K A B A N A T A - XV


XV



BIANCASTA



"Tiya?"



Agad akong napahinto sa aking kanina'y hinay-hinay na pagkilos papaalis sa kamang hinihigaan ng aking aenipsia. Ang akala ko'y tuluyan na siyang nakatulog kung kaya't nais kong lisanin ang kanyang silid nang hindi inaabala ang kanyang pagkakahimbing.



Bumalik ako sa aking pagkakahiga sa kanyang tabi at inilapit pa lalo ang kanyang katawan sa akin. Inilapat ko naman ang aking kamay sa kanyang buhok at iniayos ang mga hibla nito. "Bakit? Hindi ka pa rin ba inaantok?"



Pumulupot sa aking bewang ang kanyang mumunting bisig. "Inaantok po. Subalit, sa tuwing ako'y hihimbing, ang tinig ni Ina na tila humihingi sa akin ng tulong ay paulit-ulit kong naririnig," pagbubunyag nito ng rason kung bakit niya ako nais na samahan siya ngayong gabi. Sa sinabi niyang ito ay agad na nanlambot ang aking puso at gayon na rin ang aking katawan tulad nang aking makita ang nakahilatang walang buhay na katawan ng aking kapatid sa unang pagkakataon.



Mahigpit akong yumakap sa aking natitirang pamilya sa mundong ito. Kasabay ng paghigpit na ito ay ang mas pinaigting kong lakas upang 'di muling magising ang mga luhang nais kong mamahinga na sa isang sulok ng masamang panaginip. "Kung nasaan man ang iyong ina ay tiyak kong hindi niya nais na gambalain ang iyong pagtulog. At sigurado rin ako na hindi niya ibig na magkasakit ang kanyang nag-iisang anak. Kaya kung ako sayo ay ipapanatag ko ang aking loob at mas paghuhusayan ko ang pamumuhay. K-Kahit na ba w-wala na ang iyong ina..."



Kasunod ng aking paggaralgal ay ang panginginig ng aking mga kamay. Pilit kong binubulungan ang aking sarili na huwag bumigay muli sa aking mga nararamdaman. Bilang Abrias. Para sa pangarap ng aking yumaong ode. Para sa batang isinasaad sa propesiya ng bathaluman.



Napansin ko ang pag-abot ni Antonio sa aking mukha. Doon ko lamang nabatid na ang luha'y nakawala na. Abang napangiti ako sa kung paano karahan niyang tinanggal ang bakas nito sa aking mga mata. "Hindi nababagay ang mga butil ng luha sa isang napakaganda, napakatapang, at napakabuting binibini tulad ng aking tiya."



"Saan mo naman nakuha ang mga salitang iyan? Kay Astor ba?" natatawa kong pang-uusisa dulot ng surpresa sa tila mas matanda na niyang paggamit ng mga kataga. Kakatwa at tila yata ako ang nasa pangangalaga ng paslit at hindi siya sa akin.



"Ngayon, alam kong hindi lamang ako ang binabagabag ng mga tinig at panaginip. Ngunit ang pagkakabatid nito ay sapat na upang ako'y mapanatag sa aking paghimbing."



Halos ako'y hindi makapaniwala na ang katalastasan ko ay isang anim na taong gulang lamang. Nasa kanya ang kabutihan ng kanyang inang Aldrinian at sa tingin ko'y ang husay niya sa pagbibigkas ay nagmula sa kanyang amang emperador ng Castrinya. Tunay ngang hindi maipagkakaila. Siya's isang Aldrinian at Castrinian. Ito'y katotohanang hindi na mababago pa.



Hinanap ng aking mga labi ang kanyang noo at hinalikan ito.



Mahal kong pamangkin, kung ang araw nga ay dadating na ika'y kailangang magbalik sa iyong ama tulad ng isinalaysay sa propesiya, titiyakin kong mas higit pa sa karapatdapat ka nilang maituturing bilang mabuti at kagalang-galang na tagapagmana ng trono ng tunay mong pinagmulan.



"Matulog ka na. May isang pistang magaganap bukas. Nais kong ipunin mo ang iyong enerhiya upang makapaglibot-libot ka kasama ng iyong mga kaibigan," alo ko rito at doon ay mas lalo naming niyakap ang isa't isa. Ako'y iyong patawarin, Antonio. Bukas na bukas din ay siyang huling kabanata natin sa islang ito na siyang kumupkop sa atin.



Siguro nga'y may itinakdang araw upang ika'y magbalik ngunit hanggang ako'y may mga paraan pa upang ika'y panatilihin sa aking tabi, kahit kailan ay hindi kita isusuko sa kahit na sinuman. Mas lalong hindi kita ibibigay nang isang bangkay na o hindi kaya'y nang hindi pa handa sa kahit anong maaaring ipaalam nila sa iyo ukol sa sanlibutan.



Hindi ko pahihintulutan na ika'y maging emperador na kakalimutan ang kanyang pinag-ugatan. Akin kang huhubugin nang ayon mismo sa plano ng iyong pinakamamahal na ina.



...



"Narinig ko sa aming ama na kayo'y lilisan na ngayong gabi. Bakit tila yata napaaga, Casta? Hindi na ba talaga namin kayo mapipigilan pa?" tanong ni Bai Seran nang siya'y aking abutan ng inumin mula sa nagaganap na ngayong pista.



Kay dami ng taong nagsidating. Samu't saring mga dayuhan din. Puno ng kasiyahan ang mapapansin sa paligid at sa bawat na oras na akin itong nasasaksihan, mas umiigting lamang ang aking pagnanais na lumisan nang sa gayo'y hindi madamay ang kaligayahan ng mga naninirahan. Ibig ko'y magpatuloy lamang ang ganitong saya at kapayapaan sa kanilang lahat. At alam ko na hindi ito magtutuloy kung kami'y mananatili pa rito nang mas matagal.



Iniayos ko ang ilang hiblang nakawala sa pagkakatirintas at ikinawit sa kanyang tainga. "Patawad ngunit ikinakatakot kong sadyang kay iksi lamang ng aming oras dito. Hindi kami maaaring magtagal. Isa pa, nakaayos na rin ang lahat ng aming kakailanganin para sa paglalakbay, mga mahal na bai," paghingi ko ng dispensa. Bakas ang kalungkutan sa bawat isa sa kanila. Lalo na't batid nilang hindi na nila maiiba pa ang aming mga plano mamaya.



Naihatak naman ang aking atensyon nang hatakin din ni Bai Ora ang aking kamay. "Base sa iyong pananalita, pakiramdam ko'y hindi ka na namin muli pang masisilayan," seryosong ani nito sa akin na siyang ikinabagsak ng aking ngiti sa kanilang harapan. Maaari ngang sila'y mga laki sa yaman, luho, at mga aksesorya ngunit walang dudang may talino rin silang dala-dala.



Naramdaman ko na lamang ang paglapat ng isang kagamitan sa aking palad. Akmang itatanong ko na sana kung para saan ito at kung bakit nila ito ipinagkakaloob sa akin nang pigilan ako ni Bai Zelda na siyang nasa aking tabi.



"Casta, tanggapin mo ang panyetang ito. Nababalutan ito ng iba't ibang klase ng maliliit na dyamante kung kaya't hindi mapapansin ang nakatagong mga patalim sa magkabilang gilid nito."



Ano? Patalim?



"Mga bai—"



"May kaalaman kami sa pagiging Abrias ng aming ama. Dahil dito, nadiskubre rin naming ika'y kanyang kapanalig sa samahan nang gamitin niya ang mga buhay na batuk," paliwanag ni Bai Zelda sa akin nang may maingat na paglingat-lingat sa paligid.



Hindi ko alam ang aking sasabihin.



Sa tingin ko'y ito rin ang dahilan kung bakit nila nais na ako'y ayusan nang bilang babae hangga't maaari sa lahat ng oras. Batid nila na ang makasama sa grupo ay siyang pagtalikod sa kasariang ipinagkaloob sa kapanganakan.



Iniyupi ni Bai Ora ang aking palad at saka ito binitawan. "Gamitin mo ang payneta hangga't maaari. Pakatatandaan ninyo ang lenteng ibinigay ni ama upang manipulahin ang liwanag nang sa gayon ay mabigyang harang ang anyong dragon ni Astor."



Hindi ko man mawari kung hanggang saan ang kanilang nalalaman sa tunay na nangyayari sa ngayon, ang natitiyak ko lamang ay amin silang mapagkakatiwalaan. Tingin ko'y hindi isang pagkakamali na rito kami dinala ng mga malalawig na pakpak ng aking kasamahan sapagkat dito ay nakatagpo pa kami ng mga panibagong mga kapanalig.



Unti-unting umangat ang magkabilang gilid ng aking mga labi at hinablot ang kani-kanilang mga kamay. "M-Maraming salamat. Kay laki ng aming utang na loob sa inyo."



"Sapat ng kabayaran marahil ang makita namin kayong muli sa hinaharap. Patunayan mo sa amin na kaya rin ng isang babae ang tungkulin ng isang Abrias," tugon ni Bai Zelda na siyang agad kong nirespondahan ng pagtango.



Ipinapangako ko.



Mas lumalim ang gabi at hindi na maitatanggi pa ang kabilugan ng buwan sa kalangitan ngayon. Mas dumami pa ang bilang ng mga panauhin at gayon na rin ng mga dauhang dumayo pa para lamang sa kasiyahan. Subalit sa bawat barkong dumadaong sa islang ito ay mas lalo lamang kumikitid ang aming tiyansang makaalis dito nang hindi ligtas at buhay.



Lubhang kilala ang imperyo sa kanilang yaman, koneksyon, at impluwensya sa kahit na sino o sa kahit saang lugar. Sa oras na may isa sa mga naririto ang nakatunog, magbigay testamento o hindi kaya'y masindak sa mga iyon, pati ang balay mangangalakal ay walang pag-asang makatakas. Kahit na ba sabihin nating isang Abrias ang pinuno at may iba pang kagaya niya, hindi nito iniaalis ang katotohanang may masasaktan at mamamatay.



"Bian, naikarga na ang lahat sa barko. Tayo na lamang ang hinihintay."



Ako'y tumayo na sa gilid ng kamang akin ding pinagpahingahan ng ilang araw. Mga araw na kay payapa at iilan lamang ang inaalala. Sa pagkakataong ito, kinakailangan ko na itong iwan gayon na rin ang pook na ito na siyang hindi na ligtas para sa aming mga naligaw. "Si Antonio?"



"Isinama na siya nina Manuel at Rosca sa barko. Mainam nang naroroon siya kung sakali mang may maganap sa pagitan ng mga oras na tayo'y papunta roon."



Matapos ako nitong balitaan ay hindi na muli akong binigyang tingin nito. Bagkus ay nagtuluy-tuloy na lamang siyang naglakad papalabas ng balay na ngayon ay amin nang babayaan. Ako man din ay wala ng sinayang pang oras at siya'y sinundan roon. Tulad ng inaasahan ay dalawang kabayo ang nakahanda para sa aming dalawa subalit dama ko ang presensya ng ilang taga-balay mangangalakal sa likuran ng ilang halamanan at ng kadiliman.



Naging madali ang pagdaan sa kasiyahan gamit ang aming kasuotang pangtagapagbantay ng bayang ito. Patuloy pa rin ang ingay na nililikha ng samu't saring mga tawanan at pakikipagtalastasan. May ilang mga palaro, mga pagtatanghal, at kakaunting sugalan na siyang ikinaliligaya ng lahat. Lahat ng ito ay mahusay na pinapangunahan ng mga bai na siyang natatangay ang atensyon ng kahit na sinuman.



Ang tanging nagkaroon ng lamat ay nang kami'y nakatapak sa may pier kung saan saktong kararating lamang ng isang barkong naglalaman ng mga Castrinian base na sa kanilang mga baluti at kasuotan.



"Sa lahat ba naman ng mga taong ating makakasalubong ay sila pa," bulong ko sa muling paghampas ng malakas na hangin sa aking mukha.



"Tingnan mo nga naman, Bian. Tila ang kalangitan ay nakikiayon sa ating pagtakas."



Abang napatingala ako sa kalangitang kanina ko pa pinagmamasdan bago namin lisanin ang bayan. Sa pag-angat ng aking ulo ay siyang pagdampi ng malamig na patak ng ulan sa aking noo. Hindi kalaunan ay hindi na mabilang ang dinulutan nito. Kakambal ng lumalakas na pagbuhos ng ulan ay ang mga nagngangalit na kidlat at kulog.



Nang ibalik ko ang aking tingin sa kalupaan ay nagdesisyon kaming dalawa ni Astor na ipagpatuloy ang paglapit ng mga kabayo sa barkong aming sasakyan. Nagsibabaan na rin ang ilang tauhan ng Ginoong Kanyo nang kami'y kanilang mamataan. Kapwa mga tingin ay pare-parehas ngayong ang panganib ay hindi kalayuan sa aming lahat.



Maaari ngang maging tulong ang galit ng kulog at kidlat gayon na rin ang kadiliman at ulan subalit hindi para sa barkong aming sasakyan.



Sa maingat na pagkilos ay nakasakay kami nang ligtas. Aming pinauna na ang ilang tauhan samantala ay pinili nina Manuel at Rosca na siguraduhin na ang bagyo'y hindi sa plano namin makahaharang. Handa nang magpahayag ng hudyat ng paglalayag si Manuel nang humahangos na lumapit sa amin si Rosca.



"Madali ka, Manuel. Tila tayo'y binaliktad ng isa sa ating mga kasamahan. Nakatunog na ang mga Castrinian. Kinakailangan na nating umalis!"



"Ano?! Paanong?!"



"Inaasahan na ito ng Ginoong Kanyo kung kaya't pati ang buong balay mangangalakal ay nakatakdang lumikas sa silangang tarangkahan ng isla," pagsiwalat ni Rosca ng tunay na balak ng pinuno.



Mga kasagutan man niya'y nagkukulang ay magmamadaling inalo ko muna ang aking pamangkin sa ilalim ng barko kung saan naroroon ang aming mga kagamitan at magiging tulugan. Walang salitang lumabas sa aking bibig at hinayaan kong ang aking mga mata ang magpahiwatig sa kanya na siya'y tumahimik. Tanging pagtango niya ang siyang aking naging senyales upang ako'y magbalik sa itaas at sumama sa diskusyon ng aking mga kasama.



"Papaano ang mga panauhing naroroon sa bayan?" kwestiyon ko nang maabutan ko ang unang pagkilos ng barko papalayo sa pier. Maliksi kong ibinalanse ang aking katawan at pinuslit mula sa aking nakapusod na buhok ang payneta inihandog sa akin ng mga bai.



Mas mabuti na ang nakahanda sa kahit anong mangyari.



"Hindi sasaktan ng mga Castrinian ang mga matitira lalo na't naroroon ang iba't ibang klase ng mga dayuhan. Hindi nila maaatim na isaalang-alang ang alyansa sa iba pang mga bansa para lamang sa mga puganteng kanilang pinaghahahanap," mariing wika ni Astor habang sabay kaming lumapit sa gilid ng barko at pinagmasdan ang mga Castriniang matalim din ang pagmata sa bawat metrong aming inilalayo.



Bakas sa kanilang mga reaksyon ang panghihinayang na kami'y kanilang hinayaang makatakas. Subalit sadyang hindi basta-basta nagpapatalo ang kanilang lahi at nasaksihan pa ng aming mga mata kung papaanong naghahanda ang ilan sa mga ito sa muling paglalayag.



Sila ba'y nahihibang? Hindi nila kakayanin kung may ilalakas pa ang bagyong isinumpa ngayong gabi. Wala silang dragong maglilipad sila palayo sa malalakas na hampas ng mga alon. Bakit tila isang malaking papremyo ang aming pagkahuli sa kanila? Ano ba ang iniatang sa aming mga ulo at sila'y handang magbuwis ng kanilang buhay?



Malakas akong inihatak ni Astor mula sa bingit ng barko. "Huwag ka nang masurpresa pa. Ang aking hula ay may kutob na ang mga taga-imperyo na ang kanilang mga nakalaban sa kabundukan ay pawang mga kakaibang mga Aldrinian. Ano pa nga ba't tanging mga Abrias lamang ang maaaring makaligtas at makapagtago nang ganoong kay tagal," pagmumulat nito sa akin kay gulong kaisipan.



Mahabaging mga bathala at mga bathaluman. Pati ang ngalan ng aming samahan ay ngayong nabunyag muli sa karamihan nang dahil sa aming mga pagkukulang. Hindi na lamang kami ngayon ang nanganganib kundi ang iba pang namumuhay nang mapayapa sa iba't ibang panig ng mundo.



Hindi maaari.



"Bian! Ano ang iyong ginagawa?!"



Mga mahal kong mga Portellum. Kayo'y magningas muli at ipakita ang inyong mga sarili sa akin. Nais kong ipaubaya ninyo sa akin ang alab ng inyong kapangyarihan at ipamalas ito sa nanlalabis na mananakop.



"Ginagamit niya ang mga Portellum, Astor! Lumayo ka sa kaniya!"



"Ikapapahamak mo kung ika'y lalapit sa kaniya!"



Paunti-unti ay naramdaman kong muli ang nagliliyab na apoy sa bawat sulok ng aking mga ugat. Animo'y pinapandamay ng nag-iinit na mga baga ang aking mga braso't mga binti kung saan unang ipinataw ang mga batuk sa akin. Ang pagkakaiba lamang ay hindi na sakit ang inihahandog nito sa akin kundi lakas at kakaibang pagpupursigi. Ang dati'y hapdi ay napalitan ng pagpapatibay sa aking kalamnan at katawan. Dahan-dahan kong itinaas ang aking mga bisig at doon ay batid ko ang pagdaloy ng elementong sa akin iginawad bilang aking maging katuwang habangbuhay.



Hawakan mo ang barkong lulan nila at lumikha ng harang sa pagitan ng mga mamamayan at ng mga kalabang nais manakit sa kanila. Manatili at huwag padaig sa bagyong paparating hangga't hindi pa nakakalilikas ang lahat.



Sa paghugis at pagporma ng apoy mula sa aking mga braso ay doon nagsimulang matakot ang bawat butil ng ulan. Ako'y nilayuan nito at hindi nagtangkang lumapit sa abang liwanag na sa aki'y bumabalot. Iwinaksi ko ang apoy na aking dala sa direksyon kung nasaan ang islang aking nakikini-kinita pa. Mabilis at maagap na kumilos ang apoy mula sa akin papunta sa aking mga itinutukoy. Utos ko dito'y kanyang isinakatuparan nang hindi man lamang nagpasindak sa ulang buhat ng bagyo.



"Ba't hindi pa natin kumpirmahin ang kanilang hinala? Hindi ba't hindi rin naman sila titigil hanggang hindi napapatunayan ang nais nilang paniwalaan? Nang sa gayon ay mahagkan naman sila ng kakaibang takot at pagkasindak sa kakayahan na taglay nating mga Abrias." 



****


-T A L A S A L I T A A N-

AZUE RAMA

Nangangahulugang kuya o nakatatandang kapatid na emperador o hari. Isang terminong ginagamit ng mga nakababatang kapatid ng kasalukuyang pinuno ng isang bansa o imperyo.

AENIPSIA

Terminong nangangahulugang pamangkin sa kanilang babae. Ito ay ginagamit mapa-babae o mapa-lalaki ang tinutukoy na pamangkin ng nagsasalita.

BALAY NG FARMENIA

Ang tinaguriang balay ng karunungan at kaalaman. Ito ang siyang nagbunga ng pinakamahuhusay na mag-aaral at iskolar ng imperyo. Hawak ng kanilang kapangyarihan ang bawat paaralan sa Castrinya at pinapahalagahan nila ang edukasyon at karunungan mula pa sa kanilang mga ninuno. Sinasabing kung wala ang kanilang husay sa mga taktika at istratehiya ay hindi magwawagi ang mga Conwynra sa sinaunang digmaan. Dulot ng kanilang malaking kontribusyon sa imperyo at bawat desisyon ng emperador, madalas na rito nanggagaling ang mga naging emperatris ng Castrinya. Sila man ay minamata ng ilang balay, patuloy silang binibigyang proteksyon ng Balay ng Conwynra dulot ng matagal nang samahan at pagkakabuklod ng dugo. Sila ang tagapangalaga ng Libro ng Iluminara, ang librong handog mismo ng diyosa ng karunungan na siyang naglalaman ng lahat kasaysayan, propesiya, at kaalaman sa mundo. Isa rin itong susi upang samuhin ang diyosa ng karunungan para sa kahit anong katanungan. Gayunpaman, maaari lamang gamitin ang kakayahang ito isang beses sa dalawang dekada.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top