K A B A N A T A - XII


XII



"Ipaiiwan natin si Antonio sa balay ng kanyang mga kalaro kung kaya't wala ka dapat ipag-alala," pang-ilang beses nang paninigurado sa akin ni Astor sa pagitan ng aming paghahanda. Hindi ko naman maiwasan na pagmasdan ang aking pamangkin habang masayang ibinabalot ang ilan sa kanyang mga gamit bago kami umalis.



Bilang tatlong araw ang kailangan namin ilagi rito sa Selandre, kinakailangan namin na madulutan ng resolusyon ang kahit anong maaaring maging pagdududa sa amin ng kahit na sino. Mula sa kung sino kami, saan kami galing, at kung ano ang relasyon namin sa isa't isa.



Napabuntong hininga na lamang ako matapos kong ipusod ang aking buhok gamit ang kulay rosas na laso sa harapan ng salamin. "Tila hindi matanggal ang ngisi sa iyong mukha," pagpuna ko sa lalaking namamangha akong tinitingnan.



Tulad ng dati'y napatawa na naman itong muli. "Sadyang hindi ko lamang aakalain na masisilayan kong muli si Biancasta. Kay dalang lamang niyang lumalabas." Matapos ng kanyang sinabi ay bumalik na siya sa pag-aayos ng kanyang lalagyanan ng gamit at ako nama'y napailing-iling na lahat sa kinahitnatan ng aming pag-uusap kagabi.



Nagkasundo kami na parehas kaming magtrabaho sa mangangalakal na siyang tumulong kay Astor nang kami'y dito ihatid ng kanyang mga pakpak. Ito ay sa pag-asang mas matutulungan namin ang isa't isa sa pagkukubli ng totoo naming pagkakakilanlan at pagkuha ng impormasyon kaysa isaalang-alang ang isang buhay sa pagkakatuklas at kapahamakan sa teritoryo ng isang taong hindi naman namin lubos na kakilala.



"Sa oras na tayo'y makarating doon, sigurado akong mga gawaing pambabae ang kanilang ipagagawa sa iyo. Tulad ng paghahabi, pagluluto, pagbibigay ng tubig at pagkain sa aming mga trabahador, at iba pa. Makakaya mo ba?"



Sa katanungan niya ay naging pagkakataon ko naman ang ngumisi. Ano ba sa tingin niya ang aking mga pinaggagagawa bago ako nagdesisyong makiisa sa Abrias? Akala ba niya'y namuhay ako bilang prinsesa na pinaglilingkuran ng kanyang mga dama?



"Mas babae pa ako kaysa sa iyong tingin, maniwala ka," at abang isinuksok ko sa lagayan nito ang punyal na aking ikukubli sa ilalim ng mahabang palda. Sa haba ng kasuotang ito ay walang maghihinalang may mga patalim akong nakapulupot sa aking mga binti. Kahit papaano ay napapadali ng aking pagiging babae ang ilang mga bagay-bagay para sa akin.



May nakapanglolokong ngiting tumango-tango na lamang ang aking kasamahan na siyang ikinairap ko dulot ng napakahirap niya kung minsang basahin. Tingin ko'y 'di na mawawala ang kanyang pang-aasar sa akin ngayong kinakailangan naming magpanggap bilang magkapatid na nagmula sa Ocusmea.



Nakahanda na ang papeles at wala naman gaanong iibahin kung sa usapan ng ngalan at ang relasyon ko kay Antonio. Ayon nga lamang sa aming gagawing salaysay ay matagal nang yumao ang ama't ina nito mula sa isang bagyo sa karagatan.



"Tayo na."



"Susunod ako," baling ko kay Astor na mabilis na ring lumabas ng silid.



Samantala, ibinalik ko ang aking tingin sa malaking salamin. Anuman ang kasarian, ang pag-aalala ko'y bakas nab akas pa rin. Hindi lamang para sa amin at sa Abrias kundi pati na rin kay Prinsesa Preia at sa punyal na aking nawala. Hanggang ngayon ay wala pa ring ulat ukol sa prinsesang nawala rin mismo sa gabing pinaslang ang aking ate. Wala sinuman ang nakaaalam. Habang ang punyal na ipinagkaloob pa sa akin noon ng pinuno ay tila naiwan ko kastilyo ng Aldrina noong aking naka-engkwentro ang noo'y prinsepe ng imperyo.



Magtiwala ka lamang, Bian. Lahat ay mahuhulog din sa kani-kanilang nararapat na kalugaran. Kaunti tiyaga at pagtitiis lamang at ito rin ay iyong makakamtan balang araw.



...



"Kung ganoon ay lilisanin niyo na rin ang isla sa araw matapos ng kinabukasan?" tanong sa akin ni Zelda na isa sa mga babaeng anak ng Ginoong Kanyo, ang pinuno ng mga mangangalakal na tumulong at tumanggap kay Astor nang kami'y dito dalhin ng kanyang mga pakpak.



Tila mabilis akong nagustuhan ng kanyang mga anak kung kaya't imbes na pisikal na trabaho, hiningian na lamang ako ng ginoo ng pabor na samahan palagian ang kanyang mga anak nang sa gayon ay hindi ito laging naiinip sa tuwing kanyang binibisita.



"Ganoon na nga po, Bai Zelda."



Nagsisimangutan naman ang tatlong kababaihan sa aking pagkumpirma. Simula nang ako'y dito italaga sa kanilang silid hanggang sa ngayon na nalalapit na ang paglubog ng araw, maaari kong masabi na na tunay nilang tinatangi ang aking kapanalig na ngayo'y nagpapanggap bilang aking kapatid. At bilang nagpapanggap din niyang irmana, kinakailangan kong sagutin ang kanilang mga pang-uusisa tungkol sa kanya.



Ano ba ang pinaggagagawa ni Astor noong mga araw na ako'y nahihimbing at ganito kadeterminado ang mga bai sa pagkilala sa kanya ng lubusan?



Nailapag nang marahas ni Bai Seran ang kanyang ibinuburda sa lamesa. "Ngunit Casta! Maaari mo siyang kumbinsihin na magtagal pa ng ilang araw, hindi ba?" suhestiyon nito na siyang nakapagpabuhay loob pa sa dalawa.



Hindi nila batid ang kanilang ibig hilingin sa akin. Kung kami'y magtatagal pa rito ay tiyak na sila'y mapapahamak din. Hindi namin maaatim na mailagay din sila sa panganib nang dahil lamang sa nais nilang mapalapit sa amin.



Nangingiting itinuloy ko na lamang ang pagsusuklay sa mahaba at ginintuang buhok ni Bai Ora gamit ang paynetang iniregalo sa kanya ng kanyang ama kaninang umaga. "Ikinalulungkot kong sabihin na hindi madaling baguhin ang isip ng aking azue."



"E! Subalit paano na kami? Ngayon ka lamang nakasama, Casta."



"Siyang tunay! Hindi namin nais na maiwan sa mga kadalagahan na hangad lamang sa amin ay impluwensya at yaman nang dahil sa aming amang mangangalakal."



"Aking mga kapatid, bigyan niyo siya ng pagkakataong magsalita," pag-awat ni Bai Zelda sa kanyang mga kapatid na siyang ikinatahimik nga nila. Nagsibalikan naman sila sa kani-kanilang mga pambabaeng gawain kung kaya't kahit papaano ay napanatag na ako. Lalo na't base sa kanilang reaksyon ay hindi nila kami nais basta-basta pakawalan.



Ibinaba ko na ang payneta at ibinaba ang napakagandang buhok ni Bai Ora. "Hindi porket kami'y aalis ay hindi na kaming babalik, mga binibini. Tatanawin naming malaking utang na loob ang inyong pagtulong sa amin nang panghabangbuhay kung kaya't hindi namin matitiis na kayo'y bisitahing muli," paninigurado ko sa kanilang mga saloobin. Kay purong katotohanan ng aking mga sinambit ngunit ang hindi ko batid ay kung pahihintulutan pa kami ng tadhana na buhay na makabalik sa kanilang piling.



"Ipinapangako mo ba iyan, Casta?" Hinarap ako ni Bai Ora at mas lumapit pa sa akin. "Hindi basta-basta tumatanggap ng isang pangako ang mga may dugong mangangalakal na tulad namin ngunit mapanghahawakan ba namin ang iyong salita?" kwestiyon nito sa akin nang may buong sinseridad na bakas sa kanyang mga mata.



Biglang nadapuan ng pangamba ang aking dibdib. May kung anong bigat ang humahatak sa kaloobang kong kay tiyak pa kanina. Bakit ganito ang nadarama ngayo'y kanina ko pa lamang sila nakilala?



Wala sa sariling ako'y napatango at nasilayan ko kung paanong ang simpleng gesturang ito ay nakapagdulot ng kakaibang saya sa mukha ng mga naggagandahang mga bai ng balay na ito.



"O siya't tigilan na natin ang usapan tungkol sa paglisan. Halika, Casta at ikaw naman ang aming aayusan. Mahalagang malaman natin kung ano babagay sa iyong pangkulay para sa pagdiriwang bukas," sabik na pag-alo sa akin ni Bai Seran at hinatak na niya ako nang walang pasabi mula sa aking kinauupuan.



"Ha? Bakit pati ako—"



"May pistang gaganapin bukas. Malamang sa malamang ay may sayawan ding ilulunsad para sa lahat ng kababaihan at kalalakihan! Kaya naman isasama ka rin namin!" paliwanag sa akin ni Bai Zelda at magiliw din siyang humakot ng iba't ibang lalagyanan ng pangkulay at mga aksesorya.



Habang ako'y nagpupumiglas ay abala rin si Bai Ora sa pagkuha ng ilang payneta't mga pantali sa buhok na siyang aking lalong pinanglayuan. Nais ko mang gamitin ang aking tunay na lakas ay hindi ko rin maaaring gamitin. Subalit makatarungan bang ako'y kanilang pag-eksperimentuhan para sa pista kinabukasan?



"Huwag kang mag-alala. Sisiguraduhin naming magiging kaakit-akit ka rin sa mga makikisig na ginoo bukas!"



Ngunit hindi iyon ang aking inaaalala.



Sa bandang huli ay wala na akong nagawa pa sa kanilang mga nakaambang mga balak. Sadyang ako'y kanilang pinagtulung-tulungan na ako'y halos hindi makagalaw sa aking ngayo'y kinauupuan. Ilang beses nilang pinahiran ng kung anu-ano ang aking mukha na tila ba ako'y kanilang pinipinturahan. Ang iba ay makati sa balat at ang natitira naman'y hindi bagay sa aking kulay.



Habang sila'y nagkakasiyahan sa pag-aayos sa akin ay isang humahangos na tagapagsilbi ng sambahayan ang pumasok na lamang nang walang pahintulot sa silid na aming kinaroroonan. Agad itong lumuhod at yumuko sa harap ng mga bai at saka nauutal na nag-ulat ng kanyang pakay. "B-Bai!"



"Ano ang iyong kailangan? Bakit tila ika'y hinahabol ng kung ano?"



"Ang inyong ama! A-Ang inyong ama, mga bai!"



Gumawa ng nakaririnding ingay ang pagkabasag ng salaming kanina'y hawak ni Bai Ora sa pagkakahulog nito sa sahig. "Ano ang nangyari sa aming ama?"



"Dumaong ang barko ng imperyo at laon nito ang isa sa kanilang mga heneral. Kinuha nila ang inyong ama nang walang kasamang kahit na sinong tauhan natin!"



"Ano?" nabulalas ko na lamang.



Naririto ang mga Castrinian? At bakit naririto rin ang isa sa kanilang mga heneral? Ngayon na nga ba ang aking kinakatakutang pagbawi nila sa islang kanilang inabandona? Ngunit bakit ngayon pa? Bakit nila kailangan ang ama ng sambahayan na ito? Bakit nila siya kinuha nang walang kahit sinong kasamang tauhan niya? Ano na naman ang kanilang binabalak?



At doon ay may pumasok na ideya sa aking isipan na halos magbigay sa akin ng dahilan upang mangilabot. Agad na dumaloy sa aking dugo na lisanin ang balay at balikan si Antonio. Halos nais kong mapapikit nang maisip ko pa ang pinakamalalang maaaring maging kahinatnatan nito.



Hindi kaya'y naiulat na kami ng mga Castriniang kawal na nakakita sa amin sa kabundukan? Hindi kaya'y pinahahahanap na nila kami? Paano... Paano kung napag-alaman nilang nandirito kami at kami'y nasa ilalim ng pangangalaga ng Ginoong Kanyo? Pati ba ang mga inosenteng mamamayan na naririto ay madadamay?



****


-T A L A S A L I T A A N-

PAYNETA

Tumutukoy sa kagamitang ginagamit sa buhok o kilala sa tawag na suklay.

BAI

Katawagan o hindi kaya'y ngalang idinurugtong sa unahan ng ngalan ng isang dalaga. Ito ay ginagamit lamang kung tumutukoy sa isang babaeng hindi kakilala o kung nais banggitin ang ngalan ng isang binibining nagmula sa isang kilalang pamilya o mataas na antas ng lipunan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top