CHAPTER 009 - Try Harder
SUBALIT hindi roon natapos ang koneksyon nina Rome kay Cayson Montemayor.
Dalawang taon makalipas ang nangyaring iyon ay muling umuwi sa bansa ang lalaki, fully ready to take over the school directorship. Natapos nito ang masters sa America at umuwi na ng Pinas para permanente nang mamalagi roon. Ito ang namahala sa transport service business ng pamilya habang si Mrs. Althea Montemayor ay naghahanda na sa pagre-retiro nilang School Director ng MIC.
"Apat na taon pa bago ang retirement ni Mrs. Montemayor pero ngayon pa lang ay pinag-aaralan na ni Cayson ang pamamalakad ng campus," pahayag ng papa niya isang gabing naghahapunan sila. Magkausap ang mga magulang niya tungkol sa pag-uwi ni Cayson Montemayor habang sila ni Connie, na noong mga panahong iyon ay nasa ikalawang taon na ng kolehiyo, ay parehong tahimik na nakikinig.
"Kahit abala siya sa pag-aasikaso ng negosyo ng pamilya ay nagagawa pa rin niyang dumaan sa campus para pag-aralan ang pamamalakad niyon. Nakabibilib ang batang iyon," sabi naman ng mama niya.
Kanina pa gustong umikot ng mga mata niya sa mga papuring naririnig sa lalaking iyon. Ni hindi niya magawang lunukin ang pagkain sa kaniyang bibig. Kung maaari lang sana siyang umalis sa hapag at umakyat na para hindi makarinig ng kung anong papuri tungkol sa lalaking iyon ay ginawa na niya.
"May asawa na ba siya? Bakit ang tagal niyang hindi nakauwi?" tanong ng Papa niya.
"Ang sabi ni Mrs. Montemayor ay naging abala si Cayson sa pagkuha ng master's degree kaya hindi nakapagbakasyon. At hindi ko alam kung nag-asawa, pero ang bata pa niya para gawin iyon," sagot naman ng mama niya.
"Ilang taon lang ba ngayon si Cayson?"
"Twenty-three lang yata ang batang iyon eh."
"Aba, pwede nang mag-asawa," sabi pa ng papa niya na lihim niyang ikina-ismid.
"Naku, eh wala pa yatang balak mag-asawa iyon. Ang usap-usapan ng ibang mga guro ay iba't ibang babae ang kasama ni Cayson sa tuwing dadalaw sa campus."
Hindi niya alam kung bakit nagtaas siya ng tingin nang marinig ang huling sinabi ng mama niya. Napatingin siya kay Connie na katulad niya'y kanina pa tahimik, at nahuli niyang nag-angat din ng tingin at napasulyap sa kaniya.
"Naku, h'wag kang makisali sa mga tsismis na iyan, Mama, at baka malaman ni Mrs. Montemayor," babala ng papa nila. "H'wag na nating pakealaman ang personal na buhay ni Cayson Montemayor at binata naman."
"Hindi naman ako nakikisali sa mga tsismis sa campus, Papa. Nagtataka lang ako kung bakit kinukunsinti ni Mrs. Montemayor ang apo sa ginagawa. Ang pangit lang din kasi na nakikita sa campus na iba't ibang mga babae ang kasama sa tuwing naroon."
"Hayaan mo na, Mama, at hindi naman parte ng trabaho natin ang intindihin ang personal niyang buhay."
Hindi na sumagot ang mama nila at itinuloy na lang ang pagkain.
Nagkatinginan ulit sila ni Connie— for no apparent reason.
"Kumusta ang scores mo sa final exam, Rosenda?"
Napa-pitlag siya nang marinig ang tanong ng ama. Sinulyapan niya ito at nakitang patuloy ito sa maganang pagkain.
She swallowed hard. Bagsak ako sa Physics, Pa... "O—Okay naman po..."
"That's not the answer I wanted to hear," sabi ng ama nang hindi man lang siya sinusulyapan. "Gusto kong malaman kung maka-tatanggap ng parangal sa huling taon mo sa high school."
Muli ay napalunok siya. Niyuko niya ang pagkain at hindi alam kung makakasubo pa sa nerbyos na nararamdaman.
Simula nang tumapak siya sa high school ay hindi man lang siya nakapasok sa top ten ng section nila. Sinusubukan naman niya, pero hindi niya alam kung bakit parang laging may kulang. All the resources were there— lahat ng libro at internet connection para makapag-aral siya ng maayos. Pero wala talaga. Hindi talaga kaya ng utak niya ang expectations ng mga magulang nila sa kaniya. She's not like her sister Connie who would always get on the top ten. Nagtapos ito sa high school nang may parangal at ngayong nasa ikalawang taon na ng kolehiyo sa kursong Secondary Education, Major in Mathematics, ay nasa dean's list. Lahat yata ng utak ay napunta na sa ate niya, lahat ng hangin naman ay sinalo niya.
At sa tuwing hindi siya nakakasama sa top ten, or not get the average over eighty-five, ay nakikita niya sa mga magulang ang matinding disappointment. Na bagaman hindi naman sinasabi sa kaniya ay malinaw niyang nakikita at nararamdaman.
Kaya noong nag-fourth year high school siya ay talagang nag-aral siya ng mabuti, nagsunog ng kilay, nag-inject ng kape sa ugat para makapag-aral hanggang ala-tres ng madaling araw. Pero... wala talaga. Bumagsak pa siya sa Physics sa pinaka-huling quarter. Hamakin ba namang tumanggap siya ng seventy-two na grade sa subject na iyon sa fourth grading? Papaano niya sasabihin sa mga magulang na hindi na nga niya nagawang makalusot sa top ten, may palakol pa siya?
Mataas naman ang iba niyang subjects, pero ang Physics talaga ang nagbibigay sa kaniya ng sakit sa ulo. Ang sabi ng teacher niya ay magbibigay ito ng make-up exam at nagbilin na mag-aral siyang mabuti para maipasa iyon at maisalba niya ang grado. Nagbigay na rin ito ng mga pointers para hindi siya mahirapan. Hiling lang niya ay magawa niyang pagtagumpayan ang make-up exam, para kahit hindi siya pasok sa top ten, at least she wouldn't have that red mark on her report card.
"H-Hindi ko pa po alam, Pa..." Iyon ang sagot na lumabas sa bibig niya. Sa sinabi niyang iyon ay para niyang binigyan ng karampot na pag-asa ang mga magulang. Sana ay nagsabi siya ng totoo.
Napasulyap siya kay Connie at doo'y nakita niyang nakataas ang isang sulok ng labi nito habang nakatitig sa kaniya, tila nainis sa pagsisinungaling niya.
Of course, alam ni Connie na nagsisinungaling siya, dahil ito ang unang sinabihan niya tungkol sa bagsak na subject.
Susmaryosep naman kasi. Kapag nalaman pa ng mga tiyahin nila ang tungkol sa palakol niya ay baka sumakit ang ulo ng mga ito! Si Dudz noong elementarya hanggang highschool ay laging pasok sa top ten, ganoon din si Connie. Siya lang talaga ang puro hangin ang laman ng utak sa kanilang second generation. Ta-tatlo na nga lang sila, palpak pa ang isa.
"Sana sa pagkakataong ito ay maka-kuha ka naman ng parangal," sabi ng papa niya bago ito nagpahid ng bibig saka tumayo. "Salamat sa masarap na hapunan, Mama. Nabusog ako. Aakyat na ako sa itaas, magpapahinga na ako."
Hanggang sa maka-alis ang ama nila ay nanatili silang tatlong tahimik na itinuloy ang pagkain. Si Connie ay pasulyap-sulyap sa kaniya habang ang mama naman nila'y walang kibo hanggang sa tumayo na rin ito at nagbilin sa kanila na magligpit ng pinagkainan.
Nang maka-akyat na rin ang mama nila at maiwan sila ni Connie ay saka siya kinausap ng kapatid.
"Simula noong elementarya hanggang ngayong magtatapos ka sa high school, hindi mo pa rin magawang ayusin ang mga marka mo sa school, Rome. Anong make-up work na naman ang sasalba sa iyo para makapasa ka at walang pulang grado ang mailagay sa card mo?"
She puckered and looked down. "Sinusubukan ko naman Connie eh."
"Try harder," anito saka tumayo na rin at inumpisahang iligpit ang mga lagayan ng ulam sa mesa. "Kaya hindi mo masisi ang pamilya natin kung bakit sa'yo lagi nakatingin, eh. Dahil ikaw ang blacksheep at laging nahuhuli."
"Kailangan mo ba talagang ipag-duldulan sa mukha ko 'yan, Connie? Ginagawa ko naman ang lahat para hindi ko na mabigyan ng kahihiyan at disappointment sina Mama at Papa, eh. Pero kahit anong gawin ko, hindi ko talaga maibigay sa kanila ang mga expectations nila." Nangalumbaba siya. "Imbes na sermonan mo rin ako at lalong ilugmok, suportahan mo na lang ako. Ikaw na nga lang kakampi ko sa pamilyang 'to, eh."
Napa-buntonghininga si Connie. "Binibigyan lang kita ng heads up. Umayos ka kung ayaw mong patuloy na maging bantay-sarado sa'yo ang lahat ng mga tiyahin natin. O siya, ikaw na magdala ng mga plato sa kusina at lilinisin ko na itong mesa."
TO BE CONTINUED...
▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️
SCHEDULE OF UPDATE
Wattpad: Friday, Saturday, and Sunday
Facebook VIP: Completed / Paid Membership
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top