CHAPTER 004 - The Perfectionists


▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️

HINDI pa man siya tuluyang nakapapasok sa loob ng bahay nila ay dinig na niya ang tinig ng mga tiyahin sa terrace na karugtong ng sala nila.

Ang terrace na iyon ay nakaharap sa malawak na bakanteng lupa na parte pa ng katabing subdivision sa area nila. Bigla siyang kinabahan. Nawala sa isip niya na kapag ganoong oras pala ay naroon ang mga tiyahin sa bahay nila para magkape at makipag-kwentuhan sa mama niya.

Malakas na kumabog ang dibdib niya. Kapag pumasok siya sa bahay ay siguradong makikita siya ng mga ito dahil ang pagitan lang naman ng sala at terrace ay sliding door na gawa sa salamin.

Ngayong na-kumpirma na niya ang kaniyang kondisyon ay hindi niya alam kung kaya niyang titigan nang diretso sa mga mata ang mga ito mamaya. Kapag napansin ng mga ito ang pag-iwas ay maghihinala ang mga ito at mag-uumpisang mang-usisa.

Humugot siya ng malalim na paghinga bago itinuloy ang pagpasok sa kanilang bahay.

She was about to go straight to the stairs when her Aunt Maya spotted her.

"Rosenda Marie!"

Nahinto siya at nagpakawala ng pilit na ngiti bago humarap. "Hey, magandang hapon Titas of Manila!" aniya na nagkunwaring masigla. Sobra ang pagkabog ng puso niya sa kaba at pag-aalala, ayaw niyang mapansin ng mga ito ang discomfort mula sa kaniya.

Diyos mio naman kasi! All her life, her Aunties were there to watch her and Connie. Sa katunayan, may pinsan sila na anak ng panganay na kapatid ng mama niya, pero lalaki iyon kaya hindi gaanong binantayan. Hindi katulad sa kanila ni Connie na bantay-sarado, mula umaga hanggang gabi. Lahat ng contacts nila sa phone ay kilala ng mga ito, ultimo mga klase ng magazines na binabasa nila at mga social media accounts nila ay naka-track. Alam na alam ng mga tiyahin nila ang likaw ng sikmura nilang magkapatid, kaya alam niyang madaling mababasa ng mga ito kapag may isini-sikreto siya. Kaya hanggang maaari ay nais sana niyang maka-iwas muna— habang wala pa siyang ginagawang hakbang sa planong nabuo niya kani-kanina lang.

Lima ang magkakapatid sa pamilya nila Mama niya. Ang panganay ay ang Tita Marites niya na siyang ina ng pinsan nilang lalaki. May katabaan ito at siyang pinaka-istrikta sa lahat ng magkakapatid. May suot itong salamin at hindi palangiti— pero mabait naman kahit papaano.

Pumangalawa naman ang Mama nila, na istrikta rin pero sweet. Her name was Merry.

Ang sumunod ay ang Tita Maureen niya. Matandang dalaga ito at dating beauty queen sa lungsod ng Parañaque. Kinaiinggitan niya ang mahahaba nitong mga binti at kutis porcelana, pero nagtataka siya kung bakit ito hindi nag-asawa samantalang ito ang pinaka-maganda sa magkakapatid? Well... mas maganda pa rin ang mama nila, of course.

Ang pang-apat sa magkakapatid ay ang Tita Marife nila na siyang pinaka-mabait sa lahat. She was also pretty and very soft spoken. Ni minsan ay hindi pa nila nakitang nagalit iyon at lagi lang nakangiti sa lahat. At the age of thirty-eight, Marife was also an old maid.

Ang bunso namang si Mau ang pinaka-kwela sa lahat ng magkakapatid. Old maid din pero wala itong pakealam kahit mabulok daw ang mga itlog nito sa obaryo, masaya ito sa buhay-single. Ito ang pinaka-maingay sa magkakapatid, pero pinaka-friendly rin. And for that reason, ay naging mas malapit sila ng Ate Connie niya rito.

And all of her aunts, including her mother, were teachers. Lahat ng mga ito'y nagtuturo sa pinaka-malaking pribadong kolehiyo sa Maynila— ang Montemayor International Colleges.

Yes. Montemayor.

And that was the worst part of her problem. Dahil ang MIC, kung saan nagtuturo ang mama niya at ang apat pa niyang tiyahin, pati na rin ang papa niya na nagta-trabaho roon bilang Head of the Accounting, ay pag-aari lang naman ng pamilya ng lalaking ama ng batang nasa sinapupunan niya!

And from what she heard— Caligh Carson Montemayor, also known as Cayson, was the only successor of the family. Ibig sabihin ay ito ang susunod na School Director kapag nagretiro na ang lola nito. He would soon be her parents'—NO, basically her whole family's— future boss.

"Bakit parang namumutla ka? May sakit ka ba?" tanong ng mama niya nang mapansin siya nito. Kasalukuyan itong nagsasalin ng kape mula sa coffee maker sa mga tasang nakapatong sa coffee table.

Nakita niya ang pag-lingon ng lahat sa kaniya nang marinig ang sinabi ng mama niya. Doon niya ipinaypay ang mga kamay sa ere upang batiin ang mga ito.

"Wala akong sakit, 'Ma. Napagod lang ako sa biyahe. Galing akong Ayala kasama si..." Nahinto siya. Hindi niya masabing si Jiggy na naman ang kasama niya dahil mula noon hanggang sa mga oras na iyon, ay hindi pabor ang pamilya niya sa pakikipagkaibigan niya kay Jiggy. Simply because of Jigg's sexuality.

Yes— pati iyon ay kontrolado nila. Pati pakikipagkaibigan niya sa mga tao ay hawak sa palad ng mga ito. Kulang na lang ay magpakita muna ng detalyadong resume ang mga tao bago siya kaibiganin. Tila wala siyang karapatang kaibiganin ang sinuman kung hanggang sa hindi pa ang mga ito pumapasa sa pamantayan ng mga tiyahin niya.

She hated it, but she couldn't do anything about it. Tuloy, kapag nakikipagkita siya sa bestfriend ay kailangan niyang magsinungaling. Hindi niya rin ito maimbintahan sa mga selebrasyon ng pamilya at hindi mai-sama sa mga out of town trips nila.

Buti pa ang Ate Connie niya... nagagawang makapag-sama ng mga kaibigan at ma-invite ang mga ito sa bahay nila.

Ang nakakatuwa lang, ay kahit minsan, hindi nagdamdam si Jiggy tungkol sa bagay na iyon. Ang sabi'y naiintindihan nito ang pamilya niya. Sa katunayan ay nag-aalala ito kapag may mga bagay siyang ginagawa na sa tingin nito'y hindi naaayon sa regulasyon ng pamilya, kaya bantay-sarado rin ito sa kaniya.

At ngayon... heto. Jiggy was also problematic about her condition. Nag-aalala ito para sa kaniya.

"Si Jenny Grace na naman ang kasama mo?" tanong ng mama niya na itinuloy na ang pagsalin ng kape sa mga tasa.

"Diyos mio naman, Rosenda! Hanggang ngayon ba'y nakikipagkaibigan ka pa rin sa batang iyon?" bulalas naman ng Tita Marites niya na tila malaking kasalanan ang ginawa niya. She had this horrified expression on her face.

Ang Tita Maureen naman niya ay nagsalita rin. "Hindi ka ba nag-aalalang makita kayo ng mga taong nakakakilala sa'yo? Sa atin? Baka isipin nilang nakikipag-relasyon ka sa kapwa mo babae."

"Ilang beses ko nang pinagsabihan iyan na kung maaari ay iwas-iwasan na ang batang iyon," sabat pa ng mama niya na naupo na rin sa isa sa mga silyang naroon. "Aba, napuno na ng marka ang katawan ni Jenny Grace, kulang na lang ay magmukha nang diyaryo sa dami ng tattoo!"

Ang Tita Marife naman niya na madalas lang tahimik ay nag-komento rin. "Mukha namang mabait ang batang iyon, kaya lang, sa itsura niya ngayon, baka isipin ng mga tao na nagdo-droga siya at makasama ka sa usap-usapan, Rosenda."

Pinigilan niya ang mga matang umikot paitaas.

See? Ang tungkol pa lang sa pakikipagkaibigan niya ay malaking issue na sa mga ito. Ano pa kaya kapag nalaman ng mga itong nabuntis siya ng lalaking hindi naman niya asawa?

Gustong sumama ng loob niya sa mga sinasabi ng mga ito tungkol sa kaibigan niya, pero pagod na siyang ipaliwanag sa mga ito na mabuting tao si Jiggy at wala silang ginagawang masama para pag-usapan ng tao at gawan ng issue.

Huminga siya ng malalim saka pilit na ngumiti. "Akyat na po ako sa kwarto, may mga gagawin pa ako." Mabilis na siyang tumalikod bago pa siya pigilan ng mga ito.

Kung maaari lang magpalit ng pamilya ay ginawa na niya!

Sakal na sakal na siya sa dami ng rules and regulations, sa pagbantay ng mga ito sa mga kilos niya, sa pangengealam ng mga ito sa desisyon niya, sa mga damit na isusuot niya, sa lahat!

She's already twenty-four, for heaven's sake! Hindi ba dapat ay hayaan na siya ng mga ito?

Mahal din naman niya ang kanilang mga tiyahin, pero minsan ay hindi na niya kaya ang pangongontrol ng mga ito sa kaniya— sa buhay niya.

Nahinto siya nang marating niya ang hagdan.

Sabagay... kasalan ko rin kung bakit sila naghigpit ng sobra sa akin.

Yes. Siya rin naman talaga ang may kagagawan kung bakit naging ganoon ka-higpit sa kaniya ang pamilya. Pero matagal nang nangyari iyon at marami na siyang binago sa sarili niya para lang sa mga ito. Ngayong nasa tamang edad na siya, bakit hindi pa rin siya kayang hayaan ng mga ito?

Ugh!

Gusto niyang pumadyak sa inis. Padabog niyang itinuloy ang pag-akyat sa hagdan hanggang sa marating niya ang kaniyang silid.

Pagpasok ay kaagad niyang ini-lock ang pinto, dinukot ang cellphone mula sa bag at nagpatugtog ng ABBA songs in full volume bago niya ibinagsak ang sarili sa kama.

Sinapo niya ang ulo saka tumitig sa kisame. Sa isip ay pinagpa-planuhan na niya kung papaano niyang ipaliliwanag ang mga nangyari sa kaibigan at sa kapatid.

Kung bakit at papaano siyang nabuntis ng lalaking buong buhay ay itinuring niyang kaaway.

How did she and Cayson become an enemy?

She closed her eyes and let her memory travel back... ten years ago, to when she recklessly fought her family just for love.


TO BE CONTINUED...

▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️▪️

SCHEDULE OF UPDATE

Wattpad: Friday, Saturday, and Sunday

GoodNovel: Completed / Paid Story

Facebook VIP: Completed / Paid Membership

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top