harapan niya si Martin habang buhat nito ang isang batang lalaki at may kasama siyang isang dalaga.

"Nariyan na ba si Timoteo? Siya nga pala, may bakanteng silid ba kayo? Kailangan nilang makapagpahinga rito" saad ni Martin na pumasok na sa loob ng bahay. Napalingon siya kay Celestina at agad sumenyas na pumasok na rin siya. Agad nagbigay-galang si Celestina kay Linda bago siya pumasok sa loob ng tahanan nito.

"Mayroong bakanteng silid sa dulo" sagot ni Linda, dahan-dahan siyang naglakad papalapit kay Celestina at tiningnan ito mula ulo hanggang paa. "Napakaganda pala ng iyong kasintahan Martin. Ikinalulugod ko na makilala ka Binibining Loisa" ngiti ni Linda sabay hawak sa kamay ni Celestina na ngayon ay napatulala sa kaniya sabay tingin kay Martin. Maging si Martin ay nagulat dahil pinagkamalan silang magkasintahan.

"Ahh... Siya nga pala, ang matanong na parang manok na babaeng ito ay si Linda Buenavista. Siya ay pinsan ko na asawa ng aking kaibigang si Timoteo na isang doktor" pakilala ni Martin kay Celestina, napatango si Celestina. Samantala, napakunot naman ang noo ni Linda dahil inihantulad siya ni Martin sa manok.

"Ganiyan mo ba ako ipapakilala sa iyong kasintahan? Pareho talaga kayo ng iyong kaibigan na sakit sa ulo" buwelta ni Linda na ngayon. Mainit ang kaniyang ulo sapagkat anong oras na rin umuwi kagabi ang kaniyang asawa na tila nanggaling na naman sa bahay-aliwan.

"N-nagkakamali ka, hindi kami magkasintahan. S-siya nga pala si Celestina Cervantes" saad ni Martin kay Linda na ngayon ay napanganga sa gulat. Halos lumuwa na ang kaniyang mata habang nakatitig kay Celestina.

"Cervantes? Ang unica hija ni Don Mateo Cervantes?" gulat na tanong ni Linda, napalunok pa siya sa matinding pagkabigla. Hindi niya akalaing makikita niya ngayon ang tinaguriang barakuda at isinumpang anak ng Don. Matagal na niyang naririnig na isa nang alipin ni Maestra Villareal ang anak ni Don Mateo ngunit kailanman ay hindi niya pa ito nakita dahil hindi naman siya lumalabas ng bahay at hindi rin siya nakikisali sa mga umpukan ng mga taong mahilig sa usap-usapan.

Magsasalita pa sana si Linda ngunit agad siyang hinila ni Martin. "Kailangan nang makapagpahinga ni Esteban" saad nito sabay hila sa pinsan na hanggang ngayon ay tulala pa rin dahil sa gulat.


ALAS-SAIS na nang umaga. Nagluto ng masarap na almusal si Linda para sa mga bisita. Siya ay dalawampu'tatlong taong gulang na at halos dalawang taon na silang kasal ni Timoteo. Maganda si Linda na nagmula rin sa lahi ng pamilya Buenavista. Ang kaniyang ama at si Don Facundo ay magkapatid kung kaya't pinsan niyang buo ang apat na anak ng Don.

Maputi, matangkad, bilugan ang mukha, maganda ang mga mata at matangos ang ilong ni Linda. Karamihan sa kaniyang mga kaibigan ay nasa Laguna at kahit pa dalawang taon na silang naninirahan ng kaniyang asawa sa Maynila ay wala pa rin siyang kaibigan dahil hindi niya gusto ang pag-uugali ng mga dalaga sa sentro.

Napatigil si Linda nang matanaw si Martin na nakasilip sa pintuan ng silid kung saan naroon ang batang si Esteban habang binabantayan ito ni Celestina. Dahan-dahan siyang naglakad at nang maka-tiyempo siya ay bigla niyang ginulat ang pinsan.

Napaatras sa gulat si Martin at napakunot ang kaniyang noo habang tinatawanan siya ng kaniyang pinsan na mahilig din mangantyaw. "Bakit naman gulat na gulat ka? Tila may tinatago kang hindi namin dapat malaman" ngiti ni Linda, sumilip din siya ng kaunti sa pintuan. Kasalukuyang natutulog nang mahimbing si Esteban habang hinahawi ni Celestina ang buhok nito.

"Kay ganda naman pala ng anak ni Don Mateo. Hindi ba siya ang nakatakdang papakasalan mo dapat noon?" tanong ni Linda habang nakasilip sa pintuan. Nasamid naman si Martin sa sarili niyang laway at napaubo.

"Kung pinakasalan mo lamang siya tiyak na hindi niya sasapitin ang lahat ng ito. Marami na akong naririnig noon patungkol sa pagiging matapobre ni Maestra Villareal at hindi na ako magtataka kung pinagbubuhatan ng maestrang iyon ang kamay si Celestina" patuloy ni Linda, hindi naman nakapagsalita si Martin. Kahit saang anggulo tingnan ay bahagi rin siya ng paghihirap na sinasapit ngayon ni Celestina.

"Nais ko siyang makausap, sa tingin ko ay magkakasundo kami" ngiti pa ni Linda at akmang kakatok na siya sa pinto ngunit pinigilan siya ni Martin. "Hindi siya nakakapagsalita... at isa iyon sa paghihirap na nais kong pagaanin para sa kaniya" saad ni Martin na ikinagulat muli ni Linda.


"IKAW ay magpalit muna ng damit, heto may mga damit ako na ibibigay sa iyo" ngiti ni Linda habang isa-isang inalalagay sa tampipi ang mga baro't saya niyang napakarami at ang iba ay bago pa. Napatigil si Celestina sa pagkain ng almusal dahil sa dami ng damit na binibigay sa kaniya ni Linda.

"Huwag mo akong tanggihan. Nagtatampo ako sa mga taong tumatanggi sa aking regalo. At isa pa, nais ko ring matuto gumamit ng pag-senyas. Maaari bang mga damit na lang ang itatahi ko para sa iyo bilang kapalit ng pagtuturo mo sa akin?" ngiti pa ni Linda at hinawakan niya ang kamay ni Celestina.

"Hindi ko batid ngunit ang gaan ng pakiramdam ko sa iyo. Kahit pa noong kalat na kalat ang usapan sa pamilya niyo noong nasa Laguna pa ako ay madalas akong nakikiusap kay ama na isama niya ako sa inyong hacienda para maging kaibigan ko si Celestina na tanging sa pangalan ko lang noon kilala ngunit ngayon ay hindi ko akalaing makikilala na kita" ngiti pa ni Linda dahilan para mapangiti rin si Celestina lalo na't hindi niya akalaing mainit siyang tatanggapin nito.

Kanina, pagdating nila ay agad ginising ni Martin si Timoteo upang tingnan at gamutin si Esteban. Kahit lango pa sa alak si Timoteo ay bumalik agad ang kaniyang ulirat dahil mayroong may sakit na kailangan niyang tulungan. Bukod doon ay nagising din talaga ang diwa niya dahil sa pagbubunganga ni Linda.

Mabait at malambing naman si Linda ngunit iba ang trato niya sa kaniyang asawa lalo na't ayaw naman niya talaga magpakasal dito. Iyon ang bagay na napansin ni Celestina kanina habang ginagamot ni Timoteo si Esteban at tumutulong naman si Martin, samantala si Linda naman ay naiirita kay Timoteo.

"Halika, tutulungan kita magbihis" saad ni Linda sabay hila kay Celestina papunta sa palikuran. Hindi pa nakakapagpunas at nakakapagpalit ng damit si Celestina magmula nang dumating sila ni Martin sa tahanan nila Linda. Ang damit niya ay basang-basa sa ulan at nababalutan na rin ng putik. Inuna niya pang bihisan at asikasuhin si Esteban bago niya intindihin ang kaniyang sarili.

"Kung makakasulubong ko kayo sa daan kanina, aking aakalain na mag-asawa kayo ni Martin at ang anak niyo naman ay si Esteban" ngiti muli ni Linda habang sinusuklay ang buhok ni Celestina na nakaupo sa tapat ng salamin. Malinis at desente na muli tingnan si Celestina lalo na't magandang baro't saya na kulay puti at pula ang pinasuot sa kaniya ni Linda.

Nagulat si Celestina sa sinabi ni Linda. Nakaramdam din siya ng hiya. Ngunit kahit ganoon ay nagpapasalamat din siya dahil si Manang Dominga lang ang nakakaalam na may gusto siya kay Martin. Kinuha ni Celestina ang isang papel sa gilid ng mesa kung saan naroon din ang pluma at tinta.

'Kailan niyo balak magkaroon ng supling ni Señor Timoteo?'

Nagulat si Linda sa isinulat ni Celestina sa papel. Napahawak pa siya sa kaniyang katawan at napailing ng ilang ulit. "Hindi mangyayari iyon, hindi ako magkakaanak lalo na sa pilyo at walang hiya kong asawa na iyan na palaging pinapasakit ang aking ulo" wika ni Linda. Napalakas din ang pagsuklay niya sa buhok ni Celestina dahil sa gigil kay Timoteo.

'Maaari ko bang malaman kung anong naging kasalanan sa iyo ni Señor Timoteo?'

Natatawa si Celestina dahil nangisay sa inis si Linda nang mabasa niya iyon. "Basta, napakahabang kwento. Tiyak na sasakit ang iyong ulo sa oras na malaman mo" nanggigigil na tugon ni Linda na ngayon ay iritang-irita sa usapan nila patungkol sa kaniyang asawa.


ALA-UNA na ng hapon, kasalukuyang natutulog si Celestina sa silid ni Linda dahil halos wala pa itong tulog mula kagabi. Nag-presenta na rin si Linda na siya muna ang magbabantay kay Esteban upang makapagpahinga si Celestina.

Habang nagtatahi si Linda ay napatigil siya nang pumasok sa silid si Martin at may dala itong mga prutas. "Buti narito ka na, magluluto na muna ako ng miryenda. Ikaw muna ang bahala kay Esteban, nagpapahinga pa si Celestina" saad ni Linda, tumango si Martin at naupo na sa tabi ng higaan ni Esteban.

Nang makaalis na si Linda ay hinipo niya ang noo ng bata. Napahinga siya nang maluwag dahil hindi na mainit ang katawan nito. Ilang sandali pa ay nagising si Esteban dahil sa presensiya niya. "A-akala ko ho si ate Tinang ang humawak sa akin" saad ni Esteban sabay ngiti dahilan para mapangiti rin si Martin. Natutuwa siya sapagkat ang bata ay hindi nagdaramdam ng suliranin.

"Magkasing-laki ba kami ng kamay ng iyong ate Tinang?" nakangiting tanong ni Martin, napabungisngis naman si Esteban. "Ang ibig ko pong sabihin señor ay tila pareho po kayo ni ate Tinang kung paano niyo po ako hawakan. Pakiramdam ko po kagabi ay nakapiling ko ang aking nanay at tatay kahit pa kailanman ay hindi ko sila nakita" saad ni Esteban, napayuko si Martin at hinawakan niya ang kamay ng bata. Malapit ang loob niya sa mga bata at isa sa mga nagpapadurog sa kaniyang puso ay ang mga sitwasyon ng mga batang ulila. Kahit pa si Celestina ay hindi na bata ngunit ngayon ay nabubuhay na ito bilang ulila.

"Maraming salamat din po dahil tinulungan niyo kami. Ang sabi po sa akin ni ate Tinang ay hulog daw po kayo ng langit. Isa po kayong anghel at hindi niyo po ako hinayaang mamatay" saad ni Esteban. Napangiti muli si Martin lalo na't si Celestina pa ang nagsabi na para siyang isang anghel.

"Ano pa ang sinabi ng iyong ate Tinang patungkol sa'kin?" hirit pa ni Martin. Napaisip si Esteban. "Wala na po" sagot ng bata at biglang napawi ang ngiti ni Martin.

"Wala na? Iyon lang?" tanong niya, napaisip muli si Esteban ngunit wala nang iba pang sinabi si Celestina kanina.

Napailing muli si Esteban "Iyon lang po talaga" saad niya, ang maliit na boses nito ay bagay na ikinakatuwa ni Martin. 

"Kung gayon, nais kong palagi kang magpakatatag at kahit anong mangyari ay alagaan mo ang iyong ate Tinang. Handa niyang gawin ang lahat para sa iyo" saad ni Martin, sa pagkakataong iyon ay naalala niya ang lahat ng sakripisyo ni Celestina kagabi para sa batang si Esteban. Ngayon lamang siya nakakita ng ganoong babae na tatakbuhin ang kalagitnaan ng gabi kahit pa ang lakas ng ulan para lang sa isang bata na hindi naman nito kadugo ngunit kahit ganoon ay buong puso niyang tinuturing itong kapamilya.

"Kaya nga po paglaki ko ay bibili ako ng malawak na lupain at tataniman ko iyon ng napakaraming bulaklak na pulang rosas na paborito po ni ate Tinang" ngiti ni Esteban, itinaas niya pa ang kaniyang kamay para ipakita kung gaano kalaki ang lawak ng lupain na tinutukoy niya. Natawa si Martin dahil sa pagka-inosente ng batang si Esteban.

"Pulang rosas?" ulit ni Martin. Napatango si Esteban. "Mahilig po sa pulang rosas si ate Tinang. Sa tuwing napaparusahan po siya ni Maestra Villareal ay pinipitasan ko siya ng pulang rosas sa bakuran ni Aling Paz" maaliwalas ang paligid at pumapasok rin sa bintana ang sariwang hangin.

"Masama ang pamimitas ng bulaklak nang walang paalam sa may-ari nito..." napatigil si Martin nang maalala niya na minsan na niyang nasabi iyon. 

"Naikwento rin po sa akin noon ni ate Tinang na ang bahay po nila ay napapalibutan ng mga pulang rosas at sa tuwing nakakakita po siya ng pulang rosas ay napapawi po ang kaniyang lungkot" patuloy ni Esteban. Sandali namang hindi nakapagsalita si Martin lalo na't naalala niya rin na ang hacienda Cervantes na palagi niyang nadadaanan sa tuwing pumapasok at umuuwi siya sa eskwela ay napapalibutan nga ng malaking hardin na puno ng bulaklak ng pulang rosas.


"MANAMIS-NAMIS po ang prutas na ito señor, bumili na ho kayo" alok ng isang ale habang ibinibida nito ang kaniyang mga panindang sariwang prutas. Kasalukuyang naglilibot si Martin sa palengke upang mamili ng kakainin nila sa hapunan at bukod doon ay may nais siyang bilhin.

"Señor, matibay ho ang telang ito" alok sa kaniya ng isang manong habang ibinibida nito ang makulay na telang seda. Magulo at matao ang pamilihan kahit pa magdadapit-hapon na.

Napatigil si Martin nang makita niya ang tindahan na pangunahing sadya niya kung bakit nagtungo sa pamilihan. Hindi niya namalayang napangiti siya sa sarili habang tinatahak ang daan papasok sa tindahang iyon kung saan magiliw siyang sinalubong ng tindera. Isa-isa niyang pinagmasdan ang mga paninda nito hanggang sa makapili siya ng bagay na pinakababagay sa babaeng pagbibigyan niya niyon.

"Maraming Salamat ho señor. Natatangi po ang kulay niyan at maging ang nakaburdang rosas na disenyo" ngiti ng tindera. Napangiti si Martin habang nakatitig sa bagay na iyon na kaniyang binili.

Magsasalita pa sana siya ngunit narinig nila ang sunod-sunod na ingay mula sa paparating na mga kabayo na ngayon ay kumakaripas ng takbo sakay ang mga guardia sibil. Sumisigaw ang nasa unahan na guardia at pinapatabi ang mga taong nakaharang sa kanilang daraanan.

Napasigaw ang mga tao at napatabi sa gilid. Ang ilan ay buhat-buhat pa ang kanilang mga paninda upang hindi masira at masagasaan ng rumaragasang grupo ng hukbo. "Anong nangyayari?" gulat na sigaw ng tindera sabay yakap sa anak niyang batang babae at tinakpan ang ilong nito dahil sa kapal ng alikabok na mula sa pagdaan ng mga kabayo.

Sa pinakadulo ay may malaking kalesa na pinapatakbo ng apat na kabayo. Iyon ang kalesa kung saan isinasakay ang mga bilanggong tinugis. "Aking nabalitaan kanina na may pinatugis si Maestra Villareal. Tumakas daw ang kaniyang alipin at ninakawan pa siya ng malaking halaga" sagot ng isang tindero. Gulat na napatingin si Martin sa kanila nang marinig ang usapan ng mga ito.

"Hindi ba't ang alipin ni Maestra Villareal ay ang anak ni Don Mateo?" tanong ng ale. Nanlaki ang mga mata ni Martin. Muli siyang napatingin sa kalesang napapalibutan ng mga guardia na ngayon ay patungo na sa bilangguan.

Agad kumaripas ng takbo si Martin papunta sa tahanan ni Timoteo. Nagkakagulo na ang mga tao. Kabi-kabila ang usapan patungkol sa pagnanakaw na ibinabato ngayon kay Celestina. Batid ni Martin na hindi naman buhay ang katumbas ng salang pagnanakaw ngunit tiyak na mapaparusahan si Celestina at pahihirapan bago ito ipatapon sa malayong lugar kung saan wala itong kakilala at malayo sa kabihasnan.

Hindi na kumatok pa si Martin sa pintuan at nang buksan niya ito ay gulat siyang napatingin kay Linda na ngayon ay umiiyak na nakaupo sa salas habang si Timoteo naman ay namomoblema at nakatulala sa bintana. Nagkalat na rin ang kanilang mga kagamitan, senyales na hinalughog ng mga guardia ang kanilang tahanan upang hanapin sina Celestina at Esteban.

"Martin, iyo bang kinalaban si doktor Mercado?" panimula ni Timoteo na ngayon ay tulala sa bintana. Gulat namang napatingin sa kaniya si Martin, ramdam niya ang pamamanhid ng kaniyang kamay. 

"Si doktor Mercado ang nagsilbing saksi ni Maestra Villareal. Inakusahan ni doktor Mercado na nagnakaw si Celestina at siyang ginamit ang salaping ninakaw nito upang ipagamot si Esteban" saad ni Timoteo habang si Linda naman ay hindi na maawat sa pag-iyak lalo na't unang beses niyang maranasan na usigin ng mga guardia at halughugin ang bahay nila.

"Hindi ko masasabi ang maidudulot na pinagsanib ng pwersa nina doktor Mercado at Maestra Villareal. Ngunit isa lang ang aking masasabi ko, tiyak na hindi ito magugustuhan ng iyong ama sa oras na malaman niya ang gulong pinasok mo" patuloy ni Timoteo. Nagsimula siyang humakbang papalapit kay Martin na ngayon ay hindi na makapagsalita at gulat na gulat sa mga pangyayari.

Batid ni Martin na hindi biro ang akusahan at malitis sa korte. Hindi biro ang gulong pinasok niya nang kalabanin niya si doktor Mercado at maging si Maestra Villareal. Hindi rin biro ang pagtulong niya kay Celestina na anak ni Don Mateo na kinamumuhian at kalaban ng lahat.

"Ngunit kahit ganoon, nais kong malaman mo na narito lang kami para sa iyo... kaibigan" wika pa ni Timoteo sabay hawak sa balikat ni Martin na kaniyang pinakamatalik na kaibigan.


ALAS-SIYETE na ng gabi. Matapang na naglalakad si Martin papunta sa malaking dormitoryo at eskwelahan ni Maestra Villareal. Ang ilan sa mga taong nakakasalubong niya ay napapatabi na lang sa daan dahil seryoso at diretsong nakatingin lang si Martin sa kaniyang nilalakaran.

Nang marating niya ang tapat ng eskwelahan ni Maestra Villareal. Hindi na siya nagdalawang-isip pang umakyat sa hagdan at kabugin ang pintuan nito. Bilang abogado, isa sa kinamumuhian niya sa lahat ay ang maling pagbibintang sa ibang tao lalo na kung ang taong nasasakdal ay wala naman talagang kasalanan. 

Sa halos ilang taon niyang pag-aaral ng abogasya sa ibang bansa, marami na siyang natunghayan na maling sistema ng hustisya. Hindi na rin mabilang ang mga nasaksihan niyang mga inosenteng tao na napatawan ng parusang kamatayan dahil lang sa baluktot na kalakaran ng hustisya.

Makailang ulit niya pang kinabog ang pinto na animo'y nais na niyang gibain ito dahil sa matinding galit. Ang isang babae na tulad ni Celestina na wala namang ginawang masama at ikakasama ng kapwa niya ay nasa bingit ngayon ng kaparusahan. Batid niyang walang sinuman ang magtatanggol kay Celestina. Walang sinumang abogado o opisyal ang maninidigan sa panig ng isang babaeng nagmula sa hindi magandang pamilya at wala rin itong pambayad.

Ngunit hindi na ngayon. Hindi siya mananahimik tulad ng iba at tulad ng dati niyang ginagawa. "Martin! Mag-hunos dili ka, sa palagay ko ay hindi ito mabuting paraan upang mapawalang-sala si Celestina" pagpigil ni Timoteo habang pilit na hinihila si Martin papalayo. Pumiglas si Martin at seryosong napalingon kay Timoteo dahilan para matigilan ito dahil ito ang unang beses na nakita niyang ganoon kaseryoso ang kaibigan.

"Hindi maitutuwid ang bulok na sistema ng hustisya hangga't walang taong magsisimulang magbago at tumuwid nito. Hindi maaayos ang gusot hangga't hindi ito itinutuwid at pinapatag. Higit sa lahat, hindi matatapos ang paghihirap ni Celestina hangga't hindi malalaman ng mga mapang-abusong taong ito kung ano ang kalalagyan nila at ang limitasyon ng kanilang kapangyarihan" seryosong saad ni Martin. Hindi na nakapagsalita pa si Timoteo, alam niyang sa mga oras na ito ay wala nang makakapigil pa sa kaniyang kaibigan.

Ilang sandali lang ay bumukas na ang pinto at tumambad sa harap niya si Loisa. "M-martin, anong---" hindi na niya natapos pa ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita na si Martin.

"Nais kong makausap si Maestra Villareal" saad nito, napayuko si Loisa at napalingon sa likod ng pinto. "G-gabi na, nagpapahinga na rin si Maestra Villareal. Bukod doon ay maraming tao ngayon sa labas, nakukutuban kong batid nila kung bakit naririto ka ngayon" pabulong na wika ni Loisa. Napatango naman si Timoteo at sumang-ayon sa sinabi ni Loisa. Muling hinawakan ni Timoteo ang braso ni Martin ngunit pumiglas muli ito.

"Batid kong alam mo rin kung bakit naririto ako ngayon. Hayaan mong kausapin ko si Maestra Villareal at ipaalam sa kaniya na ang isang batya na lagayan ng tubig ay napupuno rin. Napupuno at umaapaw din" wika ni Martin, ilang segundo namang hindi nakapagsalita si Loisa habang nakatingin ng diretso sa kaniyang kasintahan. Hindi niya akalaing kakausapin siya nito ng ganoon na parang hindi siya ang nobya nito.

"Hindi ko hahayaang sirain mo ang lahat Martin. Tinulungan tayo ni Maestra Villareal na ilihim ang relasyon nating ito. Tinulungan ka niya at hindi ka isinumbong sa iyong ama na naririto ka na sa bansa at ngayon ito ba ang isusukli mo sa pagtulong na ginawa niya?" seryosong saad ni Loisa. Napaatras naman si Timoteo sapagkat ngayon niya lang din nakitang mag-away ang dalawang magkasintahan na ilang taon na niyang kilala.

Napabuntong-hininga si Martin at napayuko. Hindi niya maitatanggi na malaki ang utang na loob nila kay Maestra Villareal at tiyak na hindi nito ikatutuwa ang gagawin niya. "Isipin mo na lang din ang sasabihin ng iyong ama sa oras na mabalitaan niya ito. Ang kalabanin mo ang mga kapanalig niya ay magbubunga ng hindi nila pagkakaunawaan. Sisirain mo ang tiwala ng mga kapanalig ng iyong ama gayon din ang tiwala ng iyong ama sa iyo. Handa mo bang isuko lahat ng pinaghirapan mo para makuha mo ang tiwala ng iyong ama para lang sa babaeng 'yan?" patuloy ni Loisa. Sa pagkakataong iyon napatingin ng diretso si Martin sa kaniya dahil sa huling sinabi nito.

"Umuwi ka na at huwag mo nang palakihin ang gulong ito. Huwag mong sayangin ang lahat Martin. Huwag mong sayangin ang lahat ng pinaghirapan mo nang dahil lang sa nahahabag ka kay Celestina" patuloy ni Loisa, bakas sa hitsura ni Loisa ang matinding pagkadismaya. Magsasalita pa sana si Martin ngunit isinarado na niya ang pinto.


KINAGABIHAN, hindi makatulog si Martin. Kanina pa siya paikot-ikot sa kaniyang higaan kung kaya't bumangon na siya at nagtungo sa kaniyang mesa. Kumuha siya ng papel, pluma at tinta. Kailangan niyang umisip ng mabisang paraan upang hindi maparusahan si Celestina. Kailangan niyang umisip ng matalinong paraan kung saan hindi masisira ang tiwala ng kaniyang ama sa kaniya.

Magmula nang isilang siya ay palaging si Julian ang pinapaboran ng kaniyang ama. Si Julian ang anak ni Don Facundo sa babaeng totoong iniibig nito. Alam ng lahat na hindi mahal ni Don Facundo ang pangalawang asawa nito na ina nina Martin, Joaquin at Javier. Kung kaya't ganoon na lamang ang paghihirap at pagpupurisigi ni Martin na makuha ang pansin at buong tiwala ng kaniyang ama.

Hindi niya ibig umuwi sa Laguna at ipaalam na narito na siya sa bansa dahil tiyak na ipaparamdam lang ni Don Facundo ang pagiging pabor nito kay Julian. Iyon ang bagay na hindi ibig mangyari ni Martin, ang palaging ikompara sa nakatatanda niyang kapatid na hindi rin naman sila tinuturing na kapatid at kapamilya.

Bumangon na siya at kumuha ng papel at pluma. Huminga muna siya nang malalim saka nagsimulang magsulat sa kaniyang ama.


MAAGANG nagbihis si Martin at nagtungo sa Real Audiencia. Nabalitaan niyang hapon pa lilitisin si Celestina ngunit maaga pa lang ay buo na ang desisyon niyang pigilan ito. 

Sa buong buhay niya, kahit pa noong nag-aaral siya sa Europa ay kailanma'y hindi siya humingi ng pabor sa kaniyang ama dahil ibig niyang mapatunayan sa kanila na kaya niyang makamit ang kaniyang mga pangarap sa sarili niyang paa. Ngunit ngayon, tanging ang impluwensiya na lamang ng kaniyang ama ang nakikita niyang matalinong paraan upang tumigil si doktor Mercado at Maestra Villareal sa masasamang plano nito kay Celestina. Ito ang pabor na sa unang pagkakataon ay hihingiin niya sa kaniyang ama.

Dala niya rin ang bagay na ibibigay niya kay Celestina. Pagpasok niya sa Real Audiencia ay bigla siyang napaatras at nagtago sa gilid ng poste sa labas nang makita niyang papalabas si Don Amadeo Espinoza. Nanlaki ang mga mata ni Martin nang makita niyang kasama nito ang anak niyang si Loisa.

Kausap ni Don Amadeo ang punong hukom ng Real Audiencia at inihatid sila nito papalabas. "Gracias, mi amigo" paalam ng hukom habang nagtatawanan sila ni Don Amadeo. Nakahawak naman si Loisa sa bisig ng kaniyang ama at nagbigay-galang din itong nagpaalam sa hukom. Nang makalabas sila sa Real Audiencia ay agad inalalayan ni Loisa ang kaniyang ama pasakay sa kalesa.

Nang makalayo na ang kalesa ay lumabas na si Martin sa kaniyang pinagtataguan. Hindi niya malaman kung bakit parang may mangyayaring hindi maganda. Papasok na sana muli si Martin sa loob ng tanggapan ngunit napatigil siya nang may humawak sa balikat niya at nang lumingon siya ay laking gulat niya nang makita si Tonyo na isa sa kaniyang kababata.

"Nagulat ba kita señor Martin Buenavista?" ngisi nito sabay akbay sa kaibigan. "Tonyo!" napangiti si Martin sabay akbay sa kaibigan at ginulo niya ang buhok nito.

"Wala ka pa ring pinagbago. Matagal ko nang nababatid na narito ka na sa bansa ngunit hindi lang ako nakakadalaw dito sa Maynila sapagkat alam mo na... Buhay binata" tawa nito. Agad sinagi ni Martin ang sikmura ng kaibigan bagay na palagi nilang ginagawa sa tuwing naghahabulan sila noong mga bata pa sila.

"Ikaw nga ang dahilan kung bakit inabangan ako noon nila ama sa daungan. Mabuti na lang nakatakas ako" tawa ni Martin. Si Tonyo nga ang nadulas kay Don Facundo nang mabanggit niya na uuwi na si Martin sa bansa.

"Pinagalitan nga ako ni Don Facundo pagbalik niya sa Laguna. Pinarusahan din ako ni ama at pinagtawanan pa ako ni Selia nang malaman niya" tawa ni Tonyo. Si Tonyo ang nakatatandang kapatid ni Selia at ang buo niyang pangalan ay Antonio De Guzman. Anak sila ni Maestro Filimon De Guzman na naging guro ni Martin noong elementarya.

"Siya nga pala, napakabuti ng iyong kasintahan" pag-iiba ni Tonyo ng usapan at napasandal ito sa pader at kumuha ng tobacco sa bulsa at sinindihan iyon. Nasa labas sila ngayon ng Real Audiencia at nasa gilid nila ang maliit na hardin ng tanggapan.

Matangkad si Tonyo at tulad ni Martin ay habulin din ito ng mga kababaihan. Kulay brown ang buhok nito at mata, nangingibabaw ang kaniyang dugong kastila. "Si Loisa?" tanong ni Martin, napailing siya nang alukin siya ni Tonyo ng tobacco.

Natawa si Tonyo "Si Loisa? Hindi ka ba nakatitiyak na siya'y kasintahan mo? O baka naman may iba ka pang kasintahan?" napahalakhak si Tonyo nang malakas dahilan para mapalingon ang ilang guardia na nagbabantay sa palibot ng Real Audiencia.

"Kahit kailan talaga napaka-pilyo mo talaga" natatawang saad ni Martin. Ngunit napaisip siya kung bakit nga ba hindi si Loisa ang pumasok sa kaniyang isipan nang sabihin ni Tonyo ang salitang kasintahan.

"Bilib ako kay Loisa, akalain mo iyon, ipinakiusap niya sa kaniyang ama na tulungan ang anak ni Don Mateo... Iyong sinumpang barakuda na papakasalan mo dapat hindi ba?" patuloy ni Tonyo. Nawala ang ngiti ni Martin.

"Kakagaling ko lang kanina sa loob at narinig ko na ipinakiusap ni Loisa sa kaniyang ama na palayain na si Celestina ba iyon? Napakabuti talaga ni Loisa, sadyang minalas lang siya't nahulog siya sa tulad mo" kantyaw ni Tonyo. Batid ni Martin na may halong pagka-sarkastiko si Tonyo lalo pa't matagal na itong may gusto kay Loisa noong mga bata pa sila.

"Pinalaya na si Celestina? Ikaw ba ay nakatitiyak?" gulat na tanong ni Martin dahilan para mabigla si Tonyo at mapaubo dahil sa tobaccong hinihithit niya. "Iyon ang pagkakaalam ko---" hindi na natapos ni Tonyo ang kaniyang sasabihin dahil agad tumalikod si Martin at dali-daling kumaripas ng takbo papunta sa eskwelahan ni Maestra Villareal.


MALIWANAG na ang sikat ng araw habang patuloy ang pagtilaok ng manok. Abot dibdib na ang kaba ni Martin sa pag-asang totoo ngang pinalaya na si Celestina. Nang marating niya ang kalye papunta sa eskwelahan ni Maestra Villareal ay mas lalong lumakas ang pagkabog ng kaniyang dibdib.

Agad siyang sumampa at dumungaw sa mataas na bakod sa likod ng tahanan ni Maestra Villareal. Hindi niya namalayan na napangiti siya nang makita niya si Celestina habang buhat nito ang isang balde ng tubig at ibinuhos sa inuman ng kabayo.

Napalingon si Martin sa paligid at nang masiguro na walang ibang tao sa kalye ay agad siyang sumampa sa mataas na bakod na gawa sa bato. Nagsitakbuhan ang mga manok nang makalapag si Martin sa bakuran dahilan para mapatayo si Celestina at magtaka kung bakit nagtatakbuhan ang mga manok.

Agad niyang pinuntahan ang kwadra ng mga manok at laking gulat niya nang sumabit ang dulo ng damit ni Martin sa hawla. "M-magandang umaga" ngiti ni Martin habang nakasabit ang dulo ng damit niya sa hawla. Hindi na niya alintana ang kaniyang nakakahiyang posisyon dahil nakataas ang kaniyang kaliwang paa habang nakatagilid ang kaniyang katawan. 

Sa pagkakataong iyon, sa halip na magulat at mainis si Celestina dahil nasira ni Martin ang hawla na pinaghirapan niyang buuhin noong nakaraang buwan ay natawa na lang siya. Maging si Martin ay natawa rin at lubos na nagagalak ang kaniyang puso na makitang napatawa niya si Celestina. 

Lumapit si Celestina at tinulungan niyang makaalis si Martin sa nakakahiyang posisiyon nito. Tinulungan din niyang pagpagan ang damit ng binata at nang mapagtanto niya na maling hawakan niya ito nang ganoon ay bigla siyang napatigil ngunit huli na ang lahat dahil kanina pa pala nakatitig si Martin sa kaniya.

"Hindi ko malaman kung bakit ito ang unang beses na nakaramdam ako ng labis na takot at pag-aalala para sa isang taong ngayon ko pa lang naman nakilala" panimula ni Martin habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Celestina. Nanlaki ang mga mata ni Celestina at gulat siyang napatingin kay Martin na ngayon ay halos dalawang dangkal lang ang layo sa kaniya. 

"Siya nga pala, may nais akong ibigay sa iyo" patuloy pa ni Martin at bigla itong lumuhod at inilapag sa lupa ng isang pares ng alfombra (uri ng sandalyas).

'Alfombra'

"Hindi ba't pulang rosas ang naiibigan mong bulaklak sa lahat? Nawa'y maibigan mo ang disenyo ng panyapak na ito. At sa susunod na lalabas ka ng bahay ay huwag mong kalilimutang magsuot ng panyapak" wika ni Martin, naalala niya noong gabing natagpuan niya si Celestina sa labas sa gitna ng ulan ay wala itong suot na panyapak. 

"Batid kong hindi ko dapat makita ang iyong talampakan ngunit nais kong ako ang magsuot sa iyo nito" dagdag ni Martin. "Ipipikit ko na lang ang aking mga mata upang hindi ko makita ang iyong talampakan, maaari ba?" paalam niya muli. Napangiti si Celestina at agad niyang pinunasan ang kaniyang luha kahit pa pilit siyang pinapatawa ni Martin sa ganitong sitwasyon.

Napatango si Celestina at napangiti naman si Martin bago nito ipikit ang kaniyang mata saka inabot ang paa ni Celestina upang isuot ang sandalyas na binili niya para sa dalaga. Nang maisuot na niya kay Celestina ang sandalyas ay tumayo na siya at ngumiti muli.

Magsasalita pa sana si Martin ngunit nabaling ang kaniyang mata sa kuwintas na suot ni Celestina. Ang kuwintas na iyon ay may maliit na susi sa dulo na gawa sa pilak. Napahawak si Celestina sa suot niyang kuwintas dahil napansin niyang halos walang kurap na nakatitig doon si Martin.

"S-sa iyo ba ang kuwintas na iyan?" gulat na tanong ni Martin sabay turo sa kuwintas. Hindi naman agad nakatugon si Celestina ngunit napatango rin siya sa huli. Hindi niya mawari kung bakit bigla siyang nakaramdam ng kakaibang kaba lalo na't ito rin ang unang beses na may nakapansin sa suot niyang kuwintas na binigay sa kaniya ng kaniyang ama noong bata pa siya.

"Tila may kapareho ang kuwintas na iyong suot... " wika ni Martin habang tinititigang mabuti ang kuwintas na iyon. Sa bawat segundong lumilipas ay pareho silang nababalot ng kaba dahil sa hiwagang mayroon ang kuwintas na susing gawa sa pilak.


********************

#ThyLove

Featured Song:

'Kung ibibigay sayo' by Nina


https://youtu.be/-ZzSuQeGa9U

'Kung ibibigay sayo' by Nina

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top