K A B A N A T A - VIII



VIII



ANDREAS



"Mahal na emperador, bakit nilisan mo ang pagdiriwang at hawak-hawak na naman ang punyal na iyan? Simula nang magbalik ka mula sa Aldrina ay palagian mo na lamang hawak iyan," ani ng aking kapatid nang makalapit siya sa aking kinatatayuang balkonahe.



Nasa may kalayuan man ang balkonaheng aking napili, abot pa rin sa aking pandinig ang malakas ng orkestra ng musika mula sa punong bulwagan. Punong bulwagan na noong nakaraan lang ay binaha ng dugo ng mga kawal, ministro, at higit sa lahat ng aking tiyong emperador.



Tila ba naging isang saglit na panahon lang ang pagkamatay nito at agad na napalitan na ng kasiyahan ang buong imperyong minsan niyang pinamunuan.



Iyong nakikita na ba, tiyo? Ganito kalamlam ang pag-iisip at pakiramdam ng mga mamamayang sinasabi mong inosente at walang kamuwang-muwang.



Sa pang-ilang beses ay iniabot ko sa aking bibig ang kupita at uminom muli rito. Sa pagbaba ko nito, napansin kong kanya pa rin akong pinagmamasdan nang mataimtim. "Bakit ikaw, aking irmana? Bakit ba hilig mo ang gambalain ako sa tuwing ako'y nag-iisa?"



Nagpakawala naman ito ng malakas na pagbuntong hininga. "Masama na bang ituring ang pagdalaw sa aking kapatid? Hindi sana kita gagambalain kung hindi mo ipinadala si Zannanza sa Aldrina upang maging gobernador heneral," mapagtampong sagot nito sa akin.



Halos ako'y mapatawa sa inasta ng aking pinakanakababatang kapatid. May asawa at anak na nga siya ngunit hindi nawawala ang kanyang pagkakilos-bata.



At ang pinaka-importante sa lahat ay isa siya sa mga taong kahit kailan ay hindi ako nilisan. Bagkus, nanatili pang matibay sa aking tabi upang ako'y laging suportahan.



"Si Zannanza mismo ang nag-alok ng kanyang serbisyo sa bagong kolonya, Katalina. Isa pa, tingin ko'y batid niyang lubusan na hindi ko ibig na nakikita ang kanyang pagmumukha rito sa kastilyo araw-araw."



"Aish. Magkaiba man ang inyong naging ina, siya'y iyong nakababatang kapatid pa rin, Azue," pangangaral muli ni Eloisa sa akin.



Hindi ko tuloy maiwasang pumairap. Sapagkat sa tuwing nababanggit ang ngalan ng lalaking iyon, hindi na muling titigil pa ang bibig ng aking irmana upang ako'y kumbinsihin na makipag-ayos dito.



Matagal nang kupas ang poot na noon ay sa kanya ko ibinaling. Ngunit ang kalakasan upang magpatawad ay sadyang kay tagal dumating sa akin.



Kahit kailan ay hindi naging madali tanggapin ang taong bunga ng pagtataksil ng aking ama at ng pinakamatalik na kaibigan ng aking ina. Kung hindi dahil sa kanyang eksistensya, marahil ay hindi lilisanin ni ina ang aming sambahayan upang tuluyan na ring isakatuparan ang matagal na niyang pagnanais na makasama ang lalaking tunay niyang minamahal.



"Imbes na sinasayang ang iyong oras kasama ang walang kwentang kausap mong azue, tingin ko'y mas mabuting bumalik ka na sa pagdiriwang at makihalubilo sa iba pang mga castre," alok ko sa kanya alang-alang sa kapanatagan ng aking isip.



Mahihirapan lamang akong bumuo ng mga susunod na hakbang para sa aking plano kung nandirito siya. Imposibleng may dumaong na ideya sa akin ukol sa susunod na pananakop kung ako'y mababagabag na katakutan ako ng aking sariling kapatid.



Kilala man akong malupit at walang awa ng lahat, sapat na sa akin na tinitingala at pinagkakatiwalaan ako ni Katalina. Siya na lamang ang natitirang pamilya kong maituturing ngayong namayapa na rin ang aming ama.



Mabilis naman itong tumanggi sa aking alok. "Sapat na sa araw na ito ang pagpapanggap at pagtitimpi sa mga castreng nasa bulwagan. Kung tunay nga akong nakagagambala sa iyo, s-sige... m-marahil ay dapat ko nang tawagin ang aking bana upang bumalik," palabirong tono nito sa kabila ng garalgal na pag-aalinlangan.



"Mag-ingat kayo."



"Azue, ikaw ang nararapat na mag-ingat."



Muli kong nilingon ang aking irmana sa huling pagkakataon bago niya tuluyang lisanin ang palasyo. "Ako ang emperador ng Castrinya. Ano ang dapat kong ikatakot?"



"Ang Abrias, mahal kong kapatid. Ang Abrias," nababahalang sagot niya.



Sa pagbanggit niya ng ngalang hindi ko na nakalimutan pa simula nang ako'y makabalik dito sa aking lupang sinilangan, animo'y nadampian din ako ng pagkabahalang bakas sa kanyang mukha.



Nailipat ko na lang ang aking tingin sa buwang nagliliwanag at nakalutang sa kalangitan habang pinaliligiran ng libu-libong mga tala. "Kung pawang katotohanan nga ang isiniwalat sa akin ng Haring Trevos bago siya malagutan ng hininga, ngayong gabi magaganap ang Seremonya ng Pagkabuhay ng mga Portellum."



Seremonya na siyang mas magpapalakas sa mga hadlang na inakala ko'y napigilan ko na. Ang pagkabigo sa paglupil sa kanilang lahi ang siyang pinakamagiging malaking pangamba sa akin.



Nang dahil sa isang mabisang abiso mula sa hunghang na dating hari, sigurado akong hindi magsasayang ng kahit isang segundo si Zannanza upang alamin ang katotohanan at hanapin nga ang mga Abrias na inakala ng mundo'y naglaho na nang panghabangbuhay.



"Kakatwa. Iyan pa ang iyong naalala sa araw na ito imbes na ang kaarawan ni Reina. Pangambahan mo ang Abrias ngunit 'wag mong kalilimutan ang kamatayan ng iyong unang anak para sa iyo."



Reina...



Mahal kong anak...



May kung anong kirot ang namugto sa aking dibdib maalala lamang ang kanyang imahe at mga araw na siya ay aking kasama. Ilang taon na nang siya'y mamahinga ngunit tila kahapon lamang nang kami'y nagtatawanan.



"Anong ang ibig mong handog para sa iyong ikalimang kaarawan? Alahas? Bulawan? Seda? Mga bagong sapatos? O isla na tanging sa'yo lamang nakapangalan?"



"Ama, wala akong pangangailangan sa kahit isa sa iyong mga sinaad. Malaking pasasalamat na na mabigyan pa ng pangalawang pagkakataong magkaroon ng isang ama. Mas higit na kasiyahan na tulad mo pa ang siyang pinadala sa akin ng maykapal."



Gayunpaman, hanggang ngayo'y pinagsisisihan kong tanggapin ang iyong desisyon na tanggihan ang kahit anong handog para sa iyong kaarawan. Lubos kong pinanghihinayangan na hindi ko na malalagyan pa ng titulo ng prinsesa ang iyong ngalan.



Kung nabigyan lamang sana kita ng kahit anong bagay bago ka namayapa, marahil ay wala dapat akong ikinagigising sa kalagitnaan ng aking pagtulog. Ikaw at ang aking ina ay parating dumadalaw sa pinakamasasamang panaginip na mayroon ako.



Sana nga'y ako'y may nagawa nang sa gayon ay hindi ko nararamdaman ang ganitong sakit. Sapagkat sa mismong araw ng kaarawan mo ay binawi ka ng maykapal na naghatid sa iyo sa aking piling.



Muli ko pa sanang tutuunan ang aking kapatid subalit nang tumama ang aking mga mata sa direksyong kaninang kinatatayuan niya, natagpuan ko na lamang ang aking sarili na nag-iisa sa matahimik na kawalan.



"Mali ako, Reina. Pinaniwala ko ang aking sarili sa isang bagay na ako lamang ang lumikha sa aking isip. Wala naman na talaga akong kahit na sinong madedependahan. Kinuha na ang lahat sa akin. Ang sarili ko na lamang ang pinakamasugid kong kakampi."



****

-T A L A S A L I T A A N-

CASTRE

Katawagan sa mga aristokrato/aristokratang nagmula sa punong kapulungan ng labing dalawang balay ng Castrinya. Ang mga pamilya ng mga ito ay ang siyang nagtaguyod upang maging maunlad at malawak na imperyo ang Castrinya. Ang mga aristokratikong mga ito ay sinasabing may pinakamataas na kaalaman at yaman.

AZUE

Terminong nangangahulugang 'kuya' o hindi kaya'y tumutukoy sa nakatatandang kakilala, kaibigan, at kamag-anak na lalaki sa kanilang mundo. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top