K A B A N A T A - XIV



XIV



ANDREAS



"Kamangha-mangha. May mga Aldriniang hindi pa rin nadadakip ng ating kapita-pitagang si Prinsepe Zannanza?" aking komento nang marinig ko ang ulat ni Kapitan Carlos na aking itinalaga sa Aldrina upang magmatyag ng mga ikinikilos ng aking kapatid sa bansang kanya ngayong pinamamahalaan tulad ng kanyang nais.



Hindi ko lubos maisip na ang madalas na bukambibig bilang matalino at wais ay hindi man lamang magawang makahuli ng mumunting mga pugante. Hindi ko maiwasan ang mapangisi sa ganitong klase ng balita sa pagsikat pa lamang ng araw. Sa kabilang banda, ako'y nahihiwagaan ukol sa mga Aldriniang nakatakas sa mga kamay ng aming mga kawal. Anim na taon silang naglaho matapos ng pananakop ngunit sila'y namataan lamang nang suyurin ang mga kabundukang natatakpan ng matinding usok at hamog.



Hindi kaya'y... mga Abrias?



"Azue Rama!"



"Prinsesa Eloisa, ano't naparito ka? Hindi ba dapat ika'y nasa kastilyo ng iyong bana at inaalagaan ang aking mahal na aenipsia?" usisa ko nang mamataan ko ang kanyang pagpasok mula sa kadulu-duluhang mga malalaking pinto ng punong bulwagan. Nagsibigay galang naman ang mga kawal at ang ilang mga opisyal na aking kasama sa umagang ito upang mag-ulat.



Bakit ba tila sa tuwing nababanggit si Zannanza sa pinag-uusapan ay laging na lamang siyang sumusulpot mula sa kung saan?



"Totoo ba ang nakasulat sa telegrama ni Zannanza? Nawawala pa rin si Preia?" bungad nitong tanong sa akin nang siya'y makalapit sa malawak na pedestal kung saan namamahinga ang ang tronong aking kinauupuan. May kung anong pangamba ang nakapinta sa kanyang mukha na hindi ko nais na makita. Lalo na at alam kong babalikan na naman naming muli ang walang katapusang usapin ukol sa kanyang matagal nang kaibigan.



Pasimpleng naipairap na lamang ako sapagkat batid ko na ang kapupuntahan nito. Binigyang makahalugan ko ng sulyap ang mga opisyal na pawang nakatayo at naghihintay matapos ang aming usapang magkapatid. Senyas na kinakailangan muna nila akong iwanan at ang aking kapatid upang makapag-usap sandali.



Agad naman nila itong naintindihan at isinakatuparan kung kaya't nagsimula na rin akong tumugon sa pang-uusisa ni Eloisa. "Ayon sa mga ulat, kasama niyang nagkubli ng anim na taon ang mga Aldriniang nakatakas noong araw ng pagkubkob. Sa ngayon ay pinaghahahanap pa rin siya pati na rin ang mga tumulong sa kanya."



"At sa oras na iyo siyang mahanap?"



Mariin kong itinikom ang aking bibig. Ganito ang palagian kong ginagawa sa tuwing ang kanyang hinahangad na kasagutan ay ang maaaring pinakasusuklaman niyang mga kataga. Ngunit ano nga ba ang aking magagawa? Ang hayaan ang Prinsesa Preia na mabuhay sa pagkakaalam na ang poot nito sa akin ay siyang maaaring mag-udyok sa kanya upang maghiganti at bawiin ang kaharian na ilang taon ko pa lamang napapakinabangan nang lubusan? Ang pinakamalala pang kahitnatnatan nito ay ang hangarin ng kay liit na bansang iyon ang buhay ko, ako na siyang kasalukuyang emperador ng malawak na imperyong ito.



Walang pag-asa para sa Aldrina ang dapat pang mabuhay.



Ito ay hindi lamang para sa akin o sa mga mamamayang aking ibig pangalagaan. Ito rin ay para sa iyo, aking mahal na kapatid. Tingin mo ba'y tatanggapin ka pa rin ng prinsesang iyon gayong batid niya na ang iyong mga kadugo ang siyang kumitil sa buhay ng kanyang pamilya at kumuha ng tronong dapat kayo'y nasa kanya?



Hindi madaling pagkatiwalaan ang pagkakaibigang nabuo na nang kay tagal kung isang trahedya ukol sa pamilya't nasasakupan ang pinag-uusapan/



"Azue, aking inuulit ang katanungan. Ano ang magiging kapalaran ng Prinsesa Preia kapag siya'y inyong nabihag?" pagmamatigas ni Eloisa.



Alam ko kung gaano niya minamahal ang matagal nang kaibigan ngunit ang aking pag-ibig para sa aking tinubuang lupa ay mas higit na mahalaga. Hindi ko hahayaang ang mumunting prinsesa ng mga alipin ang maging hadlang hindi lamang sa pagpapalawak ng aming teritoryo kundi pati na rin sa aking paghahanap sa mga Abrias.



Upang maiwasan na maimpluwensyahan niya ang aking desisyon ay tumayo na ako mula sa aking trono at nagdesisyong tunguhin ang labasan ng punong bulwagan. Sa paggawad ng mga kawal ng aking daraanan ay isang malakas na sigaw ang aking narinig. Kay lakas ito'y sapat na upang ako'y mapatigil. Pagsigaw na kahit kailan ay hindi pinahintulutan gawin ng isang prinsesa liban na lamang kung siya'y nasa bingit ng kapahamakan.



At ngayon, ang sariling kong irmanang prinsesa ang gumagawa nito.



"Huwag mo akong biguin, azue!"



Patawad.



Ang atin ngang ina ay hindi naiwasan akong biguin. Paano mo pa magagawang sa akin ay magtiwala para sa buhay nang hindi ko naman kaano-ano at kakilala? Patawad ngunit hindi laging sa lahat ng pagkakataon ay makakaya kitang pagbigyan sa nais mo, mahal ko. Ako'y isang emperador ng imperyo bago iyong nakatatandang kapatid. Ito ang siyang kasagutan ko sa iyong hiling sa akin.



...



"Kung hindi natin tutuparin ang petisyon ng mga castre ay mawawala ang kanilang tiwala sa ating pamamahala! Pamamahalang kay tagal nang nabubuhay simula pa lamang sa ating mga ninuno!"



"Paano mo naiisip na unahin ang mga castreng may sariling lupain kaysa sa mga taong wala ng makain at patuloy na nagugutom ngayong nagsimula na ang panahon ng tagsalat!?"



"Kapag inuna ba natin ang mga nasa ibaba ng sistemang ito ay may makukuhang sapat na kasaganahan ang ating imperyo? Hindi ba't wala?"



Kung minsan ay napapaisip ako. Ito nga ba ang siyang kapalit ng lahat ng paghihirap na ginawa namin ng aking ama upang mahulog sa aming mga kamay ang korona ng Castrinya. Iniibig ko ang aking bansa ngunit hindi ang mga opisyales na ito na ang tanging alam gawin ay ang magtalo nang walang humpay sa araw-araw na lamang na ginawa ng mga bathala't bathlamuman.



"Tahimik!"



At tulad na rin ng bawat araw, ito ang salitang hindi ko nakalilimutang banggitin sa oras na sila'y tila nawawalan na ng kontrol sa kanilang mga sarili. Kay lakas ng loob na magbanggit ng ikabubuti ng mga mamamayan o ng kanilang sarili samantalang ang tanging kanilang ginagawa ay ang magbatuhan ng argumentong kung minsa'y walang kabuluhan. Sa bawat oras na kanilang ginagamit upang dumakdak ay may mga inosente akong mga mamamayan na nailalagay sa bingit ng kamatayan.



Mariin ko silang tiningnan isa-isa. Tiniyak kong puno ng awtoridad ang aking mga mata. Kalabisan kung pati ang pagdanak ng dugo'y aking dadalhin pa rito sa silid ng konseho. "Kung maaari lamang ay nais kong itikom ninyo ang inyong mga bibig dahil kakaunti na lamang ang pasensyang natitira sa akin. Kung hindi ay baka sa piitan ninyo danasin ang gabi."



Mabilis na napaurong ang kanilang mga dilang walang kapaguran kani-kanina lamang. Sinong mag-aakala na ang kapalarang tatahakin ng buong imperyo at aming mga nasasakupan ay nakasalalay din sa mga kamay ng mga nilalang na ito? Halos tatlong beses ang kanilang tanda sa akin at kung tutuusin ay puros walang katuturan ang kanilang tinuturan.



"Ministro Romero ng Balay ng Farmenia, gaano kalala ang tagsalat at ilang bayan na ang naaapektuhan nito?" pagtawag ko sa isa sa mga miyembro ng konseho na kahit papaano ay tiwala akong kahit kailan ay hindi makikisali sa walang kabuluhang mga pag-uusap at debate. Walang emperador sa kasaysayan ang nangamatay sa digmaan o hindi kaya'y sa pagtataksil gamit ang talino at karunungan ng kanilang angkan.



Mahinang napabuga ng hangin ang nakatatanda at tumikhim matapos ang halos kalahating oras na pananahimik sa pagitan ng pagtatalo ng lahat. "Sa ngayon ay dalawang bayan pa lamang sa silangan ang naaapektuhan. Mas mabilis na nasisira ang mga pangunahin nating inaani sa mga lupain na iyon. Kung tatagal na tayo'y wala pa ring solusyon ay maapektuhan na rin nila ang iba pang karatig bayan," sagot nito.



"Kung sakaling maging kritikal ang sitwasyon ay handa na ang mga Griyeves upang magpadala ng mga tauhan na makikipagnegosasyon sa Ocusmea at Selandre," segunda ng pinuno ng mga Griyeves, balay ng agrikultura at pangangalaga sa kalikasan, Ministro Abe.



Nagbalikan ng pasikretong ngiti ang matagal nang magkaibigan na mga ministro at hindi iyon basta-basta nakawala sa aking pag-oobserba rito sa silid ng konseho. Samantala ay bahagyang inihampas ng ministro mula sa balay ng mga Octandores ang kanyang kamay sa malawak na bilugang lamesang nagbubuklod sa bawat miyembro.



"Aba't dapat lamang, Abe. Lalo na at kami'y namomblema rin sa isang bagay na ikaw dapat ang nag-aasikaso at gumagawa ng paraan," ani nito.



Abang napatahimik naman ang ministro ng agrikultura. Kilalang kay dunong din tulad ng kanyang kaibigan mula sa Farmenia ngunit hindi ito kasing tapang at kasing direkta nito kung manabla ng salitang nanggagaling sa bibig ng mga bara-bara.



Upang matapos na ang kanilang mga kanya-kanyang batuhan ng saloobin ay ako na ang nagdesisyong magsabi naman ng sa akin. "Mga karespe-respetadong mga miyembro ng konseho, pakinggan niyo ang aking iaatas sa inyo. Griyeves, nais kong magpadala ka ng mga ambasador sa Ocusmea at Selandre sa oras na madagdagan ang bilang ng probinsyang nasasalanta ng tagsalat," pauna ko.



Walang pagtutol naman itong yumuko sa akin, siyang simbolo bilang pagsang-ayon niya sa akin. Sunod kong pinagtuunan ng tingin ang tingin ko'y hindi na magbabago pang pinuno ng balay ng mga mandirigma. "Octandores."



"Kamahalan."



"Nakarating sa akin na ang ilan sa mga tauhang nakatalaga sa Aldrina ay naroroon sa Selandre alinsunod sa pinag-uutos ni Prinsepe Zannanza sa paghahanap ng mga puganteng Aldrinian. Kung maaari ay samahan ninyo ang mga Griyeves sa paglalakbay nang sa ganoon ay maipaalam sa Selandre na atin nang binabawi ang awtoridad sa isla. Maliban dito, mabuti na ring kayo'y tumulong sa paghahanap sa mga puganteng pinaghahahanap."



Ibig man sanang tumanggi ay wala na rin itong nagawa nang ako na mismo ang nagdiin ng kautusan. Palihim na nagporma ng mga maliliit na ngiti ang ilang mga ministro. Ang mga susunod na araw na hindi nila kinakailangang makasalamuha ang aroganteng ministro ng depensa at seguridad ay tiyak na nangangahulugan ng kasiyahan at kapayapaan para sa kanila.



Matapos ng ilan pang diskusyon ukol sa iba pang suliranin ng imperyo ay natapos naman nang matiwasay ang pagpupulong ng konseho. Sa aking paglabas ay agad kong napansin na tila may hinahanap ang pares ng mga mata ng heneral na nito ko lamang ipinadala sa habong ng aking pangatlong asawa.



"Mahal na emperador!" bulalas nito nang ako'y kanyang natagpuan.



Sa paghinto ko sa aking paglalakad ay siyang paghinto rin ng mga tagapagsilbing nakasunod sa aking likuran. Pasensyosong aking hinintay ang kanyang paglapit. Tulad na lang nang buong pasensya akong naghihintay ng magandang balita mula sa seraglio ng aking mga asawa. Walong taon na nang ako'y tumanggap ng mga mapapangasawang aking mailalagay sa sariling seraglio ngunit wala pa rin sa kanila ang nakapagbibigay sa akin ng prinsepeng tagapagmana.



Kung hindi na naman papalarin ang panganganak ng aking pangatlong asawa sa araw na ito ay madaragdagan na naman ng isa ang bilang ng kasalukuyang dalawang prinsesa. Kapaki-pakinabang ang mga prinsesa kung sa pagpapatibay ng relasyon sa iba pang mga kaalyadong bansa ngunit ang ang aking kailangan ay isang prinsepeng makapagpapasolido ng aking posisyon bilang pinuno ng kalupaan at hindi alyansa. Karapat-dapat lamang na masilayan ng aking mga nasasakupan na may isang dugong bughaw na hahalili sa akin kung sakaling may hindi inaasahang mangyari.



Sa kanyang pagdating sa aking harapan ay mabilis ko nang itinapon ang katanungan palagian na lamang nabibigyan ng nakabibigong kasagutan. "Ano ang kasarian ng aking kasisilang lamang na anak?"



Gayunpaman ay tila napiping hindi nakapagsalita ang heneral. Dito pa lamang ay aking napagtanto na na isa na namang kabiguang muli ang kasagutan. Muli na namang isang prinsesa ang isinilang sa Balay ng Conwynra na siyang aking hindi ikinatutuwa. Kung kaya't bago ko pa man marinig ang mga kuro-kuro ng mga opisyal na naririto sa kastilyo ay ako'y humakbang na papunta sa aking abang opisina.



"Kamahalan! Hindi niyo man lang po ba dadalawin ang bagong prinsesa?" suhestiyon ni Heneral Erios nang kanyang habulin ang aking mga hakbang sa paglalakad.



"Anong saysay ng panibagong prinsesa kung siya'y magdudulot lamang ng kahihiyan sa trono ng kanyang ama?" aking tugon na siyang nakapagpatapos sa aming usapan. Kalaunan ay hindi na muling binanggit pa ng sundalo ang tungkol sa balita at walang imik na lamang na sumunod sa akin kasama ng aking mga tagapagsilbi.



Mga walang silbing mga babae ng seraglio.



Patuloy lamang nilang niyuyurakan ang ngalan ng aking angkan na aking lubos na pinakaiingatan.



****


-T A L A S A L I T A A N-

BALAY NG CONWYNRA

Ang namumunong pamilya sa siyam na pamilyang bumubuo sa punong konseho ng Castrinya. Ang mga miyembro lamang ng balay na ito ang maaaring hiranging emperador ng imperyo. Sakop ng kanilang teritoryo ang buong kapitolyo at kadulu-duluhan ng kapitolyo naman nakatayo ang kastilyo ng Conwynra kung saan nakatira ang halos lahat ng miyembro ng kanilang angkan. Sila'y kilalang matatalino, may malawak na impluwensya, makarisma, at mahuhusay na pinuno. Pinakaiingatan ng kanilang pamilya ang kayamanang, Ginintuang Setro. Ang setrong ito ay may kakayahang protektahan ang kahit na sinong karapatdapat na miyembro ng pamilya at ang mga teritoryo ng nito. Ito rin ang siyang pangunahing nagbibigay proteksyon sa iba pang kayamanan upang ang mga ito'y hindi mapasakamay sa mga hindi karapatdapat.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top