CHAPTER 016 - That Night


Four weeks prior...

UMANGAT ang kilay ni Rome nang sa pagpasok niya sa gate ng compound nila ay abutan si Dudz na naka-upo sa garden set na nasa harap ng bahay ng mga ito. Nakatingala ito sa puno ng kaimito na naroon sa garden; ang mga paa ay nakataas sa ibabaw ng mesang gawa sa bakal habang ang mga braso ay nakataas sa ulo.

Sa loob ng ilang linggo ay hindi niya ito gaanong nakikita sa compound nila. Dati kasi ay madalas itong tumatambay sa garden set ng mga ito o hindi man ay pupunta sa bahay nila para makipagkulitan sa kaniya at kay Connie.

At dahil sa iisang compound lang sila nakatirang mag-anak ay kataka-taka ang hindi pagpapakita ng pinsan sa kanila.

Ang compound nilang iyon ay kasalukuyang may apat na bahay na. Ang bahay nila, ang bahay nila Dudz, ang dalawang palapag na bahay na pinagawa ng tatlong single-titas niya, at ang bahay na kasalukuyang pinapatayo ni Connie at ng fiance nitong kapwa guro rin.

Yes, Connie was planning to settle down to the man their family had approved of and loved so much. Oh well, kahit siya ay malapit sa soon-to-be-brother-in-law niya.

Ibinigay ng mga magulang nila ang isang parte ng lupa kay Connie kaya roon na nagpasya ang magkasintahang magpatayo ng bahay. Kapag tapos na iyon ay ang kasal naman ang pag-iipunan ng mga ito.

Malaki ang compound ng pamilya nila. Sa katunayan ay maaaari pang patayuan ng dalawa o tatlong bahay ang mga bakanteng areas.

"Haven't seen you in a while," bati niya kay Dudz. Saglit siyang nahinto sa harap nito at sinuyod ito ng tingin.

Her cousin Dudz, Diosdado Bartolome, was only six years older than her. Matangkad ito at may payat na katawan; at nakuha nito sa Tita Marites nila ang pagiging meztizo. His eyes were big but almond-shaped, at ang pisngi nito'y tila laging nagba-blush. Kung tutuusin ay magandang lalaki ito, pero kulang sa appeal.

Bumaba ang tingin niya sa suot nitong light blue na long sleeve polo at bagong pantalon. Sa paa ay ang kumikintab pang leather shoes.

Mukhang may lakad. O galing sa trabaho?

"Japorms tayo ngayon, ah?"

Hindi nito pinansin ang sinabi niya. Nanatili lang itong nakatingin sa puno ng kaimito.

"Ano'ng problema mo?" pangungulit niya. Hindi siya sanay sa pananahimik nito.

"Nag-iisip lang, Ma'am Cuz," sagot nito, hindi man lang siya sinulyapan.

"Saan ka galing nitong nakalipas na mga araw?"

Dudz shrugged his shoulders nonchalantly. "Naging busy lang sa opisina. Lumalaki na kasi ang Montemayor Travellers, kaya halos hindi na kami makauwi sa dami ng ginagawa namin sa main office. Iyon ang dahilan kaya nainis sa akin si Carmella at nakipaghiwalay."

Humalikipkip siya sabay iling. Si Carmella ay kasintahan na ni Dudz simula noong college, at mabait naman— lalo kapag kaharap ang buong pamilya nila. Pero hindi niya gusto ang pagiging suplada nito sa pinsan niya. Ginagawang under-the-saya si Dudz kahit hindi pa kasal, at itong tukmol naman ay pinagbibigyan lang.

"So, break na kayo ni Carmi?"

Isang buntonghininga ang pinakawalan ni Dudz bago sumagot. "Yeah, noong isang araw pa. Sayang ang anim na taon, Ma'am Cuz..." Nilingon siya nito at tinapunan ng blangkong tingin. "Paano mag-move on?"

Kibit-balikat ang isinagot niya sa pinsan saka tumalikod na.

"Uy, tinatanong ka, eh!"

"Wala akong alam. Hindi ko alam. Lubayan mo ako sa mga ganiyang katanungan."

"Ikaw nga ang dapat kong tanungin sa ganiyan kasi ang tagal din bago ka nakapag-move on doon sa—"

"Itanong mo sa palaka, Dudz!" aniya bago nahinto sa paglalakad nang marating na niya ang harap ng bahay nila. Dinukot niya sa bulsa ng suot na uniporme ang susi ng main door at saka isinuksok iyon sa door knob.

Simula nang magtrabaho siya sa Montessori tatlong taon na ang nakararaan ay hindi na siya sumabay sa mga magulang sa pagpasok. At madalas na siya ang nauuna sa pag-uwi kaya siguradong wala pang tao sa loob ng bahay nila.

Pagpasok niya sa loob ay napa-igtad siya nang marinig ang tinig ni Dudz sa kaniyang likuran. Ni hindi niya naramdaman ang pagsunod nito.

"Dapat nga ay nasa party ako ngayon, pero wala akong gana..." sabi nito saka isinara ang pinto. Sumunod ang tingin niya rito hanggang sa maupo ito sa sofa at sumandal doon.

"You should go," aniya saka ibinaba ang shoulder bag sa ibabaw ng coffee table. "Ngayon mo mas kailangang magliwaliw para mawala ang lungkot mo. Kaysa magmukmok ka riyan, mag-party ka roon." Binuksan niya ang bag saka inilabas ang pagkaing naka-plastic. Hindi na mainit iyon kaya ima-microwave na muna niya.

Bitbit ang supot ng pagkain ay naglakad siya patungo sa kusina. Naramdaman niya ang pagtayo ni Dudz at ang pagsunod sa kaniya.

Dumiretso siya sa lababo at inilipat sa mangkok ang pagkaing dala bago iyon ipinasok sa microwave. Nakapamaywang siyang naghintay sa harap niyon.

"Ano 'yong dala mo?" tanong ni Dudz na sumandal sa pinto ng kusina.

Bahagya lang niyang nilingon ang pinsan. "Just something I bought from the canteen. Hindi ako nag-lunch kaya gutom na gutom na ako."

"Bakit hindi ka na lang namalengke nang sagayon ay makapagluto ka nang maayos na hapunan para sa inyong lahat?"

Tinaasan niya ng kilay ang pinsan. "Na parang kakain sila ng niluto ko? Alam mo namang magkaiba kami ng taste buds ng mga tao rito sa bahay, at ang timpla ko ang pinaka-ayaw nilang lahat. I am not permitted to cook anything in this house. Not even a single sunny-side-up egg!"

Doon na natawa si Dudz sa sinabi niya. "Paano ba naman kasi, lagi kang galit sa asin."

Umikot lang ang mga mata niya at hindi na sumagot pa. Ibinalik niya ang pansin sa microwave nang marinig ang pagtunog niyon. Kinuha niya ang pagkaing inilagay sa loob at dinala sa mesa. Bumalik siya sa lababo at sinilip ang rice cooker— at nang makitang malinis iyon at walang laman ay lumaylay ang mga balikat niya.

Mukhang no-rice na naman siya sa gabing iyon. Magagalit na naman ang mga bulate niya sa tiyan.

Marunong naman siyang magsaing pero hindi na niya kaya ang gutom— kailangan na niyang kumain bago pa umatake ang topak niya.

"Sooner or later ay mag-a-asawa ka na, Rosenda Marie. At kapag nangyari iyon ay kailangan mong pagsilbihan ang asawa mo. Kasama sa pagsisilbing iyon ang pagluluto. So, you really need to learn how to cook."

Kumuha muna siya ng kubyertos bago naupo sa harap ng mesa. Hinalu-halo niya ang pagkain at bago sumubo ay sinulyapan niya ang pinsan na nanatiling nakasandal sa pinto ng kusina at nakahalukipkip na pinagmamasdan siya.

She raised an eyebrow. "Kung ang pag-aasawa ay tungkol lang sa pagsisilbi sa lalaking kaya namang pagsilbihan ang sarili, hindi na lang ako mag-a-asawa, Dudz. I was not born to become a slave. Isa pa, as much as I want to learn how to cook, wala talaga akong oras para gawin iyon. Sa tuwing dumarating ako'y kakain lang ako at sa kwarto na naglalagi sa buong gabi para gumawa ng lesson plan. Teka nga... Bakit ka ba sumunod dito? Pumunta ka na kaya roon sa party na sinasabi mo?"

Napakamot ng ulo si Dudz. "Ilang oras na kasi akong nakatingala roon sa puno ng kaimito, gusto ko ng kausap. At wala akong ganang pumunta sa party— hindi rin naman ako mag-i-enjoy roon."

"Wala kang mapapala sa pagmu-mukmok mo. Iisipin at iisipin mo lang si Carmi. At least, kung nasa party ka, sandali mong makakalimuntan iyong ex mo. Just go, okay? Gusto kong kumain nang payapa." Nag-umpisa na siyang sumubo--pero naka-dalawang kutsara pa lang siya'y napangiwi na. Wala siyang malasahan sa afritadang kinakain niya.

Umalis sa pagkakasandal sa pinto si Dudz, lumapit, saka naupo sa harap niya. "Samahan mo na lang kaya ako sa party?"

"Kung maka-aya ka, para namang pumupunta ako sa mga parties. Besides, hindi papayag sina Papa at Mama na lumabas ako sa gabi."

"Ako ang bahala kina Tito at Tita. Sabado naman bukas at wala kang pasok, siguradong okay lang iyon sa kanila lalo at kasama mo naman ako."

Hindi niya pinansin ang sinabi ng pinsan. Tumayo siya at kinuha ang lagayan ng asin sa ibabaw ng fridge saka nilagyan ng kaunti ang pagkain. Nang masiyahan ay muling naupo at itinuloy ang pagsubo.

"Nakakatakot iyang hilig mo sa maaalat, Rosenda Marie. Hindi ka kaya magkasakit niyan sa bato?"

"Mind your own business," aniya saka muling sumubo. "So.. ano'ng party iyong pupuntahan mo?"

Si Dudz na hindi pa rin magawang alisin ang tingin sa pagkain niya'y pa-ngiwing sumagot. "It's a birthday celebration. And at that party, there are food we could actually eat. Food better than that."

Lumabi siya habang patuloy sa pag-nguya. "Arte nito. Laman-tiyan din naman 'to ah?"

Hindi siya mapili sa pagkain— she would actually eat anything edible. Kahit inihaw man 'yan na paa ng manok, o kwek-kwek, o fried calamari, pares at mami sa tabi ng daan, wala siyang pake. Hangga't laman-tiyan iyan ay hindi siya tatanggi. She's a food lover and she loved to eat— at ang kagandahan doon ay hindi siya tumataba kahit anong kain niya. At dahil kabilang siya sa samahan ng mga PG na kahit anong kain ay hindi tumataba, ay hindi siya nag-aalala kahit ano pa ang isaksak niya sa bunganga. She maintained her slim and sporty body through the years. Madalas nga lang sumakit ang tiyan niya, iyon lang ang disadvantage— kung disadvantage mang matatawag iyon.

"Do you want to eat something better than that... chicken adobo?" tanong ni Dudz na naka-ngiwi pa rin.

Bumungisngis siya. "Afritada 'to, baliw."

Lalo itong napa-ngiwi. Tumayo si Dudz at sinenyasan siyang tumayo na rin. "Hali ka na, samahan mo na lang ako doon nang makapaglibang ako ngayong gabi at maka-kain ka ng matinong pagkain."

She was tempted. Iyon ang unang pagkakataong niyaya siya ng pinsan sa isang party na hindi pam-pamilya. Knowing her parents, hindi na magtatanong ang mga iyon kapag si Dudz at Connie ang kasama niya.

Napangisi siya. Mukhang makakatakas ako ngayon sa mata ng pamilya... "May dress code ba?"

Nagkibit-balikat si Dudz. "Not really. Kahit anong komportable ka, iyon ang isuot mo. I'll call your parents while you change your clothes."

Mabilis siyang tumayo at dinala sa lababo ang mangkok ng pagkaing halos hindi rin niya nabawasan. Paakyat na siya ng hagdan nang marinig na kausap ni Dudz ang Papa niya sa telepono. Bago niya marating ang itaas ay narinig niyang nagpasalamat ang pinsan at nangakong uuwi sila nang buo ang katawan at hindi amoy alak.

TO BE CONTINUED...


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top