P A N I M U L A
© Copyright 2016 - alerayve
Published in Wattpad: March 2016
All Rights Reserved. No part of this story may be reproduced, stored in a retrieval system, or transmitted, in any form or by any means without the prior permission of the author. All characters in this story are fictional and any resemblance to real persons, living or dead is purely coincidental.
****
Ano na nga ba ang pinakamalaki at pinakadelikadong nagawa mo sa buong buhay mo?
Ako?
Maliban siguro sa pagpapanggap bilang isang lalaki sa grupo ng mga mandirigma na puros lalaki lang ang nabibilang, marahil ang pagdeklara sa mismong mukha ng emperador na ang paslit na kasama ko ay kanyang dugo at laman ang kahit kailan ay hindi ko inaasahang gawin.
Ngunit, mas lalong taliwas sa aking mga prinsipyo ang lumapit sa taong naging puno't dulo ng kasiraan ng mga pangarap namin ng aking nakatatandang kapatid.
Nakikita mo nga ba aking ode? Nakikita mo ba na ngayo'y ako'y nagpapakababa sa harap ng taong naging dahilan ng iyong pagkamatay?
Binigyang sulyap ko ang musmos na hawak-hawak ko ang kamay sa harap ng malaking tronong nagpapahinga sa dulo ng napakalaking bulwagan. Pawang sa akin lamang ito nakatingin at bakas sa kanyang mukha ang takot sa mga hindi pamilyar na mga tao't bagay sa paligid.
Tunay ngang kay layo na ng kinasasadlakan ng Aldrina sa imperyo ng Castrinya.
"Mahal kong tiya, maaari na ba tayong umalis? Tila tayo'y hindi katanggap-tanggap sa paningin ng mga naririto," mahinang aya nito.
Siguro nga, mahal kong pamangkin. Gayunpaman, ang mga taong nandito ay iyong mga kapwa mamamayan din. Iisa ang dugong nananalaytay sa inyong mga ugat at laman.
Tanging isang ngiti ang ginamit ko upang siya'y bigyan kasiguraduhan. Kasiguraduhang pawang sa panlabas lamang. Sino nagsabing hindi marunong matakot ang kagaya ko? Maaaring isa ako sa mga matitikas na miyembro ng Abrias ngunit ako'y nag-iisa sa kastilyo ng mga tigreng kaya akong sakmalin kahit anong oras man nilang naisin.
"Biancasta ang iyong ngalan, hindi nga ba?"
Nagpantig ang mga taingang nilingon kong muli ang lalaking pinakakinamumuhian ko sa buong mundo. May suot itong magarang damit na gawa sa seda at nakaupo naman sa tronong nababalutan ng mga dyamante't bulawan. Higit sa lahat, may ngiting nakapinta sa kanyang mukha na nais kong burahin kung ako'y mapagkakalooban ng pagkakataon lamang.
"Opo, mahal na emperador," labag sa loob kong pagsagot.
Ang tawagin siyang emperador ay malaking pagtapak sa aking pinaniniwalaan. Sapagkat ang alam ko'y ang isang tunay na magiting na emperador ay hindi namumuno sa pamamagitan ng takot at pagmamalupit. Ilang pagbaha na nga ba ng dugo ang inudyok ng lalaking nasa harapan ko?
Ipinatong niya ang kanyang siko sa gilid na sandalan ng trono at saka idinagan ang kanyang mukha rito. "Makikita natin sa kanyang paglaki kung siya'y tunay ngang aking supling. Subalit datapwat, kung may mangyari mang hindi inaasahan sa bata o hindi kaya'y sa pagkilatis sa kanya, nararapat lamang na ang taong gumiit ay humarap sa karapatdapat na kahihinatnatan."
"Anong inyong ibig sabihin?"
Sa puntong ito, pinupuno na ng kaba ang aking puso. Para sa aking buhay, para sa anak ng aking yumaong kapatid, para sa napahiwalay kong kaibigan na si Astor, at para na rin sa mga kapwa ko Aldrinian na malamang sa malamang ay madadamay sa aking kahangalan.
Ngunit kahit anong gawing pag-urong ng aking dila, wala na akong magagawa pa.
Hindi ko na mababawi ang mga salitang aking binitiwan sa harap ng mga taong ito.
"Mananatili ka sa aking kastilyo kasama ng iyong pamangkin. Upang hindi magkaroon ng iba pang suliranin ukol sa inyong magiging paglipat, ika'y aking bibigyan ng bagong pagkakakilanlan at aking magiging asawa," pagbabahagi ng plano nito.
Halos hindi ako makapaniwala sa mga tinuran niya. Kahit ang mga ministro't mga heneral na naririto ay mabilis na nagpahayag ng pagtutol sa kanyang binabalak.
Paano niya maaatim na gawing asawa ang isang mababang Aldrinian na tulad ko?
"Kamahalan!"
"Isang aliping Aldrinian ay magiging asawa ng emperador?"
"Ano na lamang ang sasabihin ng mga pangunahing pamilya?
Agad na nawala ang ngiti ng emperador at ipinikit nang mariin ang kanyang mga mata na siyang nakapagpatikom sa mga bibig ng kanyang mga opisyal.
May pagtitimpi ay iwinika niya ang mga sumusunod, "Ang sinumang magsalita laban sa aking bagong asawa ay sisiguraduhin kong ipapatapon ko sa bilangguan."
At sa oras na iyon ay itinakda na ng nilalang na ito ang aking kapalaran sa malawig na kontinenteng ito. Simula ngayon ay hindi na ako makaaalpas pa sa kanyang kapangyarihan at pangalan.
Ito rin ang naging hudyat upang maipit ako sa magulong buhay ng mga maharlika.
Ito ang bagong yugto ng aking buhay.
Ang ngalan ko'y Biancasta Litchsteinmore, ako ang babaeng babaguhin ng isang imperyo ngunit nakatadhanang baguhin ang daloy ng kapalaran ng bawat sulok ng mundo.
****
-T A L A S A L I T A A N-
EMPERADOR
Katawagan sa isang pinuno ng imperyo. Kataas-taasang opisyal na may malawig na kapangyarihan sa mga kolonya at iba pang lalawigan ng kanyang imperyo.
ODE
Katawagan para sa nakatatandang kapatid na babae. Ibang termino para sa salitang, 'Ate'. Maaari rin itong gamitin kung tumutukoy sa isang nakatatandang babae sa iyo.
ALDRINA
Ang bansa sa malayong timog-silangan na siyang pangunahing tagapanustos ng bulawan at iba pang yamang mineral at tubig sa iba't ibang panig ng mundo. Ito'y isang maliit na bansa ngunit noo'y matayog nang dahil sa impluwensya ng mga Abrias. Sinasabing dito unang itinakda ng Bathalumang Elizaria ang unang Abrias. Sa ngayon ay baon na ito sa maraming suliranin simula nang umupo sa trono ang apo ng yumaong hari na siyang nagpayabong sa bansa.
BIANCASTA
Sa lenggwahe sa kanilang mundo, ang ngalang Biancasta ay nangangahulugang biyaya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top