Kabanata XVIII
BIANCASTA
"Antonio, kumain ka na ba?" tanong ko sa batang ngayo'y pitong taong gulang na. Edad kung kailan milyon-milyong mga bata ay nagsisimula nang matuto sa mga matataas na paaralan ng mga bagay na higit pa sa pagbabasa, pagguhit, at pagsusulat. Kay bilis ng panahon.
Parang kailan lang nang mapagkaitan ako ng madedependahang kapatid sa habangbuhay. Parang kailan lang ay kasama ko pang maglaro at mag-aral ang Prinsesa Preia. Parang kailan lang ay kakatawanan ko pa ang mga bai ng Selandre. Parang kailan lang nang magkasama-sama kaming muli ng aking mga kasamahan sa Ocusmea. Parang kailan lang nang matuklasan ko na mayroon pang ibang paraan upang kami'y makapagtalastasan ni Astor.
At ngayon... Wala na. Wala na ang mga bagay na iyon.
Aligagang lumapit sa akin ang batang nagagawa pang ngumiti sa kabila ng iba't ibang kapaligirang nakagisnan at samu't saring mga kapahamakan sa aking piling. "Opo, Tiya Bian. Mauuna na po ako. Hindi ko na po nais na mapagalitan na naman ng maestro," tila hagikgik pa niyang biro bago ako bigyan ng halik sa pisnge at saka dire-diretsong lumabas ng kubo para sa pasok niya sa paaralan.
Aking ibinaba naman ang mga hugasin at pinunas ang aking mga kamay sa telang nakapulupot sa aking bewang. Tinungo ko ang bukana ng kubo at pinanood na maglakad nang kay giliw ang aking pamangkin para matuto. "Nakikita mo ba ito, ode? Lumaking matalino ang iyong anak. 'Di lamang siya magalang kundi maprinsipyo rin. Totoo siya sa kanyang sarili at para sa edad niya'y buong determinasyon niya akong pinipilit na turuan siyang makipaglaban." Napabuntong-hininga na lamang ako. Batid ng mga bathala't bathaluman na labag sa aking kalooban ang pagbabahagi ng kaalaman sa kanya.
Kung ako ang masusunod ay hindi ko nais na humawak ng kahit anong sandata si Antonio. Iniwan siya ni Ate Leila sa aking pangangalaga kung kaya't obligasyon ko ang protektahan siya sa kahit na ano pa man hanggang sa aking kamatayan. Walang pangangailangan sa kanya upang siya'y dumikit sa masalimuot na buhay ng mga natututong lumaban. Gayunpaman, hindi ko maitatanggi na kalaunan ay lalaki siya bilang isang ginoo at magkakaroon ng mga mayayabong na pangarap. Balang araw ay hindi ko na lamang mamamalayan na dadalhin na rin niya sa akin ang mga paksa ukol sa pagbubuo ng pamilya. Inaamin ko, lubos kong kinakatakot ang pagdating ng mga araw na iyon. Nakagagalak sa aking puso't isipan na magkakaroon ng magandang kinabukasan ang natitira kong pamilya sa mundong ito, ngunit hindi ko maatim na pakawalan siya sa mga bisig ko. Darating ang panahon kung kailan hindi niya na hahanapin ang proteksyon ko sapagkat lilipas na rin ang buhay ko.
Mag-isa. Malumbay. Walang katuwang.
Halos o mahigit isang taon na rin ang nagdaan. Malinaw pa sa aking memorya ang araw na dinaong ko ang laman ng pintong nais ipabukas sa akin ni Pinunong Apo. Pintong nagdala sa akin dito sa Orrhyen, isang probinsya sa isla ng Topes na pitong araw na biyahe ang layo sa Castrinya. Mas malayo ito sa Ocusmea o sa Selandre. Tamang lokasyon lamang upang makalayo sa mga humahabol sa akin at sa mga maaaring makaalam ng tunay na pinagmulan ko at ni Antonio.
Tama. Ang Tore ng Sumel ay hindi lamang isang ordinaryong makasaysayang imprastraktura. Ito ang nagbabahay sa Pentreskorpal, ang mahiwagang pintuan papunta sa lugar kung saan ka kasalukuyang nais italaga ng tadhana. Sikat ang paksang ito sa mga alamat at mga kanta sa Ocusmea sapagkat ito ang sinasabing paraan ni Demetria sa pagbisita ng bawat lupain na humihingi ng basbas para sa kanilang mga ani. Sa tuwing inaalala ko ang araw na nilisan ko ang bagong kuta ay nagtataka ako. Aksidente lamang ba na ang mismong kanlungan na aming natagpuan ay malapit lamang sa kinatatayuan ng tore? Hindi ba't nakakapagduda na para sa isang makasaysayang gusali ay nakapasok na lamang kami roon ng Pinunong Apo nang walang problema? Bawat araw, dumarami ang aking mga katanungan. Mga katanungang alam kong nais ni tanda na ako mismo ang sumagot ngayong wala na ako sa kanyang hanay.
Sa paglagpas ko sa pintong iyon ay binalot ako ng matinding liwanag na siyang sumilaw sa aking mga mata. Kay init din ng liwanag na siyang bumalot sa aking katawan. Nakakaubos ng hininga na tila ba hinihigop ng lagusan ang iyon espiritu't kaluluwa. Ang unang naabutan ko lamang sa aking paggising ay ang aking pamangkin na aking napag-alaman ay pinauna na ni Pinunong Apo. Sinubukan kong bumalik at hanapin silang muli. Subalit, mas nakagigimbal pang balita ang aking natuklasan.
Isang linggo matapos akong dalhin dito ng Pentreskorpal, lumaganap sa buong mundo ang balita ng pagkamatay ng natitirang mga Abrias na nagmula sa Aldrina.
"Bian, pakidalhan naman ng tatlong kupita ng alak ang mga kararating lamang na mangangaso roon sa ikaapat na mesa," pakikisuyo ni Desa, bunsong anak ng may-ari ng pinakamalaki at pinakasikat na taberna sa buong probinsya ng Orrhyen. Maagap ko namang kinuha ang bandehang inalagay niya sa baras at maingat na iniwasan ang bugso ng mga bisita ngayong tanghali.
Hindi man kalakihan ang islang ito, kilala pa rin ito bilang malayang isla ng mga nagtatrabaho sa larangan ng agrikultura. Dito rin matatagpuan ang pinakamalaking bentahan ng mga mersenaryong mandirigma na siyang dinarayo ng mga aristokratiko at kung minsa'y mga opisyal sa gobyerno ng iba't ibang mga bansa.
Marahan kong ibinaba ang bawat kupita sa nagkwekwentuhang mga kalalakihan. Pagdampi ng huling kupita ay nabuhayan ako ng kaba nang ang isa sa mga panauhin ay hinatak ang kamay ko papalapit sa kanya. "Ano ang iyong ngalan? Magkano ang iyong sinisingil para sa isang gabi?" Masama ito. Kung pwede ko lamang siyang labanan, kanina pa siya pinaglalamayan ng kanyang mga kasamahan.
Kaso'y hindi. Kilala ako bilang isang babae sa probinsyang ito. Nakasuot ng pambabaeng kasuotan, nakatirintas ang ilang hibla ng buhok, at may lasong nagkukubkob dito. Kung kasama ko lamang si Astor...
"Paumanhin, ginoo, ngunit hindi isang kuorsa ang dalagang ito."
Ang nakayuko kong ulo na siyang nagkukubli ng nahihirapan kong ekspresyon ay napatingala sa ginoong humablot ng aking kamay mula sa animo'y barbarong panauhin. Base sa kanyang madiing tono at matatas na pagbigkas sa bawat salita, iisang lahi lamang ang alam kong ganito ang gawi.
Pumiglas ang bisita at bahagyang minasahe ang kamay dulot ng maaaring pangangalay gawa ng mahigpit na pagkakahawak ni Callen, ang taong nagpasok sa akin sa trabahong ito. "Kailan pa nagkaroon ng karapatan ang mga Eghilyon na magsalita? Lahi ng mga alipin lang naman kayo!" Akmang babawi pa sana ang mga kasamahan nito nang matapang na humakbang papalapit sa kanila ang lalaking nagtanggol sa akin.
"Etrosuenante ybelle dua otgar."
Hindi ko naunawaan ni isa sa mga katagang sinalita niya, subalit ang kaisa-isang bagay na may kasiguraduhan ay ang katotohanang nangilabot ang tatlong mangangaso nang marinig nila ito. Kalaunan ay may kunot ang aking mukha nang tuluyan na tumikom ang bibig ng mga ito at mahinahong umupo na lamang matapos iabot ang bayad para sa alak na kanilang dinayo rito. Ni hindi inda ni Callen ang napakaraming mga matang nakadirekta sa aming direksyon. Bagkus, kinuha niya ang kamay ko at hinatak papalabas ng bahay panuluyan nang wala man lamang sinasabi.
Pagdating namin sa labas ay malakas na pagbuntong-hininga ang nagawa niya. Napahilamos din siya sa kanyang mukha bago tuluyang tumingin sa akin, sa akin na kahit papaano ay bahagyang sumama ang loob sapagkat kinailangan pa niya akong protektahan kahit na ba may kakayahan ako. Kung hindi lamang kami pinaghahahanap at kung hindi lamang mahirap mamuhay bilang lalaki sa probinsyang ito, hindi ko na sana pa maaabala ang oras niya.
"Kailan ka ba magtatanda na huwag mong pagsisilbihan ang mga panauhing halata namang walang mabuting intensyon sa iyo?"
"Patawad. Gayunpaman, wala naman ako sa posisyon upang mamili ng pagsisilbihan, hindi ba?"
Lumamlam ang inis sa kanyang mukha at napapikit na lamang. Pagdaan ng ilang segundo ay muli niyang binuksan ang mga ito at pinakita sa aking muli ang magagandang pares ng asul na mga mata. Kasing asul ng karagatan na pumapalibot sa Aldrina. "Sa susunod, sa akin mo na lamang ipasa ang mga ganoong klase ng bisita. Sa isang taong pananatili mo, hindi ito ang una, pangalawa, o pangatlong beses na ninais ka nilang bilhin. Dapat ay batid mong ikubli ang iyong kagandahan," at ginawi niya ang kanyang mukha sa loob ng aming pinagtatrabahuhan.
"Ano ang iyong huling sinabi?"
"Wala. Hindi mahalaga. Ngayon..." panimula niya at isinuksok niya ang kanyang kamay sa kanyang bulsa. Paglabas nito'y dalawang makikinang na gintong barya ang sumilay sa aking mga mata. Saan niya nakuha ang mga bulawan?
Marahang inabot ni Callen ang aking kanang kamay at saka tumingin sa paligid kung may iba pang nakatingin sa amin. "Dapithapon na. Mabilis sumapit ang gabi. Mas makabubuti kung ika'y lilisan na at maagang maghanda ng makakain ninyo ni Antonio. Kunin mo ito."
"Pero..."
"Tsk," pilatak nito at pinilit na ibalot ang kamay ko sa binigay niyang mga bulawan.
Tumututol man ang aking galaw at ekspresyon ay hindi niya pa rin ako hinayaang ibalik ang mga bulawang maaaring nanggaling pa sa kanyang dugo't pawis. Hindi ko prinsipyo ang umani ng mga bagay na pinaghirapan ng iba, lalo na't wala akong wisyo kung may sinusuportahan bang pamilya ang taong tulad ni Callen. Ang tanging alam ko lamang sa kanya ay siya ang tumulong sa amin ng aking pamangkin noong naghahanap ako ng paraan upang manatili kaming buhay.
Hindi pa man ako nakakalayo ay sumaging muli sa aking isipan ang mga salitang nagsalba sa akin mula sa pambabastos ng mga barbarong mangangaso. Kung kaya't tumigil ako ako at muling nilingon ang posisyong kinatatayuan ng tagapagligtas ni Biancasta, hindi ni Bian. "Salamat! Nga pala, ano ang sinabi mo sa mga panauhin kanina?" kwestyon ko nang mapansin niya ang pagharap ko.
Ngumisi naman ito at napailing-iling na lang. "Malalaman mo rin."
Kahit ako'y napailing na lamang sa tugon niya. Nang mapansin ko ang pag-iiba ng kulay ng kalangitan, batid kong sandaling panahon na lamang at lulubog na ang haring araw. Hindi na ako nagsayang pa ng oras at nagdesisyong unahing sunduin muna si Antonio mula sa eskwelahan nang sa ganoon ay siya ang makapili ng nais niyang kainin mamayang hapunan. Sigurado akong sa regalong ito ni Callen ay makakain niya ang kahit na anong gusto niya para mamaya.
Masayang-masaya akong naglalakad papalapit sa maliit na eskwelahang naitayo ng mga taongbayan para sa mga batang nais matuto sa kabila ng kasinungalingan na hindi naman talaga nila maaapektuhan ang mundo kung makakapag-aral sila. Oo't napakanegatibo nitong klase ng pag-iisip, subalit balang araw, maiintindihan nila na hindi sapat ang kaalaman para umunlad. Hangga't walang bumabago sa pinakakaloob-looban nito, walang pag-unlad na malulunsad kahit kailan.
Hindi nagtagal ang mga palaisipang ito nang matunghayan ko ang kumpol ng mga bata't magulang sa labas na paaralan na pinalilibutan ang kung ano. Mabilis na tumibok ang puso ko ng pangamba sa kung ano kaya ang sentro ng kanilang atensyon at pagkamangha. Ni hindi ko na namalayan pa na tumakbo na ang sarili kong mga paa papunta sa kinaroroonan nila at hinawi ang mga taong haharang sa akin papunta sa kalagitnaan.
At maniwala man o sa hindi, maging ako ay namangha.
Ngunit dinaluyan din ako ng mas matinding takot. Pakiramdam ko'y kumirot ang bawat ugat na mayroon sa katawan ko. Sa katiting na mga minutong iyon, hindi ko malaman ang aking susunod na gagawin. Paano ko matatago ang isang bagay na tila hindi biyaya ng pagkatuklas ng isang mortal? Narinig ko na ang tungkol dito ngunit hindi ko inaasahang sa ganitong paraan pa ito madidiskubre.
"Nasaksihan niyo ba iyon?"
"Anong liwanag ang nagmula sa likuran ng bata?"
"Bigla na lamang itong nawala!"
Aking tiningnan ang batang nakalimutan ko na sigurong may dugong maharlikang dumadaloy sa kanyang katawan. Dugong nagmula sa isang taong alam kong kinamumuhian ng lahat ng nawalan ng mahal sa buhay nang dahil sa mga walang kwentang digmaan at pananakop niya. Pero, hindi ko talaga matatanggal sa kasaysayan, ang pamilya ng taong iyon ay ginagabayan ng kapangyarihang nagmula pa sa mga bathala. Kapangyarihang pumoprotekta sa bawat miyembro ng kanilang pamilya.
Doon ay napagtanto kong muli...
Isang prinsepe si Antonio. Anak ng mga Conwynra, sagradong pamilya ng Castrinya. Dugo at laman, isang amaharlika. Isang itinakda na bumago sa siklo ng kinabukasan ng buong imperyo ng Castrinya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top