K A B A N A T A - XVI
ASTOR
"Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwalang nakasaksi ako ng kapangyarihang taglay ng isang Abrias. Ang akala ko'y isa nang kakaibang kababalaghan ang makakita ng babaeng hinayaang maging kapanalig ngunit hindi pa pala," komento ni Rosca habang ang kanyang tingin ay nakapukol kay Bian na kasa-kasama nina Rafael at Mateo sa pag-aaliw sa batang akin na ring tinuring na tunay na pamangkin.
Ako nama'y binitawan muna ang kagamitang aking dapat na bubuhatin at saka iniabot ang tainga ng aking kaibigan upang pingutin. Agad naman itong uminda ng sakit at isang tumatawang Manuel ang sa ami'y dumaan dala-dala ang ilang kahon. Napapailing ko na lamang siyang pinakawalan upang ako'y makabalik na sa pagtulong sa pagbababa ng mga kagamitang galing sa Selandre.
Nalagpasan namin ang bagyong nagngangalit nang hindi man lamang nakatulog ni saglit. Katatapak lang naming apat sa Ocusmea at nakapapanatag na na kami'y inaabangan na ng lahat sa pampang nang buong pagkasabik. Maging si tanda ay lubos na nagagalak na makitang ligtas ang kanyang mga munting anak na nawalay sa kanya sa mismong pagkatapos ng seremonya. Gamit ang pagtuturong iniambag ni Ginoong Kanyo sa akin ay nagagawa ko nang makausap si Bian kahit gamit lamang ang isip. Gayunpaman ay wala pa akong balak na ibunyag sa kanya ang tunay na dahilan nito.
Ako man din ay nahihiwagaan sa tinuran sa akin noon ng pinuno ng balay mangangalakal. Ayon sa kanya, ang mga nagagawaran ng Leventis ay mga taong isinugo upang maging malaking parte ng lipunan at ng kinabukasan ng lahat. Ngunit, papaanong ang isang babaeng Abrias na nagmula tulad namin sa mababang antas ay magkakaroon ng ganoong kalubhang tungkulin sa kanyang mga balikat?
Isa pa, tunay na nakasusurpresa ang abilidad na kanyang ipinamalas kagabi. Nagawa niyang pasunurin ang isang elementong hindi basta-basta sumasanto sa kahit na sino. Maging ang ulan ay nasindak na siya'y dulutan. Napigilan niya ang pagkilos na maaaring binabalak ng mga Castrinian. Sa ginawa niyang yaon ay nakaligtas ang lahat.
"May kaalaman na ba ang iba ukol sa aking tunay na kasarian?"
Abang napatigil ako sa aking ginagawa.
Wala kang dapat alalahanin tungkol doon.
"Astor, bakit hindi ka muna magpahinga? Ako muna ang didito kung kaya't pumaroon ka muna sa munting salo-salo na aming inihanda para sa inyo," alok sa akin ni Hanan na tila nakakain na nang higit pa yata sa sapat na dapat niyang makain mula sa salo-salo. Kahit kailan talaga'y hindi nagbabago ang dami ng nais niyang kainin sa bawat oras.
Hindi ko naman na tinanggihan pa ang kanyang alok kung kaya't nagmadali na rin ako upang saluhan ang iba pa. Unang hinanap ng aking mga mata ay si Bian na siyang aking natagpuan kasama ang aking kalapit na kaibigan din na si Mateo. Akmang lalapitan ko pa sana ito ngunit nang makita ko ang kakaibang saya sa mukha ni Bian habang sila'y nag-uusap? Naglaho ang aking lakas loob na humakbang pa papalapit sa kaniya.
Agad na akong tumalikod sapagkat kasabay ng paglaho ng aking lakas loob ay siya ring pagkawala ng aking gana. Mas pinili ko na lamang ang lumayo sa nakararami at magpahangin sa pinakamalapit ng balkonahe ng mansyong ito na siyang nagsisilbing kanlungan ng mga Abrias na tulad namin.
Sa aking pagliliwaliw sa bawat parte nito ay doon ko lamang napagtanto ang isang bagay na tunay na nakakasuspetya. Kanino ang mansyong ito na aming tinutuluyan? Bakit tila walang inaalalang kapahamakan dito ang aming samahan? Ano ang klaseng proteksyon mayroon ang Ocusmea upang ito'y mapiling aming taguan? Papaanong nasisiguro ni tanda ni ligtas ang aming mga abang buhay sa teritoryo ng mga anak ng diyosa ng agrikultura?
"Naliligaw ka yata, ginoo," ani ng isang marahang tinig.
Sa kabila nito ay mabilis kong pinuslit ang patalim na nakasuksok sa loob ng aking sapatos at pinaikot ito sa pagitan ng aking mga daliri bago ko tuluyang ipihit ang aking sarili papaharap sa taong nagmamay-ari ng tinig. Subalit bago ko pa man ito maitutok ay may kung anong bagay ang pumigil sa aking kamay at gayon na rin sa bawat parte ng aking katawan.
"Anong?!"
"Huwag ka ng manlaban pa, Astor. Walang laban ang isang batang Abrias na hindi pa hasa ang kakayahan sa isang nakatatandang Griyeves."
Napatigil ako sa walang humpay kong pagpupumiglas nang iniluwal ng dilim ang bulto ng Pinunong Apo. Doon ay mas nabigyang pansin ko rin ang nilalang na siyang nagmamani-obra ng tila mga tangkay ng halaman sa bawat parte ng katawan ko. Tinanggal nito ang balabal niya sa ulo at nailantad ang matulis at mas malaki sa normal niyang mga tainga. May kung anong makikinang at makukulay na mga batuk ang gilid ng mukha at katawan nito. Ang mga pangunahing katangian na ito... Tanging iisang lahi lamang ang nagtataglay nito.
Griyeves. Isang malaking tribo na naninirahan sa kalupaan ng Castrinya.
Nagtatakang napatuon ako kay tanda. "Anong ibig sabihin nito? Anong sadya ng isang Castrinian dito sa ating bagong kuta? Nakikipagtulungan ho ba kayo sa kanila? Hindi niyo po ba alam na makakapaglagay ito sa atin sa panganib?!"
"Maaari bang itikom mo muna ang iyong bibig?" pakiusap nito.
Subalit, hindi ko mapapalagpas ang isang 'to. "Hindi! Bakit—"
Argh! Argh! Tinakpan niya ang bibig ko! Mga walang silbing Griyeves!
"Lubhang kay dadal ng iyong mag-aaral, Apo," ani nito sa katabi habang nangingiting ginagalaw ang bawat daliri niya na animo'y nagkukumpas sa isang malaking orkestra. Naalarma ko nang masibat ng aking mga mata ang paggapang ng isang baging sa aking kamay at kinuha nito ang aking patalim upang iabot sa kanyang amo na inabot naman kay tanda.
Hindi ko maintindihan! Bakit nandirito ang isang Castrinian?!
Sila'y naalerto nang makarinig kami ng sari-saring mga tinig na paparating sa aming kinaroroonan. Mabilis na nagkasundo ang dalawa at hinatak ako papunta sa ibang sulok ng mansyong ito sa pamamagitan pa rin ng mga nakakakilabot na mga baging na ito. Halos ako'y mahilo-hilo sa pag-angat nito sa akin mula sa sahig. Hindi ba't mas makabubuti kung hinayaan na lamang nila akong maglakad?
Umabot kami sa pinakadulong pasilyo sa ikatlong palapag bago pa man ako bitawan ng mga tangkay at bumasag sa matigas na sahig. Hindi ko maiwasan ang mapa-ubo dulot ng alikabok na tila yata nakapasok sa aking bibig at ilong. "A-Anong lugar ito?!" nahihirapan kong pang-uusisa lalo na't kay dilim din nito.
"Kahit kailan ay hindi naging kalaban para sa atin ang mga Griyeves."
Hindi kalaban? Ang mismong katotohanan na nananalaytay sa kanila ang dugo ng pagiging Castrinian ay sapat na para sila'y ituring na mga kalaban ng samahan. Nahihibang na ba ang pinuno? Ano ang pumasok sa kanyang isip upang makipagtagpo sa ganoong nilalang? Ang mansyon na ito... Hindi kaya'y pati ang imprastrakturang ito ay ipinagkaloob din nila sa amin?!
Nanlalambot man nang dahil sa paglingkis ng mga kadiring halaman na iyon ay pinilit ko pa ring tumutol sa kanyang giit. "Kung ganoon ay nais mo akong kumbinsihin na walang bahid ng dumi ang kanilang mga kamay mula sa mga pagpatay na isinakatuparan ng kanilang mga nagdaang hari?!" Lubos na makapangyarihan ang bawat lahing naroroon sa imperyo. Bawat isa sa kanila ay nagtataglay ng kung anong kayamanan na may mahika na siyang nagpanatili sa dugo ng aristokratikong mga pamilya nila. Hindi kaya'y ginamit nila ito upang lansihin si tanda?
"Siya ang nag-abot sa atin ng propesiya ni Elizaria mula sa Libro ng Kaliwanagan, Astor. Maaari ngang nasa panig ng imperyo ang Balay ng Farmenia ngunit hinding-hindi nila magagawang labagin ang Diyosa ng Karunungan na siya ring ating patron bilang mga Abrias."
Hindi lamang ang mga Griyeves ang nasasadlak dito kundi pati na rin ang balay na iyon?
Sa siyam na nakatataas na pamilya ng kontinenteng iyon, ang Farmenia ang angkan na hindi taksil sa mga salita. Sila man ay mga tapat na tagapaglingkod ng mga Conwynra, ang kabukalan ng kanilang pananampalataya sa parehas na bathaluman na aming sinasamba ay hindi mapapantayan. Kahit kailan ay hindi nila susuwayin ang mga salitang laman ng libro.
"Naiintindihan mo na ba, Astor? Pinapangalagaan nila tayo sapagkat tungkulin nating protektahan ang nakapropesiya susi sa makabagong panahon para sa Castrinya. At kung magkatotoo nga ito, malaki ang posibilidad na mabawi natin ang Aldrina at maibalik ito sa tamang ayos at pinuno," pagpapaliwanag nito.
Nakapropesiya. Si Antonio nga ba talaga ang taong nakapropesiya? Ako'y nagugulumihanan na sa mga kaalamang aking natatanggap. Oo nga't ako pa ang nagpamalita nito kay Bian ngunit kung ako ang naggawad ng Leventis at si Bian ang Levente, hindi ba't pumupunto na siya rin ay isang sagradong indibidwal na dapat naming pakaingatan? Kung ang paslit ang siyang susi, ano ang gagampanan ng tiyahin nito para magkaroong ugat muli ang sinaunang pamamaraan?
Ngayon ay mas nakasisigurado na ako. Ako ang naggawad ng Leventis kay Biancasta. Tama't hindi lamang pagkakataon na maipanganak ang isang prinsepe sa pamilyang Litchsteinmore. Ipinanganak si Antonio roon nang magabayan ng isang Levente.
Kung ganoon ay maaaring sa akin lamang pinadala ang ulat na iyon. Bakit ngayon lamang sumagi sa aking isipan? Kung sa isang tulad niya manggagaling ang tungkol sa propesiya, hindi ito agarang yayapusin ng aking mga kasama. Sa akin lamang ito pinaalam. Bakti ako? Bakit ako'y tinangi para ilayo sa mga maling kamay ang nakatadhana kay Antonio?
"Mayroon bang problema, Abrias?" panunuyo ng nakatatandang babaeng Griyeves.
Akmang lalayo sana ako rito sapagkat nabigla ako sa mabilis na paglapit sa akin at kanyang kakaibang anyo nang madamba ng Ginoong Apo ang aking kamay. "Huwag kang matakot. Ang ngalan niya ay Vedera. Siya ang nagluwal sa nakaraang ministro ng agrikultura. Magbigay galang ka," udyok pa nito sa akin na siya namang aking pinaunlakan.
Napagdudugtong ko na ang lahat.
Para sa magiging kapayapaan, kalawigan, at kaunlaran ng Castrinya at Aldrina, nagkakasundo nang paunti-unti ang mga balay nang sa ganoon ay madulutan namin ng tulong ang isa't isa para sa ikapagtatagumpay nito. Nasa sa amin ang tungkulin ng pagprotekta at nasa kanila ang tulong monetarya na siyang tangi lang nilang magagawa nang hindi paghinalaan ng kahit na sinuman.
"Ang dugo mo'y 'di Aldrinian, tama ba ako? Ika'y nagmula sa ibang bansa."
"Bansang tinapos ng inyo," sagot ko pabalik sa ginang na pinanliliitan ako ng mga mata. Para bang siya'y nahihiwagaan sa akin sa hindi ko malamang dahilan. Gayunpaman, bahagya akong nasurpresa na kanya itong batid. Ngunit papaano? Hindi siya magtatanong kung ito'y nabanggit na ng pinuno.
Mas sinurpresa pa ako nito nang hindi na niya mapigilan ang pangkwekwestiyon sa akin at hinatak ako nito papunta sa kanya. Napakainit ng kamay nito at sa bawat segundong lumilipas na hawak-hawak niya ako, pakiramdam ko'y may kakaibang pwersa ang bumabaon sa katawan ko. "V-Vedera?!" Kahit anong pagtawag namin sa kanya ay walang talab. Pati ang kanyang makukulay na batuk ay nagliliwanag habang ang mga mata niya'y nananatiling bukas at nabalutan ng kulay berde ang orihinal na itim na kulay nito.
Katagalan ay kinakapitan na ako ng kaba dahil pabawas nang pabawas ang enerhiya ko. Maging ang mga ugat sa aking kamay na na kay Vedera ay bakas na at parang nalalanta sa pangingitim nito.
Argh! Ang sakit! Bakit ganito?! Anong ginagawa sa akin ng babaeng 'to?! Bakit parang hinihigop niya ang lahat ng lakas ko?!
"Vedera, tama na!"
At marahas nga niya akong binitawan. Nasalo ng nakatatandang samahan at inalalayan ako sa pag-upo sa sahig sapagkat halos hindi ko na rin maigalaw ang mga braso't binti ko. Nakita ko kung paano rin nawalan ng balanse ang babae at base sa kanyang ekspresyon ay tila hindi siya makapaniwala sa kung anong nahuthot niya sa paghawak sa akin nang kay tagal. Nanlalaki ang mga mata niya at nakabukas ang kanyang bibig. Mukhang nagpapahiwatig na may nalaman siya na dapat ay hindi na niya inalam pa.
Ngunit, ano ito?
"Apoy... Naglalagablab na apoy. Ang iyong pinagmulan ay apoy at ikaw ay doon din babalik. Paggawad ng Leventis ay iyong dangal, pagpatay sa minamahal ang siyang ikamamatay. Astor, batang Abrias, lumayo ka sa apoy. Lumayo ka kung nais mo pang mabuhay nang matagal."
Ano?!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top